Bakit Napakaraming Tao ang Namumuhay sa Takot?
NALULUKUBAN ng takot ang sangkatauhan. Hindi ito nakikita ngunit nadarama at nakaaapekto sa halos lahat bagaman madalas itong hindi mapansin. Ano ang sanhi ng ganitong takot? Ano ang ikinatatakot ng ilang tao kapag lumalabas sila ng bahay? Bakit nadarama ng marami na hindi sila ligtas sa trabaho? Bakit marami ang nababahala sa kaligtasan ng kanilang mga anak? Anu-anong panganib ang kinatatakutan ng mga tao sa sarili nilang tahanan?
Mangyari pa, maraming sanhi ng takot, ngunit isasaalang-alang natin ang apat na panganib na laging nakaaapekto sa mga tao—karahasan sa mga lunsod, seksuwal na panliligalig, panghahalay, at karahasan sa sambahayan. Una, suriin natin ang karahasan sa mga lunsod. Lalo nang napapanahon sa ngayon ang paksang ito sapagkat nakatira ang halos kalahati ng sangkatauhan sa mga lunsod.
Mga Panganib sa Lunsod
Malamang na itinatag ang unang mga lunsod para magbigay ng proteksiyon, ngunit itinuturing ng maraming tao ngayon na mapanganib na dako ang mga lunsod. Kinatatakutan na ngayon ang itinuturing noon na kanlungan. Ang siksikang mga lunsod ay lumilikha ng tamang-tamang kalagayan para sa mga magnanakaw, at sa ilang lunsod, ang mga pamayanang may kakaunting ilaw sa lansangan at kakaunting pulis ay mapanganib pasukin.
Kung minsan ay may sapat na dahilan ang mga tao para matakot; nakatatakot ang dami ng mga taong namamatay sa marahas na paraan. Ayon sa isang ulat ng World Health Organization, 1.6 milyon katao ang namamatay taun-taon dahil sa karahasan sa buong daigdig. Sa Aprika, sa bawat 100,000 katao, tinatayang 60.9 ang namamatay taun-taon sa marahas na paraan.
Maraming tao, lugar, at organisasyon na itinuturing na ligtas noon ay sinasabing banta na ngayon sa kaligtasan. Halimbawa, maraming palaruan, paaralan, at tindahan ang itinuturing na ngayong nakatatakot na mga dakong pinangyayarihan ng maraming krimen. Sa ilang pagkakataon, ang mga lider ng relihiyon, mga nagkakawanggawa, at mga guro—mga taong dapat sanang magbigay ng proteksiyon—ay sumisira sa pagtitiwala sa kanila. Dahil sa mga ulat na nang-aabuso ng bata ang ilan sa kanila, nag-aatubili na ang mga magulang na iwan ang kanilang mga anak sa pangangalaga ng ibang tao. Ang mga pulis ay dapat sanang magbigay ng proteksiyon sa mga tao, subalit nagiging karaniwan na lamang sa ilang lunsod ang katiwalian at pang-aabuso ng mga pulis sa kapangyarihan. Tungkol naman sa mga puwersang “panseguridad,” malinaw pa rin sa isipan ang mga alaala ng gera sibil nang ang mga mahal sa buhay ay dukutin ng militar at maglaho. Kaya naman, sa iba’t ibang bahagi ng daigdig, sa halip na ibsan ang pagkadama ng takot, pinatitindi pa ito ng mga pulis at sundalo.
Ganito ang sabi ng aklat na Citizens of Fear—Urban Violence in Latin America: “Namumuhay sa takot ang mga mamamayan sa mga kabisera sa Latin Amerika, sa gitna ng ilan sa pinakamapanganib na mga kalagayan sa lupa. Sa malaking rehiyong ito, mga 140 libo katao ang namamatay taun-taon sa marahas na paraan, at isa sa tatlong mamamayan ang tuwiran o di-tuwirang nabiktima ng karahasan.” Sa ibang bahagi rin ng lupa, madalas magkaroon ng pulitikal na mga protesta sa mga kabiserang lunsod. Kapag naging marahas ang gayong mga protesta, maraming indibiduwal ang nagsasamantala sa kaguluhan at nagnanakaw sa mga tindahan, kung kaya sinusundan ito ng mas malaking kaguluhan. Ang mga taong nagnenegosyo sa lunsod ay madaling naiipit sa galít na mga pulutong.
Sa maraming bansa, nagkaroon ng napakalaking agwat sa antas ng pamumuhay ng mayayaman at ng mahihirap, na nagbunga ng pagngingitngit ng samâ ng loob. Pulu-pulutong na mga tao na nakadaramang napagkakaitan sila ng pangunahing mga pangangailangan ang nanamsam sa mga pamayanan ng mayayaman. Hindi pa ito nangyayari sa ilang lunsod, ngunit ang kalagayan ay maihahalintulad sa isang bombang de-orasan na tumitiktak at handang sumabog—walang nakaaalam kung kailan.
