Ayon kay Marcos
12 Pagkatapos, nagturo siya sa kanila sa pamamagitan ng mga ilustrasyon: “Isang tao ang nagtanim ng ubas sa kaniyang bukid.+ Binakuran niya ang ubasan, gumawa siya rito ng pisaan ng ubas, at nagtayo siya ng isang tore;+ pagkatapos, pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka, at naglakbay siya sa ibang lupain.+ 2 Pagdating ng anihan, pinapunta niya ang alipin niya sa mga magsasaka para kunin ang parte niya sa inaning ubas. 3 Pero sinunggaban nila ito, binugbog, at pinauwing walang dala. 4 Pinapunta ng may-ari ng ubasan ang isa pang alipin, at ang isang iyon ay pinalo nila sa ulo at hiniya.+ 5 At nagpapunta siya ng isa pa, at ang isang iyon ay pinatay nila. Marami pa siyang pinapunta. Ang ilan sa mga ito ay binugbog nila, at ang ilan naman ay pinatay nila. 6 May isa pa siyang puwedeng papuntahin, ang minamahal niyang anak.+ Ito ang huling pinapunta niya sa kanila. Sa loob-loob niya, ‘Igagalang nila ang anak ko.’ 7 Pero nag-usap-usap ang mga magsasaka, ‘Siya ang tagapagmana.+ Patayin natin siya para mapunta sa atin ang mana niya.’ 8 Kaya sinunggaban nila siya at pinatay at kinaladkad palabas ng ubasan.+ 9 Ano ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Pupuntahan niya at papatayin ang mga magsasaka at ibibigay ang ubasan sa iba.+ 10 Hindi ba ninyo nabasa ang kasulatang ito: ‘Ang bato na itinakwil ng mga tagapagtayo ang naging pangunahing batong-panulok.*+ 11 Nagmula ito kay Jehova* at kahanga-hanga ito sa paningin natin’?”+
12 Alam nilang sila ang nasa isip ni Jesus nang sabihin niya ang ilustrasyon kaya gusto nilang dakpin siya. Pero natatakot sila sa mga tao. Kaya iniwan nila siya at umalis.+
13 Pagkatapos, pinapunta nila kay Jesus ang ilan sa mga Pariseo at ang mga tagasuporta ni Herodes para hulihin siya sa pananalita niya.+ 14 Pagdating nila, sinabi nila sa kaniya: “Guro, alam naming lagi kang nagsasabi ng totoo at hindi mo hinahangad ang pabor ng mga tao, dahil hindi ka tumitingin sa panlabas na anyo, at itinuturo mo ang katotohanan tungkol sa Diyos. Tama bang magbayad ng buwis kay Cesar o hindi? 15 Dapat ba kaming magbayad o hindi?” Nahalata niya ang pagkukunwari nila, kaya sinabi niya sa kanila: “Bakit ninyo ako sinusubok? Dalhan ninyo ako ng isang denario.”* 16 Nagdala sila ng isang denario, at sinabi niya sa kanila: “Kaninong larawan at pangalan ito?” Sinabi nila sa kaniya: “Kay Cesar.” 17 Kaya sinabi ni Jesus: “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar,+ pero sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.”+ At namangha sila sa kaniya.
