UNANG HARI
1 Matanda na ngayon si Haring David+ at malapit nang mamatay, at kahit kinukumutan nila siya, giniginaw pa rin siya. 2 Kaya sinabi sa kaniya ng mga lingkod niya: “Magpahanap ka ng isang babae, isang dalaga, para sa panginoon kong hari, at siya ang magiging tagapag-alaga ng hari. Hihiga siya sa tabi mo para mainitan ang panginoon kong hari.” 3 Naghanap sila ng magandang babae sa buong teritoryo ng Israel, at nakita nila si Abisag+ na Sunamita+ at dinala ito sa hari. 4 Napakaganda ng babae. Naging tagapag-alaga siya ng hari at nagsilbi siya rito, pero hindi nakipagtalik sa kaniya ang hari.
5 Samantala, si Adonias+ na anak ni Hagit ay nagmamataas. Sinasabi niya: “Magiging hari ako!” Nagpagawa siya ng isang karwahe* at kumuha ng mga mangangabayo at ng 50 lalaking tatakbo sa unahan niya.+ 6 Pero hindi siya kailanman sinabihan* ng kaniyang ama: “Bakit mo ginawa iyan?” Napakaguwapo rin niya, at ipinanganak siya ng kaniyang ina kasunod ni Absalom. 7 Sumangguni siya kay Joab na anak ni Zeruias at sa saserdoteng si Abiatar,+ at nag-alok sila ng tulong at suporta kay Adonias.+ 8 Pero ang saserdoteng si Zadok,+ si Benaias+ na anak ni Jehoiada, ang propetang si Natan,+ si Simei,+ si Rei, at ang malalakas na mandirigma ni David+ ay hindi sumuporta kay Adonias.
9 Nang maglaon, naghandog si Adonias+ ng mga tupa, baka, at mga pinatabang hayop sa may bato ng Zohelet, malapit sa En-rogel, at inimbitahan niya ang lahat ng kapatid niyang lalaki na mga anak ng hari, at ang lahat ng lalaki ng Juda na mga lingkod ng hari. 10 Pero hindi niya inimbitahan ang propetang si Natan, si Benaias at ang malalakas na mandirigma, o ang kapatid niyang si Solomon. 11 Sinabi ngayon ni Natan+ kay Bat-sheba,+ na ina ni Solomon:+ “Hindi mo ba nabalitaan na naging hari na si Adonias+ na anak ni Hagit, at walang kaalam-alam dito ang panginoon nating si David? 12 Kaya pakisuyo, halika at papayuhan kita, para mailigtas mo ang buhay mo at ang buhay ng anak mong si Solomon.+ 13 Pumunta ka kay Haring David, at sabihin mo sa kaniya, ‘Hindi ba’t ikaw, panginoon kong hari, ang nangako sa iyong lingkod: “Ang anak mong si Solomon ang maghahari kasunod ko, at siya ang uupo sa trono ko”?+ Pero bakit si Adonias ang naging hari?’ 14 Habang nakikipag-usap ka pa sa hari, papasok ako at susuportahan ko ang mga sinabi mo.”
15 Kaya pumunta si Bat-sheba sa hari sa pribadong silid nito. Napakatanda na ng hari, at pinagsisilbihan ito ni Abisag+ na Sunamita. 16 Pagkatapos, yumukod si Bat-sheba at sumubsob sa harapan ng hari, at sinabi ng hari: “Ano ang gusto mong hilingin?” 17 Sumagot siya: “Panginoon ko, ikaw ang nangako sa iyong lingkod sa ngalan ni Jehova na iyong Diyos, ‘Ang anak mong si Solomon ang maghahari kasunod ko, at siya ang uupo sa trono ko.’+ 18 Pero ngayon, naging hari si Adonias, at walang kaalam-alam dito ang panginoon kong hari.+ 19 Naghandog siya ng napakaraming toro, pinatabang hayop, at tupa, at inimbitahan niya ang lahat ng anak ng hari at ang saserdoteng si Abiatar at si Joab na pinuno ng hukbo;+ pero hindi niya inimbitahan ang lingkod mong si Solomon.+ 20 At ngayon, panginoon kong hari, naghihintay ang buong Israel na sabihin mo kung sino ang susunod na uupo sa trono ng panginoon kong hari. 21 Kung hindi mo gagawin iyon, pagkamatay ng* panginoon kong hari, ako at ang anak kong si Solomon ay ituturing na mga traidor.”
22 At habang nakikipag-usap pa siya sa hari, pumasok ang propetang si Natan.+ 23 Agad na sinabi sa hari: “Narito ang propetang si Natan!” Humarap siya sa hari at sumubsob sa harapan nito. 24 Pagkatapos, sinabi ni Natan: “Panginoon kong hari, sinabi mo ba, ‘Si Adonias ang maghahari kasunod ko, at siya ang uupo sa trono ko’?+ 25 Umalis kasi siya ngayon at naghandog+ ng napakaraming toro, pinatabang hayop, at tupa, at inimbitahan niya ang lahat ng anak ng hari at ang mga pinuno ng hukbo at ang saserdoteng si Abiatar.+ Naroon sila at kumakain at umiinom kasama niya, at sinasabi nila, ‘Mabuhay si Haring Adonias!’ 26 Pero ako na iyong lingkod ay hindi niya inimbitahan, o ang saserdoteng si Zadok, o si Benaias+ na anak ni Jehoiada, o ang lingkod mong si Solomon. 27 Pinahintulutan ba ito ng panginoon kong hari nang hindi sinasabi sa iyong lingkod kung sino ang susunod na uupo sa trono ng panginoon kong hari?”
28 Sumagot ngayon si Haring David: “Tawagin ninyo si Bat-sheba.” Kaya pumasok ito at tumayo sa harap ng hari. 29 Sinabi ng hari: “Isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova, na nagligtas sa akin sa lahat ng kapahamakan,+ 30 kung ano ang isinumpa ko sa iyo sa ngalan ni Jehova na Diyos ng Israel, na nagsasabi, ‘Ang anak mong si Solomon ang maghahari kasunod ko, at siya ang susunod na uupo sa trono ko!’ iyan ang gagawin ko sa araw na ito.” 31 Pagkatapos, yumukod si Bat-sheba at sumubsob sa harapan ng hari at nagsabi: “Mabuhay ka nawa magpakailanman, O Haring David na aking panginoon!”
32 Agad na sinabi ni Haring David: “Tawagin ninyo ang saserdoteng si Zadok, ang propetang si Natan, at si Benaias+ na anak ni Jehoiada.”+ Kaya pumasok sila at humarap sa hari. 33 Sinabi sa kanila ng hari: “Isama ninyo ang mga lingkod ng inyong panginoon, at pasakayin ninyo ang anak kong si Solomon sa aking mula,*+ at dalhin ninyo siya sa Gihon.+ 34 Doon, papahiran siya ng langis+ ng saserdoteng si Zadok at ng propetang si Natan bilang hari sa Israel; at hipan ninyo ang tambuli at sabihin, ‘Mabuhay si Haring Solomon!’+ 35 Pagkatapos, sumunod kayo sa kaniya pabalik, at papasok siya at uupo sa trono ko; at siya ang papalit sa akin bilang hari, at aatasan ko siya bilang pinuno ng Israel at ng Juda.” 36 Si Benaias na anak ni Jehoiada ay agad na sumagot sa hari: “Amen! Pagtibayin nawa ito ni Jehova na Diyos ng panginoon kong hari. 37 Kung paanong tinulungan ni Jehova ang panginoon kong hari, nawa ay tulungan din niya si Solomon,+ at gawin niya nawang mas dakila ang trono nito kaysa sa trono mo, O Haring David na panginoon ko.”+
38 Pagkatapos, ang saserdoteng si Zadok, ang propetang si Natan, si Benaias+ na anak ni Jehoiada, at ang mga Kereteo at ang mga Peleteo+ ay umalis, at pinasakay nila si Solomon sa mula ni Haring David,+ at dinala nila siya sa Gihon.+ 39 Kinuha ngayon ng saserdoteng si Zadok ang sungay na lalagyan ng langis+ mula sa tolda+ at pinahiran si Solomon,+ at hinipan nila ang tambuli, at sumigaw ang buong bayan: “Mabuhay si Haring Solomon!” 40 Pagkatapos, sumunod sa kaniya ang buong bayan pabalik habang tumutugtog sila ng mga plawta at nagsasaya, at nayanig* ang lupa sa ingay nila.+
41 Narinig iyon ni Adonias at ng lahat ng inimbitahan niya matapos silang kumain.+ Pagkarinig ni Joab sa tambuli, sinabi niya: “Bakit napakaingay sa lunsod?” 42 Habang nagsasalita pa siya, dumating si Jonatan+ na anak ng saserdoteng si Abiatar. Sinabi ni Adonias: “Pumasok ka, dahil mabuting* tao ka, at siguradong may dala kang magandang balita.” 43 Pero sinabi ni Jonatan kay Adonias: “Hindi po maganda! Ginawang hari si Solomon ng panginoon nating si Haring David. 44 Pinasama sa kaniya ng hari ang saserdoteng si Zadok, ang propetang si Natan, si Benaias na anak ni Jehoiada, at ang mga Kereteo at ang mga Peleteo, at pinasakay nila siya sa mula ng hari.+ 45 At pinahiran siya bilang hari ng saserdoteng si Zadok at ng propetang si Natan sa Gihon. Pagkatapos, umalis sila roon na nagsasaya, at napakaingay sa lunsod. Iyon ang narinig mo. 46 At si Solomon ay umupo na sa trono ng hari. 47 Isa pa, ang mga lingkod ng hari ay humarap at bumati sa panginoon nating si Haring David. Ang sabi nila, ‘Gawin nawang mas tanyag ng iyong Diyos ang pangalan ni Solomon kaysa sa pangalan mo, at gawin nawa niyang mas dakila ang trono nito kaysa sa iyong trono!’ Pagkatapos, yumukod ang hari sa higaan. 48 Sinabi rin ng hari, ‘Purihin nawa si Jehova na Diyos ng Israel, na pumili ng uupo sa trono ko at nagpahintulot na makita iyon ng sarili kong mga mata!’”
49 Dahil diyan, takot na takot ang lahat ng inimbitahan ni Adonias, at nagkaniya-kaniya sila ng alis. 50 Natakot din si Adonias kay Solomon, kaya umalis siya at humawak nang mahigpit sa mga sungay ng altar.+ 51 Iniulat kay Solomon: “Natatakot si Adonias kay Haring Solomon; at humawak siya sa mga sungay ng altar. Sinasabi niya, ‘Pasumpain muna ninyo sa akin si Haring Solomon na hindi niya papatayin ang kaniyang lingkod sa pamamagitan ng espada.’” 52 Sinabi ni Solomon: “Kung gagawi siya nang marangal, walang isa mang buhok niya ang mahuhulog sa lupa; pero kung gagawa siya ng masama,+ mamamatay siya.” 53 Kaya ipinakuha siya ni Haring Solomon mula sa altar. Pagkatapos, humarap siya at yumukod kay Haring Solomon. Sinabi ni Solomon sa kaniya: “Umuwi ka sa bahay mo.”
2 Nang malapit nang mamatay si David, tinagubilinan niya ang anak niyang si Solomon: 2 “Malapit na akong mamatay. Kaya magpakatatag ka+ at magpakalalaki.+ 3 Tuparin mo ang obligasyon mo kay Jehova na iyong Diyos sa pamamagitan ng paglakad sa kaniyang mga daan at pagsunod sa kaniyang mga batas, mga utos, mga kahatulan, at mga paalaala gaya ng nakasulat sa Kautusan ni Moises;+ sa gayon, magtatagumpay ka* anuman ang gawin mo at saan ka man magpunta. 4 At tutuparin ni Jehova ang ipinangako niya tungkol sa akin: ‘Kung magiging palaisip ang mga anak mo sa pamumuhay nila at lalakad sila nang tapat sa daan ko nang kanilang buong puso at kaluluwa,+ sa angkan mo manggagaling ang lahat ng uupo sa trono ng Israel.’+
5 “Alam na alam mo rin ang ginawa sa akin ni Joab na anak ni Zeruias, ang ginawa niya sa dalawang pinuno ng mga hukbo ng Israel—kay Abner+ na anak ni Ner at kay Amasa+ na anak ni Jeter. Pinatay niya sila+ sa panahon ng kapayapaan, at binahiran niya ng dugo ng digmaan ang sinturon niya sa balakang at ang mga sandalyas niya sa paa. 6 Magpakarunong ka at huwag mo siyang hayaang mabuhay nang matagal at mamatay sa katandaan.*+
7 “Pero magpakita ka ng tapat na pag-ibig sa mga anak ni Barzilai+ na Gileadita, at isama mo sila sa mga kakain sa iyong mesa, dahil sa ganoong paraan nila ako sinuportahan+ nang tumakas ako mula sa kapatid mong si Absalom.+
8 “Nakatira sa malapit si Simei na anak ni Gera na Benjaminita mula sa Bahurim. Nagbitaw siya sa akin ng malupit na sumpa+ noong papunta ako sa Mahanaim;+ pero nang salubungin niya ako sa Jordan, nangako ako sa kaniya sa ngalan ni Jehova, ‘Hindi kita papatayin sa pamamagitan ng espada.’+ 9 Ngayon ay huwag mo siyang hayaang di-napaparusahan,+ dahil matalino kang tao at alam mo ang dapat gawin sa kaniya; huwag mo siyang hayaang mabuhay nang matagal at mamatay sa katandaan.”*+
10 At namatay* si David at inilibing sa Lunsod ni David.+ 11 Naghari si David sa Israel nang 40 taon. Naghari siya nang 7 taon sa Hebron+ at 33 taon naman sa Jerusalem.+
12 Pagkatapos, umupo si Solomon sa trono ng ama niyang si David, at unti-unting tumatag ang paghahari niya.+
13 Isang araw, si Adonias na anak ni Hagit ay pumunta kay Bat-sheba, na ina ni Solomon. Nagtanong si Bat-sheba: “Kapayapaan ba ang sadya mo?” Sumagot ito: “Kapayapaan.” 14 Sinabi pa nito: “May sasabihin ako sa iyo.” Sinabi ni Bat-sheba: “Sige, sabihin mo.” 15 Nagpatuloy ito: “Alam na alam mo na mapapasaakin sana ang trono, at inaasahan ng buong Israel na magiging hari ako;+ pero naging mailap sa akin ang trono at napunta sa kapatid ko, dahil iyon ang gusto ni Jehova.+ 16 Pero may isa lang akong gustong hilingin sa iyo. Huwag mo akong tanggihan.” Sinabi ni Bat-sheba: “Sige, sabihin mo.” 17 Sinabi nito: “Pakisuyo, hilingin mo kay Haring Solomon—dahil hindi ka niya tatanggihan—na ibigay sa akin si Abisag+ na Sunamita bilang asawa.” 18 Sumagot si Bat-sheba: “Sige! Sasabihin ko iyan sa hari.”
19 Kaya pumunta si Bat-sheba kay Haring Solomon para sabihin ang hinihiling ni Adonias. Agad na tumayo ang hari para salubungin ito at yumukod siya rito. Pagkatapos, umupo siya sa kaniyang trono at nagpalagay ng isang trono para sa ina ng hari, para makaupo ito sa kaniyang kanan. 20 Sinabi ni Bat-sheba: “May maliit na kahilingan ako sa iyo. Huwag mo akong tanggihan.” Kaya sinabi ng hari sa kaniya: “Sabihin mo, aking ina; hindi kita tatanggihan.” 21 Sinabi niya: “Ibigay mo sana sa kapatid mong si Adonias si Abisag na Sunamita bilang asawa.” 22 Sumagot si Haring Solomon sa kaniyang ina: “Bakit mo hinihiling si Abisag na Sunamita para kay Adonias? Hilingin mo na rin para sa kaniya ang trono,+ dahil nakatatanda ko siyang kapatid,+ at sinusuportahan siya ng saserdoteng si Abiatar at ni Joab+ na anak ni Zeruias.”+
23 Pagkatapos, sumumpa si Haring Solomon sa ngalan ni Jehova: “Bigyan nawa ako ng Diyos ng mabigat na parusa kung hindi mamatay si Adonias dahil sa hiniling niyang ito. 24 At ngayon, isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova, na nagpaupo sa akin sa trono ng ama kong si David at nagpatatag ng pamamahala ko+ at nagtatag ng isang sambahayan* para sa akin,+ gaya ng ipinangako niya—sa araw na ito ay papatayin si Adonias.”+ 25 Isinugo agad ni Haring Solomon si Benaias+ na anak ni Jehoiada. Pinabagsak ni Benaias si Adonias, at namatay ito.
26 Sinabi ng hari sa saserdoteng si Abiatar:+ “Pumunta ka sa lupain mo sa Anatot!+ Dapat kang mamatay, pero hindi kita papatayin sa araw na ito, dahil dinala mo ang Kaban ng Kataas-taasang Panginoong Jehova sa harap ng ama kong si David,+ at sinamahan mo ang ama ko sa lahat ng hirap na pinagdaanan niya.”+ 27 Kaya inalis ni Solomon si Abiatar sa paglilingkod bilang saserdote ni Jehova, para tuparin ang sinabi ni Jehova laban sa sambahayan ni Eli+ sa Shilo.+
28 Nang makarating ang balita kay Joab—na hindi sumuporta kay Absalom+ pero sumuporta kay Adonias+—tumakas si Joab papunta sa tolda ni Jehova+ at humawak nang mahigpit sa mga sungay ng altar. 29 Iniulat kay Haring Solomon: “Tumakas si Joab papunta sa tolda ni Jehova, at nandoon siya sa tabi ng altar.” Kaya isinugo ni Solomon si Benaias na anak ni Jehoiada at sinabi rito: “Pabagsakin mo siya!” 30 Kaya pumunta si Benaias sa tolda ni Jehova at sinabi rito: “Ito ang sinabi ng hari, ‘Lumabas ka!’” Pero sinabi nito: “Hindi! Dito ako mamamatay.” Bumalik si Benaias sa hari at sinabi rito kung ano ang isinagot ni Joab. 31 Sinabi ng hari sa kaniya: “Gawin mo kung ano ang sinabi niya; pabagsakin mo siya at ilibing at alisin mo sa akin at sa sambahayan ng aking ama ang dugo na pinadanak ni Joab nang walang makatuwirang dahilan.+ 32 Pagbabayarin siya ni Jehova sa dugong pinadanak niya, dahil lingid sa kaalaman ng ama kong si David, pinatay niya sa pamamagitan ng espada ang dalawang lalaki na mas matuwid at mas mabuti kaysa sa kaniya: si Abner+ na anak ni Ner, ang pinuno ng hukbo ng Israel,+ at si Amasa+ na anak ni Jeter, ang pinuno ng hukbo ng Juda.+ 33 Mananagot sa kamatayan nila si Joab at ang mga inapo niya magpakailanman;+ pero kay David, sa mga inapo niya, sa sambahayan niya, at sa kaharian* niya ay magkaroon nawa ng kapayapaan mula kay Jehova magpakailanman.” 34 Kaya umalis si Benaias na anak ni Jehoiada at pinatay si Joab, at inilibing ito sa sarili nitong bahay sa ilang. 35 Pagkatapos, inatasan ng hari si Benaias+ na anak ni Jehoiada bilang pinuno ng hukbo kapalit nito, at ang saserdoteng si Zadok+ naman ang ipinalit ng hari kay Abiatar.
36 Pagkatapos, ipinatawag ng hari si Simei+ at sinabi rito: “Magtayo ka ng bahay sa Jerusalem at doon ka tumira; huwag kang aalis doon para pumunta sa ibang lugar. 37 Sa araw na umalis ka at tumawid sa Lambak ng Kidron,+ tiyak na mamamatay ka. Ikaw ang may kasalanan sa sarili mong kamatayan.” 38 Sinabi ni Simei sa hari: “Makatuwiran po ang sinabi ninyo. Gagawin ng inyong lingkod ang sinabi ng panginoon kong hari.” Kaya nanatili si Simei sa Jerusalem nang maraming araw.
39 Pero sa pagtatapos ng tatlong taon, dalawang alipin ni Simei ang tumakas papunta kay Akis+ na anak ni Maaca na hari ng Gat. Nang iulat kay Simei: “Nasa Gat ang mga alipin mo,” 40 inihanda agad ni Simei ang asno niya at pumunta siya kay Akis sa Gat para hanapin ang mga alipin niya. Pagbalik ni Simei mula sa Gat kasama ang mga alipin niya, 41 iniulat kay Solomon: “Lumabas si Simei sa Jerusalem at nagpunta sa Gat, at nakabalik na siya.” 42 Kaya ipinatawag ng hari si Simei at sinabi rito: “Hindi ba pinanumpa kita sa ngalan ni Jehova at binigyan ng babala: ‘Sa araw na umalis ka sa lugar na ito at magpunta sa ibang lugar, tiyak na mamamatay ka’? At hindi ba sinabi mo, ‘Makatuwiran ang sinabi mo; susunod ako’?+ 43 Bakit hindi mo tinupad ang isinumpa mo kay Jehova at ang iniutos ko sa iyo?” 44 Sinabi ngayon ng hari kay Simei: “Alam na alam mo ang lahat ng kasamaang ginawa mo sa ama kong si David,+ at pagbabayarin ka ni Jehova sa mga ginawa mo.+ 45 Pero pagpapalain si Haring Solomon,+ at ang trono ni David ay magiging matatag sa harap ni Jehova magpakailanman.” 46 Pagkatapos, inutusan ng hari si Benaias na anak ni Jehoiada. Pinabagsak ni Benaias si Simei, at namatay ito.+
Kaya ang kaharian ay naging matatag sa kamay ni Solomon.+
3 Nakipag-alyansa si Solomon sa Paraon na hari ng Ehipto nang pakasalan* niya ang anak ng Paraon.+ Dinala niya ito sa Lunsod ni David+ para manirahan doon hanggang sa matapos niyang itayo ang sarili niyang bahay,+ at ang bahay ni Jehova,+ at ang pader sa palibot ng Jerusalem.+ 2 Pero naghahandog pa rin ang bayan sa matataas na lugar,+ dahil noong panahong iyon, wala pa ring naitatayong bahay para sa pangalan ni Jehova.+ 3 Patuloy na inibig ni Solomon si Jehova sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas ng ama niyang si David. Pero nag-aalay siya at nagsusunog ng mga handog sa matataas na lugar.+
4 Nagpunta ang hari sa Gibeon para maghandog doon, dahil iyon ang pinakakilalang* mataas na lugar.+ Naghandog si Solomon ng 1,000 haing sinusunog sa altar na iyon.+ 5 Sa Gibeon, nagpakita si Jehova kay Solomon sa isang panaginip sa gabi, at sinabi ng Diyos: “Ano ang gusto mong ibigay ko sa iyo?”+ 6 Sinabi ni Solomon: “Nagpakita ka ng dakila at tapat na pag-ibig sa lingkod mong si David na aking ama, na lumakad sa harap mo nang tapat at matuwid at may malinis na puso. Patuloy mong ipinakita sa kaniya ang dakila at tapat na pag-ibig na ito hanggang ngayon nang bigyan mo siya ng anak para umupo sa trono niya.+ 7 At ngayon, O Jehova na aking Diyos, ginawa mong hari ang iyong lingkod kapalit ng ama kong si David, kahit na bata pa ako at walang karanasan.+ 8 Ang iyong lingkod ay nasa gitna ng bayang pinili mo,+ isang napakalaking bayan na hindi mabilang sa dami. 9 Kaya bigyan mo ang iyong lingkod ng masunuring puso para humatol sa iyong bayan,+ para malaman ko ang mabuti at masama,+ dahil sino ang makahahatol sa bayan mong ito na napakalaki?”*
10 Natuwa si Jehova na ito ang hiniling ni Solomon.+ 11 At sinabi ng Diyos sa kaniya: “Dahil ito ang hiniling mo at hindi ka humiling ng mahabang buhay* o ng kayamanan o na mamatay ang mga kaaway mo, kundi humiling ka ng kaunawaan sa pagdinig ng mga usapin sa batas,+ 12 ibibigay ko sa iyo ang hiniling mo.+ Bibigyan kita ng pusong marunong at may kaunawaan;+ wala kang magiging katulad sa sinumang nabuhay noon at wala kang magiging katulad sa hinaharap.+ 13 At ibibigay ko rin sa iyo ang hindi mo hiniling,+ ang kayamanan at kaluwalhatian,+ para walang ibang hari ang maging tulad mo sa buong buhay mo.*+ 14 At kung lalakad ka sa aking mga daan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin at utos ko, gaya ng ginawa ng ama mong si David,+ bibigyan din kita ng mahabang buhay.”*+
15 Paggising ni Solomon, nalaman niyang panaginip pala iyon. Pagkatapos, pumunta siya sa Jerusalem at tumayo sa harap ng kaban ng tipan ni Jehova at naghandog ng mga haing sinusunog at mga handog na pansalo-salo+ at nagdaos ng handaan para sa lahat ng lingkod niya.
