ARALIN 22
Wastong Ikinapit ang Kasulatan
KAPAG nagtuturo sa iba, higit pa ang kailangan kaysa basta magbasa ng mga talata mula sa Bibliya. Si apostol Pablo ay sumulat sa kaniyang kasamang si Timoteo: “Gawin mo ang iyong buong makakaya na iharap sa Diyos ang iyong sarili bilang sinang-ayunan, manggagawa na walang anumang ikinahihiya, na ginagamit nang wasto ang salita ng katotohanan.”—2 Tim. 2:15.
Upang magawa ito kailangan na ang ating paliwanag sa mga kasulatan ay kaayon ng itinuturo mismo ng Bibliya. Ito’y humihiling na ating isaalang-alang ang konteksto, sa halip na piliin lamang ang mga pananalita na nakaaakit sa atin at idagdag ang ating sariling mga ideya. Sa pamamagitan ni propeta Jeremias, nagbabala si Jehova laban sa mga propeta na nag-aangking nagsasalita mula sa bibig ni Jehova subalit aktuwal na naghaharap ng “pangitain ng kanilang sariling puso.” (Jer. 23:16) Si apostol Pablo ay nagbabala sa mga Kristiyano na huwag haluan ang Salita ng Diyos ng mga pilosopiya ng mga tao nang sumulat siya: “Tinalikuran na namin ang mga bagay na ginagawa nang pailalim na dapat ikahiya, na hindi lumalakad na may katusuhan, ni binabantuan ang salita ng Diyos.” Nang mga panahong iyon binabantuan ng mga mandarayang negosyante ang kanilang alak upang ito ay dumami at magkamal ng mas maraming salapi. Hindi natin binabantuan ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng paghahalo rito ng mga pilosopiya ng mga tao. “Hindi kami mga tagapaglako ng salita ng Diyos gaya ng maraming tao,” ang sabi ni Pablo, “kundi dahil sa kataimtiman, oo, gaya ng isinugo mula sa Diyos, sa paningin ng Diyos, kasama ni Kristo, ay nagsasalita kami.”—2 Cor. 2:17; 4:2.
Kung minsan, maaaring sumipi ka ng isang kasulatan upang itampok ang isang simulain. Ang Bibliya ay punô ng mga simulain na naglalaan ng matalinong patnubay sa pagharap sa maraming iba’t ibang situwasyon. (2 Tim. 3:16, 17) Subalit dapat mong tiyakin na ang pagkakapit mo ay tumpak at hindi mo ginagamit nang mali ang kasulatan, anupat pinalilitaw mo na sinasabi nito kung ano ang gusto mong sabihin nito. (Awit 91:11, 12; Mat. 4:5, 6) Ang pagkakapit ay dapat na kasuwato ng layunin ni Jehova at kaayon ng buong Salita ng Diyos.
Kalakip din sa ‘paggamit nang wasto sa salita ng katotohanan’ ang pagkuha ng espiritu ng sinasabi ng Bibliya. Ito ay hindi isang “pamalo” upang hampasin ang iba. Ang mga relihiyosong guro na sumalansang kay Jesu-Kristo ay sumipi mula sa Kasulatan, subalit kanilang ipinipikit ang kanilang mga mata sa lalong mahahalagang bagay—yaong may kinalaman sa katarungan at kaawaan at katapatan—na siyang hinihiling ng Diyos. (Mat. 22:23, 24; 23:23, 24) Sa pagtuturo ng Salita ng Diyos, ipinakikita ni Jesus ang personalidad ng kaniyang Ama. Ang sigasig ni Jesus para sa katotohanan ay nalakipan ng kaniyang matinding pag-ibig sa mga taong kaniyang tinuruan. Dapat na pagsikapan nating sundin ang kaniyang halimbawa.—Mat. 11:28.
