Sila’y Tumugon Nang Buong-Puso sa Pag-ibig ng Diyos
“Oh purihin ng mga tao si Jehova dahil sa kaniyang kagandahang-loob at dahil sa kaniyang kagila-gilalas na mga gawa sa mga anak ng mga tao.”—AWIT 107:8.
1. Papaano idiniriin ni apostol Juan ang katangian ng pag-ibig sa kaniyang unang liham?
“ANG Diyos ay pag-ibig.” Lubhang makahulugan ang mga salitang iyan! Hindi nga katakataka na nadama ni apostol Juan na kailangang ulitin iyan sa kaniyang unang liham. (1 Juan 4:8, 16) Ang Diyos na Jehova ay hindi lamang pag-ibig kundi siya rin ay sagisag, o uliran, ng pag-ibig.
2. Sa anu-anong paraan ipinakita ng Diyos ang pag-ibig sa pagkalalang sa lalaki at sa babae at sa paglalaan para sa kanila?
2 Pag-isipan ang pag-ibig na ipinakita ng Diyos ayon sa paraan ng kaniyang pagkalalang sa atin. Angkup na angkop nga ang mapagpahalagang mga salita ni David. Bilang isang kinasihang salmista, sinabi niya: “Pupurihin kita sapagkat kagila-gilalas ang pagkagawa sa akin sa kakila-kilabot na paraan.” (Awit 139:14) Upang tayo’y makapamuhay nang malusog at maligaya, pinapangyari ng Diyos na tayo’y makadama ng walang katapusang mga kaluguran sa pamamagitan ng ating limang pandamdam—paningin, pandinig, panlasa, pang-amoy, at pandama. Anong daming kagandahan ang ating nakikita sa mga paglalang na nakapalibot sa atin! Kagila-gilalas nga ang marami at sarisaring pananim at mga hayop, huwag nang sabihin pa ang kagandahan ng mga anyo at sangkap ng tao! Ang Diyos ay naglagay rin ng napakaraming kasiya-siyang prutas, gulay, at iba pang mga pagkain na maaari nating makuha. (Awit 104: 13-16) Sa mabuting kadahilanan, ipinaalaala ni apostol Pablo sa mga tao sa sinaunang Lystra na ang Diyos ay “gumawa ng mabuti, na nagbibigay sa inyo ng ulan buhat sa langit at ng mabungang mga panahon, pinupuno ang inyong mga puso ng saganang pagkain at kagalakan.”—Gawa 14:17.
3. Anong kamangha-manghang mga katangian ang isinangkap sa atin ng Diyos?
3 Isipin din ang lahat ng mga pagpapalang may kaugnayan sa maligayang buhay pampamilya. Higit sa riyan, bulay-bulayin ang lahat ng mga kaluguran na maaari nating tamasahin dahilan sa isinangkap sa atin na pag-iisip at damdamin: guniguni, pangangatuwiran, memorya, budhi, at lalo na ang kakayahan na sumamba—na pawang naglalagay sa atin sa kalagayang lubhang mataas kaysa mga hayop; hindi rin natin dapat kaligtaan ang mga kasiyahan na naibibigay sa atin ng musika. Ito at ang marami pang ibang kaloob ay katunayan ng pag-ibig ng Diyos sa atin.
4. Anong katunayan ng pag-ibig ng Diyos ang naranasan ng mga tao magbuhat pa sa pagsalansang ng kanilang unang mga magulang?
4 Walang alinlangan na si Adan at si Eva ay nagtamasa ng maraming kaluguran sa kanilang sakdal na kalagayan sa halamanan ng Eden. (Genesis 2:7-9, 22, 23) Subalit nang sila’y mabigo ng pagtugon nang buong-puso sa lahat ng katunayan ng pag-ibig ng Diyos na kanilang tinatamasa, ang lahi ba ng sangkatauhan ay itinakwil ng Diyos? Hindi nga! Siya’y agad gumawa ng paglalaan na maituwid ang lahat ng kamaliang bunga ng pagsalansang ng ating unang mga magulang. (Genesis 3:15) Si Jehova ay nagpakita rin ng pag-ibig sa pamamagitan ng pagiging matiisin sa di-sakdal na mga supling ni Adan. (Roma 5:12) Hanggang kailan? Aba, sa loob ng mga 6,000 taon hanggang ngayon! Ang Diyos ay lalo nang nakitaan ng pag-ibig sa pakikitungo sa kaniyang mga lingkod. Totoo ang mga salitang: “Si Jehova, si Jehova, isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-awa at katotohanan, na nagpapakita ng maibiging-awa sa libu-libo, nagpapatawad sa kamalian at pagsalansang at kasalanan.”—Exodo 34:6, 7.