16 Nang panahong iyon, dalawang babaeng bayaran ang pumunta sa hari at humarap sa kaniya. 17 Sinabi ng unang babae: “Panginoon ko, ako at ang babaeng ito ay nakatira sa iisang bahay, at nanganak ako habang nasa bahay siya. 18 Tatlong araw pagkapanganak ko, nanganak din ang babaeng ito. Magkasama kami, kaming dalawa lang; wala kaming ibang kasama sa bahay. 19 Nang gabing iyon, namatay ang anak ng babaeng ito dahil nahigaan niya ang bata. 20 Kaya bumangon siya sa kalagitnaan ng gabi at kinuha ang anak ko sa tabi ko habang ang iyong aliping babae ay natutulog at inihiga niya ang bata sa mga braso* niya, at inihiga naman niya ang patay niyang anak sa mga braso ko. 21 Paggising ko kinaumagahan para pasusuhin ang anak ko, patay na siya. Pero nang tingnan ko siyang mabuti, hindi siya ang ipinanganak ko.” 22 Pero sinabi ng pangalawang babae: “Hindi, ang anak ko ang buháy, at ang anak mo ang patay!” Pero sinabi ng unang babae: “Hindi, ang anak mo ang patay at ang anak ko ang buháy.” Ganiyan sila nagtalo sa harap ng hari.
23 Kaya sinabi ng hari: “Sinasabi niya, ‘Anak ko ito, ang buháy, at ang anak mo ang patay!’ at sinasabi naman ng isang ito, ‘Hindi, ang anak mo ang patay, at ang anak ko ang buháy!’” 24 Sinabi ng hari: “Ikuha ninyo ako ng espada.” Kaya nagdala sila ng espada sa hari. 25 Pagkatapos, sinabi ng hari: “Hatiin ninyo ang buháy na bata; ibigay ninyo ang kalahati sa isang babae at ang kalahati sa isa pa.” 26 Agad na nagmakaawa sa hari ang ina ng buháy na bata, dahil naawa siya sa anak niya. Sinabi niya: “Pakisuyo, panginoon ko! Ibigay ninyo sa kaniya ang buháy na bata. Huwag ninyo siyang patayin!” Pero sinabi naman ng isa: “Hindi siya magiging akin o sa iyo. Hatiin ninyo!” 27 Sinabi ng hari: “Ibigay ninyo ang buháy na bata sa unang babae! Siya ang ina, kaya huwag ninyong patayin ang bata.”
28 At narinig ng buong Israel ang hatol ng hari, at humanga* sila sa hari,+ dahil nakita nilang binigyan siya ng Diyos ng karunungan para maglapat ng hatol.+
4 Si Haring Solomon ay namahala sa buong Israel.+ 2 Ito ang kaniyang matataas na opisyal: si Azarias na anak ni Zadok+ ang saserdote; 3 sina Elihorep at Ahias na mga anak ni Sisa ang mga kalihim;+ si Jehosapat+ na anak ni Ahilud ang tagapagtala; 4 si Benaias+ na anak ni Jehoiada ang pinuno ng hukbo; sina Zadok at Abiatar+ ang mga saserdote; 5 si Azarias na anak ni Natan+ ang namamahala sa mga kinatawang opisyal; si Zabud na anak ni Natan ay isang saserdote at kaibigan ng hari;+ 6 si Ahisar ang namamahala sa sambahayan; at si Adoniram+ na anak ni Abda ang namamahala sa mga tinawag para sa puwersahang pagtatrabaho.+
7 Si Solomon ay may 12 kinatawang opisyal sa buong Israel na naglalaan ng pagkain sa hari at sa sambahayan niya. Pananagutan ng bawat isa na maglaan ng pagkain sa loob ng isang buwan sa isang taon.+ 8 Ito ang mga kinatawang opisyal: Ang anak ni Hur, sa mabundok na rehiyon ng Efraim; 9 ang anak ni Deker, sa Makaz, Saalbim,+ Bet-semes, at Elon-bet-hanan; 10 ang anak ni Hesed, sa Arubot (saklaw niya ang Socoh at ang buong lupain ng Heper); 11 ang anak ni Abinadab, sa buong dalisdis ng Dor (napangasawa niya ang anak ni Solomon na si Tafat); 12 si Baana na anak ni Ahilud, sa Taanac, Megido,+ at sa buong Bet-sean,+ na katabi ng Zaretan sa ibaba ng Jezreel, mula sa Bet-sean hanggang sa Abel-mehola at hanggang sa rehiyon ng Jokmeam;+ 13 ang anak ni Geber, sa Ramot-gilead+ (saklaw niya ang mga nayon* ni Jair+ na anak ni Manases, na nasa Gilead;+ saklaw rin niya ang rehiyon ng Argob+ na nasa Basan:+ 60 malalaking lunsod na may mga pader at halang na tanso); 14 si Ahinadab na anak ni Ido, sa Mahanaim;+ 15 si Ahimaas, sa Neptali (kinuha niya si Basemat, isa pang anak ni Solomon, bilang asawa); 16 si Baana na anak ni Husai, sa Aser at Bealot; 17 si Jehosapat na anak ni Parua, sa Isacar; 18 si Simei+ na anak ni Ela, sa Benjamin;+ 19 si Geber na anak ni Uri, sa lupain ng Gilead,+ na lupain ni Sihon+ na hari ng mga Amorita at ni Og+ na hari ng Basan. Mayroon ding isang kinatawang opisyal na namumuno sa lahat ng kinatawang ito sa lupain.
20 Napakarami ng mamamayan ng Juda at ng Israel, kasindami ng mga butil ng buhangin sa dalampasigan;+ kumakain sila at umiinom at nagsasaya.+
21 Namahala si Solomon sa lahat ng kaharian mula sa Ilog*+ hanggang sa lupain ng mga Filisteo at hanggang sa hangganan ng Ehipto. Nagdadala sila ng tributo,* at naglingkod sila kay Solomon sa lahat ng araw ng buhay niya.+
22 Ang pagkain ni Solomon sa bawat araw ay 30 kor* ng magandang klase ng harina at 60 kor ng harina, 23 10 pinatabang baka, 20 bakang inalagaan sa pastulan, at 100 tupa, bukod pa sa ilang lalaking usa, gasela, maliliit na usa, at mga pinatabang kakok.* 24 Dahil sakop niya ang lahat ng bagay sa panig na ito ng Ilog,*+ mula sa Tipsa hanggang sa Gaza,+ pati ang lahat ng hari sa panig na ito ng Ilog; at may kapayapaan sa lahat ng sakop niyang rehiyon.+ 25 Panatag ang buhay sa Juda at sa Israel; ang bawat isa ay nasa ilalim ng sariling punong ubas at ilalim ng sariling puno ng igos, mula sa Dan hanggang sa Beer-sheba, sa lahat ng araw ni Solomon.
26 Si Solomon ay may 4,000* kuwadra ng kabayo para sa mga karwahe niya at 12,000 kabayo.*+
27 Ang mga kinatawang opisyal na ito ay naglalaan ng pagkain kay Haring Solomon at sa lahat ng kumakain sa mesa ni Haring Solomon. Bawat isa ay may atas na buwan, at tinitiyak nila na walang anumang nagkukulang.+ 28 Nagdadala rin sila ng sebada at dayami saanman ito kailangan para sa mga kabayo, pati na sa mga kabayong humihila ng karwahe; ang bawat isa ay may takdang dami ng dadalhin.
29 At binigyan ng Diyos si Solomon ng pambihirang karunungan at kaunawaan at ng pusong may malawak na unawa, gaya ng buhangin sa dalampasigan.+ 30 Nahigitan ng karunungan ni Solomon ang karunungan ng lahat ng taga-Silangan at ang lahat ng karunungan ng Ehipto.+ 31 Mas marunong siya sa sinumang tao, mas marunong kaysa kay Etan+ na Ezrahita at kina Heman,+ Calcol,+ at Darda na mga anak ni Mahol; naging tanyag siya sa lahat ng bansa sa palibot.+ 32 Kumatha* siya ng 3,000 kawikaan,+ at ang kaniyang mga awit+ ay 1,005. 33 Nakapagpapaliwanag siya tungkol sa mga puno, mula sa sedrong nasa Lebanon hanggang sa isopo+ na tumutubo sa pader; nakapagpapaliwanag siya tungkol sa mga hayop,+ ibon,*+ gumagapang na nilikha,*+ at mga isda. 34 Dumarating ang mga tao mula sa lahat ng bansa para marinig ang karunungan ni Solomon, pati ang mga hari sa buong mundo na nakarinig ng tungkol sa karunungan niya.+
5 Nang mabalitaan ni Hiram na hari ng Tiro+ na si Solomon ang piniling* hari kapalit ng ama nito, pinapunta niya kay Solomon ang mga lingkod niya, dahil si Hiram ay kaibigan ni David+ noon pa man. 2 Ipinasabi naman ni Solomon kay Hiram:+ 3 “Alam mong hindi nakapagtayo ang ama kong si David ng isang bahay para sa pangalan ni Jehova na kaniyang Diyos dahil sa kabi-kabilang pakikipagdigma sa kaniya hanggang sa ilagay ni Jehova ang mga kaaway niya sa ilalim ng mga paa niya.+ 4 Pero ngayon ay binigyan ako ni Jehova na aking Diyos ng kapahingahan mula sa lahat ng nakapalibot na kaaway.+ Walang lumalaban sa akin at walang masamang nangyayari.+ 5 Kaya gusto kong magtayo ng isang bahay para sa pangalan ni Jehova na aking Diyos, gaya ng ipinangako ni Jehova sa ama kong si David. Sinabi Niya: ‘Ang anak mo na pauupuin ko sa iyong trono kapalit mo, siya ang magtatayo ng bahay para sa pangalan ko.’+ 6 Utusan mo ngayon ang mga tauhan mo na pumutol ng mga sedro sa Lebanon+ para sa akin. Magtatrabaho ang mga lingkod ko kasama ng mga lingkod mo, at susuwelduhan ko ang mga lingkod mo sa halagang sasabihin mo, dahil alam mong walang isa man sa amin ang marunong pumutol ng mga puno na gaya ng mga Sidonio.”+
7 Tuwang-tuwa si Hiram nang marinig niya ang mga ipinasabi ni Solomon, at sinabi niya: “Purihin nawa ngayon si Jehova dahil binigyan niya si David ng isang matalinong anak na mamamahala sa malaking bayang ito!”+ 8 Kaya ipinasabi ni Hiram kay Solomon: “Nakarating sa akin ang mensahe mo. Ibibigay ko ang lahat ng hinihiling mong kahoy na sedro at enebro.+ 9 Ibababa iyon ng mga lingkod ko mula sa Lebanon hanggang sa dagat, at gagawin kong mga balsa ang mga iyon para maidaan sa dagat hanggang sa lugar na sasabihin mo sa akin. Ipakakalag ko iyon doon para madala ninyo. Kapalit nito, ibibigay mo ang pagkaing hihilingin ko para sa sambahayan ko.”+
10 Kaya ibinigay ni Hiram ang lahat ng kahoy na sedro at enebro na hiniling ni Solomon. 11 At binigyan ni Solomon si Hiram ng 20,000 kor* ng trigo bilang suplay ng pagkain para sa sambahayan nito at 20 kor ng napakagandang klase ng langis ng olibo. Iyan ang ibinibigay ni Solomon kay Hiram taon-taon.+ 12 At binigyan ni Jehova si Solomon ng karunungan, gaya ng ipinangako niya rito.+ Mapayapa ang ugnayan ni Hiram at ni Solomon, at silang dalawa ay gumawa ng kasunduan.*
13 Nagpatawag si Haring Solomon ng mga lalaki para sa puwersahang pagtatrabaho mula sa buong Israel; 30,000 lalaki ang natawag.+ 14 Hali-halili niyang pinapupunta sa Lebanon ang mga ito—10,000 sa bawat buwan. Isang buwan sila sa Lebanon at dalawang buwan sa mga bahay nila; at si Adoniram+ ang namamahala sa mga tinawag para sa puwersahang pagtatrabaho. 15 Si Solomon ay nagkaroon ng 70,000 karaniwang manggagawa* at 80,000 tagatabas ng bato+ sa bundok,+ 16 pati ng 3,300 kinatawang opisyal+ na nangangasiwa sa mga manggagawa. 17 Sa utos ng hari, nagtibag sila ng malalaking bato, mamahaling mga bato,+ para magawa ang pundasyon+ ng bahay sa pamamagitan ng tinabas na mga bato.+ 18 Kaya ang mga tagapagtayo ni Solomon at ang mga tagapagtayo ni Hiram at ang mga Gebalita+ ang nagtabas ng mga bato, at inihanda nila ang mga kahoy at ang mga bato para maitayo ang bahay.
6 Noong ika-480 taon pagkalabas ng mga Israelita mula sa lupain ng Ehipto,+ noong ikaapat na taon ng paghahari ni Solomon sa Israel, nang buwan ng Ziv*+ (ikalawang buwan), sinimulan niya ang pagtatayo ng bahay ni Jehova.*+ 2 Ang bahay na itinayo ni Haring Solomon para kay Jehova ay may habang 60 siko,* lapad na 20 siko, at taas na 30 siko.+ 3 Ang haba ng beranda+ sa harap ng templo* ay 20 siko, gaya ng lapad ng bahay. Ang beranda ay nakadagdag ng 10 siko sa haba ng bahay.
4 Ginawan niya ang bahay ng mga bintanang may papakipot na mga hamba.+ 5 Nagtayo rin siya ng panggilid na gusali na nakadugtong sa pader ng bahay; nakapaikot ito sa pader ng bahay—sa pader ng templo* at ng kaloob-loobang silid+—at mayroon itong panggilid na mga silid.+ 6 Ang pinakaibabang panggilid na mga silid ay may lapad na limang siko, at ang panggitnang palapag ay may lapad na anim na siko, at ang ikatlong palapag ay may lapad na pitong siko; sa buong palibot ng bahay, gumawa siya ng mapagpapatungan ng mga biga para hindi na kailanganing magbutas sa pader.+
7 Itinayo ang bahay gamit ang tinibag na mga bato na natabas na,+ kaya walang narinig na martilyo o palakol o anumang kasangkapang bakal sa bahay habang itinatayo ito. 8 Ang pasukan ng pinakaibabang panggilid na silid ay nasa timog* ng bahay;+ may paikot na hagdan paakyat sa panggitnang palapag at mula sa panggitnang palapag paakyat sa ikatlong palapag. 9 Patuloy niyang itinayo ang bahay at tinapos ito;+ binubungan niya ang bahay sa pamamagitan ng mga biga at mga hanay ng tablang sedro.+ 10 Itinayo niya sa palibot ng bahay ang panggilid na mga silid,+ na bawat isa ay may taas na limang siko, at nakadugtong ang mga ito sa bahay sa pamamagitan ng mga kahoy na sedro.
11 Samantala, sinabi ni Jehova kay Solomon: 12 “Kung lalakad ka sa aking mga batas at isasagawa mo ang aking mga hatol at tutuparin mo ang lahat ng kautusan ko,+ tutuparin ko rin sa iyo ang pangako ko kay David na iyong ama, ang pangako tungkol sa bahay na itinatayo mo,+ 13 at maninirahan ako sa gitna ng mga Israelita,+ at hindi ko pababayaan ang bayan kong Israel.”+
14 Patuloy na itinayo ni Solomon ang bahay para matapos iyon. 15 Gumamit siya ng mga tablang sedro para sa mga dingding ng bahay. Nilagyan niya ng tabla ang mga dingding, mula sa sahig ng bahay hanggang sa mga biga ng kisame, at nilagyan niya ng mga tablang enebro ang sahig ng bahay.+ 16 At nagtayo siya ng isang seksiyon na may sukat na 20 siko sa bandang likuran ng bahay gamit ang mga tablang sedro, mula sa sahig hanggang sa mga biga, at itinayo niya sa loob nito* ang kaloob-loobang silid,+ ang Kabanal-banalan.+ 17 At ang templo*+—ang bahagi ng bahay na nasa harap nito—ay 40 siko. 18 Ang sedro sa loob ng bahay ay inukitan ng mga bilog na upo+ at namumukadkad na mga bulaklak.+ Ang lahat ng ito ay sedro; walang batong makikita.
19 At inihanda niya ang kaloob-loobang silid+ sa loob ng bahay para ilagay roon ang kaban ng tipan ni Jehova.+ 20 Ang kaloob-loobang silid ay may habang 20 siko, lapad na 20 siko, at taas na 20 siko;+ at binalutan niya iyon ng purong ginto; nilagyan niya ng kahoy na sedro ang altar.+ 21 Binalutan ni Solomon ang loob ng bahay ng purong ginto,+ at naglagay siya ng mga kadenang ginto sa harap ng kaloob-loobang silid,+ na nababalutan ng ginto. 22 Binalutan niya ng ginto ang buong bahay; binalutan din niya ng ginto ang buong altar+ na malapit sa kaloob-loobang silid.
23 Sa kaloob-loobang silid, gumawa siya ng dalawang kerubin+ na yari sa kahoy ng pino,* na bawat isa ay 10 siko ang taas.+ 24 Ang isang pakpak ng kerubin ay limang siko, at ang kabilang pakpak ay limang siko. Sampung siko ang sukat mula sa dulo ng isang pakpak hanggang sa dulo ng kabilang pakpak. 25 Ang ikalawang kerubin ay 10 siko rin. Pareho ang sukat at hugis ng dalawang kerubin. 26 Ang taas ng isang kerubin ay 10 siko, gaya rin ng isa pang kerubin. 27 Pagkatapos, ipinasok niya ang mga kerubin+ sa kaloob-loobang silid.* Nakabuka ang mga pakpak ng mga kerubin. Ang isang pakpak ng kerubin ay umabot sa isang dingding at ang isang pakpak ng isa pang kerubin ay umabot sa kabilang dingding, at ang mga pakpak ay nakaunat hanggang sa gitna ng bahay, kaya nagpang-abot ang mga pakpak. 28 At binalutan niya ng ginto ang mga kerubin.
29 At sa bawat panig ng dingding ng dalawang silid* ng bahay ay umukit siya ng mga kerubin,+ puno ng palma,+ at namumukadkad na mga bulaklak.+ 30 Binalutan niya ng ginto ang sahig ng dalawang silid. 31 At para sa pasukan ng kaloob-loobang silid ay gumawa siya ng mga pinto na yari sa kahoy ng pino, mga panggilid na haligi, at mga poste ng pinto, bilang ikalimang bahagi.* 32 Ang dalawang pinto ay yari sa kahoy ng pino, at umukit siya rito ng mga kerubin, puno ng palma, at namumukadkad na mga bulaklak, at binalutan niya ng ginto ang mga ito; pinukpok niya ang ginto para lumapat ito sa mga kerubin at sa mga puno ng palma. 33 Ganiyan din ang ginawa niya sa pasukan ng templo*—sa mga poste ng pinto na yari sa kahoy ng pino, ang ikaapat na bahagi.* 34 At gumawa siya ng dalawang pinto na yari sa kahoy ng enebro. Ang isang pinto ay may dalawang panel na umiikot sa mga paikutan, at ang isa pang pinto ay may dalawang panel na umiikot sa mga paikutan.+ 35 Umukit siya ng mga kerubin, puno ng palma, at namumukadkad na mga bulaklak, at binalutan ang mga ito ng manipis na ginto.
36 Itinayo niya ang maliit na looban+ na may tatlong hanay ng tinabas na bato at isang hanay ng mga biga na yari sa sedro.+
37 Noong ika-4 na taon, buwan ng Ziv,* itinayo ang pundasyon ng bahay ni Jehova;+ 38 at sa ika-11 taon, buwan ng Bul* (ikawalong buwan), natapos ang bawat detalye ng bahay ayon sa plano nito.+ Kaya inabot nang pitong taon ang pagtatayo niya nito.
7 Nagtayo si Solomon ng sarili niyang bahay.*+ Inabot siya nang 13 taon para matapos ito.+
2 At itinayo niya sa apat na hanay ng mga haliging sedro ang Bahay ng Kagubatan ng Lebanon+ na may habang 100 siko,* lapad na 50 siko, at taas na 30 siko; at may mga bigang sedro+ sa ibabaw ng mga haligi. 3 Ang itaas nito ay nilagyan ng kahoy na sedro na nakakabit sa mga posteng pahalang, na nakapatong naman sa mga haligi; 45 ang mga ito, 15 sa bawat hanay. 4 May tatlong hanay ng bintanang may hamba, at bawat bintana ay may katapat na isa pang bintana sa tatlong grado. 5 Ang lahat ng pasukan at mga poste ng pinto ay may parisukat* na mga hamba, pati ang harap ng magkakatapat na bintana sa tatlong grado.
6 At itinayo niya ang Bulwagan* ng mga Haligi na may habang 50 siko at lapad na 30 siko; may beranda sa harap nito na may mga haligi at bubungan.
7 Itinayo rin niya ang Bulwagan* ng Trono+—ang Bulwagan ng Paghatol+—kung saan siya hahatol; at nilagyan nila iyon ng tablang sedro mula sa sahig hanggang sa mga biga.
8 Ang bahay* na titirhan niya ay nasa ibang looban+ at nakahiwalay sa Bulwagan,* at magkahawig ang pagkakagawa ng mga ito. Nagtayo rin siya ng bahay na kahawig ng bulwagang ito para sa anak ng Paraon, na kinuha ni Solomon bilang asawa.+
9 Ang lahat ng ito ay gawa sa mamahaling mga bato+ na tinabas ayon sa sukat at pinakinis ang bawat panig sa pamamagitan ng lagaring pambato, mula sa pundasyon hanggang sa pinakatuktok ng mga gusali. Gawa rin sa ganitong mga bato ang malaking looban.+ 10 Malalaki at mamahalin ang mga batong ginamit sa pundasyon; ang ilang bato ay 10 siko at ang iba ay 8 siko. 11 At sa ibabaw nito ay may mamahaling mga bato na tinabas ayon sa sukat at may kahoy na sedro. 12 Sa palibot ng malaking looban ay may tatlong hanay ng tinabas na mga bato at isang hanay ng mga bigang sedro, gaya rin ng nasa maliit na looban*+ ng bahay ni Jehova at sa beranda ng bahay.+
13 Ipinasundo ni Haring Solomon si Hiram+ mula sa Tiro. 14 Anak siya ng isang biyuda mula sa tribo ni Neptali, at ang ama niya ay taga-Tiro at isang panday-tanso;+ mayroon siyang pambihirang kasanayan, kaunawaan,+ at karanasan sa paggawa ng anumang bagay na yari sa tanso.* Dumating siya at ginawa ang lahat ng ipinagawa sa kaniya ni Haring Solomon.
