Magsikap Ka sa Pagbabasa
HINDI magagawa ng mga hayop ang ginagawa mo ngayon. Isa sa bawat 6 na tao ang hindi natutong bumasa—kadalasan ay dahil sa kakulangan ng pagkakataong pumasok sa paaralan—at sa mga natutong bumasa, marami ang hindi gumagawa nito nang regular. Subalit, ang iyong kakayahang bumasa ng inilimbag na pahina ay nagpapahintulot sa iyo na makapaglakbay sa ibang mga lupain, makakilala ng mga taong ang pamumuhay ay makapagpapabuti sa iyong buhay, at makapagtamo ng praktikal na kaalaman na makatutulong sa iyo upang harapin ang mga kabalisahan sa buhay.
May impluwensiya ang kakayahang bumasa sa laki ng kapakinabangang matatamo ng isang kabataan sa kaniyang pag-aaral. Kapag siya’y naghahanap ng trabaho, ang kaniyang kakayahang bumasa ay maaaring makaimpluwensiya sa uri ng trabaho na mapapasukan niya at sa dami ng oras na kailangan niyang ipagtrabaho upang mabuhay. Ang mga ina ng tahanan na mahusay bumasa ay mas makapangangalaga sa kanilang mga pamilya kung tungkol sa wastong nutrisyon, kalinisan, at pag-iingat laban sa sakit. Ang mga ina na mahusay bumasa ay maaari ring maging isang napakabuting impluwensiya sa intelektuwal na paglaki ng kanilang mga anak.
Mangyari pa, ang pinakamalaking kapakinabangan mula sa pagbabasa ay na ito’y magpapangyari sa iyo na ‘masumpungan ang mismong kaalaman sa Diyos.’ (Kaw. 2:5) Ang karamihan sa mga paraang ginagawa natin sa paglilingkod sa Diyos ay nagsasangkot sa kakayahang bumasa. Ang Kasulatan at ang mga publikasyong salig sa Bibliya ay binabasa sa mga pulong ng kongregasyon. Ang pagiging mabisa mo sa ministeryo sa larangan ay lubhang apektado ng paraan ng iyong pagbabasa. At ang paghahanda para sa mga gawaing ito ay nagsasangkot ng pagbabasa. Dahil dito ang iyong espirituwal na pagsulong ay nakadepende nang malaki sa iyong mga kaugalian sa pagbabasa.
Gamiting Mabuti ang Pagkakataon
Ang ilang natututo ng mga daan ng Diyos ay may limitadong edukasyon lamang. Marahil ay kailangan silang turuang bumasa upang sila’y makagawa ng espirituwal na pagsulong. O maaaring sila’y nangangailangan ng personal na tulong upang mapasulong ang kanilang kakayahang bumasa. Kung saan may lokal na pangangailangan, sinisikap ng mga kongregasyon na mag-organisa ng mga klase sa pagbasa at pagsulat salig sa publikasyong Apply Yourself to Reading and Writing. Libu-libo ang nakinabang nang lubusan mula sa paglalaang ito. Dahil sa kahalagahan ng pagiging mahusay bumasa, ang ilang kongregasyon ay nagsasaayos ng mga klase sa pagpapabuti ng pagbasa upang maidaos kasabay ng Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Kahit na sa mga lugar na wala ng gayong mga klase, ang isang tao ay makagagawa ng mabuting pagsulong sa pamamagitan ng paggugol ng ilang panahon bawat araw upang bumasa nang malakas at sa pamamagitan ng regular na pagdalo at pakikibahagi sa paaralan.
Nakalulungkot, ang komiks at ang telebisyon, bukod pa sa ibang mga bagay, ay nagtulak sa maraming tao na isaisantabi ang pagbabasa. Ang panonood ng telebisyon at limitadong pagbabasa ay maaaring makahadlang sa pagsulong ng kasanayan ng isang tao sa pagbabasa at sa kaniyang mga kakayahan na mag-isip at mangatuwiran nang malinaw at magpahayag na mabuti ng kaniyang sarili.
Ang mga publikasyong tumutulong sa atin na maunawaan ang Bibliya ay inilalaan ng “tapat at maingat na alipin.” Ang mga ito ay nagbibigay ng mayamang impormasyon hinggil sa mahalagang espirituwal na mga bagay. (Mat. 24:45; 1 Cor. 2:12, 13) Ang mga ito ay tumutulong din sa atin na umalinsabay sa mahahalagang pangyayari sa daigdig at sa kahulugan ng mga ito, tumutulong sa atin na maging higit na pamilyar sa likas na kapaligiran, at nagtuturo sa atin ng mga paraan upang harapin ang mga isyu na may kinalaman sa atin. Higit sa lahat, nagpapako ito ng pansin kung paano maglilingkod sa Diyos sa kaayaayang paraan at magtatamo ng kaniyang pagsang-ayon. Ang gayong kapaki-pakinabang na pagbabasa ay tutulong sa iyo na maging isang espirituwal na persona.
