Ikalabing-anim na Kabanata
Isang Mensahe ng Pag-asa Para sa Nasisiraan-ng-Loob na mga Bihag
1. Ilarawan ang kalagayan ng mga tapong Judio sa Babilonya.
MADILIM na yugto noon sa kasaysayan ng Juda. Sapilitang kinuha ang tipang bayan ng Diyos mula sa kanilang lupang tinubuan at ngayo’y nagdurusa sa Babilonya bilang mga bihag. Oo nga’t sila’y binigyan ng isang antas ng kalayaan upang maipagpatuloy ang kanilang pang-araw-araw na mga gawain. (Jeremias 29:4-7) Ang ilan ay naging mga dalubhasang manggagawa o nagpakaabala sa pagnenegosyo.a (Nehemias 3:8, 31, 32) Magkagayunman, hindi naging madali ang buhay para sa mga bihag na Judio. Sila’y inaalipin, kapuwa sa pisikal at espirituwal. Tingnan natin kung paano.
2, 3. Paano nakaapekto sa pagsamba ng mga Judio kay Jehova ang kanilang pagkatapon?
2 Nang wasakin ng mga hukbo ng Babilonya ang Jerusalem noong 607 B.C.E., hindi lamang nila sinira ang isang bansa; nagpasapit din sila ng isang dagok sa tunay na pagsamba. Nilimas nila ang laman ng templo ni Jehova at sinira iyon, anupat sinalanta ang kaayusan ng pagkasaserdote sa pamamagitan ng pagbihag sa ilan mula sa tribo ni Levi at pagpatay sa iba. Yamang wala nang bahay ng pagsamba, wala nang altar, at wala nang organisadong pagkasaserdote, imposible na para sa mga Judio na maghandog ng mga hain sa tunay na Diyos ayon sa itinakda ng Kautusan.
3 Maaari pa rin namang maingatan ng tapat na mga Judio ang kanilang relihiyosong pagkakakilanlan sa pamamagitan ng pagtutuli at pagsunod sa Kautusan hangga’t maaari. Halimbawa, maaari silang umiwas sa ipinagbabawal na mga pagkain at mangilin ng Sabbath. Ngunit sa paggawa nito, nanganganib naman na sila’y libakin ng mga bumihag sa kanila, sapagkat ang turing ng mga taga-Babilonya sa relihiyosong mga ritwal ng mga Judio ay isang kahangalan. Ang pagkasira ng loob ng mga tapon ay makikita sa mga salita ng salmista: “Sa tabi ng mga ilog ng Babilonya—doon kami umupo. Tumangis din kami nang maalaala namin ang Sion. Sa mga punong alamo sa gitna niya ay isinabit namin ang aming mga alpa. Sapagkat yaong mga humahawak sa amin bilang bihag ay doon humihiling sa amin ng mga salita ng isang awit, at yaong mga nanlilibak sa amin—ng pagsasaya: ‘Awitin ninyo para sa amin ang isa sa mga awit ng Sion.’ ”—Awit 137:1-3.
4. Bakit walang kabuluhan para sa mga Judio na umasa sa ibang mga bansa ukol sa kaligtasan, subalit kanino sila maaaring bumaling para humingi ng tulong?
4 Kung gayon, kanino maaaring bumaling ang mga bihag na Judio ukol sa kaaliwan? Saan magmumula ang kanilang kaligtasan? Tiyak na hindi sa alinman sa mga bansang nakapalibot! Lahat ng ito ay walang magagawa laban sa mga hukbo ng Babilonya, at ang marami sa kanila ay galit sa mga Judio. Subalit may pag-asa pa rin ang kalagayan. Si Jehova, na pinagrebeldehan nila noong sila’y isang malayang bayan pa, ay magiliw na nagpaabot sa kanila ng isang nakapagpapasiglang paanyaya, bagaman sila’y nasa pagkatapon.
