Patuloy na Lumakad Gaya ng Paglakad ni Jesu-Kristo
“Siya na nagsasabi na nananatili siyang kaisa [ng Diyos] ay may pananagutan din mismo na patuloy na lumakad kung paanong lumakad ang isang iyon [si Jesus].”—1 JUAN 2:6.
1, 2. Ano ang nasasangkot sa pagtinging mabuti kay Jesus?
“TAKBUHIN natin nang may pagbabata ang takbuhan na inilagay sa harap natin,” ang sulat ni apostol Pablo, “habang nakatingin tayong mabuti sa Punong Ahente at Tagapagpasakdal ng ating pananampalataya, si Jesus.” (Hebreo 12:1, 2) Upang masunod ang landasin ng katapatan, kailangan tayong tuminging mabuti kay Jesu-Kristo.
2 Ang orihinal na salita para sa ‘nakatinging mabuti,’ gaya ng ginamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ay nangangahulugang “ibuhos ang atensiyon nang walang abala,” “ibaling ang tingin sa ibang bagay,” “ituon ang pansin sa pinagmamasdan.” Isang reperensiyang akda ang nagsasabi: “Sa sandaling alisin ng mananakbong Griego na nasa istadyum ang kaniyang atensiyon sa takbuhan at sa tunguhing sinisikap niyang abutin, at ibaling ito sa mga manonood, babagal siya. Gayundin sa isang Kristiyano.” Ang mga pang-abala ay makahahadlang sa ating pagsulong sa espirituwal. Dapat tayong tuminging mabuti kay Jesu-Kristo. At ano ang tinitingnan natin sa Punong Ahente? Ang terminong Griego na isinaling “punong ahente” ay nangangahulugang “punong lider, ang isa na nangunguna sa anumang bagay at sa gayon ay nagpapakita ng halimbawa.” Ang pagtinging mabuti kay Jesus ay humihiling ng pagsunod sa kaniyang halimbawa.
3, 4. (a) Upang makalakad gaya ng paglakad ni Jesu-Kristo, ano ang kailangan nating gawin? (b) Anu-anong tanong ang nararapat nating bigyang-pansin?
3 “Siya na nagsasabi na nananatili siyang kaisa [ng Diyos] ay may pananagutan din mismo na patuloy na lumakad kung paanong lumakad ang isang iyon [si Jesus],” ang sabi ng Bibliya. (1 Juan 2:6) Dapat tayong manatiling kaisa ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos ni Jesus kung paanong siya ay sumunod sa mga utos ng kaniyang Ama.—Juan 15:10.
4 Samakatuwid, upang makalakad gaya ng paglakad ni Jesus, kailangan natin siyang pagmasdang mabuti bilang ang Punong Lider at maingat nating sundan ang kaniyang mga yapak. Hinggil sa bagay na ito, ang mahahalagang tanong na dapat isaalang-alang ay: Paano nangunguna sa atin si Kristo sa ngayon? Paano dapat makaapekto sa atin ang kaniyang paraan ng paglakad? Anu-ano ang mga kapakinabangan ng panghahawakan sa parisang iniwan ni Jesu-Kristo?
Kung Paano Nangunguna si Kristo sa Kaniyang mga Tagasunod
5. Bago umakyat sa langit, anong pangako ang binitiwan ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod?
5 Bago umakyat sa langit, nagpakita ang binuhay-muling si Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad at nag-atas sa kanila ng isang mahalagang gawain. Sinabi niya: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” Nang pagkakataong iyon, ipinangako rin ng Punong Lider na siya ay sasakanila habang tinutupad nila ang atas na ito, na sinasabi: “Narito! Ako ay sumasainyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 28:19, 20) Paano masasabing kasama ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga tagasunod sa panahong ito ng katapusan ng sistema ng mga bagay?
6, 7. Paano nangunguna sa atin si Jesus sa pamamagitan ng banal na espiritu?
