AGAS
[sa Ingles, running discharge].
Isang termino sa Bibliya na tumutukoy sa mga karamdamang nauugnay sa ari ng lalaki o ng babae. (Lev 15:2, 19, 25; Bil 5:2, 3; 2Sa 3:29) Sa kaso ng mga lalaki, nauugnay ito sa di-malusog na kalagayan, anupat may lumalabas o bumabara sa ari. (Lev 15:2, 3) Walang supling na lalaki ni Aaron ang pinahintulutang kumain ng “mga banal na bagay” habang marumi siya dahil sa kaniyang agas.—Lev 22:4.
Kung minsan, ang pananalitang “agas” ay tumutukoy sa regular at normal na pagreregla ng babae. (Lev 15:19-24) Gayunman, ginagamit din ito upang tumukoy sa matagal na pag-agas ng dugo dahil sa sakit, at sa gayon ay isa itong di-normal na pag-agas ng dugo. (Lev 15:25-30) Sa huling nabanggit na kalagayan, tumukoy ito sa malalang “pag-agas ng dugo” na dinanas ng isang babae nang 12 taon bago siya pinagaling ni Jesu-Kristo.—Mat 9:20-22.
Ayon sa Kautusan, ang taong inaagasan ay marumi, anupat ang mga bagay at mga taong hihipuin niya ay magiging marumi. Kapag tumigil na ang agas na dahil sa sakit, ang indibiduwal ay gagawa ng espesipikong mga hakbang para sa pagpapadalisay.—Lev 15; tingnan ang MALINIS, KALINISAN.