15 Naghulma siya ng dalawang haliging tanso;+ bawat haligi ay 18 siko ang taas at mapaiikutan ng pising panukat na 12 siko ang haba.*+ 16 At naghulma siya ng dalawang kapital na gawa sa tanso para ilagay sa ibabaw ng mga haligi. Limang siko ang taas ng bawat kapital. 17 Ang mga kapital sa ibabaw ng bawat haligi ay pinalamutian nila ng lambat na gawa sa maliliit na kadena na pinilipit na gaya ng lubid;+ pito sa bawat kapital. 18 At gumawa siya ng mga palamuting granada,* at inilagay ang dalawang hanay nito sa palibot ng lambat para takpan ang mga kapital na nasa ibabaw ng mga haligi; ganiyan ang ginawa niya sa dalawang kapital. 19 Ang mga kapital na nasa ibabaw ng mga haligi sa beranda ay may disenyong liryo* na apat na siko ang taas. 20 Ang mga kapital ay nasa ibabaw ng dalawang haligi, sa ibabaw ng pabilog na bahaging pinapalibutan ng lambat; at 200 granada ang nakahanay sa palibot ng bawat kapital.+
21 Itinayo niya ang mga haligi ng beranda ng templo.*+ Itinayo niya ang kanang* haligi at tinawag itong Jakin,* at itinayo niya ang kaliwang* haligi at tinawag itong Boaz.*+ 22 Ang ibabaw ng mga haligi ay may disenyong liryo. At natapos ang paggawa sa mga haligi.
23 Pagkatapos, gumawa siya ng malaking tipunan ng tubig na yari sa hinulmang metal.+ Pabilog ang hugis nito. Ang sukat nito mula sa isang labi hanggang sa kabilang labi ay 10 siko, ang taas ay 5 siko, at mapaiikutan ito ng pising panukat na 30 siko ang haba.*+ 24 At may mga palamuting gaya ng mga bilog na upo+ sa ilalim ng labi nito paikot, 10 sa isang siko paikot sa buong tipunan ng tubig; ang mga upo ay nasa dalawang hanay at nakahulma sa tipunan ng tubig. 25 Nakapatong ang tipunan ng tubig sa 12 toro,+ 3 ang nakaharap sa hilaga, 3 ang nakaharap sa kanluran, 3 ang nakaharap sa timog, at 3 ang nakaharap sa silangan; ang mga ito ay nakatalikod sa isa’t isa. 26 Ang kapal nito ay isang sinlapad-ng-kamay;* at ang labi nito ay gaya ng labi ng kopa, gaya ng bulaklak ng liryo. Naglalaman ito ng 2,000 bat.*
27 At gumawa siya ng 10 patungang de-gulong*+ na yari sa tanso. Ang bawat patungang de-gulong ay may habang apat na siko, lapad na apat na siko, at taas na tatlong siko. 28 Ganito ang pagkakagawa sa mga patungang de-gulong: Mayroon itong panggilid na mga panel, at ang mga ito ay nakakabit sa mga balangkas. 29 At sa panggilid na mga panel na nakakabit sa mga balangkas ay may mga leon,+ toro, at mga kerubin,+ at ganito rin ang disenyo sa mga balangkas. Sa itaas at ibaba ng mga leon at ng mga toro ay may pakurbang mga disenyo na hinulma. 30 Ang bawat patungan ay may apat na tansong gulong at tansong ehe; at may apat na tukod sa mga kanto na sumusuporta sa mga iyon. Sa ilalim ng tipunan ng tubig ay may mga tukod, na may pakurbang mga disenyo na nakahulma sa bawat panig. 31 Ang bunganga nito ay nasa loob ng korona at may lalim na isang siko; ang bunganga nito ay pabilog, at ang kabuoang taas nito ay isang siko at kalahati, at sa bunganga nito ay may nakaukit na mga palamuti. Ang panggilid na mga panel nito ay parisukat, hindi bilog. 32 Ang apat na gulong ay nasa ibaba ng panggilid na mga panel, at ang mga suporta ng mga gulong ay nakakabit sa patungan, at ang taas ng bawat gulong ay isang siko at kalahati. 33 Ang mga gulong nito ay gaya ng gulong ng mga karwahe. Ang mga suporta nito, rim, rayos, at boha* ay gawa sa hinulmang metal. 34 May apat na tukod sa apat na kanto ng bawat patungang de-gulong; ang mga tukod nito ay hinulma na kasama ng patungang de-gulong. 35 Sa ibabaw ng patungang de-gulong ay may korona na kalahating siko ang taas; at sa ibabaw ng patungang de-gulong, ang mga balangkas nito at panggilid na mga panel ay hinulma na kasama ng patungang de-gulong. 36 Sa mga espasyo sa mga balangkas nito at sa panggilid na mga panel ay umukit siya ng mga kerubin, leon, at puno ng palma, na may nakapalibot na pakurbang mga disenyo.+ 37 Ganiyan ang pagkakagawa niya sa 10 patungang de-gulong;+ pare-pareho ang hulma ng mga ito,+ iisa ang sukat at hugis.
38 Gumawa siya ng 10 tansong tipunan ng tubig;+ makapaglalaman ng 40 bat ang bawat isa sa mga ito. Ang bawat tipunan ng tubig ay apat na siko.* Bawat isa sa 10 patungang de-gulong ay may isang tipunan ng tubig. 39 Pagkatapos, naglagay siya ng limang patungang de-gulong sa kanang panig ng bahay at lima sa kaliwang panig ng bahay, at inilagay niya ang malaking tipunan ng tubig sa kanang panig ng bahay, sa timog-silangan.+
40 Gumawa rin si Hiram+ ng mga tipunan ng tubig, mga pala,+ at mga mangkok.+
Kaya natapos ni Hiram ang lahat ng ipinagawa sa kaniya ni Haring Solomon sa bahay ni Jehova:+ 41 ang dalawang haligi+ at ang mga hugis-mangkok na kapital sa ibabaw ng dalawang haligi; ang dalawang lambat+ na pantakip sa dalawang hugis-mangkok na kapital sa ibabaw ng mga haligi; 42 ang 400 granada+ para sa dalawang lambat, dalawang hanay ng mga granada sa bawat lambat, para takpan ang dalawang hugis-mangkok na kapital na nasa dalawang haligi; 43 ang 10 patungang de-gulong+ at 10 tipunan ng tubig+ sa mga patungang de-gulong; 44 ang malaking tipunan ng tubig+ at ang 12 toro sa ilalim nito; 45 at ang mga lalagyan ng abo, pala, mangkok, at ang lahat ng iba pang kagamitan na ginawa ni Hiram mula sa pinakintab na tanso para kay Haring Solomon para sa bahay ni Jehova. 46 Ang mga ito ay inihulma ng hari sa mga moldeng luwad sa distrito ng Jordan, sa pagitan ng Sucot at Zaretan.
47 Hindi na tinimbang ni Solomon ang lahat ng kagamitan dahil napakarami nito. Hindi na inalam ang bigat ng mga tanso.+ 48 Ginawa ni Solomon ang lahat ng kagamitan para sa bahay ni Jehova: ang gintong altar;+ ang gintong mesa+ na paglalagyan ng tinapay na pantanghal; 49 ang mga kandelero+ na purong ginto, lima sa kanan at lima sa kaliwa sa harap ng kaloob-loobang silid; at ang mga bulaklak,+ ilawan, at mga pang-ipit ng mitsa, na lahat ay ginto;+ 50 ang mga tipunan ng tubig, pamatay ng apoy,+ mangkok, kopa,+ at ang mga lalagyan ng baga,*+ na lahat ay purong ginto; at ang mga ukit ng paikutan para sa mga pinto ng pinakaloob na bahay,+ ang Kabanal-banalan, at para sa mga pinto ng templo,*+ na lahat ay ginto.
51 Kaya natapos ni Haring Solomon ang lahat ng kailangan niyang gawin para sa bahay ni Jehova. Pagkatapos, ipinasok ni Solomon ang mga bagay na pinabanal ng ama niyang si David,+ at inilagay niya ang pilak, ang ginto, at ang mga kagamitan sa kabang-yaman ng bahay ni Jehova.+
8 Nang panahong iyon, tinipon ni Solomon+ ang matatandang lalaki ng Israel, ang lahat ng ulo ng mga tribo, ang mga pinuno ng mga angkan* ng Israel.+ Pumunta sila kay Haring Solomon sa Jerusalem para dalhin ang kaban ng tipan ni Jehova mula sa Lunsod ni David,+ ang Sion.+ 2 Nagtipon-tipon ang mga Israelita sa harap ni Haring Solomon noong kapistahan* ng buwan ng Etanim,* ang ikapitong buwan.+ 3 Kaya dumating ang lahat ng matatandang lalaki ng Israel, at binuhat ng mga saserdote ang Kaban.+ 4 Dinala nila ang Kaban ni Jehova, ang tolda ng pagpupulong,+ at ang lahat ng banal na kagamitang nasa tolda. Ang mga saserdote at mga Levita ang nagdala sa mga iyon. 5 Si Haring Solomon, pati ang buong kapulungan ng Israel na ipinatawag niya, ay nasa harap ng Kaban. Hindi mabilang sa dami ang inihahandog na mga tupa at baka.+
6 Pagkatapos, ipinasok ng mga saserdote ang kaban ng tipan ni Jehova sa paglalagyan nito,+ sa kaloob-loobang silid ng bahay, sa Kabanal-banalan, sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin.+
7 Ang mga pakpak ng mga kerubin ay nakabuka sa ibabaw ng kinalalagyan ng Kaban, kaya nalulukuban ng mga kerubin ang Kaban at ang mga pingga* nito.+ 8 Napakahaba ng mga pingga+ kaya ang mga dulo nito ay nakikita mula sa Banal sa harap ng kaloob-loobang silid, pero hindi ito nakikita sa labas. At naroon pa rin ang mga iyon hanggang ngayon. 9 Walang ibang nasa loob ng Kaban kundi ang dalawang tapyas na bato+ na inilagay roon ni Moises+ sa Horeb, noong makipagtipan si Jehova+ sa bayang Israel nang lumabas sila mula sa lupain ng Ehipto.+
10 Nang lumabas ang mga saserdote mula sa banal na lugar, napuno ng ulap+ ang bahay ni Jehova.+ 11 Hindi makapaglingkod ang mga saserdote dahil sa ulap, dahil napuno ng kaluwalhatian ni Jehova ang bahay ni Jehova.+ 12 Sinabi ni Solomon nang pagkakataong iyon: “Sinabi ni Jehova na titira siya sa maitim at makapal na ulap.+ 13 Nagtagumpay ako sa pagtatayo ng isang marangal na bahay para sa iyo, isang matatag na lugar na matitirhan mo magpakailanman.”+
14 Pagkatapos, humarap ang hari sa buong kongregasyon ng Israel at pinagpala niya sila samantalang sila ay nakatayo.+ 15 Sinabi niya: “Purihin nawa si Jehova na Diyos ng Israel, ang nangako sa ama kong si David at tumupad sa pangako niya sa pamamagitan ng sarili niyang kamay. Sinabi niya, 16 ‘Mula nang araw na ilabas ko mula sa Ehipto ang bayan kong Israel, hindi ako pumili ng lunsod mula sa lahat ng tribo ng Israel na pagtatayuan ng isang bahay kung saan mananatili ang pangalan ko,+ pero pinili ko si David para mamahala sa bayan kong Israel.’ 17 Gusto ng ama kong si David na magtayo ng isang bahay para sa pangalan ni Jehova na Diyos ng Israel.+ 18 Pero sinabi ni Jehova sa ama kong si David, ‘Gusto mo akong ipagtayo ng bahay para sa pangalan ko, at maganda ang hangarin mo. 19 Pero hindi ikaw ang magtatayo ng bahay. Ang magiging anak mo* ang magtatayo ng bahay para sa pangalan ko.’+ 20 Tinupad ni Jehova ang ipinangako niya, dahil ako ang pumalit sa ama kong si David at umupo sa trono ng Israel, gaya ng pangako ni Jehova. Naitayo ko rin ang bahay para sa pangalan ni Jehova na Diyos ng Israel,+ 21 at nakapaghanda ako ng lugar para sa Kaban na naglalaman ng tipan+ ni Jehova sa mga ninuno natin nang ilabas niya sila mula sa lupain ng Ehipto.”
22 At tumayo si Solomon sa harap ng altar ni Jehova, sa harap ng buong kongregasyon ng Israel, at iniunat niya ang mga kamay niya sa langit+ 23 at sinabi: “O Jehova na Diyos ng Israel, walang Diyos na tulad mo+ sa langit o sa lupa, na tumutupad ng tipan at nagpapakita ng tapat na pag-ibig+ sa mga lingkod mo na lumalakad sa harap mo* nang buong puso nila.+ 24 Tinupad mo ang pangako mo sa lingkod mong si David na aking ama. Ikaw mismo ang nangako at sa araw na ito ay tinupad mo iyon sa pamamagitan ng sarili mong kamay.+ 25 At ngayon, O Jehova na Diyos ng Israel, tuparin mo ang ipinangako mo sa lingkod mong si David na aking ama nang sabihin mo: ‘Sa angkan mo manggagaling ang lahat ng uupo sa harap ko sa trono ng Israel kung magiging palaisip ang mga anak mo sa pamumuhay nila sa pamamagitan ng paglakad sa daan ko, gaya ng ginawa mo.’+ 26 At ngayon, O Diyos ng Israel, matupad nawa ang ipinangako mo sa lingkod mong si David na aking ama, pakisuyo.
27 “Pero talaga bang maninirahan ang Diyos sa lupa?+ Sa langit, oo, sa langit ng mga langit, ay hindi ka magkasya;+ paano pa kaya sa bahay na ito na itinayo ko?+ 28 Ngayon ay pakinggan mo sana ang panalangin at kahilingan ng lingkod mo, O Jehova na aking Diyos, at makinig ka sa paghingi ng tulong at sa panalangin ng iyong lingkod sa harap mo ngayon. 29 Bantayan nawa ng mga mata mo ang bahay na ito gabi at araw, ang lugar na tinutukoy mo nang sabihin mo, ‘Ang pangalan ko ay doroon,’+ para mapakinggan ang idinadalangin ng lingkod mo nang nakaharap sa lugar na ito.+ 30 At pakinggan mo ang kahilingan ng iyong lingkod at ang kahilingan ng bayan mong Israel na idinadalangin nila nang nakaharap sa lugar na ito, at makinig ka nawa mula sa tirahan mo sa langit;+ oo, makinig ka nawa at magpatawad.+
31 “Kapag nagkasala ang isang tao sa kapuwa niya at panumpain siya ng isang panata,* at habang nasa ilalim ng panatang* iyon ay humarap siya sa altar mo sa bahay na ito,+ 32 makinig ka nawa mula sa langit at kumilos ka at humatol sa iyong mga lingkod. Hatulan mo ang masama at parusahan mo siya dahil sa masamang ginawa niya, at pawalang-sala mo* ang matuwid at gantimpalaan mo siya sa matuwid niyang mga gawa.+
33 “Kapag natalo ng kaaway ang bayan mong Israel dahil patuloy silang nagkakasala sa iyo,+ at manumbalik sila sa iyo at luwalhatiin ang pangalan mo+ at manalangin at magsumamo sa iyo sa bahay na ito,+ 34 makinig ka nawa mula sa langit at patawarin mo ang kasalanan ng bayan mong Israel at ibalik sila sa lupaing ibinigay mo sa kanilang mga ninuno.+
35 “Kapag sumara ang langit at hindi umulan+ dahil patuloy silang nagkakasala sa iyo,+ at manalangin sila nang nakaharap sa lugar na ito at luwalhatiin ang pangalan mo, at tumalikod sila mula sa kanilang kasalanan dahil dinisiplina* mo sila,+ 36 makinig ka nawa mula sa langit at patawarin ang kasalanan ng mga lingkod mo, ng bayan mong Israel, dahil ituturo mo sa kanila+ ang mabuting daan na dapat nilang lakaran; at magpaulan ka sa lupaing+ ipinamana mo sa iyong bayan.
37 “Kung magkaroon ng taggutom sa lupain,+ o ng salot, pagkatuyot ng mga pananim, amag,+ napakaraming balang, o matatakaw na balang;* o palibutan sila ng kaaway nila sa alinmang lunsod ng lupain* o magkaroon ng iba pang uri ng salot o sakit,+ 38 anumang panalangin, anumang hilingin+ ng sinumang tao o ng iyong buong bayang Israel (dahil alam ng bawat isa sa kanila ang kirot sa sarili niyang puso)+ kapag iniunat nila ang kanilang mga kamay sa direksiyon ng bahay na ito, 39 makinig ka nawa mula sa langit, na iyong tirahan,+ at magpatawad ka+ at kumilos; at ibigay mo sa bawat isa ang nararapat sa lahat ng ginagawa niya,+ dahil alam mo ang nasa puso niya (ikaw lang ang talagang nakaaalam kung ano ang nasa puso ng bawat tao),+ 40 para matakot sila sa iyo sa lahat ng araw ng kanilang buhay sa lupaing ibinigay mo sa aming mga ninuno.
41 “Tungkol naman sa dayuhang hindi kabilang sa bayan mong Israel pero dumating mula pa sa malayong lupain dahil sa pangalan* mo+ 42 (dahil maririnig nila ang tungkol sa iyong dakilang pangalan+ at sa malakas mong kamay at sa makapangyarihan* mong bisig), at lumapit siya at manalangin nang nakaharap sa bahay na ito, 43 makinig ka nawa mula sa langit, na iyong tirahan,+ at ibigay mo ang lahat ng hinihiling sa iyo ng dayuhan, para malaman* ng lahat ng bayan sa mundo ang pangalan mo at matakot sila sa iyo+ gaya ng bayan mong Israel, at para malaman nila na ang pangalan mo ay nasa bahay na ito na itinayo ko.
44 “Sakaling makipagdigma ang bayan mo sa kaaway nila saanmang lugar,+ at manalangin sila+ kay Jehova nang nakaharap sa pinili mong lunsod+ at sa bahay na itinayo ko para sa pangalan mo,+ 45 pakinggan mo nawa sa langit ang kanilang panalangin at ang kanilang kahilingan at bigyan mo sila ng katarungan.
46 “Kung magkasala sila sa iyo (dahil walang taong hindi nagkakasala),+ at magalit ka sa kanila at pabayaan mo sila sa kamay ng kaaway, at bihagin sila ng kaaway nila at dalhin sa lupain nito, malayo man o malapit;+ 47 at matauhan sila sa lupain kung saan sila dinalang bihag,+ at manumbalik sila+ at magsumamo sa iyo sa lupain ng kanilang kaaway,+ na sinasabi, ‘Nagkasala kami at nagkamali; masama ang ginawa namin,’+ 48 at manumbalik sila sa iyo nang kanilang buong puso+ at buong kaluluwa sa lupain ng kanilang mga kaaway na bumihag sa kanila, at manalangin sila sa iyo nang nakaharap sa kanilang lupain na ibinigay mo sa kanilang mga ninuno at sa lunsod na pinili mo at sa bahay na itinayo ko para sa pangalan mo,+ 49 pakinggan mo nawa mula sa langit, na iyong tirahan,+ ang panalangin at kahilingan nila, at bigyan mo sila ng katarungan 50 at patawarin mo ang bayan mong nagkasala sa iyo. Patawarin mo sila sa lahat ng kasalanang nagawa nila sa iyo. Uudyukan mo ang mga kaaway na maawa sa kanila, at kaaawaan sila ng mga ito+ 51 (dahil sila ay bayan mo at iyong mana,+ na inilabas mo mula sa Ehipto,+ mula sa hurnong tunawan ng bakal).+ 52 Magbigay-pansin ka nawa* sa kahilingan ng iyong lingkod+ at sa kahilingan ng bayan mong Israel kailanman sila tumawag* sa iyo.+ 53 Dahil ibinukod mo sila bilang iyong mana mula sa lahat ng bayan sa lupa,+ gaya ng sinabi mo sa lingkod mong si Moises noong inilalabas mo ang mga ninuno namin mula sa Ehipto, O Kataas-taasang Panginoong Jehova.”
54 Matapos bigkasin ni Solomon kay Jehova ang buong panalangin at kahilingang ito nang nakaluhod at nakaunat ang mga kamay sa langit, tumayo siya sa harap ng altar ni Jehova.+ 55 Tumayo siya at pinagpala ang buong kongregasyon ng Israel, na sinasabi sa malakas na tinig: 56 “Purihin nawa si Jehova, na siyang nagbigay ng pahingahan sa bayan niyang Israel, gaya ng ipinangako niya.+ Walang isa man sa mabubuting bagay na ipinangako niya sa pamamagitan ng lingkod niyang si Moises ang nabigo.+ 57 Sumaatin nawa si Jehova na ating Diyos, gaya ng ginawa niya sa ating mga ninuno.+ Huwag niya nawa tayong iwan o pabayaan.+ 58 Antigin niya nawa ang puso natin+ para lumakad tayo sa lahat ng daan niya at sundin ang kaniyang mga utos, tuntunin, at batas,* na iniutos niyang sundin ng ating mga ninuno. 59 At ang mga pakiusap kong ito kay Jehova ay alalahanin nawa ni Jehova na ating Diyos araw at gabi, para bigyan niya ng katarungan ang kaniyang lingkod at ang bayan niyang Israel ayon sa kailangan sa araw-araw, 60 para malaman ng lahat ng tao sa mundo na si Jehova ang tunay na Diyos.+ Wala nang iba!+ 61 Kaya ibigay ninyo kay Jehova na ating Diyos ang inyong buong puso+—sundin ninyo ang mga tuntunin niya at tuparin ang mga utos niya gaya ng ginagawa ninyo ngayon.”
62 At ang hari at ang buong Israel na kasama niya ay nag-alay ng napakaraming handog sa harap ni Jehova.+ 63 Inihandog ni Solomon kay Jehova ang mga haing pansalo-salo:+ Naghandog siya ng 22,000 baka at 120,000 tupa. Sa gayon, pinasinayaan* ng hari at ng lahat ng Israelita ang bahay ni Jehova.+ 64 Nang araw na iyon, kinailangang pabanalin ng hari ang gitna ng loobang nasa harap ng bahay ni Jehova para doon ihandog ang mga haing sinusunog, handog na mga butil, at ang taba ng mga haing pansalo-salo, dahil hindi kasya sa tansong altar+ na nasa harap ni Jehova ang mga haing sinusunog, handog na mga butil, at ang taba+ ng mga haing pansalo-salo. 65 Nang panahong iyon, ang kapistahan+ ay idinaos ni Solomon kasama ang buong Israel, isang malaking kongregasyon mula sa Lebo-hamat* hanggang sa Wadi* ng Ehipto,+ sa harap ni Jehova na ating Diyos nang 7 araw at nang karagdagan pang 7 araw, 14 na araw lahat-lahat. 66 Nang sumunod na araw,* pinauwi na niya ang mga tao, at pinagpala nila ang hari at umuwi silang nagsasaya at maligaya ang puso dahil sa lahat ng kabutihang+ ipinakita ni Jehova sa lingkod niyang si David at sa kaniyang bayang Israel.