6 “Ang katulong, ang banal na espiritu, na ipadadala ng aking Ama sa pangalan ko,” ang sabi ni Jesus, “ang isang iyon ang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at ibabalik sa inyong mga pag-iisip ang lahat ng bagay na sinabi ko sa inyo.” (Juan 14:26) Ang banal na espiritu, na ipinadala sa pangalan ni Jesus, ang pumapatnubay at nagpapalakas sa atin sa ngayon. Binibigyan tayo nito ng kaliwanagan sa espirituwal na paraan at tinutulungan tayong maunawaan “maging ang malalalim na bagay ng Diyos.” (1 Corinto 2:10) Bukod diyan, ang makadiyos na mga katangian ng “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili” ay “mga bunga ng espiritu.” (Galacia 5:22, 23) Sa tulong ng banal na espiritu, malilinang natin ang mga katangiang ito.
7 Habang pinag-aaralan natin ang Kasulatan at sinisikap na ikapit ang ating natututuhan, tinutulungan tayo ng espiritu ni Jehova na sumulong sa karunungan, kaunawaan, pagkaunawa, kaalaman, kahatulan, at kakayahang mag-isip. (Kawikaan 2:1-11) Tinutulungan din tayo ng banal na espiritu na mabata ang mga tukso at mga pagsubok. (1 Corinto 10:13; 2 Corinto 4:7; Filipos 4:13) Pinapayuhan ang mga Kristiyano na ‘linisin ang kanilang sarili mula sa bawat karungisan ng laman at espiritu, na pinasasakdal ang kabanalan.’ (2 Corinto 7:1) Makapamumuhay nga kaya tayo kaayon ng kahilingan ng Diyos sa kabanalan, o kalinisan, nang walang tulong ng banal na espiritu? Ang isang paraan na ginagamit ni Jesus sa pangunguna sa atin sa ngayon ay ang banal na espiritu, na ipinagagamit ng Diyos na Jehova sa kaniyang Anak.—Mateo 28:18.
8, 9. Paano ginagamit ni Kristo ang “tapat at maingat na alipin” upang maglaan ng pangunguna?
8 Isaalang-alang ang isa pang paraan na sa pamamagitan nito’y nangunguna si Kristo sa kongregasyon sa ngayon. Bilang komento sa kaniyang pagkanaririto at sa katapusan ng sistema ng mga bagay, sinabi ni Jesus: “Sino talaga ang tapat at maingat na alipin na inatasan ng kaniyang panginoon sa kaniyang mga lingkod ng sambahayan, upang magbigay sa kanila ng kanilang pagkain sa tamang panahon? Maligaya ang aliping iyon kung sa pagdating ng kaniyang panginoon ay masumpungan siyang gayon ang ginagawa! Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Aatasan niya siya sa lahat ng kaniyang mga pag-aari.”—Mateo 24:3, 45-47.
9 Ang “panginoon” ay si Jesu-Kristo. Ang “alipin” ay ang grupo ng mga pinahirang Kristiyano sa lupa. Ang uring alipin na ito ay pinagkatiwalaang mangalaga sa mga pag-aari ni Jesus sa lupa at maglaan ng napapanahong espirituwal na pagkain. Isang maliit na grupo ng kuwalipikadong mga tagapangasiwa mula sa kalipunan ng “tapat at maingat na alipin” ang bumubuo sa Lupong Tagapamahala, na naglilingkod bilang kinatawan ng uring alipin. Pinangangasiwaan nila ang pandaigdig na gawaing pangangaral ng Kaharian at ang paglalaan ng espirituwal na pagkain sa tamang panahon. Sa gayon ay nangunguna si Kristo sa kongregasyon sa pamamagitan ng pinahiran-ng-espiritung “tapat at maingat na alipin” at ng Lupong Tagapamahala nito.
