Ayon kay Lucas
8 Di-nagtagal pagkatapos nito, naglakbay siya sa mga lunsod at sa mga nayon, na ipinangangaral at ipinahahayag ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.+ At kasama niya ang 12 apostol, 2 pati ang ilang babae na napalaya mula sa masasamang espiritu at napagaling ang mga sakit: si Maria na tinatawag na Magdalena,+ na napalaya mula sa pitong demonyo; 3 si Juana+ na asawa ni Cuza, na katiwala sa bahay ni Herodes; si Susana; at marami pang ibang babae. Ginagamit ng mga babaeng ito ang sarili nilang pag-aari para maglingkod sa kanila.+
4 Nang matipon ang isang malaking grupo ng mga tao at ang mga tao mula sa iba’t ibang lunsod na sumama sa kaniya, nagbigay siya ng isang ilustrasyon:+ 5 “Isang magsasaka ang lumabas para maghasik ng binhi. Sa paghahasik niya, ang ilang binhi ay napunta sa tabi ng daan. Natapak-tapakan ang mga ito at inubos ng mga ibon sa langit.+ 6 Ang ilan naman ay nahulog sa bato, kaya nang sumibol, natuyo ang mga ito dahil sa kakulangan ng tubig.+ 7 Ang iba ay napunta sa may matitinik na halaman, at ang mga ito ay sinakal ng matitinik na halaman na tumubong kasama nito.+ 8 Pero ang iba ay napunta sa matabang lupa, kaya nang sumibol, namunga ang mga ito nang 100 ulit.”+ Pagkatapos, sinabi niya nang malakas: “Ang may tainga ay makinig.”+
9 Pero tinanong siya ng mga alagad niya kung ano ang kahulugan ng ilustrasyong ito.+ 10 Sinabi niya: “Pinahintulutan kayong maintindihan ang mga sagradong lihim ng Kaharian ng Diyos, pero para sa iba, mga ilustrasyon lang ito,+ nang sa gayon, kahit tumitingin sila, walang saysay ang pagtingin nila, at kahit nakikinig sila, wala silang maiintindihan.+ 11 Ito ang kahulugan ng ilustrasyon: Ang binhi ay ang salita ng Diyos.+ 12 Ang mga nasa tabi ng daan ay ang mga nakarinig, pero dumating ang Diyablo at kinuha ang salita mula sa puso nila para hindi sila maniwala at maligtas.+ 13 Ang mga nasa ibabaw ng bato ay ang mga nakarinig sa salita at tinanggap ito nang masaya, pero walang ugat ang mga ito. Naniniwala sila sa loob ng sandaling panahon, pero sa panahon ng pagsubok ay tumitigil na sila.+ 14 Ang mga nahulog naman sa matitinik na halaman ay ang mga nakarinig, pero dahil nagpadala sila sa mga kabalisahan, kayamanan,+ at kaluguran sa buhay na ito,+ lubusan silang nasakal at hindi kailanman nagkaroon ng magandang bunga.+ 15 Kung tungkol sa nasa mainam na lupa, sila ang mga may napakabuting puso na nakarinig sa salita;+ tinanggap nila ito at namunga sila habang nagtitiis.*+
16 “Walang sinuman ang nagsisindi ng lampara at tinatakpan ito ng isang basket o inilalagay sa ilalim ng higaan, kundi inilalagay niya ito sa patungan ng lampara para makita ng mga pumapasok sa silid ang liwanag.+ 17 Dahil walang nakatago na hindi magiging hayag, o walang anumang itinagong mabuti na hindi kailanman malalaman at mahahantad.+ 18 Kaya bigyang-pansin ninyo kung paano kayo nakikinig, dahil ang sinumang mayroon ay bibigyan ng higit,+ pero ang sinumang wala, kahit ang inaakala niyang sa kaniya ay kukunin sa kaniya.”+
19 At pinuntahan siya ng ina at mga kapatid niya,+ pero hindi sila makalapit dahil sa dami ng tao.+ 20 Kaya may nagsabi sa kaniya: “Nakatayo sa labas ang iyong ina at mga kapatid at gusto kang makita.” 21 Sinabi niya sa kanila: “Ito ang aking ina at mga kapatid, ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at sumusunod dito.”+
22 Isang araw, sumakay siya at ang mga alagad niya sa isang bangka, at sinabi niya: “Tumawid tayo sa kabilang panig ng lawa.” Kaya naglayag sila.+ 23 Pero habang naglalayag sila, nakatulog siya. At nagkaroon ng isang malakas na buhawi sa lawa; pinapasok na ng tubig ang kanilang bangka at malapit nang lumubog.+ 24 Kaya nilapitan nila siya para gisingin at sinabi: “Guro, Guro, mamamatay na tayo!” Dahil dito ay bumangon siya at sinaway ang hangin at ang malalakas na alon, at humupa ang mga iyon, at biglang naging kalmado ang paligid.+ 25 Pagkatapos, sinabi niya: “Nasaan ang inyong pananampalataya?” Pero natakot sila nang husto at namangha, at sinabi nila sa isa’t isa: “Sino ba talaga siya? Kahit ang hangin at tubig ay inuutusan niya, at sumusunod ang mga ito.”+
26 At dumaong sila sa lupain ng mga Geraseno,+ na nasa kabilang panig ng Galilea. 27 Nang makababa si Jesus sa lupa, sinalubong siya ng isang lalaki mula sa lunsod na sinasapian ng demonyo. Matagal na itong hindi nagsusuot ng damit, at nakatira ito sa mga libingan at hindi sa isang bahay.+ 28 Pagkakita kay Jesus, sumigaw siya at sumubsob sa harap niya, at sinabi nang malakas: “Bakit nandito ka, Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos? Parang awa mo na, huwag mo akong pahirapan.”+ 29 (Dahil inuutusan ni Jesus ang masamang* espiritu na lumabas sa taong iyon. Maraming beses na itong sumapi sa kaniya.*+ Paulit-ulit na iginagapos ng kadena ang mga kamay at paa niya, at laging may nagbabantay sa kaniya, pero nilalagot niya ang mga gapos at pumupunta siya sa liblib na mga lugar dahil iyon ang gusto ng demonyo.) 30 Tinanong siya ni Jesus: “Ano ang pangalan mo?” Sinabi niya: “Hukbo,” dahil maraming demonyo ang pumasok sa kaniya. 31 At paulit-ulit silang nagmamakaawa sa kaniya na huwag silang utusang pumunta sa kalaliman.+ 32 At isang malaking kawan ng mga baboy+ ang nanginginain doon sa bundok, kaya nagmakaawa sila sa kaniya na payagan silang pumasok sa mga baboy, at pinayagan niya sila.+ 33 Kaya lumabas sa taong iyon ang mga demonyo at pumasok sa mga baboy, at ang mga baboy ay nagtakbuhan sa bangin, nahulog sa lawa, at nalunod. 34 Nang makita ng mga tagapag-alaga ng baboy kung ano ang nangyari, nagtakbuhan sila at ipinamalita ito sa lunsod at sa kalapít na mga lugar.
