Kung Papaano Ka Maaapektuhan ng Espiritu ng Diyos
“NANG pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa. Ang lupa ay walang anyo at walang laman, at ang kadiliman ay sumasaibabaw ng kalaliman; at ang Espiritu ng Diyos ay gumagalaw sa ibabaw ng mga tubig.” (Genesis 1:1, 2, Revised Standard Version) Ang maka-Kasulatang pangungusap na ito ay nagtatampok sa mahalagang paraan na dito lahat ng nabubuhay ay nakinabang sa banal na espiritu. Ang espiritung iyan ay kumilos sa panahon ng paglalang, at salamat sa pagkilos nito, ang lupa ay naging isang kalugud-lugod na tahanan para sa sangkatauhan.
Subalit ang mga tao ay maaaring makinabang nang higit pa sa banal na espiritu. Isang kinasihang kawikaan ang nagsasabi: “Magsibalik kayo sa aking saway. Kung magkagayo’y ibubuhos ko sa inyo ang aking espiritu; aking ipaaalam sa inyo ang aking mga salita.” (Kawikaan 1:23) Sa ating kaarawan ang tinipong “mga salita” ng Diyos ay maaaring makuha sa Banal na Bibliya, isinulat ng mga tao na “iniaanod ng banal na espiritu.” (2 Pedro 1:21; Marcos 12:36; 2 Timoteo 3:16) Kailanma’t ang Bibliya ay binabasa ng isang maamong tao, siya’y nakikinabang buhat sa banal na espiritu.
Banal na Espiritu at ang Gawaing Pangangaral
Pagka isa sa mga Saksi ni Jehova ay dumalaw sa iyong tahanan upang makipag-usap tungkol sa mabuting balita ng Kaharian, ang banal na espiritu ay maaaring makaapekto sa iyong buhay sa isa pang paraan. Papaano natin malalaman? Bueno, nang simulan ni Jesu-Kristo na ipangaral ang mabuting balita, kaniyang ikinapit sa kaniyang sarili ang mga salita ni propeta Isaias na nagsasabi: “Ang espiritu ni Jehova ay sumasaakin, sapagkat ako’y kaniyang pinahiran upang magpahayag ng mabuting balita sa mga dukha, . . . upang mangaral ng kalugud-lugod na taon ni Jehova.” (Lucas 4:18, 19; Isaias 61:1, 2) Oo, si Jesus ay pinahiran ng banal na espiritu upang mangaral ng mabuting balita.
Isa pa, inihula ni Jesus na ang pangangaral ng mabuting balita ay magpapatuloy pagkamatay niya. Siya’y humula: “Ang mabuting balitang ito ng Kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Sa maikling panahon bago umakyat si Jesus sa langit, kaniyang ibinigay sa kaniyang mga tagasunod ang ganitong utos: “Humayo kayo . . . at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, bautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, turuan sila na ganapin ang lahat ng bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Samakatuwid, pagkatapos makaakyat sa langit si Kristo ang kaniyang mga alagad ay nagpatuloy ng pagsasagawa ng autorisado-ng-espiritung pangangaral at pagtuturo. Ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay tumutulad sa mga unang alagad na iyon sa pangangaral ng mabuting balita sa buong daigdig.
Bautismo at ang Banal na Espiritu
Pagka ang isang tao ay tumugon na mainam sa mabuting balita, sinabi ni Jesus na siya’y dapat bautismuhan “sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu.” Samakatuwid ang mga bagong alagad ay apektado rin ng banal na espiritu. Ang pananalitang “sa pangalan ng” ay sa totoo nangangahulugan ng “sa pamamagitan ng autoridad ng” o “kinikilala ang posisyon ng.”a Samakatuwid, ang pagkabautismo sa pangalan ng Ama ay nangangahulugan ng pagtanggap nang walang pag-aalinlangan sa soberanya ng Diyos sa ating buhay. Ang bautismo sa pangalan ng Anak ay nangangahulugan ng pagtanggap kay Jesus bilang Manunubos, Halimbawa, at Hari. At sa bautismo sa pangalan ng banal na espiritu ay kasali ang pagtitiwala sa espiritu at pagpapailalim sa kapangyarihan niyaon.b
Ang Banal na Espiritu sa Iyong Buhay
Nakalulungkot, ang kawalang-pagtatapat, imoralidad, karahasan, at pangkalahatang katampalasanan na nakikita natin sa mga lupaing “Kristiyano” ay nagbibilad sa katotohanan na karamihan sa mga namamaraling Kristiyano ang sa totoo’y sumasalansang sa banal na espiritu. Subalit yaong mga napaiilalim dito ay lubhang pinagpala. Unang-una, kanilang dinidibdib ang kanilang nababasa sa kinasihan-ng-espiritung Bibliya at ikinakapit iyon sa kanilang buhay. Sa gayon, sila ay may karunungan, matalinong unawa, kahatulan, katalasan ng isip, kaalaman, at kakayahang umisip. (Kawikaan 1:1-4) Ito ay mahahalagang katangian sa ating maligalig na mga panahon.
