KABANATA 10
Ang Katotohanan Tungkol sa mga Anghel
1. Bakit mahalagang makilala natin ang mga anghel?
GUSTO ni Jehova na makilala natin ang pamilya niya. Ang mga anghel ay bahagi ng pamilya ng Diyos. Tinatawag sila sa Bibliya na mga “anak ng Diyos.” (Job 38:7) Ano ang ginagawa ng mga anghel? Paano nila tinulungan ang mga tao noon? Matutulungan din kaya nila tayo ngayon?—Tingnan ang Karagdagang Impormasyon 8.
2. Saan nagmula ang mga anghel? Gaano sila karami?
2 Kailangan nating malaman kung saan nagmula ang mga anghel. Ayon sa Colosas 1:16, pagkatapos likhain ni Jehova si Jesus, “nilalang ang lahat ng iba pang bagay sa langit at sa lupa.” Kasama diyan ang mga anghel. Gaano sila karami? Sinasabi ng Bibliya na may daan-daang milyong anghel.—Awit 103:20; Apocalipsis 5:11.
3. Ano ang sinasabi sa atin ng Job 38:4-7 tungkol sa mga anghel?
3 Itinuturo din ng Bibliya na ginawa ni Jehova ang mga anghel bago ang lupa. Ano ang naramdaman nila nang makita nila ang lupa? Sinasabi ng aklat ng Job na napakasaya nila. Isang pamilya sila na sama-samang naglilingkod kay Jehova.—Job 38:4-7.
TINUTULUNGAN NG MGA ANGHEL ANG MGA LINGKOD NG DIYOS
4. Paano natin nalaman na interesado ang mga anghel sa mga tao?
4 Matagal nang interesado ang mga anghel sa mga tao at sa layunin ni Jehova para sa lupa at sa tao. (Kawikaan 8:30, 31; 1 Pedro 1:11, 12) Siguradong nalungkot sila nang magrebelde sina Adan at Eva. At siguradong mas malungkot sila ngayon dahil karamihan ng tao ay sumusuway kay Jehova. Pero kapag may isang nagsisi at nanumbalik sa Diyos, masayang-masaya ang mga anghel. (Lucas 15:10) Interesadong-interesado ang mga anghel sa mga naglilingkod sa Diyos. Ginagamit ni Jehova ang mga anghel para tulungan at protektahan ang mga lingkod niya sa lupa. (Hebreo 1:7, 14) Tingnan natin ang ilang halimbawa.
5. Paano tinulungan ng mga anghel ang mga lingkod ng Diyos noon?
5 Nagpadala si Jehova ng dalawang anghel para tulungan si Lot at ang pamilya nito na makatakas nang wasakin ang mga lunsod ng Sodoma at Gomorra. (Genesis 19:15, 16) Pagkalipas ng daan-daang taon, itinapon si propeta Daniel sa yungib ng mga leon, pero hindi siya nasaktan, dahil “isinugo ng . . . Diyos ang anghel niya at itinikom ang bibig ng mga leon.” (Daniel 6:22) Nang mabilanggo naman si apostol Pedro, nagsugo si Jehova ng isang anghel para palayain siya. (Gawa 12:6-11) Tinulungan din ng mga anghel si Jesus noong nasa lupa siya. Halimbawa, matapos siyang bautismuhan, ‘pinaglingkuran siya ng mga anghel.’ (Marcos 1:13) Bago patayin si Jesus, “pinalakas siya” ng isang anghel.—Lucas 22:43.
6. (a) Paano natin nalaman na tinutulungan ng mga anghel ang mga lingkod ng Diyos sa ngayon? (b) Anong mga tanong ang sasagutin natin?
