Malakias
3 “Isinusugo ko ang aking mensahero, at hahawanin* niya ang dadaanan ko.+ At ang tunay na Panginoon, na hinahanap ninyo, ay biglang darating sa kaniyang templo;+ at darating ang mensahero ng tipan na kinalulugdan ninyo. Tiyak na darating siya,” ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.
2 “Pero sino ang makatatagal sa araw ng pagdating niya, at sino ang mananatiling nakatayo kapag nagpakita siya? Dahil siya ay magiging gaya ng apoy ng tagapagdalisay at gaya ng sabon*+ ng mga naglalaba. 3 At uupo siyang gaya ng tagapagdalisay at tagapaglinis ng pilak+ at lilinisin niya ang mga anak ni Levi; at dadalisayin niya silang parang ginto at parang pilak, at kay Jehova, sila ay tiyak na magiging isang bayang naghahandog nang may matuwid na katayuan. 4 At matutuwa si Jehova sa handog ng Juda at ng Jerusalem, gaya ng mga araw noong sinauna at gaya ng mga taon noong unang panahon.+
5 “Darating ako para humatol sa inyo, at agad akong tetestigo laban sa mga mangkukulam,*+ laban sa mga mangangalunya, laban sa mga nananata nang may kasinungalingan,+ laban sa mga nandaraya sa mga upahang trabahador,+ biyuda, at batang walang ama,*+ at laban sa mga ayaw tumulong* sa mga dayuhan.+ Ang mga ito ay hindi natatakot sa akin,” ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.
6 “Dahil ako si Jehova; hindi ako nagbabago.*+ At kayo ay mga anak ni Jacob, kaya hindi pa kayo sumasapit sa inyong katapusan. 7 Mula pa noong panahon ng mga ninuno ninyo, lumilihis na kayo sa mga tuntunin ko at hindi ninyo sinusunod ang mga iyon.+ Manumbalik kayo sa akin, at manunumbalik ako sa inyo,”+ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.
Pero sinasabi ninyo: “Paano kami manunumbalik?”
8 “Mananakawan ba ng isang tao ang Diyos? Pero ninanakawan ninyo ako.”
At sinasabi ninyo: “Paano ka namin ninakawan?”
“Sa mga ikapu* at sa mga abuloy. 9 Talagang isinumpa kayo,* dahil ninanakawan ninyo ako—oo, ginagawa iyan ng buong bansa. 10 Dalhin ninyo sa imbakan ang buong ikapu*+ para magkaroon ng pagkain sa bahay ko;+ at subukin ninyo ako sa bagay na ito, pakisuyo,” ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, “at tingnan ninyo kung hindi ko buksan sa inyo ang mga pintuan ng langit+ at ibuhos sa inyo* ang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan.”+
11 “At sasawayin ko ang lumalamon,* at hindi nito sisirain ang bunga ng inyong lupain, at hindi mawawalan ng bunga ang inyong ubasan,”+ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.
12 “Sasabihin ng lahat ng bansa na maligaya kayo,+ dahil kayo ay magiging lupain ng kaluguran,” ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.
13 “Mabigat ang mga sinasabi ninyo laban sa akin,” ang sabi ni Jehova.
At sinasabi ninyo: “Ano ba ang sinasabi namin laban sa iyo?”+
14 “Sinasabi ninyo, ‘Walang saysay ang maglingkod sa Diyos.+ Ano ba ang naging pakinabang natin sa pagtupad sa mga obligasyon natin sa kaniya at sa paglalakad nang malungkot sa harap ni Jehova ng mga hukbo? 15 Hindi ba’t maligaya ang mga taong pangahas? At matagumpay ang mga gumagawa ng masama?+ Sinusubok nila ang Diyos pero hindi sila napaparusahan.’”
16 Nang panahong iyon, nag-usap-usap ang mga natatakot kay Jehova, kausap ng bawat isa ang kasama niya, at pinakinggan silang mabuti ni Jehova. At isang aklat ng alaala ang isinulat sa harap niya+ para sa mga natatakot kay Jehova at para sa mga nagbubulay-bulay* sa pangalan niya.+
17 “At sila ay magiging akin,”+ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, “sa araw na gagawin ko silang espesyal* na pag-aari.+ Mahahabag ako sa kanila, gaya ng pagkahabag ng isang tao sa anak niya na naglilingkod sa kaniya.+ 18 At muli ninyong makikita ang pagkakaiba ng matuwid at ng masama,+ ng naglilingkod sa Diyos at ng hindi naglilingkod sa kaniya.”