9 Nang matapos ni Solomon ang bahay ni Jehova, ang bahay* ng hari,+ at ang lahat ng gusto niyang gawin,+ 2 nagpakita si Jehova kay Solomon sa ikalawang pagkakataon, gaya noong nasa Gibeon siya.+ 3 Sinabi ni Jehova sa kaniya: “Narinig ko ang panalangin at kahilingan mo. Ang bahay na itinayo mo ay pinabanal ko sa pamamagitan ng paglalagay rito ng pangalan ko magpakailanman,+ at ang mga mata at puso ko ay mananatili rito.+ 4 At ikaw, kung lalakad ka sa harap ko, gaya ng paglakad ni David na iyong ama+ nang matuwid+ at may katapatan ng puso,+ sa pamamagitan ng paggawa sa lahat ng iniutos ko sa iyo,+ at susundin mo ang aking mga tuntunin at batas,*+ 5 itatatag ko ang trono ng iyong kaharian sa Israel at mananatili ito magpakailanman, gaya ng ipinangako ko sa iyong amang si David nang sabihin ko, ‘Sa angkan mo manggagaling ang lahat ng uupo sa trono ng Israel.’+ 6 Pero kung kayo at ang mga anak ninyo ay titigil sa pagsunod sa akin at hindi ninyo tutuparin ang mga utos at batas na ibinigay ko sa inyo, at maglilingkod kayo sa ibang mga diyos at yuyukod sa mga ito,+ 7 palalayasin ko ang Israel sa lupaing ibinigay ko sa kanila,+ at aalisin ko sa paningin ko ang bahay na pinabanal ko para sa aking pangalan,+ at ang Israel ay magiging usap-usapan* at pagtatawanan ng lahat ng tao.+ 8 At ang bahay na ito ay magiging mga bunton ng guho.+ Ang bawat dadaan dito ay mapapatitig dahil sa pagkagulat at mapapasipol at magsasabi, ‘Bakit ito ginawa ni Jehova sa lupaing ito at sa bahay na ito?’+ 9 At sasabihin nila, ‘Iniwan kasi nila si Jehova na kanilang Diyos, ang naglabas sa kanilang mga ninuno mula sa lupain ng Ehipto, at yumakap sila sa ibang diyos at yumukod at naglingkod sa mga ito. Kaya pinasapit ni Jehova sa kanila ang lahat ng kapahamakang ito.’”+
10 Itinayo ni Solomon ang dalawang bahay, ang bahay ni Jehova at ang bahay* ng hari, sa loob ng 20 taon.+ 11 Si Hiram+ na hari ng Tiro ay nagpadala kay Solomon ng mga kahoy na sedro at enebro at ng lahat ng gintong kailangan nito,+ at binigyan ni Haring Solomon si Hiram ng 20 lunsod sa lupain ng Galilea. 12 Kaya lumabas si Hiram sa Tiro para tingnan ang mga lunsod na ibinigay ni Solomon sa kaniya, pero hindi niya nagustuhan ang mga iyon.* 13 Sinabi niya: “Anong klaseng mga lunsod itong ibinigay mo sa akin, kapatid ko?” Kaya ang mga iyon ay tinatawag na Lupain ng Cabul* hanggang ngayon. 14 Samantala, nagpadala si Hiram sa hari ng 120 talento* ng ginto.+
15 Ito ang ulat ng mga ipinatawag ni Haring Solomon sa puwersahang pagtatrabaho+ para maitayo ang bahay ni Jehova,+ ang sarili niyang bahay,* ang Gulod,*+ ang pader ng Jerusalem, ang Hazor,+ ang Megido,+ at ang Gezer.+ 16 (Sinalakay at sinakop ng Paraon na hari ng Ehipto ang Gezer at sinunog iyon, at pinatay rin niya ang mga Canaanita+ na nakatira sa lunsod. Pagkatapos, iniregalo niya iyon* sa anak niya+ nang ikasal ito kay Solomon.) 17 Muling itinayo* ni Solomon ang Gezer, ang Mababang Bet-horon,+ 18 ang Baalat,+ at ang Tamar sa ilang, sa lupain, 19 pati ang lahat ng imbakang lunsod ni Solomon, ang mga lunsod ng karwahe,+ ang mga lunsod para sa mga mangangabayo, at ang anumang gustong ipagawa ni Solomon sa Jerusalem, sa Lebanon, at sa lahat ng lupaing sakop niya. 20 Kung tungkol sa lahat ng natira sa mga Amorita, Hiteo, Perizita, Hivita, at mga Jebusita,+ na hindi kabilang sa bayang Israel,+ 21 ang mga inapo nila na naiwan sa lupain—ang mga hindi napuksa ng mga Israelita—ay ipinatawag ni Solomon para sa puwersahang pagtatrabaho bilang mga alipin, at ganito ang kalagayan nila hanggang ngayon.+ 22 Pero walang sinuman sa mga Israelita ang ginawang alipin ni Solomon,+ dahil sila ay kaniyang mga mandirigma, mga lingkod, matataas na opisyal, mga ayudante,* at mga pinuno ng mga tagapagpatakbo niya ng karwahe at ng mga mangangabayo. 23 May 550 pinuno ng mga kinatawang opisyal na namamahala sa gawain ni Solomon; sila ang namamahala sa mga trabahador.+
24 Ang anak na babae ng Paraon+ ay umalis sa Lunsod ni David+ at nagpunta sa sarili niyang bahay na itinayo ni Solomon para sa kaniya; pagkatapos, itinayo ni Solomon ang Gulod.*+
25 Tatlong beses sa isang taon,+ naghahandog si Solomon ng mga haing sinusunog at mga haing pansalo-salo sa altar na itinayo niya para kay Jehova,+ at gumagawa rin siya ng haing usok sa altar, na nasa harap ni Jehova, at natapos niya ang bahay.+
26 Gumawa rin si Haring Solomon ng mga barko sa Ezion-geber,+ na malapit sa Elot, sa baybayin ng Dagat na Pula sa lupain ng Edom.+ 27 Nagpadala si Hiram ng mga barko at ng sarili niyang mga tauhan,+ makaranasang mga marino, para maglingkod kasama ng mga tauhan ni Solomon. 28 Pumunta sila sa Opir+ at kumuha roon ng 420 talento ng ginto at dinala iyon kay Haring Solomon.
10 Ngayon ay nabalitaan ng reyna ng Sheba ang tungkol kay Solomon may kaugnayan sa pangalan ni Jehova,+ kaya pumunta siya kay Solomon para subukin ito ng mahihirap na tanong.*+ 2 Dumating siya sa Jerusalem na maraming kasamang tagapaglingkod+ at may mga kamelyo na may pasang langis ng balsamo+ at napakaraming ginto at mamahaling mga bato. Pumunta siya kay Solomon at nakipag-usap dito tungkol sa lahat ng bagay na malapít sa puso niya. 3 At sinagot ni Solomon ang lahat ng tanong niya. Walang tanong na napakahirap para sa hari.
4 Nang makita ng reyna ng Sheba ang lahat ng karunungan ni Solomon,+ ang bahay na itinayo niya,+ 5 ang pagkain sa mesa niya,+ ang pagkakaayos ng upuan ng mga opisyal niya, ang pagsisilbi ng kaniyang mga lingkod sa mesa niya at ang suot nila, ang mga tagapagsilbi niya ng inumin, at ang kaniyang mga haing sinusunog na regular niyang inihahandog sa bahay ni Jehova, manghang-mangha siya.* 6 Kaya sinabi niya sa hari: “Totoo ang nabalitaan ko sa aking lupain tungkol sa mga nagawa* mo at sa karunungan mo. 7 Pero hindi ako naniniwala noon sa mga balita hanggang sa dumating ako rito at makita ko mismo. Wala pa sa kalahati ang naibalita sa akin. Higit pa ang karunungan at kasaganaan mo kaysa sa narinig ko. 8 Maligaya ang mga tauhan mo, at maligaya ang mga lingkod mong palaging humaharap sa iyo at nakikinig sa karunungan mo!+ 9 Purihin nawa si Jehova na iyong Diyos,+ na nalugod sa iyo at naglagay sa iyo sa trono ng Israel. Dahil sa walang-hanggang pag-ibig ni Jehova sa Israel, inatasan ka niya bilang hari para maglapat ng katarungan at mamuno nang matuwid.”
10 Pagkatapos, nagbigay siya sa hari ng 120 talento* ng ginto at ng napakaraming langis ng balsamo+ at mamahaling mga bato.+ Maliban sa reyna ng Sheba, wala nang nakapagbigay ng ganoon karaming langis ng balsamo kay Haring Solomon.
11 Ang mga barko ni Hiram na nagdala ng ginto mula sa Opir+ ay nagdala rin mula sa Opir ng napakaraming kahoy na algum+ at ng mamahaling mga bato.+ 12 Ginamit ng hari ang mga kahoy na algum sa paggawa ng mga suporta para sa bahay ni Jehova at sa bahay* ng hari, pati sa paggawa ng mga alpa at mga instrumentong de-kuwerdas para sa mga mang-aawit.+ Wala nang ganoon karaming kahoy na algum na dinala o nakita sa Israel hanggang ngayon.
13 Ibinigay rin ni Haring Solomon sa reyna ng Sheba ang lahat ng gusto at kahilingan nito, bukod pa sa kusa niyang ibinigay dahil sa kaniyang pagkabukas-palad.* Pagkatapos, umalis na ang reyna at bumalik sa sarili nitong lupain kasama ang mga lingkod nito.+
14 Ang timbang ng ginto na dumarating kay Solomon sa isang taon ay umaabot sa 666 na talento ng ginto,+ 15 bukod pa sa nanggagaling sa mga mangangalakal at sa mga kinikita niya mula sa mga negosyante at sa lahat ng hari ng mga Arabe at sa mga gobernador ng lupain.
16 Gumawa si Haring Solomon ng 200 malalaking kalasag na gawa sa ginto na may halong ibang metal+ (may 600 siklong* ginto sa bawat kalasag)+ 17 at 300 pansalag* na yari sa ginto na may halong ibang metal (may tatlong mina* ng ginto sa bawat pansalag). Pagkatapos, inilagay ng hari ang mga iyon sa Bahay ng Kagubatan ng Lebanon.+
18 Gumawa rin ang hari ng isang malaking trono na yari sa garing*+ at binalutan iyon ng dinalisay na ginto.+ 19 May anim na baytang paakyat sa trono, may parang bubong na bilog sa likuran nito, may mga patungan ng braso sa magkabilang panig ng trono, at dalawang leon+ ang nakatayo sa tabi ng mga patungan ng braso. 20 At may 12 leon na nakatayo sa anim na baytang, isa sa bawat dulo ng anim na baytang. Walang ibang kaharian ang gumawa ng tulad nito.
21 Ang lahat ng inuman ni Haring Solomon ay gawa sa ginto, at ang lahat ng kagamitan sa Bahay ng Kagubatan ng Lebanon+ ay gawa sa purong ginto. Walang anumang gawa sa pilak, dahil walang halaga ang pilak noong panahon ni Solomon.+ 22 Ang hari ay may mga barko ng Tarsis+ sa dagat na kasama ng mga barko ni Hiram. Minsan sa bawat tatlong taon, dumarating ang mga barko ng Tarsis na may dalang ginto at pilak, garing,+ unggoy, at paboreal.*
23 Kaya sa lahat ng hari sa lupa, si Haring Solomon ang pinakamayaman+ at pinakamarunong.+ 24 At ang mga tao sa buong mundo ay pumupunta kay* Solomon para mapakinggan ang karunungang inilagay ng Diyos sa puso niya.+ 25 Bawat isa sa kanila ay nagdadala ng regalo—mga kagamitang pilak, mga kagamitang ginto, damit, sandata, langis ng balsamo, kabayo, at mula*—at ganiyan ang nangyayari taon-taon.
26 At patuloy na nagtipon si Solomon ng mga karwahe at kabayo;* mayroon siyang 1,400 karwahe at 12,000 kabayo,*+ at inilagay niya ang mga iyon sa mga lunsod ng karwahe at sa Jerusalem malapit sa hari.+
27 Pinarami ng hari ang pilak sa Jerusalem na gaya ng mga bato, at pinarami niya ang mga kahoy na sedro na gaya ng mga puno ng sikomoro na nasa Sepela.+
28 Ang mga kabayo ni Solomon ay inaangkat mula sa Ehipto; ang samahan ng mga mangangalakal ng hari ang kumukuha ng mga kawan ng kabayo* sa takdang halaga nito.+ 29 Bawat karwahe na inaangkat mula sa Ehipto ay nagkakahalaga ng 600 pirasong pilak, at ang isang kabayo ay nagkakahalaga ng 150; at ibinebenta nila ang mga ito sa lahat ng hari ng mga Hiteo+ at sa mga hari ng Sirya.
11 Pero si Haring Solomon ay umibig sa maraming babaeng banyaga+ bukod pa sa anak ng Paraon:+ mga babaeng Moabita,+ Ammonita,+ Edomita, Sidonio,+ at Hiteo.+ 2 Galing sila sa mga bansang tinutukoy ni Jehova nang sabihin niya sa mga Israelita: “Huwag kayong makikisama sa kanila,* at hindi sila dapat makisama sa inyo, dahil siguradong pasusunurin nila kayo* sa mga diyos nila.”+ Pero mahal na mahal sila* ni Solomon. 3 Mayroon siyang 700 asawa na mga prinsesa at 300 pangalawahing asawa, at malaki ang naging impluwensiya sa kaniya ng mga asawa niya. 4 Nang tumanda na si Solomon,+ pinasunod siya ng mga asawa niya sa ibang mga diyos,+ at hindi niya ibinigay ang buong puso niya kay Jehova na kaniyang Diyos; hindi niya tinularan ang ama niyang si David. 5 At si Solomon ay sumunod kay Astoret,+ na diyosa ng mga Sidonio, at kay Milcom,+ na kasuklam-suklam na diyos ng mga Ammonita. 6 At ginawa ni Solomon ang masama sa paningin ni Jehova, at hindi siya sumunod kay Jehova nang lubusan; hindi niya tinularan ang ama niyang si David.+
7 Noon nagtayo si Solomon sa bundok sa harap ng Jerusalem ng isang mataas na lugar+ para kay Kemos, ang kasuklam-suklam na diyos ng Moab, at para kay Molec,+ ang kasuklam-suklam na diyos ng mga Ammonita.+ 8 Ganoon ang ginawa niya para sa lahat ng asawa niyang banyaga na gumagawa ng haing usok at naghahandog sa mga diyos nila.
9 Nagalit si Jehova kay Solomon dahil lumayo ang puso niya kay Jehova na Diyos ng Israel,+ na nagpakita sa kaniya nang dalawang beses+ 10 at nagbabala sa kaniya tungkol sa mismong bagay na ito, na huwag siyang sumunod sa ibang mga diyos.+ Pero hindi niya sinunod ang iniutos ni Jehova. 11 Sinabi ngayon ni Jehova kay Solomon: “Dahil sa ginawa mo at dahil hindi mo tinupad ang aking tipan at ang mga batas na ibinigay ko sa iyo, aalisin* ko sa iyo ang kaharian, at ibibigay ko ito sa isa sa mga lingkod mo.+ 12 Pero alang-alang sa ama mong si David, hindi ko iyon gagawin habang nabubuhay ka. Aalisin* ko iyon sa kamay ng anak mo,+ 13 pero hindi ko aalisin sa kaniya ang buong kaharian.+ Isang tribo ang ibibigay ko sa anak mo,+ alang-alang sa lingkod kong si David at alang-alang sa Jerusalem, na pinili ko.”+
14 Pagkatapos, nagbangon si Jehova laban kay Solomon+ ng isang kaaway, si Hadad na Edomita, na mula sa pamilya ng hari ng Edom.+ 15 Nang matalo ni David ang Edom,+ pumunta roon si Joab na pinuno ng hukbo para ilibing ang mga namatay, at tinangka niyang pabagsakin ang bawat lalaki sa Edom. 16 (Dahil anim na buwang nanatili roon si Joab at ang buong Israel hanggang sa mapatay niya ang bawat lalaki sa Edom.) 17 Pero tumakas si Hadad kasama ang ilang Edomita na lingkod ng kaniyang ama, at pumunta sila sa Ehipto; bata pa noon si Hadad. 18 Kaya umalis sila sa Midian at nagpunta sa Paran. Nagsama sila ng mga lalaki mula sa Paran+ at nagpunta sa Ehipto, sa Paraon na hari ng Ehipto, na naglaan sa kaniya ng bahay, pagkain, at lupain. 19 Natuwa ang Paraon kay Hadad; ibinigay pa nga niya ang kapatid ng asawa niyang si Tapenes na reyna* para mapangasawa nito. 20 Nang maglaon, isinilang ng kapatid ni Tapenes ang anak nilang lalaki, si Genubat, at pinalaki ito* ni Tapenes sa bahay ng Paraon, at si Genubat ay tumira sa bahay ng Paraon kasama ng mga anak ng Paraon.
21 Nabalitaan ni Hadad sa Ehipto na namatay na* si David+ at si Joab+ na pinuno ng hukbo. Kaya sinabi ni Hadad sa Paraon: “Payagan mo akong umalis para makapunta ako sa sarili kong bayan.” 22 Pero sinabi ng Paraon sa kaniya: “Ano ba ang kulang dito at gusto mo pang pumunta sa sarili mong bayan?” Sinabi niya: “Wala naman, pero pakisuyo, payagan mo akong umalis.”
23 Nagbangon ang Diyos laban kay Solomon ng isa pang kaaway,+ si Rezon na anak ni Eliada, na tumakas mula sa panginoon niyang si Hadadezer+ na hari ng Zoba. 24 Nang talunin* ni David ang mga lalaki ng Zoba, nagtipon si Rezon ng mga lalaki at naging pinuno siya ng isang grupo ng mga mandarambong.+ Pumunta sila sa Damasco+ at nanirahan doon at nagsimulang mamuno sa Damasco. 25 At naging kalaban siya ng Israel noong panahon ni Solomon. Nakadagdag siya sa pinsalang ginawa ni Hadad at kinapootan niya ang Israel habang naghahari siya sa Sirya.
26 At nariyan din ang lingkod ni Solomon+ na si Jeroboam,+ anak ni Nebat na isang Efraimita mula sa Zereda, at Zerua ang pangalan ng kaniyang ina, isang biyuda. Nagrebelde rin siya sa hari.+ 27 Ito ang dahilan kung bakit siya nagrebelde sa hari: Itinayo ni Solomon ang Gulod*+ at isinara ang puwang sa Lunsod ni David na ama niya.+ 28 Ang Jeroboam na ito ay isang lalaking may kakayahan. Nang makita ni Solomon ang kasipagan nito, ginawa niya itong tagapangasiwa+ sa mga sapilitang pinagtrabaho mula sa sambahayan ni Jose. 29 Nang panahong iyon, lumabas sa Jerusalem si Jeroboam, at nakita siya ng propetang si Ahias+ na Shilonita sa daan. May suot na bagong damit si Ahias, at silang dalawa lang ang nasa parang. 30 Hinubad ni Ahias ang bagong damit na suot niya at pinunit iyon sa 12 piraso. 31 Pagkatapos, sinabi niya kay Jeroboam:
“Kumuha ka ng 10 piraso, dahil ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel, ‘Aalisin* ko ang kaharian sa kamay ni Solomon, at bibigyan kita ng 10 tribo.+ 32 Pero isang tribo ang maiiwan sa kaniya+ alang-alang sa lingkod kong si David+ at alang-alang sa Jerusalem, ang lunsod na pinili ko mula sa lahat ng tribo ng Israel.+ 33 Gagawin ko ito dahil iniwan nila ako+ at yumuyukod sila kay Astoret na diyosa ng mga Sidonio, kay Kemos na diyos ng Moab, at kay Milcom na diyos ng mga Ammonita, at hindi sila lumakad sa mga daan ko sa pamamagitan ng paggawa ng tama sa paningin ko at pagsunod sa aking mga tuntunin at batas;* hindi nila tinularan ang ama niyang si David. 34 Pero hindi ko kukunin ang buong kaharian mula sa kamay niya, at pananatilihin ko siyang pinuno habang nabubuhay siya, alang-alang sa lingkod kong si David na pinili ko,+ dahil tinupad niya ang aking mga utos at tuntunin. 35 Pero kukunin ko ang paghahari mula sa kamay ng anak niya at ibibigay ko iyon sa iyo, ang 10 tribo.+ 36 Bibigyan ko ang anak niya ng isang tribo, para ang lingkod kong si David ay hindi mawalan ng lampara sa harap ko sa Jerusalem,+ ang lunsod na pinili ko para doon ilagay ang pangalan ko. 37 Kukunin kita at mamamahala ka sa lahat ng gustuhin mo, at magiging hari ka sa Israel. 38 At kung susunod ka sa lahat ng iuutos ko sa iyo at lalakad sa mga daan ko at gagawin mo ang tama sa paningin ko sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin at utos ko, gaya ng ginawa ng lingkod kong si David,+ sasaiyo rin ako. Ipagtatayo kita ng isang namamalaging sambahayan, gaya ng itinayo ko para kay David,+ at ibibigay ko sa iyo ang Israel. 39 At hihiyain ko ang mga supling ni David dahil dito,+ pero hindi habang panahon.’”+
40 Kaya tinangka ni Solomon na patayin si Jeroboam, pero tumakas si Jeroboam sa Ehipto, kay Sisak+ na hari ng Ehipto,+ at nanatili siya sa Ehipto hanggang sa mamatay si Solomon.
41 At ang iba pang nangyari kay Solomon, ang lahat ng ginawa niya at ang karunungan niya, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ni Solomon.+ 42 Naghari si Solomon sa Jerusalem sa buong Israel nang 40 taon. 43 Pagkatapos, si Solomon ay namatay* at inilibing sa Lunsod ni David na ama niya; at ang anak niyang si Rehoboam+ ang naging hari kapalit niya.
12 Pumunta si Rehoboam sa Sikem+ dahil nagtipon doon ang buong Israel para gawin siyang hari.+ 2 At nabalitaan iyon ni Jeroboam na anak ni Nebat (nasa Ehipto pa rin siya dahil tumakas siya kay Haring Solomon at doon nanirahan).+ 3 Pagkatapos, ipinatawag nila siya. At pumunta si Jeroboam at ang buong kongregasyon ng Israel kay Rehoboam at nagsabi: 4 “Mabigat ang pasan* na ibinigay sa amin ng iyong ama.+ Pero kung pagagaanin mo ang mahirap na paglilingkod na ipinagawa ng iyong ama at ang mabigat* na pasan na ibinigay niya sa amin, maglilingkod kami sa iyo.”
5 Sinabi niya sa kanila: “Umalis muna kayo at bumalik pagkatapos ng tatlong araw.” Kaya umalis ang bayan.+ 6 Pagkatapos, sumangguni si Haring Rehoboam sa matatandang lalaki na naglingkod sa ama niyang si Solomon noong nabubuhay pa ito. Tinanong niya sila: “Sa tingin ninyo, ano ang dapat kong isagot sa bayang ito?” 7 Sumagot sila: “Kung magiging lingkod ka ngayon ng bayang ito at pagbibigyan mo ang hinihiling nila at sasagot ka sa kanila sa mabait na paraan, habambuhay silang maglilingkod sa iyo.”
