Mga Hukom
8 Pagkatapos, sinabi sa kaniya ng mga lalaki ng Efraim: “Bakit mo ito ginawa sa amin? Bakit hindi mo kami tinawag nang makipaglaban ka sa Midian?”+ Galit na galit silang nakipag-away sa kaniya.+ 2 Pero sinabi niya sa kanila: “Ano ba ang nagawa ko kung ikukumpara sa nagawa ninyo? Hindi ba ang pagsimot ng Efraim+ sa ubasan ay mas mabuti kaysa sa pag-aani ng Abi-ezer?+ 3 Sa kamay ninyo ibinigay ng Diyos ang matataas na opisyal ng Midian na sina Oreb at Zeeb,+ at ano ang nagawa ko kung ikukumpara sa nagawa ninyo?” Nang magsalita siya sa ganitong paraan,* huminahon sila.*
4 Pagkatapos, nakarating si Gideon sa Jordan, at tinawid niya ito. Siya at ang 300 kasama niya ay pagod, pero patuloy pa rin sila sa paghabol sa kalaban. 5 Kaya sinabi niya sa mga lalaki ng Sucot: “Pakisuyong bigyan ninyo ng tinapay ang mga mandirigmang kasama ko, dahil pagod sila at hinahabol ko sina Zeba at Zalmuna, na mga hari ng Midian.” 6 Pero sinabi ng matataas na opisyal ng Sucot: “Nasa kamay mo na ba sina Zeba at Zalmuna* kaya dapat naming bigyan ng tinapay ang hukbo mo?” 7 Kaya sinabi ni Gideon: “Dahil diyan, kapag ibinigay ni Jehova sina Zeba at Zalmuna sa kamay ko, hahagupitin ko kayo ng matitinik na halaman mula sa ilang.”+ 8 At mula roon ay umakyat siya sa Penuel at nakiusap din sa mga tagaroon, pero ang isinagot ng mga lalaki ng Penuel ay gaya rin ng isinagot ng mga lalaki ng Sucot. 9 Kaya sinabi niya sa mga lalaki ng Penuel: “Kapag nagtagumpay ako at nakabalik dito, ibabagsak ko ang toreng ito.”+
10 Ngayon, sina Zeba at Zalmuna ay nasa Karkor kasama ang kanilang mga hukbo, mga 15,000 lalaki. Ito ang lahat ng natira sa buong hukbo ng mga taga-Silangan,+ dahil 120,000 mandirigma na ang namatay. 11 Si Gideon ay dumaan sa lansangang dinadaanan ng mga nakatira sa tolda, sa silangan ng Noba at Jogbeha,+ at sinalakay niya ang kampo, na hindi nakahanda sa labanan. 12 Nang tumakas ang dalawang hari ng Midian na sina Zeba at Zalmuna, hinabol niya at hinuli ang mga ito, kaya natakot nang husto ang lahat ng nasa kampo.
13 Si Gideon na anak ni Joas ay bumalik mula sa pakikipagdigma at dumaan sa lansangang paakyat ng Heres. 14 Habang nasa daan, binihag niya ang isang kabataang lalaki mula sa Sucot at tinanong ito. Kaya isinulat ng kabataang lalaki ang pangalan ng matataas na opisyal at ng matatandang lalaki ng Sucot, 77 lalaki. 15 Pagkatapos, nagpunta siya sa mga lalaki ng Sucot at nagsabi: “Heto sina Zeba at Zalmuna. Hindi ba tinuya ninyo ako, na sinasabi, ‘Nasa kamay mo na ba sina Zeba at Zalmuna kaya dapat naming bigyan ng tinapay ang mga pagod mong mandirigma?’”+ 16 Pagkatapos, kinuha niya ang matatandang lalaki sa lunsod, at gamit ang matitinik na halaman mula sa ilang, tinuruan niya ng leksiyon ang mga lalaki ng Sucot.+ 17 Ibinagsak din niya ang tore ng Penuel+ at pinatay ang mga lalaki ng lunsod.