“Pumarito Kayo sa Tubig”
5. Ano ang kahulugan ng mga salitang “pumarito kayo sa tubig”?
5 Sa pamamagitan ni Isaias, si Jehova ay makahulang nagsalita sa mga bihag na Judio sa Babilonya: “Kayo riyan, lahat kayong nauuhaw! Pumarito kayo sa tubig. At ang mga walang salapi! Pumarito kayo, bumili kayo at kumain. Oo, pumarito kayo, bumili kayo ng alak at gatas kahit walang salapi at walang bayad.” (Isaias 55:1) Ang mga salitang ito ay hitik sa simbolismo. Halimbawa, isaalang-alang ang paanyaya: “Pumarito kayo sa tubig.” Kung walang tubig, imposibleng mabuhay. Kung wala ang mahalagang likidong iyan, tayong mga tao ay mabubuhay sa loob lamang ng isang linggo. Samakatuwid, angkop lamang na gamitin ni Jehova ang tubig bilang kahambing ng maaaring maging epekto ng kaniyang mga salita sa mga bihag na Judio. Ang kaniyang mensahe ay makapagpapaginhawa sa kanila, na gaya ng isang malamig na inumin sa mainit na panahon. Wawakasan nito ang kanilang panlulumo, anupat papawiin ang kanilang pagkauhaw sa katotohanan at katuwiran. At lilipusin sila nito ng pag-asang makalaya sa pagiging bihag. Gayunman, upang makinabang, ang mga tapong Judio ay kailangang uminom ng mensahe ng Diyos, magbigay-pansin dito, at kumilos ayon dito.
6. Paano makikinabang ang mga Judio kung sila’y bibili ng “alak at gatas”?
6 Si Jehova ay nag-alok din ng “alak at gatas.” Ang gatas ay nagpapalakas ng mga murang katawan at tumutulong upang lumaki ang mga bata. Sa katulad na paraan, ang mga salita ni Jehova ay magpapalakas sa kaniyang bayan sa espirituwal at tutulong upang mapatibay nila ang kanilang kaugnayan sa kaniya. Kumusta naman ang alak? Ang alak ay madalas na ginagamit sa masasayang okasyon. Sa Bibliya, ito’y iniuugnay sa kasaganaan at pagsasaya. (Awit 104:15) Sa pagsasabi sa kaniyang bayan na “bumili kayo ng alak,” tinitiyak sa kanila ni Jehova na ang buong-pusong panunumbalik sa tunay na pagsamba ay magpapangyaring sila’y ‘lubusang magalak.’—Deuteronomio 16:15; Awit 19:8; Kawikaan 10:22.
7. Bakit kahanga-hanga ang pagkamahabagin ni Jehova sa mga tapon, at ano ang itinuturo nito sa atin tungkol sa kaniya?
7 Tunay ngang napakamaawain ni Jehova sa pag-aalok ng gayong espirituwal na kaginhawahan sa mga tapong Judio! Lalo pa ngang nagiging kahanga-hanga ang pagkamahabagin niya kapag nagugunita natin ang kasaysayan ng mga Judio sa pagiging matitigas ang ulo at mapaghimagsik. Hindi nga sila karapat-dapat sa pagsang-ayon ni Jehova. Gayunman, ang salmistang si David ay sumulat ilang siglo bago nito: “Si Jehova ay maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan. Hindi siya habang panahong maghahanap ng kamalian, ni maghihinanakit man siya hanggang sa panahong walang takda.” (Awit 103:8, 9) Sa halip na putulin na ang kaugnayan niya sa kaniyang bayan, si Jehova pa ang gumawa ng unang hakbang upang makipagkasundo. Tunay ngang siya’y isang Diyos na ‘nalulugod sa maibiging-kabaitan.’—Mikas 7:18.
Maling Pagtitiwala
8. Saan naglagak ng pagtitiwala ang maraming Judio, sa kabila ng anong babala?
8 Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin naglalagak ng lubusang pagtitiwala kay Jehova ang maraming Judio ukol sa kaligtasan. Halimbawa, bago bumagsak ang Jerusalem, ang mga pinuno nito ay umasa sa makapangyarihang mga bansa para sa suporta, anupat nagpatutot sila, wika nga, kapuwa sa Ehipto at sa Babilonya. (Ezekiel 16:26-29; 23:14) Taglay ang mabuting dahilan, nagbabala si Jeremias sa kanila: “Sumpain ang matipunong lalaki na naglalagak ng kaniyang tiwala sa makalupang tao at laman ang ginagawa niyang kaniyang bisig, at may pusong tumatalikod kay Jehova.” (Jeremias 17:5) Subalit iyan mismo ang ginawa ng bayan ng Diyos!
