Papaano Tayo Makatutugon Nang Buong-Puso sa Pag-ibig ng Diyos?
“Kung tayo’y iniibig ng Diyos nang gayon, tayo naman ay nasa ilalim ng obligasyon na mag-ibigan sa isa’t isa.”—1 JUAN 4:11.
1, 2. Ano ang kailangan upang tayo’y makatugon nang buong-puso sa ipinakikita ng Diyos na pag-ibig?
SI Jehova ang mismong pinakauliran ng pag-ibig. Totoo nga, sa naunang artikulo, nakita natin kung gaano kasagana ang katunayan ng kaniyang ipinakikitang pag-ibig. Atin ding napag-alaman kung papaano si Moises, si David, at si Jesu-Kristo ay buong-pusong tumugon sa mga ipinakitang iyon na pag-ibig. Hindi baga bawat isa sa mga Saksi ni Jehova ay magnanais na gumawa rin ng gayon? Tiyak iyan!
2 Ano ang kailangan upang tayo’y makatugon nang buong-puso sa ipinakikita ng Diyos na pag-ibig? Unang-una, siya ang dapat na unahin natin sa ating buhay, ibigin siya nang ating buong-puso, kaluluwa, isip, at lakas. (Marcos 12:29, 30) Iyan ay nangangahulugan ng pagiging nakatalaga sa Diyos, may mainit at personal na kaugnayan kay Jehova. Nais ba nating makipag-usap sa ating makalangit na Ama sa panalangin? Tayo ba’y nananalangin nang walang-patid at matiyaga sa pananalangin? O tayo ba’y nagmamadali sa ating mga panalangin, kung minsan ay totoong abala upang makapanalangin pa? (Roma 12:12; 1 Tesalonica 5:17) Tayo ba’y nagtututok ng pansin kay Jehova, siya at ang kaniyang organisasyon ang binibigyang-kapurihan ukol sa maaaring nagawa natin? (1 Corinto 3:7; 4:7) Tunay nga, atin bang nadarama ang gaya ng nadama ng salmista? Tungkol sa Diyos, sinabi niya: “Makapito sa isang araw na pinuri kita.”—Awit 119:164.
3. Pagka tayo’y nagtitipon sa isang kasayahan, papaano natin maipakikita kung tayo’y buong-pusong tumutugon sa pag-ibig ng Diyos?
3 Marahil ay nahahayag kung buong-pusong tayo’y tumutugon o hindi sa pag-ibig ng Diyos pagka tayo’y nagtitipon sa isang kasayahan. Ang atin bang mga usapan sa panahong iyon ay nakasentro sa makasanlibutang mga bagay-bagay o sa espirituwal na mga bagay? Hindi ibig sabihin na tayo’y kailangang magkaroon ng isang seryosong pag-aaral sa Bibliya tuwing tayo’y makikipagtipon sa kapuwa mga Kristiyano sa isang kasayahan. Ngunit tiyak na tayo’y makasusumpong ng kawili-wiling mga bagay na espirituwal upang makasali sa ating pag-uusap. Ano kung maglahad ng mga karanasan sa larangan, talakayin ang ating paboritong teksto sa Bibliya, ibida kung papaano tayo natuto ng katotohanan, o bumanggit ng mga katunayan ng maibiging pangangalaga at pagpapala ng Diyos?
4. Papaano natin mamalasin ang mga bagay-bagay kung tayo’y bigo tungkol sa isang pribilehiyo sa paglilingkod?
4 Ang isa pang halimbawa na maaaring doo’y mahayag kung gaano ang ating pagpapahalaga sa pag-ibig ng Diyos ay pagka tayo’y nakaligtaan tungkol sa isang pribilehiyo sa paglilingkod sa organisasyon ni Jehova. Papaano tayo naaapektuhan? Kung wala tayong ibang iniisip kundi ang parangalan si Jehova, tayo’y sasang-ayon na marahil kahit na gayon ay mapararangalan ang Diyos ng sinumang nabigyan ng gayong pribilehiyo sa paglilingkod. (Ihambing ang Lucas 9:48.) Ngunit kung tayo’y walang iniisip kundi ang ating sariling bentaha o pangalan, tayo’y maliligalig na nakaligtaan tayo, gaya ng maaaring isipin natin. Tandaan natin na iniibig tayo ni Jehova at alam niya na sa kasalukuyan hindi pa natin kayang balikatin ang isang pananagutang teokratiko. Baka pinagpapala niya tayo nang sagana sa mga ibang paraan, at ang gayong pagpapakita ng kaniyang pag-ibig ay tutulong sa atin na manatiling timbang sa ating espirituwalidad.—Kawikaan 10:22.