6 Sa ngayon, hindi na nagpapakita ang mga anghel sa tao. Pero ginagamit pa rin ng Diyos ang mga anghel para tulungan ang mga lingkod niya. Sinasabi ng Bibliya: “Ang anghel ni Jehova ay nagkakampo sa palibot ng mga natatakot sa Kaniya, at inililigtas niya sila.” (Awit 34:7) Bakit natin kailangan ng proteksiyon? Dahil mayroon tayong makapangyarihang mga kaaway na gustong manakit sa atin. Sino sila? Saan sila galing? Ano ang ginagawa nila para saktan tayo? Para masagot ang mga tanong na iyan, alamin natin ang nangyari di-nagtagal pagkatapos lalangin sina Adan at Eva.
ANG ATING DI-NAKIKITANG MGA KAAWAY
7. Bakit dinadaya ni Satanas ang mga tao?
7 Natutuhan natin sa Kabanata 3 na may anghel na nagrebelde sa Diyos at gusto niyang mamahala sa iba. Tinatawag siya ng Bibliya na Satanas na Diyablo. (Apocalipsis 12:9) Gusto rin ni Satanas na magrebelde sa Diyos ang iba. Nadaya niya si Eva, at mula noon, nadaya na rin niya ang karamihan ng tao. Pero may mga nanatiling tapat kay Jehova, gaya nina Abel, Enoc, at Noe.—Hebreo 11:4, 5, 7.
8. (a) Paano naging demonyo ang ilang anghel? (b) Ano ang ginawa ng mga demonyo para makaligtas sa Baha?
8 Noong panahon ni Noe, may mga anghel na nagrebelde at iniwan ang tirahan nila sa langit at nagkatawang-tao sa lupa. Bakit? Sinasabi sa atin ng Bibliya na gusto nilang magkaroon ng asawa. (Basahin ang Genesis 6:2.) Pero hindi tamang mag-asawa ang mga anghel. (Judas 6) Gaya ng masasamang anghel na iyon, naging masama rin at marahas ang karamihan ng tao noon. Kaya pinuksa ni Jehova ang masasamang taong iyon sa pamamagitan ng baha sa buong lupa. Pero iniligtas niya ang tapat na mga lingkod niya. (Genesis 7:17, 23) Para makaligtas, bumalik sa langit ang masasamang anghel. Sa Bibliya, tinatawag silang mga demonyo. Kumampi sila kay Satanas, kaya naging tagapamahala nila ang Diyablo.—Mateo 9:34.
9. (a) Ano ang nangyari sa mga demonyo nang bumalik sila sa langit? (b) Ano pa ang aalamin natin?
9 Dahil sa pagrerebelde ng mga demonyo, hindi na sila tinanggap ni Jehova sa pamilya niya. (2 Pedro 2:4) Hindi na nila kayang magkatawang-tao, pero patuloy pa rin nilang ‘inililigaw ang buong mundo.’ (Apocalipsis 12:9; 1 Juan 5:19) Alamin natin kung paano nila nadaya ang napakaraming tao.—Basahin ang 2 Corinto 2:11.
KUNG PAANO DINADAYA NG MGA DEMONYO ANG MGA TAO
10. Paano dinadaya ng mga demonyo ang mga tao?
10 Maraming paraan ang mga demonyo para dayain ang mga tao. Kapag gustong makausap ng mga tao ang mga demonyo, ginagawa nila ito nang direkta o sa tulong ng isang tao, gaya ng albularyo o espiritista. Ang tawag dito ay demonismo o espiritismo. Pero inuutusan tayo ng Bibliya na layuan ang anumang bagay na may kaugnayan sa mga demonyo. (Galacia 5:19-21) Bakit? Gaya ng isang mangangaso na gumagamit ng bitag para makahuli ng hayop, gumagamit din ang mga demonyo ng pandaraya para mabitag at makontrol ang mga tao.—Tingnan ang Karagdagang Impormasyon 26.