10. Ano ang dapat na maging saloobin natin sa matatanda, at bakit?
10 Ang isa pang kapahayagan ng pangunguna ni Kristo ay ang “mga kaloob na mga tao”—Kristiyanong matatanda, o mga tagapangasiwa. Ipinagkaloob sila “upang maibalik sa ayos ang mga banal, ukol sa ministeryal na gawain, ukol sa pagpapatibay sa katawan ng Kristo.” (Efeso 4:8, 11, 12) Hinggil sa kanila, ang Hebreo 13:7 ay nagsasabi: “Alalahanin ninyo yaong mga nangunguna sa inyo, na siyang nagsalita sa inyo ng salita ng Diyos, at habang dinidili-dili ninyo ang kinalalabasan ng kanilang paggawi ay tularan ninyo ang kanilang pananampalataya.” Nangunguna ang matatanda sa kongregasyon. Yamang tinutularan nila si Kristo-Jesus, nagiging karapat-dapat tularan ang kanilang pananampalataya. (1 Corinto 11:1) Maipakikita natin ang pagpapahalaga sa kaayusan hinggil sa matatanda sa pamamagitan ng pagiging masunurin at mapagpasakop sa “mga kaloob na mga tao[ng]” ito.—Hebreo 13:17.
11. Sa pamamagitan ng ano nangunguna si Kristo sa kaniyang mga tagasunod sa ngayon, at ano ang nasasangkot sa paglakad na gaya ng ginawa niya?
11 Oo, nangunguna si Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagasunod sa ngayon sa pamamagitan ng banal na espiritu, ng “tapat at maingat na alipin,” at ng matatanda sa kongregasyon. Upang makalakad tayo gaya ng paglakad ni Kristo, kailangan nating maunawaan ang kaniyang paraan ng pangunguna at magpasakop dito. Kailangan din nating tularan ang kaniyang paraan ng paglakad. “Sa landasing ito ay tinawag kayo,” ang isinulat ni apostol Pedro, “sapagkat maging si Kristo ay nagdusa para sa inyo, na nag-iwan sa inyo ng huwaran upang maingat ninyong sundan ang kaniyang mga yapak.” (1 Pedro 2:21) Sa anong paraan dapat makaapekto sa atin ang pagsunod sa sakdal na huwaran ni Jesus?
Maging Makatuwiran sa Paggamit ng Awtoridad
12. Anong aspekto ng halimbawa ni Kristo ang partikular na dapat bigyang-pansin ng matatanda sa kongregasyon?
12 Bagaman walang-katulad na awtoridad ang tinanggap ni Jesus mula sa kaniyang Ama, siya ay naging makatuwiran sa paggamit nito. Ang lahat sa kongregasyon—partikular na ang mga tagapangasiwa—ay dapat magsikap na ‘makilala ng lahat ng tao ang kanilang pagkamakatuwiran.’ (Filipos 4:5; 1 Timoteo 3:2, 3) Yamang ang matatanda ay may antas ng awtoridad sa kongregasyon, mahalaga na sundan nila ang mga yapak ni Kristo sa paggamit nito.
13, 14. Sa anong paraan matutularan ng matatanda si Kristo habang pinasisigla nila ang iba na maglingkod sa Diyos?
13 Isinaalang-alang ni Jesus ang mga limitasyon ng kaniyang mga alagad. Hindi niya hiniling sa kanila ang higit sa kaya nilang ibigay. (Juan 16:12) Pinasigla ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na ‘magpunyagi nang buong-lakas’ sa paggawa ng kalooban ng Diyos nang walang panggigipit. (Lucas 13:24) Ginawa niya ito sa pamamagitan ng pangunguna at pagganyak sa kanilang puso. Sa katulad na paraan, hindi ginigipit ng Kristiyanong matatanda sa ngayon ang iba na maglingkod sa Diyos sa pamamagitan ng panghihiya o pangongonsiyensiya. Sa halip, pinasisigla nila ang mga ito na maglingkod kay Jehova dahil sa pag-ibig sa kaniya at kay Jesus, gayundin sa kanilang kapuwa tao.—Mateo 22:37-39.
