Marcos
8 Nang mga araw na iyon, nang muling magkaroon ng isang malaking pulutong at wala silang makain, tinawag niya ang mga alagad at sinabi sa kanila:+ 2 “Nahahabag+ ako sa pulutong, sapagkat tatlong araw na silang namamalaging kasama ko at wala silang makain; 3 at kung pauuwiin ko sila sa kanilang mga tahanan na nag-aayuno, manghihina sila sa daan. Sa katunayan, ang ilan sa kanila ay mula sa malayo.” 4 Ngunit sumagot sa kaniya ang kaniyang mga alagad: “Mula saan dito sa isang kubling dako bubusugin ng sinuman ang mga taong ito ng tinapay?”+ 5 Gayunma’y tinanong pa niya sila: “Ilang tinapay ang mayroon kayo?” Sinabi nila: “Pito.”+ 6 At tinagubilinan niya ang pulutong na humilig sa lupa, at kinuha niya ang pitong tinapay, nagpasalamat,+ pinagputul-putol ang mga ito, at pinasimulang ibigay sa kaniyang mga alagad upang ihain, at inihain nila ang mga ito sa pulutong.+ 7 Mayroon din silang ilang maliliit na isda; at, pagkatapos na pagpalain ang mga ito, sinabi rin niya sa kanila na ihain ang mga ito.+ 8 Alinsunod dito ay kumain sila at nabusog, at tinipon nila ang mga labis ng mga pira-piraso, pitong basket ng panustos na punô.+ 9 Gayunman ay mga apat na libong lalaki ang naroroon. Sa wakas ay pinayaon niya sila.+
10 At kaagad siyang lumulan sa bangka kasama ang kaniyang mga alagad at dumating sa mga bahagi ng Dalmanuta.+ 11 Dito ay lumabas ang mga Pariseo at nagsimulang makipagtalo sa kaniya, na naghahanap sa kaniya ng isang tanda mula sa langit, upang ilagay siya sa pagsubok.+ 12 Kaya dumaing siya nang malalim+ sa kaniyang espiritu, at nagsabi: “Bakit naghahanap ng tanda ang salinlahing ito? Katotohanang sinasabi ko, Walang tanda na ibibigay sa salinlahing ito.”+ 13 Sa gayon ay iniwan niya sila, muling lumulan, at umalis patungo sa katapat na baybayin.
14 At nangyari, nakalimutan nilang magdala ng mga tinapay, at maliban sa isang tinapay ay wala silang dalang anuman sa bangka.+ 15 At nagsimula siyang tahasang mag-utos sa kanila at magsabi: “Maging mapagmasid kayo, mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo at sa lebadura ni Herodes.”+ 16 Kaya nagtalo sila sa isa’t isa dahil sa wala silang tinapay.+ 17 Nang mapansin ito, sinabi niya sa kanila: “Bakit kayo nagtatalo sa dahilang wala kayong tinapay?+ Hindi pa ba ninyo napag-uunawa at nakukuha ang kahulugan? Ang inyo bang mga puso ay mapurol sa pag-unawa?+ 18 ‘Bagaman may mga mata, hindi ba kayo nakakakita; at bagaman may mga tainga, hindi ba kayo nakaririnig?’+ At hindi ba ninyo naaalaala, 19 nang pagputul-putulin ko ang limang tinapay+ para sa limang libong lalaki, kung ilang basket na punô ng mga pira-piraso ang natipon ninyo?” Sinabi nila sa kaniya: “Labindalawa.”+ 20 “Nang pagputul-putulin ko ang pito para sa apat na libong lalaki, ilang basket ng panustos na punô ng mga pira-piraso ang natipon ninyo?” At sinabi nila sa kaniya: “Pito.”+ 21 Sa gayon ay sinabi niya sa kanila: “Hindi pa ba ninyo nakukuha ang kahulugan?”+
22 Ngayon ay dumating sila sa Betsaida. Dito ay dinala sa kaniya ng mga tao ang isang lalaking bulag, at namanhik sila sa kaniya na hipuin+ siya. 23 At hinawakan niya sa kamay ang lalaking bulag, dinala siya sa labas ng nayon, at, pagkadura+ sa kaniyang mga mata, ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa kaniya at pinasimulan siyang tanungin: “May nakikita ka bang anuman?” 24 At ang lalaki ay tumingin at nagsimulang magsabi: “Nakakakita ako ng mga tao, sapagkat may namamasdan akong tila mga punungkahoy, ngunit sila ay naglalakad.” 25 Pagkatapos ay muli niyang ipinatong ang kaniyang mga kamay sa mga mata ng lalaki, at ang lalaki ay nakakita nang malinaw, at nanauli siya, at nakita na niyang maliwanag ang lahat ng mga bagay. 26 Kaya pinauwi niya siya sa tahanan, na sinasabi: “Ngunit huwag kang pumasok sa nayon.”+
27 Si Jesus at ang kaniyang mga alagad ngayon ay umalis patungo sa mga nayon ng Cesarea Filipos, at sa daan ay nagsimula siyang magtanong sa kaniyang mga alagad, na sinasabi sa kanila: “Sino ako ayon sa sinasabi ng mga tao?”+ 28 Sinabi nila sa kaniya: “Si Juan Bautista,+ at ang iba, si Elias,+ ang iba pa, Isa sa mga propeta.”+ 29 At iniharap niya sa kanila ang tanong: “Kayo naman, sino ako ayon sa sinasabi ninyo?” Bilang sagot ay sinabi ni Pedro sa kaniya: “Ikaw ang Kristo.”+ 30 Sa gayon ay mahigpit niya silang inutusan na huwag sabihin kaninuman ang tungkol sa kaniya.+ 31 Gayundin, pinasimulan niyang ituro sa kanila na ang Anak ng tao ay kailangang dumanas ng maraming pagdurusa at itakwil ng matatandang lalaki at ng mga punong saserdote at ng mga eskriba at patayin,+ at bumangon pagkaraan ng tatlong araw.+ 32 Sa katunayan, may pagkatahasan niyang ipinapahayag iyon. Ngunit dinala siya ni Pedro sa tabi at pinasimulan siyang sawayin.+ 33 Bumaling siya, tumingin sa kaniyang mga alagad at sinaway si Pedro, at sinabi: “Lumagay ka sa likuran ko, Satanas, sapagkat iniisip mo, hindi ang mga kaisipan ng Diyos, kundi yaong sa mga tao.”+
34 Tinawag niya ngayon ang pulutong kasama ng kaniyang mga alagad at sinabi sa kanila: “Kung ang sinuman ay nagnanais na sumunod sa akin, itatwa niya ang kaniyang sarili at buhatin ang kaniyang pahirapang tulos at sundan ako nang patuluyan.+ 35 Sapagkat ang sinumang nagnanais magligtas ng kaniyang kaluluwa ay mawawalan nito; ngunit ang sinumang mawalan ng kaniyang kaluluwa alang-alang sa akin at sa mabuting balita ay magliligtas nito.+ 36 Tunay nga, ano ang pakinabang ng isang tao na matamo ang buong sanlibutan at maiwala ang kaniyang kaluluwa?+ 37 Ano nga ang ibibigay ng isang tao bilang kapalit ng kaniyang kaluluwa?+ 38 Sapagkat ang sinumang magmakahiya sa akin at sa aking mga salita sa mapangalunya at makasalanang salinlahing ito, ikahihiya rin siya ng Anak ng tao+ kapag siya ay dumating na nasa kaluwalhatian ng kaniyang Ama kasama ng mga banal na anghel.”+