9. Paanong ang maraming Judio ay “nagbabayad ng salapi para sa hindi naman tinapay”?
9 Ngayon ay alipin sila ng isa sa mga bansang pinaglagakan nila ng pagtitiwala. Natuto na ba sila ng leksiyon? Maaaring marami pa rin ang hindi, sapagkat nagtanong si Jehova: “Bakit kayo patuloy na nagbabayad ng salapi para sa hindi naman tinapay, at bakit ang inyong pagpapagal ay hindi sa ikabubusog?” (Isaias 55:2a) Kung ang mga bihag na Judio ay nagtitiwala sa sinuman sa halip na kay Jehova, sila’y “nagbabayad ng salapi para sa hindi naman tinapay.” Tiyak na hindi sila palalayain ng Babilonya dahil sa patakaran nito na huwag kailanman magpauwi ng mga bihag. Sa totoo lamang, ang Babilonya, lakip ang kaniyang imperyalismo, komersiyalismo, at huwad na pagsamba, ay walang maidudulot sa mga tapong Judio.
10. (a) Paano gagantimpalaan ni Jehova ang mga tapong Judio kung makikinig sila sa kaniya? (b) Ano ang ipinakipagtipan ni Jehova kay David?
10 Namanhik si Jehova sa kaniyang bayan: “Makinig kayong mabuti sa akin, at kumain kayo ng bagay na mabuti, at hayaang ang inyong kaluluwa ay makasumpong ng masidhing kaluguran nito sa katabaan. Ikiling ninyo ang inyong pandinig at pumarito kayo sa akin. Makinig kayo, at ang inyong kaluluwa ay mananatiling buháy, at malugod akong makikipagtipan sa inyo ng isang tipan na namamalagi nang walang takda may kaugnayan sa tapat na mga maibiging-kabaitan kay David.” (Isaias 55:2b, 3) Ang tanging pag-asa ng bayang ito na dumaranas ng malnutrisyon sa espirituwal ay nakasalig kay Jehova, na ngayo’y makahulang nagsasalita sa kanila sa pamamagitan ni Isaias. Ang kanilang buhay mismo ay nakasalalay sa pakikinig sa mensahe ng Diyos, yamang sinabi niya na sa paggawa nila nito, ang kanilang “kaluluwa ay mananatiling buháy.” Kung gayon, ano ang “tipan na namamalagi nang walang takda” na ipakikipagtipan ni Jehova sa mga tutugon sa kaniya? Ang tipang iyan ay “may kaugnayan sa tapat na mga maibiging-kabaitan kay David.” Ilang siglo bago nito, ipinangako ni Jehova kay David na ang kaniyang trono ay magiging isa na “itinatag nang matibay hanggang sa panahong walang takda.” (2 Samuel 7:16) Samakatuwid, ang “tipan na namamalagi nang walang takda” na binanggit dito ay tumutukoy sa pamamahala.
Isang Permanenteng Tagapagmana ng Walang-Hanggang Kaharian
11. Bakit waring malayong mangyari sa mga tapon sa Babilonya ang katuparan ng pangako ng Diyos kay David?
11 Totoo nga na ang ideya ng pamamahala sa hanay ni David ay waring malayong mangyari sa mga tapong Judiong iyon. Naiwala na nila ang kanilang lupain at maging ang kanilang pagkabansa! Subalit iyan ay pansamantala lamang. Hindi nalilimutan ni Jehova ang kaniyang tipan kay David. Kung inaakala man ng tao na ito’y malayong mangyari, ang layunin ng Diyos hinggil sa isang walang-hanggang Kaharian sa hanay ni David ay tiyak na magtatagumpay. Subalit paano at kailan? Noong 537 B.C.E., pinalaya ni Jehova ang kaniyang bayan mula sa pagkabihag sa Babilonya at ibinalik sila sa kanilang lupang tinubuan. Nagbunga ba ito ng pagtatatag ng isang kaharian na mamamalagi nang walang takda? Hindi, sila’y nanatiling sakop ng iba namang paganong imperyo, ang Medo-Persia. “Ang mga takdang panahon” upang mamahala ang mga bansa ay hindi pa natatapos. (Lucas 21:24) Habang wala pang hari sa Israel, ang ipinangako ni Jehova kay David ay mananatiling di-natutupad sa darating na mga siglo.