11. Ano ang panghuhula, at bakit dapat itong iwasan?
11 Ang isa sa mga ginagamit nila para dayain ang tao ay ang panghuhula. Ito ay ang paggamit ng mahiwagang kapangyarihan para alamin ang mangyayari sa hinaharap o ang mga bagay na hindi pa alam. Nanghuhula ang iba sa pamamagitan ng pagtingin sa mga bituin, paghahanap ng mga tanda, pagbabasa ng barahang tarot, paggamit ng bolang kristal, o pagbabasa ng palad ng isang tao. Iniisip ng marami na wala namang masama sa mga ito, pero hindi totoo iyan. Napakadelikado ng mga ito. Halimbawa, ipinapakita ng Bibliya na magkasabuwat ang mga demonyo at ang mga manghuhula. Sa Gawa 16:16-18, mababasa natin ang tungkol sa “isang demonyo ng panghuhula” na tumutulong sa isang batang babae sa “panghuhula.” Nang palayasin ni apostol Pablo ang demonyo, hindi na nakapanghula ang batang babae.
12. (a) Bakit mapanganib na subukang makipag-usap sa mga patay? (b) Bakit hindi nakikisali ang mga lingkod ng Diyos sa mga kaugaliang may kaugnayan sa mga demonyo?
12 May isa pang ginagamit ang mga demonyo para dayain ang mga tao. Gusto nilang maniwala tayo na puwedeng makausap ang mga patay at na nabubuhay pa rin sila sa ibang lugar at puwede nila tayong makausap o saktan. Halimbawa, baka pumunta ang isang namatayan ng kaibigan o kamag-anak sa isang espiritista na nagsasabing kaya nitong makausap ang namatay. Baka magsabi ang espiritista ng isang detalye tungkol sa namatay na kaibigan o kamag-anak at baka gayahin pa nga niya ang boses ng namatay. (1 Samuel 28:3-19) Maraming kaugalian sa burol at libing ang nakabase rin sa paniniwalang nabubuhay sa ibang lugar ang mga namatay. Posibleng kasama rito ang mga pagdiriwang pagkatapos ng libing, babang-luksa, anibersaryo ng kamatayan, paghahain para sa namatay, o ilang ritwal sa burol. Kapag tumanggi ang mga Kristiyano na makisali sa mga kaugaliang ito, baka magalit ang mga kapamilya o kapitbahay nila, insultuhin sila, o iwasan pa nga. Pero alam ng mga Kristiyano na hindi nabubuhay sa ibang lugar ang mga patay. Imposible silang makausap, at hindi nila tayo kayang saktan. (Awit 115:17) Pero dapat mag-ingat. Huwag na huwag susubukang makipag-usap sa mga patay o sa mga demonyo, at huwag na huwag makikisali sa mga kaugaliang may kaugnayan sa mga demonyo.—Basahin ang Deuteronomio 18:10, 11; Isaias 8:19.
13. Ano ang nagawa ng maraming dating takót sa mga demonyo?
13 Hindi lang nandaraya ang mga demonyo; tinatakot din nila ang mga tao. Sa ngayon, alam ni Satanas at ng mga demonyo na “kaunti na lang ang panahong natitira” sa kanila bago sila alisin ng Diyos sa lupa, kaya naman mas marahas at agresibo sila. (Apocalipsis 12:12, 17) Pero libo-libong tao na dating takót sa mga demonyo ang hindi na natatakot sa kanila. Paano nila nagawa iyon?
MAKIPAGLABAN AT MAGING MALAYA SA MGA DEMONYO
14. Gaya ng mga Kristiyano noong unang siglo, paano tayo makakalaya sa mga demonyo?
14 Sinasabi sa atin ng Bibliya kung paano lalabanan ang mga demonyo at kung paano magiging malaya sa kanila. Halimbawa, may mga taga-Efeso na nakikipag-usap sa mga demonyo bago nila nalaman ang katotohanan. Paano sila nakalaya? Sinasabi ng Bibliya: “Tinipon ng marami sa mga nagsasagawa ng mahika ang mga aklat nila at sinunog ang mga iyon sa harap ng lahat.” (Gawa 19:19) Dahil gusto nilang maging Kristiyano, sinira nila ang lahat ng aklat nila tungkol sa mahika. Sa ngayon, kailangan ding itapon ng lahat ng gustong maglingkod kay Jehova ang mga gamit nila na may kaugnayan sa mga demonyo. Kasama rito ang mga aklat, magasin, horoscope, pelikula, musika, laro, at kahit mga poster na nagpapakitang nakakatuwa o walang masama sa mahika, mga demonyo, o mga kababalaghan. Kasama rin diyan ang mga bagay na isinusuot ng mga tao para ilayo sila sa masama, gaya ng mga anting-anting o pampasuwerte.—1 Corinto 10:21.