8 Pero binale-wala niya ang payo ng matatandang lalaki, at sumangguni siya sa mga nakababatang lalaki na lumaking kasama niya at naglilingkod ngayon sa kaniya.+ 9 Tinanong niya ang mga ito: “Sa tingin ninyo, ano ang isasagot natin sa bayang ito na nagsabi sa akin, ‘Pagaanin mo ang pasan na ibinigay sa amin ng iyong ama’?” 10 Sumagot ang mga nakababatang lalaki na lumaking kasama niya: “Sinabi sa iyo ng bayang ito, ‘Mabigat ang pasan na ibinigay ng iyong ama sa amin, pero dapat mo itong pagaanin.’ Ito naman ang sabihin mo sa kanila, ‘Ang hinliliit ko ay magiging mas malapad pa sa balakang ng aking ama.* 11 Nagbigay sa inyo ang ama ko ng mabigat na pasan, pero pabibigatin ko pa iyon. Pinarusahan kayo ng ama ko gamit ang latigo, pero paparusahan ko kayo gamit ang latigong may mga panusok.’”
12 Si Jeroboam at ang buong bayan ay pumunta kay Rehoboam sa ikatlong araw dahil sinabi ng hari: “Bumalik kayo sa akin sa ikatlong araw.”+ 13 Pero mabagsik ang sagot ng hari sa bayan; binale-wala niya ang payo sa kaniya ng matatandang lalaki. 14 Sinunod niya ang payo ng mga nakababatang lalaki at sinabi sa mga tao: “Mabigat ang pasan na ibinigay sa inyo ng ama ko, pero pabibigatin ko pa iyon. Pinarusahan kayo ng ama ko gamit ang latigo, pero paparusahan ko kayo gamit ang latigong may mga panusok.” 15 Hindi nakinig ang hari sa bayan, dahil si Jehova ang nagmaniobra nito,+ para matupad ang sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni Ahias+ na Shilonita kay Jeroboam na anak ni Nebat.
16 Nang makita ng buong Israel na ayaw silang pakinggan ng hari, sinabi nila sa hari: “Wala naman pala kaming kaugnayan kay David. Wala kaming mana sa anak ni Jesse. Bumalik kayo sa inyong mga diyos, O Israel. David, bahala ka na sa sambahayan mo!” At bumalik ang mga Israelita sa kani-kanilang bahay.*+ 17 Pero si Rehoboam ay patuloy na naghari sa mga Israelita na nakatira sa mga lunsod ng Juda.+
18 Pagkatapos, isinugo ni Haring Rehoboam si Adoram,+ na namamahala sa mga tinawag para sa puwersahang pagtatrabaho, pero pinagbabato ito ng buong Israel hanggang sa mamatay. Nakasampa si Haring Rehoboam sa karwahe niya at nakatakas papunta sa Jerusalem.+ 19 At hanggang ngayon, naghihimagsik ang mga Israelita+ laban sa sambahayan ni David.
20 Nang marinig ng buong Israel na bumalik na si Jeroboam, agad silang nagtipon at ipinatawag nila siya at ginawang hari sa buong Israel.+ Walang sinuman ang sumunod sa sambahayan ni David maliban sa tribo ni Juda.+
21 Pagbalik ni Rehoboam sa Jerusalem, tinipon niya agad ang buong sambahayan ng Juda at ang tribo ni Benjamin, 180,000 sinanay na* mandirigma, para makipaglaban sa sambahayan ng Israel at ibalik ang paghahari kay Rehoboam na anak ni Solomon.+ 22 Pagkatapos, dumating kay Semaias+ na lingkod ng tunay na Diyos ang mensaheng ito ng Diyos: 23 “Sabihin mo kay Rehoboam na anak ni Solomon na hari ng Juda at sa buong sambahayan ng Juda at ng Benjamin at sa iba pa sa bayan, 24 ‘Ito ang sinabi ni Jehova: “Huwag kayong makipaglaban sa mga kapatid ninyong Israelita. Bumalik kayo sa inyo-inyong bahay, dahil ako ang nagmaniobra ng bagay na ito.”’”+ Kaya sinunod nila si Jehova at umuwi sila sa kani-kanilang bahay gaya ng sinabi ni Jehova.
25 At muling itinayo* ni Jeroboam ang Sikem+ sa mabundok na rehiyon ng Efraim at tumira siya roon. Pagkatapos, umalis siya roon at muling itinayo* ang Penuel.+ 26 Naisip ni Jeroboam: “Babalik ngayon ang kaharian sa sambahayan ni David.+ 27 Kung ang bayang ito ay patuloy na pupunta sa bahay ni Jehova sa Jerusalem para maghandog,+ ang puso ng bayang ito ay babalik din sa panginoon nila, kay Haring Rehoboam ng Juda. Papatayin nila ako at babalik sila kay Haring Rehoboam ng Juda.” 28 Matapos humingi ng payo, gumawa ang hari ng dalawang gintong guya*+ at sinabi sa bayan: “Masyado kayong mahihirapan kung pupunta pa kayo sa Jerusalem. Heto ang Diyos mo, O Israel, na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto.”+ 29 Pagkatapos, inilagay niya ang isa sa Bethel,+ at ang isa pa, sa Dan.+ 30 Nagkasala sila dahil dito,+ at nagpupunta pa ang bayan sa Dan para sambahin ang guya na naroon.
31 At sa matataas na lugar ay gumawa siya ng mga bahay para sa pagsamba at nag-atas ng mga saserdote mula sa sinuman sa bayan na hindi mga Levita.+ 32 Nagpasimula rin si Jeroboam ng isang kapistahan sa ika-15 araw ng ikawalong buwan, gaya ng kapistahan sa Juda.+ Sa altar na ginawa niya sa Bethel,+ naghandog siya sa mga guya na ginawa niya. Nag-atas din siya sa Bethel ng mga saserdote para sa matataas na lugar na ginawa niya. 33 At nagsimula siyang maghandog sa altar na ginawa niya sa Bethel noong ika-15 araw ng ikawalong buwan, sa buwan na pinili niya; at nagpasimula siya ng isang kapistahan para sa bayan ng Israel, at umakyat siya sa altar para maghandog at gumawa ng haing usok.
13 Sa utos ni Jehova, isang lingkod ng Diyos+ mula sa Juda ang nagpunta sa Bethel habang si Jeroboam ay nakatayo sa tabi ng altar+ para gumawa ng haing usok. 2 Pagkatapos, sumigaw ito sa altar, gaya ng iniutos ni Jehova: “O altar, altar! Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Isang anak na may pangalang Josias+ ang isisilang sa sambahayan ni David! Ihahandog niya sa ibabaw mo ang mga saserdote ng matataas na lugar, ang mga gumagawa ng haing usok sa ibabaw mo, at magsusunog siya ng mga buto ng tao sa ibabaw mo.’”+ 3 Nagbigay siya ng isang tanda nang araw na iyon. Sinabi niya: “Ito ang tanda na sinabi ni Jehova: Ang altar ay mabibiyak, at ang abo* sa ibabaw nito ay sasambulat.”
4 Nang marinig ng hari ang isinigaw ng lingkod ng tunay na Diyos laban sa altar sa Bethel, iniunat ni Jeroboam ang kamay niya mula sa altar at sinabi: “Hulihin ninyo siya!”+ Agad na natuyot* ang kamay na iniunat niya laban sa lingkod ng tunay na Diyos, at hindi na niya iyon maiurong.+ 5 At ang altar ay nabiyak at sumambulat ang abo mula sa altar gaya ng tandang ibinigay ni Jehova sa pamamagitan ng lingkod ng tunay na Diyos.
6 Sinabi ngayon ng hari sa lingkod ng tunay na Diyos: “Pakisuyo, makiusap ka kay* Jehova na iyong Diyos, at ipanalangin mo ako para gumaling ang kamay ko.”+ Kaya nakiusap kay Jehova ang lingkod ng tunay na Diyos, at gumaling ang kamay ng hari. 7 Sinabi ngayon ng hari sa lingkod ng tunay na Diyos: “Sumama ka sa akin sa bahay at kumain ka, at bibigyan kita ng regalo.” 8 Pero sinabi ng lingkod ng tunay na Diyos sa hari: “Kahit pa ibigay mo sa akin ang kalahati ng kayamanan* mo, hindi ako sasama sa iyo at kakain ng tinapay o iinom ng tubig sa lugar na ito. 9 Dahil iniutos sa akin ni Jehova: ‘Huwag kang kakain ng tinapay o iinom ng tubig, at huwag kang babalik sa daan na pinanggalingan mo.’” 10 Kaya sa ibang ruta siya dumaan, at hindi siya bumalik sa dinaanan niya noong papunta siya sa Bethel.
11 May isang matandang propeta na nakatira sa Bethel, at dumating ang mga anak niya sa bahay at ikinuwento ang lahat ng ginawa ng lingkod ng tunay na Diyos nang araw na iyon sa Bethel at ang mga sinabi nito sa hari. Matapos nila itong ikuwento sa kanilang ama, 12 nagtanong siya sa kanila: “Saan siya dumaan?” Kaya itinuro ng mga anak niya ang dinaanan ng lingkod ng tunay na Diyos na galing sa Juda. 13 Sinabi niya ngayon sa mga anak niya: “Lagyan ninyo ng síya* ang asno para sa akin.” Nilagyan nila ng síya ang asno, at sumakay siya rito.
14 Sinundan niya ang lingkod ng tunay na Diyos at nakita niya itong nakaupo sa ilalim ng malaking puno. Sinabi niya rito: “Ikaw ba ang lingkod ng tunay na Diyos na galing sa Juda?”+ Sumagot ito: “Ako nga po.” 15 Sinabi niya rito: “Sumama ka sa akin sa bahay at kumain ka ng tinapay.” 16 Pero sinabi nito: “Hindi po ako puwedeng bumalik at sumama sa bahay ninyo, at hindi rin ako puwedeng kumain ng tinapay o uminom ng tubig kasalo ninyo sa lugar na ito. 17 Dahil inutusan ako ni Jehova, ‘Huwag kang kakain ng tinapay o iinom ng tubig doon. Huwag kang babalik sa daan na pinanggalingan mo.’” 18 Sinabi niya rito: “Propeta rin akong gaya mo, at sinabi sa akin ng isang anghel ang mensaheng ito ni Jehova, ‘Isama mo siya pabalik at patuluyin sa bahay mo para makakain ng tinapay at makainom ng tubig.’” (Nilinlang niya ito.) 19 Kaya sumama ito sa kaniya pabalik para makakain ng tinapay at makainom ng tubig sa bahay niya.
20 Habang nakaupo sila sa harap ng mesa, dumating ang mensahe ni Jehova sa propeta na nagpabalik sa lingkod ng tunay na Diyos, 21 at sumigaw siya sa lingkod ng tunay na Diyos na galing sa Juda: “Ito ang sinabi ni Jehova: ‘Dahil sinuway mo si Jehova at hindi mo sinunod ang iniutos sa iyo ni Jehova na iyong Diyos, 22 kundi bumalik ka para kumain ng tinapay at uminom ng tubig sa lugar na sinabi niya, “Huwag kang kakain ng tinapay o iinom ng tubig,” ang bangkay mo ay hindi makakarating sa libingan ng mga ninuno mo.’”+
23 Matapos kumain ng tinapay at uminom ang lingkod ng tunay na Diyos, nilagyan ng matandang propeta ng síya ang asno para sa propetang pinabalik niya. 24 At umalis na ang lingkod ng tunay na Diyos, pero nakasalubong niya ang isang leon at pinatay siya nito.+ Nakahandusay ang bangkay niya sa daan, at nakatayo ang asno sa tabi nito; nakatayo rin ang leon sa tabi ng bangkay. 25 May mga taong napadaan doon, at nakita nila ang bangkay na nakahandusay sa daan at ang leon na nakatayo sa tabi ng bangkay. Pumasok sila sa lunsod na tinitirhan ng matandang propeta, at ibinalita nila ang tungkol dito.
26 Nang marinig iyon ng propeta na nagpabalik sa lingkod ng tunay na Diyos, agad niyang sinabi: “Iyon ang lingkod ng tunay na Diyos na sumuway sa utos ni Jehova;+ kaya ibinigay siya ni Jehova sa leon, para lapain siya nito at patayin, gaya ng sinabi sa kaniya ni Jehova.”+ 27 Pagkatapos, sinabi niya sa mga anak niya: “Lagyan ninyo ng síya ang asno para sa akin.” Kaya nilagyan nila iyon ng síya. 28 At umalis siya at nakita ang bangkay na nakahandusay sa daan, pati ang asno at ang leon na nakatayo sa tabi ng bangkay. Hindi kinain ng leon ang bangkay, at hindi rin nito nilapa ang asno. 29 Binuhat ng propeta ang bangkay ng lingkod ng tunay na Diyos at ipinasan ito sa asno, at ibinalik niya ito sa lunsod niya para ipagdalamhati at ilibing. 30 Kaya inilagay niya ang bangkay sa sarili niyang libingan, at iniyakan nila ito, na sinasabi: “Kawawa ka naman, kapatid ko!” 31 Pagkalibing sa bangkay, sinabi niya sa mga anak niya: “Kapag namatay ako, ilibing ninyo ako sa pinaglibingan sa lingkod ng tunay na Diyos. Itabi ninyo ang mga buto ko sa mga buto niya.+ 32 Ang inihayag niyang mensahe ni Jehova laban sa altar na nasa Bethel at laban sa lahat ng bahay para sa pagsamba na nasa matataas na lugar+ sa mga lunsod ng Samaria ay tiyak na matutupad.”+
33 Sa kabila ng nangyari, hindi itinigil ni Jeroboam ang masamang ginagawa niya. Patuloy siyang nag-aatas ng mga saserdote para sa matataas na lugar mula sa sinuman sa bayan.+ Ginagawa niyang saserdote ang* lahat ng gustong maging saserdote. Sinasabi niya: “Gawin siyang isa sa mga saserdote para sa matataas na lugar.”+ 34 Dahil sa kasalanang ito ng sambahayan ni Jeroboam,+ pinuksa sila at nilipol sa ibabaw ng lupa.+
14 Nang panahong iyon, nagkasakit si Abias na anak ni Jeroboam. 2 Kaya sinabi ni Jeroboam sa asawa niya: “Pakisuyo, magbalatkayo ka para walang makakilala sa iyo na asawa ka ni Jeroboam, at pumunta ka sa Shilo. Nandoon ang propetang si Ahias. Siya ang nagsabi noon na magiging hari ako ng bayang ito.+ 3 Magdala ka ng 10 tinapay, mga tinapay na binudburan, at ng pulot-pukyutan, at pumunta ka sa kaniya. Sasabihin niya sa iyo kung ano ang mangyayari sa anak natin.”
4 Ginawa ng asawa ni Jeroboam ang sinabi niya. Pumunta ito sa Shilo+ at dumating sa bahay ni Ahias. Hindi na makakita si Ahias dahil sa katandaan.
5 Pero sinabi ni Jehova kay Ahias: “Parating ang asawa ni Jeroboam para tanungin ka tungkol sa anak niya, dahil may sakit ito. Sasabihin ko sa iyo kung ano ang sasabihin mo sa kaniya. Pagdating niya, magkukunwari siyang ibang tao.”
6 Nang marinig ni Ahias ang mga yabag ng babae habang papasók ito, sinabi niya: “Pumasok ka, asawa ni Jeroboam. Bakit ka nagkukunwaring ibang tao? Inutusan akong sabihin sa iyo ang isang mabigat na mensahe. 7 Sabihin mo kay Jeroboam, ‘Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel: “Pinili kita mula sa bayan mo para gawing pinuno ng bayan kong Israel.+ 8 At inalis* ko ang kaharian mula sa sambahayan ni David at ibinigay iyon sa iyo.+ Pero hindi ka naging gaya ng lingkod kong si David, na tumupad sa mga utos ko at sumunod sa akin nang kaniyang buong puso; lagi niyang ginagawa kung ano ang tama sa paningin ko.+ 9 Mas masahol pa ang ginawa mo kaysa sa lahat ng nauna sa iyo, at gumawa ka para sa sarili mo ng ibang diyos at ng mga metal na imahen para galitin ako,+ at ako ang tinalikuran mo.+ 10 Kaya magpapasapit ako ng kapahamakan sa sambahayan ni Jeroboam, at lilipulin ko ang lahat ng lalaki* sa angkan ni Jeroboam, pati na ang mga hamak at mahihina sa Israel, at wawalisin kong parang dumi ang sambahayan ni Jeroboam+ hanggang sa wala nang matira! 11 Ang mamamatay sa lunsod mula sa angkan ni Jeroboam ay kakainin ng mga aso; at ang mamamatay sa parang ay kakainin ng mga ibon sa langit, dahil si Jehova ang nagsabi nito.”’
12 “Umuwi ka na sa bahay mo. Pagtuntong ng paa mo sa lunsod, mamamatay ang anak mo. 13 Magdadalamhati sa kaniya ang buong Israel at ililibing siya; siya lang mula sa pamilya ni Jeroboam ang ililibing, dahil sa buong sambahayan ni Jeroboam, sa kaniya lang may nakitang mabuti si Jehova na Diyos ng Israel. 14 Pipili si Jehova ng isang hari sa Israel na lilipol sa sambahayan ni Jeroboam+ sa takdang araw, at puwedeng ngayon na. 15 Pababagsakin ni Jehova ang Israel na gaya ng tambo na pagiwang-giwang sa tubig, at bubunutin niya ang Israel mula sa magandang lupaing ito na ibinigay niya sa mga ninuno nila,+ at pangangalatin niya sila sa kabila ng Ilog,*+ dahil gumawa sila ng kanilang mga sagradong poste*+ at ginalit nila si Jehova. 16 At pababayaan niya ang Israel dahil sa mga kasalanan ni Jeroboam at dahil pinagkasala nito ang Israel.”+
17 Kaya umuwi ang asawa ni Jeroboam at nakarating sa Tirza. Pagdating niya sa pintuan ng bahay, namatay ang anak niya. 18 Inilibing nila ito, at nagdalamhati ang buong Israel, gaya ng sinabi ni Jehova sa pamamagitan ng propeta niyang si Ahias.
19 At ang iba pang nangyari kay Jeroboam, kung paano siya nakipagdigma+ at kung paano siya naghari, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Israel. 20 Naghari si Jeroboam nang 22 taon. Pagkatapos ay namatay siya,*+ at ang anak niyang si Nadab ang naging hari kapalit niya.+
21 Samantala, ang anak ni Solomon na si Rehoboam ay naging hari sa Juda. Siya ay 41 taóng gulang nang maging hari, at 17 taon siyang namahala sa Jerusalem, ang lunsod na pinili ni Jehova+ mula sa lahat ng tribo ng Israel para doon ilagay ang pangalan niya.+ Ang ina ni Rehoboam ay si Naama na Ammonita.+ 22 Ginawa ng Juda ang masama sa paningin ni Jehova,+ at mas ginalit nila siya dahil mas masahol pa ang mga kasalanan nila kaysa sa mga ninuno nila.+ 23 Patuloy rin silang nagtayo ng matataas na lugar, mga sagradong haligi, at mga sagradong poste*+ sa bawat mataas na burol+ at sa ilalim ng bawat mayabong na puno.+ 24 Sa lupain, mayroon ding mga lalaking bayaran sa templo.+ Ginagawa nila ang kasuklam-suklam na mga bagay na ginagawa ng mga bansang itinaboy ni Jehova mula sa harap ng mga Israelita.
25 Sa ikalimang taon ni Haring Rehoboam, sinalakay ni Haring Sisak+ ng Ehipto ang Jerusalem.+ 26 Kinuha niya ang mga kayamanan sa bahay ni Jehova at ang mga kayamanan sa bahay* ng hari.+ Kinuha niya lahat, pati ang lahat ng gintong kalasag na ginawa ni Solomon.+ 27 Kaya gumawa si Haring Rehoboam ng mga tansong kalasag kapalit ng mga iyon, at ipinagkatiwala niya ang mga iyon sa mga pinuno ng mga bantay,* na nagbabantay sa pasukan ng bahay ng hari. 28 Sa tuwing pupunta ang hari sa bahay ni Jehova, dinadala ng mga bantay ang mga iyon; pagkatapos, ibinabalik nila ang mga iyon sa silid ng mga bantay.
29 At ang iba pang nangyari kay Rehoboam, ang lahat ng ginawa niya, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Juda.+ 30 Laging may digmaan sa pagitan nina Rehoboam at Jeroboam.+ 31 At si Rehoboam ay namatay* at inilibing na kasama ng kaniyang mga ninuno sa Lunsod ni David.+ Ang kaniyang ina ay si Naama na Ammonita.+ At ang anak niyang si Abiam*+ ang naging hari kapalit niya.
15 Noong ika-18 taon ni Haring Jeroboam+ na anak ni Nebat, si Abiam ay naging hari sa Juda.+ 2 Tatlong taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kaniyang ina ay si Maaca+ na apo ni Abisalom. 3 Ginawa rin niya ang lahat ng kasalanang nagawa ng kaniyang ama, at hindi niya ibinigay ang buong puso niya kay Jehova na kaniyang Diyos; hindi niya tinularan ang ninuno niyang si David. 4 Pero alang-alang kay David,+ binigyan siya ni Jehova na kaniyang Diyos ng isang lampara sa Jerusalem+ sa pamamagitan ng pagpili sa kaniyang anak bilang kahalili niya at pagpapanatiling matatag sa Jerusalem. 5 Dahil ginawa ni David ang tama sa paningin ni Jehova, at hindi niya sinuway ang anumang iniutos ng Diyos sa kaniya sa buong buhay niya, maliban lang sa pangyayari may kaugnayan kay Uria na Hiteo.+ 6 At may digmaan sa pagitan ni Rehoboam at ni Jeroboam sa buong buhay niya.+
7 Ang iba pang nangyari kay Abiam, ang lahat ng ginawa niya, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Juda.+ Nagkaroon din ng digmaan sa pagitan ni Abiam at ni Jeroboam.+ 8 At si Abiam ay namatay,* at inilibing nila siya sa Lunsod ni David. Ang anak niyang si Asa+ ang naging hari kapalit niya.+
9 Nang ika-20 taon ni Haring Jeroboam ng Israel, naging hari ng Juda si Asa. 10 Naghari siya nang 41 taon sa Jerusalem. Ang lola niya ay si Maaca+ na apo ni Abisalom. 11 Ginawa ni Asa ang tama sa paningin ni Jehova,+ gaya ng ninuno niyang si David. 12 Pinalayas niya mula sa lupain ang mga lalaking bayaran sa templo+ at inalis ang lahat ng kasuklam-suklam na idolo* na ginawa ng mga ninuno niya.+ 13 Kahit ang lola niyang si Maaca+ ay inalis niya sa posisyon nito bilang inang reyna, dahil gumawa ito ng kasuklam-suklam na idolo para sa pagsamba sa sagradong poste.* Pinutol ni Asa ang kasuklam-suklam na idolo nito+ at sinunog iyon sa Lambak ng Kidron.+ 14 Pero hindi naalis ang matataas na lugar.+ Gayunman, ibinigay ni Asa ang buong puso niya kay Jehova habang nabubuhay siya. 15 At ipinasok niya sa bahay ni Jehova ang mga bagay na pinabanal niya at ng kaniyang ama—pilak, ginto, at iba’t ibang kagamitan.+
16 Laging may digmaan sa pagitan ni Asa at ni Baasa+ na hari ng Israel. 17 Sinalakay ni Haring Baasa ng Israel ang Juda at pinatibay* ang Rama+ para walang makaalis o makapasok sa teritoryo ni Haring Asa ng Juda.+ 18 Kaya kinuha ni Asa ang lahat ng pilak at ginto na natira sa mga kabang-yaman ng bahay ni Jehova at sa mga kabang-yaman ng bahay* ng hari at ibinigay ito sa kaniyang mga lingkod. Pagkatapos, isinugo sila ni Haring Asa sa hari ng Sirya+ na nakatira sa Damasco, si Ben-hadad na anak ni Tabrimon na anak ni Hezion. Ipinasabi niya: 19 “May kasunduan* tayo at ang mga ama natin. Pinadalhan kita ng pilak at ginto bilang regalo. Sirain mo ang kasunduan* ninyo ni Haring Baasa ng Israel, para lumayo na siya sa akin.” 20 Nakinig si Ben-hadad kay Haring Asa at isinugo ang mga pinuno ng kaniyang mga hukbo laban sa mga lunsod ng Israel, at pinabagsak nila ang Ijon,+ Dan,+ Abel-bet-maaca, ang buong Kineret, at ang buong lupain ng Neptali. 21 Nang mabalitaan ito ni Baasa, itinigil niya agad ang pagtatayo* ng Rama at nagpatuloy sa paninirahan sa Tirza.+ 22 Pagkatapos, tinawag ni Haring Asa ang buong Juda—walang sinuman ang naiwan—at kinuha nila ang mga bato at kahoy sa Rama na ginagamit ni Baasa sa pagtatayo, at ginamit ito ni Haring Asa para patibayin* ang Geba+ sa Benjamin at ang Mizpa.+
23 Ang iba pang nangyari kay Asa, ang kaniyang kagitingan at ang lahat ng ginawa niya at ang mga lunsod na itinayo* niya, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Juda. Pero nang matanda na siya, nagkaroon siya ng sakit sa paa.+ 24 At si Asa ay namatay* at inilibing na kasama ng mga ninuno niya sa Lunsod ni David na kaniyang ninuno; ang anak niyang si Jehosapat+ ang naging hari kapalit niya.