35 Kaya lumabas ang mga tao para makita kung ano ang nangyari. Pumunta sila kay Jesus at nakita ang lalaki na dating sinasapian ng mga demonyo, nakadamit at nasa matinong pag-iisip, na nakaupo sa paanan ni Jesus,+ kaya natakot sila. 36 Ibinalita sa kanila ng mga nakasaksi kung paano napagaling* ang lalaking sinasapian ng demonyo. 37 Kaya napakaraming tao mula sa nakapalibot na lupain ng mga Geraseno ang humiling kay Jesus na lumayo sa kanila dahil sa sobrang takot nila. Pagkatapos, sumakay siya sa bangka para umalis. 38 Gayunman, ang lalaking dating sinasapian ng mga demonyo ay paulit-ulit na nakiusap kay Jesus na isama siya, pero hindi pumayag si Jesus at sinabi niya:+ 39 “Umuwi ka, at patuloy mong sabihin sa iba kung ano ang ginawa ng Diyos para sa iyo.” Kaya umalis siya at inihayag sa buong lunsod kung ano ang ginawa ni Jesus para sa kaniya.
40 Nang makabalik si Jesus, malugod siyang tinanggap ng mga tao dahil inaasahan ng lahat ang pagdating niya.+ 41 At dumating ang lalaking si Jairo, isang punong opisyal ng sinagoga. Sumubsob siya sa paanan ni Jesus at nakiusap sa kaniya na pumunta sa bahay niya,+ 42 dahil mamamatay na ang nag-iisa niyang anak na babae, na mga 12 taóng gulang.
Habang papunta si Jesus, sinisiksik siya ng mga tao. 43 At may isang babae na 12 taon nang dinudugo,+ at walang makapagpagaling sa kaniya.+ 44 Lumapit ang babae sa likuran ni Jesus at hinipo ang palawit* ng damit niya,+ at huminto agad ang pagdurugo niya. 45 Kaya sinabi ni Jesus: “Sino ang humipo sa akin?” Nang walang umaamin, sinabi ni Pedro: “Guro, sinisiksik ka ng napakaraming tao.”+ 46 Pero sinabi ni Jesus: “May humipo sa akin dahil alam* kong may kapangyarihang+ lumabas sa akin.” 47 Nang makita ng babae na hindi niya maililihim ang ginawa niya, lumapit siyang nanginginig at sumubsob sa paanan ni Jesus at sinabi sa harap ng lahat ng tao kung bakit niya hinipo si Jesus at kung paano siya agad na gumaling. 48 Pero sinabi ni Jesus: “Anak, pinagaling* ka ng pananampalataya mo. Umuwi ka na at huwag nang mag-alala.”+
49 Habang nagsasalita pa siya, dumating ang isang kinatawan ng punong opisyal ng sinagoga at sinabi nito: “Namatay na ang anak mo; huwag mo nang abalahin ang Guro.”+ 50 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya: “Huwag kang matakot, manampalataya ka lang, at mabubuhay* siya.”+ 51 Nang makarating siya sa bahay, wala siyang ibang pinahintulutang pumasok kasama niya maliban kina Pedro, Juan, Santiago, at sa ama at ina ng bata. 52 Umiiyak ang lahat at sinusuntok ang dibdib nila sa pamimighati. Kaya sinabi niya: “Huwag na kayong umiyak,+ dahil hindi siya namatay. Natutulog lang siya.”+ 53 Pinagtawanan siya ng mga tao dahil alam nilang patay na ang bata. 54 Pero hinawakan niya ang kamay ng bata at sinabi: “Anak, bumangon* ka!”+ 55 At nabuhay siyang muli,+ at agad siyang bumangon,+ at iniutos ni Jesus na bigyan siya ng pagkain. 56 Samantala, nag-uumapaw sa saya ang mga magulang niya, pero inutusan niya silang huwag sabihin sa iba ang nangyari.+