PANIMBANG AT PANUKAT, MGA
Ang arkeolohikal na katibayan, ang Bibliya mismo, at ang iba pang mga sinaunang akda ay naglalaan ng saligan sa pagtatakda ng tinatayang mga halaga ng iba’t ibang panimbang at panukat na ginamit ng mga Hebreo.
Mga Panukat ng Haba. Maliwanag, ang mga panukat ng haba na ginamit ng mga Hebreo ay ibinatay sa katawan ng tao. Yamang matutukoy ang proporsiyon ng haba o lapad ng isang bahagi ng katawan sa ibang bahagi ng katawan, posibleng matiyak ang kaugnayan ng isang sukat ng haba sa ibang sukat ng haba; at kung ibabatay sa arkeolohikal na katibayang tumutukoy sa isang siko na mga 44.5 sentimetro (17.5 pulgada), mabibigyan ng tinatayang makabagong mga halaga ang mga sukat ng haba na binabanggit sa Bibliya. (Tingnan ang SIKO.) Inihaharap ng kasunod na tsart ang kaugnayan sa isa’t isa ng mga Hebreong panukat ng haba at gayundin ang tinatayang mga katumbas ng mga ito sa makabagong panahon.
Mga Panukat ng Haba
—
—
Katumbas Ngayon
1 sinlapad-ng-daliri
= 1⁄4 na sinlapad-ng-kamay
1.85 sentimetro (0.72 pulgada)
1 sinlapad-ng-kamay
= 4 na sinlapad-ng-daliri
7.4 sentimetro (2.9 pulgada)
1 dangkal
= 3 sinlapad-ng-kamay
22.2 sentimetro (8.75 pulgada)
1 siko
= 2 dangkal
44.5 sentimetro (17.5 pulgada)
1 mahabang siko*
= 7 sinlapad-ng-kamay
51.8 sentimetro (20.4 pulgada)
1 maikling siko
—
38 sentimetro (15 pulgada)
1 tambo
= 6 na siko
2.67 m (8.75 piye)
1 mahabang tambo
= 6 na mahabang siko
3.11 m (10.2 piye)
* Posibleng ito rin ang “dating” siko sa 2Cr 3:3.
Hindi matiyak kung anong panukat ang tinutukoy ng terminong Hebreo na goʹmedh, na lumilitaw lamang sa Hukom 3:16 may kaugnayan sa haba ng tabak ni Ehud. Sa maraming salin, ang salitang ito ay isinalin bilang “siko.” (KJ, Le, JB, NW, Ro, RS) Naniniwala ang ilang iskolar na ang goʹmedh ay tumutukoy sa isang maikling siko na halos katumbas ng distansiya mula sa siko (elbow) hanggang sa mga bukó ng nakakuyom na kamay. Ito ay mga 38 sentimetro (15 pulgada).—NE.
Ang iba pang mga sukat ng haba na binabanggit sa Kasulatan ay ang dipa (1.8 m; 6 na piye); ang staʹdi·on, o estadyo (185 m; 606.75 piye); at ang milya, malamang na ang milyang Romano (1,479.5 m; 4,854 na piye). Ang salitang “paglalakbay” naman ay kadalasang ginagamit may kaugnayan sa isang pangkalahatang distansiya na maaaring lakbayin. (Gen 31:23; Exo 3:18; Bil 10:33; 33:8) Noon, ang isang araw na paglalakbay ay mga 32 km (20 mi) o mahigit pa, samantalang lumilitaw na ang isang araw ng Sabbath na paglalakbay ay mga 1 km (0.6 mi).—Mat 24:20; Gaw 1:12; tingnan ang DIPA; ESTADYO; MILYA; PAGLALAKBAY.
Mga Panukat ng Mailalaman. Batay sa mga bibinga ng banga na may nakalagay na “bat” na nakasulat sa sinaunang mga titik Hebreo, ang mailalaman ng takal na bat ay tinutuos na mga 22 L (5.81 gal). Sa mga tsart sa kasunod na pahina, ang mga panukat ng tuyong bagay at likido ay tinaya salig sa takal na bat. Ang kaugnayan naman ng isang panukat sa ibang panukat ay hinalaw sa ibang sinaunang mga akda, kapag hindi iyon binabanggit sa Bibliya.—Tingnan ang BAT; HIN; HOMER; KAB; KOR; LOG; OMER; SEAH.
