Mga Gawa ng mga Apostol
9 Pero si Saul, na patuloy na nagbabanta sa mga alagad ng Panginoon at gustong-gustong patayin ang mga ito,+ ay pumunta sa mataas na saserdote 2 at humingi ng mga liham na puwede niyang ipakita sa mga sinagoga* sa Damasco para maaresto niya at madala sa Jerusalem ang sinumang mahanap niya na kabilang sa Daan,+ kapuwa mga lalaki at babae.
3 Habang naglalakbay siya at malapit na sa Damasco, biglang suminag sa kaniya ang isang liwanag mula sa langit.+ 4 Nabuwal siya at may narinig na tinig: “Saul, Saul, bakit mo ako inuusig?” 5 Nagtanong siya: “Sino ka, Panginoon?” Sinabi nito: “Ako si Jesus,+ ang inuusig mo.+ 6 Pero tumayo ka at pumasok ka sa lunsod, at may magsasabi sa iyo ng dapat mong gawin.” 7 At ang mga lalaking naglalakbay na kasama niya ay natigilan at di-makapagsalita, dahil may naririnig silang tinig pero walang nakikitang sinuman.+ 8 Kaya tumayo si Saul, at kahit nakadilat, hindi siya makakita. Kaya inakay nila siya papuntang Damasco. 9 Tatlong araw siyang hindi makakita;+ hindi rin siya kumain at uminom.
10 May isang alagad sa Damasco na ang pangalan ay Ananias.+ Sinabi ng Panginoon sa kaniya sa pangitain: “Ananias!” Sumagot siya: “Narito ako, Panginoon.” 11 Sinabi ng Panginoon: “Pumunta ka sa lansangan na tinatawag na Tuwid, at hanapin mo sa bahay ni Hudas si Saul na mula sa Tarso.+ Nananalangin siya ngayon, 12 at nakita niya sa pangitain na isang lalaki na ang pangalan ay Ananias ang dumating at ipinatong nito sa kaniya ang mga kamay nito para makakita siyang muli.”+ 13 Pero sinabi ni Ananias: “Panginoon, marami na akong narinig tungkol sa lalaking ito. Marami ang nagsabi kung paano niya ipinahamak ang mga alagad* mo sa Jerusalem. 14 May awtoridad din siya mula sa mga punong saserdote na arestuhin ang lahat ng tumatawag sa pangalan mo.”+ 15 Pero sinabi ng Panginoon: “Puntahan mo siya, dahil ang taong ito ay pinili ko*+ para dalhin ang pangalan ko sa mga bansa,+ gayundin sa mga hari+ at sa mga Israelita. 16 Dahil ipapakita ko sa kaniya ang lahat ng paghihirap na daranasin niya dahil sa pangalan ko.”+
17 Kaya umalis si Ananias at pumasok sa bahay na kinaroroonan ni Saul. Ipinatong niya rito ang mga kamay niya at sinabi: “Saul, kapatid, isinugo ako ng Panginoong Jesus, na nagpakita sa iyo sa daan habang papunta ka rito, para makakita kang muli at mapuspos ng banal na espiritu.”+ 18 Biglang may nalaglag na parang mga kaliskis mula sa mga mata ni Saul, at nakakita siyang muli. Tumayo siya at nabautismuhan. 19 Kumain din siya at lumakas.