5. Papaano nagpakita si Jehova ng maibiging pagtitiis sa pakikitungo sa bansang Israel?
5 Oo, dakila nga ang pagtitiis na ipinakita ng Diyos na Jehova sa kaniyang mga pakikitungo sa mga Israelita mula pa nang panahon na kaniyang mabuo sila bilang isang bansa sa paanan ng Bundok Sinai hanggang dahil sa kanilang pagsuway ay napilitan siyang lubusang itakwil sila. Gaya ng mababasa natin sa 2 Cronica 36:15, 16: “Si Jehova na Diyos ng kanilang mga ninuno ay patuloy na nagsugo laban sa kanila sa pamamagitan ng kaniyang mga mensahero, anupa’t paulit-ulit na nagsugo, sapagkat siya’y nahabag sa kaniyang bayan at sa kaniyang tahanang-dako. Ngunit kanilang patuloy na tinutuya ang mga mensahero ng tunay na Diyos at hinahamak ang kaniyang mga propeta, hanggang sa ang poot ni Jehova ay sumiklab laban sa kaniyang bayan, hanggang sa wala nang kagamutan.” Ngunit may mga nagsitugon nang buong-puso sa pag-ibig ng Diyos na Jehova. Upang makita kung papaano nila ginawa iyon, suriin natin ngayon ang buhay ng ilan sa mga indibiduwal na ito. Ito’y maglalatag ng saligan upang ipakita kung papaano naman tayo maaaring tumugon sa pag-ibig ni Jehova sa lubhang praktikal na mga paraan.
Kung Papaano Tumugon si Moises Nang Buong Puso
6. Sa anu-anong paraan isang natatanging halimbawa si Moises, at sa anong mga tungkulin naranasan niya ang pag-ibig ng Diyos?
6 Si Moises ay isang natatanging halimbawa ng isang taong tumugon nang buong-puso sa pag-ibig ng Diyos. Anong daming pagkakataon ang napaharap kay Moises bilang ang inampong anak ng anak na babae ni Faraon! Ngunit ang kaniyang pinili ay “tampalasanin na kasama ng bayan ng Diyos kaysa magtamo ng pansamantalang kaligayahan sa pagkakasala, sapagkat ang kadustaan ng Kristo ay kaniyang inaring mga kayamanan na nakahihigit kaysa mga kayamanan ng Ehipto.” (Hebreo 11:25, 26) Minsan, nais ni Moises na ang kaniyang mga kapatid, ang mga Israelita, ay mapalaya buhat sa pagkaalipin sa mga Ehipsiyo. Ngunit hindi nila pinahalagahan ang kaniyang mga pagsisikap, ni iyon man ay takdang panahon ng Diyos para sila lumaya. (Gawa 7:23-29) Gayunman, makalipas ang mga dekada, dahilan sa pananampalataya at buong-pusong paghahangad ni Moises na tulungan ang kaniyang mga kapatid, siya’y binigyan ni Jehova ng kapangyarihang gumawa ng maraming himala at maglingkod sa mga Israelita ng mga 40 taon bilang Kaniyang propeta, hukom, tagapagbigay-batas, at tagapamagitan. Sa mga tungkuling ito, si Moises ay dumanas ng maraming pagkakataon ng pagpapakita ni Jehova ng pag-ibig sa kaniya at sa kaniyang kapuwa mga Israelita.
