Ayon kay Lucas
19 Pagkatapos, nakarating siya sa Jerico at dumaan doon. 2 Naroon ang lalaking si Zaqueo; isa siyang pinuno ng mga maniningil ng buwis, at mayaman siya. 3 Sinikap niyang makita kung sino ang Jesus na ito, pero sa dami ng tao, hindi niya iyon magawa dahil maliit siya. 4 Kaya tumakbo siya para unahan ang mga tao at umakyat sa puno ng sikomoro* para makita niya si Jesus, na malapit nang dumaan doon. 5 Pagdating doon ni Jesus, tumingala siya at sinabi niya: “Zaqueo, bumaba ka agad, dahil kailangan kong tumuloy ngayon sa bahay mo.” 6 Kaya nagmadali siyang bumaba, at malugod niyang tinanggap si Jesus sa bahay niya. 7 Nang makita nila ito, nagbulong-bulungan sila: “Tumuloy siya sa bahay ng isang taong makasalanan.”+ 8 Pero tumayo si Zaqueo, at sinabi niya sa Panginoon: “Panginoon, ibibigay ko sa mahihirap ang kalahati ng mga pag-aari ko, at ibabalik ko sa mga tao nang apat na beses ang halagang kinikil ko sa kanila.”+ 9 Kaya sinabi ni Jesus sa kaniya: “Dumating ngayon ang kaligtasan sa pamilyang ito, dahil ang taong ito ay anak din ni Abraham. 10 Dahil dumating ang Anak ng tao para hanapin at iligtas ang nawala.”+
11 Habang nakikinig sila, nagbigay siya ng isa pang ilustrasyon, dahil malapit na siya sa Jerusalem at inaakala nilang agad nilang makikita ang Kaharian ng Diyos.+ 12 Kaya sinabi niya: “Isang taong ipinanganak na maharlika ang pumunta sa isang malayong lupain+ para makakuha ng kapangyarihan bilang hari, at pagkatapos ay babalik siya. 13 Bago umalis, tinawag niya ang 10 sa mga alipin niya at binigyan sila ng 10 mina at sinabi, ‘Gamitin ninyo sa negosyo ang mga ito hanggang sa dumating ako.’+ 14 Pero ayaw sa kaniya ng mga kababayan niya, at nagsugo sila ng isang grupo ng mga embahador para sabihin sa kaniya, ‘Ayaw naming maghari ka sa amin.’
15 “Nang makabalik siya matapos na makuha ang kapangyarihan bilang hari, ipinatawag niya ang mga aliping binigyan niya ng pera para alamin kung magkano ang kinita nila sa pagnenegosyo.+ 16 Kaya lumapit ang una at nagsabi, ‘Panginoon, ang iyong mina ay tumubo ng 10 mina.’+ 17 Sinabi ng panginoon, ‘Mahusay, mabuting alipin! Dahil pinatunayan mong tapat ka sa napakaliit na bagay, bibigyan kita ng awtoridad sa 10 lunsod.’+ 18 Dumating ang ikalawa at nagsabi, ‘Panginoon, ang iyong mina ay tumubo ng limang mina.’+ 19 Sinabi naman niya sa isang ito, ‘Bibigyan kita ng awtoridad sa limang lunsod.’ 20 Pero may isa pang dumating at nagsabi, ‘Panginoon, narito ang iyong mina, na ibinalot ko sa tela at itinago. 21 Natatakot kasi ako sa iyo dahil mabagsik ka; kinukuha mo ang hindi mo idineposito, at inaani mo ang hindi mo itinanim.’+ 22 Sinabi ng panginoon, ‘Gagamitin ko ang sarili mong salita para hatulan ka, masamang alipin. Alam mo palang mabagsik ako at kinukuha ko ang hindi ko idineposito at inaani ang hindi ko itinanim.+ 23 Kaya bakit hindi mo inilagay sa bangko ang pera ko? May nakuha sana akong interes pagdating ko.’
