Isaias
66 Ito ang sinabi ni Jehova:
“Ang langit ang trono ko, at ang lupa ang tuntungan ko.+
2 “Ang sarili kong kamay ang gumawa ng lahat ng bagay na ito,
At sa ganitong paraan umiral ang lahat ng ito,” ang sabi ni Jehova.+
3 Ang pumapatay ng toro ay gaya ng nagpapabagsak ng tao.+
Ang nag-aalay ng tupa ay gaya ng bumabali ng leeg ng aso.+
Ang naghahandog ng kaloob ay gaya ng naghahandog ng dugo ng baboy!+
Ang naghahain ng pang-alaalang olibano+ ay gaya ng bumibigkas ng pagpapala sa pamamagitan ng mahihiwagang salita.*+
Pinili nila ang sarili nilang mga daan,
At nasisiyahan sila sa kasuklam-suklam na mga bagay.
4 Kaya pipili ako ng mga paraan para parusahan sila,+
At ipararanas ko sa kanila ang mismong mga bagay na kinatatakutan nila.
Dahil nang tumawag ako, walang sumagot;
Nang magsalita ako, walang nakinig.+
Patuloy nilang ginawa ang masama sa paningin ko,
At pinili nilang gawin ang mga bagay na magpapagalit sa akin.”+
5 Dinggin ninyo ang salita ni Jehova, kayong nanginginig* sa salita niya:
“Ang mga kapatid ninyo na napopoot sa inyo at nagtatakwil sa inyo dahil sa pangalan ko ay nagsabi, ‘Luwalhatiin nawa si Jehova!’+
Pero magpapakita Siya at bibigyan niya kayo ng kagalakan,
At sila ang malalagay sa kahihiyan.”+
6 May ingay ng kaguluhan mula sa lunsod, isang ingay mula sa templo,
Dahil naglalapat si Jehova ng parusang nararapat sa mga kaaway niya!
7 Bago pa humilab ang tiyan niya ay nagsilang na siya.+
Bago pa niya maranasan ang kirot ng panganganak ay isinilang na niya ang isang batang lalaki.
8 Sino na ang nakarinig ng ganitong bagay?
Sino na ang nakakita ng ganitong mga bagay?
Maisisilang ba ang isang lupain sa isang araw?
O maisisilang ba ang isang bansa sa isang iglap?
Pero nang sandaling humilab ang tiyan ng Sion ay isinilang niya ang mga anak niyang lalaki.
9 “Bubuksan ko ba ang sinapupunan at pagkatapos ay hindi hahayaang maisilang ang bata?” ang sabi ni Jehova.
“O paghihilabin ko ba ang tiyan at pagkatapos ay isasara ang sinapupunan?” ang sabi ng iyong Diyos.
10 Makipagsaya kayo sa Jerusalem at makigalak kayo sa kaniya,+ lahat kayong umiibig sa kaniya.+
Lubusan kayong makipagsaya sa kaniya, lahat kayong nagdadalamhati dahil sa kaniya,
11 Dahil sususo kayo at mabubusog sa kaniyang dibdib ng kaaliwan,
At iinom kayo at lubusang masisiyahan sa kaluwalhatian niya.
12 Dahil ito ang sinabi ni Jehova:
“Ngayon ay bibigyan ko siya ng kapayapaan na gaya ng ilog+
At ng kaluwalhatian ng mga bansa na gaya ng humuhugos na ilog.+
Sususo kayo at kakargahin sa mga bisig,
At lalaruin kayo sa kandungan.
13 Kung paano inaaliw ng ina ang anak niya,
Gayon ko kayo patuloy na aaliwin;+
At maaaliw kayo dahil sa Jerusalem.+
14 Makikita ninyo ito, at magsasaya ang puso ninyo,
Sisigla ang mga buto ninyo gaya ng bagong damo.
15 “Dahil si Jehova ay darating na parang apoy,+
At ang mga karwahe niya ay gaya ng malakas na hangin,+
Para gumanti nang may matinding galit,
At sumaway nang may mga liyab ng apoy.+
16 Dahil maglalapat ng hatol si Jehova sa pamamagitan ng apoy,
Oo, sa pamamagitan ng kaniyang espada, laban sa lahat ng tao;*
At marami ang mapapatay ni Jehova.
17 “Ang mga nagpapabanal at naglilinis ng sarili nila para makapunta sa mga hardin*+ at sumusunod sa isa na nasa gitna, ang mga kumakain ng karne ng baboy+ at ng karima-rimarim na* mga bagay at ng mga daga,+ lahat sila ay sama-samang sasapit sa kanilang wakas,” ang sabi ni Jehova. 18 “Alam ko ang mga ginagawa nila at ang nasa isip nila, kaya darating ako para tipunin ang mga tao ng lahat ng bansa at wika, at darating sila at makikita nila ang kaluwalhatian ko.”
19 “Maglalagay ako sa gitna nila ng isang tanda, at ang ilan sa mga nakatakas ay isusugo ko sa mga bansa—sa Tarsis,+ Pul, at Lud,+ ang mga gumagamit ng pana, sa Tubal at Javan,+ at sa malalayong isla—na hindi pa nakaririnig ng tungkol sa akin o nakakakita ng kaluwalhatian ko; at ipahahayag nila sa mga bansa ang kaluwalhatian ko.+ 20 Dadalhin nila ang lahat ng kapatid ninyo mula sa lahat ng bansa+ bilang kaloob kay Jehova, sakay ng mga kabayo, mga karwahe, may-takip na mga karwahe, mga mula,* at ng matutuling kamelyo, papunta sa aking banal na bundok, ang Jerusalem,” ang sabi ni Jehova, “gaya ng pagdadala ng bayang Israel sa bahay ni Jehova ng kanilang mga kaloob na nasa isang malinis na sisidlan.”
21 “At kukuha ako ng ilan sa kanila para gawing mga saserdote at mga Levita,” ang sabi ni Jehova.
22 “Dahil kung paanong ang bagong langit at ang bagong lupa+ na ginagawa ko ay mananatili sa harap ko,” ang sabi ni Jehova, “mananatili ang mga supling* ninyo at ang pangalan ninyo.”+