AMORITA
Ang katawagang “Amorita” ay lumilitaw sa talaan ng mga anak ni Canaan, ngunit sa ibang mga talata, ang terminong ito, na palaging nasa anyong pang-isahan sa tekstong Hebreo, ay ginagamit upang tumukoy sa buong tribo ng mga Canaanita na nagmula sa orihinal na Amorita. Samakatuwid, sila ay isang lahing Hamitiko.—Gen 10:6, 15, 16; 1Cr 1:13, 14.
Noong panahon ni Abraham, nilusob ng hari ng Elam, kasama ang tatlong iba pang hari, ang dakong T ng Canaan at tinalo nila ang ilan sa mga Amorita na naninirahan sa Hazazon-tamar, na ipinapalagay na nasa TK ng Dagat na Patay. Tatlong lalaking Amorita na nakatira sa Hebron o malapit dito ang “mga kakampi ni Abram” noon at dahil dito ay tinulungan nila siyang tugisin at talunin ang sumasalakay na mga hari, sa gayon ay nailigtas ang pamangkin niyang si Lot. (Gen 14) Gayunpaman, pagkaraan ng ilang panahon, sinabihan ng Diyos si Abraham na kapag sa wakas ay ‘nalubos na’ ang kamalian ng mga Amorita, ang mga inapo ni Abraham ay babalik sa Canaan mula sa isang banyagang lupain at aariin nila ang lupain ng mga Amorita.—Gen 15:13-21.
Nang malapit nang mamatay si Jacob sa Ehipto, ipinangako ng patriyarkang iyon kay Jose: “Ibinibigay ko sa iyo ang isang balikat ng lupain na higit kaysa sa iyong mga kapatid, na kinuha ko mula sa kamay ng mga Amorita sa pamamagitan ng aking tabak at sa pamamagitan ng aking busog.” (Gen 48:22) Yamang ang salitang Hebreo na isinaling “balikat” sa tekstong ito ay shekhemʹ, sinasabi ng ilan na ang tinutukoy rito ni Jacob ay ang lote ng lupa na binili niya malapit sa Sikem (sa Heb., Shekhemʹ). (Gen 33:18, 19) Gayunman, ang bilihang iyon ay isang mapayapang transaksiyon, at walang rekord na nakipaglaban si Jacob para makuha ang lupaing iyon. Bagaman nang maglaon ay may-kabangisang sinalakay ng mga anak ni Jacob ang mga tao ng Sikem, itinanggi ni Jacob na may pananagutan siya sa pagkilos na iyon noong pagkakataong iyon (Gen 34:30); at nang mamamatay na siya ay isinumpa niya ang galit nina Simeon at Levi na nag-udyok sa gayong pagsalakay. (Gen 49:5-7) Kaya waring mas makatuwirang isipin na ang pangako ni Jacob ay isang makahulang pananalita kung saan sa pamamagitan ng pananampalataya ay nakita niya sa pangitain ang pananakop sa Canaan sa hinaharap na para bang natupad na ito, anupat waring ‘kinukuha ni Jacob ang lupain ng mga Amorita’ gamit ang tabak at busog ng kaniyang mga inapo.
Isang Prominenteng Tribo sa Canaan. Itinuturing ng ilang komentarista na ang terminong “mga Amorita,” ayon sa pagkakagamit sa Genesis 15:16 at 48:22, ay kumakatawan sa lahat ng mga tao sa Canaan sa kabuuan. Waring ang mga Amorita nga ang pangunahin o prominenteng tribo sa Canaan noong panahon ng Pag-alis ng mga Israelita mula sa Ehipto. (Ihambing ang Deu 1:6-8, 19-21, 27; Jos 24:15, 18; Huk 6:10.) Kung totoo ito, mauunawaan nga kung bakit paminsan-minsan ay tinutukoy ang ibang nakabababa at kamag-anak na mga tribo sa pamamagitan ng pangalan ng prominenteng tribo ng mga Amorita. Kaya sa Bilang 14:44, 45, sinasabi ng ulat na naranasan ng mga Israelita ang kanilang unang pagkatalo sa digmaan sa kamay ng “mga Amalekita” at “mga Canaanita,” samantalang sinasabi lamang sa sumaryo ni Moises ng mga pangyayari sa Deuteronomio kabanata 1 na “ang mga Amorita” ang tumalo sa kanila. (Deu 1:44) Gayundin, sinasabi sa Josue 10:5 na ang Jerusalem ay pinamamahalaan ng isang Amoritang hari (ihambing ang Eze 16:3, 45) ngunit ipinakikita naman sa ibang mga teksto na tinatahanan ito ng mga Jebusita. (Jos 15:8, 63; Huk 1:21; ihambing din ang kaso ng Gibeon sa Jos 9:7 at 2Sa 21:2.) Sa katulad na paraan, ang pangalan ng isang tribo ng bansang Israel, ang Juda, ay tumukoy sa lahat ng Israelita sa pamamagitan ng katawagang “Judio.”
