Deuteronomio
6 “At ito ang utos, ang mga tuntunin at ang mga hudisyal na pasiya na iniutos ni Jehova na inyong Diyos na ituro sa inyo,+ upang magawa ninyo ang mga iyon sa lupain na tatawirin ninyo roon upang ariin; 2 upang matakot+ ka kay Jehova na iyong Diyos upang matupad mo ang lahat ng kaniyang mga batas at ng kaniyang mga utos na iniuutos ko sa iyo, sa iyo at sa iyong anak at sa iyong apo,+ sa lahat ng mga araw ng iyong buhay, at upang ang iyong mga araw ay tumagal.+ 3 At makinig ka, O Israel, at ingatan mong gawin+ ang mga iyon, upang mapabuti ka+ at upang lubha kayong dumami, gaya ng ipinangako sa iyo ni Jehova na Diyos ng iyong mga ninuno,+ may kinalaman sa lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.
4 “Pakinggan mo, O Israel: Si Jehova na ating Diyos ay iisang Jehova.+ 5 At iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso+ at nang iyong buong kaluluwa+ at nang iyong buong lakas.+ 6 At ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo ngayon ay mapapasaiyong puso;+ 7 at ikikintal mo iyon sa iyong anak+ at sasalitain mo iyon kapag nakaupo ka sa iyong bahay at kapag naglalakad ka sa daan at kapag nakahiga ka+ at kapag bumabangon ka. 8 At itatali mo iyon bilang tanda sa iyong kamay,+ at iyon ay magiging pangharap na pamigkis sa pagitan ng iyong mga mata;+ 9 at isusulat mo iyon sa mga poste ng pinto ng iyong bahay at sa iyong mga pintuang-daan.+
10 “At mangyayari nga na kapag dadalhin ka ni Jehova na iyong Diyos sa lupain na isinumpa niya sa iyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob na ibibigay sa iyo,+ malalaki at magagandang lunsod na hindi mo itinayo,+ 11 at mga bahay na punô ng lahat ng mabubuting bagay na hindi mo pinunô, at mga hinukay na imbakang-tubig na hindi mo hinukay, mga ubasan at mga punong olibo na hindi mo itinanim, at ikaw ay makakain at mabusog,+ 12 mag-ingat ka upang hindi mo makalimutan+ si Jehova, na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto, mula sa bahay ng mga alipin. 13 Si Jehova na iyong Diyos ang dapat mong katakutan,+ at siya ang dapat mong paglingkuran,+ at sa kaniyang pangalan ka dapat manumpa.+ 14 Huwag kayong susunod sa ibang mga diyos, alinmang diyos ng mga bayan na nasa buong palibot ninyo,+ 15 (sapagkat si Jehova na iyong Diyos sa gitna mo ay Diyos na humihiling ng bukod-tanging debosyon,)+ dahil baka ang galit ni Jehova na iyong Diyos ay lumagablab laban sa iyo+ at lipulin ka niya mula sa ibabaw ng lupa.+
16 “Huwag ninyong ilalagay sa pagsubok si Jehova na inyong Diyos,+ gaya ng paglalagay ninyo sa kaniya sa pagsubok sa Masah.+ 17 Tutuparin ninyo nang buong sikap ang mga utos ni Jehova na inyong Diyos+ at ang kaniyang mga patotoo+ at ang kaniyang mga tuntunin+ na iniutos niya sa iyo.+ 18 At gawin mo ang tama at mabuti sa paningin ni Jehova, upang mapabuti ka+ at makapasok ka nga at ariin mo ang mabuting lupain na isinumpa ni Jehova sa iyong mga ninuno,+ 19 sa pamamagitan ng pagtataboy sa lahat ng iyong mga kaaway mula sa harap mo, gaya ng ipinangako ni Jehova.+
20 “Kung tatanungin ka ng iyong anak sa isang araw sa hinaharap,+ na sinasabi, ‘Ano ang kahulugan ng mga patotoo at ng mga tuntunin at ng mga hudisyal na pasiya na iniutos sa inyo ni Jehova na ating Diyos?’ 21 sasabihin mo nga sa iyong anak, ‘Kami ay naging mga alipin ni Paraon sa Ehipto, ngunit inilabas kami ni Jehova mula sa Ehipto sa pamamagitan ng isang malakas na kamay.+ 22 Kaya nagpataw si Jehova ng mga tanda at mga himala,+ dakila at kapaha-pahamak, sa Ehipto, kay Paraon at sa kaniyang buong sambahayan sa harap ng aming mga mata.+ 23 At inilabas niya kami mula roon upang madala niya kami rito upang ibigay sa amin ang lupain na isinumpa niya sa ating mga ninuno.+ 24 Sa gayon ay iniutos ni Jehova na isagawa namin ang lahat ng mga tuntuning ito,+ upang matakot kay Jehova na ating Diyos sa ating ikabubuti sa tuwina,+ upang manatili tayong buháy gaya ng sa araw na ito.+ 25 At mangangahulugan ito ng katuwiran para sa atin,+ na ingatan nating gawin ang lahat ng utos na ito sa harap ni Jehova na ating Diyos, gaya ng iniutos niya sa atin.’+