Ang banal na espiritu ay tumutulong din sa gayong mga tao na madaig ang mahihirap na suliranin. Noong sinaunang panahon, ipinakita ng Diyos sa kaniyang bayan kung papaanong kanilang magagawa na gampanan ang isang napakahirap na gawain. Sinabi ni Jehova na iyon ay gagawin “hindi sa pamamagitan ng lakas ng hukbo, ni ng kapangyarihan man, kundi ng [kaniyang] espiritu.” (Zacarias 4:6) Kung tayo’y pasasakop sa Diyos at sa kaniyang espiritu, tayo’y matutulungan din na gampanan ang mga gawain at madaig ang mga balakid na kung hindi sa ganiyang paraan ay totoong napakalaki para sa atin.—Mateo 6:33; Filipos 4:13.
Isa pa, ang espiritu ng Diyos ay tumutulong sa atin na tamasahin ang isang kaligayahan na hindi kilala ng daigdig sa kabuuan. Si apostol Pablo ay sumulat: “Kung saan naroroon ang espiritu ni Jehova, doon ay may kalayaan.” (2 Corinto 3:17) Yaong mga napasasakop sa espiritu ng Diyos ay nagtatamasa ng kalayaan buhat sa huwad na relihiyon, sa pamahiin, sa pagkatakot sa hinaharap, at marami pang ibang mga bagay na umaalipin. Ang espiritu ng Diyos ay tunay na isang lakas para sa ikabubuti! Nababago pa nga nito ang mga tao. Ito’y binabanggit ng Bibliya nang sabihin nito: “Ang bunga ng espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagbabata, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kaamuan, pagpipigil-sa-sarili. Laban sa ganiyang mga bagay ay walang kautusan.” (Galacia 5:22, 23) Anong laking kaibahan ang kalalabasan ng daigdig na ito kung bawat isa ay nagpapasakop sa impluwensiya ng espiritu ng Diyos!
Bilang isang grupo, ang tunay na mga Kristiyano ay nagtatamasa rin ng “pagkakaisa ng espiritu sa tagapagkaisang buklod ng kapayapaan.” (Efeso 4:3) Ang pagkakaisa at kapayapaan ay pambihirang mga bagay sa ngayon. Ngunit ang mga ito ay umiiral kung saan kumikilos ang espiritu ng Diyos. Oo, sa gitna ng mga Saksi ni Jehova ang tagapagkaisang buklod ng banal na espiritu ang nagdala upang matipon ang mga tao sa lahat ng lahi, wika, at bansa upang bumuo ng isang tunay na “samahan ng magkakapatid.”—1 Pedro 2:17.
Ang Espiritu ng Diyos at Ikaw
Nakikita mo ba ang kabutihan ng pagkakaroon ng bigay-Diyos na karunungan at ng pagtatamasa ng tunay na kalayaan? Hindi ba totoong kahanga-hanga na ang isa’y tumanggap ng makalangit na tulong sa paglutas sa mga suliranin at sa pagpapaunlad ng pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagbabata, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kaamuan, at pagpipigil-sa-sarili? Kung gayo’y pailalim sa kapangyarihan ng banal na espiritu ng Diyos. Subalit papaano ito magagawa ng isang tao?
Hayaang ang Salita ng Diyos, ang Bibliya ang umimpluwensiya sa iyong isip at puso. Makisama ka sa mga taong ang banal na espiritu ang umiimpluwensiya sa kanilang buhay. Kumuha ngayon ng mga hakbang upang matutuhan at maisagawa ang kalooban ng Diyos. Pagkatapos, “harinawang ang Diyos na nagbibigay ng pag-asa ang pumuspos sa iyo nang buong-kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng iyong pagsampalataya, upang ikaw ay sumagana sa pag-asa taglay ang kapangyarihan ng banal na espiritu.”—Roma 15:13.
[Mga talababa]
a Ihambing ang pananalitang Tagalog na “sa ngalan ng batas.” Tingnan din ang Mateo 10:41 sa King James Version, kung saan ginamit ni Jesus ang mga salita na “sa pangalan ng isang propeta” at “sa pangalan ng isang taong matuwid.”
b Tingnan ang pahayag ni Pedro sa mga Judio noong Pentecostes 33 C.E., nang kaniyang ipaliwanag ang maraming pitak ng papel na ginampanan ni Jesus at ng banal na espiritu sa buhay ng bautismadong mga mananampalataya. Pagkatapos ng kaniyang pahayag, 3,000 katao ang nabautismuhan sa pangalan ng Ama, ng Anak, at ng banal na espiritu.—Gawa 2:14-42.