12. Anong hakbang ang ginawa ni Jehova tungo sa katuparan ng kaniyang tipan sa Kaharian na ipinakipagtipan kay David?
12 Mahigit na 500 taon matapos palayain ang Israel mula sa pagkabihag sa Babilonya, gumawa si Jehova ng isang malaking hakbang tungo sa katuparan ng tipan ukol sa Kaharian nang ilipat niya ang buhay ng kaniyang panganay na Anak, ang pasimula ng kaniyang gawang paglalang, mula sa makalangit na kaluwalhatian tungo sa sinapupunan ng isang Judiong birhen na si Maria. (Colosas 1:15-17) Habang ipinatatalastas ang pangyayaring iyon, sinabi ng anghel ni Jehova kay Maria: “Ang isang ito ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan; at ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama, at siya ay mamamahala bilang hari sa sambahayan ni Jacob magpakailanman, at hindi magkakaroon ng wakas ang kaniyang kaharian.” (Lucas 1:32, 33) Kaya si Jesus ay ipinanganak sa maharlikang hanay ni David at nagmana ng karapatan sa pagkahari. Kapag nailuklok na, si Jesus ay mamamahala “hanggang sa panahong walang takda.” (Isaias 9:7; Daniel 7:14) Samakatuwid ay bukás na ngayon ang daan para sa katuparan ng daan-daang taon nang pangako ni Jehova na bibigyan si Haring David ng isang permanenteng tagapagmana.
“Kumandante sa mga Liping Pambansa”
13. Paanong si Jesus ay naging isang “saksi sa mga liping pambansa” kapuwa noong panahon ng kaniyang ministeryo at pagkaakyat niya sa langit?
13 Ano kaya ang gagawin ng magiging haring ito? Sinabi ni Jehova: “Narito! Bilang saksi sa mga liping pambansa ay ibinigay ko siya, bilang lider at kumandante sa mga liping pambansa.” (Isaias 55:4) Nang lumaki si Jesus, siya ang naging kinatawan ni Jehova sa lupa, ang saksi ng Diyos sa mga bansa. Sa buong buhay niya bilang tao, ang kaniyang ministeryo ay nakatuon sa “nawawalang mga tupa ng sambahayan ng Israel.” Gayunman, nang malapit na siyang umakyat sa langit, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa . . . Narito! ako ay sumasainyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 10:5, 6; 15:24; 28:19, 20) Kaya nang maglaon, ang mensahe ng Kaharian ay dinala sa mga di-Judio, at ang ilan sa kanila ay nakibahagi sa katuparan ng tipan kay David. (Gawa 13:46) Sa ganitong paraan, kahit pagkatapos na siya’y mamatay, buhaying-muli, at umakyat sa langit, si Jesus ay patuloy na naging “saksi [ni Jehova] sa mga liping pambansa.”
14, 15. (a) Paano pinatunayan ni Jesus na siya’y isang “lider at kumandante”? (b) Anong pag-asa ang inaasam ng mga tagasunod ni Jesus noong unang siglo?