Gayunpaman, ang mga Amorita ay nakatala rin nang bukod kasama ng mga independiyenteng tribong Canaanita. (Exo 3:8; 23:23, 24; 34:11-15) Sila’y isa sa “pitong bansa na higit na matao at makapangyarihan” kaysa sa Israel, na pawang nakatalaga sa pagkapuksa. Ang Israel ay hindi dapat makipagtipan sa kanila, ni makipag-alyansa man sa kanila ukol sa pag-aasawa, ni makibahagi sa kanilang huwad na pagsamba.—Deu 7:1-4.
Nakita ng 12 tiktik na isinugo ni Moises sa Canaan na ang bulubunduking pook ay tinatahanan ng mga Amorita, mga Hiteo, at mga Jebusita, samantalang ang mga Amalekita naman ay naninirahan sa Negeb, at ang mga Canaanita ay nananahanan sa may dagat at sa tabi ng Jordan. (Bil 13:1, 2, 29) Gaya noong panahon ni Abraham, ang mga Amorita ay naninirahan pa rin sa Hebron at gayundin sa iba pang mga lunsod sa kabundukan sa K ng Jordan. (Jos 10:5) Gayunman, bago ang panahon ng Pag-alis ng Israel, sinalakay nila ang teritoryo ng Moab at Ammon sa S ng Jordan, anupat inari nila ang rehiyon mula sa agusang libis ng Arnon sa T (nang maglaon ay naging hanggahan ng Moab), hanggang sa agusang libis ng Jabok sa H (ang hanggahan ng Ammon). (Bil 21:13, 24, 26; Jos 12:2; Huk 11:22) Ito ang nasasakupan ng Amoritang si Haring Sihon, na inilarawan ni Josephus na Judiong istoryador bilang “isang rehiyon na nasa pagitan ng tatlong ilog [ang Jordan, ang Arnon, at ang Jabok], anupat para bang ito’y isang pulo.” (Jewish Antiquities, IV, 95 [v, 2]) Karagdagan pa, sa dakong H ng nasasakupan ni Sihon ay may isa pang kahariang Amorita na ang sentro ay nasa Basan sa ilalim ni Haring Og. Ang timugang hanggahan ng kaniyang kaharian ay waring nakadikit sa mga teritoryo ni Sihon at ng mga Ammonita, sa gayon ay sumasaklaw mula sa Jabok sa T hanggang sa Bundok Hermon sa H.—Deu 3:1, 8.