24 “Kaya sinabi niya sa mga nakatayo sa malapit, ‘Kunin ninyo sa kaniya ang mina at ibigay ito sa may 10 mina.’+ 25 Pero sinabi nila, ‘Panginoon, 10 na ang mina niya!’— 26 ‘Sinasabi ko sa inyo, ang bawat isa na mayroon ay bibigyan pa, pero ang sinumang wala, kahit ang nasa kaniya ay kukunin.+ 27 Isa pa, dalhin ninyo rito ang mga kaaway kong ayaw na maghari ako sa kanila, at patayin ninyo sila sa harap ko.’”
28 Pagkasabi nito, nagpatuloy siya sa paglalakbay papuntang* Jerusalem. 29 Nang malapit na siya sa Betfage at Betania sa bundok na tinatawag na Bundok ng mga Olibo,+ isinugo niya ang dalawa sa mga alagad niya+ 30 at sinabi: “Pumunta kayo sa nayon na abot-tanaw ninyo, at pagdating ninyo roon, may makikita kayong isang bisiro na nakatali at hindi pa nasasakyan ng sinuman. Kalagan ninyo iyon at dalhin dito. 31 Pero kung may magtanong sa inyo, ‘Bakit ninyo kinakalagan iyan?’ sabihin ninyo, ‘Kailangan ito ng Panginoon.’” 32 Kaya umalis ang mga isinugo at nakita nila ito gaya ng sinabi niya sa kanila.+ 33 Pero habang kinakalagan nila ang bisiro, sinabi sa kanila ng mga may-ari nito: “Bakit ninyo kinakalagan ang bisiro?” 34 Sinabi nila: “Kailangan ito ng Panginoon.” 35 At dinala nila iyon kay Jesus, at ipinatong nila sa bisiro ang mga balabal nila at pinasakay si Jesus.+
36 Habang dumadaan siya, inilalatag ng mga tao ang mga balabal nila sa daan.+ 37 Nang malapit na siya sa daan pababa sa Bundok ng mga Olibo, nagsaya ang lahat ng alagad niya at sumigaw ng papuri sa Diyos dahil sa lahat ng makapangyarihang gawa na nakita nila. 38 Sinasabi nila: “Pinagpala siya na dumarating bilang Hari sa pangalan ni Jehova! Kapayapaan sa langit, at kaluwalhatian sa mga kaitaasan!”+ 39 Pero sinabi ng ilan sa mga Pariseo na naroon: “Guro, sawayin mo ang mga alagad mo.”+ 40 Pero sumagot siya: “Sinasabi ko sa inyo, kung mananahimik sila, ang mga bato ang sisigaw.”
41 Nang malapit na siya sa lunsod, tinanaw niya ito at iniyakan.+ 42 Sinabi niya: “Kung naunawaan mo lang sana ang mga bagay na nagdudulot ng kapayapaan+—pero itinago na ang mga iyon mula sa iyong paningin.+ 43 Dahil darating ang araw na ang mga kaaway mo ay magtatayo sa paligid mo ng kutang may matutulis na tulos, at papalibutan ka nila at lulusubin* mula sa lahat ng panig.+ 44 Ikaw at ang mga naninirahan* sa loob mo ay dudurugin,+ at wala silang ititira sa iyo na magkapatong na bato,+ dahil hindi ka nagbigay-pansin sa panahon ng pagsisiyasat sa iyo.”
45 Pumasok siya sa templo at pinalayas ang mga nagtitinda.+ 46 Sinabi niya: “Nasusulat, ‘Ang bahay ko ay tatawaging bahay-panalanginan,’+ pero ginawa ninyo itong pugad ng mga magnanakaw.”+
47 Patuloy siyang nagturo sa templo araw-araw. Pero naghahanap ng pagkakataon ang mga punong saserdote, mga eskriba, at mga pinuno ng bayan para patayin siya;+ 48 gayunman, wala silang makitang pagkakataon, dahil laging nakasunod sa kaniya ang buong bayan para makinig.+