14 Si Jesus ay magiging isa ring “lider at kumandante.” Kasuwato ng makahulang paglalarawang ito, lubusang tinanggap ni Jesus noong siya’y nasa lupa ang mga pananagutan ng kaniyang pagkaulo at nanguna sa lahat ng paraan, anupat nakaaakit sa napakalalaking pulutong, na tinuturuan sila ng mga salita ng katotohanan, at ipinababatid ang mga pakinabang na darating doon sa mga susunod sa kaniyang pangunguna. (Mateo 4:24; 7:28, 29; 11:5) Mabisa niyang sinanay ang kaniyang mga alagad, anupat inihahanda sila upang isagawa ang kampanya ng pangangaral na naghihintay sa kanila. (Lucas 10:1-12; Gawa 1:8; Colosas 1:23) Sa loob lamang ng tatlo at kalahating taon, nailatag ni Jesus ang pundasyon para sa isang nagkakaisa at pandaigdig na kongregasyon na may libu-libong miyembro mula sa maraming lahi! Tanging isang tunay na “lider at kumandante” lamang ang makagagawa ng ganitong napakalaking gawain.b
15 Yaong mga natipon sa Kristiyanong kongregasyon noong unang siglo ay pinahiran ng banal na espiritu ng Diyos, at taglay nila ang pag-asang maging kasamang tagapamahala ni Jesus sa kaniyang makalangit na Kaharian. (Apocalipsis 14:1) Gayunman, ang hula ni Isaias ay lampas pa sa panahon ng pagsisimula ng Kristiyanismo. Ipinakikita ng katibayan na noon lamang 1914 nagsimulang mamahala si Jesu-Kristo bilang Hari ng Kaharian ng Diyos. Di-nagtagal pagkatapos nito, naganap ang isang kalagayan sa gitna ng mga pinahirang Kristiyano sa lupa na may maraming pagkakatulad sa naging kalagayan ng mga tapong Judio noong ikaanim na siglo B.C.E. Sa katunayan, ang nangyari sa mga Kristiyanong iyon ay bumubuo ng mas malaking katuparan ng hula ni Isaias.
Makabagong-Panahong Pagkabihag at Paglaya
16. Anong kabagabagan ang kasunod ng pagluklok ni Jesus sa trono noong 1914?
16 Ang pagluklok ni Jesus sa trono bilang Hari noong 1914 ay inihudyat ng isang wala-pang-katulad na kabagabagan sa daigdig. Bakit? Sapagkat nang maging Hari, pinalayas ni Jesus si Satanas at ang iba pang balakyot na mga espiritung nilalang mula sa langit. Nang makulong sa lupa, sinimulan ni Satanas ang pakikidigma laban sa mga natitirang banal, ang nalabi ng mga pinahirang Kristiyano. (Apocalipsis 12:7-12, 17) Sumapit ang kasukdulan noong 1918 nang halos mapahinto ang gawaing pangangaral sa madla at mabilanggo ang mga responsableng opisyal ng Samahang Watch Tower dahil sa mga maling paratang na sedisyon. Sa paraang ito, ang makabagong-panahong mga lingkod ni Jehova ay naging bihag sa espirituwal, na nagpapagunita sa pisikal na pagkabihag ng sinaunang mga Judio. Nakaumang sa kanila ang matinding kadustaan.
17. Paano nabaligtad ang kalagayan ng mga pinahiran noong 1919, at paano sila pinatibay noon?
17 Subalit hindi naman nagtagal ang pagiging bihag ng mga pinahirang lingkod ng Diyos. Noong Marso 26, 1919, pinalaya ang mga nakabilanggong opisyal, at nang dakong huli ay iniurong na ang lahat ng paratang laban sa kanila. Binuhusan ni Jehova ng banal na espiritu ang kaniyang pinalayang bayan, anupat pinasigla sila para sa gawaing naghihintay sa kanila. Taglay ang kagalakan, tinugon nila ang paanyaya na “kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.” (Apocalipsis 22:17) Sila’y bumili ng “alak at gatas kahit walang salapi at walang bayad” at pinatibay sa espirituwal para sa isang kahanga-hangang pagpapalawak na malapit nang maganap, isang bagay na hindi patiunang nakita ng pinahirang nalabi.
