Mga Gawa ng mga Apostol
2 Araw noon ng Pentecostes,+ at lahat sila ay magkakasama sa isang lugar. 2 Habang nakaupo sila, bigla silang may narinig na hugong mula sa langit na gaya ng malakas na bugso ng hangin, at dinig na dinig ito sa buong bahay.+ 3 Nakakita sila ng parang mga liyab ng apoy,* at naghiwa-hiwalay ang mga ito at dumapo sa bawat isa sa kanila, 4 at silang lahat ay napuspos ng banal na espiritu+ at nagsimulang magsalita ng iba’t ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng espiritu.+
5 Nang panahong iyon, nasa Jerusalem ang makadiyos na mga Judio na mula sa bawat bansa sa buong lupa.*+ 6 Nang marinig ang hugong na ito, marami ang nagtipon-tipon at takang-taka sila, dahil narinig nilang sinasalita ng mga alagad ang sariling wika ng bawat isa sa kanila. 7 Talagang hangang-hanga sila, at sinabi nila: “Tingnan ninyo, hindi ba taga-Galilea+ ang lahat ng taong ito?* 8 Paano nangyaring nakapagsasalita sila ng wika ng bawat isa sa atin?* 9 Tayong mga Parto, Medo,+ at Elamita,+ mga naninirahan sa Mesopotamia, Judea, at Capadocia, sa Ponto at sa lalawigan* ng Asia,+ 10 sa Frigia at Pamfilia, sa Ehipto at sa mga lugar sa Libya na malapit sa Cirene, mga dumadayo mula sa Roma, kapuwa mga Judio at proselita,+ 11 mga Cretense, at mga Arabe—naririnig nating nagsasalita sila sa wika natin tungkol sa makapangyarihang mga gawa ng Diyos.” 12 Oo, hangang-hanga silang lahat at takang-taka habang sinasabi sa isa’t isa: “Ano ang ibig sabihin nito?” 13 Pero may mga nangutya at nagsabi: “Lasing lang sila.”*
14 Pero tumayo si Pedro kasama ang 11 apostol,+ at sinabi niya nang malakas: “Mga taga-Judea at kayong lahat na nakatira sa Jerusalem, makinig kayong mabuti sa sasabihin ko sa inyo. 15 Hindi lasing ang mga taong ito, gaya ng iniisip ninyo, dahil ikatlong oras pa lang ng araw.* 16 Ang totoo, natutupad sa kanila ang sinabi ni propeta Joel: 17 ‘“At sa mga huling araw,” ang sabi ng Diyos, “ibubuhos ko ang espiritu ko sa bawat uri ng tao,* at manghuhula ang inyong mga anak na lalaki at babae, makakakita ng mga pangitain ang inyong mga kabataang lalaki, at mananaginip ang inyong matatandang lalaki;+ 18 at sa mga araw na iyon, ibubuhos ko rin ang espiritu ko sa aking mga aliping lalaki at babae, at manghuhula sila.+ 19 At magpapakita ako ng mga tanda sa langit at mga himala sa lupa—dugo, apoy, at makapal na usok. 20 Ang araw ay magdidilim at ang buwan ay magkukulay-dugo bago dumating ang dakila at maluwalhating araw ni Jehova.* 21 At ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova* ay maliligtas.”’+
22 “Mga Israelita, makinig kayo: Gaya ng alam ninyo, malinaw na ipinakita sa inyo ng Diyos na siya ang nagsugo kay Jesus na Nazareno. Sa pamamagitan niya, nagpakita sa inyo ang Diyos ng makapangyarihang mga gawa, kamangha-manghang mga bagay,* at mga tanda.+ 23 Inaresto ang taong ito kaayon ng layunin ng Diyos, at alam na Niya iyon bago pa iyon mangyari.+ Ibinigay ninyo siya sa kamay ng masasamang tao, ipinako sa tulos, at pinatay.+ 24 Pero binuhay siyang muli ng Diyos+ at pinalaya sa kapangyarihan* ng kamatayan, dahil imposible itong manaig sa kaniya.+ 25 Dahil sinabi ni David tungkol sa kaniya: ‘Laging nasa isip* ko si Jehova;* dahil nasa kanan ko siya, hindi ako matitinag.* 26 Kaya natuwa ang puso ko at talagang nagsaya ang dila ko. At mabubuhay akong* may pag-asa; 27 dahil hindi mo ako iiwan sa Libingan,* at ang katawan ng tapat sa iyo ay hindi mo hahayaang mabulok.+ 28 Ipinaalám mo sa akin ang daan tungo sa buhay; pasasayahin mo ako nang husto sa iyong presensiya.’*+
