Yemen—Isang Bansang Punô ng mga Sorpresa
ANG Arabeng Peninsula! Kapag iniisip ng mga tao ang tungkol sa eksotikong bahaging ito ng daigdig, madalas na naiisip nila ang mga burol ng buhangin, mga kamelyo, at mga pangkat ng mga naglalakbay sa disyerto o karaban. Subalit bagaman ang mga burol ng buhangin sa disyerto at ang napakainit na mga temperatura ang katangian ng maraming bahagi ng rehiyong ito, mayroon din itong ibang mga katangian na maaaring makasorpresa sa iyo.
Isaalang-alang, halimbawa, ang bansa ng Yemen, ang piraso ng lupang nakaharap sa Dagat na Pula at sa Golpo ng Aden. Malayo sa pagiging isang malawak na kapatagan ng buhangin, ang Yemen ay isang lupain ng mga bundok at ng malalalim at makikitid na libis; isang lupain ng mga ubas, apricot, at iba pang katakam-takam na mga prutas; isang lupain ng kaakit-akit na arkitektura. Bagaman ang mga mahaba’t makitid na lupa sa tabing-dagat ay natutuyo dahil sa matinding init ng disyerto, maaaring makasorpresa sa iyo na malaman na sa matataas na lupa nito isang kaiga-igayang klima ang umiiral. Gayunman, lalo nang kawili-wili sa mga Kristiyano ang mayamang kasaysayan nito—isang kasaysayan na matutunton pabalik sa panahon ng Bibliya.
Ang Ruta ng Insenso
Noong sinaunang mga panahon maraming kayamanan ang napunta sa bahaging ito ng daigdig sa pamamagitan ng isang aksidente ng kalikasan—ang trade winds (hanging patuloy na humihihip sa isang direksiyon) ng Indian Ocean na nagdadala ng hamog sa gawing timog ng baybayin ng Arabia. Ang mamasa-masang hangin na ito ang nakatulong upang gawing tamang-tama ang mga kalagayan sa pagtatanim ng madagtang mga punungkahoy na ang balat ay pinagkukunan ng gum resin na tinatawag na insenso.a Kapag sinunog, ang insenso ay gumagawa ng mabangong amoy, ginagawa itong pinakahahangad na gamit para sa relihiyosong mga seremonya. Ang lupaing ngayo’y tinatawag na Yemen ay naging prominente sa kalakalan ng insenso.
Ang Yemen ay maaari ring siyang kinaroroonan ng sinaunang Ophir—dating pinagmumulan ng pinakamahusay na ginto. (Job 22:24; 28:15, 16; Awit 45:9) Anuman ang kalagayan, ang Yemen ang sangandaan para sa sinaunang mga karaban ng kamelyo na nagdadala ng ginto, insenso, at mga espesia tungo sa malalayong lugar, gaya ng sinaunang Palestina at Tiro. (Ezekiel 27:2, 22-25) Ito’y nagdala ng malaking kayamanan hindi lamang sa mga mangangalakal mismo kundi sa iba’t ibang mga kaharian din naman sa kahabaan ng daan na sumisingil ng buwis mula sa mga karaban.
Ang kaharian ng Sheba, na pinaniniwalaang naroroon sa ngayo’y silangang bahagi ng Yemen, ang nangibabaw sa ruta ng karaban. Ito’y napabantog sa pangangalakal ng insenso, mira, ginto, mahahalagang bato, at garing. (Isaias 60:6) Noong kaarawan ni Solomon, ang reyna ng Sheba ay naglakbay mula sa “mga dulo ng lupa” upang pakinggan mismo ang karunungan ng hari. (Mateo 12:42) Ayon sa makasaysayang ulat ng Bibliya, siya’y nagtungo sa Jerusalem na may “maraming kaakbay, may mga kamelyong nagdadala ng langis ng balsamo at totoong maraming ginto at mga mahahalagang bato.” (1 Hari 10:1, 2) Ang alaala tungkol sa sinaunang reynang ito ay buháy pa rin sa mga taga-Yemen sa ngayon. Bagaman hindi binabanggit ang pangalan niya sa Koran, ang tradisyong Islamiko ay tumatawag sa kaniyang Bilqīs—isang pangalang lumilitaw sa maraming komersiyal na mga produkto sa Yemen.
Mga Dantaon ng Paghina
Sa loob ng mga dantaon ang Yemen ay nagtamasa ng malaking kayamanan, anupat binigyan ito ng mga Romano ng pangalang Latin na Arabia felix, o “Maligayang Arabia.” Subalit nang gawin ng mga Romano ang apostatang Kristiyanismo na relihiyon ng Estado, ang pangangailangan para sa insenso ay humina. Lalo pang nagpabilis sa paghina ng Yemen ay ang kapaha-pahamak na pagbagsak ng malaking prinsa sa Marib—ang pangunahing bahagi ng isang napakalaking sistema ng patubig na nagdidilig sa rehiyong ito mula pa noong ikawalong siglo B.C.E.