Ibigin ang Katuwiran, Kapootan ang Kasamaan
5. Ang pagpapakita ng Diyos ng pag-ibig ay dapat magkaroon ng anong epekto sa ating asal?
5 Ang pagpapakita ng Diyos ng pag-ibig sa atin ay dapat na mag-udyok sa atin na tularan si Kristo na ibigin ang katuwiran at kapootan ang kasamaan. (Hebreo 1:9) Totoo, hindi natin magagawa ito nang buong-kasakdalan, gaya ng ginawa ni Jesus. Gayunman, magagawa nating ating tunguhin na maging banal, mapagtapat, at masunurin sa batas hangga’t maaari bagaman tayo’y di-sakdal. Upang magawa ito, tayo’y hindi lamang magpapaunlad ng pag-ibig sa matuwid at mabubuting bagay kundi atin ding pagyayamanin ang pagkapoot, ang pag-ayaw, ang pagkasuklam, sa kabalakyutan. Gaya ng ipinahayag ni apostol Pablo: “Kapootan [abhor] ang balakyot, manatili sa mabuti.” (Roma 12:9) Ang “kapootan” ay isang napakatinding salita, na ang ibig sabihin “ituring na sukdulang kasuklam-suklam.”—Webster’s New Collegiate Dictionary.
6. Ano ang tutulong sa atin na mag-ingat laban sa mga tukso na inilalagay sa ating daan ng sanlibutan, ng ating makasalanang laman, at ng Diyablo?
6 Ano ang tutulong sa atin upang mag-ingat laban sa mga tuksong inilalagay sa ating daan ng sanlibutan, ng ating sariling makasalanang laman, at ng Diyablo? Katapatan sa Diyos na Jehova. Kaniyang ipinapayo sa atin: “Magpakarunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.” (Kawikaan 27:11) Oo, ang katapatan kay Jehova ang mag-uudyok sa atin na kunin ang matalinong hakbang na pagkapoot sa kaniyang kinapopootan. Isa pa, bagaman marahil ay tila nakalulugod o nakatutuwa na labagin ang isa sa mga batas ng Diyos, patuloy na sabihin natin sa ating sarili na ang paggawa nang gayon ay hindi sulit. (Galacia 6:7, 8) Ang puso ng tao ay taksil, mapanlinlang, magdaraya, gaya ng ipinaaalaala sa atin sa Jeremias 17:9. Ang pusong Kristiyano ay umiibig sa mga bagay na mabuti, maganda, dalisay. Subalit kung minsan ang makasalanang mga hilig ang nagtutulak dito upang magnasa rin ng masama. Tulad ng puso ng mga Israelita na sumamba kay Jehova at nagpatuloy pa rin sa kanilang pagsamba sa “matataas na dako,” ang ating sariling puso man ay maaaring mapag-imbot at mapandaya. (1 Hari 22:43; Deuteronomio 12:2) Ang ating di-sakdal na puso ay maaaring humanap ng mga pagdadahilan upang ilagay tayo sa daan ng tukso. Baka sabihin nito na hindi naman gaanong seryoso ang pagkakasalang nagsilbing tukso sa atin. O ang ating puso ay baka papaniwalain tayo na ang anumang kaparusahan ay magiging pansamantala lamang.
7. Bakit kailangang tayo’y mag-ingat laban sa masidhing paghahangad ng anumang masama?
7 Dahilan sa pagpapahalaga sa pag-ibig ng Diyos, tayo’y mag-ingat laban sa masidhing paghahangad ng anumang masama, tulad baga ng pagkahilig sa seksuwal na imoralidad, tayo man ay walang asawa o may asawa. Malimit, ang nagsimula na waring isang walang kabagay-bagay na pag-alembong ay humantong sa dalawang Kristiyano na totoong malapit sa isa’t isa kung kaya’t sila’y nakagawa ng pagkakasala at natiwalag. Kahit ang hinirang na matatanda, na dapat sanang walang kapintasang halimbawa sa kawan, ay napahamak dahil sa mga bagay na ito!—Ihambing ang 1 Hari 15:4, 5.