7. Papaano tumugon si Moises sa ipinakita ng Diyos na pag-ibig?
7 Papaano tumugon si Moises sa pag-ibig at di-sana-nararapat na awa ng Diyos? Kaniya bang ‘tinanggap ang di-sana-nararapat na awa ni Jehova at sinayang iyon? (2 Corinto 6:1) Hindi nga! Si Moises ay buong-pusong tumugon sa ipinakita ni Jehovang pag-ibig sa kaniya sa pamamagitan ng pagiging lubusang nakatalaga sa Diyos. Siya’y kay Jehova nakatingin sa lahat ng panahon at nagkaroon ng isang matalik na kaugnayan sa kaniyang Maylalang. Lubhang dakilang mga pangungusap ang ikinapit ng Diyos kay Moises nang pinagwiwikaan Niya si Aaron at si Miriam dahil sa pamimintas sa kanilang kapatid! Oo, si Jehova ay nagsalita ng “bibig sa bibig” kay Moises at pinayagan siya na makita “ang anyo ni Jehova.” (Bilang 12:6-8) Sa kabila ng pagkakaroon ni Moises ng maraming pribilehiyo, siya’y patuloy na naging ang pinakamaamo sa mga tao at ang mga utos ni Jehova ay kaniyang isinagawa “nang ganoong-ganoon.”—Exodo 40:16; Bilang 12:3.
8. Papaano ipinakita ni Moises na siya’y tunay na nakatalaga sa Diyos?
8 Ipinakita rin ni Moises na siya’y buong-pusong nakatalaga sa Diyos sa pamamagitan ng pagkabahalang kaniyang ipinakita sa pangalan, karangalan ni Jehova at sa dalisay na pagsamba sa kaniya. Sa gayon, sa dalawang pagkakataon ay nagtagumpay si Moises ng pagmamakaawa kay Jehova na kaawaan ang Israel dahil sa nasasangkot ang pangalan ng Diyos. (Exodo 32:11-14; Bilang 14:13-19) Nang ang mga Israelita ay mapasangkot sa idolatrosong pagsamba sa baka, si Moises ay nagpakita ng sigasig ukol sa dalisay na pagsamba sa pamamagitan ng pagsasabi nang malakas: “Sino ang nasa panig ni Jehova? Sa akin!” Pagkatapos, pinaslang ni Moises at ng mga kasama niya ang 3,000 sa mga mananamba sa idolo. Nang magkagayon, sa loob ng 40 taon kaniyang pinagtiisan ang isang mareklamo at mapaghimagsik na bayan. Tiyak nga na walang-pag-aalinlangang tumugon si Moises nang buong-puso sa ipinakita ng Diyos na pag-ibig, nagbibigay ng mainam na halimbawa para sa atin ngayon.—Exodo 32:26-28; Deuteronomio 34:7, 10-12.
Ang Mainam na Pagtugon ni David
9. (a) Papaano tumugon si David sa pag-ibig ng Diyos na Jehova? (b) Tulad ni David, papaano natin mapararangalan si Jehova ng ating kayamanan?
9 Ang isa pang litaw na tauhan ng Bibliya na nagpakita ng isang mainam na halimbawa ng buong-pusong pagtugon sa pag-ibig ng Diyos ay ang salmistang si David, ang ikalawang hari ng Israel. Ang kaniyang sigasig ukol sa pangalan ni Jehova ang nag-udyok sa kaniya na makipagbaka sa tumutuyang higanteng Filisteo na si Goliat, na sa kaniya’y pinangyari ng Diyos na magtagumpay si David. (1 Samuel 17:45-51) Ang sigasig ding iyon ang nag-udyok kay David na dalhin sa Jerusalem ang kaban ng tipan. (2 Samuel 6:12-19) At hindi baga ang hangad ni David na ipagtayo si Jehova ng isang templo ay isa pang pagpapakita ng kaniyang sigasig at pagpapahalaga sa pag-ibig at kabutihan ng Diyos? Ganoon nga. Ang pagkakait sa kaniya ng pribilehiyong iyan ay hindi nakapigil kay David ng paghahanda para sa proyekto at sa pagpaparangal kay Jehova sa pamamagitan ng personal na pag-abuloy ng ginto, pilak, at mahahalagang bato na may pagkalaki-laking halaga. (2 Samuel 7:1-13; 1 Cronica 29:2-5) Ang nahahawig na buong-pusong pagtugon sa pag-ibig ng Diyos ay dapat mag-udyok sa atin na ‘parangalan si Jehova ng ating kayamanan’ sa pamamagitan ng paggamit ng ating materyal na mga ari-arian upang mapasulong ang mga kapakanan ng Kaharian.—Kawikaan 3:9, 10; Mateo 6:33.
