Unang Liham ni Pedro
5 Kaya nga, bilang isa ring matandang lalaki, isang saksi sa mga pagdurusa ng Kristo at kabahagi ng kaluwalhatiang isisiwalat,+ nakikiusap* ako sa matatandang lalaki sa inyo: 2 Pastulan ninyo ang kawan ng Diyos+ na nasa pangangalaga ninyo bilang mga tagapangasiwa,* na naglilingkod nang hindi napipilitan, kundi ginagawa ito nang maluwag sa loob sa harap ng Diyos;+ hindi dahil sa kasakiman sa pakinabang,+ kundi nang may pananabik; 3 hindi nag-aastang panginoon sa mga mana ng Diyos,+ kundi nagsisilbing halimbawa sa kawan.+ 4 At kapag nahayag na ang punong pastol,+ tatanggapin ninyo ang di-kumukupas na korona ng kaluwalhatian.+
5 Sa katulad na paraan, kayong mga nakababatang lalaki, magpasakop kayo sa matatandang lalaki.+ Pero lahat kayo ay magbihis* ng kapakumbabaan* sa pakikitungo sa isa’t isa, dahil ang Diyos ay laban sa mga mapagmataas, pero nagpapakita siya ng walang-kapantay* na kabaitan sa mga mapagpakumbaba.+
6 Kaya magpakababa kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos, para maitaas niya kayo sa takdang panahon,+ 7 habang inihahagis ninyo sa kaniya ang lahat ng inyong álalahanín,*+ dahil nagmamalasakit siya sa inyo.+ 8 Panatilihin ang inyong katinuan, maging mapagbantay!+ Ang kalaban ninyo, ang Diyablo, ay gumagala-gala gaya ng isang umuungal na leon, na naghahanap ng malalapa.+ 9 Pero manindigan kayo laban sa kaniya+ at maging matatag sa inyong pananampalataya, dahil alam ninyong ang ganoon ding mga pagdurusa ay nararanasan ng lahat ng kapatid ninyo* sa buong mundo.+ 10 Pero pagkatapos ninyong magdusa nang kaunting panahon, ang Diyos ng walang-kapantay na kabaitan, na tumawag sa inyo tungo sa kaniyang walang-hanggang kaluwalhatian+ kaisa ni Kristo, ang mismong tatapos sa inyong pagsasanay. Patatatagin niya kayo,+ palalakasin niya kayo,+ gagawin niya kayong matibay. 11 Sa kaniya ang kapangyarihan magpakailanman. Amen.
12 Sa pamamagitan ni Silvano,*+ na itinuturing kong isang tapat na kapatid, ay sumulat ako sa inyo sa maikli para patibayin kayo at tiyakin sa inyo na ito ang tunay na walang-kapantay na kabaitan ng Diyos. Manghawakan kayo rito. 13 May nagpapadala ng kaniyang* pagbati sa inyo mula sa Babilonya, isang pinili na tulad ninyo, at binabati rin kayo ni Marcos,+ na aking anak. 14 Batiin ninyo ang isa’t isa ng halik ng pag-ibig.
Kayong lahat na kaisa ni Kristo ay magkaroon nawa ng kapayapaan.