8. Anong babalang halimbawa ang ibinibigay sa atin ni apostol Pablo, at papaano maipaghahalimbawa ang gayong suliranin?
8 Isaalang-alang si apostol Pablo na pinagkalooban ng pinagpalang kahima-himalang mga pangitain at mga kapangyarihan at siya’y kinasihan ng Diyos na sumulat. Upang magtagumpay sa kaniyang pakikipagpunyagi laban sa makasalanang mga hilig, kinailangan na kaniyang hampasin—oo, gulpihin—ang kaniyang katawan. Tayo ba’y mangangahas na makuntento sa paggawa ng anumang mas magaang dito? (Roma 7:15-25; 1 Corinto 9:27) Ipaghalimbawa natin na tayo’y nasa isang munting bangkang de-sagwan sa isang ilog na mabilis ang agos at tayo’y hinihila patungo sa talon nito. Upang maiwasan ang sakuna, tayo’y kailangang buong-lakas na sumagwan nang pasalungat laban sa malakas na agos. Baka hindi gaanong pagsulong ang ating nagagawa sa pagsagwan, ngunit habang tayo’y patuloy na puspusang nagbubuhos ng ating lakas sa pagsagwan, tayo’y hindi madadala ng agos hanggang sa talon tungo sa ating kapahamakan. Tunay, ang ipinakikita ng Diyos na Jehova na pag-ibig sa atin ay dapat magtulak sa atin na puspusang magbuhos ng ating lakas upang magtapat sa kaniya sa pamamagitan ng pagkapoot sa kasamaan at pag-ibig sa katuwiran.
Magpakita ng Pag-ibig Pangkapatiran
9. Anong payo ang ibinibigay sa atin ni apostol Juan tungkol sa pag-ibig sa ating mga kapatid?
9 Ang ipinakikitang pag-ibig ng Diyos ay dapat ding mag-udyok sa atin na ibigin ang ating mga kapatid gaya ni Jesu-Kristo na umibig sa kaniyang mga alagad. (Juan 13:1) Angkup na angkop, na sinabi ni apostol Juan: “Narito ang pag-ibig, hindi sa tayo’y umibig sa Diyos, kundi siya ang umibig sa atin at sinugo ang kaniyang Anak bilang isang pampalubag-loob na hain ukol sa ating mga kasalanan. Mga minamahal, kung tayo’y iniibig ng Diyos nang gayon, tayo naman ay nasa ilalim ng obligasyon na mag-ibigan sa isa’t isa.” (1 Juan 4:10, 11) Sa katunayan, sinabi ni Jesus na ang paraan ng kung papaano makikilala ang kaniyang mga tunay na tagasunod ay sa pamamagitan ng pag-ibig na taglay nila sa isa’t isa.—Juan 13:34, 35.
10, 11. Ano ang ilan sa mga paraan na sa pamamagitan nito’y maipakikita natin ang pag-ibig pangkapatiran?
10 Batid natin na ang mga Kristiyano ay dapat magpakita ng pag-ibig pangkapatiran. Ngunit hindi mali na ipaalaala sa ating sarili ang sarisaring paraan na sa pamamagitan nito ay makapagpapakita tayo nitong tulad-Kristong pag-ibig sa isa’t isa. Ang gayong pag-ibig ay tutulong sa atin na huwag pansinin ang mga pagkakaiba-iba kung tungkol sa lahi, bansang pinagmulan, edukasyon, kultura, at antas ng kabuhayan. Higit diyan, ang pag-ibig pangkapatiran ang magpapakilos sa atin na magkatipon sa mga pulong. Kung tunay na iniibig natin ang ating mga kapatid, hindi natin papayagang ang masungit na lagay ng panahon o ang bahagyang karamdaman ay pagkaitan tayo ng kagalakan ng pakikisama sa kanila at pakikibahagi sa pagpapalitan ng pampatibay-loob. (Roma 1:11, 12) Higit pa riyan, ang pag-ibig pangkapatiran ang mag-uudyok sa atin na maghandang mainam para sa ating mga pulong at aktibong makibahagi sa mga iyan upang tayo’y makapag-udyukan sa isa’t isa sa pag-iibigan at mabubuting gawa.—Hebreo 10:23-25.