Paano natin matitiyak na tayo ay gumagawa ng wastong pagkakapit ng isang kasulatan? Ang regular na pagbabasa sa Bibliya ay makatutulong. Dapat din nating pahalagahan ang paglalaan ni Jehova ng “tapat at maingat na alipin,” ang lupon ng mga Kristiyanong pinahiran ng espiritu na sa pamamagitan nito ay naglalaan siya ng espirituwal na pagkain para sa sambahayan ng pananampalataya. (Mat. 24:45) Ang personal na pag-aaral at gayundin ang regular na pagdalo at pakikibahagi sa mga pulong ng kongregasyon ay tutulong sa atin na makinabang mula sa pagtuturong inilalaan sa pamamagitan ng uring tapat at maingat na alipin.
Kung ang aklat na Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan ay makukuha sa iyong wika at natututuhan mo itong gamitin nang mabuti, madaling makukuha ang kinakailangan mong patnubay sa wastong pagkakapit ng daan-daang kasulatan na malimit na ginagamit sa ating ministeryo. Kung pinaplano mong gamitin ang isang hindi pamilyar na kasulatan, ang kahinhinan ay magpapakilos sa iyo na gumawa ng kinakailangang pagsasaliksik upang sa pagsasalita mo, magagamit mo nang wasto ang salita ng katotohanan.—Kaw. 11:2.
Gawing Malinaw ang Pagkakapit. Kapag nagtuturo sa iba, tiyaking malinaw nilang nakikita ang kaugnayan ng paksang iyong tinatalakay at ng mga kasulatang iyong ginagamit. Kung inaakay mo ang pansin sa kasulatan sa pamamagitan ng isang tanong, dapat na makita ng iyong mga tagapakinig kung paano sinasagot ng kasulatan ang tanong na iyon. Kung ginagamit mo ang kasulatan upang suportahan ang isang punto, tiyaking malinaw na nakikita ng estudyante kung paanong ang punto ay pinatutunayan ng teksto.
Ang basta pagbabasa ng kasulatan—kahit may pagdiriin—ay kadalasang hindi sapat. Tandaan, ang pangkaraniwang tao ay hindi pamilyar sa Bibliya at marahil ay hindi mauunawaan ang iyong punto sa isa lamang pagbasa. Akayin ang pansin sa bahagi ng teksto na tuwirang kumakapit sa iyong tinatalakay.
Karaniwan nang kailangan mong patingkarin ang susing mga salita, yaong may tuwirang kaugnayan sa puntong tinatalakay. Ang pinakasimpleng paraan ay ang muling sabihin ang mga salitang iyon na nagdadala ng ideya. Kung nakikipag-usap ka sa isang indibiduwal, maaaring magbangon ka ng mga tanong na makatutulong sa kaniya na makilala ang susing mga salita. Kapag nagsasalita sa isang grupo, mas nagugustuhan ng ilang tagapagsalita na maabot ang kanilang tunguhin sa pamamagitan ng paggamit ng mga salitang singkahulugan o sa pamamagitan ng pag-uulit ng ideya sa ibang pananalita. Gayunman, kung gagawin mo ito, pag-ingatang hindi mawala sa pangmalas ng tagapakinig ang kaugnayan ng puntong pinag-uusapan at ng mga salita sa kasulatan.
Palibhasa’y napatingkad ang susing mga salita, nakapaglatag ka na ng isang mabuting pundasyon. Ngayo’y magpatuloy ka. Ipinakilala mo ba ang kasulatan taglay ang malinaw na pahiwatig kung bakit mo ginamit ang teksto? Kung gayon, ipakita kung paanong ang mga salitang iyong itinampok ay kaugnay ng puntong nais mong abangan ng iyong tagapakinig. Sabihin nang malinaw kung ano ang koneksiyong iyon. Kahit na hindi ka gumamit ng ganoong kalinaw na pagpapakilala sa teksto, kailangang may kasunod na ilang paliwanag dito.
Ang mga Pariseo ay nagtanong kay Jesus ng ipinalalagay nilang isang mahirap na tanong, alalaong baga: “Kaayon ba ng kautusan na diborsiyuhin ng isang lalaki ang kaniyang asawa sa bawat uri ng saligan?” Ibinatay ni Jesus ang kaniyang tugon sa Genesis 2:24. Pansinin na kaniyang itinuon ang pansin sa isa lamang bahagi nito, at pagkatapos ay gumawa siya ng kinakailangang pagkakapit. Matapos ipakita na ang lalaki at ang kaniyang asawa ay magiging “isang laman,” si Jesus ay nagtapos: “Kaya nga, ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.”—Mat. 19:3-6.