25 Si Nadab+ na anak ni Jeroboam ay naging hari sa Israel noong ikalawang taon ni Haring Asa ng Juda, at namahala siya sa Israel nang dalawang taon. 26 Patuloy niyang ginawa ang masama sa paningin ni Jehova, at tinularan niya ang kaniyang ama+ at pinagkasala rin ang Israel.+ 27 Nakipagsabuwatan laban sa kaniya si Baasa na anak ni Ahias mula sa sambahayan ni Isacar, at pinatay siya ni Baasa sa Gibeton,+ na sakop ng mga Filisteo, habang sinasalakay ni Nadab at ng buong Israel ang Gibeton. 28 Pinatay siya ni Baasa nang ikatlong taon ni Haring Asa ng Juda at naging hari ito kapalit niya. 29 Pagkaupo sa trono bilang hari, pinatay ni Baasa ang lahat ng nasa sambahayan ni Jeroboam. Wala siyang itinirang buháy sa sambahayan ni Jeroboam; nilipol niya sila, gaya ng sinabi ni Jehova sa pamamagitan ng lingkod niyang si Ahias na Shilonita.+ 30 Dahil ito sa mga kasalanan ni Jeroboam at dahil pinagkasala niya ang Israel at lubha niyang ginalit si Jehova na Diyos ng Israel. 31 Ang iba pang nangyari kay Nadab, ang lahat ng ginawa niya, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Israel. 32 At laging may digmaan sa pagitan ni Asa at ni Haring Baasa ng Israel.+
33 Nang ikatlong taon ni Haring Asa ng Juda, si Baasa na anak ni Ahias ay naging hari sa buong Israel; namahala siya mula sa Tirza sa loob ng 24 na taon.+ 34 Pero patuloy niyang ginawa ang masama sa paningin ni Jehova,+ at tinularan niya si Jeroboam at pinagkasala rin ang Israel.+
16 Pagkatapos, dumating kay Jehu+ na anak ni Hanani+ ang mensaheng ito ni Jehova laban kay Baasa: 2 “Kinuha kita mula sa alabok para gawing pinuno ng bayan kong Israel,+ pero patuloy mong tinularan si Jeroboam at pinagkasala ang bayan kong Israel kaya nagalit ako sa kanila.+ 3 Kaya lilipulin ko si Baasa at ang sambahayan niya, at ang sambahayan niya ay gagawin kong gaya ng sambahayan ni Jeroboam+ na anak ni Nebat. 4 Ang mamamatay sa lunsod mula sa sambahayan ni Baasa ay kakainin ng mga aso; at ang mamamatay sa parang mula sa sambahayan niya ay kakainin ng mga ibon sa langit.”
5 Ang iba pang nangyari kay Baasa, ang mga ginawa niya at ang mga tagumpay niya, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Israel. 6 Pagkatapos, si Baasa ay namatay* at inilibing sa Tirza;+ at ang anak niyang si Elah ang naging hari kapalit niya. 7 Sa pamamagitan ng propetang si Jehu na anak ni Hanani, dumating ang mensahe ni Jehova laban kay Baasa at sa sambahayan niya, dahil sa lahat ng kasamaang ginawa niya na ikinagalit ni Jehova, gaya ng ginawa ng sambahayan ni Jeroboam, at dahil pinatay niya siya.*+
8 Nang ika-26 na taon ni Haring Asa ng Juda, si Elah na anak ni Baasa ay naging hari sa Israel sa Tirza, at dalawang taon siyang namahala. 9 Ang lingkod niyang si Zimri, na pinuno ng kalahati ng mga hukbong gumagamit ng karwahe, ay nakipagsabuwatan laban sa kaniya habang nasa Tirza siya at nagpapakalasing sa bahay ni Arza, na nangangasiwa sa sambahayan sa Tirza. 10 Pumasok si Zimri at pinatay siya+ noong ika-27 taon ni Haring Asa ng Juda, at naging hari ito kapalit niya. 11 Pagkaupo ni Zimri sa trono bilang hari, pinatay niya ang lahat sa sambahayan ni Baasa. Wala siyang itinirang lalaki,* ito man ay kamag-anak* o kaibigan ni Baasa. 12 Nilipol ni Zimri ang buong sambahayan ni Baasa, gaya ng sinabi ni Jehova laban kay Baasa sa pamamagitan ng propetang si Jehu.+ 13 Dahil ito sa lahat ng kasalanan ni Baasa at ng anak niyang si Elah at dahil pinagkasala nila ang Israel; ginalit nila si Jehova na Diyos ng Israel sa pamamagitan ng kanilang walang-silbing mga idolo.+ 14 Ang iba pang nangyari kay Elah, ang lahat ng ginawa niya, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Israel.
15 Nang ika-27 taon ni Haring Asa ng Juda, naging hari si Zimri sa loob ng pitong araw sa Tirza habang nagkakampo ang mga sundalo laban sa Gibeton,+ na sakop ng mga Filisteo. 16 Nabalitaan ng nagkakampong mga sundalo na nakipagsabuwatan si Zimri at pinatay nito ang hari. Kaya nang araw na iyon sa kampo, si Omri+ na pinuno ng hukbo ay iniluklok ng buong Israel bilang hari nila. 17 Umalis ng Gibeton si Omri at ang lahat ng kasama niyang Israelita at pinalibutan nila ang Tirza. 18 Nang makita ni Zimri na nasakop ang lunsod, nagpunta siya sa matibay na tore ng bahay* ng hari at sinunog niya ang bahay habang nasa loob siya, at namatay siya.+ 19 Dahil ito sa mga kasalanan niya nang gawin niya ang masama sa paningin ni Jehova sa pamamagitan ng pagtulad kay Jeroboam at dahil pinagkasala niya ang Israel.+ 20 Ang iba pang nangyari kay Zimri at ang pakikipagsabuwatan niya ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Israel.
21 Noon nahati ang bayan ng Israel sa dalawang grupo. Ang isang grupo ay naging mga tagasunod ni Tibni na anak ni Ginat at gusto nila siyang gawing hari, at ang isang grupo naman ay naging mga tagasunod ni Omri. 22 Pero natalo ng mga tagasunod ni Omri ang mga tagasunod ni Tibni na anak ni Ginat. Kaya namatay si Tibni, at si Omri ang naging hari.
23 Nang ika-31 taon ni Haring Asa ng Juda, si Omri ay naging hari sa Israel, at namahala siya nang 12 taon. Namahala siya mula sa Tirza nang anim na taon. 24 Binili niya ang bundok ng Samaria mula kay Semer sa halagang dalawang talento* ng pilak, at nagtayo siya ng lunsod sa bundok. Pinangalanan niyang Samaria*+ ang lunsod na itinayo niya, na isinunod sa pangalan ni Semer na may-ari* ng bundok. 25 Patuloy na ginawa ni Omri ang masama sa paningin ni Jehova, at mas masahol pa siya kaysa sa lahat ng nauna sa kaniya.+ 26 Tinularan niya ang lahat ng ginawa ni Jeroboam na anak ni Nebat at pinagkasala rin niya ang Israel at ginalit si Jehova na Diyos ng Israel nang sumamba sila sa kanilang walang-silbing mga idolo.+ 27 Ang iba pang nangyari kay Omri, ang mga ginawa niya at ang mga tagumpay niya sa labanan, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Israel. 28 Pagkatapos, si Omri ay namatay* at inilibing sa Samaria; at ang anak niyang si Ahab+ ang naging hari kapalit niya.
29 Si Ahab na anak ni Omri ay naging hari sa Israel noong ika-38 taon ni Haring Asa ng Juda, at si Ahab na anak ni Omri ay naghari sa Israel mula sa Samaria+ sa loob ng 22 taon. 30 Si Ahab na anak ni Omri ay mas masama sa paningin ni Jehova kaysa sa lahat ng nauna sa kaniya.+ 31 Hindi pa siya nasiyahan sa pagtulad sa mga kasalanan ni Jeroboam+ na anak ni Nebat. Kinuha pa niya bilang asawa si Jezebel+ na anak ni Etbaal na hari ng mga Sidonio,+ at nagsimula siyang maglingkod kay Baal+ at yumukod dito. 32 Bukod diyan, nagtayo siya ng altar para kay Baal sa bahay* ni Baal+ na itinayo niya sa Samaria. 33 Gumawa rin si Ahab ng sagradong poste.*+ Mas maraming ginawang masama si Ahab para galitin si Jehova na Diyos ng Israel kumpara sa lahat ng hari sa Israel na nauna sa kaniya.
34 Noong panahon ni Ahab, muling itinayo ni Hiel na taga-Bethel ang Jerico. Namatay ang panganay niyang si Abiram nang itayo niya ang pundasyon nito, at namatay ang bunso niyang si Segub nang ilagay niya ang mga pintuang-daan nito, gaya ng sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni Josue na anak ni Nun.+
17 At si Elias*+ na Tisbita, na nakatira sa Gilead,+ ay nagsabi kay Ahab: “Isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova na Diyos ng Israel na pinaglilingkuran ko,* hindi magkakaroon ng hamog o ng ulan sa mga taóng ito malibang sabihin ko!”+
2 Dumating sa kaniya ang mensaheng ito ni Jehova: 3 “Umalis ka rito, at pumunta ka sa gawing silangan at magtago sa Lambak* ng Kerit na nasa silangan ng Jordan. 4 Uminom ka mula sa sapa, at uutusan ko ang mga uwak na bigyan ka roon ng pagkain.”+ 5 Umalis siya agad at ginawa ang sinabi ni Jehova; pumunta siya sa Lambak* ng Kerit, sa silangan ng Jordan, at nanatili roon. 6 Dinadalhan siya ng mga uwak ng tinapay at karne sa umaga at ng tinapay at karne sa gabi, at umiinom siya mula sa sapa.+ 7 Pero makalipas ang ilang araw, natuyo ang sapa,+ dahil hindi umuulan sa lupain.
8 Pagkatapos, dumating sa kaniya ang mensaheng ito ni Jehova: 9 “Pumunta ka sa Zarepat, na sakop ng Sidon, at manatili ka roon. Uutusan ko ang isang biyuda roon na paglaanan ka ng pagkain.”+ 10 Kaya pumunta siya sa Zarepat. Pagdating niya sa pasukan ng lunsod, nakita niya ang isang biyuda na namumulot ng mga piraso ng kahoy. Sinabi niya rito: “Pakisuyo, bigyan mo ako ng kaunting tubig na maiinom.”+ 11 Nang kukunin na ito ng biyuda, sinabi ni Elias: “Pakisuyo, dalhan mo rin ako ng isang piraso ng tinapay.” 12 Sinabi ng babae: “Tinitiyak ko, kung paanong buháy si Jehova na iyong Diyos, wala akong tinapay. Mayroon lang akong sandakot na harina sa malaking banga at kaunting langis sa maliit na banga.+ Namumulot ako ngayon ng ilang piraso ng kahoy, at uuwi ako sa bahay at maghahanda ng makakain naming mag-ina. Pagkatapos naming kumain, mamamatay na kami.”
13 Sinabi sa kaniya ni Elias: “Huwag kang matakot. Umuwi ka at gawin mo ang sinabi mo. Pero igawa mo muna ako ng maliit na tinapay mula sa natitirang harina, at dalhin mo iyon sa akin. Pagkatapos, makapaghahanda ka na ng makakain ninyong mag-ina. 14 Dahil ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel: ‘Ang malaking banga ng harina ay hindi mauubusan ng laman, at ang maliit na banga ng langis ay hindi matutuyuan hanggang sa araw na magpaulan si Jehova sa lupain.’”+ 15 Kaya umalis ang babae at ginawa ang sinabi ni Elias, at ang babae, ang pamilya niya, at si Elias ay hindi nawalan ng pagkain sa loob ng maraming araw.+ 16 Ang malaking banga ng harina ay hindi naubusan ng laman, at ang maliit na banga ng langis ay hindi natuyuan, gaya ng sinabi ni Jehova sa pamamagitan ni Elias.
17 Makalipas ang ilang panahon, nagkasakit ang anak ng biyuda,* at lumubha ang sakit nito at namatay.+ 18 Kaya sinabi niya kay Elias: “Ano ba ang nagawa ko sa iyo,* O lingkod ng tunay na Diyos? Pumunta ka ba rito para ipaalaala sa akin ang kasalanan ko at patayin ang anak ko?”+ 19 Sinabi ni Elias sa babae: “Ibigay mo sa akin ang anak mo.” Kinuha niya ang bata mula sa bisig nito at dinala ang bata sa silid sa bubungan kung saan siya tumutuloy, at inihiga niya ito sa higaan niya.+ 20 Nanalangin siya kay Jehova: “O Jehova na aking Diyos,+ magdadala ka rin ba ng kapahamakan sa biyuda na nagpatulóy sa akin? Hahayaan mo bang mamatay ang anak niya?” 21 Dumapa siya sa bata nang tatlong ulit, at nanalangin siya kay Jehova: “O Jehova na aking Diyos, pakisuyo, buhayin mong muli ang batang ito.” 22 Nakinig si Jehova sa hiling ni Elias,+ at nabuhay ang bata.+ 23 Kinuha ni Elias ang bata at ibinaba ito mula sa silid sa bubungan ng bahay at ibinigay ito sa kaniyang ina; at sinabi ni Elias: “Tingnan mo, buháy ang anak mo.”+ 24 Kaya sinabi ng babae kay Elias: “Alam ko na ngayon na talagang lingkod ka ng Diyos+ at na totoo ang mensahe ni Jehova na sinasabi mo.”
18 Nang maglaon, noong ikatlong taon,+ sinabi ni Jehova kay Elias: “Humarap ka kay Ahab, at magpapaulan ako sa lupain.”+ 2 Kaya umalis si Elias para humarap kay Ahab. Matindi ang taggutom+ noon sa Samaria.
3 Samantala, tinawag ni Ahab si Obadias, na namamahala sa sambahayan. (Malaki ang takot ni Obadias kay Jehova, 4 at noong nililipol ni Jezebel+ ang mga propeta ni Jehova, 100 propeta ang itinago ni Obadias, 50 sa isang kuweba, at pinaglaanan niya sila ng tinapay at tubig.) 5 Sinabi ni Ahab kay Obadias: “Pumunta ka sa lahat ng bukal at lambak* sa lupain. Baka sakaling makakita tayo ng sapat na damo para mapanatiling buháy ang mga kabayo at mula* at hindi mamatay ang lahat ng hayop natin.” 6 Kaya naghati sila ng lupaing pupuntahan. Pumuntang mag-isa si Ahab sa isang direksiyon, at pumuntang mag-isa si Obadias sa kabilang direksiyon.
7 Habang naglalakbay si Obadias, nasalubong niya si Elias. Nakilala niya agad ito, at sumubsob siya at nagsabi: “Ikaw ba iyan, panginoon kong Elias?”+ 8 Sumagot ito: “Ako nga. Pumunta ka sa panginoon mo at sabihin mo sa kaniya, ‘Nandito si Elias.’” 9 Pero sinabi niya: “Anong kasalanan ang nagawa ko at gusto mong patayin ako ni Ahab? 10 Tinitiyak ko, kung paanong buháy si Jehova na iyong Diyos, ipinapahanap ka ng panginoon ko sa lahat ng bansa at kaharian. Kapag sinasabi nilang ‘Wala siya rito,’ pinasusumpa niya ang kaharian at ang bansa na hindi ka talaga nila nakita.+ 11 At ngayon ay sinasabi mo, ‘Pumunta ka sa panginoon mo at sabihin mo sa kaniya: “Nandito si Elias.”’ 12 Kapag naghiwalay tayo, tatangayin ka ng espiritu ni Jehova+ papunta sa lugar na hindi ko alam. Kapag sinabi ko kay Ahab na nandito ka at hindi ka niya nakita, siguradong papatayin niya ako. Pero panginoon ko, may takot ako kay Jehova mula pa sa pagkabata. 13 Hindi ba nabalitaan ng panginoon ko kung ano ang ginawa ko noong nililipol ni Jezebel ang mga propeta ni Jehova? Itinago ko ang 100 sa mga propeta ni Jehova, 50 sa isang kuweba, at pinaglaanan sila ng tinapay at tubig.+ 14 Pero sinasabi mo ngayon, ‘Pumunta ka sa panginoon mo at sabihin mo sa kaniya: “Nandito si Elias.”’ Siguradong papatayin niya ako.” 15 Pero sinabi ni Elias: “Isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova ng mga hukbo na pinaglilingkuran ko,* magpapakita ako sa kaniya ngayon.”
16 Kaya pumunta si Obadias kay Ahab at sinabi ito sa kaniya, at pinuntahan ni Ahab si Elias.
17 Pagkakita ni Ahab kay Elias, sinabi niya rito: “Ikaw ba iyan, ang nagdadala ng malaking problema sa Israel?”
18 Sumagot ito: “Hindi ako ang nagdala ng problema sa Israel, kundi ikaw at ang sambahayan ng iyong ama, dahil sinuway ninyo ang mga utos ni Jehova, at sumunod kayo sa mga Baal.+ 19 At ngayon, papuntahin mo sa akin sa Bundok Carmel+ ang buong Israel, pati ang 450 propeta ni Baal at ang 400 propeta ng sagradong poste,*+ na kumakain sa mesa ni Jezebel.” 20 Kaya nagpadala ng mensahe si Ahab sa buong Israel at tinipon ang mga propeta sa Bundok Carmel.
21 Pagkatapos, lumapit si Elias sa buong bayan at nagsabi: “Hanggang kailan kayo magpapaika-ika sa dalawang magkaibang opinyon?*+ Kung si Jehova ang tunay na Diyos, sumunod kayo sa kaniya;+ pero kung si Baal, sumunod kayo sa kaniya!” Pero hindi umimik ang bayan. 22 Pagkatapos, sinabi ni Elias sa bayan: “Ako na lang ang natirang propeta ni Jehova,+ samantalang 450 ang propeta ni Baal. 23 Bigyan ninyo kami ng dalawang batang toro. Pipili sila ng isang batang toro at pagpuputol-putulin nila iyon at ilalagay sa ibabaw ng kahoy, pero hindi nila iyon dapat lagyan ng apoy. Ihahanda ko ang isang batang toro, at ilalagay ko iyon sa ibabaw ng kahoy, pero hindi ko iyon lalagyan ng apoy. 24 Pagkatapos, tumawag kayo sa pangalan ng inyong diyos,+ at tatawag naman ako sa pangalan ni Jehova. Ang Diyos na sasagot sa pamamagitan ng apoy ang siyang tunay na Diyos.”+ Sumagot ang buong bayan: “Payag kami sa sinabi mo.”
25 Sinabi ngayon ni Elias sa mga propeta ni Baal: “Pumili kayo ng isang batang toro at kayo ang maunang maghanda, dahil mas marami kayo. At tumawag kayo sa pangalan ng diyos ninyo, pero huwag ninyong lalagyan iyon ng apoy.” 26 Kaya kinuha nila ang batang toro na ibinigay sa kanila, inihanda ito, at tumawag sila sa pangalan ni Baal mula umaga hanggang tanghali, na sinasabi: “O Baal, sagutin mo kami!” Pero walang sinumang sumasagot.+ Patuloy silang umiika-ika sa palibot ng altar na ginawa nila. 27 Nang tanghali na, sinimulan silang tuyain ni Elias: “Ilakas pa ninyo ang sigaw! Tutal, isa siyang diyos!+ Baka may malalim siyang iniisip o baka pumunta siya sa palikuran.* O baka tulóg siya at kailangang gisingin!” 28 Sumisigaw sila nang napakalakas at hinihiwa nila ang sarili nila ng punyal at sibat, gaya ng kaugalian nila, hanggang sa maging duguan na sila. 29 Lampas na ng tanghali at nagkakagulo pa rin sila na parang mga baliw* hanggang sa oras ng pag-aalay ng handog na mga butil sa gabi, pero walang sinumang sumasagot; walang nagbibigay-pansin.+
30 Pagkatapos, sinabi ni Elias sa buong bayan: “Lumapit kayo sa akin.” Kaya lumapit sa kaniya ang buong bayan. At inayos niya ang altar ni Jehova na giniba.+ 31 Pagkatapos, kumuha si Elias ng 12 bato, ayon sa bilang ng mga tribo ng mga anak ni Jacob, na sinabihan ni Jehova: “Israel ang magiging pangalan mo.”+ 32 Gamit ang mga bato, nagtayo siya ng altar+ sa pangalan ni Jehova. Sa palibot ng altar ay gumawa rin siya ng hukay na sapat ang laki para mapagtamnan ng dalawang seah* ng binhi. 33 Pagkatapos, inayos niya ang mga piraso ng kahoy, pinagputol-putol ang batang toro, at inilagay iyon sa ibabaw ng kahoy.+ Sinabi niya ngayon: “Punuin ninyo ng tubig ang apat na malalaking banga at ibuhos ninyo iyon sa handog na sinusunog at sa mga piraso ng kahoy.” 34 Pagkatapos, sinabi niya: “Buhusan ninyo uli.” Kaya ginawa nila uli iyon. Muli niyang sinabi: “Buhusan ninyo sa ikatlong pagkakataon.” Kaya ginawa nila iyon sa ikatlong pagkakataon. 35 At umagos ang tubig sa palibot ng altar, at pinuno rin niya ng tubig ang hukay.
