Mga Gawa ng mga Apostol
5 May mag-asawa na nagbenta rin ng pag-aari nila. Ang lalaki ay si Ananias at ang babae ay si Sapira. 2 Pero itinago ni Ananias ang isang bahagi ng napagbentahan, at alam ito ng asawa niya. Saka niya dinala sa mga apostol ang natirang halaga.+ 3 Pero sinabi ni Pedro: “Ananias, bakit mo hinayaan si Satanas na palakasin ang loob mo na magsinungaling+ sa banal na espiritu+ at lihim na ipagkait ang isang bahagi ng halaga ng bukid? 4 Bago mo ibenta ang lupa, hindi ba pag-aari mo iyon? At nang maibenta mo na iyon, hindi ba magagamit mo ang pera sa anumang paraang gusto mo? Kaya bakit naisip mong gawin ito? Sa Diyos ka nagsinungaling, hindi sa tao.” 5 Pagkarinig nito, nabuwal si Ananias at namatay. Takot na takot ang lahat ng nakabalita sa nangyari. 6 At tumayo ang mga nakababatang lalaki, binalot siya ng tela, binuhat palabas, at inilibing.
7 Pagkalipas ng mga tatlong oras, pumasok ang asawa niya, at hindi nito alam ang nangyari. 8 Sinabi ni Pedro: “Sabihin mo sa akin, ipinagbili ba ninyo ang bukid sa ganitong halaga?” Sumagot siya: “Oo, sa ganiyang halaga.” 9 Kaya sinabi ni Pedro: “Bakit nagkasundo kayong dalawa na subukin ang espiritu ni Jehova? Papasók na sa pinto ang mga naglibing sa asawa mo, at bubuhatin ka nila palabas.” 10 Agad itong nabuwal sa harap ni Pedro at namatay. Pagpasok ng mga kabataang lalaki, nakita nila itong patay kaya binuhat nila ito palabas at inilibing sa tabi ng asawa nito. 11 Takot na takot ang buong kongregasyon at ang lahat ng nakabalita sa nangyari.
12 Bukod diyan, sa pamamagitan ng mga apostol, maraming tanda at kamangha-manghang bagay ang patuloy na nagaganap sa gitna ng mga tao;+ at silang lahat ay nagtitipon-tipon sa Kolonada* ni Solomon.+ 13 Ang totoo, ang iba* ay walang lakas ng loob na sumama sa kanila; pero pinupuri sila ng mga tao. 14 Isa pa, patuloy na dumarami ang nananampalataya sa Panginoon, at napakaraming lalaki at babae ang nagiging alagad.+ 15 Inilalabas pa nga nila sa malalapad na daan ang mga maysakit at inihihiga sa maliliit na kama at sapin, para kapag dumaan si Pedro, mahagip man lang ng anino niya ang mga ito.+ 16 Gayundin, marami mula sa mga lunsod sa palibot ng Jerusalem ang pumupunta rito dala ang mga maysakit at sinasapian ng masasamang* espiritu, at gumagaling silang lahat.
17 Pero inggit na inggit ang mataas na saserdote at ang lahat ng kasama niya, na mga miyembro ng sekta ng mga Saduceo,+ kaya kumilos sila. 18 Hinuli nila ang mga apostol at ibinilanggo.+ 19 Pero kinagabihan, binuksan ng anghel ni Jehova ang mga pinto ng bilangguan,+ inilabas sila, at sinabi: 20 “Pumunta kayo sa templo, at patuloy ninyong sabihin sa mga tao ang lahat ng pananalita tungkol sa buhay.”* 21 Pagkarinig nito, pumasok sila sa templo nang magbukang-liwayway* at nagsimulang magturo.
Nang dumating ang mataas na saserdote at ang mga kasama niya, tinipon nila ang Sanedrin at ang lahat ng matatandang lalaki sa bayang Israel, at ipinasundo nila sa bilangguan ang mga apostol. 22 Pero pagdating doon ng mga guwardiya, wala na sa bilangguan ang mga ito. Kaya bumalik sila 23 at nagsabi: “Nakakandadong mabuti ang bilangguan at nakatayo sa pinto ang mga bantay, pero pagbukas namin, walang tao sa loob.” 24 Nang marinig ito ng kapitan ng templo at ng mga punong saserdote, litong-lito sila at iniisip nila kung ano ang puwedeng maging resulta nito. 25 Pero may dumating at nagsabi: “Nasa templo ang mga lalaking ibinilanggo ninyo at nagtuturo sa mga tao!” 26 Kaya umalis ang kapitan kasama ang mga guwardiya niya para hulihin ang mga apostol, pero hindi sila gumamit ng dahas dahil sa takot na batuhin sila ng mga tao.+
27 Kaya dinala nila ang mga ito at pinatayo sa harap ng Sanedrin. Tinanong ng mataas na saserdote ang mga apostol 28 at sinabi: “Mahigpit namin kayong pinagbawalan na magturo tungkol sa pangalang ito.+ Pero pinalaganap ninyo sa buong Jerusalem ang turo ninyo! At gusto talaga ninyong isisi sa amin ang pagkamatay ng taong ito.”+ 29 Sumagot si Pedro at ang iba pang apostol: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.+ 30 Ang Diyos ng ating mga ninuno ang bumuhay-muli kay Jesus, na pinatay ninyo at ipinako* sa tulos.+ 31 Itinaas siya ng Diyos sa Kaniyang kanan+ bilang Punong Kinatawan+ at Tagapagligtas,+ para makapagsisi ang Israel at mapatawad sa mga kasalanan nila.+ 32 At mga saksi kami rito,+ gayundin ang banal na espiritu,+ na ibinigay ng Diyos sa mga sumusunod sa kaniya bilang tagapamahala nila.”
33 Pagkarinig nito, galit na galit sila at gusto nilang patayin ang mga apostol.+ 34 Pero tumayo sa Sanedrin ang Pariseong si Gamaliel;+ siya ay isang guro ng Kautusan at iginagalang ng lahat. Iniutos niyang ilabas muna sandali ang mga apostol. 35 Pagkatapos, sinabi niya: “Mga lalaki ng Israel, pag-isipan ninyong mabuti ang binabalak ninyong gawin sa mga taong ito. 36 Tingnan ninyo ang nangyari noon kay Teudas na nagsasabing dakila siya; mga 400 lalaki ang sumama sa grupo niya. Pero pinatay siya, at nagkawatak-watak ang lahat ng tagasunod niya, at nauwi sila sa wala. 37 Pagkatapos, noong mga araw ng pagpaparehistro, lumitaw naman si Hudas na taga-Galilea, at nakahikayat din siya ng mga tagasunod. Pero namatay rin ang taong iyon, at nangalat ang lahat ng tagasunod niya. 38 Dahil diyan, sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong pakialaman ang mga taong ito; pabayaan ninyo sila. Dahil kung galing lang sa tao ang turo o gawain nila, hindi ito magtatagumpay; 39 pero kung galing ito sa Diyos, hindi ninyo sila maibabagsak.+ At baka ang Diyos pa nga ang maging kalaban ninyo.”+ 40 Kaya nakinig sila sa payo niya, at ipinatawag nila ang mga apostol, pinagpapalo ang mga ito,+ inutusang huwag nang magsalita tungkol sa pangalan ni Jesus, at saka pinaalis.
41 Kaya ang mga apostol ay umalis sa harap ng Sanedrin nang masayang-masaya+ dahil sa karangalang magdusa* alang-alang sa pangalan niya. 42 At araw-araw sa templo at sa bahay-bahay,+ walang pagod silang nagpatuloy sa pagtuturo at paghahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.+