10. Sa anong paraan isang halimbawa si David na nararapat tularan?
10 Bagaman si David ay nakagawa ng malulubhang pagkakamali, sa buong-buhay niya ay nagpatuloy siya na ‘isang taong kalugud-lugod sa puso ni Jehova.’ (1 Samuel 13:14; Gawa 13:22) Ang kaniyang mga awit ay lipos ng mga pagpapahayag ng pagpapahalaga sa pag-ibig ng Diyos. Sinasabi ng The International Standard Bible Encyclopædia na si David ay “sumagana nang higit at higit sa pasasalamat kaysa sino pa mang ibang binabanggit sa Banal na Kasulatan.” Sinabi ng salmistang si Asap na “pinili ng [Diyos] si David na kaniyang lingkod at kinuha siya buhat sa kulungan ng kawan. . . . Kaniyang dinala siya upang maging isang pastol ng Jacob na kaniyang bayan at ng Israel na kaniyang mana. At siya’y nagsimulang magpastol sa kanila ayon sa pagtatapat ng kaniyang puso.” (Awit 78:70-72) Tunay nga, ang halimbawa ni David ay inilaan na tularan natin.
Si Jesu-Kristo, ang Ating Sakdal na Halimbawa
11, 12. Papaano ipinakita ni Jesus na siya’y tunay na nakatalaga sa Diyos?
11 Mangyari pa, si Jesu-Kristo ang pinakamainam na halimbawa sa Kasulatan ng isang tao na tumugon nang buong-puso sa pag-ibig ng Diyos. Pinakilos nito si Jesus na gawin ang ano? Una sa lahat, siya’y napakilos na magbigay kay Jehova ng bukod-tanging debosyon. Walang anumang alinlangan na si Jesus ay lubusang nakatalaga sa Diyos. Ang pagpapahalaga sa pag-ibig at kabutihan ng kaniyang makalangit na Ama ang nagpakilos sa kaniya na maging isang taong talagang espirituwal. Siya’y may isang malapit, matalik na kaugnayan sa Diyos. Si Jesus ay isang taong palaisip sa panalangin, at siya’y mahilig makipag-usap sa kaniyang makalangit na Ama. Paulit-ulit, ating mababasa na si Kristo ay nananalangin. Minsan kaniyang ginugol ang buong magdamag sa pananalangin. (Lucas 3:21, 22; 6:12; 11:1; Juan 17:1-26) Bilang tugon sa pag-ibig ng Diyos, si Jesus ay namuhay ayon sa katotohanan na ang ‘tao ay hindi nabubuhay sa tinapay lamang kundi sa bawat salitang nanggagaling sa bibig ni Jehova.’ Sa katunayan, ang paggawa sa kalooban ng kaniyang Ama ay pagkain para sa kaniya. (Mateo 4:4; Juan 4:34) Hindi baga tayo dapat tumugon sa katulad na paraan sa pag-ibig ng Diyos, na binibigyan siya ng bukod-tanging debosyon?
12 Palibhasa’y buong-pusong tumutugon sa pag-ibig ng Diyos, sa tuwina ang atensiyon ay laging ibinabaling ni Jesu-Kristo sa kaniyang Diyos at Ama. Pagka may nagkapit kay Jesus ng tawag na “Mabuting Guro,” kaniyang tinatanggihan iyon at sinasabi: “Walang sinuman na mabuti maliban sa isa, ang Diyos.” (Lucas 18:18, 19) Paulit-ulit na idiniin ni Jesus na wala siyang magagawa kung sa kaniyang ganang sarili. Kailanman ay hindi niya nakaligtaan ang anumang pagkakataon na dakilain ang pangalan ng kaniyang Ama, at angkup na angkop na pinasimulan niya ang kaniyang modelong panalangin sa paghiling na: “Pakabanalin nawa ang pangalan mo.” Siya’y dumalangin: “Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.” At ilang saglit bago siya namatay, sinabi ni Kristo sa kaniyang Ama: “Niluwalhati kita sa lupa, natapos ko na ang gawaing ibinigay mo sa akin upang gawin.” (Mateo 6:9; Juan 12:28; 17:4) Tunay, bilang tugon sa pag-ibig ng Diyos, tayo’y dapat magsikap na luwalhatiin si Jehova, na idinadalangin ang pagbanal sa kaniyang sagradong pangalan.