11 Kumusta naman ang tungkol sa pagtulong sa ating mga kapatid sa ministeryo sa larangan? Napansin na ang matatanda at ang ministeryal na mga lingkod ay kadalasan nagsasagawa ng ministeryo sa pagbabahay-bahay nang magkakasama o nang sila-sila lamang gayong maaaring, sa kaunting pagpaplano, maanyayahan nila na sumama sa kanila ang mga mamamahayag na nangangailangan ng tulong sa ministeryo. Ang pagpapakita ng pag-ibig sa ganitong paraan ay tutulong upang ang paglilingkod sa larangan ng matatanda at ng ministeryal na mga lingkod ay makapagdulot ng ibayong kapakinabangan. At kumusta naman ang pagsasama mo ng isang bagong mamamahayag sa isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya?—Roma 15:1, 2.
12. Papaano natin uunawain ang 1 Juan 3:16-18?
12 Ang pag-ibig ay magtutulak din sa atin na tulungan ang ating mga kapatid na marahil ay nasa tunay na pangangailangan sa materyal. Si apostol Juan ay sumulat: “Dito’y nakikilala natin ang pag-ibig, sapagkat kaniyang ibinigay ang kaniyang kaluluwa dahil sa atin; at nasa ilalim tayo ng obligasyon na ibigay ang ating kaluluwa dahil sa ating mga kapatid. Ngunit sino mang may panustos-buhay sa sanlibutang ito at nakikita ang kaniyang kapatid na nangangailangan subalit nagkait ng kaniyang malumanay na awa, papaano mananahan sa kaniya ang pag-ibig ng Diyos? Mumunting mga anak, ang pag-ibig natin ay huwag sanang sa salita o sa dila lamang, kundi sa gawa at sa katotohanan.” (1 Juan 3:16-18) Baka naman hindi tayo hinihilingan ngayon na ibigay ang ating kaluluwa alang-alang sa kanila ngunit kung minsan ay mayroon tayong mga pagkakataon na maipahayag ang pag-ibig sa kanila sa ibang paraan, hindi lamang sa salita o sa dila kundi pati sa mga gawa. Walang anumang mali na ibigin ang ating mga kapatid sa salita, ngunit hindi natin ibig na ang ating pag-ibig ay maging hanggang dito na lamang gayong sila ay nangangailangan ng materyal na mga bagay. Ang pangungusap ni Jesus na “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa pagtanggap” ay kumakapit din sa pagbibigay ng materyal na tulong.—Gawa 20:35.
13. (a) Ano ang ilan sa saligang mga katotohanan na ating natutuhan sa tulong ng nakikitang organisasyon ni Jehova? (b) Anong epektibong punto ang tinukoy ni Charles Taze Russell?
13 Tayo’y may pagkakataon na magpakita ng pag-ibig sa ating mga kapatid na nangunguna sa kongregasyon o may kaugnayan sa nakikitang organisasyon ni Jehova sa buong daigdig. Kasali na rito ang pagiging matapat sa “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47) Harapin natin ang katotohanan na gaano mang karaming pagbabasa sa Bibliya ang ating nagawa, hindi tayo matututo ng katotohanan kung sa ating sarili lamang. Hindi natin matutuklasan ang katotohanan tungkol kay Jehova, ang kaniyang mga layunin at mga katangian, ang kahulugan at kahalagahan ng kaniyang pangalan, ang Kaharian, ang pantubos ni Jesus, ang pagkakaiba ng organisasyon ng Diyos at ng kay Satanas, ni kung bakit pinayagan ng Diyos ang kabalakyutan. Ito’y kagaya ng isinulat noong 1914 ng unang pangulo ng Watch Tower Society, si Charles Taze Russell: “Hindi baga tayo’y isang pinagpala, maligayang bayan? Hindi baga ang ating Diyos ay tapat? Kung ang sinuman ay nakaaalam ng mas magaling dito, kunin niya iyon. Kung sinuman sa inyo ay nakakakita ng mas magaling, aming inaasahan na inyong sasabihin iyon sa amin. Wala na kaming alam na mas magaling ni kalahati sa kabutihan na di gaya ng aming natagpuan sa Salita ng Diyos. . . . Walang dila o panulat ang makapagsasabi ng kapayapaan, ng kagalakan at ng pagpapala na idinulot sa aming puso at buhay ng malinaw na kaalaman tungkol sa tunay na Diyos. Ang Salaysay ng Karunungan, Katarungan, Kapangyarihan at Pag-ibig ng Diyos ay lubusang nagbibigay-kasiyahan sa matinding hangarin ng kapuwa aming ulo at aming puso. Kami’y wala nang hinahangad na iba pa. Walang higit pang mananasa kundi ang makitang malinaw na nasa isip natin ang kahanga-hangang Salaysay na ito.” (The Watch Tower, Disyembre 15, 1914, pahina 377-8) Anong pagkatotoo nga ang mga salitang iyan na kay ganda ng pagkasulat!