18 Tinanong niya sina Zeba at Zalmuna: “Anong uri ng mga lalaki ang pinatay ninyo sa Tabor?” Sumagot sila: “Gaya mo sila, ang bawat isa sa kanila ay mukhang anak ng hari.” 19 Kaya sinabi niya: “Mga kapatid ko sila, mga anak ng aking ina. Isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova, hindi ko sana kayo papatayin kung hindi ninyo sila pinatay.” 20 Pagkatapos, sinabi niya sa panganay niyang si Jeter: “Patayin mo sila.” Pero hindi hinugot ng kabataang lalaki ang espada niya; natatakot siya, dahil kabataan pa siya. 21 Kaya sinabi nina Zeba at Zalmuna: “Ikaw mismo ang pumatay sa amin, dahil nasusukat ang pagkalalaki ng isang tao sa lakas niya.” Kaya pinatay ni Gideon sina Zeba at Zalmuna+ at kinuha ang mga palamuting hugis-buwan na nasa leeg ng kanilang mga kamelyo.
22 Sa kalaunan, sinabi kay Gideon ng mga lalaki sa Israel: “Mamahala ka sa amin, ikaw, ang anak mo, pati ang apo mo, dahil iniligtas mo kami sa kamay ng Midian.”+ 23 Pero sinabi ni Gideon sa kanila: “Hindi ako ang mamamahala sa inyo, at hindi rin ang anak ko. Si Jehova ang mamamahala sa inyo.”+ 24 Sinabi pa ni Gideon: “May isa akong hiling sa inyo: bigyan ako ng bawat isa sa inyo ng hikaw na pang-ilong mula sa kaniyang nasamsam.” (Dahil ang tinalo nilang mga Ismaelita+ ay may mga gintong hikaw na pang-ilong.) 25 Sinabi nila: “Sige, magbibigay kami.” Kaya naglatag sila ng isang balabal, at ang bawat isa ay naghagis doon ng hikaw na pang-ilong mula sa kaniyang nasamsam. 26 Ang timbang ng mga gintong hikaw na pang-ilong na hiniling niya ay umabot nang 1,700 siklo,* bukod pa sa mga palamuting hugis-buwan, mga palawit, mga damit na lanang purpura* na isinusuot ng mga hari ng Midian, at mga kuwintas ng mga kamelyo.+
27 Ginamit ito ni Gideon sa paggawa ng isang epod*+ at itinanghal iyon sa Opra na lunsod niya;+ at doon ay sinamba iyon ng* buong Israel,+ at naging silo iyon kay Gideon at sa sambahayan niya.+
28 Sa gayon, natalo ng mga Israelita ang Midian,+ at hindi na sila muling kinalaban ng mga ito;* at ang lupain ay nagkaroon ng kapayapaan sa loob ng 40 taon habang nabubuhay si Gideon.+
29 At si Jerubaal+ na anak ni Joas ay umuwi sa bahay niya at nanatili roon.
30 Si Gideon ay nagkaroon ng 70 anak na lalaki,* dahil marami siyang asawa. 31 Nagkaroon din siya ng isang anak na lalaki sa kaniyang pangalawahing asawa sa Sikem, at pinangalanan niya itong Abimelec.+ 32 At si Gideon na anak ni Joas ay namatay matapos masiyahan sa mahabang buhay, at inilibing siya sa libingan ng ama niyang si Joas sa Opra ng mga Abi-ezrita.+
33 Pagkamatay ni Gideon, ang mga Israelita ay muling sumamba* sa mga Baal,+ at ginawa nilang diyos si Baal-berit.+ 34 Hindi inalaala ng mga Israelita si Jehova na kanilang Diyos,+ na nagligtas sa kanila mula sa kamay ng lahat ng kaaway nila sa palibot;+ 35 at hindi sila nagpakita ng tapat na pag-ibig sa sambahayan ni Jerubaal, na siyang si Gideon, bilang ganti sa lahat ng kabutihang ginawa niya para sa Israel.+