Ayon kay Marcos
1 Ang pasimula ng mabuting balita tungkol kay Jesu-Kristo, ang Anak ng Diyos: 2 Nakasulat sa aklat ng propetang si Isaias: “(Isinusugo ko ang aking mensahero sa unahan mo, na maghahanda ng iyong dadaanan.)+ 3 May sumisigaw sa ilang: ‘Ihanda ninyo ang dadaanan ni Jehova! Patagin ninyo ang lalakaran niya.’”+ 4 Si Juan na Tagapagbautismo ay nasa ilang para mangaral tungkol sa bautismo bilang sagisag ng pagsisisi para sa kapatawaran ng mga kasalanan.+ 5 At ang mga tao sa buong Judea at ang lahat ng taga-Jerusalem ay pumupunta sa kaniya. Binabautismuhan niya sa Ilog Jordan ang mga ito, na hayagang nagtatapat ng kanilang mga kasalanan.+ 6 Ang damit ni Juan ay gawa sa balahibo ng kamelyo at may sinturon siyang gawa sa balat ng hayop,+ at kumakain siya ng balang+ at pulot-pukyutang galing sa gubat.+ 7 Ipinangangaral niya: “Dumarating na kasunod ko ang isa na mas malakas kaysa sa akin, at hindi man lang ako karapat-dapat na magkalag sa sintas ng sandalyas niya.+ 8 Binautismuhan ko kayo sa tubig, pero babautismuhan niya kayo sa pamamagitan ng banal na espiritu.”+
9 Nang panahong iyon, si Jesus ay dumating mula sa Nazaret ng Galilea, at binautismuhan siya ni Juan sa Jordan.+ 10 At pagkaahon na pagkaahon sa tubig, nakita niya ang langit na nahahawi at ang espiritu na parang kalapati na bumababa sa kaniya.+ 11 At isang tinig ang nanggaling sa langit: “Ikaw ang Anak ko, ang minamahal ko; nalulugod ako sa iyo.”+
12 At agad siyang inudyukan ng espiritu na pumunta sa ilang. 13 Kaya nanatili siya sa ilang nang 40 araw, at tinukso siya roon ni Satanas.+ May maiilap na hayop doon, pero pinaglilingkuran siya ng mga anghel.+
14 Pagkatapos maaresto si Juan,+ pumunta si Jesus sa Galilea+ at ipinangaral ang mabuting balita ng Diyos.+ 15 Sinasabi niya: “Dumating na ang takdang panahon, at malapit na ang Kaharian ng Diyos. Magsisi kayo+ at manampalataya sa mabuting balita.”
16 Habang naglalakad sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya si Simon at ang kapatid nitong si Andres+ na naghahagis ng lambat sa lawa,+ dahil mga mangingisda sila.+ 17 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila: “Sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.”+ 18 At agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kaniya.+ 19 Nagpatuloy siya sa paglalakad at nakita niya ang magkapatid na sina Santiago at Juan, na mga anak ni Zebedeo. Nasa bangka sila at tinatahi ang punit sa mga lambat nila.+ 20 Agad silang tinawag ni Jesus. Kaya iniwan nila sa bangka ang ama nilang si Zebedeo kasama ng mga trabahador nito, at sumunod sila kay Jesus. 21 Pumunta sila sa Capernaum.
Pagsapit ng Sabbath, pumasok siya sa sinagoga at nagsimulang magturo.+ 22 Hangang-hanga ang mga tao sa paraan niya ng pagtuturo, dahil nagtuturo siya sa kanila bilang isa na may awtoridad, at hindi gaya ng mga eskriba.+ 23 Nang pagkakataong iyon, may isang tao sa sinagoga nila na sinasapian ng isang masamang espiritu, at sumigaw ito: 24 “Bakit nandito ka, Jesus na Nazareno?+ Nandito ka ba para puksain kami? Alam ko kung sino ka talaga, ikaw ang isinugo ng Diyos!”*+ 25 Pero sinaway ito ni Jesus: “Tumahimik ka, at lumabas ka sa kaniya!” 26 At ang masamang espiritu, pagkatapos na pangisayin ang lalaki, ay humiyaw nang napakalakas at lumabas sa kaniya.+ 27 Manghang-mangha ang mga tao kaya nag-usap-usap sila: “Ano ito? Isang bagong paraan ng pagtuturo!* Nauutusan niya kahit ang masasamang espiritu, at sumusunod sila sa kaniya.” 28 Kaya ang balita tungkol sa kaniya ay agad na kumalat sa buong lupain ng Galilea.
29 Pagkatapos, umalis sila sa sinagoga at pumunta sa bahay nina Simon at Andres kasama sina Santiago at Juan.+ 30 Ang biyenang babae ni Simon+ ay nakahiga at nilalagnat, at sinabi nila agad kay Jesus ang kalagayan niya. 31 Nilapitan siya ni Jesus, hinawakan sa kamay, at ibinangon. Nawala ang lagnat niya, at inasikaso niya sila.
32 Pagsapit ng gabi, nang lumubog na ang araw, dinala sa kaniya ng mga tao ang lahat ng maysakit at sinasaniban ng demonyo;+ 33 at ang mga tao sa buong lunsod ay natipon sa may pintuan ng bahay. 34 Kaya marami siyang pinagaling na may iba’t ibang sakit,+ at nagpalayas siya ng maraming demonyo,+ pero hindi niya hinahayaang magsalita ang mga demonyo, dahil alam nilang siya ang Kristo.+
35 Kinaumagahan, habang madilim pa, bumangon siya at lumabas papunta sa isang liblib na lugar; at nagsimula siyang manalangin doon.+ 36 Pero hinanap siya ni Simon at ng mga kasama nito. 37 Nang makita nila siya, sinabi nila sa kaniya: “Hinahanap ka ng lahat.” 38 Sinabi niya sa kanila: “Pumunta tayo sa ibang lugar, sa kalapít na mga bayan, para makapangaral din ako roon, dahil ito ang dahilan kung bakit ako dumating.”+ 39 At umalis siya at nangaral sa mga sinagoga sa buong Galilea at nagpalayas ng mga demonyo.+
40 May lumapit din sa kaniya na isang ketongin, at nakaluhod pa itong nagmakaawa sa kaniya: “Kung gugustuhin mo lang, mapagagaling* mo ako.”+ 41 Naawa siya+ at hinipo ang lalaki, at sinabi niya: “Gusto ko! Gumaling ka.”+ 42 Nawala agad ang ketong ng lalaki, at siya ay naging malinis. 43 Pinaalis siya agad ni Jesus matapos siyang mahigpit na pagbilinan: 44 “Huwag mo itong sasabihin kahit kanino, pero humarap ka sa saserdote at maghandog ka ng mga bagay na iniutos ni Moises para sa paglilinis sa iyo,+ para makita nila* na gumaling ka na.”+ 45 Pero pagkaalis ng lalaki, ipinamalita niya ang nangyari saanman siya magpunta, kaya hindi na hayagang makapasok si Jesus saanmang lunsod, kundi nanatili siya sa labas, sa liblib na mga lugar. Pero pinupuntahan pa rin siya ng mga tao mula sa iba’t ibang lugar.+