Pananakop ng Israel. Yamang papalapit na ang mga Israelita sa Lupang Pangako at inutusan sila ng Diyos na huwag pumasok sa mga teritoryo ng Moab at Ammon (Deu 2:9, 37), hiniling nila kay Haring Sihon sa kaniyang kabiserang lunsod ng Hesbon na pahintulutan silang dumaan sa kaniyang teritoryo, anupat nagbigay sila ng garantiya: “Paraanin mo ako sa iyong lupain. Hindi kami liliko sa bukid o sa ubasan. Hindi kami iinom ng tubig ng alinmang balon. Sa daan ng hari kami maglalakad hanggang sa makaraan kami sa iyong teritoryo.” Sa halip, sinalakay ni Sihon ang Israel kasama ang kaniyang pinagsama-samang mga hukbo, ngunit agad silang natalo sa Jahaz na di-kalayuan sa Hesbon, at ang buong teritoryo ni Sihon ay naging pag-aari ng mga Israelita. (Bil 21:21-32; Deu 2:24-36; tingnan ang SIHON.) Pagkatapos, sinalakay ng Israel ang karatig na teritoryo ni Haring Og at nilupig din nila ang Amoritang tagapamahalang ito, anupat 60 nakukutaang lunsod ang nabihag nila. (Bil 21:33-35; Deu 3:1-7; tingnan ang OG.) Dahil sa pagbagsak ng makapangyarihang mga kahariang ito ng mga Amorita sa kamay ng Israel, nakadama ng nakapanlulumong takot ang mga tao sa Moab (Bil 22:2-4) at gayundin ang mga tao sa Canaan, gaya ng isinisiwalat ng pananalita ni Rahab sa mga tiktik na Israelita. (Deu 2:24, 25; Jos 2:9-11) Ang teritoryo ng dalawang Amoritang hari na natalo ay naging mana ng mga tribo nina Ruben at Gad at ng kalahati ng tribo ni Manases.—Bil 32:31-33, 39; Deu 3:8-13.
Kung tungkol naman sa mga Amorita na nasa K ng Jordan, “ang kanilang mga puso ay nagsimulang matunaw” nang mabalitaan nila ang makahimalang pagtawid ng mga Israelita sa Jordan. Maaaring ang himalang ito, pati na ang malalaking tagumpay na natamo ng Israel, ang isang dahilan kung bakit hindi sumalakay ang mga Amorita sa kampo ng Israel nang dakong huli noong panahong tuliin ang mga lalaking Israelita o noong ipagdiwang ng Israel ang Paskuwa. (Jos 5:1, 2, 8, 10) Gayunman, pagkatapos na mawasak ang Jerico at Ai, isang napakalaking alyansa ng mga tribo ng Canaan ang binuo upang sama-samang makipaglaban sa Israel. (Jos 9:1, 2) Nang piliin ng mga lalaking Hivita ng Gibeon na makipagpayapaan sa Israel, kaagad silang sinalakay ng “limang hari ng mga Amorita” at nakaligtas lamang sila sa pagkapuksa dahil sa magdamagang paghayo ng mga hukbo ni Josue at dahil sa tulong ni Jehova sa pamamagitan ng isang himala.—Jos 10:1-27; 11:19.
Pagkatapos ng pagbabakang ito at ng sumunod na kampanya ni Josue sa buong lupain, maliwanag na naigupo na ang kapangyarihan ng mga Amorita sa T ng Palestina. Magkagayunman, ang mga Amorita sa mga rehiyon sa H ay nakipag-alyansa sa ibang mga tribo upang makipagbaka sa Israel sa “tubig ng Merom.” Matapos dumanas ang mga Amorita ng matinding pagkatalo, hindi na muling binanggit na sila’y naging malaking banta sa Israel. (Jos 11:1-9) Mayroon pa ring nalabing mga Amorita, ngunit napakaliit na ng kanilang teritoryo at nang maglaon ay puwersahan silang pinagtrabaho sa ilalim ng pamumuno ng Israel. (Jos 13:4; Huk 1:34-36) Ang mga babaing Amorita ay kinuha ng mga Israelita bilang mga asawa, na naging dahilan naman ng apostasya (Huk 3:5, 6), at sa pangkalahatan ay waring patuloy na naging mapanligalig ang mga Amorita, sapagkat binabanggit na noong mga araw ni Samuel, pagkaraan ng isang matinding pagkatalo ng mga Filisteo, “nagkaroon ng kapayapaan sa pagitan ng Israel at ng mga Amorita.” (1Sa 7:14) Muli, kasama ang mga Amorita sa mga puwersahang pinagtrabaho noong panahon ng paghahari ni Solomon. (1Ha 9:20, 21) Bantog ang kanilang idolatriya at kabalakyutan, at maliwanag na dito’y katulad sila ng lahat ng mga Canaanita. (1Ha 21:26; 2Ha 21:11) Pagkabalik ng mga Israelita mula sa pagkatapon sa Babilonya, ang pagkakaroon ng mga asawang Amorita ay isang malubhang suliranin pa rin sa gitna nila. (Ezr 9:1, 2) Ngunit nang maglaon, ang mga Amorita, na dating pinakaprominente sa buong Canaan, ay lubusang naglaho, gaya ng isang mataas at dambuhalang punungkahoy na ang bunga ay inalis at ang mga ugat ay sinira.—Am 2:9, 10.