Gaano karaming paliwanag ang kailangan mong ibigay upang gawing malinaw ang pagkakapit ng isang kasulatan? Ang uri ng iyong tagapakinig at ang kahalagahan ng tinatalakay na punto ang dapat na tumiyak nito. Hayaang ang pagiging simple at ang pagiging tuwiran ang maging tunguhin mo.
Mangatuwiran Mula sa Kasulatan. Hinggil sa ministeryo ni apostol Pablo sa Tesalonica, ang Gawa 17:2, 3 ay nagsasabi sa atin na siya ay ‘nangatuwiran mula sa Kasulatan.’ Ito ay isang kakayahan na dapat na pagsikapang linangin ng bawat lingkod ni Jehova. Halimbawa, inilahad ni Pablo ang mga katotohanan hinggil sa buhay at ministeryo ni Jesus, ipinakita na ang mga ito ay inihula na sa Hebreong Kasulatan, at pagkatapos ay nagbigay siya ng isang mapuwersang konklusyon sa pagsasabing: “Ito ang Kristo, ang Jesus na ito na ipinahahayag ko sa inyo.”
Sa pagsulat sa mga Hebreo, si Pablo ay sumipi nang paulit-ulit mula sa Hebreong Kasulatan. Upang idiin o linawin ang isang punto, kadalasang pinatitingkad niya ang isang salita o ang isang maikling parirala at pagkatapos ay ipinakikita ang kahalagahan nito. (Heb. 12:26, 27) Sa ulat na masusumpungan sa Hebreo kabanata 3, sumipi si Pablo mula sa Awit 95:7-11. Pansinin na pinalawak niya ito sa tatlong bahagi: (1) ang pagtukoy sa puso (Heb. 3:8-12), (2) ang kahalagahan ng pananalitang “Ngayon” (Heb. 3:7, 13-15; 4:6-11), at (3) ang kahulugan ng pananalitang: “Hindi sila papasok sa aking kapahingahan” (Heb. 3:11, 18, 19; 4:1-11). Pagsikapang tularan ang halimbawang iyan sa pagkakapit mo ng bawat kasulatan.
Pansinin ang bisa ng pangangatuwiran ni Jesus mula sa Kasulatan sa ulat na masusumpungan sa Lucas 10:25-37. Isang lalaking bihasa sa Kautusan ang nagtanong: “Guro, ano ang gagawin ko upang ako ay magmana ng buhay na walang hanggan?” Bilang tugon inanyayahan muna ni Jesus ang lalaki na magpahayag ng kaniyang pangmalas sa bagay na iyon, at pagkatapos ay idiniin ni Jesus ang kahalagahan ng paggawa ng kung ano ang sinasabi ng Salita ng Diyos. Nang mapagtanto na hindi nakukuha ng lalaki ang punto, tinalakay ni Jesus nang lubusan ang isa lamang salita mula sa kasulatan—ang “kapuwa.” Sa halip na ipaliwanag lamang ito, siya’y gumamit ng isang ilustrasyon upang tulungan ang lalaki mismo na sumapit sa wastong konklusyon.
Maliwanag na sa pagsagot sa mga tanong, hindi lamang basta sumipi si Jesus ng mga teksto na nagbibigay nang tuwiran at maliwanag na sagot. Kaniyang sinuri kung ano ang sinasabi ng mga ito at pagkatapos ay gumawa ng pagkakapit sa kanilang itinatanong.
Nang ang pag-asa sa pagkabuhay-muli ay tutulan ng mga Saduceo, itinuon ni Jesus ang pansin sa isang espesipikong bahagi ng Exodo 3:6. Subalit hindi siya huminto pagkatapos na sipiin ang kasulatan. Siya ay nangatuwiran dito upang malinaw na ipakita na ang pagkabuhay-muli ay bahagi ng layunin ng Diyos.—Mar. 12:24-27.
Ang pagiging dalubhasa sa kakayahang mangatuwiran nang tumpak at mabisa mula sa Kasulatan ay magiging isang mahalagang salik sa iyong pagiging isang bihasang guro.