Mga Gawa ng mga Apostol
7 Pero sinabi ng mataas na saserdote: “Totoo ba ang mga ito?” 2 Sumagot si Esteban: “Mga kapatid at mga ama, makinig kayo. Ang maluwalhating Diyos ay nagpakita sa ninuno nating si Abraham habang nasa Mesopotamia siya, bago siya tumira sa Haran,+ 3 at sinabi sa kaniya ng Diyos: ‘Umalis ka sa iyong lupain, iwan mo ang mga kamag-anak mo, at pumunta ka sa lupain na ipapakita ko sa iyo.’+ 4 Kaya umalis siya sa lupain ng mga Caldeo at tumira sa Haran. Pagkamatay ng ama niya,+ pinalipat siya ng Diyos para tumira sa lupaing ito na tinitirhan ninyo ngayon.+ 5 Pero walang ibinigay na mana sa kaniya ang Diyos—wala, kahit sinlaki lang ng talampakan; pero ipinangako ng Diyos na ang lupaing ito ay ibibigay sa kaniya bilang pag-aari, pati na sa mga supling niya,+ kahit wala pa siyang anak nang panahong iyon.+ 6 Sinabi rin sa kaniya ng Diyos na ang mga supling niya ay magiging dayuhan sa ibang bansa, at aalipinin sila roon at pahihirapan* nang 400 taon.+ 7 ‘At hahatulan ko ang bansang iyon na mang-aalipin sa kanila,’+ ang sabi ng Diyos, ‘at pagkatapos nito, lalaya sila at maglilingkod sa akin sa lugar na ito.’+
8 “Nakipagtipan din sa kaniya ang Diyos, at ang tanda ng tipang ito ay pagtutuli.+ Pagkatapos, naging anak niya si Isaac+ at tinuli niya ito nang ikawalong araw,+ at naging anak ni Isaac si Jacob, at naging anak ni Jacob ang 12 ulo ng angkan. 9 At ang mga ulo ng angkan ay nainggit kay Jose+ at ibinenta siya sa Ehipto.+ Pero ang Diyos ay sumakaniya+ 10 at iniligtas siya mula sa lahat ng kaniyang paghihirap+ at tinulungan siyang maging kalugod-lugod at marunong sa harap ng Paraon, na hari ng Ehipto. At inatasan siya nitong mamahala sa Ehipto at sa buong sambahayan nito.+ 11 Pero nagkaroon ng taggutom sa buong Ehipto at Canaan, isa ngang malaking kapighatian, at walang mahanap na pagkain ang mga ninuno natin.+ 12 Pero narinig ni Jacob na may suplay ng pagkain* sa Ehipto, at isinugo niya roon ang mga ninuno natin.+ 13 Nang pumunta sila roon sa ikalawang pagkakataon, nagpakilala si Jose sa mga kapatid niya, at nakilala ng Paraon ang pamilya ni Jose.+ 14 Kaya ipinasundo ni Jose sa Canaan ang ama niyang si Jacob at ang lahat ng kamag-anak niya+—lahat-lahat ay 75.+ 15 At pumunta si Jacob sa Ehipto.+ Doon siya namatay,+ pati ang mga ninuno natin.+ 16 Dinala sila sa Sikem at inilibing sa libingang binili ni Abraham sa mga anak ni Hamor sa Sikem kapalit ng perang pilak.+
17 “Nang malapit nang tuparin ng Diyos ang ipinangako niya kay Abraham, ang ating bayan sa Ehipto ay lumaki, 18 hanggang sa nagkaroon ng bagong hari sa Ehipto, na hindi nakakakilala kay Jose.+ 19 Nagpakana siya ng masama laban sa ating bayan at pinilit ang mga ama na pabayaan* ang mga anak nila para mamatay.+ 20 Nang panahong iyon ay ipinanganak si Moises, at napakaganda ng bata. At inalagaan* siya nang tatlong buwan sa bahay ng ama niya.+ 21 Pero nang mapilitan ang mga magulang niya na pabayaan siya,+ kinuha siya ng anak na babae ng Paraon at pinalaki bilang sarili nitong anak.+ 22 Kaya itinuro kay Moises ang lahat ng karunungan ng mga Ehipsiyo. At kahanga-hanga ang kaniyang pananalita at mga ginagawa.+
23 “Nang 40 taóng gulang na siya, naisip niyang bisitahin ang* mga kapatid niya, ang mga anak ni Israel.+ 24 Nang makita niyang pinagmamalupitan ang isa sa mga kapatid niya, ipinagtanggol niya ito at ipinaghiganti, kaya pinatay niya ang Ehipsiyo.+ 25 Inisip niyang maiintindihan ng mga kapatid niya na ginagamit siya ng Diyos para iligtas sila, pero hindi nila ito naintindihan. 26 Kinabukasan, pinuntahan niya ulit sila, at may nakita siyang nag-aaway. Sinubukan niya silang pagbatiin, at sinabi niya: ‘Magkapatid kayo. Bakit kayo nag-aaway?’+ 27 Pero itinulak siya ng isa na nanakit sa kapuwa nito at sinabi: ‘Sino ang nag-atas sa iyo na maging tagapamahala at hukom namin? 28 Gusto mo ba akong patayin gaya ng ginawa mo sa Ehipsiyo kahapon?’+ 29 Pagkarinig nito, tumakas si Moises at nanirahan bilang dayuhan sa lupain ng Midian, kung saan siya nagkaanak ng dalawang lalaki.+