Tatakbo sa Pinahiran ng Diyos ang Isang Malaking Pulutong
18. Anong dalawang grupo ang nasusumpungan sa mga alagad ni Jesu-Kristo, at bumubuo sila ng ano sa ngayon?
18 Inaasam ng mga alagad ni Jesus ang isa sa dalawang pag-asa. Una, isang “munting kawan” na may bilang na 144,000 ang natipon na—ang mga pinahirang Kristiyano na nagmula kapuwa sa mga Judio at mga Gentil na siyang “Israel ng Diyos” at may pag-asa na mamahalang kasama ni Jesus sa kaniyang makalangit na Kaharian. (Lucas 12:32; Galacia 6:16; Apocalipsis 14:1) Ikalawa, sa mga huling araw, lumitaw ang “isang malaking pulutong” ng “ibang mga tupa.” Ang mga ito’y may pag-asang mabuhay magpakailanman sa isang paraisong lupa. Bago sumiklab ang malaking kapighatian, ang karamihang ito—na walang takdang bilang—ay naglilingkod na kasama ng munting kawan, at ang dalawang grupong ito ay bumubuo ng “isang kawan” sa ilalim ng “isang pastol.”—Apocalipsis 7:9, 10; Juan 10:16.
19. Paano tumugon sa panawagan ng espirituwal na bansang iyon ang “isang bansa” na dati’y di-kilala ng Israel ng Diyos?
19 Ang pagtitipon sa malaking pulutong na ito ay mahihiwatigan sa sumusunod na mga salita sa hula ni Isaias: “Narito! Ang isang bansa na hindi mo nakikilala ay tatawagin mo, at silang mula sa isang bansa na hindi nakakakilala sa iyo ay tatakbo sa iyo, alang-alang kay Jehova na iyong Diyos, at para sa Banal ng Israel, sapagkat pagagandahin ka niya.” (Isaias 55:5) Noong mga taon kasunod ng kanilang paglaya mula sa espirituwal na pagkabihag, sa pasimula’y hindi pa nauunawaan ng pinahirang nalabi na bago ang Armagedon, sila’y magiging kasangkapan sa pagtawag sa isang malaking “bansa” ukol sa pagsamba kay Jehova. Gayunman, sa paglipas ng panahon, maraming tapat-pusong mga tao na walang makalangit na pag-asa ang nagsimulang makisama sa mga pinahiran at maglingkod kay Jehova taglay ang gayunding sigasig na kagaya ng sa mga pinahiran. Ang mga baguhang ito ay nagbigay-pansin sa pinagandang kalagayan ng bayan ng Diyos, na naniniwalang si Jehova ay sumasakanila. (Zacarias 8:23) Noong mga taon ng 1930, naunawaan ng mga pinahiran ang tunay na pagkakakilanlan ng grupong ito, na ang bilang ay dumarami sa gitna nila. Naunawaan nila na may mangyayari pang isang napakalaking gawaing pagtitipon. Ang malaking pulutong ay nagmamadali sa pakikisama sa tipang bayan ng Diyos, at may katuwiran naman sila.
20. (a) Sa ating kapanahunan, bakit kailangang ‘hanapin si Jehova’ nang apurahan, at paano ito isinasagawa? (b) Paano tutugunin ni Jehova yaong mga humahanap sa kaniya?
20 Noong kapanahunan ni Isaias, ganito ang naging panawagan: “Hanapin ninyo si Jehova samantalang siya ay masusumpungan. Tumawag kayo sa kaniya samantalang siya ay malapit.” (Isaias 55:6) Sa ating kapanahunan, angkop ang mga salitang ito, kapuwa sa mga bumubuo sa Israel ng Diyos at sa dumaraming malaking pulutong. Ang pagpapala ni Jehova ay hindi walang-pasubali, ni ang kaniyang paanyaya man ay ipinaaabot nang walang hanggan. Ngayon na ang panahon para hanapin ang paglingap ng Diyos. Kapag dumating na ang takdang panahon ng paghatol ni Jehova, magiging huli na ang lahat. Kaya naman sinabi ni Isaias: “Iwan ng taong balakyot ang kaniyang lakad, at ng taong mapaminsala ang kaniyang mga kaisipan; at manumbalik siya kay Jehova, na maaawa sa kaniya, at sa ating Diyos, sapagkat magpapatawad siya nang sagana.”—Isaias 55:7.