Ang Yemen ay agad na naibalik sa tanawin ng nagiging popular na isa pang kalakal—ang kape. Mga 1610 nang natuklasan ng mga Europeo ang masarap na amoy at lasa ng eksotikong mga balatong na ito mula sa matataas na lupain ng Yemen. Ang lungsod ng Mocha sa dulong timog ng Dagat na Pula ang naging pangunahing daungan para sa pagluluwas ng kape. Sa gayon ang “Mocha” ay naging kasingkahulugan ng kapeng Arabe at kilalang-kilala sa Hilagang Hemispero.
Gayunman, hindi nagtagal ang mga tanim na kape ay iniluwas at matagumpay na itinanim sa ibang mga bansa. Ang lungsod ng Mocha, bunga nito, ay humina. Bagaman ang kape pa rin ang pangunahing produktong iniluluwas ng Yemen, ang lungsod ng Mocha ngayon ay isa na lamang tahimik na daungan ng pangingisda.
Isang Sulyap sa Kabisera ng Yemen
Bagaman ang dating kaluwahatian nito ay unti-unting naglaho, ang Yemen ay marami pa ring kaakit-akit—at nakasosorpresang—mga katangian. Ang kabiserang lungsod, ang San‘a, ay naroroon sa isang mataas na talampas na mahigit 2,000 metro ang taas, nagtatamasa ng kainamang klima. Karamihan ng 12 milyong mamamayan ng Yemen—katumbas halos ng sangkatlo ng populasyon ng buong Arabia—ay nakatira, hindi sa napakainit na disyerto, kundi sa talampas na ito at sa maraming bundok na nakakalat sa lupaing ito.
Ang San‘a ay libu-libong taóng gulang, ang katandaan nito ay makikita sa arkitektura nito. Ang mga gusaling yari sa bato ay nagagayakan ng puting palamuti sa kahabaan ng mga bintana, sala-salang mga arko, at maraming kulay na mga salaming mosaic. Sa ilang bahagi ng bayan, ang luma at bagong mga gusali ay magkakatabi, halos hindi makilala ang pagkakaiba sa isa’t isa. Subalit sa kasalimuutan ng matandang bahagi ng San‘a, makikita ang mga gusali—ang ilan ay walo o higit pang palapag ang taas—na maliwanag na umiral na sa loob ng mga dantaon.
Nililisan ang matandang bahagi ng San‘a, madaraanan ng isa ang malalaking pintuang bayan noong edad medya at magpapaikut-ikot sa bulubunduking lalawigan. Taglay ang bilog na mga tirahang tore na mga apat o higit pang palapag ang taas at may pananggalang na mga pader ng nayon na itinayo nang walang semento o argamasa, ang bawat nayon ay parang isang napakalaking kastilyong itinayo sa tabi ng bundok. Oo, ang ilang nayon ay katugmang-katugma ng kanilang kapaligiran anupat ang mga ito ay makikita lamang kung ikaw ay malapit sa nayon.
Ang isang tao ay maaaring magulat na ang mga tao ay maaaring tumira sa gayong katataas na dako. Subalit kung titingin ka sa itaas pa, makikita ng isa ang isa pang hanay ng tulad-moog na mga pamayanan na naroroon sa mas mataas pang dako. Nababakurang mga bai-baitang na lupa sa matatarik na dalisdis ang nakapalibot sa mga nayong ito sa kabundukan.
Ang mga Tao sa Yemen
Inaasahan ng mga Kanluraning bisita ang mga taong taga-Yemen na maging eksotiko. Subalit ang katotohanan ay maaaring higit pa nga kaysa mga inaasahan. Ang mga taong tribo sa bundok ay maaaring magtinging nakatatakot ang hitsura sa umpisa. Sila’y nakasuot ng fuuta, isang tulad-paldang balabal na kasuutan, at isang malapad na sinturon kung saan nakasuksok ang isang kitang-kitang punyal. Sa mga nayon marami ang nagdadala pa nga ng malalaking machine gun sa kanilang mga balikat.