Mga Panukat ng Tuyong Bagay
—
—
Katumbas Ngayon
1 kab
= 4 na log
1.22 L (2.2 tuyong pt)
1 omer
= 14⁄5 kab
2.2 L (2 tuyong qt)
1 seah
= 31⁄3 omer
7.33 L (6.66 tuyong qt)
1 epa
= 3 seah
22 L (20 tuyong qt)
1 homer
= 10 epa
220 L (200 tuyong qt)
Mga Panukat ng Likido
—
—
Katumbas Ngayon
1 log
= 1⁄4 na kab
0.31 L (0.66 pt)
1 kab
= 4 na log
1.22 L (2.58 pt)
1 hin
= 3 kab
3.67 L (7.75 pt)
1 bat
= 6 na hin
22 L (5.81 gal)
1 kor
= 10 bat
220 L (58.1 gal)
Iba pang mga panukat ng tuyong bagay at likido. Kadalasan, ang salitang Hebreo na ʽis·sa·rohnʹ, nangangahulugang “ikasampu,” ay tumutukoy sa ikasampu ng isang epa. (Exo 29:40; Lev 14:10; 23:13, 17; Bil 15:4) Ayon sa Targum Jonathan, ang “anim na takal ng sebada” (sa literal, anim ng sebada) na binabanggit sa Ruth 3:15 ay anim na takal na seah. Salig sa awtoridad ng Mishnah at ng Vulgate, ang terminong Hebreo na leʹthekh ay inuunawang tumutukoy sa kalahating homer. (Os 3:2; AS, KJ, Da, JP, Le, NW; Bava Mezia 6:5 tlb at apendise II, D, isinalin ni H. Danby) Tinutumbasan naman ng ilan ng Hebreong takal na bat ang mga terminong Griego na me·tre·tesʹ (lumilitaw sa Juan 2:6 sa anyong pangmaramihan at isinalin bilang “takal ng likido”) at baʹtos (masusumpungan sa Luc 16:6 sa anyong pangmaramihan). Karaniwan nang ipinapalagay na ang Griegong khoiʹnix (quarto) ay mas marami nang kaunti kaysa sa isang litro o wala pang isang tuyong quarto ng U.S.—Apo 6:5, 6.
Mga Panimbang. Ipinahihiwatig ng arkeolohikal na katibayan na ang isang siklo ay tumitimbang nang humigit-kumulang 11.4 g (0.403 onsa avdp; 0.367 onsa t). Samantalang ginagamit ito bilang batayan, ipinakikita ng kasunod na tsart ang kaugnayan sa isa’t isa ng mga Hebreong panimbang at ang tinatayang katumbas ng mga ito sa makabagong panahon.
Mga Panimbang
—
—
Katumbas Ngayon
1 gerah
= 1⁄20 siklo
0.57 g (0.01835 onsa t)
1 bekah (kalahating siklo)
= 10 gerah
5.7 g (0.1835 onsa t)
1 siklo
= 2 bekah
11.4 g (0.367 onsa t)
1 mina (maneh)
= 50 siklo
570 g (18.35 onsa t)
1 talento
= 60 mina
34.2 kg (75.5 lb avdp; 91.75 lb t; 1101 onsa t)
Karaniwan na, ang salitang Griego na liʹtra ay tinutumbasan ng librang Romano (327 g; 11.5 onsa avdp). Ang mina naman sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay tinutuos na 100 drakma. (Tingnan ang DRAKMA.) Mangangahulugan ito na ang minang Griego ay tumitimbang nang 340 g (10.9 onsa t) at ang talentong Griego naman ay 20.4 kg (44.8 lb avdp; 54.5 lb t; 654 na onsa t).—Tingnan ang MINA; SALAPI; SIKLO; TALENTO.
Lawak. Itinatakda ng mga Hebreo ang sukat ng isang lote ng lupa sa pamamagitan ng dami ng binhing kailangang ihasik dito (Lev 27:16; 1Ha 18:32) o sa pamamagitan ng lawak na kayang araruhin ng isang pareha ng mga toro sa isang araw.—1Sa 14:14, tlb sa Rbi8.
[Larawan sa pahina 838]
Isang set ng may-ukit na panimbang ng siklo mula sa Lakis