Ang “Amurru.” Karaniwan nang ipinapalagay ng sekular na mga istoryador na ang mga Amorita sa Bibliya ay ang mga tao na tinatawag na Amurru sa sinaunang mga tekstong cuneiform na Akkadiano (Asiro-Babilonyo). Sinasabi na ang Amurru ay sumalakay sa Mesopotamia noong unang bahagi ng ikalawang milenyo B.C.E. at na nagkaroon sila ng isang kaharian sa Babilonia sa loob ng ilang siglo. Si Hammurabi, bantog na tagapagbigay-batas noong yugtong iyon, ay madalas na tukuyin bilang nagmula sa mga “Amorita.”
Gayunman, ang katibayan may kinalaman sa Amurru ay waring hindi sumusuporta sa mga konklusyon na nagpapalagay na sila ang mga Amorita na binabanggit sa Bibliya. Ang Amurru sa sinaunang mga tekstong cuneiform ay pangunahin nang nangangahulugang “kanluran” na tumutukoy sa rehiyon sa K ng Mesopotamia. Sa The International Standard Bible Encyclopedia, sinabi ni A. H. Sayce na ang pangalang Amurru ay “nagpapahiwatig lamang kung saan sila mismo nanggaling, batay sa lokasyon ng Mesopotamia, at hindi nagbibigay ng impormasyon tungkol sa kanilang lahi o sa kanilang tunay na pangalan.” (Inedit ni G. W. Bromiley, 1979, Tomo 1, p. 113) Bagaman ang Mari, isang sinaunang lunsod sa Eufrates na nasa hilagang Mesopotamia, ay tinutukoy ng makabagong mga sekular na istoryador bilang isang sentro na pinagmulan ng Amurru patungo sa Mesopotamia, halos lahat ng libu-libong tapyas na nakuha roon ay nasa wikang Semitiko Akkadiano (Asiro-Babilonyo) at may ilang pangalan na Kanlurang Semitiko ang pinanggalingan. Ngunit gaya ng nabanggit na, ang mga Amorita sa Bibliya ay Hamitiko, hindi Semitiko, at bagaman posible na gumamit ng isang wikang Semitiko ang isang grupo ng mga Amorita, posible rin na ang sinaunang Amurru ay “mga taga-kanluran” lamang na nagmula sa mga taong Semitiko na nakatira sa dakong K ng Babilonia. Si Propesor John Bright sa A History of Israel (1981, p. 49) ay nagsabi: “Sa loob ng ilang siglo [ng huling bahagi ng ikatlong milenyo at maagang bahagi ng ikalawang milenyo B.C.E.] ang mga tao ng hilagang-kanlurang Mesopotamia at hilagang Sirya ay tinutukoy sa mga tekstong cuneiform bilang Amurru, samakatuwid nga, ‘mga taga-Kanluran.’ Lumilitaw na ito ay naging isang pangkalahatang termino na tumutukoy sa mga nagsasalita ng iba’t ibang diyalektong Hilagang-Kanlurang Semitiko na masusumpungan sa lugar na iyon, malamang ay kabilang na rito yaong mga lahi na nang maglaon ay pinanggalingan kapuwa ng mga Hebreo at mga Arameano.”
[Mapa sa pahina 117]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
TERITORYONG AMORITA
Malaking Dagat
Bdk. Hermon
MGA AMORITA
MGA AMORITA
AMORITANG KAHARIAN NI OG
Ilog Jordan
A. L. ng Jabok
AMORITANG KAHARIAN NI SIHON
Dagat Asin
A. L. ng Arnon
MOAB
AMMON