15. Ano pa ang kailangan nating gawin para malabanan si Satanas at ang mga demonyo?
15 Ilang taon matapos sirain ng mga taga-Efeso ang mga aklat nila tungkol sa mahika, sumulat si apostol Pablo na kailangan pa rin nilang ‘makipaglaban sa hukbo ng napakasasamang espiritu.’ (Efeso 6:12) Oo, kahit sinunog na nila ang mga aklat nila, gusto pa rin silang saktan ng mga demonyo. Kaya ano pa ang kailangan nilang gawin? Sinabi ni Pablo: “Kunin . . . ninyo ang malaking kalasag ng pananampalataya, na magagamit ninyo bilang panangga sa lahat ng nagliliyab na palaso ng isa na masama.” (Efeso 6:16) Pinoprotektahan ng kalasag ang isang sundalo sa labanan, kaya mapoprotektahan din tayo ng pananampalataya natin. Kung buo ang tiwala natin na mapoprotektahan tayo ni Jehova, malalabanan natin si Satanas at ang mga demonyo.—Mateo 17:20.
16. Paano pa natin mapapatibay ang pananampalataya natin kay Jehova?
16 Paano pa natin mapapatibay ang pananampalataya natin kay Jehova? Kailangan nating basahin ang Bibliya araw-araw at magtiwalang poprotektahan tayo ni Jehova. Kung matibay ang tiwala natin kay Jehova, hindi tayo masasaktan ni Satanas at ng mga demonyo.—1 Juan 5:5.
17. Ano pa ang puwede nating maging proteksiyon mula sa mga demonyo?
17 Ano pa ang kailangang gawin ng mga Kristiyano sa Efeso? Punô ng demonismo ang lunsod nila. Kaya sinabi ni Pablo sa kanila: “Patuloy kayong manalangin sa bawat pagkakataon.” (Efeso 6:18) Kailangan nilang hingin palagi ang proteksiyon ni Jehova. Kumusta naman tayo? Nabubuhay rin tayo sa mundong punô ng demonismo. Kaya kailangan din nating hingin ang proteksiyon ni Jehova at gamitin ang pangalan niya sa panalangin. (Basahin ang Kawikaan 18:10.) Kung patuloy nating hihilingin kay Jehova na ingatan tayo mula kay Satanas, sasagutin ni Jehova ang panalangin natin.—Awit 145:19; Mateo 6:13.
18, 19. (a) Paano natin matatalo si Satanas at ang mga demonyo? (b) Anong tanong ang sasagutin sa susunod na kabanata?
18 Kung aalisin natin sa buhay natin ang lahat ng bagay na may kaugnayan sa demonismo at magtitiwalang poprotektahan tayo ni Jehova, malalabanan natin si Satanas at ang mga demonyo. Hindi tayo dapat matakot sa kanila. (Basahin ang Santiago 4:7, 8.) Mas makapangyarihan si Jehova kaysa sa mga demonyo. Pinarusahan niya sila noong panahon ni Noe, at pupuksain niya sila sa hinaharap. (Judas 6) Tandaan na hindi tayo nag-iisa sa ating pakikipaglaban. Ginagamit ni Jehova ang mga anghel niya para protektahan tayo. (2 Hari 6:15-17) Makapagtitiwala tayo na sa tulong ni Jehova, matatalo natin si Satanas at ang mga demonyo.—1 Pedro 5:6, 7; 2 Pedro 2:9.
19 Pero kung si Satanas at ang mga demonyo ang dahilan ng maraming pagdurusa, bakit hindi pa sila pinupuksa ng Diyos? Sasagutin iyan sa susunod na kabanata.