13. Papaanong ang pag-ibig ng Diyos ay nag-udyok kay Jesus na kumilos?
13 Ngayon, pakisuyong pansinin ang ikalawang paraan na kung saan ang buong-pusong pagtugon sa pag-ibig ng Diyos ang nagpakilos kay Jesus. Ito ang nagtulak sa kaniya na ibigin ang katuwiran at mapoot sa kabalakyutan, gaya ng inihula sa Awit 45:7. (Hebreo 1:9) Siya ay “tapat, walang-sala, walang-dungis, hiwalay sa mga makasalanan.” (Hebreo 7:26) Hinamon ni Jesus ang kaniyang malisyosong mga mananalansang na sumbatan siya tungkol sa kasalanan, ngunit hindi nila magawa ang gayon. (Juan 8:46) Sa dalawang pagkakataon, dahilan sa kaniyang pagkapoot sa kabalakyutan ay kaniyang nilinis ang templo upang maalis doon ang masasakim na mga relihiyonista. (Mateo 21:12, 13; Juan 2:13-17) At anong talim ng nakasusugat na mga salitang ginamit ni Jesus sa pagtuligsa sa mapagpaimbabaw na mga lider relihiyoso, hanggang sa sukdulang pagsabihan sila na sila’y sa Diyablo!—Mateo 6:2, 5, 16; 15:7-9; 23:13-32; Juan 8:44.
14. Sa pagtugon sa pag-ibig ni Jehova, papaano nakitungo si Jesus sa kaniyang mga alagad?
14 At ang isa pang paraan na doo’y naudyukan si Jesus ng pag-ibig ni Jehova ay makikita sa kaniyang mga pakikitungo sa kaniyang mga apostol at iba pang mga alagad. Anong laki ng kaniyang pag-ibig, pagtitiis, at pagbabata sa kaniyang pakikitungo sa kanila! Tiyak na sa ganoo’y napalagay siya sa malaking pagsubok dahilan sa kanilang pagiging mga magkakaribal, nagtatalu-talo hanggang sa mismong gabi na siya’y ipagkakanulo at tungkol iyon sa kung sino ang pinakadakila. (Lucas 22:24-27) Gayunman, sa tuwina’y ipinakita ni Jesus na siya’y maamo at mapagpakumbabang-puso. (Mateo 11:28-30) Totoo, si Jesus ay ipinagkanulo ni Judas, ikinaila siya ni Pedro nang tatlong ulit, at ang mga ibang apostol ay nagsitakas nang dumating ang mga mang-uumog upang arestuhin siya. Ngunit kailanman ay hindi siya naging magagalitin o mararamdamin. Papaano natin nalaman? Bueno, pagkatapos na muling makasama siya ng mga apostol matapos na siya’y buhaying-muli, sila’y hindi pinagwikaan ni Jesus ng mahahayap na pananalita dahilan sa kanilang pagpapadala sa takot. Bagkus, kaniyang inaliw at pinalakas sila para sa higit pang pagpapatuloy sa paglilingkod sa Kaharian.—Juan 20:19-23.
15. Papaano buong-pusong naglingkod si Jesus alang-alang sa pisikal na mga pangangailangan ng mga tao?
15 Isaalang-alang natin ang isa pang paraan na sa pamamagitan niyaon si Jesu-Kristo ay tumugon nang buong-puso sa pag-ibig ng Diyos. Iyon ay sa pamamagitan ng paghahain ng kaniyang sarili alang-alang sa iba, hanggang sa isang kahiya-hiya at masaklap na kamatayan sa isang pahirapang tulos. (Filipos 2:5-8) Si Jesus ay naglingkod alang-alang sa pisikal na mga pangangailangan ng mga tao nang makahimalang pakanin niya ang karamihan at magsagawa ng maraming mga pagpapagaling. (Mateo 14:14-22; 15:32-39) Sa tuwina’y kaniyang inuuna ang mga kapakanan ng iba kaysa kaniyang sariling kapakanan. Kaya naman masasabi niya: “May mga lungga ang mga sora at may mga pugad ang mga ibon sa langit, datapuwat ang Anak ng tao ay walang kahiligan ng kaniyang ulo.” (Mateo 8:20) Si Jesus ay madaling makaramdam ng galaw ng espiritu ng Diyos pagka umaalis sa kaniya ang bisa kung siya’y nagsasagawa ng kahima-himalang pagpapagaling. Ngunit hindi niya sinubukan na makinabang sa materyal na paraan buhat sa paggamit ng gayong kahima-himalang kapangyarihan, gaya baga nang isang babaing inaagasan nang may 12 taon ang humipo sa kaniyang panlabas na kasuotan taglay ang pananampalataya at ito’y gumaling. (Marcos 5:25-34) Isa pa, si Jesus ay hindi gumamit ng kahima-himalang kapangyarihan alang-alang sa kaniyang sariling kapakanan.—Ihambing ang Mateo 4:2-4.