14 Hindi inabuso ni Jesus ang awtoridad na ipinagkaloob sa kaniya sa pamamagitan ng pagkontrol sa buhay ng mga tao. Hindi rin siya nagtakda ng di-maaabot na mga pamantayan ni nagbigay ng napakaraming tuntunin. Ang kaniyang pamamaraan ay ganyakin ang iba sa pamamagitan ng pag-abot sa kanilang puso gamit ang mga simulaing nasa likod ng mga kautusang ibinigay sa pamamagitan ni Moises. (Mateo 5:27, 28) Bilang pagtulad kay Jesu-Kristo, iniiwasan ng matatanda ang paggawa ng mga tuntuning salig lamang sa sariling kagustuhan o paggigiit ng kanilang personal na pangmalas. Kung tungkol sa pananamit at pag-aayos o sa dibersiyon at libangan, sinisikap ng matatanda na maabot ang puso sa pamamagitan ng makadiyos na mga simulain, tulad niyaong mga nakabalangkas sa Mikas 6:8; 1 Corinto 10:31-33; at 1 Timoteo 2:9, 10.
Maging Madamayin at Mapagpatawad
15. Paano tumugon si Jesus sa mga pagkukulang ng kaniyang mga alagad?
15 Si Kristo ay nag-iwan sa atin ng huwaran upang matularan natin kung paano niya pinakitunguhan ang mga pagkukulang at pagkakamali ng kaniyang mga alagad. Isaalang-alang ang dalawang pangyayari noong huling gabi niya sa lupa bilang tao. Pagdating niya sa Getsemani, “isinama [ni Jesus] sina Pedro at Santiago at Juan” at sinabihan silang “patuloy na magbantay.” Pagkatapos nito, “pagparoon [niya] ng bahagya sa unahan ay sumubsob siya sa lupa at nagsimulang manalangin.” Pagbalik niya, “nasumpungan [niya] silang natutulog.” Paano tumugon si Jesus? Sinabi niya: “Sabihin pa, ang espiritu ay sabik, ngunit ang laman ay mahina.” (Marcos 14:32-38) Sa halip na pagwikaan sina Pedro, Santiago, at Juan, nagpahayag siya ng pakikiramay! Nang gabi ring iyon, tatlong beses na itinatwa ni Pedro si Jesus. (Marcos 14:66-72) Paano pinakitunguhan ni Jesus si Pedro pagkatapos noon? “Ibinangon ang Panginoon at nagpakita siya kay Simon [Pedro].” (Lucas 24:34) “Nagpakita siya kay Cefas,” ang sabi ng Bibliya, “pagkatapos ay sa labindalawa.” (1 Corinto 15:5) Sa halip na maghinanakit, pinatawad ni Jesus ang nagsisising apostol at pinatibay ito. Nang maglaon, ipinagkatiwala ni Jesus kay Pedro ang malalaking pananagutan.—Gawa 2:14; 8:14-17; 10:44, 45.
16. Paano tayo makalalakad gaya ng paglakad ni Jesus kapag tayo’y binigo o parang inagrabyado ng ating mga kapananampalataya?
16 Kapag tayo’y binigo o parang inagrabyado ng ating mga kapananampalataya, hindi ba’t dapat din tayong maging madamayin at mapagpatawad na gaya ni Jesus? Hinimok ni Pedro ang kaniyang mga kapananampalataya: “Kayong lahat ay magkaroon ng magkakatulad na pag-iisip, na nagpapakita ng pakikipagkapuwa-tao, na may pagmamahal na pangkapatid, mahabagin na may paggiliw, mapagpakumbaba sa pag-iisip, na hindi gumaganti ng pinsala sa pinsala o ng panlalait sa panlalait, kundi, sa kabaligtaran, naggagawad ng pagpapala.” (1 Pedro 3:8, 9) Paano kung ang isang tao ay hindi nakitungo sa atin na gaya ng pakikitungo ni Jesus, anupat ayaw maging madamayin o mapagpatawad? Kahit na gayon, obligado pa rin tayong magsikap na tularan si Jesus at tumugon na kagaya niya.—1 Juan 3:16.