Paglilingkod sa mga Nasa Labas
14. Papaano tayo dapat udyukan ng ipinakikita ng Diyos na pag-ibig upang kumilos may kaugnayan sa mga nasa labas?
14 Ang ipinakikita ng Diyos na pag-ibig na ating tinamasa ay dapat mag-udyok sa atin na magpakita ng pag-ibig sa ating kapuwa na nasa labas ng kongregasyon. Papaano natin magagawa ito? Baka ang mga kalagayan ang nagpapakita na matutulungan natin ang ating kapuwa sa paraang materyal. Ngunit, ang lalong higit na mahalaga, tayo’y makapagpapakita ng pag-ibig sa kapuwa sa pamamagitan ng pagdadala sa iba ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos at pagtulong sa mga umiibig sa katuwiran upang maging mga alagad ni Jesu-Kristo. Tayo ba’y palagiang nakikibahagi sa pangmadlang ministeryong ito, o atin bang pinababayaan ito? Ito ba’y naging isang hamak na rutina o huwag-hindi makapaglingkod lamang? O tayo ba ay tunay na inuudyukan ng pag-ibig sa kapuwa? Tayo ba’y nagpapakita ng empatiya? Tayo ba’y matiyaga, naghihintay na tumugon ang mga tao? Atin bang pinatitibay-loob ang mga maybahay upang magpahayag ng kanilang sarili? Oo, sa halip na tayo ang gumawa ng lahat ng pagsasalita, hayaan nating ang pag-ibig sa kapuwa ang mag-udyok sa atin na makinig at magkaroon ng kasiya-siyang mga pakikipagtalakayan sa Bibliya sa mga taong nakakausap natin sa ating ministeryo.
15. (a) Bakit ang “impormal na pagpapatotoo” ay mas mainam na termino kaysa “di-sinasadyang pagpapatotoo”? (b) Bakit dapat samantalahin ang mga pagkakataon upang makapagpatotoo sa impormal na paraan?
15 Tayo ba’y alerto na samantalahin ang mga pagkakataon upang makapagpatotoo sa impormal na paraan? Pansinin na ito’y hindi lamang isang di-sinasadyang pagpapatotoo, na nagpapahiwatig ng isang gawain na hindi ipinlano o di-gaanong mahalaga. Ang impormal na pagpapatotoo ay napakahalaga, at ang pag-ibig sa ating mga kapuwa ang mag-uudyok sa atin sa kasabikan na gumawa ng mga pagkakataon na makibahagi rito. Kadalasan ang gayong mga pagpapatotoo ay mabunga! Halimbawa, sa pagdalo sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa hilagang Italya, isang kapatid na lalaki ang naparoon sa isang garahe upang papalitan ang ilaw sa unahan ng kaniyang kotse. Samantalang naghihintay, siya’y nagpatotoo sa mga taong nasa palibot niya at kaniyang binigyan sila ng mga handbills na nag-aanyaya sa kanila sa pangmadlang pahayag sa Bibliya sa Linggo. Sa isang internasyonal na kombensiyon sa Roma makalipas ang isang taon, isang kapatid na lalaking hindi niya nakilala kaagad ang bumati sa kaniya nang buong sigla. Sino ba ang kapatid na ito? Aba, siya’y isa sa mga lalaking kaniyang nabigyan ng isang handbill sa garahe isang taon na ang nakaraan! Ang taong iyon ay naparoon pala upang makinig sa pahayag pangmadla at ibinigay ang kaniyang pangalan para aralan siya ng Bibliya. Ngayon siya at ang kaniyang maybahay ay nag-alay na mga Saksi ni Jehova. Walang anumang alinlangan na ang impormal na pagpapatotoo ay maaaring maging lubhang kasiya-siya!