21. Paano napatunayang di-tapat ang bansang Israel sa ipinahayag ng kanilang mga ninuno?
21 Ang pariralang “manumbalik siya kay Jehova” ay nagpapahiwatig na yaong mga kailangang magsisi ay dati nang nagkaroon ng kaugnayan sa Diyos. Ipinagugunita sa atin ng pananalitang ito na ang maraming aspekto ng bahaging ito ng hula ni Isaias ay unang kumakapit sa mga Judiong bihag sa Babilonya. Maraming siglo bago nito, ipinahayag ng mga ninuno ng mga bihag na ito ang kanilang determinasyon na maging masunurin kay Jehova nang sabihin nila: “Malayong mangyari, sa ganang amin, na iwan si Jehova upang maglingkod sa ibang mga diyos.” (Josue 24:16) Ipinakikita ng kasaysayan na ang “malayong mangyari” ay nangyari nga—nang paulit-ulit! Ang kawalan ng pananampalataya ng bayan ng Diyos ang dahilan kung bakit sila napatapon sa Babilonya.
22. Bakit sinabi ni Jehova na ang kaniyang mga kaisipan at mga lakad ay mas mataas kaysa sa mga kaisipan at mga lakad ng mga tao?
22 Ano ang mangyayari kung sila’y magsisisi? Sa pamamagitan ni Isaias, ipinangako ni Jehova na “magpapatawad siya nang sagana.” At idinagdag niya: “ ‘Sapagkat ang mga kaisipan ninyo ay hindi ko mga kaisipan, ni ang aking mga lakad man ay inyong mga lakad,’ ang sabi ni Jehova. ‘Sapagkat kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa sa lupa, gayundin na ang aking mga lakad ay mas mataas kaysa sa inyong mga lakad, at ang aking mga kaisipan kaysa sa inyong mga kaisipan.’ ” (Isaias 55:8, 9) Si Jehova ay sakdal, at ang kaniyang mga kaisipan at mga lakad ay di-maabot sa kataasan. Maging ang kaniyang awa ay napakadakila anupat bilang mga tao ay hindi natin kailanman maaasahang maaabot ito. Pag-isipan ito: Kapag nagpatawad tayo sa ating kapuwa, iyon ay isang kaso ng isang makasalanan na nagpatawad sa isang makasalanan. Batid natin na sa malao’t madali ay kailangang tayo naman ang patawarin ng ating kapuwa. (Mateo 6:12) Subalit si Jehova, bagaman hindi kailanman nangangailangan ng kapatawaran ninuman, ay nagpapatawad “nang sagana”! Tunay ngang siya’y isang Diyos ng malaking maibiging-kabaitan. At sa kaniyang awa, binubuksan ni Jehova ang mga pintuan ng tubig sa langit, anupat nagpapaulan ng mga pagpapala doon sa mga manunumbalik sa kaniya nang buong puso nila.—Malakias 3:10.
Mga Pagpapala Para sa mga Manunumbalik kay Jehova
23. Paano inilarawan ni Jehova ang katiyakan ng katuparan ng kaniyang salita?
23 Nangako si Jehova sa kaniyang bayan: “Kung paanong ang bumubuhos na ulan, at ang niyebe, ay lumalagpak mula sa langit at hindi bumabalik sa dakong iyon, malibang diligin muna nito ang lupa at patubuan iyon at pasibulan, at maibigay ang binhi sa manghahasik at ang tinapay sa kumakain, magiging gayon ang aking salita na lumalabas sa aking bibig. Hindi ito babalik sa akin nang walang resulta, kundi gagawin nga nito yaong kinalulugdan ko, at ito ay tiyak na magtatagumpay sa bagay na pinagsuguan ko nito.” (Isaias 55:10, 11) Lahat ng sabihin ni Jehova ay tiyak na matutupad. Kung paanong ang ulan at niyebeng lumalagpak mula sa langit ay tumutupad sa layunin ng mga ito na diligin ang lupa at pagbungahin ito, gayundin lubos na mapagkakatiwalaan ang salita ni Jehova na lumalabas sa kaniyang bibig. Ang kaniyang ipinangako ay tutuparin niya—nang may ganap na katiyakan.—Bilang 23:19.
24, 25. Anong mga pagpapala ang naghihintay para sa mga tapong Judio na kikilos ayon sa mensahe ni Jehova sa pamamagitan ni Isaias?