30 “Pagkalipas ng 40 taon, isang anghel ang nagpakita sa kaniya sa ilang ng Bundok Sinai sa pamamagitan ng apoy sa nagliliyab na matinik na halaman.*+ 31 Nang makita ito ni Moises, namangha siya rito. Pero habang palapit siya para mag-usisa, narinig niya ang tinig ni Jehova: 32 ‘Ako ang Diyos ng iyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac, at Jacob.’+ Nanginig sa takot si Moises, at hindi na siya nag-usisa pa. 33 Sinabi ni Jehova: ‘Hubarin mo ang sandalyas mo, dahil banal ang lupang kinatatayuan mo.+ 34 Nakita ko ang pang-aapi sa bayan ko na nasa Ehipto, at narinig ko ang daing nila,+ at bumaba ako para iligtas sila. Kaya ngayon ay isusugo kita sa Ehipto.’+ 35 Ang Moises na ito, na kanilang itinakwil at sinabihan, ‘Sino ang nag-atas sa iyo na maging tagapamahala at hukom?’+ ang isinugo ng Diyos+ bilang tagapamahala at tagapagligtas; isinugo siya sa pamamagitan ng anghel na nagpakita sa kaniya sa matinik na halaman. 36 Siya ang naglabas sa kanila+ at nagsagawa ng kamangha-manghang mga bagay at mga tanda sa Ehipto+ at sa Dagat na Pula+ at sa ilang sa loob ng 40 taon.+
37 “Siya rin ang Moises na nagsabi sa mga anak ni Israel: ‘Ang Diyos ay pipili mula sa mga kapatid ninyo ng isang propeta na gaya ko.’+ 38 Siya ang kasama ng kongregasyon sa ilang at ang kinausap ng anghel+ sa Bundok Sinai noong kasama niya ang ating mga ninuno, at narinig niya ang buháy na salita ng Diyos,* na ipinaalám naman niya sa atin.+ 39 Pero ayaw siyang sundin ng mga ninuno natin. Itinakwil nila siya,+ at sa puso nila, nangarap silang bumalik sa Ehipto,+ 40 at sinabi nila kay Aaron: ‘Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin. Dahil hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa Moises na iyon, na naglabas sa amin sa lupain ng Ehipto.’+ 41 Kaya gumawa sila noon ng isang guya* at naghandog sa idolo at nagpakasaya dahil sa ginawa ng kamay nila.+ 42 Kaya tinalikuran sila ng Diyos at pinabayaan silang maglingkod* sa hukbo ng langit,+ gaya ng nakasulat sa aklat ng mga Propeta: ‘Hindi kayo sa akin nag-alay ng inyong mga handog at hain sa loob ng 40 taon sa ilang, hindi ba, O sambahayan ng Israel? 43 Kundi dinala ninyo ang tolda ni Moloc+ at ang bituin ng diyos na si Repan, ang mga imaheng ginawa ninyo para sambahin. Kaya itatapon ko kayo sa lugar na mas malayo pa sa Babilonya.’+
44 “Nasa mga ninuno natin ang tolda ng patotoo sa ilang, na iniutos ng Diyos na gawin ni Moises ayon sa parisang nakita niya.+ 45 At naging pag-aari ito ng mga ninuno natin at dinala ito kasama ni Josue sa lupaing pag-aari ng mga bansa,+ na pinalayas ng Diyos sa harap ng mga ninuno natin.+ Nanatili iyon doon hanggang sa panahon ni David. 46 Naging kalugod-lugod siya sa Diyos at hiniling niya ang pribilehiyong gumawa* ng tirahan para sa Diyos ni Jacob.+ 47 Pero si Solomon ang nagtayo ng bahay para sa Kaniya.+ 48 Gayunman, ang Kataas-taasan ay hindi naninirahan sa mga bahay na gawa ng mga kamay,+ gaya ng sinasabi ng propeta: 49 ‘Ang langit ang trono ko,+ at ang lupa ang tuntungan ko.+ Anong bahay ang maitatayo ninyo para sa akin? ang sabi ni Jehova. O saan ako magpapahinga? 50 Kamay ko ang gumawa ng lahat ng bagay na ito, hindi ba?’+
51 “Mga mapagmatigas at di-tuli ang mga puso at tainga,+ lagi ninyong nilalabanan ang banal na espiritu; kung ano ang ginawa ng mga ninuno ninyo, iyon din ang ginagawa ninyo.+ 52 Sino sa mga propeta ang hindi inusig ng mga ninuno ninyo?+ Oo, pinatay nila ang mga patiunang naghayag ng pagdating ng isa na matuwid,+ na pinagtaksilan ninyo ngayon at pinatay,+ 53 kayo na tumanggap ng Kautusan na dinala ng mga anghel+ pero hindi ninyo tinupad.”
54 Pagkarinig nito, galit na galit sila sa kaniya at nagngalit ang mga ngipin nila.+ 55 Pero siya, na puspos ng banal na espiritu, ay tumingin sa langit, at nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos at ni Jesus na nakatayo sa kanan ng Diyos+ 56 at sinabi: “Nakikita ko ngayong bukás ang langit at nakatayo sa kanan ng Diyos ang Anak ng tao.”+ 57 Dahil diyan, sumigaw sila nang napakalakas at tinakpan ang mga tainga nila at sinugod siya. 58 Dinala nila siya sa labas ng lunsod at pinagbabato.+ Inilapag ng mga testigo+ ang balabal nila sa paanan ng lalaking* si Saul.+ 59 Habang binabato nila si Esteban, nagsumamo siya: “Panginoong Jesus, tanggapin mo ang buhay* ko.” 60 Pagkaluhod niya, sumigaw siya: “Jehova, huwag mong singilin sa kanila ang kasalanang ito.”+ Pagkasabi nito, namatay* siya.