29 “Mga kapatid, hayaan ninyong malaya kong sabihin sa inyo ang tungkol sa ulo ng angkan na si David—namatay siya at inilibing,+ at ang libingan niya ay nasa lunsod natin hanggang sa araw na ito. 30 Isa siyang propeta at alam niya na ang Diyos ay nangako* sa kaniya na isa sa mga supling* niya ang uupo sa kaniyang trono,+ 31 kaya nalaman niya nang patiuna ang pagkabuhay-muli ng Kristo at nagsalita siya tungkol dito, na ang Kristo ay hindi pababayaan sa Libingan* at hindi mabubulok ang katawan nito.+ 32 Binuhay-muli ng Diyos si Jesus, at saksi kaming lahat dito.+ 33 At dahil itinaas na siya sa kanan ng Diyos+ at tinanggap niya ang banal na espiritu na ipinangako ng Ama,+ ibinuhos niya iyon sa amin, gaya ng nakikita ninyo at naririnig. 34 Hindi umakyat si David sa langit, pero siya mismo ang nagsabi, ‘Sinabi ni Jehova* sa Panginoon ko: “Umupo ka sa kanan ko 35 hanggang sa ang mga kaaway mo ay gawin kong tuntungan ng mga paa mo.”’+ 36 Kaya hindi dapat mag-alinlangan ang buong bayang Israel na si Jesus na ipinako ninyo sa tulos+ ay ginawa ng Diyos na Panginoon+ at Kristo.”
37 Nang marinig nila ito, parang sinaksak ang puso nila, at sinabi nila kay Pedro at sa iba pang apostol: “Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?” 38 Sinabi ni Pedro: “Magsisi kayo,+ at magpabautismo+ ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-Kristo para sa kapatawaran ng mga kasalanan ninyo,+ at tatanggapin ninyo ang walang-bayad na regalo, ang banal na espiritu, 39 dahil ang pangakong+ ito ay para sa inyo at sa mga anak ninyo, at sa lahat ng nasa malayo, sa sinumang piliin ng Diyos nating si Jehova.”*+ 40 Nagpatuloy siya sa pagsasalita para lubusang makapagpatotoo, at patuloy siyang nagpayo: “Humiwalay kayo sa masamang henerasyong ito+ para maligtas kayo.” 41 Kaya nabautismuhan ang mga masayang tumanggap sa sinabi niya,+ at nang araw na iyon ay mga 3,000 ang nadagdag sa kanila.+ 42 At patuloy silang nagbuhos ng pansin sa turo ng mga apostol; nakipagsamahan sila sa isa’t isa,* kumain nang sama-sama,+ at laging nananalangin.+
43 Maraming naganap na kamangha-manghang bagay* at tanda sa pamamagitan ng mga apostol;+ nakita ito ng lahat* at natakot sila.* 44 Magkakasama ang lahat ng naging mananampalataya, at ibinabahagi nila sa isa’t isa ang anumang taglay nila, 45 ibinebenta ang mga pag-aari nila,+ at ipinamamahagi sa lahat ang napagbentahan, ayon sa pangangailangan ng bawat isa.+ 46 At araw-araw silang nagtitipon sa templo. Masayang-masaya sila habang kumakain sa iba’t ibang tahanan at nagbibigayan ng pagkain, at ginagawa nila ito nang bukal sa puso 47 habang pinupuri ang Diyos. Naging kalugod-lugod sila sa lahat ng tao, at sa araw-araw, patuloy na idinaragdag sa kanila ni Jehova* ang mga inililigtas niya.+