TANSO, BRONSE
Ang tanso (sa Heb., nechoʹsheth; sa Gr., khal·kosʹ; sa Ingles, copper) ay isang malambot na metal na madaling pukpukin at hubugin sa iba’t ibang hugis. Walang katibayan na ang sinaunang mga tao ay may lihim na paraan para mapatigas ang taganas na tanso sa pamamagitan ng pagsusubó, ngunit alam nila kung paano patigasin ang talim ng mga kasangkapan sa pamamagitan ng pagpukpok dito kahit hindi ito pinainit. Lalong tumitigas ang tanso kapag hinaluan ng ibang metal. Ang isa sa mga haluang metal ay ang bronse. Ito’y tanso na may halong lata [tin] (ang mga sinaunang tuklas ay naglalaman ng 2 hanggang 18 porsiyentong lata). Gumamit din ang sinaunang mga tao ng brass, na pinaghalong tanso at zinc, bagaman ang mga pamamaraan ng paggawa nila nito ay naiiba sa mga pamamaraan sa ngayon. Ayon sa pagkakagamit sa King James Version, saklaw ng lumang katuturan ng “brass” ang anumang uri ng haluang tanso.
Ang salitang Hebreo na chash·man·nimʹ, na isinalin bilang “mga bagay na yaring-bronse” (NW) at “bronse” (RS), ay minsan lamang matatagpuan sa Bibliya. (Aw 68:31) Di-matiyak ang kahulugan ng salitang Hebreong ito at isinalin ito sa iba’t ibang paraan bilang “mga embahador” (JB, La), “mga sugo” (NIV), “mga taong mahal” (tal 32, JP), “mga pangulo” (AS), “mga prinsipe” (KJ), at “tributo” (NE).
Kaunti lamang ang mga deposito ng purong tanso. Ang mga inambatong binubuo ng mga oxide, mga carbonate, o mga sulfide ay kailangang tunawin upang makuha ang metalikong tanso. May natuklasang mga minahan ng tanso sa Wadi Arabah, ang tigang na bahagi ng Rift Valley na bumabagtas patungong T mula sa Dagat na Patay hanggang sa Gulpo ng ʽAqaba sa silanganing bukana ng Dagat na Pula. (Job 28:2-4) May mga deposito ng tanso sa mga bundok ng Lupang Pangako. (Deu 8:9) Naghulma si Solomon ng mga kagamitang tanso malapit sa Sucot. (1Ha 7:14-46; 2Cr 4:1-18) Maraming tanso ang nasumpungan sa Ciprus. Binanggit din ng Bibliya na ang Javan, Tubal, at Mesec ay mga pinagkukunan ng tanso.—Eze 27:13.
Iba’t iba ang pinaggagamitan sa purong tanso at sa mga metal na hinaluan nito. Yamang isa ito sa pinakamatatandang metal na kilala, iniulat na bago pa ang Baha noong panahon ni Noe ay nagpapanday na si Tubal-cain ng mga kasangkapang yari sa tanso. (Gen 4:22) Ang ilan sa mga kagamitan sa bahay at sa santuwaryo ay mga kaldero, mga palanggana, mga kawali, mga pala, at mga tinidor. (Exo 38:3; Lev 6:28; Jer 52:18) Ginamit ang tanso para sa mga pinto, mga pintuang-daan, mga haligi, at mga panugtog (2Ha 25:13; 1Cr 15:19; Aw 107:16; Isa 45:2); mga baluti, mga kalasag, mga sandata, at mga pangaw (1Sa 17:5, 6, 38; 2Sa 22:35; 2Ha 25:7; 2Cr 12:10). Ginamit ang metal na ito sa paggawa ng mga idolo. (Apo 9:20) Noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa, ginagamit ang mga baryang tanso. (Mat 10:9) Tinutukoy rin ng Kasulatan ang tanso sa makalarawan o makasagisag na diwa.—Lev 26:19; Job 6:12; Isa 48:4; 60:17; Jer 1:18; Eze 1:7; Dan 2:32; Apo 1:15; 2:18.
Sa 1 Corinto 13:1, ang salitang Griego na khal·kosʹ ay isinalin bilang “piraso ng tanso” at maaaring tumutukoy sa isang gong.
Tingnan din ang BINUBONG DAGAT; MINA, PAGMIMINA; PAGDADALISAY, TAGAPAGDALISAY; PLATERO.