ARALIN 16
Tindig
KARANIWAN nang nakadarama ng nerbiyos ang isang tagapagsalita kapag siya ay tumatayo upang magsalita, lalo na kung hindi siya nagpapahayag nang madalas. Maaaring makadama ng nerbiyos ang isang mamamahayag kapag gumagawa siya ng unang ilang pagdalaw sa araw na iyon sa ministeryo sa larangan. Nang atasang maging isang propeta, si Jeremias ay tumugon: “Narito, hindi nga ako marunong magsalita, sapagkat ako ay isang bata lamang.” (Jer. 1:5, 6) Tinulungan ni Jehova si Jeremias, at tutulungan ka rin niya. Pagsapit ng panahon, mapasusulong mo ang tindig.
Ang may tindig na tagapagsalita ay isa na mahinahon. Ang kahinahunang ito ay nakikita sa ayos ng kaniyang katawan. Ang kaniyang bikas ay natural at angkop sa okasyon. Ang paggalaw ng kaniyang mga kamay ay makahulugan. Ang kaniyang boses ay may damdamin at kontrolado.
Bagaman nadarama mo marahil na ang paglalarawang ito sa taong may tindig ay hindi angkop sa iyo, maaari kang sumulong. Paano? Isaalang-alang natin kung bakit ninenerbiyos ang isang tagapagsalita at nagkukulang sa tindig. Ang sanhi ay maaaring pisikal.
Kapag napapaharap ka sa isang hamon at nais mong maging mahusay subalit hindi ka nakatitiyak na magagawa mo iyon, nakadarama ka ng kabalisahan. Bilang resulta, ang utak ay nagbibigay ng hudyat sa katawan na gumawa ng higit pang adrenaline. Ang pagbugso ng adrenaline ay maaaring maging sanhi ng mas mabilis na pintig ng puso, ng pagbabago sa bilis ng paghinga, ng higit na pagpapawis, o panginginig pa nga ng mga kamay at tuhod at gayundin ng pangangatal ng boses. Sinisikap kang tulungan ng iyong katawan na harapin ang kalagayan mo sa pamamagitan ng pagpaparami ng iyong enerhiya. Ang suliranin ay ang pag-alam kung paano padadaluyin ang enerhiya tungo sa positibong pag-iisip at masiglang pagpapahayag.
Kung Paano Babawasan ang Kabalisahan. Tandaan na normal lamang ang pagkadama ng kaunting kabalisahan. Gayunman, upang mapanatili ang tindig, kailangan mong mabawasan ang antas ng kabalisahan at harapin ang iyong kalagayan sa isang kalmante at marangal na paraan. Paano mo magagawa ito?
Maghanda nang lubusan. Maglaan ng panahon sa paghahanda ng iyong pahayag. Tiyaking nauunawaan mo nang maliwanag ang iyong paksa. Kung ikaw ang pumipili ng mga puntong tatalakayin sa pahayag mo, isaalang-alang kung ano ang alam na ng iyong tagapakinig hinggil sa paksa at kung ano ang nais mong maisakatuparan. Ito ay tutulong sa iyo na pumili ng materyal na totoong kapaki-pakinabang. Kung sa simula ay nasumpungan mong mahirap iyon, ipakipag-usap ang suliranin sa isang makaranasang tagapagsalita. Siya ay makatutulong sa iyo na gumawa ng isang positibong pagsusuri sa iyong materyal at sa iyong tagapakinig. Kapag nakatitiyak ka na taglay mo ang materyal na pakikinabangan ng iyong tagapakinig at maliwanag ito sa iyong isipan, ang iyong pagnanais na maibahagi ito ay magsisimulang mangibabaw sa kabalisahang maaaring nadarama mo sa pagpapahayag.
Bigyan ng pantanging pansin ang iyong pambungad. Alamin kung paano ka magsisimula. Minsang ang iyong pahayag ay nagsisimula na, ang iyong nerbiyos ay malamang na mawawala na.