Waring sapat na ang banta ng mga magnanakaw at rebolusyonaryo para matakot, ngunit may iba pang bagay na kinatatakutan at nagpapatindi sa ganitong pakiramdam.
Ang Nakapangingilabot na Seksuwal na Panliligalig
Para sa milyun-milyong babae, araw-araw na pahirap ang paninipol, mahahalay na kilos, at malalaswang titig. Sinabi ng Asia Week: “Ibinubunyag ng mga surbey na isa sa apat na Haponesa ang seksuwal na sinalakay sa publiko, ang 90% ng insidente ay sa loob ng mga tren. . . . 2% lamang ng mga biktima ang may ginawang hakbang nang mangyari ang pang-aabuso. Binanggit ng karamihan na takot sa nangmolestiya ang pangunahing dahilan ng kanilang pananahimik.”
Biglang tumaas ang bilang ng seksuwal na panliligalig sa India. “Kapag lumalabas ng bahay ang isang babae, natatakot siya,” ang paliwanag ng isang peryodista roon. “Sa bawat hakbang ay napapaharap siya sa mapang-insultong panghihiya at nakaririnig ng malalaswang komento.” Ganito ang ulat mula sa isang lunsod sa India kung saan ipinagmamalaki ng mga naninirahan doon ang medyo ligtas na mga lansangan nila: “Ang suliranin [ng lunsod na ito] ay wala sa mga lansangan kundi nasa mga opisina. . . . 35 porsiyento ng mga babaing tinanong sa surbey ang nagsabing dumanas sila ng seksuwal na panliligalig sa kanilang pinagtatrabahuhan. . . . 52 porsiyento ng mga babae ang nagsabi na dahil sa takot sa seksuwal na panliligalig, pinili nila ang mga trabahong mababa ang suweldo . . . kung saan ang pakikitunguhan [lamang] nila ay kapuwa mga babae.”
Takot sa Panghahalay
Hindi lamang ang pagkawala ng kanilang dignidad ang kinatatakutan ng mga babae. Kasama kung minsan sa seksuwal na panliligalig ang banta ng panghahalay. Mauunawaan naman na mas kinatatakutan ng maraming babae ang krimen na panghahalay kaysa sa pamamaslang. Baka biglang masumpungan na lamang ng babae na nag-iisa siya sa isang lugar kung saan maaari siyang halayin. Baka makita niya ang isang lalaking hindi niya kakilala o hindi niya pinagtitiwalaan. Kumakabog ang kaniyang dibdib habang sinusuri niya ang situwasyon. ‘Ano ang gagawin ng lalaki? Saan ako tatakbo? Sisigaw ba ako?’ Ang ganitong karanasan na madalas mangyari ay unti-unting nakapagpapahina sa kalusugan ng mga babae. Pinipili ng maraming tao na hindi tumira o dumalaw man lamang sa mga lunsod dahil sa gayong mga ikinatatakot.
“Para sa maraming kababaihan, ang takot, kabalisahan, kapighatian ay pawang bahagi ng araw-araw na pamumuhay sa lunsod,” ang sabi ng aklat na The Female Fear. “Ang takot ng kababaihan sa panghahalay ay nagpapadama sa kanila na dapat ay palagi silang maging handa, mapagbantay, at alisto, [isa itong] damdaming nagpapakaba sa isang babae kapag may malapitang sumusunod sa kaniya, lalo na kung gabi. Isa itong . . . pakiramdam na hindi na kailanman lubusang maaalis sa mga babae.”
Nakaaapekto sa maraming babae ang mararahas na krimen. Gayunman, ang takot sa karahasan ay nakaapekto sa halos lahat ng kababaihan. Sinabi ng The State of World Population 2000, isang publikasyon ng United Nations: “Sa palibot ng mundo, di-kukulangin sa isa sa tatlong babae ang nabugbog, pinilit makipagtalik, o inabuso sa paanuman—kadalasan ng isang taong kakilala niya.” Sa lansangan at sa trabaho lamang ba lumalaganap ang pagkatakot? Gaano kapalasak ang nadaramang takot ng mga tao sa sarili nilang tahanan?
Takot sa Karahasan sa Tahanan
Ang palihim na kaugaliang pambubugbog sa mga asawang babae upang mapasunod sa kagustuhan ay malubhang kawalan ng katarungan na nangyayari sa buong daigdig—at kamakailan lamang kinilalang krimen sa maraming dako. Sinabi ng isang ulat sa India na “di-kukulangin sa 45 porsiyento ng mga babae sa India ang sinasampal, tinatadyakan o binubugbog ng kanilang mga asawa.” Malubhang banta sa kalusugan sa buong daigdig ang pang-aabuso ng asawa. Tungkol sa mga babaing nasa pagitan ng edad 15 at 44 sa Estados Unidos, iniulat ng Federal Bureau of Investigation na mas marami ang nasasaktan sa karahasan sa sambahayan kaysa sa pinagsama-samang bilang ng napinsala sa mga aksidente sa sasakyan, pagnanakaw, at panghahalay. Kaya mas malubha ang karahasan sa sambahayan kaysa sa paminsan-minsang pagtatalo na humahantong sa sampalan. Maraming babae ang namumuhay sa takot na masaktan o mapatay sa tahanan. Ipinakikita ng isang pambansang surbey sa Canada na sangkatlo sa mga babaing naging biktima ng karahasan sa sambahayan ang minsan nang nangamba na baka mapatay sila. Sa Estados Unidos, ganito ang konklusyon ng dalawang mananaliksik: “Ang tahanan ang pinakamapanganib na lugar para sa mga babae at ang madalas na pangyarihan ng pagmamalupit at pagpapahirap.”
