Alamin Kung Ano ang Banal na Espiritu
ALAM mo ba na ang banal na espiritu ay may epekto sa buhay ng bawat isa sa atin? At iyo bang natalos na ito’y makagagawa ng maraming pagsulong sa iyong buhay? Ito’y maaaring pagtakhan mo. Sa katunayan, marahil ay itatanong mo: ‘Sino o ano ang banal na espiritu?’
Kung ikaw ay kabilang sa isa sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, marahil ay narinig mo ang isang klerigo na nagbinyag sa isang sanggol “sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.” (Mateo 28:19, The New English Bible) Pagka itinanong kung ano ang banal na espiritu, karamihan ng mga klerigo ay agad tutugon: ‘Ang banal na espiritu ang ikatlong persona ng Trinidad, kapantay sa lahat ng paraan ng Diyos Ama at ng Panginoong Jesu-Kristo.’
Gayunman, ang ganitong paniwala ay hindi taglay noong mga unang siglo ng ating Panlahatang Panahon. Bilang paghahalimbawa: Noong 381 C.E—mga tatlong siglo pagkamatay ng mga apostol ni Jesu-Kristo—si Gregory ng Nazianzus ay sumulat: “Ang iba’y may palagay na [ang banal na espiritu] ay isang kapangyarihan (energeia), ang iba naman ay isa raw itong nilikha, ang iba’y naniniwala na siya ay Diyos, ang iba’y hindi makapagpasiya kung alin sa mga ito ang totoo.”
Sa ngayon, tinatanggap ng karamihan ng relihiyon sa Sangkakristiyanuhan ang turo ng Trinidad tungkol sa banal na espiritu. Subalit iyon ba ang itinataguyod ng Bibliya? O iyon ba ay isa lamang opinyon na nakasalig sa tradisyon? Ang totoo, sa Bibliya ay hindi kailanman tinutukoy ang banal na espiritu sa gayunding paraan na gaya ng pagtukoy nito sa Diyos o kay Jesus. Halimbawa, sa Bibliya, ang banal na espiritu ay walang personal na pangalan.
Iyan ba ay isa lamang walang kabuluhang detalye? Hindi, ang mga pangalan ay importante sa Bibliya. Idiniin ng Diyos ang kahalagahan ng kaniyang sariling pangalan nang kaniyang sabihin: “Ako’y si Jehova. Iyan ang aking pangalan; at sa kaninuman ay hindi ko ibibigay ang aking sariling kaluwalhatian, ni ang aking kapurihan man sa mga larawang inanyuan.” (Isaias 42:8) Ang kahalagahan ng pangalan ni Jesu-Kristo ay idiniin bago siya isinilang nang isang anghel ang magsabi kay Maria: “Tatawagin mong Jesus ang kaniyang pangalan.” (Lucas 1:31) Kung ang mga pangalan ng Ama at ng Anak ay totoong mahalaga, bakit ang banal na espiritu ay walang personal na pangalan? Oo, kahit na lamang ang detalyeng ito ay dapat pagtakhan ng isang tao at isipin kung ang espiritu ay talagang kapantay ng Ama at ng Anak.
Ang Kasulatan at ang Banal na Espiritu
Sa Kasulatang Hebreo, o sa “Matandang Tipan,” may mga pagtukoy sa “banal na espiritu” at sa “espiritu [ng Diyos] ko.” (Awit 51:11; Joel 2:28, 29) Mababasa natin na ang isang tao ay maaaring mapuspos ng banal na espiritu, maaaring ito’y sumakaniya, at lipusin siya nito. (Exodo 31:3; Hukom 3:10; 6:34) Ang isang bahagi ng banal na espiritu ng Diyos ay maaaring kunin sa isang tao at ibigay sa iba. (Bilang 11:17, 25) Ang banal na espiritu ay maaaring magpakilos sa isa, na anupa’t nakagagawa siya ng pambihirang mga gawa na hindi karaniwang nagagawa ng tao.—Hukom 14:6; 1 Samuel 10:6.