24 Sa gayon, kung susundin ng mga Judio ang mga salita na makahulang binigkas para sa kanila sa pamamagitan ni Isaias, walang-pagsalang tatanggapin nila ang kaligtasang ipinangako ni Jehova. Bilang resulta, tatamasahin nila ang malaking kagalakan. Sinabi ni Jehova: “Lalabas kayo na may pagsasaya, at papapasukin kayo na may kapayapaan. Ang mga bundok at ang mga burol ay magsasaya sa harap ninyo na may hiyaw ng kagalakan, at ang lahat ng mga punungkahoy sa parang ay magpapalakpak ng kanilang mga kamay. Sa halip na palumpungan ng mga tinik ay puno ng enebro ang tutubo. Sa halip na nakatutusok na kulitis ay puno ng mirto ang tutubo. At iyon ay magiging isang bagay na tanyag para kay Jehova, isang tanda hanggang sa panahong walang takda na hindi mapaparam.”—Isaias 55:12, 13.
25 Noong 537 B.C.E., lumabas nga ang mga tapong Judio mula sa Babilonya na may pagsasaya. (Awit 126:1, 2) Pagdating nila sa Jerusalem, nadatnan nila ang isang lupain na punung-puno ng mga palumpungan ng mga tinik at nakatutusok na kulitis—tandaan, ang lupain ay nakatiwangwang sa loob ng mga dekada. Subalit ngayon ay makatutulong na ang pinabalik na bayan ng Diyos sa pagsasagawa ng isang kaakit-akit na pagbabago! Mga nagtataasang punungkahoy, gaya ng enebro at mirto, ang pumalit sa mga tinik at nakatutusok na kulitis. Ang pagpapala ni Jehova ay agad na nadarama habang ang kaniyang bayan ay naglilingkod sa kaniya “na may hiyaw ng kagalakan.” Para bang ang lupain mismo ay nagsasaya.
26. Anong pinagpalang kalagayan ang tinatamasa ng bayan ng Diyos sa ngayon?
26 Ang nalabi ng mga pinahirang Kristiyano ay pinalaya noong 1919 mula sa kanilang espirituwal na pagkabihag. (Isaias 66:8) Kasama ng malaking pulutong ng ibang mga tupa, sila ngayon ay naglilingkod sa Diyos na may pagsasaya sa isang espirituwal na paraiso. Palibhasa’y wala nang anumang bahid ng impluwensiya ng Babilonya, tinatamasa nila ang isang sinang-ayunang kalagayan, na para kay Jehova ay isang “bagay na tanyag.” Ang kanilang espirituwal na kasaganaan ay lumuluwalhati sa kaniyang pangalan at dumadakila sa kaniya bilang ang Diyos ng tunay na hula. Ang nagawa na ni Jehova para sa kanila ay nagtatanghal ng kaniyang pagka-Diyos at nagpapatotoo sa katapatan niya sa kaniyang salita at sa awa niya sa mga nagsisisi. Lahat sana niyaong patuloy na ‘bumibili ng alak at gatas kahit walang salapi at walang bayad’ ay magsaya sa paglilingkod sa kaniya magpakailanman!
[Mga talababa]
a Maraming pangalang Judio ang natagpuan sa sinaunang mga rekord ng Babilonya may kinalaman sa pangangalakal.
b Patuloy na pinangangasiwaan ni Jesus ang paggawa ng mga alagad. (Apocalipsis 14:14-16) Sa ngayon, si Jesus ay minamalas ng mga Kristiyanong lalaki at babae bilang ang Ulo ng kongregasyon. (1 Corinto 11:3) At sa takdang panahon ng Diyos, kikilos si Jesus bilang isang “lider at kumandante” sa iba namang paraan, kapag pinangunahan niya ang pangwakas na pakikipaglaban sa mga kaaway ng Diyos sa digmaan ng Armagedon.— Apocalipsis 19:19-21.
[Larawan sa pahina 234]
Ang mga Judiong nauuhaw sa espirituwal ay inaanyayahang ‘pumarito sa tubig’ at ‘bumili ng alak at gatas’
[Larawan sa pahina 239]
Pinatunayan ni Jesus na siya’y isang “lider at kumandante” sa mga liping pambansa
[Mga larawan sa pahina 244, 245]
“Iwan ng taong balakyot ang kaniyang lakad”