Ayon kay Lucas
13 Nang panahong iyon, may ilang naroon na nagsabi kay Jesus tungkol sa mga taga-Galilea na pinatay ni Pilato habang naghahain ang mga ito. 2 Sumagot siya: “Iniisip ba ninyo na mas makasalanan ang mga taga-Galileang iyon kaysa sa lahat ng iba pa sa Galilea dahil sa dinanas nila? 3 Sinasabi ko sa inyo, hindi. Pero kung hindi kayo magsisisi, mamamatay kayong lahat tulad nila.+ 4 O ang 18 nabagsakan ng tore sa Siloam at namatay—iniisip ba ninyo na mas makasalanan sila kaysa sa lahat ng iba pang taga-Jerusalem? 5 Sinasabi ko sa inyo, hindi. Pero kung hindi kayo magsisisi, mamamatay kayong lahat tulad nila.”
6 Pagkatapos, ibinigay niya ang ilustrasyong ito: “Isang tao ang may puno ng igos na nakatanim sa ubasan niya; pinuntahan niya ang puno para maghanap ng bunga roon, pero wala siyang nakita.+ 7 Kaya sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, ‘Tatlong taon na akong naghahanap ng bunga sa punong ito, pero wala akong makita. Putulin mo na ito! Bakit masasayang ang lupa dahil sa punong ito?’ 8 Sumagot siya, ‘Panginoon, maghintay pa tayo nang isang taon. Huhukay ako sa palibot nito at maglalagay ng pataba. 9 Kung mamunga ito, mabuti; pero kung hindi, ipaputol mo na ito.’”+
10 Isang Sabbath, habang nagtuturo siya sa isa sa mga sinagoga, 11 naroon ang isang babae na 18 taon nang may kapansanan dahil sa isang demonyo; hukot na hukot ito at hindi makatayo nang tuwid. 12 Nang makita ni Jesus ang babae, tinawag niya ito at sinabi: “Mawawala na ang kapansanan mo.”*+ 13 Hinawakan niya ang* babae, at agad itong nakatayo nang tuwid at niluwalhati ang Diyos. 14 Pero nagalit ang punong opisyal ng sinagoga dahil nagpagaling si Jesus nang Sabbath, at sinabi nito sa mga tao: “May anim na araw para gawin ang mga dapat gawin;+ kaya pumunta kayo rito sa mga araw na iyon para mapagaling, pero huwag sa araw ng Sabbath.”+ 15 Gayunman, sumagot ang Panginoon: “Mga mapagpanggap,+ hindi ba kinakalagan ninyo kapag Sabbath ang inyong toro o asno mula sa kuwadra at inilalabas ito para painumin?+ 16 Ang babaeng ito ay isang anak ni Abraham at iginapos* ni Satanas nang 18 taon. Hindi ba nararapat lang na mapagaling* siya sa araw ng Sabbath?” 17 Nang sabihin niya ito, napahiya ang mga kumakalaban sa kaniya, pero nagsaya ang lahat ng iba pa dahil sa lahat ng kahanga-hangang bagay na ginawa niya.+
18 Sinabi pa niya: “Ano ang katulad ng Kaharian ng Diyos, at saan ko ito maihahambing? 19 Gaya ito ng binhi ng mustasa, na kinuha ng isang tao at itinanim sa kaniyang hardin, at tumubo ito at naging isang puno, at ang mga ibon sa langit ay namugad sa mga sanga nito.”+
20 At sinabi niya ulit: “Saan ko maihahambing ang Kaharian ng Diyos? 21 Gaya ito ng pampaalsa,* na kinuha ng isang babae at inihalo sa tatlong malalaking takal* ng harina kaya umalsa ang buong masa.”+
22 Habang papunta sa Jerusalem, dumaan siya sa mga lunsod at nayon at nagturo sa mga tao. 23 May nagsabi sa kaniya: “Panginoon, kaunti lang ba ang maliligtas?” Sinabi niya sa kanila: 24 “Magsikap kayo nang husto na makapasok sa makipot na pinto,+ dahil sinasabi ko sa inyo, marami ang magsisikap na pumasok pero hindi ito magagawa. 25 Dahil kapag tumayo na ang may-bahay at ikinandado ang pinto, tatayo kayo sa labas at kakatok, at sasabihin ninyo, ‘Panginoon, pagbuksan mo kami.’+ Pero sasagot siya: ‘Hindi ko kayo kilala.’ 26 Kaya sasabihin ninyo, ‘Kumain kami at uminom kasama mo, at nagturo ka sa malalapad na daan namin.’+ 27 Pero sasabihin niya, ‘Hindi ko kayo kilala. Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng masama!’ 28 Iiyak kayo at magngangalit ang mga ngipin ninyo kapag nakita ninyo sa Kaharian ng Diyos sina Abraham, Isaac, Jacob, at ang lahat ng propeta, samantalang kayo ay nasa labas.+ 29 Bukod diyan, may mga taong darating mula sa silangan, kanluran, hilaga, at timog, at uupo* sila sa mesa sa Kaharian ng Diyos. 30 At may mga huli na mauuna, at may mga una na mahuhuli.”+
31 Nang mismong oras na iyon, lumapit ang ilang Pariseo at sinabi nila sa kaniya: “Umalis ka sa lugar na ito, dahil gusto kang patayin ni Herodes.” 32 Sinabi niya: “Sabihin ninyo sa asong-gubat* na iyon, ‘Magpapalayas ako ng mga demonyo at magpapagaling ng mga tao ngayon at bukas, at matatapos ako sa ikatlong araw.’ 33 Pero anuman ang mangyari, itutuloy ko pa rin ang dapat kong gawin ngayon, bukas, at sa susunod na araw, dahil hindi puwedeng* patayin ang isang propeta sa labas ng Jerusalem.+ 34 Jerusalem, Jerusalem, ang pumapatay ng mga propeta at bumabato sa mga isinugo sa kaniya+—ilang ulit kong sinikap na tipunin ang mga anak mo, kung paanong tinitipon ng inahing manok ang mga sisiw niya sa ilalim ng kaniyang mga pakpak! Pero ayaw ninyo.+ 35 Kaya pababayaan ng Diyos ang bahay* ninyo.+ Sinasabi ko sa inyo, hindi ninyo ako makikita hanggang sa sabihin ninyo: ‘Pinagpala ang isa na dumarating sa pangalan ni Jehova!’”*+