36 Nang oras na ng pag-aalay ng handog na mga butil sa gabi,+ lumapit ang propetang si Elias at nagsabi: “O Jehova, na Diyos ni Abraham,+ ni Isaac,+ at ni Israel, ngayon ay ipakilala mo na ikaw ay Diyos sa Israel at ako ang lingkod mo at na iniutos mo ang lahat ng bagay na ito na ginawa ko.+ 37 Sagutin mo ako, O Jehova! Sagutin mo ako para malaman ng bayang ito na ikaw, Jehova, ang tunay na Diyos at pinanunumbalik mo sa iyo ang puso nila.”+
38 At bumulusok ang apoy ni Jehova at tinupok ang handog na sinusunog,+ ang mga piraso ng kahoy, ang mga bato, at ang alabok, at tinuyo nito ang tubig na nasa hukay.+ 39 Nang makita iyon ng buong bayan, agad silang sumubsob at nagsabi: “Si Jehova ang tunay na Diyos! Si Jehova ang tunay na Diyos!” 40 Pagkatapos, sinabi ni Elias sa kanila: “Hulihin ninyo ang mga propeta ni Baal! Huwag ninyong hayaang may makatakas sa kanila!” Agad nilang hinuli ang mga propeta, at ibinaba sila ni Elias sa ilog* ng Kison+ at pinatay sila roon.+
41 Sinabi ngayon ni Elias kay Ahab: “Umakyat ka, kumain ka at uminom, dahil may naririnig akong buhos ng malakas na ulan.”+ 42 Kaya umakyat si Ahab para kumain at uminom, samantalang si Elias ay umakyat sa tuktok ng Carmel at lumuhod at sumubsob sa lupa, at ang mukha niya ay nasa pagitan ng mga tuhod niya.+ 43 Pagkatapos, sinabi niya sa tagapaglingkod niya: “Pakisuyo, umakyat ka at tumingin sa dagat.” Kaya umakyat ito at tumingin at nagsabi: “Wala akong nakikita.” Pitong ulit na sinabi ni Elias, “Bumalik ka.” 44 Nang ikapitong ulit, sinabi ng tagapaglingkod niya: “Hayun! May umaahon mula sa dagat na isang maliit na ulap na sinlaki ng kamay ng tao.” Sinabi niya ngayon: “Puntahan mo si Ahab at sabihin mo sa kaniya, ‘Ihanda mo ang karwahe! Bumaba ka na, dahil baka hindi ka makaalis kapag bumuhos na ang ulan!’” 45 Samantala, nagdilim ang langit dahil sa mga ulap, humihip ang hangin, at bumuhos ang malakas na ulan;+ at si Ahab ay nagpatakbo ng karwahe papuntang Jezreel.+ 46 Pero binigyan ni Jehova ng kapangyarihan si Elias, at ibinigkis niya sa kaniyang balakang ang damit niya at tumakbo siya at naunahan pa si Ahab sa Jezreel.
19 Pagkatapos, sinabi ni Ahab+ kay Jezebel+ ang lahat ng ginawa ni Elias, pati ang pagpatay nito sa lahat ng propeta sa pamamagitan ng espada.+ 2 Kaya nagpadala si Jezebel ng mensahero kay Elias para sabihin: “Bigyan nawa ako ng mga diyos ng mabigat na parusa kung sa ganitong oras bukas ay hindi kita gagawing gaya ng bawat isa sa kanila!” 3 Natakot si Elias, at tumakas siya para iligtas ang buhay niya.+ Nakarating siya sa Beer-sheba,+ na sakop ng Juda,+ at iniwan niya roon ang tagapaglingkod niya. 4 Pagkatapos, isang araw siyang naglakbay papunta sa ilang. Umupo siya sa ilalim ng isang punong retama at hiniling niya na mamatay na sana siya.* Sinabi niya: “Hindi ko na kaya! O Jehova, kunin mo na ang buhay* ko,+ dahil hindi ako nakahihigit sa mga ninuno ko.”
5 Pagkatapos, humiga siya at nakatulog sa ilalim ng punong retama. Mayamaya, isang anghel ang humipo sa kaniya+ at nagsabi: “Bumangon ka at kumain.”+ 6 At nakita niya sa ulunan niya ang isang bilog na tinapay sa ibabaw ng pinainit na mga bato at isang banga ng tubig. Kumain siya at uminom at humiga ulit. 7 Mayamaya, bumalik ang anghel ni Jehova at hinipo siya at sinabi: “Bumangon ka at kumain, dahil mahirap ang gagawin mong paglalakbay.” 8 Kaya bumangon siya at kumain at uminom, at dahil sa pagkaing iyon, nagkaroon siya ng lakas para makapaglakbay nang 40 araw at 40 gabi hanggang sa makarating siya sa Horeb, ang bundok ng tunay na Diyos.+
9 Pumasok siya sa isang kuweba+ at doon nagpalipas ng gabi; at sinabi sa kaniya ni Jehova: “Ano ang ginagawa mo rito, Elias?” 10 Sumagot siya: “Naglingkod ako nang napakasigasig kay Jehova na Diyos ng mga hukbo;+ dahil tinalikuran ng bayang Israel ang iyong tipan,+ giniba nila ang mga altar mo, at pinatay nila ang mga propeta mo,+ at ako na lang ang natitira. Ngayon ay gusto nila akong patayin.”+ 11 Pero sinabi Niya: “Lumabas ka at tumayo sa bundok sa harap ni Jehova.” At dumaan si Jehova,+ at isang napakalakas na hangin ang humati sa mga bundok at bumasag sa malalaking bato sa harap ni Jehova,+ pero si Jehova ay wala sa hangin. Ang hangin ay sinundan ng lindol,+ pero si Jehova ay wala sa lindol. 12 Ang lindol ay sinundan naman ng apoy,+ pero si Jehova ay wala sa apoy. Pagkatapos nito, narinig niya ang isang kalmado at mahinang tinig.+ 13 Nang marinig iyon ni Elias, binalot niya ang mukha niya ng kaniyang opisyal na damit,+ at lumabas siya at tumayo sa pasukan ng kuweba. Pagkatapos, may tinig na nagtanong sa kaniya: “Ano ang ginagawa mo rito, Elias?” 14 Sumagot siya: “Naglingkod ako nang napakasigasig kay Jehova na Diyos ng mga hukbo; dahil tinalikuran ng bayang Israel ang iyong tipan,+ giniba nila ang mga altar mo, at pinatay nila ang mga propeta mo, at ako na lang ang natitira. Ngayon ay gusto nila akong patayin.”+
15 Sinabi ni Jehova sa kaniya: “Bumalik ka, at pumunta ka sa ilang ng Damasco. Pagdating mo roon, atasan* mo si Hazael+ bilang hari ng Sirya. 16 At atasan* mo si Jehu+ na apo ni Nimsi bilang hari ng Israel, at atasan* mo si Eliseo* na anak ni Sapat mula sa Abel-mehola bilang propeta na kahalili mo.+ 17 Sinumang makatatakas sa espada ni Hazael+ ay papatayin ni Jehu;+ at sinumang makatatakas sa espada ni Jehu ay papatayin ni Eliseo.+ 18 At mayroon pa akong 7,000 sa Israel+ na hindi lumuhod kay Baal+ at hindi humalik sa kaniya.”+
19 Kaya umalis siya roon at nakita niya si Eliseo na anak ni Sapat habang nag-aararo ito. Nasa unahan ni Eliseo ang 12 pares ng toro, at naroon si Eliseo sa ika-12 pares. Nilapitan siya ni Elias at inihagis sa kaniya ang opisyal na damit nito.+ 20 Kaya iniwan niya ang mga toro at hinabol si Elias at sinabi: “Pakisuyo, pahintulutan mo akong humalik sa aking ama at ina. Pagkatapos, susunod ako sa iyo.” Sumagot si Elias: “Sige, umuwi ka; hindi kita pinipigilan.” 21 Kaya umuwi siya at kumuha ng isang pares ng toro at kinatay* ang mga iyon. Ipinanggatong niya ang pang-araro para pakuluan ang karne ng mga toro at ibinigay ito sa mga tao, at kumain sila. Pagkatapos, sumunod siya kay Elias at naglingkod dito.+
20 Ngayon, tinipon ni Haring Ben-hadad+ ng Sirya+ ang buong hukbo niya kasama ang 32 iba pang hari at ang kanilang mga kabayo at karwahe; lumusob sila at pumalibot+ sa Samaria+ at nakipaglaban doon. 2 Pagkatapos, nagsugo siya ng mga mensahero sa lunsod para sabihin kay Haring Ahab+ ng Israel: “Ito ang sinabi ni Ben-hadad, 3 ‘Akin ang pilak at ginto mo, pati na ang pinakamagaganda sa mga asawa at anak mo.’” 4 Sumagot ang hari ng Israel: “Tulad ng sinabi mo, panginoon kong hari, ako ay iyo pati na ang lahat ng sa akin.”+
5 Nang maglaon, bumalik ang mga mensahero at nagsabi: “Ito ang sinabi ni Ben-hadad, ‘Nagpadala ako ng ganitong mensahe: “Ibibigay mo sa akin ang iyong pilak, ginto, mga asawa, at mga anak.” 6 Pero bukas ng mga ganitong oras, isusugo ko riyan ang mga lingkod ko, at hahalughugin nila ang bahay mo at ang bahay ng mga lingkod mo, at kukunin nila ang lahat ng mahalaga sa iyo.’”
7 Tinawag ng hari ng Israel ang lahat ng matatandang lalaki sa lupain at sinabi: “Tingnan ninyo, ang lalaking ito ay determinadong magdala ng kapahamakan, dahil gusto niyang kunin ang aking mga asawa, mga anak, pilak, at ginto, at hindi ako tumutol.” 8 Sinabi sa kaniya ng lahat ng matatandang lalaki at ng buong bayan: “Huwag kang sumunod. Huwag kang pumayag.” 9 Kaya sinabi niya sa mga mensahero ni Ben-hadad: “Sabihin mo sa panginoon kong hari, ‘Ang lahat ng una mong hiniling sa iyong lingkod ay gagawin ko, pero ang ikalawang ito ay hindi ko na magagawa.’” At umalis ang mga mensahero at nag-ulat kay Ben-hadad.
10 Si Ben-hadad ngayon ay nagpadala sa kaniya ng ganitong mensahe: “Bigyan nawa ako ng mga diyos ng mabigat na parusa kung may matira sa Samaria na kahit isang dakot ng alabok para sa bawat sundalo ko!” 11 Sumagot ang hari ng Israel: “Sabihin ninyo sa kaniya, ‘Ang nagsusuot pa lang ng kaniyang kasuotang pandigma ay hindi dapat magyabang na gaya ng isa na naghuhubad na nito.’”+ 12 Nang makarating kay Ben-hadad ang mensaheng ito, habang siya at ang mga hari ay umiinom sa kanilang mga tolda,* sinabi niya sa mga lingkod niya: “Humanda kayo! Lulusob tayo!” Kaya naghanda sila sa paglusob sa lunsod.
13 Pero isang propeta ang lumapit kay Haring Ahab+ ng Israel at nagsabi: “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Nakikita mo ba ang malaking hukbong ito? Ibibigay ko ito ngayon sa kamay mo, at malalaman mo na ako si Jehova.’”+ 14 Nagtanong si Ahab: “Paano?” Sumagot ito: “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Sa pamamagitan ng mga tagapaglingkod ng matataas na opisyal ng mga nasasakupang distrito.’” Kaya nagtanong siya: “Sino ang magsisimula ng labanan?” Sumagot ito: “Ikaw!”
15 Pagkatapos, binilang ni Ahab ang mga tagapaglingkod ng matataas na opisyal ng mga nasasakupang distrito, at sila ay 232; pagkatapos, binilang niya ang lahat ng lalaking Israelita, 7,000. 16 Umalis sila nang katanghalian habang nagpapakalasing si Ben-hadad sa mga tolda* kasama ang 32 hari na tumutulong sa kaniya. 17 Unang lumabas ang mga tagapaglingkod ng matataas na opisyal ng mga nasasakupang distrito. Agad na nagsugo si Ben-hadad ng mga mensahero. Iniulat ng mga ito sa kaniya: “May mga lalaki na lumabas mula sa Samaria.” 18 Sinabi niya: “Kapayapaan man o digmaan ang sadya nila, hulihin ninyo sila nang buháy.” 19 Pero nang lumabas mula sa lunsod ang mga tagapaglingkod ng matataas na opisyal ng mga nasasakupang distrito at ang mga hukbong sumusunod sa kanila, 20 pinatay nila ang mga kaaway nila. Pagkatapos, umurong ang mga Siryano,+ at hinabol ng mga Israelita ang mga ito, pero nakatakas si Haring Ben-hadad ng Sirya sakay ng kabayo kasama ng ilang mangangabayo. 21 Gayunman, lumabas ang hari ng Israel at pinabagsak ang mga kabayo at karwahe, at dumanas ng masaklap na pagkatalo ang mga Siryano.*
22 Nang maglaon, pinuntahan ng propeta+ ang hari ng Israel at sinabi sa kaniya: “Palakasin mo ang iyong sarili at pag-isipan mo ang gagawin mo,+ dahil sa pasimula ng susunod na taon,* darating ang hari ng Sirya para labanan ka.”+
23 Ang hari ng Sirya ay pinayuhan ngayon ng mga lingkod niya: “Ang Diyos nila ay Diyos ng mga bundok. Kaya natalo nila tayo. Pero kung lalabanan natin sila sa kapatagan, matatalo natin sila. 24 Gawin mo rin ito: Alisin mo ang mga hari+ sa digmaan at ipalit mo ang mga gobernador. 25 Pagkatapos, magtipon* ka ng hukbo na sinlaki ng nawala sa iyo; palitan mo ang bawat kabayo at karwahe na nawala. Labanan natin sila sa kapatagan, at siguradong matatalo natin sila.” Nakinig siya sa payo nila at ganoon ang ginawa niya.
26 Sa pasimula ng taon,* tinipon ni Ben-hadad ang mga Siryano at pumunta sila sa Apek+ para makipagdigma sa Israel. 27 Tinipon din at pinaglaanan ng mga pangangailangan ang bayan ng Israel at lumabas ang mga ito para harapin sila. Nang magkampo ang bayan ng Israel sa harap nila, ang mga ito ay para lang dalawang maliliit na kawan ng kambing, samantalang punong-puno ng mga Siryano ang buong lupain.+ 28 Lumapit ang lingkod ng tunay na Diyos sa hari ng Israel at nagsabi: “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Dahil sinabi ng mga Siryano: “Si Jehova ay Diyos ng mga bundok, at hindi siya Diyos ng kapatagan,” ibibigay ko sa kamay mo ang malaking hukbong ito,+ at tiyak na malalaman mo na ako si Jehova.’”+
29 Pitong araw silang nagkampo nang magkatapat, at sa ikapitong araw ay nagsimula ang labanan. Nakapagpabagsak ang bayan ng Israel ng 100,000 sundalong Siryano sa loob ng isang araw. 30 Ang iba pa ay tumakas papunta sa Apek,+ sa lunsod. Pero nabagsakan ng pader ang natirang 27,000 sundalo. Tumakas din si Ben-hadad at pumasok sa lunsod, at nagtago siya sa kaloob-loobang silid ng isang bahay.
31 Kaya sinabi sa kaniya ng mga lingkod niya: “Nabalitaan namin na ang mga hari ng sambahayan ng Israel ay maawaing mga hari.* Pakisuyo, hayaan mo kaming magsuot ng telang-sako sa balakang at maglagay ng mga lubid sa ulo namin at pumunta sa hari ng Israel. Baka sakaling hindi ka niya patayin.”+ 32 Kaya nagsuot sila ng telang-sako sa balakang at naglagay ng mga lubid sa ulo nila at pumunta sa hari ng Israel at nagsabi: “Ipinapasabi ng lingkod mong si Ben-hadad, ‘Pakiusap, huwag mo akong patayin.’” Sumagot siya: “Buháy pa ba siya? Kapatid ko siya.” 33 Itinuring iyon ng mga lalaki na magandang senyales at agad nila siyang pinaniwalaan, at sinabi nila: “Kapatid mo si Ben-hadad.” Kaya sinabi niya: “Sunduin ninyo siya.” Pumunta si Ben-hadad sa kaniya, at pinasakay niya ito sa karwahe.
34 Sinabi ngayon ni Ben-hadad sa kaniya: “Ibabalik ko ang mga lunsod na kinuha ng ama ko mula sa iyong ama, at makapagtatayo ka ng mga pamilihan* sa Damasco, gaya ng ginawa ng ama ko sa Samaria.”
Sumagot si Ahab: “Dahil sa kasunduang* ito, palalayain kita.”
Kaya nakipagkasundo siya rito at pinalaya ito.
35 Sa utos ni Jehova, isa sa mga anak ng mga propeta*+ ang nagsabi sa kasamahan niya: “Pakisuyo, saktan mo ako.” Pero ayaw siyang saktan nito. 36 Kaya sinabi niya rito: “Dahil hindi ka nakinig sa tinig ni Jehova, pag-alis mo rito, papatayin* ka ng isang leon.” Pag-alis nito, sinalubong ito ng isang leon at pinatay.
37 May nakita siyang isa pang lalaki at sinabi niya rito: “Pakisuyo, saktan mo ako.” Kaya sinaktan siya ng lalaki at sinugatan.
38 Pagkatapos, umalis ang propeta at hinintay sa daan ang hari. Binendahan niya ang mga mata niya para hindi siya makilala. 39 Nang dumaan ang hari, sinabi niya sa hari: “Sumabak sa digmaan ang lingkod mo, at may isang lalaki na nagdala sa akin ng bihag at sinabi niya, ‘Bantayan mo ang lalaking ito. Kapag nakatakas siya, buhay mo ang magiging kapalit ng buhay niya,+ o kaya ay magbabayad ka ng isang talento* ng pilak.’ 40 Habang abala ako sa ibang bagay, biglang nawala ang lalaki.” Sinabi sa kaniya ng hari ng Israel: “Iyon ang magiging parusa sa iyo; ikaw na ang humatol sa sarili mo.” 41 Pagkatapos, bigla niyang inalis ang benda sa mga mata niya, at nakita ng hari ng Israel na isa siya sa mga propeta.+ 42 Sinabi ng propeta sa hari: “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Dahil pinatakas mo ang lalaki na sinabi kong puksain mo,+ buhay mo ang magiging kapalit ng buhay niya,+ at ang bayan mo ang magiging kapalit ng bayan niya.’”+ 43 Kaya umuwi ang hari ng Israel sa bahay niya sa Samaria,+ na malungkot at masama ang loob.
21 Pagkatapos ng mga bagay na ito, isang pangyayari ang naganap may kinalaman sa isang ubasan na pag-aari ni Nabot na Jezreelita; nasa Jezreel+ ito, sa tabi ng palasyo ni Ahab na hari ng Samaria. 2 Sinabi ni Ahab kay Nabot: “Ibigay mo sa akin ang ubasan mo at gagawin kong taniman ng gulay, dahil malapit iyon sa bahay ko. Papalitan ko iyon ng mas magandang ubasan. O kung gusto mo, bibilhin ko iyon.” 3 Pero sinabi ni Nabot kay Ahab: “Hinding-hindi ko ibibigay sa iyo ang pag-aaring minana ng mga ninuno ko, dahil ipinagbabawal iyon ni Jehova.”+ 4 Kaya umuwi si Ahab na malungkot at masama ang loob dahil sa sinabing ito ni Nabot na Jezreelita: “Hindi ko ibibigay sa iyo ang pag-aaring minana ng mga ninuno ko.” Humiga siya sa kama niya, nakatalikod sa mga tao, at ayaw niyang kumain.
5 Lumapit sa kaniya ang asawa niyang si Jezebel+ at nagtanong: “Bakit napakalungkot mo* at ayaw mong kumain?” 6 Sinabi niya kay Jezebel: “Sinabi ko kasi kay Nabot na Jezreelita, ‘Ipagbili mo sa akin ang ubasan mo. O kung gusto mo, papalitan ko iyon ng ibang ubasan.’ Pero sinabi niya, ‘Hindi ko ibibigay sa iyo ang ubasan ko.’” 7 Sinabi sa kaniya ng asawa niyang si Jezebel: “Hindi ba ikaw ang hari ngayon sa Israel? Bumangon ka, kumain ka, at maging masaya ka. Ibibigay ko sa iyo ang ubasan ni Nabot na Jezreelita.”+ 8 Kaya sumulat ito ng mga liham sa pangalan ni Ahab at tinatakan iyon ng pantatak+ ni Ahab. Pagkatapos, ipinadala nito ang mga liham sa matatandang lalaki+ at sa maiimpluwensiyang tao sa lunsod ni Nabot. 9 Sinabi nito sa mga liham: “Magdeklara kayo ng pag-aayuno,* at paupuin ninyo si Nabot sa harap ng buong bayan. 10 At magpaupo kayo ng dalawang walang-kuwentang lalaki sa harap niya. Tetestigo sila laban sa kaniya+ at sasabihin, ‘Isinumpa mo ang Diyos at ang hari!’+ Pagkatapos, ilabas ninyo siya at batuhin hanggang sa mamatay.”+
11 Kaya ang mga lalaki sa lunsod ni Nabot, ang matatandang lalaki at ang maiimpluwensiyang tao sa lunsod niya, ay sumunod sa sinabi ni Jezebel sa mga liham na ipinadala sa kanila. 12 Nagdeklara sila ng pag-aayuno at pinaupo si Nabot sa harap ng buong bayan. 13 Pagkatapos, dalawang walang-kuwentang lalaki ang umupo sa harap niya at tumestigo laban kay Nabot sa harap ng bayan. Sinabi nila: “Isinumpa ni Nabot ang Diyos at ang hari!”+ At inilabas nila siya sa hangganan ng lunsod at pinagbabato hanggang sa mamatay.+ 14 Ipinasabi nila ngayon kay Jezebel: “Si Nabot ay pinagbabato hanggang sa mamatay.”+
15 Pagkarinig ni Jezebel na si Nabot ay pinagbabato hanggang sa mamatay, sinabi niya kay Ahab: “Bumangon ka, kunin mo ang ubasan ni Nabot na Jezreelita+ na ayaw niyang ipagbili sa iyo, dahil wala na si Nabot. Patay na siya.” 16 Nang marinig ni Ahab na patay na si Nabot, pumunta agad si Ahab sa ubasan ni Nabot na Jezreelita para kunin iyon.
