SINDAK
[sa Ingles, awe].
Ang mga pandiwang Hebreo na ya·reʼʹ (Lev 19:30; 26:2) at ʽa·ratsʹ (Aw 89:7; Isa 29:23; 47:12) ay maaaring magtawid ng diwa ng pagkasindak, o mapitagang pagkatakot. Kadalasan na, ang pandiwang ʽa·ratsʹ ay nangangahulugan ng panginginig dahil sa takot o sindak, o pagpapangyari ng gayong panginginig.—Isa 8:12; Aw 10:18; tingnan ang TAKOT.
Lubhang nasindak ang mga nakakita noon sa malinaw na mga katibayan ng presensiya ni Jehova. Noong nagkakatipon ang mga Israelita sa Bundok Sinai, nakita nila ang pagbaba ng isang madilim na ulap, kasabay ng mga kulog, kidlat, at tunog ng tambuli na palakas nang palakas. Yumanig ang buong bundok, at pumailanlang ang usok mula roon. Lubhang natakot ang mga Israelita sa pagtatanghal na ito ng kapangyarihan, anupat maging si Moises ay nanginig. Sa pamamagitan ng pagpapamalas na ito ng kaluwalhatian ni Jehova, ikinintal sa mga Israelita ang isang kapaki-pakinabang na uri ng pagkatakot upang iwasan nilang magkasala.—Exo 19:9, 16-19; 20:18, 20; Heb 12:21.
Kasindak-sindak ang mga paglalarawan ng kaluwalhatian ni Jehova sa mga pangitain. Ang plataporma ng makalangit na karo, na sa ibabaw nito’y nakita ng propetang si Ezekiel ang kaluwalhatian ni Jehova, ay kumikislap na gaya ng kasindak-sindak na yelo. Sa itaas ng mga ulo ng mga nilalang na buháy, na kawangis ng mga kerubin, ang platapormang ito ay gaya ng isang kalawakang natatagos ng liwanag, anupat kasindak-sindak ang laki at anyo nito. Lagusang makikita sa plataporma ang wangis ng isang trono na yari sa batong safiro. Ang anyong nakaupo sa trono ay nagliliwanag gaya ng kulay dilaw na kaningningan ng elektrum sa apoy ng tagapagdalisay, anupat ang buong anyong iyon ay napalilibutan ng gayunding kaningningan. Nang mamasdan ni Ezekiel ang pangitaing ito ng kaluwalhatian ni Jehova, isinubsob niya ang kaniyang mukha dahil sa masidhing pagpipitagan.—Eze 1:15-22, 25-28.
Si Jehova lamang ang dapat pag-ukulan ng gayong pagkasindak, o mapitagang pagkatakot, anupat ang isa ay nauudyukang sumamba sa kaniya. (Aw 89:7; Isa 29:23) Ang mga Kristiyano ay hinihimok na ‘mag-ukol sa Diyos ng sagradong paglilingkod nang may makadiyos na takot at sindak [isang anyo ng Gr. na deʹos].’ (Heb 12:28) Ipinakikita ng mga lingkod ng Diyos ang pagkasindak na ito sa kanilang marubdob na pagsisikap na palugdan siya, anupat kinikilalang pagsusulitin niya ang lahat at hahatol siya nang walang pagtatangi.—1Pe 1:17; Apo 14:7.
May mga pagkakataong ang mga indibiduwal at mga bansa ay pumupukaw rin ng pagkasindak ng iba, sinasadya man o hindi. Halimbawa, napakatindi ng impresyong nalikha ng Shulamita kay Haring Solomon anupat sinabi nito na ang dalaga ay kasindak-sindak na gaya ng mga hukbong militar na nakapalibot sa mga watawat, na nakahandang makipagbaka. Sa ulat na ito sa Awit ni Solomon 6:4, 10, ang terminong Hebreo na ʼa·yomʹ ay nangangahulugang “kasindak-sindak.” Nang humayo ang bansa ng mga Caldeo upang makipagbaka, ito ay naging kakila-kilabot. (Hab 1:6, 7) At sa hula ng propetang si Isaias, tinawagan ang Babilonya na gamitin ang kaniyang mga engkanto at mga panggagaway upang sindakin yaong mga dumarating laban sa kaniya, sa gayo’y inililigtas ang kaniyang sarili mula sa kapahamakan. Subalit mabibigo ang lahat ng pagsisikap na hadlangan ang pananakop. (Isa 47:12-15) Babagsak ang Babilonya sa mga hukbo na nasa ilalim ng pangunguna ni Ciro na Persiano.—Isa 44:24–45:2.
Dahil sa paraan ng paggamit at pakikitungo ni Jehova kay Moises, nakapagpakita si Moises ng dakilang mga bagay na kasindak-sindak (sa Heb., moh·raʼʹ) sa paningin ng bayan ng Diyos. (Deu 34:10, 12; Exo 19:9) Yaong mga may pananampalataya ay nagkaroon ng kapaki-pakinabang na takot sa awtoridad ni Moises. Nabatid nila na ang Diyos ay nagsasalita sa pamamagitan niya. Ang santuwaryo ni Jehova ay dapat ding kasindakan ng mga Israelita. (Lev 19:30; 26:2) Nangangahulugan ito na dapat silang magpakita ng pagpipitagan sa santuwaryo, anupat sasamba sila sa paraang ipinag-utos ni Jehova at gagawi kaayon ng lahat ng kaniyang utos.