Bakit maraming kababaihan ang nasasadlak sa ganitong mapanganib na mga ugnayan? Maraming tao ang nagtataka: ‘Bakit hindi sila humingi ng tulong? Bakit hindi sila umalis?’ Ang sagot, sa karamihan ng pagkakataon, ay takot. Ang takot ay tinaguriang ang naiibang katangian ng karahasan sa sambahayan. Karaniwan nang kinokontrol ng mapang-abusong mga lalaki ang kanilang asawa sa pamamagitan ng karahasan at pinatatahimik sila sa pamamagitan ng pagbabanta sa kanilang buhay. Kahit na magkalakas-loob ang binubugbog na asawang babae na humingi ng tulong, maaaring hindi niya ito laging makuha. May tendensiya, maging ang mga taong nasusuklam sa iba pang anyo ng karahasan, na maliitin, hindi pansinin, o ipagmatuwid pa nga ang karahasan ng mga asawang lalaki. Bukod dito, ang mapang-abusong asawang lalaki ay baka waring magiliw sa labas ng kaniyang tahanan. Kadalasang hindi makapaniwala ang mga kaibigan niya na binubugbog niya ang kaniyang asawa. Yamang hindi siya pinaniniwalaan at walang matakbuhan, inaakala ng maraming pinagmamalupitang asawang babae na wala na silang magagawa kundi mamuhay sa takot.
Kung minsan, ang binubugbog na mga babae na hindi umaalis sa kanilang tahanan ay nagiging biktima ng isa pang uri ng panliligalig—sinusundan sila nang palihim. Ipinakikita ng isang pag-aaral kamakailan sa Hilagang Amerika sa mahigit na isang libong kababaihan sa estado ng Louisiana na 15 porsiyento sa kanila ang nag-ulat na sila ay sinundan nang palihim. Isip-isipin na lamang ang takot nila. Ang isang taong nagbabanta sa iyo ay lagi na lamang lumilitaw saan ka man magtungo. Tinatawagan ka niya sa telepono, sinusundan ka, minamanmanan ka, at hinihintay ka. Baka patayin pa nga niya ang alaga mong hayop. Isang kampanya ito ng pananakot!
Baka hindi ka naman biktima ng gayong uri ng pananakot. Ngunit hanggang saan naaapektuhan ng takot ang ginagawa mo araw-araw?
Naapektuhan ba ng Takot ang Ikinikilos Mo?
Yamang namumuhay tayo sa daigdig na nalulukuban ng takot, baka hindi natin mapansin kung gaano karami sa ating mga pasiya sa araw-araw ang kinokontrol ng takot. Gaano kadalas naaapektuhan ng takot ang iyong mga ikinikilos?
Ikaw ba o ang iyong pamilya ay umiiwas na umuwi nang nag-iisa sa gabi dahil sa takot sa karahasan? Naapektuhan ba ng takot ang iyong pagbibiyahe sa pampublikong sasakyan? Naapektuhan ba ng mga panganib sa paglalakbay ang uri ng trabahong pinasukan mo? Ang takot ba sa mga katrabaho o sa mga taong kailangan mong pakitunguhan ay nakaapekto sa uri ng trabahong pinili mo? Naaapektuhan ba ng takot ang iyong pakikisalamuha sa iba o ang pagpili mo ng libangan? Nahadlangan ka na bang magtungo sa ilang palaro o manood ng konsyerto dahil sa takot na makasama ng magugulong lasenggo at pulutong? Naapektuhan ba ng takot ang ginagawa mo sa paaralan? Para sa maraming magulang, ang takot na maging delingkuwente ang kanilang mga anak ay isang salik na nakaiimpluwensiya sa pagpili nila ng mga paaralan, at tiyak na takot ang dahilan kung bakit marami sa kanila ang nagpapasiyang sunduin ang kanilang mga anak na maaari naman sanang maglakad pauwi o sumakay ng pampublikong sasakyan.
Oo, nalulukuban ng takot ang sangkatauhan. Subalit halos kakambal na ng kasaysayan ng sangkatauhan ang takot sa karahasan. Talaga bang makaaasa tayo ng iba pang kalagayan? Panaginip lamang ba ang pagkawala ng takot? O may matibay na dahilan para umasa sa hinaharap kung kailan wala nang katatakutang masama ang sinuman?