Ang gayunding pangunahing mga hakbang ay kumakapit sa paghahanda para sa ministeryo sa larangan. Isaalang-alang hindi lamang ang paksa na pinaplano mong talakayin kundi gayundin ang uri ng mga tao na iyong bibigyan ng patotoo. Maingat na planuhin ang iyong pambungad. Makinabang mula sa karanasan ng maygulang na mga mamamahayag.
Maaaring nadarama mo na mas may tindig ka kapag gumamit ka ng isang manuskrito sa pagpapahayag sa harapan ng isang grupo. Sa totoo, ito ay maaaring magdulot ng higit pang kabalisahan sa tuwing magpapahayag ka. Totoong ang ilang tagapagsalita ay gumagamit ng napakaraming nota, samantalang ang iba ay iilan lamang. Subalit ang magpapabago sa pinagtutuunan ng iyong isip at magbabawas sa antas ng iyong pagkabalisa ay, hindi ang mga salita sa papel, kundi ang pananalig sa iyong puso na ang iyong inihanda para sa iyong tagapakinig ay tunay na kapaki-pakinabang.
Insayuhin nang malakas ang iyong pagpapahayag. Ang gayong pag-iinsayo ay magbibigay sa iyo ng pagtitiwala na masasabi mo kung ano ang nasa isipan mo. Habang nag-iinsayo ka, ang isang nakagawiang paraan ay nabubuo mo sa iyong memorya na magagamit kaagad kapag ibinigay mo ang iyong pahayag. Gawing makatotohanan ang sesyon ng iyong pag-iinsayo. Gunigunihin ang iyong tagapakinig. Umupo sa isang mesa o kaya’y tumayo, kagaya ng gagawin mo kapag nagpapahayag.
Manalangin kay Jehova ukol sa tulong. Sasagutin kaya niya ang gayong panalangin? “Ito ang pagtitiwala na taglay natin sa kaniya, na, anumang bagay ang hingin natin ayon sa kaniyang kalooban, tayo ay pinakikinggan niya.” (1 Juan 5:14) Kung nais mong parangalan ang Diyos at tulungan ang mga tao na makinabang mula sa kaniyang Salita, tiyak na sasagutin niya ang iyong panalangin. Malaki ang magagawa ng gayong katiyakan upang palakasin ka sa pagsasagawa ng iyong atas. Karagdagan pa, habang nililinang mo ang bunga ng espiritu—pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili—magkakaroon ka ng kalagayan ng isipan na kailangan upang harapin ang mga situwasyon nang may tindig.—Gal. 5:22, 23.
Kumuha ng karanasan. Habang higit na nakikibahagi ka sa paglilingkod sa larangan, lalong mababawasan ang iyong nerbiyos. Habang higit na nagkokomento ka sa mga pulong ng kongregasyon, lalong magiging madali ang pagsasalita sa harapan ng iba. Habang dumarami ang ibinibigay mong mga pahayag sa kongregasyon, ang tindi ng nadarama mong pagkabalisa bago ang bawat pahayag ay malamang na mababawasan. Gusto mo bang magkaroon ng higit na pagkakataong magpahayag? Kung gayon, magboluntaryong humalili sa paaralan kapag hindi magagampanan ng iba ang kanilang mga atas.
Pagkatapos na maisagawa mo ang mga hakbanging binalangkas sa itaas, masusumpungan mong kapaki-pakinabang na suriin ang mga sintomas na malinaw na nagpapakita ng kakulangan ng kahinahunan. Ang pagkakilala sa mga sintomas at pagkaalam kung paano haharapin ang mga ito ay tutulong sa iyo na magsalita nang may tindig. Ang mga sintomas ay maaaring sa pisikal o sa boses.
