Unang Hari
14 Nang panahong iyon, nagkasakit si Abias na anak ni Jeroboam. 2 Kaya sinabi ni Jeroboam sa asawa niya: “Pakisuyo, magbalatkayo ka para walang makakilala sa iyo na asawa ka ni Jeroboam, at pumunta ka sa Shilo. Nandoon ang propetang si Ahias. Siya ang nagsabi noon na magiging hari ako ng bayang ito.+ 3 Magdala ka ng 10 tinapay, mga tinapay na binudburan, at ng pulot-pukyutan, at pumunta ka sa kaniya. Sasabihin niya sa iyo kung ano ang mangyayari sa anak natin.”
4 Ginawa ng asawa ni Jeroboam ang sinabi niya. Pumunta ito sa Shilo+ at dumating sa bahay ni Ahias. Hindi na makakita si Ahias dahil sa katandaan.
5 Pero sinabi ni Jehova kay Ahias: “Parating ang asawa ni Jeroboam para tanungin ka tungkol sa anak niya, dahil may sakit ito. Sasabihin ko sa iyo kung ano ang sasabihin mo sa kaniya. Pagdating niya, magkukunwari siyang ibang tao.”
6 Nang marinig ni Ahias ang mga yabag ng babae habang papasók ito, sinabi niya: “Pumasok ka, asawa ni Jeroboam. Bakit ka nagkukunwaring ibang tao? Inutusan akong sabihin sa iyo ang isang mabigat na mensahe. 7 Sabihin mo kay Jeroboam, ‘Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel: “Pinili kita mula sa bayan mo para gawing pinuno ng bayan kong Israel.+ 8 At inalis* ko ang kaharian mula sa sambahayan ni David at ibinigay iyon sa iyo.+ Pero hindi ka naging gaya ng lingkod kong si David, na tumupad sa mga utos ko at sumunod sa akin nang kaniyang buong puso; lagi niyang ginagawa kung ano ang tama sa paningin ko.+ 9 Mas masahol pa ang ginawa mo kaysa sa lahat ng nauna sa iyo, at gumawa ka para sa sarili mo ng ibang diyos at ng mga metal na imahen para galitin ako,+ at ako ang tinalikuran mo.+ 10 Kaya magpapasapit ako ng kapahamakan sa sambahayan ni Jeroboam, at lilipulin ko ang lahat ng lalaki* sa angkan ni Jeroboam, pati na ang mga hamak at mahihina sa Israel, at wawalisin kong parang dumi ang sambahayan ni Jeroboam+ hanggang sa wala nang matira! 11 Ang mamamatay sa lunsod mula sa angkan ni Jeroboam ay kakainin ng mga aso; at ang mamamatay sa parang ay kakainin ng mga ibon sa langit, dahil si Jehova ang nagsabi nito.”’
12 “Umuwi ka na sa bahay mo. Pagtuntong ng paa mo sa lunsod, mamamatay ang anak mo. 13 Magdadalamhati sa kaniya ang buong Israel at ililibing siya; siya lang mula sa pamilya ni Jeroboam ang ililibing, dahil sa buong sambahayan ni Jeroboam, sa kaniya lang may nakitang mabuti si Jehova na Diyos ng Israel. 14 Pipili si Jehova ng isang hari sa Israel na lilipol sa sambahayan ni Jeroboam+ sa takdang araw, at puwedeng ngayon na. 15 Pababagsakin ni Jehova ang Israel na gaya ng tambo na pagiwang-giwang sa tubig, at bubunutin niya ang Israel mula sa magandang lupaing ito na ibinigay niya sa mga ninuno nila,+ at pangangalatin niya sila sa kabila ng Ilog,*+ dahil gumawa sila ng kanilang mga sagradong poste*+ at ginalit nila si Jehova. 16 At pababayaan niya ang Israel dahil sa mga kasalanan ni Jeroboam at dahil pinagkasala nito ang Israel.”+
17 Kaya umuwi ang asawa ni Jeroboam at nakarating sa Tirza. Pagdating niya sa pintuan ng bahay, namatay ang anak niya. 18 Inilibing nila ito, at nagdalamhati ang buong Israel, gaya ng sinabi ni Jehova sa pamamagitan ng propeta niyang si Ahias.
19 At ang iba pang nangyari kay Jeroboam, kung paano siya nakipagdigma+ at kung paano siya naghari, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Israel. 20 Naghari si Jeroboam nang 22 taon. Pagkatapos ay namatay siya,*+ at ang anak niyang si Nadab ang naging hari kapalit niya.+
21 Samantala, ang anak ni Solomon na si Rehoboam ay naging hari sa Juda. Siya ay 41 taóng gulang nang maging hari, at 17 taon siyang namahala sa Jerusalem, ang lunsod na pinili ni Jehova+ mula sa lahat ng tribo ng Israel para doon ilagay ang pangalan niya.+ Ang ina ni Rehoboam ay si Naama na Ammonita.+ 22 Ginawa ng Juda ang masama sa paningin ni Jehova,+ at mas ginalit nila siya dahil mas masahol pa ang mga kasalanan nila kaysa sa mga ninuno nila.+ 23 Patuloy rin silang nagtayo ng matataas na lugar, mga sagradong haligi, at mga sagradong poste*+ sa bawat mataas na burol+ at sa ilalim ng bawat mayabong na puno.+ 24 Sa lupain, mayroon ding mga lalaking bayaran sa templo.+ Ginagawa nila ang kasuklam-suklam na mga bagay na ginagawa ng mga bansang itinaboy ni Jehova mula sa harap ng mga Israelita.
25 Sa ikalimang taon ni Haring Rehoboam, sinalakay ni Haring Sisak+ ng Ehipto ang Jerusalem.+ 26 Kinuha niya ang mga kayamanan sa bahay ni Jehova at ang mga kayamanan sa bahay* ng hari.+ Kinuha niya lahat, pati ang lahat ng gintong kalasag na ginawa ni Solomon.+ 27 Kaya gumawa si Haring Rehoboam ng mga tansong kalasag kapalit ng mga iyon, at ipinagkatiwala niya ang mga iyon sa mga pinuno ng mga bantay,* na nagbabantay sa pasukan ng bahay ng hari. 28 Sa tuwing pupunta ang hari sa bahay ni Jehova, dinadala ng mga bantay ang mga iyon; pagkatapos, ibinabalik nila ang mga iyon sa silid ng mga bantay.
29 At ang iba pang nangyari kay Rehoboam, ang lahat ng ginawa niya, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Juda.+ 30 Laging may digmaan sa pagitan nina Rehoboam at Jeroboam.+ 31 At si Rehoboam ay namatay* at inilibing na kasama ng kaniyang mga ninuno sa Lunsod ni David.+ Ang kaniyang ina ay si Naama na Ammonita.+ At ang anak niyang si Abiam*+ ang naging hari kapalit niya.