Patuloy na Tumugon sa Pag-ibig ng Diyos
16. Anong mga tanong ang makabubuting itanong natin sa ating sarili?
16 Si Jehova ay tunay na bukas-palad sa pagpapakita ng pag-ibig sa kaniyang mga nilikha. Gaya ng ating napansin, ang Kasulatan ay nagbibigay sa atin ng maiinam na mga halimbawa ng mga tumugon nang buong-puso sa ipinakita ng Diyos na pag-ibig. Angkup na angkop, ang bulalas ng kinasihang salmista: “Oh purihin ng mga tao si Jehova dahil sa kaniyang kagandahang-loob at sa kaniyang kagila-gilalas na mga gawa sa mga anak ng mga tao.” (Awit 107:8, 15, 21, 31) Tayo ba’y mangangahas na tanggapin ang di-sana-nararapat na kagandahang-loob ng Diyos at sayangin lamang ito? Huwag nawang mangyari! (2 Corinto 6:1) Kaya tanungin ng bawat isa sa atin ang ating sarili: ‘Talaga bang pinahahalagahan ko ang ipinakikita ng Diyos na pag-ibig na tinamasa ko na at may pagtitiwala akong patuloy na tatamasahin ko sa hinaharap? Ang mga ito ba ay nag-uudyok sa akin na ibigin si Jehova nang aking buong-puso, kaluluwa, isip, at lakas? Ako ba’y tunay na nakatalaga sa Diyos? Ako ba’y umiibig sa katuwiran at napopoot sa kasamaan? Ako ba’y nagpapakita ng pag-ibig pangkapatiran? At gaanong pagsisikap ang ginagawa ko upang makasunod sa yapak ni Jesus kung tungkol sa aking ministeryo?’
17. Ano ang ibubunga kung tayo’y tumutugon nang buong-puso sa ipinakikitang pag-ibig ng Diyos na Jehova?
17 Tunay, sa maraming paraan ay maipakikita natin ang ating taimtim na pasasalamat sa lahat ng ipinakikitang pag-ibig ng Diyos na ating tinamasa. Sa pamamagitan ng lubusang pagsasamantala sa mga pagkakataon na maipakita ang gayong pagpapahalaga, pagagalakin natin ang puso ng ating makalangit na Ama, tayo’y magiging isang pagpapala sa iba, at tatanggap ng kagalakan, kapayapaan, at pagkakontento sa ating sarili. Kung gayon harinawang tayo’y patuloy na tumugon nang buong-puso sa ipinakikita ng Diyos na pag-ibig.
Papaano Mo Tutugunin?
◻ Ano ang kailangan upang buong-pusong makatugon sa pag-ibig ng Diyos?
◻ Papaano tayo makapag-iingat laban sa mga tukso?
◻ Ano ang ilan sa mga paraan upang maipakita ang pag-ibig pangkapatiran?
◻ Papaano tayo dapat pakilusin tungkol sa ating kapuwa ng ipinakikita ni Jehovang pag-ibig?
[Larawan sa pahina 17]
Tayo’y kailangang makipagpunyagi laban sa makasalanang mga hilig upang maiwasan ang kapahamakan
[Larawan sa pahina 18]
Ang matatanda ay nagpapakita ng pag-ibig pangkapatiran sa pamamagitan ng pagsasama nila ng mga iba sa ministeryo sa Kaharian
[Larawan sa pahina 19]
Si Charles Taze Russell, ang unang pangulo ng Watch Tower Society, ay tumawag-pansin sa kapayapaan, kagalakan, at pagpapala na tanging ang Diyos ang makapagbibigay