Mga Pisikal na Sintomas. Ang iyong tindig, o ang kakulangan nito, ay nakikita sa ayos ng iyong katawan at sa paraan ng paggamit mo ng iyong mga kamay. Isaalang-alang muna ang mga kamay. Ang magkadaop na mga kamay sa likuran, paninigas ng mga ito sa magkabilang tabi, o paghawak nang mahigpit sa podyum ng tagapagsalita; labas-pasok na mga kamay sa mga bulsa, pagbubutones at pag-aalis ng pagkakabutones ng diyaket, paghipo sa pisngi, sa ilong, sa salamin; paglalaro ng mga kamay sa isang relo, isang lapis, isang singsing, o mga nota; pabigla-bigla o bahagyang pagkumpas ng kamay—ang lahat ng ito ay pawang nagpapakita ng kakulangan ng tindig.
Ang kakulangan ng pagtitiwala ay maaaring ipahiwatig din ng palaging paggalaw ng mga paa, ang pagkiling ng katawan sa magkabilang panig, pagtayo na ang bikas ng pangangatawan ay masyadong matigas, nakahukot, malimit na binabasâ ang mga labi, paulit-ulit na paglunok, at paghinga sa isang mabilis at mababaw na paraan.
Sa pamamagitan ng lubusang pagsisikap ang mga tandang ito ng nerbiyos ay makokontrol. Ayusin ito nang isa-isa. Kilalanin ang suliranin, at isaalang-alang nang patiuna kung ano ang kailangan mong gawin upang maiwasan ito. Kung gagawin mo ang gayong pagsisikap, maipakikita mo ang tindig sa ayos ng iyong katawan.
Mga Sintomas sa Boses. Ang mga patotoo sa boses ng ninenerbiyos ay nagsasangkot sa di-normal na taas ng tono o ng nanginginig na boses. Marahil ay paulit-ulit mong inaalis ang bara sa lalamunan o nagsasalita nang napakabilis. Ang mga suliranin at pinagkagawiang ito ay maaaring mapagtagumpayan sa pamamagitan ng lubos na pagsisikap na makontrol ang boses.
Kung ninenerbiyos ka, huminto sandali at huminga nang malalim nang ilang ulit bago magtungo sa plataporma. Pagsikapang irelaks ang buong katawan mo. Sa halip na isipin ang iyong nerbiyos, pag-isipan kung bakit nais mong ibahagi sa iyong tagapakinig ang mga bagay na inihanda mo. Bago magsalita, gumugol ng isang sandali upang tingnan ang iyong tagapakinig, pumili ng isang may palakaibigang mukha, at ngumiti. Magsalita nang marahan sa pambungad, at pagkatapos ay magbuhos ng pansin sa iyong pahayag.
Kung Ano ang Dapat Asahan. Huwag asahan na mawawala ang lahat ng nararamdamang nerbiyos. Maraming tagapagsalita na may maraming taon nang karanasan sa plataporma ang nakadarama ng nerbiyos bago sila tumayo sa harapan ng tagapakinig. Gayunman, natutuhan nilang kontrolin ang kanilang nerbiyos. Ang isa sa gayong tagapagsalita ay nagsabi: “Dinadaga pa rin ang aking dibdib, subalit ito ngayon ay kontrolado na.”
Kung gagawa ka ng taimtim na pagsisikap na alisin ang nakikitang tanda ng nerbiyos, mamalasin ka ng iyong tagapakinig bilang isang tagapagsalita na may tindig. Maaaring makadama ka pa rin ng nerbiyos, subalit maaaring hindi man lamang nila mahahalata iyon.
Tandaan, ang pagbugso ng adrenaline na nagiging sanhi ng mga sintomas ng nerbiyos ay nagdudulot din ng dagdag na enerhiya. Gamitin ito sa pagsasalita nang may damdamin.
Hindi na kailangan pang maghintay hanggang sa makarating ka sa plataporma upang ikapit ang lahat ng mga bagay na ito. Pag-aralan na magkaroon ng tindig at kontrol at magsalita taglay ang angkop na damdamin sa iyong pang-araw-araw na pamumuhay. Ang paggawa mo nito ay makatutulong nang malaki sa pagkakaroon mo ng pagtitiwala sa plataporma at sa ministeryo sa larangan, kung saan ito lubhang mahalaga.