Unahin ang mga Kapakanan ng Kaharian
17. Ano ang nagpapakita na inuna ni Jesus sa kaniyang buhay ang paggawa ng kalooban ng Diyos?
17 Sa isa pang paraan, kailangan tayong lumakad gaya ng paglakad ni Jesu-Kristo. Pangunahin sa buhay ni Jesus ang pagpapahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Matapos mangaral sa isang Samaritana malapit sa lunsod ng Sicar sa Samaria, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Ang aking pagkain ay ang gawin ko ang kalooban niya na nagsugo sa akin at tapusin ang kaniyang gawain.” (Juan 4:34) Ang paggawa ng kalooban ng kaniyang Ama ang nagpalakas kay Jesus; ito ay gaya ng nakapagpapalusog, kasiya-siya, at nakagiginhawang pagkain sa kaniya. Ang pagtulad kaya kay Jesus sa pamamagitan ng pagtutuon ng pansin sa paggawa ng kalooban ng Diyos ay aakay sa isang buhay na talagang walang kabuluhan at hindi kasiya-siya?
18. Anu-anong pagpapala ang resulta ng pagpapasigla sa mga anak na pasukin ang buong-panahong paglilingkod?
18 Kapag pinasisigla ng mga magulang ang kanilang mga anak na pumasok sa buong-panahong paglilingkod, sila at ang kanilang mga supling ay tumatanggap ng maraming pagpapala. Isang ama ng kambal na lalaki ang nagpasigla sa kanila na gawing tunguhin ang paglilingkod bilang payunir mula pa sa kanilang pagkabata. Nang matapos nila ang kanilang sekular na edukasyon, nagpayunir nga ang kambal. Habang iniisip ang kagalakang nararanasan niya bilang resulta nito, sumulat ang amang ito: “Hindi kami binigo ng aming mga anak. Buong-pasasalamat naming masasabi, ‘Ang mga anak ay mana mula kay Jehova.’ ” (Awit 127:3) At paano nakikinabang ang mga anak sa pagtataguyod ng buong-panahong paglilingkod? Isang ina na may limang anak ang nagsabi: “Ang pagpapayunir ay nakatulong sa lahat ng aking mga anak na magkaroon ng mas malapít na kaugnayan kay Jehova, nakapagpasulong sa kanilang kaugalian sa personal na pag-aaral, nakatulong sa kanila na matutong gamitin ang kanilang panahon nang may katalinuhan, at nakatulong sa kanila na matutong unahin ang espirituwal na mga bagay sa kanilang buhay. Bagaman silang lahat ay kailangang gumawa ng maraming pagbabago, walang isa man sa kanila ang nagsisisi sa landasing pinili nilang tahakin.”
19. Anu-anong plano sa hinaharap ang dapat na may-katalinuhang isaalang-alang ng mga kabataan?
19 Mga kabataan, anu-ano ang mga plano ninyo sa hinaharap? Hangarin ba ninyong maging matagumpay sa isang uri ng propesyon? O nagsisikap kayong gawing karera ang buong-panahong paglilingkod? “Manatili kayong mahigpit na nagbabantay na ang inyong paglakad ay hindi gaya ng di-marurunong kundi gaya ng marurunong,” ang payo ni Pablo, “na binibili ang naaangkop na panahon para sa inyong sarili, sapagkat ang mga araw ay balakyot.” Sinabi pa niya: “Dahil dito ay huwag na kayong maging di-makatuwiran, kundi patuloy ninyong unawain kung ano ang kalooban ni Jehova.”—Efeso 5:15-17.
Maging Matapat
20, 21. Sa anu-anong paraan naging matapat si Jesus, at paano natin matutularan ang kaniyang pagkamatapat?