Mga ilang araw siyang nanatiling kasama ng mga alagad sa Damasco,+ 20 at agad siyang nagsimulang mangaral sa mga sinagoga tungkol kay Jesus, na ito ang Anak ng Diyos. 21 Pero gulat na gulat ang lahat ng nakaririnig sa kaniya, at sinasabi nila: “Hindi ba ito ang taong nagpahirap sa mga nasa Jerusalem na tumatawag sa pangalang ito?+ Hindi ba pumunta siya rito para arestuhin sila at dalhin sa mga punong saserdote?”*+ 22 Pero lalo pang nagiging mahusay si Saul sa ministeryo at walang maisagot sa kaniya ang mga Judio na nakatira sa Damasco habang pinatutunayan niya sa lohikal na paraan na si Jesus ang Kristo.+
23 Makalipas ang maraming araw, nagplano ang mga Judio na patayin siya.+ 24 Pero nalaman ni Saul ang plano nila. Nakabantay rin sila sa mga pintuang-daan, araw at gabi, para mapatay siya. 25 Kaya tinulungan siya ng mga alagad niya; isang gabi, inilagay nila siya sa isang malaking basket at idinaan sa isang butas sa pader para makababa.+
26 Pagdating sa Jerusalem,+ sinikap niyang makasama ang mga alagad, pero takot silang lahat sa kaniya, dahil hindi sila naniniwalang alagad na siya. 27 Kaya tinulungan siya ni Bernabe+ at isinama siya sa mga apostol. Sinabi nito sa kanila nang detalyado kung paano nakita ni Saul sa daan ang Panginoon,+ na nakipag-usap sa kaniya, at kung paano siya nagsalita nang walang takot sa Damasco sa ngalan ni Jesus.+ 28 Kaya nanatili siyang kasama nila. Malaya siyang nakakakilos sa Jerusalem at walang takot na nagsasalita sa ngalan ng Panginoon. 29 Nakikipag-usap siya at nakikipagtalo sa mga Judiong nagsasalita ng Griego, at ilang beses siyang pinagtangkaang patayin ng mga ito.+ 30 Nang malaman ito ng mga kapatid, dinala nila siya sa Cesarea at pinapunta sa Tarso.+
31 Pagkatapos nito, ang lahat ng alagad* sa buong Judea, Galilea, at Samaria+ ay nakaranas ng isang yugto ng kapayapaan at napatibay; at habang namumuhay sila nang may takot kay Jehova at tumatanggap ng pampatibay mula sa banal na espiritu,+ patuloy silang dumarami.
32 At habang lumilibot si Pedro sa buong rehiyon, pinuntahan niya rin ang mga alagad* sa Lida.+ 33 Nakita niya roon si Eneas, isang lalaki na walong taon nang nakaratay sa higaan dahil paralisado ito. 34 Sinabi ni Pedro: “Eneas, pinagaling ka ni Jesu-Kristo.+ Bumangon ka at ayusin ang higaan mo.”+ At agad siyang bumangon. 35 Nang makita siya ng lahat ng nakatira sa Lida at Kapatagan ng Saron, nanampalataya sila sa Panginoon.
36 At may isang alagad sa Jope na nagngangalang Tabita, na kapag isinalin ay “Dorcas.” Napakarami niyang ginagawang mabuti, at matulungin siya sa mahihirap.* 37 Pero nang mga panahong iyon, nagkasakit siya at namatay. Kaya pinaliguan nila siya at inilagay sa isang silid sa itaas. 38 Malapit lang ang Lida sa Jope, kaya nang mabalitaan ng mga alagad na nasa lunsod na iyon si Pedro, nagsugo sila ng dalawang lalaki para sabihin sa kaniya: “Pakiusap, pumunta ka agad sa amin.” 39 Kaya sumama agad sa kanila si Pedro. Pagdating doon, isinama nila siya sa silid sa itaas; at humarap sa kaniya ang lahat ng biyuda na umiiyak habang ipinapakita ang maraming kasuotan at mahabang damit na ginawa ni Dorcas noong buháy pa ito. 40 Pagkatapos, pinalabas ni Pedro ang lahat;+ lumuhod siya at nanalangin. Paglapit niya sa bangkay, sinabi niya: “Tabita, bumangon ka!” Dumilat ito at umupo nang makita si Pedro.+ 41 Hinawakan ni Pedro ang kamay nito at itinayo ito. Pagkatapos, tinawag niya ang mga alagad* at ang mga biyuda at ipinakitang buháy na si Tabita.+ 42 Napabalita ito sa buong Jope, at marami ang nanampalataya sa Panginoon.+ 43 Nanatili pa siya nang maraming araw sa Jope kasama ni Simon, na gumagawa ng katad.*+