17 Pero sinabi ni Jehova kay Elias+ na Tisbita: 18 “Puntahan mo si Ahab na hari ng Israel, na nasa Samaria.+ Naroon siya sa ubasan ni Nabot para kunin iyon. 19 Sabihin mo sa kaniya, ‘Ito ang sinabi ni Jehova: “Pumatay ka ba ng tao,+ pagkatapos ay kinuha mo ang pag-aari niya?”’+ At sabihin mo sa kaniya, ‘Ito ang sinabi ni Jehova: “Sa lugar kung saan hinimod ng mga aso ang dugo ni Nabot, hihimurin ng mga aso ang sarili mong dugo.”’”+
20 Sinabi ni Ahab kay Elias: “Nakita mo ako, kaaway ko!”+ Sumagot si Elias: “Nakita kita. ‘Dahil determinado kang* gawin ang masama sa paningin ni Jehova,+ 21 magpapadala ako ng kapahamakan sa iyo. Pupuksain ko kayo at lilipulin ko ang bawat lalaki* sa sambahayan ni Ahab,+ pati na ang mga hamak at mahihina sa Israel.+ 22 At ang sambahayan mo ay gagawin kong gaya ng sambahayan ni Jeroboam+ na anak ni Nebat at gaya ng sambahayan ni Baasa+ na anak ni Ahias, dahil ginalit mo ako at pinagkasala mo ang Israel.’ 23 At sinabi ni Jehova may kinalaman kay Jezebel: ‘Kakainin ng mga aso si Jezebel sa lupain sa Jezreel.+ 24 Ang mamamatay sa lunsod mula sa sambahayan ni Ahab ay kakainin ng mga aso at ang mamamatay sa parang ay kakainin ng mga ibon sa langit.+ 25 Walang sinuman noon ang naging gaya ni Ahab,+ na determinadong* gawin ang masama sa paningin ni Jehova, dahil sa panunulsol ng asawa niyang si Jezebel.+ 26 Ginawa niya ang pinakakarima-rimarim na bagay nang sumunod siya sa kasuklam-suklam na mga idolo,* gaya ng ginawa ng lahat ng Amorita, na itinaboy ni Jehova mula sa harap ng mga Israelita.’”+
27 Pagkarinig ni Ahab sa mga salitang ito, pinunit niya ang damit niya at nagsuot siya ng telang-sako. Nag-ayuno siya; lagi siyang nakahiga na may suot na telang-sako at naglalakad nang malungkot. 28 Pagkatapos, sinabi ni Jehova kay Elias na Tisbita: 29 “Nakita mo ba kung paano nagpakumbaba si Ahab dahil sa sinabi ko?+ Dahil nagpakumbaba siya sa harap ko, hindi ako magpapadala ng kapahamakan habang nabubuhay siya. Magpapadala ako ng kapahamakan sa sambahayan niya sa panahon ng anak niya.”+
22 Sa loob ng tatlong taon, walang digmaan sa pagitan ng Sirya at Israel. 2 Nang ikatlong taon, pumunta si Haring Jehosapat+ ng Juda sa hari ng Israel.+ 3 At sinabi ng hari ng Israel sa mga lingkod niya: “Alam naman ninyo na ang Ramot-gilead+ ay sa atin. Pero nag-aatubili tayong kunin iyon sa kamay ng hari ng Sirya.” 4 Pagkatapos, sinabi niya kay Jehosapat: “Sasama ka ba sa akin sa paglaban sa Ramot-gilead?” Sinabi ni Jehosapat sa hari ng Israel: “Ikaw at ako ay iisa. Ang bayan mo at ang bayan ko ay iisa rin, pati na ang mga kabayo mo at ang mga kabayo ko.”+
5 Pero sinabi ni Jehosapat sa hari ng Israel: “Pakisuyo, sumangguni ka muna+ kay Jehova.”+ 6 Kaya tinipon ng hari ng Israel ang mga propeta, mga 400 lalaki, at sinabi niya sa kanila: “Makikipaglaban ba ako sa Ramot-gilead o hindi?” Sinabi nila: “Makipaglaban ka, at ibibigay iyon ni Jehova sa kamay ng hari.”
7 Pagkatapos, sinabi ni Jehosapat: “Wala na bang propeta si Jehova rito? Sumangguni rin tayo sa pamamagitan niya.”+ 8 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehosapat: “May isa pa na puwede nating lapitan para makasangguni tayo kay Jehova;+ pero galit ako sa kaniya,+ dahil hindi siya humuhula ng mabubuting bagay tungkol sa akin, kundi laging masasama.+ Siya si Micaias na anak ni Imla.” Pero sinabi ni Jehosapat: “Hindi dapat magsalita ng ganiyan ang hari.”
9 Kaya tinawag ng hari ng Israel ang isang opisyal sa palasyo at sinabi: “Dalhin mo agad dito si Micaias na anak ni Imla.”+ 10 Ang hari ng Israel at si Jehosapat na hari ng Juda ay nakaupo ngayon sa kani-kaniyang trono, suot ang kanilang damit na panghari, sa giikan sa pasukan ng pintuang-daan ng Samaria, at ang lahat ng propeta ay nanghuhula sa harap nila.+ 11 Pagkatapos, si Zedekias na anak ni Kenaana ay gumawa ng mga sungay na bakal at nagsabi: “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Sa pamamagitan ng mga ito ay susuwagin* mo ang mga Siryano hanggang sa malipol sila.’” 12 Ganoon din ang inihuhula ng lahat ng iba pang propeta. Sinasabi nila: “Pumunta ka sa Ramot-gilead at magtatagumpay ka; ibibigay iyon ni Jehova sa kamay ng hari.”
13 Kaya sinabi ng mensaherong isinugo para tawagin si Micaias: “Pabor sa hari ang sinasabi ng lahat ng propeta. Pakisuyo, ganoon din ang sabihin mo, at magsalita ka ng pabor sa hari.”+ 14 Pero sinabi ni Micaias: “Isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova, kung ano ang sabihin ni Jehova sa akin, iyon ang sasabihin ko.” 15 Pagkatapos, pumunta siya sa hari, at tinanong siya ng hari: “Micaias, makikipaglaban ba kami sa Ramot-gilead o hindi?” Agad siyang sumagot: “Makipaglaban ka at magtatagumpay ka; ibibigay iyon ni Jehova sa kamay ng hari.” 16 Sinabi ng hari sa kaniya: “Ilang beses ba kitang panunumpain na katotohanan lang ang sasabihin mo sa akin sa ngalan ni Jehova?” 17 Kaya sinabi niya: “Nakikita ko ang lahat ng Israelita na nagkalat sa mga bundok,+ tulad ng mga tupang walang pastol. Sinabi ni Jehova: ‘Wala silang panginoon. Pabalikin sila nang payapa sa kani-kanilang bahay.’”
18 At sinabi ng hari ng Israel kay Jehosapat: “Hindi ba sinabi ko sa iyo, ‘Hindi siya manghuhula ng mabubuting bagay tungkol sa akin, kundi laging masasama’?”+
19 Pagkatapos, sinabi ni Micaias: “Pakinggan mo ang sinabi ni Jehova: Nakita ko si Jehova na nakaupo sa trono niya+ at ang buong hukbo ng langit na nakatayo sa tabi niya, sa kaniyang kanan at kaliwa.+ 20 Pagkatapos, sinabi ni Jehova, ‘Sino ang lilinlang kay Ahab, para makipaglaban siya at mamatay sa Ramot-gilead?’ Iba-iba ang sinasabi nila. 21 At lumapit ang isang espiritu*+ at tumayo sa harap ni Jehova at nagsabi, ‘Ako ang lilinlang sa kaniya.’ Tinanong ito ni Jehova, ‘Paano mo gagawin iyon?’ 22 Sumagot ito, ‘Pupunta ako roon at maglalagay ako ng kasinungalingan sa bibig ng lahat ng propeta niya.’+ Kaya sinabi niya, ‘Linlangin mo siya, at magtatagumpay ka. Pumunta ka roon at ganoon ang gawin mo.’ 23 At ngayon, hinayaan ni Jehova ang isang espiritu na maglagay ng kasinungalingan sa bibig ng lahat ng propeta mong ito,+ pero sinabi ni Jehova na mapapahamak ka.”+
24 Si Zedekias na anak ni Kenaana ay lumapit ngayon kay Micaias at sinampal niya ito at sinabi: “Saan dumaan ang espiritu ni Jehova mula sa akin para makipag-usap sa iyo?”+ 25 Sumagot si Micaias: “Malalaman mo kung saan kapag pumasok ka na sa kaloob-loobang silid para magtago.” 26 Pagkatapos, sinabi ng hari ng Israel: “Kunin mo si Micaias, at ibigay mo siya kay Amon na pinuno ng lunsod at kay Joas na anak ng hari. 27 Sabihin mo sa kanila, ‘Ito ang sinabi ng hari: “Ikulong ninyo ang taong ito+ at bawasan ninyo ang suplay ng tinapay at tubig na ibibigay ninyo sa kaniya hanggang sa makabalik ako nang payapa.”’” 28 Pero sinabi ni Micaias: “Kung makabalik ka nang payapa, ibig sabihin ay hindi nakipag-usap sa akin si Jehova.”+ Sinabi pa niya: “Kayong lahat, tandaan ninyo ang sinabi ko.”
29 At ang hari ng Israel at si Jehosapat na hari ng Juda ay pumunta sa Ramot-gilead.+ 30 Sinabi ngayon ng hari ng Israel kay Jehosapat: “Magbabalatkayo ako at sasabak sa digmaan, pero isuot mo ang iyong damit na panghari.” Kaya nagbalatkayo ang hari ng Israel+ at sumabak sa digmaan. 31 Iniutos ngayon ng hari ng Sirya sa 32 pinuno ng mga karwahe niya:+ “Wala kayong ibang lalabanan, sundalo man o opisyal, kundi ang hari lang ng Israel.” 32 Nang makita ng mga pinuno ng mga karwahe si Jehosapat, naisip nila: “Siguradong iyon ang hari ng Israel.” Kaya hinabol nila siya; at humingi ng saklolo si Jehosapat. 33 Nang makita ng mga pinuno ng mga karwahe na hindi iyon ang hari ng Israel, agad silang tumigil sa paghabol sa kaniya.
34 Pero isang lalaki ang basta na lang pumana, at tinamaan nito ang hari ng Israel sa pagitan ng mga dugtungan ng kutamaya* niya. Kaya sinabi ng hari sa tagapagpatakbo niya ng karwahe: “Bumalik tayo at ilayo mo ako sa labanan,* dahil nasugatan ako nang malubha.”+ 35 Matindi ang labanan nang araw na iyon, at ang hari ay kinailangang panatilihing nakatayo sa karwahe na nakaharap sa mga Siryano. Tumulo nang tumulo ang dugo niya sa loob ng karwaheng pandigma, at namatay siya nang gabing iyon.+ 36 Sa paglubog ng araw, may sumigaw sa buong kampo: “Bumalik ang bawat isa sa sarili niyang lunsod! Bumalik ang bawat isa sa sarili niyang lupain!”+ 37 Namatay ang hari, at dinala siya sa Samaria; inilibing nila ang hari sa Samaria. 38 Nang hugasan nila ang karwaheng pandigma sa tipunan ng tubig ng Samaria, hinimod ng mga aso ang dugo niya at naligo roon ang mga babaeng bayaran,* gaya ng sinabi ni Jehova.+
39 Ang iba pang nangyari kay Ahab, ang lahat ng ginawa niya at ang bahay* na garing*+ na itinayo niya at ang lahat ng lunsod na itinayo niya, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Israel. 40 Si Ahab ay namatay;*+ at ang anak niyang si Ahazias+ ang naging hari kapalit niya.
41 Si Jehosapat+ na anak ni Asa ay naging hari sa Juda nang ikaapat na taon ni Haring Ahab ng Israel. 42 Si Jehosapat ay 35 taóng gulang nang maging hari, at 25 taon siyang namahala sa Jerusalem. Ang kaniyang ina ay si Azuba na anak ni Silhi. 43 Patuloy niyang tinularan ang halimbawa ng ama niyang si Asa.+ Hindi siya lumihis doon, at ginawa niya ang tama sa paningin ni Jehova.+ Pero hindi naalis ang matataas na lugar, at naghahandog pa rin ang bayan at gumagawa ng haing usok sa matataas na lugar.+ 44 Pinanatili ni Jehosapat ang mapayapang kaugnayan sa hari ng Israel.+ 45 Ang iba pang nangyari kay Jehosapat, ang mga tagumpay niya sa labanan at kung paano siya nakipagdigma, ay nakasulat sa aklat ng kasaysayan ng mga hari ng Juda. 46 Inalis din niya mula sa lupain ang natirang mga lalaking bayaran sa templo+ noong panahon ng ama niyang si Asa.+
47 Walang hari noon sa Edom;+ isang kinatawang opisyal ang namamahala bilang hari.+
48 Gumawa rin si Jehosapat ng mga barkong Tarsis* na pupunta sa Opir para kumuha ng ginto,+ pero hindi nakaalis ang mga barko dahil nawasak ang mga ito sa Ezion-geber.+ 49 Noon sinabi kay Jehosapat ng anak ni Ahab na si Ahazias: “Pasamahin mo ang mga lingkod ko sa mga lingkod mo sa paglalayag,” pero hindi pumayag si Jehosapat.
50 Pagkatapos, si Jehosapat ay namatay*+ at inilibing na kasama ng mga ninuno niya sa Lunsod ni David na kaniyang ninuno; at ang anak niyang si Jehoram+ ang naging hari kapalit niya.
51 Ang anak ni Ahab na si Ahazias+ ay naging hari sa Israel, sa Samaria, nang ika-17 taon ni Haring Jehosapat ng Juda, at namahala siya sa Israel nang dalawang taon. 52 At patuloy niyang ginawa ang masama sa paningin ni Jehova at tinularan niya ang kaniyang ama+ at ina+ at si Jeroboam na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng Israel.+ 53 Patuloy niyang pinaglingkuran si Baal+ at niyukuran ito at patuloy na ginalit si Jehova na Diyos ng Israel,+ gaya ng ginawa ng ama niya.
O “karo.”
O “pinagsalitaan ng masakit; sinaway.”
Lit., “kapag humigang kasama ng mga ama ang.”
Anak ng kabayo at asno.
Lit., “nabiyak.”
O “marangal na.”
O “kikilos ka nang may karunungan.”
Lit., “huwag mong hayaang bumaba nang payapa sa Sheol ang uban niya.” Tingnan sa Glosari, “Sheol.”
Lit., “ibaba mo sa Sheol ang uban niya nang may dugo.” Tingnan sa Glosari, “Sheol.”
Lit., “humigang kasama ng mga ama niya.”
O “dinastiya.”
Lit., “trono.”
O “kunin.”
Lit., “dakilang.”
O posibleng “mahirap pakitunguhan.” Lit., “mabigat.”
Lit., “ng maraming araw.”
Lit., “sa lahat ng araw mo.”
Lit., “pahahabain ko rin ang mga araw mo.”
Lit., “sa dibdib.”
Lit., “natakot.”
Mga nayon kung saan ang mga tao ay nakatira sa mga tolda.
Eufrates.
Tingnan sa Glosari.
Ang isang kor ay 220 L. Tingnan ang Ap. B14.
Isang uri ng ibon.
Kanluran ng Eufrates.
Ang bilang na ito ay makikita sa ilang manuskrito at sa isang kahawig na ulat. Sa ibang manuskrito, ang sinasabing bilang ay 40,000.
O “mangangabayo.”
O “Nagsasalita.”
O “lumilipad na nilalang.”
Posibleng kasama ang mga reptilya at insekto.
Lit., “pinahirang.” Tingnan sa Glosari, “Pahiran.”
Ang isang kor ay 220 L. Tingnan ang Ap. B14.
O “tipan.”
O “tagabuhat.”
Tingnan ang Ap. B15.
Tingnan ang Ap. B8.
Ang isang siko ay 44.5 cm (17.5 in). Tingnan ang Ap. B14.
Lit., “templo ng bahay.”
Sa talatang ito ay tumutukoy sa Banal.
Lit., “kanan.”
Loob ng bahay.
Ang Banal, na nasa harap ng Kabanal-banalan.
Lit., “kahoy ng langis,” posibleng ang pinong Aleppo.
Ang Kabanal-banalan.
Lit., “sa loob at sa labas.”
Tumutukoy sa disenyo ng hamba o sa laki ng mga pinto.
Sa talatang ito ay tumutukoy sa Banal.
Tumutukoy sa disenyo ng hamba o sa laki ng mga pinto.
Tingnan ang Ap. B15.
Tingnan ang Ap. B15.
O “palasyo.”
Ang isang siko ay 44.5 cm (17.5 in). Tingnan ang Ap. B14.
O “may apat na gilid; parihaba.”
O “Beranda.”
O “Beranda.”
O “palasyo.”
Lit., “bahay ng Bulwagan.”
O “bakuran.”
O “bronse,” sa talatang ito at sa kasunod na mga talata sa kabanatang ito.
O “at 12 siko ang sirkumperensiya ng bawat haligi.”
Tingnan sa Glosari.
Isang uri ng bulaklak.
Sa talatang ito ay tumutukoy sa Banal.
O “timugang.”
Ibig sabihin, “Itatag Niya [ni Jehova] Nawa Nang Matibay.”
O “hilagang.”
Posibleng ang ibig sabihin ay “Sa Lakas.”
O “at ang sirkumperensiya nito ay 30 siko.”
Mga 7.4 cm (2.9 in). Tingnan ang Ap. B14.
Ang isang bat ay 22 L (5.81 gal). Tingnan ang Ap. B14.
O “kariton ng tubig.”
Pinakagitnang bahagi ng gulong.
O “apat na siko ang diyametro.”
Lit., “apoy.”
Sa talatang ito ay tumutukoy sa Banal.
O “angkan ng ama.”
Kapistahan ng mga Kubol.
Tingnan ang Ap. B15.
Mahabang kahoy na pambuhat.
Lit., “Ang anak mong lalaki, ang lalabas sa mga balakang mo.”
O “na naglilingkod sa iyo.”
Isang panata na may kasamang sumpa bilang parusa kapag hindi ito totoo o hindi tinupad.
Lit., “sumpang.”
O “ipahayag mong matuwid.”
O “ibinaba.”
O “tipaklong.”
Lit., “sa lupain ng mga pintuang-daan niya.”
O “reputasyon.”
Lit., “unat.”
Malaman ang pangalan ng Diyos at makilala siya.
Lit., “Mabuksan nawa ang mga mata mo.”
O “anuman ang hilingin nila.”
O “hudisyal na pasiya.”
O “inialay.”
O “pasukan ng Hamat.”
Tingnan sa Glosari.
Lit., “ikawalong araw,” ang araw matapos ang ikalawang pitong-araw na yugto.
O “palasyo.”
O “hudisyal na pasiya.”
Lit., “kasabihan.”
O “palasyo.”
Lit., “hindi tama ang mga iyon sa paningin niya.”
O posibleng “Walang-Kuwentang Lupain.”
Ang isang talento ay 34.2 kg. Tingnan ang Ap. B14.
O “palasyo.”
O “Milo.” Salitang Hebreo na nangangahulugang “panambak.”
O “ibinigay niya iyon bilang dote.”
O “Pinatibay.”
Opisyal ng militar.
O “Milo.” Salitang Hebreo na nangangahulugang “panambak.”
O “ng mga palaisipan.”
Lit., “nawalan na siya ng espiritu.”
O “pananalita.”
Ang isang talento ay 34.2 kg. Tingnan ang Ap. B14.
O “palasyo.”
Lit., “ibinigay ayon sa kamay ni Haring Solomon.”
Ang isang siklo ay 11.4 g. Tingnan ang Ap. B14.
Maliit na kalasag na karaniwang dala ng mga mamamanà.
Sa Hebreong Kasulatan, ang isang mina ay 570 g. Tingnan ang Ap. B14.
Sa Ingles, ivory.
Sa Ingles, peacock.
Lit., “humahanap sa mukha ni.”
Anak ng kabayo at asno.
O “mangangabayo.”
O “mangangabayo.”
O posibleng “mula sa Ehipto at mula sa Kue; binibili ng mga mangangalakal ng hari ang mga ito mula sa Kue,” na malamang na tumutukoy sa Cilicia.
O “Huwag kayong kukuha ng asawa sa kanila.”
Lit., “ikikiling nila ang puso ninyo.”
Maaari ding tumukoy sa mga idolo.
Lit., “pupunitin.”
Lit., “Pupunitin.”
Reynang hindi namamahala.
O posibleng “at inawat ito sa pagsuso.”
Lit., “humiga nang kasama ng mga ama niya.”
Lit., “patayin.”
O “Milo.” Salitang Hebreo na nangangahulugang “panambak.”
Lit., “Pupunitin.”
O “hudisyal na pasiya.”
Lit., “humigang kasama ng mga ama niya.”
O “pamatok.”
O “nagpapahirap.”
O “Magiging mas mahigpit ako kaysa sa aking ama.”
Lit., “tolda.”
Lit., “piling.”
O “At pinatibay.”
O “at pinatibay.”
O “batang baka.”
Abo na nahaluan ng nagmantikang taba ng mga handog.
O “naparalisa.”
Lit., “palambutin mo ang mukha ni.”
Lit., “bahay.”
Upuan na ipinapatong sa likod ng hayop para sa sakay nito.
Lit., “Pinupuno niya ang kamay ng.”
Lit., “pinunit.”
Lit., “ang sinumang umiihi sa pader.” Pananalitang Hebreo na ginagamit sa paghamak sa mga lalaki.
Eufrates.
Tingnan sa Glosari.
Lit., “humiga siyang kasama ng mga ama niya.”
Tingnan sa Glosari.
O “palasyo.”
Lit., “mananakbo.”
Lit., “humigang kasama ng mga ama niya.”
Tinatawag ding Abias.
Lit., “humigang kasama ng mga ama niya.”
Ang terminong Hebreo para dito ay puwedeng iugnay sa isang salita para sa “dumi ng hayop” at isang ekspresyon ng paghamak.
Tingnan sa Glosari.
O “muling itinayo.”
O “palasyo.”
O “tipan.”
O “tipan.”
O “pagpapatibay; pagtatayong muli.”
O “muling itayo.”
O “pinatibay; muling itinayo.”
Lit., “humigang kasama ng mga ama niya.”
Lit., “humigang kasama ng mga ama niya.”
Si Nadab, na anak ni Jeroboam.
Lit., “sinumang umiihi sa pader.” Pananalitang Hebreo na ginagamit sa paghamak sa mga lalaki.
O “tagapaghiganti ng dugo.”
O “palasyo.”
Ang isang talento ay 34.2 kg. Tingnan ang Ap. B14.
Ibig sabihin, “Pag-aari ng Angkang Semer.”
Lit., “panginoon.”
Lit., “humigang kasama ng mga ama niya.”
O “templo.”
Tingnan sa Glosari.
Ibig sabihin, “Ang Diyos Ko ay si Jehova.”
Lit., “na sa harap niya ay nakatayo ako.”
O “Wadi.”
O “Wadi.”
O “may-bahay.”
O “Ano ang kinalaman ko sa iyo, . . .?”
O “wadi.”
Anak ng kabayo at asno.
Lit., “na sa harap niya ay nakatayo ako.”
Tingnan sa Glosari.
O “sa dalawang saklay.”
O posibleng “baka naglakbay siya.”
O “at kumikilos pa rin sila na parang mga propeta.”
Ang isang seah ay 7.33 L. Tingnan ang Ap. B14.
O “wadi.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
Tingnan sa Glosari, “Nephesh; Psykhe.”
Lit., “pahiran.”
Lit., “pahiran.”
Lit., “pahiran.”
Ibig sabihin, “Ang Diyos ay Kaligtasan.”
O “inihandog.”
O “kubol.”
O “kubol.”
O “at napakaraming namatay sa mga Siryano.”
Sa susunod na tagsibol.
Lit., “magbilang.”
Tagsibol.
O “ay mga hari na may tapat na pag-ibig.”
O “at makapipili ka ng mga lansangan.”
O “tipang.”
Ang “mga anak ng mga propeta” ay malamang na tumutukoy sa isang grupo ng mga propeta o sa isang samahan na nagsasanay sa mga propeta.
O “pababagsakin.”
Ang isang talento ay 34.2 kg. Tingnan ang Ap. B14.
Lit., “ng espiritu mo.”
Tingnan sa Glosari.
Lit., “ipinagbili mo ang sarili mo para.”
Lit., “ang sinumang umiihi sa pader.” Pananalitang Hebreo na ginagamit sa paghamak sa mga lalaki.
Lit., “ipinagbili ang sarili para.”
Ang terminong Hebreo para dito ay puwedeng iugnay sa isang salita para sa “dumi ng hayop” at isang ekspresyon ng paghamak.
O “itutulak.”
O “anghel.”
Kasuotang pandigma na pamprotekta sa dibdib at likod.
Lit., “kampo.”
O posibleng “hinimod ng mga aso ang dugo niya sa lugar na pinagliliguan ng mga babaeng bayaran.”
O “palasyo.”
Sa Ingles, ivory.
Lit., “humigang kasama ng mga ama niya.”
Tingnan sa Glosari.
Lit., “humigang kasama ng mga ama niya.”