16. Sa anong mga paraan naglingkod si Kristo sa espirituwal na pangangailangan ng mga tao?
16 Bagaman si Jesus ay buong-pusong naglingkod sa pisikal na pangangailangan ng mga tao sa pamamagitan ng pagpapagaling sa kanilang sakit at makahimalang pagpapakain sa kanila, ang pangunahing motibo sa kaniyang makalupang ministeryo ay ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, ang pagtuturo, at ang paggawa ng mga alagad. Sa kabila ng lahat ng kahima-himalang pagpapagaling na ginawa niya, siya’y hindi nakilala bilang ang Dakilang Manggagamot o Manggagawa ng Himala kundi ang Mabuting Guro. (Mateo 4:23, 24; Marcos 10:17) Ang kaniyang sarili ay tinukoy ni Jesus na ang Guro, at ganiyan din ang pagkatukoy sa kaniya ng kaniyang mga alagad at maging ng kaniyang mga kaaway man. (Mateo 22:16; 26:18; Marcos 9:38) At anong pagkadaki-dakilang mga katotohanan ang kaniyang itinuro, tulad sa kaniyang Sermon sa Bundok! (Mateo 5:1–7:29) Anong pagkaangkup-angkop ang kaniyang mga ilustrasyon, at anong bisa ng kaniyang makahulang mga talinghaga at iba pang mga hula! Hindi nga katakatakang ang mga kawal na pinapunta upang dumakip kay Jesus noong minsan ay hindi nakuhang siya’y dakpin!—Juan 7:45, 46.
17. (a) Papaano nagbigay sa atin si Jesus ng sakdal na halimbawa ng pag-ibig? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
17 Walang alinlangan, si Jesu-Kristo ay nagpakita sa atin ng sakdal na halimbawa ng buong-pusong pagtugon sa ipinakita ng Diyos na pag-ibig sa atin. Ang kaniyang makalangit na Ama ang binigyan ni Jesus ng unang dako sa kaniyang buhay at pagmamahal. Tunay na siya’y umibig sa katuwiran, nakitungo nang may pag-ibig sa kaniyang mga apostol at iba pang mga alagad, at ginugol ang kaniyang buhay sa paglilingkod sa espirituwal at materyal na mga pangangailangan ng mga tao. Sa katapus-tapusan, ang kaniyang ministeryo ay umabot sa sukdulan nang ibigay niya ang kaniyang buhay bilang isang pantubos. (Mateo 20:28) Ngunit kumusta naman tayo? Totoo, tayo ay di-sakdal, tulad ni Moises at ni David. Gayunman, gaya ng ipinakikita ng susunod na artikulo may mga praktikal na paraan na tutulong upang ating matularan ang ating Halimbawa sa buong-pusong pagtugon sa ipinakikita ng Diyos na pag-ibig.
Papaano Mo Tutugunin?
◻ Bakit nga masasabing “ang Diyos ay pag-ibig”?
◻ Papaano tumugon si Moises sa pag-ibig na ipinakita ng Diyos?
◻ Sa anu-anong paraan tumugon si David sa pag-ibig ng Diyos na Jehova?
◻ Anong halimbawa ang ipinakita ni Jesu-Kristo sa pagtugon sa pag-ibig ng Diyos?
[Larawan sa pahina 10]
Alam mo ba kung papaano tumugon si Moises sa pag-ibig ng Diyos?
[Mga larawan sa pahina 12, 13]
Si Jesus ay tumugon sa pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng pagtulong sa iba sa paraang espirituwal at pisikal at sa pagbibigay ng kaniyang buhay bilang isang pantubos