20 Upang makalakad gaya ng paglakad ni Jesus, kailangan nating tularan ang kaniyang pagkamatapat. Tungkol sa pagkamatapat ni Jesus, sinasabi ng Bibliya: “Siya, bagaman umiiral sa anyong Diyos, ay hindi nag-isip na mang-agaw, samakatuwid nga, na siya ay maging kapantay ng Diyos. Hindi, kundi hinubad niya ang kaniyang sarili at nag-anyong alipin at napasawangis ng tao. Higit pa riyan, nang masumpungan niya ang kaniyang sarili sa anyong tao, nagpakababa siya at naging masunurin hanggang sa kamatayan, oo, kamatayan sa pahirapang tulos.” May-katapatang itinaguyod ni Jesus ang pagkasoberano ni Jehova sa pamamagitan ng pagpapasakop sa kalooban ng Diyos para sa kaniya. Naging masunurin siya hanggang sa kaniyang kamatayan sa pahirapang tulos. Dapat nating ‘panatilihin ang pangkaisipang saloobing ito’ at may-katapatang magpasakop sa paggawa ng kalooban ng Diyos.—Filipos 2:5-8.
21 Nagpakita rin ng pagkamatapat si Jesus sa kaniyang tapat na mga apostol. Sa kabila ng kanilang mga kahinaan at di-kasakdalan, inibig sila ni Jesus “hanggang sa wakas.” (Juan 13:1) Sa katulad na paraan, hindi natin dapat hayaang magkaroon tayo ng mapamintas na saloobin dahil sa di-kasakdalan ng ating mga kapatid.
Manghawakan sa Parisang Iniwan ni Jesus
22, 23. Anu-ano ang mga kapakinabangan ng panghahawakan sa parisang iniwan ni Jesus?
22 Sabihin pa, bilang di-sakdal na mga tao, hindi tayo makalalakad na kagayang-kagaya ng ating sakdal na Huwaran. Gayunman, mapagsisikapan nating sundan nang maingat ang kaniyang mga hakbang. Sa paggawa nito, kailangan nating maunawaan ang paraan ng pangunguna ni Kristo at magpasakop dito at manghawakan sa parisang iniwan niya.
23 Nagdudulot ng maraming pagpapala ang pagtulad kay Kristo. Nagiging mas makabuluhan at kasiya-siya ang ating buhay dahil nakatuon ang ating pansin sa paggawa ng kalooban ng Diyos sa halip na yaong sa atin. (Juan 5:30; 6:38) Mayroon tayong malinis na budhi. Nagiging huwaran ang ating paglakad. Inanyayahan ni Jesus ang lahat ng nagpapagal at nabibigatan na pumaroon sa kaniya upang makasumpong ng kaginhawahan ang kanilang kaluluwa. (Mateo 11:28-30) Kapag tinutularan natin ang halimbawa ni Jesus, mapagiginhawa rin natin ang iba sa pamamagitan ng ating pakikipagsamahan. Kung gayon, magpatuloy tayo sa paglakad gaya ng paglakad ni Jesus.
Naaalaala Mo Ba?
• Paano nangunguna si Kristo sa kaniyang mga tagasunod sa ngayon?
• Paano matutularan ng matatanda ang pangunguna ni Kristo sa paggamit ng kanilang bigay-Diyos na awtoridad?
• Paano natin matutularan ang halimbawa ni Jesus kapag nakikitungo sa mga pagkukulang ng iba?
• Paano mauuna ng mga kabataan ang mga kapakanan ng Kaharian?
[Larawan sa pahina 23]
Tinutulungan tayo ng Kristiyanong matatanda na sumunod sa pangunguna ni Kristo
[Mga larawan sa pahina 24, 25]
Mga kabataan, anu-anong plano ang ginagawa ninyo para magkaroon ng kasiya-siyang buhay bilang Kristiyano?