Mga Gawa ng mga Apostol
13 May mga propeta at mga guro sa kongregasyon+ sa Antioquia: si Bernabe,+ si Symeon na tinatawag na Niger, si Lucio ng Cirene, si Manaen na tinuruang kasama ni Herodes+ na tagapamahala ng distrito, at si Saul. 2 Habang naglilingkod sila kay Jehova at nag-aayuno,* sinabi ng banal na espiritu: “Ibukod ninyo sina Bernabe at Saul,+ dahil pinili ko sila para sa isang gawain.”+ 3 Matapos mag-ayuno at manalangin, ipinatong nila sa mga ito ang mga kamay nila at isinugo.
4 Kaya pumunta sa Seleucia ang mga lalaking ito, na isinugo ng banal na espiritu, at mula roon ay naglayag sila papuntang Ciprus. 5 Pagdating sa Salamis, sinimulan nilang ihayag ang salita ng Diyos sa mga sinagoga ng mga Judio. Kasama nila si Juan bilang tagapaglingkod.+
6 Nang malibot na nila ang buong isla hanggang sa Pafos, nakilala nila si Bar-Jesus, isang lalaking Judio na mangkukulam* at huwad na propeta. 7 Kasama siya ng proconsul na si Sergio Paulo, isang matalinong lalaki. Ipinatawag nito sina Bernabe at Saul, dahil gustong-gusto nitong marinig ang salita ng Diyos. 8 Pero kinokontra sila ni Elimas* na mangkukulam (iyan ang kahulugan ng pangalan niya); sinisikap niyang pigilan na maging mananampalataya ang proconsul. 9 Tinitigan siya ni Saul, na tinatawag ding Pablo, na napuspos ng banal na espiritu; 10 sinabi nito: “O taong punô ng bawat uri ng pandaraya at kasamaan, ikaw na anak ng Diyablo+ at kaaway ng bawat bagay na matuwid, hindi mo ba titigilan ang pagpilipit sa matuwid na mga daan ni Jehova? 11 Tingnan mo! Kikilos laban sa iyo ang kamay ni Jehova, at mabubulag ka; pansamantala kang hindi makakakita ng liwanag ng araw.” At biglang lumabo at dumilim ang paningin niya, at naghanap siya ng taong aakay sa kaniya. 12 Pagkakita sa nangyari, naging mananampalataya ang proconsul, dahil namangha siya sa turo ni Jehova.
13 Naglayag ngayon si Pablo at ang mga kasama niya mula sa Pafos at nakarating sa Perga+ sa Pamfilia. Pero iniwan sila ni Juan+ at bumalik ito sa Jerusalem.+ 14 Gayunman, nagpatuloy sila mula sa Perga at nakarating sa Antioquia+ sa Pisidia. At nang araw ng Sabbath, pumasok sila sa sinagoga+ at umupo. 15 Pagkatapos ng pangmadlang pagbabasa ng Kautusan at mga Propeta,+ ipinasabi sa kanila ng mga punong opisyal ng sinagoga: “Mga kapatid, kung may mensahe kayong magpapatibay sa amin, sabihin ninyo.” 16 Kaya tumayo si Pablo, sumenyas sa mga tao, at nagsabi:
“Mga Israelita at kayong iba pa na natatakot sa Diyos, makinig kayo. 17 Ang mga ninuno natin ay pinili ng Diyos ng bayang ito, ang Israel, at dinakila niya sila habang naninirahan sila bilang dayuhan sa Ehipto at inilabas doon gamit ang malakas* niyang bisig.+ 18 At mga 40 taon niya silang pinagtiisan sa ilang.+ 19 Matapos pabagsakin ang pitong bansa sa lupain ng Canaan, hinati-hati niya ang lupain at ipinamana sa mga tribo ng Israel.+ 20 Nangyari ang lahat ng iyan sa loob ng mga 450 taon.