Oo, ipinagmamalaki ng mga lalaking taga-Yemen ang kanilang sandata. Ang buong bahagi ng mga pamilihang dako ay nakatalaga sa pagbibili ng jambiyya, isang hinubog na punyal. Karaniwan nang ito’y isinusuot ng mga batang lalaki mula sa edad na 14 pataas bilang isang tanda ng pagkalalaki. Gayunman, kahit na ang maliliit na batang lalaki ay makikitang nagsusuot nito. Ang tatangnan ng punyal ay maaaring gawa sa plastik, kahoy, o sa napakamahal na sungay ng rhinoceros, at ang kaluban ay kadalasang napalalamutian ng magandang gawang-pilak. Ang talim ay totoong matalim. Mabuti na lamang, ang mga patalim ay nagsisilbi lamang bilang dekorasyon. Ang mga lalaking taga-Yemen ay talagang mapagpatuloy at pinahahalagahan ang anumang pagsisikap ng mga bisita na makipag-usap.
Sa paningin ng mga taga-Kanluran, ang mga babaing taga-Yemen ay eksotiko. Sila’y nagsusuot ng mga damit na may madidilim na kulay at ganap na nalalambungan, hindi ipinakikita kahit ang kanilang mga mata. Hindi madali ang buhay nila. Sa mga nayon sa kabundukan, ang mga babae ay nagtatrabaho nang mahahabang oras at puspusan sa pag-iigib ng tubig, pagbubuhat ng pagkain para sa mga hayop, at gatong. Karaniwan na ang malalaking pamilya.
Ang pagdalaw sa mga palengke ay nagbibigay ng isa pang pagkakataon upang maobserbahan kung paano kahali-halinang namumuhay ang mga taong ito. Ang tindahan ng mga espesia ay may katakam-takam na mga amoy. Maglalaway ka sa pagkakita ng mga bunga ng granada, peaches, apricots, ubas, at almendras. Ang mga artisano’y abalang-abalang gumagawa ng balat, ginto, pilak, at iba pang metal.
Sa pamilihang dako, makikita rin ng isa ang maraming suq, o mga tindahan, na nagtitinda ng mga dahon ng khat. Kapag nginunguya o sinisipsip, ang khat ay nagiging gaya ng isang suwabeng pampasigla; sinasabi ng ilan na ito ay nakasusugapa. Gayunpaman, ang pagnguya ng khat ay isang malaking bahagi ng buhay ng mga taga-Yemen. Malalaking bahagi ng mga gilid ng bundok ay itinalaga sa pagtatanim ng khat. Mga pangkat ng kalalakihan ang gugugol ng mga oras sa pagnguya ng mga dahon samantalang sila’y nag-uusap. Ang ilan ay ngumunguya rin ng khat samantalang nagtatrabaho—o kahit na habang nagmamaneho.
Gayunman, ang pagnguya ng khat ay isang napakamahal na bisyo, nagkakahalaga ng hanggang sangkatlo ng kita ng isang pamilya sa Yemen. At binabanggit ng ilang tao ang mga panganib sa kalusugan, pati na ang despormadong mga pisngi, pagkabagabag ng tulog at kawalan ng gana sa pagkain, at sakit sa bituka. Kaya nga ang ilang opisyal ng pamahalaan ay nagpahayag ng pagtutol sa drogang ito. Subalit hanggang sa ngayon malakas pa rin ang kapit ng khat sa mga taga-Yemen.
Gayunman, may katibayan na ang tradisyunal na paraan ng pamumuhay ay nagsisimulang halinhan ng modernisasyon ng Kanluran. Maraming kalalakihan ang umalis upang magtrabaho sa ibang bansa. Ang ilang pamilya ay lumipat sa mga lungsod, inilalantad ang mga kabataan sa impluwensiya ng musika at mga video na galing sa ibang bansa. Nauunawaan naman, hindi lahat ay sabik na makita ang kanilang bansa na nagbabago tungo sa modernong daigdig.
Kaya kawili-wiling makita kung ano ang hinaharap ng bansang ito. Kakaunti lamang ang nagawa upang galugarin ang arkeolohikal na mga kagibaan ng bansa, at marahil ang mga paghuhukay sa hinaharap ay aani ng ilang kahali-halinang mga sekreto ng bantog na kahapon ng Yemen. Samantala, ang Yemen ay nagbibigay ng sapat na dahilan para sa mapagsapalarang manlalakbay na dalawin ang lupaing ito ng mga sorpresa.—Isinulat.
[Talababa]
a Ang mga punungkahoy na ito ay kabilang sa uring Boswellia, isang pamilya ng mga punungkahoy na nauugnay sa mga punong turpentino, o terebinth.
[Larawan sa pahina 24, 25]
Bab-el-Yemen, pintuan ng San‘a patungo sa matandang bahagi ng bayan
[Larawan sa pahina 26]
Kanan: Isang tindahan ng punyal sa San‘a
[Larawan sa pahina 26]
Ibaba: Ang maliliit na nayon ay katugma ng kanilang kapaligiran