Mga Gawa ng mga Apostol
24 Pagkalipas ng limang araw, dumating ang mataas na saserdoteng si Ananias+ kasama ang ilan sa matatandang lalaki at si Tertulo na isang pangmadlang tagapagsalita, at iniharap nila sa gobernador+ ang kaso nila laban kay Pablo. 2 Nang pagsalitain na si Tertulo, pinasimulan niyang akusahan si Pablo. Sinabi niya sa harap ni Felix:
“Dahil sa iyo ay nagtatamasa kami ng kapayapaan at dahil sa husay mong magpasiya ay maraming naging pagbabago sa bansang ito, 3 at nasaan man kami ay lagi naming kinikilala at ipinagpapasalamat ang mga iyan, Inyong Kamahalang Felix. 4 Pero para hindi ka na maabala pa, hihingi lang ako ng kaunting panahon at kabaitan habang pinakikinggan mo ang panig namin. 5 Gusto naming ipaalám sa iyo na salot ang taong ito;+ sinusulsulan niyang maghimagsik*+ ang mga Judio sa buong lupa, at siya ay lider ng sekta ng mga Nazareno.+ 6 Tinangka rin niyang lapastanganin ang templo kaya dinakip namin siya.+ 7 —— 8 Makikita mong totoo ang lahat ng paratang namin sa kaniya kapag tinanong* mo siya.”
9 Nakisali na rin ang mga Judio, at iginiit nilang totoo ang mga ito. 10 Nang tanguan ng gobernador si Pablo para magsalita, sinabi nito:
“Alam kong maraming taon ka nang hukom sa bansang ito, kaya nalulugod akong magsalita para ipagtanggol ang sarili ko.+ 11 Mga 12 araw pa lang mula nang pumunta ako sa Jerusalem para sumamba;+ puwede mong tiyakin iyan. 12 Kahit minsan, hindi nila ako nakitang nakipagtalo kaninuman sa templo o nagpasimula ng gulo sa mga sinagoga o saanman sa lunsod. 13 Hindi rin nila kayang patunayan sa iyo ang mga ipinaparatang nila sa akin ngayon. 14 Pero aaminin ko sa iyo na naglilingkod ako sa Diyos ng aking mga ninuno+ ayon sa paraan ng tinatawag nilang sekta, dahil pinaniniwalaan ko ang lahat ng nasa Kautusan at nakasulat sa mga Propeta.+ 15 At umaasa ako, gaya rin ng mga taong ito, na bubuhaying muli+ ng Diyos ang mga matuwid at di-matuwid.+ 16 Dahil diyan, lagi kong sinisikap na magkaroon ng malinis na* konsensiya sa harap ng Diyos at mga tao.+ 17 Ngayon, pagkalipas ng maraming taon, dumating ako para magdala ng mga kaloob udyok ng awa*+ sa aking bansa at para maghandog. 18 Habang ginagawa ko ang mga ito, nakita nila ako sa templo na malinis sa seremonyal na paraan,+ pero wala akong kasamang grupo at hindi rin ako nanggugulo. At nang pagkakataong iyon ay naroon ang ilang Judio mula sa lalawigan* ng Asia,+ 19 na dapat sana ay nasa harap mo ngayon at nag-aakusa laban sa akin kung may reklamo sila.+ 20 O hayaan natin ang mga narito na sabihin kung ano ang nakita nilang kasalanan ko noong nililitis nila ako sa harap ng Sanedrin, 21 maliban sa sinabi ko sa gitna nila: ‘Hinahatulan ako ngayon sa harap ninyo dahil naniniwala ako sa pagkabuhay-muli ng mga patay!’”+
22 Pero dahil alam na alam ni Felix ang totoo may kinalaman sa Daang ito,+ pinaalis niya sila at sinabi: “Kapag pumunta rito si Lisias na kumandante ng militar, saka ako magpapasiya sa usaping ito.” 23 At iniutos niya sa opisyal ng hukbo na bantayan pa rin ang lalaki pero maging maluwag dito, at payagan ang mga kasamahan nito na asikasuhin ito.
24 Pagkaraan ng ilang araw, dumating si Felix kasama ang asawa niyang si Drusila, na isang Judio, at ipinatawag niya si Pablo at nakinig dito habang nagsasalita ito tungkol sa paniniwala kay Kristo Jesus.+ 25 Pero nang tungkol na sa tamang paggawi, pagpipigil sa sarili, at darating na paghatol+ ang ipinapaliwanag ni Pablo, natakot si Felix at sinabi niya: “Umalis ka na muna at ipapatawag ulit kita kapag may pagkakataon ako.” 26 Pero umaasa rin siyang bibigyan siya ni Pablo ng pera kaya ipinatawag niya ito nang mas madalas para makipag-usap dito. 27 Pagkalipas ng dalawang taon, si Felix ay hinalinhan ni Porcio Festo; at dahil gusto ni Felix na makuha ang pabor ng mga Judio,+ hinayaan niya sa bilangguan si Pablo.