“Pagkatapos, binigyan niya sila ng mga hukom hanggang kay Samuel na propeta.+ 21 Pero pilit silang humingi ng isang hari,+ at ibinigay sa kanila ng Diyos si Saul na anak ni Kis, isang lalaki mula sa tribo ni Benjamin.+ Namahala siya sa kanila nang 40 taon. 22 Inalis siya ng Diyos at pinili si David bilang hari nila.+ Nagpatotoo siya tungkol dito, at sinabi niya: ‘Natagpuan ko si David na anak ni Jesse,+ isang lalaking kalugod-lugod sa puso ko;+ gagawin niya ang lahat ng gusto ko.’ 23 Gaya ng ipinangako ng Diyos, mula sa supling ng taong ito ay nagbigay siya sa Israel ng isang tagapagligtas, si Jesus.+ 24 Bago dumating ang isang iyon, hayagang ipinangaral ni Juan sa lahat ng tao sa Israel ang bautismo bilang sagisag ng pagsisisi.+ 25 Pero noong papatapos na si Juan sa atas niya, sinasabi niya: ‘Sino ako sa palagay ninyo? Hindi ako ang taong iyon.+* Pero darating siyang kasunod ko, at hindi ako karapat-dapat na magkalag sa sintas ng sandalyas niya.’+
26 “Mga kapatid, kayo na mga inapo ng pamilya ni Abraham at ang iba pa sa inyo na natatakot sa Diyos, ang mensahe ng kaligtasang ito ay ipinadala sa atin.+ 27 Ang isang ito ay hindi kinilala ng mga taga-Jerusalem at ng mga tagapamahala nila, pero nang hatulan nila siya, tinupad nila ang sinabi ng mga Propeta,+ na binabasa nang malakas tuwing sabbath. 28 Kahit wala silang nakitang basehan para patayin siya,+ pinilit nila si Pilato na patayin siya.+ 29 At nang matupad nila ang lahat ng nakasulat tungkol sa kaniya, ibinaba nila siya sa tulos at inilibing.+ 30 Pero binuhay siyang muli ng Diyos,*+ 31 at maraming araw siyang nagpakita sa mga sumama sa kaniya mula sa Galilea papuntang Jerusalem. Sila ngayon ang nagpapatotoo sa bayan tungkol sa kaniya.+
32 “Kaya ipinahahayag namin sa inyo ang mabuting balita tungkol sa pangakong ibinigay sa mga ninuno natin. 33 Lubusan itong tinupad ng Diyos sa atin, na mga anak nila, nang buhayin niyang muli si Jesus;+ gaya ng nakasulat sa ikalawang awit: ‘Ikaw ang anak ko; ngayon, ako ay naging iyong ama.’+ 34 Binuhay siyang muli ng Diyos at hindi na siya kailanman babalik sa kasiraan.* Inihula Niya ito sa ganitong paraan: ‘Ipapakita ko sa iyo ang tapat na pag-ibig na ipinangako ko kay David, at ito ay mapagkakatiwalaan.’*+ 35 Kaya sinasabi rin sa isa pang awit: ‘Ang katawan ng tapat sa iyo ay hindi mo hahayaang mabulok.’+ 36 Si David ay naglingkod sa Diyos nang buong buhay niya, namatay,* inilibing kasama ng mga ninuno niya, at nabulok ang katawan.+ 37 Pero ang katawan ng isang ito na binuhay-muli ng Diyos ay hindi nabulok.+
38 “Kaya ipinaaalam ko sa inyo ngayon, mga kapatid, na sa pamamagitan ng isang ito ay mapatatawad ang mga kasalanan ninyo.+ 39 Sa Kautusan ni Moises, hindi kayo maipahahayag na walang-sala sa lahat ng bagay,+ pero sa pamamagitan ng isang ito, ang bawat isa na naniniwala ay ipinahahayag na walang-sala.+ 40 Kaya mag-ingat kayo para hindi mangyari sa inyo ang nakasulat sa mga Propeta: 41 ‘Tingnan ninyo iyon, ninyong mga mapanghamak, at mamamangha kayo at mamamatay, dahil may isinasakatuparan akong gawain sa panahon ninyo, isang gawaing hindi ninyo paniniwalaan kahit pa may magkuwento nito sa inyo nang detalyado.’”+
42 Nang paalis na sila, pinakiusapan sila ng mga tao na magsalita ulit tungkol dito sa susunod na Sabbath. 43 Kaya nang matapos ang pagtitipon sa sinagoga, marami sa mga Judio at proselita na sumasamba sa Diyos ang sumunod kina Pablo at Bernabe; habang kinakausap nila ang mga taong ito, hinimok nila ang mga ito na manatili* sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos.+
44 Nang sumunod na Sabbath, halos buong lunsod ang nagkatipon para marinig ang salita ni Jehova. 45 Nang makita ng mga Judio ang napakaraming tao, inggit na inggit sila at sinimulan nilang kontrahin nang may pamumusong* ang mga sinasabi ni Pablo.+ 46 Kaya lakas-loob na sinabi nina Pablo at Bernabe: “Sa inyo unang kinailangang sabihin ang salita ng Diyos.+ Pero dahil itinakwil ninyo iyon at ipinakitang hindi kayo karapat-dapat sa buhay na walang hanggan, babaling kami sa ibang mga bansa.+ 47 Dahil ibinigay ni Jehova ang utos na ito sa amin: ‘Inatasan kita bilang liwanag ng mga bansa, para maghatid ng kaligtasan hanggang sa mga dulo ng lupa.’”+
48 Nang marinig ito ng mga tagaibang bansa, nagsaya sila at niluwalhati nila ang salita ni Jehova, at naging mananampalataya ang lahat ng nakaayon sa* buhay na walang hanggan. 49 At ang salita ni Jehova ay patuloy na lumaganap sa buong lupain. 50 Pero sinulsulan ng mga Judio ang debotong mga babae na kilala sa lipunan at ang mga prominenteng lalaki sa lunsod, kaya pinag-usig+ sina Pablo at Bernabe at itinapon sila sa labas ng hangganan. 51 At ipinagpag nila ang alikabok mula sa mga paa nila bilang patotoo laban sa mga ito, at pumunta sila sa Iconio.+ 52 At ang mga alagad ay masayang-masaya+ at patuloy na napuspos ng banal na espiritu.