Josue
1 At nangyari nga pagkamatay ni Moises na lingkod ni Jehova, sinabi ni Jehova kay Josue+ na anak ni Nun, na lingkod+ ni Moises: 2 “Si Moises na aking lingkod ay patay na;+ at ngayon ay tumindig ka, tawirin mo itong Jordan, ikaw at ang buong bayang ito, patungo sa lupain na ibinibigay ko sa kanila, sa mga anak ni Israel.+ 3 Ang bawat dako na tutuntungan ng talampakan ng inyong paa ay tiyak na ibibigay ko sa inyo, gaya ng aking ipinangako kay Moises.+ 4 Mula sa ilang at sa Lebanon na ito hanggang sa malaking ilog, na ilog ng Eufrates, samakatuwid nga, ang buong lupain ng mga Hiteo,+ at hanggang sa Malaking Dagat patungo sa lubugan ng araw ay magiging inyong teritoryo.+ 5 Walang sinuman ang makatatayong matatag sa harap mo sa lahat ng mga araw ng iyong buhay.+ Kung paanong ako ay suma kay Moises ay gayon ako sasaiyo.+ Hindi kita pababayaan ni iiwan man kita nang lubusan.+ 6 Magpakalakas-loob ka at magpakatibay,+ sapagkat ikaw ang siyang magpapangyari na manahin+ ng bayang ito ang lupain na isinumpa ko sa kanilang mga ninuno na ibibigay sa kanila.+
7 “Magpakalakas-loob ka lamang at lubhang magpakatibay na ingatang gawin ang ayon sa buong kautusan na iniutos sa iyo+ ni Moises na aking lingkod. Huwag kang lilihis mula roon tungo sa kanan o tungo sa kaliwa,+ upang kumilos ka nang may karunungan sa lahat ng dako na paroroonan mo.+ 8 Ang aklat na ito ng kautusan ay huwag mahihiwalay sa iyong bibig,+ at babasahin mo ito nang pabulong araw at gabi, upang maingatan mong gawin ang ayon sa lahat ng nakasulat dito;+ sapagkat sa gayon ay gagawin mong matagumpay ang iyong lakad at sa gayon ay kikilos ka nang may karunungan.+ 9 Hindi ba kita inutusan?+ Magpakalakas-loob ka at magpakatibay. Huwag kang magitla o masindak,+ sapagkat si Jehova na iyong Diyos ay sumasaiyo saan ka man pumaroon.”+
10 At si Josue ay nag-utos sa mga opisyal ng bayan, na sinasabi: 11 “Dumaan kayo sa gitna ng kampo at utusan ninyo ang bayan, na sinasabi, ‘Maghanda kayo ng mga panustos para sa inyong sarili, sapagkat tatlong araw mula ngayon ay tatawirin ninyo itong Jordan upang pasukin at ariin ang lupain na ibinibigay sa inyo ni Jehova na inyong Diyos upang ariin.’ ”+
12 At sa mga Rubenita at sa mga Gadita at sa kalahati ng tribo ni Manases ay sinabi ni Josue: 13 “Alalahanin ang salita na iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ni Jehova,+ na nagsasabi, ‘Binibigyan kayo ng kapahingahan ni Jehova na inyong Diyos at ibinigay niya sa inyo ang lupaing ito. 14 Ang inyong mga asawa, ang inyong maliliit na bata at ang inyong mga alagang hayop ay mananahanan sa lupain na ibinigay sa inyo ni Moises sa panig na ito ng Jordan;+ ngunit kayong mga lalaki ay tatawid na nasa hanay ng pakikipagbaka+ sa unahan ng inyong mga kapatid, lahat ng magigiting at makapangyarihang mga lalaki,+ at tutulungan ninyo sila. 15 Una kapag binigyan ni Jehova ng kapahingahan ang inyong mga kapatid katulad ng sa inyo at nagawa na rin nilang ariin ang lupain na ibinibigay sa kanila+ ni Jehova na inyong Diyos, babalik din naman kayo sa lupain na inyong pag-aari at aariin ninyo iyon,+ yaong ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ni Jehova sa panig ng Jordan sa dakong sikatan ng araw.’ ”+
16 Sa gayon ay sumagot sila kay Josue, na sinasabi: “Lahat ng iniutos mo sa amin ay gagawin namin, at saan mo man kami isugo ay paroroon kami.+ 17 Kung paanong pinakinggan namin si Moises sa lahat ng bagay, gayon kami makikinig sa iyo. Lamang ay sumaiyo nawa si Jehova na iyong Diyos+ kung paanong siya ay suma kay Moises.+ 18 Sinumang tao na gagawi nang mapaghimagsik laban sa iyong utos+ at hindi makikinig sa iyong mga salita sa lahat ng iuutos mo sa kaniya ay papatayin.+ Magpakalakas-loob ka lamang at magpakatibay.”+