Ayon kay Marcos
8 Nang panahong iyon, muling pinuntahan si Jesus ng napakaraming tao at wala silang makain. Kaya tinawag niya ang mga alagad at sinabi sa kanila: 2 “Naaawa ako sa mga tao.+ Tatlong araw ko na silang kasama at wala na silang makain.+ 3 Kung pauuwiin ko sila nang gutom,* manghihina sila sa daan. Galing pa naman sa malayo ang ilan sa kanila.” 4 Pero sinabi sa kaniya ng mga alagad niya: “Saan sa liblib na lugar na ito makakakuha ng sapat na tinapay para mapakain ang mga tao?” 5 Tinanong niya sila: “Ilan ang tinapay ninyo?” Sumagot sila: “Pito.”+ 6 At pinaupo niya sa lupa ang mga tao. Pagkatapos, kinuha niya ang pitong tinapay, nagpasalamat sa Diyos, pinagpira-piraso ang mga ito, at ibinigay sa mga alagad niya para ipamahagi, at ipinamahagi nila ang mga ito sa mga tao.+ 7 Mayroon din silang ilang maliliit na isda. Pagkatapos manalangin,* sinabi niya sa kanila na ipamahagi rin ang mga ito. 8 Kaya kumain sila at nabusog, at nang tipunin nila ang natirang mga piraso, pitong malalaking basket ang napuno nila.+ 9 Mga 4,000 lalaki ang kumain. Pagkatapos, pinauwi na niya sila.
10 Agad siyang sumakay sa bangka kasama ang mga alagad niya at nakarating sila sa rehiyon ng Dalmanuta.+ 11 Dumating ang mga Pariseo at nakipagtalo sa kaniya. Humihingi sila sa kaniya ng isang tanda mula sa langit para subukin siya.+ 12 Napabuntonghininga siya at nagsabi: “Bakit naghahanap ng tanda ang henerasyong ito?+ Sinasabi ko sa inyo, walang tanda na ibibigay sa henerasyong ito.”+ 13 Pagkatapos, iniwan niya sila, sumakay siya uli sa bangka, at pumunta sa kabilang ibayo.
14 Pero ang mga alagad ay walang nadalang ibang pagkain sa bangka kundi isang tinapay.+ 15 At mahigpit siyang nagbabala sa kanila: “Maging mapagmasid kayo; mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo at sa lebadura ni Herodes.”+ 16 Kaya nagtalo-talo sila dahil wala silang tinapay. 17 Nang mapansin niya ito, sinabi niya sa kanila: “Bakit kayo nagtatalo dahil wala kayong tinapay? Hindi pa ba ninyo naiintindihan ang ibig kong sabihin? Hindi pa ba malinaw sa inyo?* 18 ‘Hindi ba kayo nakakakita kahit may mga mata kayo; at hindi ba kayo nakaririnig kahit may mga tainga kayo?’ Hindi ba ninyo natatandaan 19 nang pagpira-pirasuhin ko ang limang tinapay+ para sa 5,000 lalaki? Ilang basket ang napuno ninyo ng natirang tinapay?” Sinabi nila sa kaniya: “Labindalawa.”+ 20 “Nang pagpira-pirasuhin ko ang pitong tinapay para sa 4,000 lalaki, ilang malalaking basket ang napuno ninyo ng natirang tinapay?” Sinabi nila sa kaniya: “Pito.”+ 21 Kaya sinabi niya sa kanila: “Hindi pa rin ba ninyo naiintindihan?”
22 Pagdating nila sa Betsaida, dinala sa kaniya ng mga tao ang isang lalaking bulag, at nakiusap sila sa kaniya na hipuin ito.+ 23 Hinawakan niya sa kamay ang lalaking bulag at dinala ito sa labas ng nayon. Matapos niyang duraan ang mga mata nito,+ ipinatong niya ang mga kamay niya sa lalaki at tinanong ito: “May nakikita ka ba?” 24 Tumingin ang lalaki at sinabi nito: “May nakikita akong mga tao, pero mukha silang mga puno na naglalakad.” 25 Ipinatong niya ulit ang mga kamay niya sa mga mata ng lalaki, at ang lalaki ay nakakita nang malinaw. Bumalik ang paningin nito, at nakita na niya nang malinaw ang lahat ng bagay. 26 Kaya pinauwi niya ito sa bahay at sinabihan: “Huwag kang pumunta sa nayon.”
27 Si Jesus at ang mga alagad niya ay umalis papunta sa mga nayon ng Cesarea Filipos. Habang nasa daan, tinanong niya ang mga alagad niya: “Sino ako ayon sa mga tao?”+ 28 Sinabi nila sa kaniya: “Si Juan Bautista;+ pero sinasabi ng iba, si Elias;+ at ang iba pa, isa sa mga propeta.” 29 At tinanong niya sila: “Pero kayo, sino ako para sa inyo?” Sumagot si Pedro: “Ikaw ang Kristo.”+ 30 Pagkatapos, mahigpit niya silang inutusan na huwag sabihin kahit kanino ang tungkol sa kaniya.+ 31 Sinabi rin niya sa kanila na ang Anak ng tao ay kailangang dumanas ng maraming pagdurusa at itakwil ng matatandang lalaki at mga punong saserdote at mga eskriba at patayin,+ at mabuhay-muli pagkalipas ng tatlong araw.+ 32 Deretsahan niya itong sinabi sa kanila. Pero dinala siya ni Pedro sa isang tabi at sinaway.+ 33 Tumalikod siya, tumingin sa mga alagad niya, at sinaway si Pedro: “Diyan* ka sa likuran ko, Satanas! Dahil hindi kaisipan ng Diyos ang iniisip mo, kundi kaisipan ng tao.”+
34 Tinawag niya ngayon ang mga tao kasama ang mga alagad niya at sinabi sa kanila: “Kung gusto ng isa na sumunod sa akin, dapat niyang itakwil ang kaniyang sarili at buhatin ang kaniyang pahirapang tulos* at patuloy akong sundan.+ 35 Dahil ang sinumang gustong magligtas ng buhay* niya ay mamamatay,* pero ang sinumang mamatay alang-alang sa akin at sa mabuting balita ay magliligtas sa buhay niya.+ 36 Ano ang saysay na makuha ng isang tao ang buong mundo kung mamamatay naman siya?+ 37 Ano nga ba ang maibibigay ng isang tao kapalit ng buhay* niya?+ 38 Kung ako at ang aking mga salita ay ikahihiya ng sinuman mula sa taksil* at makasalanang henerasyong ito, ikahihiya rin siya ng Anak ng tao+ kapag dumating ito taglay ang kaluwalhatian ng kaniyang Ama kasama ang banal na mga anghel.”+