Ano ang makatuwirang mahihinuha sa ganiyang mga pangungusap? Tiyak na mahihinuha na ang banal na espiritu ay hindi persona. Papaanong ang isang bahagi ng isang tao ay makukuha sa isang indibiduwal at maibibigay sa iba? Isa pa, walang patotoo na nang naririto si Jesus sa lupa, ang paniwala ng tapat na mga Judio sa banal na espiritu ay isa itong persona na kapantay ng Ama. Tiyak na hindi sila sumamba sa banal na espiritu. Bagkus, ang kanilang pagsamba ay iniukol lamang kay Jehova, ang Isa na tinawag mismo ni Jesus na “aking Ama” at “aking Diyos.”—Juan 20:17.
Tulad ng kung tawagi’y Matandang Tipan, ang bahagi ng Bibliya na tinatawag na Kasulatang Griego Kristiyano, o “Bagong Tipan,” ay nagsasabi na ang isang tao ay maaaring ‘mapuspos’ ng banal na espiritu o siya’y maaaring “malipos” nito. (Gawa 2:4; Lucas 2:25-27) Ang banal na espiritu ay ‘ibinigay,’ ‘ibinuhos,’ at ‘ipinamahagi.’ (Lucas 11:13; Gawa 10:45; Hebreo 2:4) Noong Pentecostes 33 C.E., tinanggap ng mga alagad ang “ilang bahagi” ng espiritu ng Diyos. (Gawa 2:17) Binabanggit din ng Kasulatan ang tungkol sa bautismo ng banal na espiritu at ng pagpapahid nito.—Mateo 3:11; Gawa 1:5; 10:38.
Ang ganiyang mga pangungusap sa Bibliya ay nagpapatunay na hindi isang persona ang banal na espiritu. Ang ganitong konklusyon ay pinatitibay pa ng bagay na makikita natin na nakatala ang banal na espiritu kasama ng iba pang mga bagay na hindi naman persona. Halimbawa, sinasabi ng Bibliya na si Esteban ay “puspos ng pananampalataya at ng banal na espiritu.” (Gawa 6:5) At naipagmapuri ni apostol Pablo ang kaniyang sarili bilang ministro ng Diyos “sa kalinisan, sa kaalaman, sa maraming pagtitiis, sa kabaitan, sa banal na espiritu, sa pag-ibig na walang pagpapaimbabaw.”—2 Corinto 6:4-6.
Totoo, kung minsan sa Bibliya ay inilalarawan ang banal na espiritu na para bagang isang persona. Halimbawa, sinabi ni Isaias na dahil sa ilang rebelde ‘ang banal na espiritu ng Diyos ay nasaktan.’ (Isaias 63:10) Sinabi ni Pablo na ito ay ‘napipighati.’ (Efeso 4:30) At ang ilang mga kasulatan ay nagsasabi na ang banal na espiritu ay nagtuturo, umaakay, nagsasalita, at nagpapatotoo. (Juan 14:26; 16:13, 14; 1 Juan 5:7, 8) Subalit ang Bibliya ay persona rin ang trato sa ibang mga bagay na walang buhay, tulad baga ng karunungan, kamatayan, at kasalanan. (Kawikaan 1:20; Roma 5:17, 21) Ito sa totoo ay isang malinaw na paraan na ginagamit ng Kasulatan kung minsan upang magpahayag ng mga bagay-bagay.
Sa ngayon, tinutukoy natin ang Bibliya sa katulad na paraan pagka ating sinasabi na ito’y nagsasabi ng isang bagay o nagtuturo ng isang doktrina. Sa paggamit ng gayong mga pananalita, hindi natin ipinakakahulugan na ang Bibliya ay isang persona, hindi ba? Kaya hindi rin naman ipinakakahulugan ng Bibliya na ang banal na espiritu ay isang persona pagka gumagamit ito ng mga nahahawig na pananalita.
Kung gayon, ano ang banal na espiritu? Ito ay hindi isang persona. Bagkus, ito ang sariling aktibong puwersa ng Diyos, na ginagamit niya upang ganapin ang kaniyang kalooban. (Genesis 1:2) Subalit papaano bang ang ating buhay ay apektado ng banal na espiritu? At papaano tayo personal na makikinabang nang higit pa sa pagkilos nito?