Zefanias
1 Ang mensahe ni Jehova na dumating kay Zefanias* na anak ni Cusi na anak ni Gedalias na anak ni Amarias na anak ni Hezekias noong panahon ni Josias+ na anak ni Amon+ na hari ng Juda:
2 “Lubusan kong papawiin ang lahat ng bagay mula sa ibabaw ng lupa,” ang sabi ni Jehova.+
3 “Papawiin ko ang tao at ang hayop.
Papawiin ko ang mga ibon sa langit at ang mga isda sa dagat,+
At ang mga katitisuran*+ kasama ng masasama;
At aalisin ko ang mga tao mula sa ibabaw ng lupa,” ang sabi ni Jehova.
4 “Iuunat ko ang kamay ko laban sa Juda
At laban sa lahat ng taga-Jerusalem,
At papawiin ko mula sa lugar na ito ang lahat ng bakas ni Baal,+
Ang pangalan ng mga saserdote ng huwad na diyos, pati na ang mga saserdote,+
5 At ang mga nasa bubong na yumuyukod sa hukbo ng langit,+
At ang mga yumuyukod at nangangako ng katapatan kay Jehova+
Samantalang nangangako ng katapatan kay Malcam;+
6 At ang mga tumatalikod mula sa pagsunod kay Jehova+
At hindi humahanap kay Jehova o sumasangguni sa kaniya.”+
7 Tumahimik ka sa harap ng Kataas-taasang Panginoong Jehova, dahil ang araw ni Jehova ay malapit na.+
Naghanda si Jehova ng isang hain; tinawag* niya ang mga inanyayahan niya.
8 “Sa araw ng hain kay Jehova, pananagutin ko ang matataas na opisyal,
Ang mga anak ng hari,+ at ang lahat ng nakadamit na pambanyaga.
9 Pananagutin ko ang lahat ng umaakyat sa plataporma* sa araw na iyon,
Ang mga nagpapalaganap ng karahasan at panlilinlang sa bahay ng panginoon nila.
10 Sa araw na iyon,” ang sabi ni Jehova,
“Maririnig ang paghiyaw mula sa Pintuang-Daan ng mga Isda,+
Ang paghagulgol mula sa Ikalawang Distrito ng lunsod,+
At ang malakas na pagbagsak mula sa mga burol.
11 Humagulgol kayo, kayong mga nakatira sa Maktes,*
Dahil ang lahat ng negosyante ay pinuksa;*
Ang lahat ng nagtitimbang ng pilak ay nilipol.
12 Sa panahong iyon, maghahanap akong mabuti sa Jerusalem gamit ang mga lampara,
At pananagutin ko ang mga nagwawalang-bahala* at nagsasabi sa sarili nila,
‘Si Jehova ay hindi gagawa ng mabuti, at hindi siya gagawa ng masama.’+
13 Ang kayamanan nila ay kakamkamin at ang mga bahay nila ay wawasakin.+
Magtatayo sila ng mga bahay, pero hindi nila matitirhan ang mga iyon;
At magtatanim sila ng ubas, pero hindi sila iinom ng alak mula roon.+
14 Ang dakilang araw ni Jehova ay malapit na!+
Malapit na ito at napakabilis ng pagdating nito!+
Ang ingay ng araw ni Jehova ay nakapipighati.*+
Sa araw na iyon ay sisigaw ang mandirigma.+
15 Ang araw na iyon ay araw ng galit,+
Araw ng kapighatian at ng pagdurusa,+
Araw ng bagyo at ng pagkatiwangwang,
Araw ng kadiliman at matinding karimlan,+
Araw ng makapal at maitim na ulap,+
16 Araw ng tambuli at ng hudyat ng labanan,+
Laban sa mga napapaderang* lunsod at laban sa matataas na tore sa mga kanto ng pader.+