18 Ang mga Saduceo, na nagsasabing walang pagkabuhay-muli,+ ay lumapit sa kaniya at nagtanong:+ 19 “Guro, isinulat ni Moises na kung mamatay ang isang lalaki at maiwang walang anak ang asawa niya, pakakasalan ito ng kapatid niyang lalaki para magkaroon ng anak ang namatay na kapatid.+ 20 May pitong magkakapatid na lalaki. Ang una ay nag-asawa pero namatay nang walang anak. 21 Pinakasalan ng ikalawa ang biyuda, pero namatay ang lalaki nang walang anak, at ganoon din ang nangyari sa ikatlo. 22 At namatay ang pito nang walang anak. Bandang huli, namatay rin ang babae. 23 Dahil napangasawa niya ang pitong magkakapatid, sino sa kanila ang magiging asawa niya kapag binuhay silang muli?” 24 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Hindi ninyo alam ang Kasulatan o ang kapangyarihan ng Diyos, kaya mali ang iniisip ninyo.+ 25 Dahil sa pagkabuhay-muli, hindi mag-aasawa ang mga lalaki at mga babae, kundi sila ay magiging gaya ng mga anghel sa langit.+ 26 Pero tungkol sa pagkabuhay-muli, hindi ba ninyo nabasa sa aklat ni Moises, sa ulat tungkol sa matinik na halaman,* na sinabi ng Diyos sa kaniya: ‘Ako ang Diyos ni Abraham at Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob’?+ 27 Siya ay Diyos, hindi ng mga patay, kundi ng mga buháy. Maling-mali kayo.”+
28 Ang pagtatalo nila ay narinig ng isa sa mga eskriba na dumating. Alam niyang mahusay ang sagot ni Jesus sa kanila, kaya tinanong niya si Jesus: “Anong utos ang pinakamahalaga* sa lahat?”+ 29 Sumagot si Jesus: “Ang pinakamahalaga ay ‘Makinig kayo, O Israel, si Jehova* na Diyos natin ay nag-iisang Jehova,* 30 at dapat mong ibigin si Jehova* na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa* mo at nang buong pag-iisip mo at nang buong lakas mo.’+ 31 Ang ikalawa ay ito, ‘Dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’+ Wala nang utos na mas mahalaga pa kaysa sa mga ito.” 32 Sinabi sa kaniya ng eskriba: “Guro, mahusay! Totoo ang sinabi mo, ‘Siya ay nag-iisa, at wala nang iba pa bukod sa kaniya’;+ 33 at ang pag-ibig sa kaniya nang buong puso, buong pag-iisip,* at buong lakas at ang pagmamahal sa kapuwa gaya ng pagmamahal sa sarili ay higit na mahalaga kaysa sa lahat ng buong handog na sinusunog at mga hain.”+ 34 Nakita ni Jesus na tama ang sinabi ng lalaki, kaya sinabi niya rito: “Hindi ka malayo sa Kaharian ng Diyos.” Pero wala nang sinuman ang may lakas ng loob na magtanong sa kaniya.+
35 Habang patuloy na nagtuturo si Jesus sa templo, sinabi niya: “Bakit sinasabi ng mga eskriba na ang Kristo ay anak ni David?+ 36 Sa pamamagitan ng banal na espiritu,+ sinabi mismo ni David, ‘Sinabi ni Jehova* sa Panginoon ko: “Umupo ka sa kanan ko hanggang sa ilagay ko ang mga kaaway mo sa ilalim ng iyong mga paa.”’+ 37 Si David mismo ay tumawag sa kaniya na Panginoon, kaya paano siya naging anak ni David?”+
Maraming tao ang nakikinig sa kaniya at nasisiyahan. 38 Habang nagtuturo, sinabi pa niya: “Mag-ingat kayo sa mga eskriba na gustong magpalakad-lakad na nakasuot ng mahahabang damit. Gusto nilang binabati sila ng mga tao sa mga pamilihan,+ 39 at gusto rin nilang umupo sa pinakamagagandang puwesto* sa mga sinagoga at sa mga upuan para sa importanteng mga bisita sa mga handaan.*+ 40 Kinakamkam nila ang mga pag-aari* ng mga biyuda at nananalangin nang mahaba para pahangain ang iba. Tatanggap sila ng mas mabigat na hatol.”
41 At umupo siya sa lugar na abot-tanaw ang mga kabang-yaman*+ at pinagmasdan ang mga taong naghuhulog ng pera sa mga kabang-yaman. Maraming mayayaman ang naghuhulog ng malaking halaga.+ 42 Isang mahirap na biyuda ang dumating at naghulog ng dalawang maliliit na barya na napakaliit ng halaga.*+ 43 Kaya tinawag niya ang mga alagad niya at sinabi sa kanila: “Sinasabi ko sa inyo, mas malaki ang inihulog ng mahirap na biyudang ito kaysa sa lahat ng iba pa na naghulog ng pera sa mga kabang-yaman.+ 44 Dahil silang lahat ay naghulog mula sa kanilang sobra, pero siya, kahit na kapos,* inihulog niya ang lahat ng pera niya, ang buong ikabubuhay niya.”+