Mangyari pa, ang kakayahang bumasa nang mahusay ay hindi isang kagalingan sa ganang sarili. Ang kakayahan ay kailangang gamitin sa wastong paraan. Gaya ng pagkain, kailangang maging mapamili kung tungkol sa pagbabasa. Bakit kakainin ang pagkaing walang tunay na sustansiya o makalalason pa nga sa iyo? Sa katulad na paraan, bakit magbabasa ng materyal, kahit na paminsan-minsan, kung ito’y magpapasama sa isip at puso? Ang mga simulain sa Bibliya ay dapat na magsilbing pamantayan upang masukat natin ang anumang babasahing pinipili natin. Bago magpasiya kung ano ang iyong babasahin, isaisip ang mga kasulatan gaya ng Eclesiastes 12:12, 13; Efeso 4:22-24; 5:3, 4; Filipos 4:8; Colosas 2:8; 1 Juan 2:15-17; at 2 Juan 10.
Magbasa Taglay ang Wastong Motibo
Ang kahalagahan ng wastong motibo sa pagbabasa ay nagiging maliwanag sa pagsusuri sa mga ulat ng Ebanghelyo. Halimbawa, sa Ebanghelyo ni Mateo, makikita natin na si Jesus ay nagtatanong sa mga dalubhasang pinunong relihiyoso gaya ng “Hindi ba ninyo nabasa?” at “Hindi ba ninyo ito nabasa kailanman?” bago niya ibinigay sa kanila ang maka-Kasulatang mga sagot sa kanilang tusong mga tanong. (Mat. 12:3, 5; 19:4; 21:16, 42; 22:31) Ang isang leksiyong matututuhan natin mula rito ay na kapag ang ating motibo sa pagbabasa ay hindi wasto, maaaring magkaroon tayo ng mga maling konklusyon o lubusang sumala sa punto. Ang mga Pariseo ay nagbabasa ng Kasulatan sapagkat inaakala nila na sa pamamagitan nito ay magkakamit sila ng buhay na walang hanggan. Ang gantimpalang iyon, gaya ng ipinakita ni Jesus, ay hindi ipinagkakaloob sa mga hindi umiibig sa Diyos at hindi tumatanggap sa Kaniyang paraan ng kaligtasan. (Juan 5:39-43) Ang mga hangarin ng mga Pariseo ay makasarili; kaya, ang karamihan sa kanilang mga konklusyon ay mali.
Ang pag-ibig kay Jehova ang pinakadalisay na motibo na maaari nating taglayin sa pagbabasa ng kaniyang Salita. Ang gayong pag-ibig ay nagpapakilos sa atin na matutuhan ang kalooban ng Diyos, sapagkat ang pag-ibig ay “nakikipagsaya sa katotohanan.” (1 Cor. 13:6) Kahit na hindi tayo nasiyahan sa pagbabasa noong una, ang pag-ibig kay Jehova nang “buong pag-iisip” natin ay magpapakilos sa atin na gamitin nang lubusan ang ating kaisipan upang kumuha ng kaalaman tungkol sa Diyos. (Mat. 22:37) Ang pag-ibig ay pumupukaw ng interes, at ang interes ay nagpapasigla sa pag-aaral.
Isaalang-alang ang Bilis
Ang pagbabasa ay kaakibat ng pagkilala. Kahit na sa iyong pagbabasa sa ngayon, kinikilala mo ang mga salita at tinatandaan ang kahulugan ng mga ito. Mapabibilis mo ang iyong pagbabasa kung palalawakin mo ang saklaw ng iyong pagkilala. Sa halip na tumigil upang tingnan ang bawat salita, sikapin mong tingnan nang magkakasabay ang ilang mga salita. Habang pinasusulong mo ang kakayahang ito, masusumpungan mo na higit mong mauunawaan nang malinaw kung ano ang iyong binabasa.
Gayunman, kapag nagbabasa ng mas malalalim na materyal, ang matatamo mo mula sa iyong mga pagsisikap ay maaaring mapasulong pa sa pamamagitan ng paggamit ng ibang pamamaraan. Sa pagbibigay ng payo kay Josue hinggil sa kaniyang pagbabasa ng Kasulatan, sinabi ni Jehova: “Ang aklat na ito ng kautusan ay huwag mahihiwalay sa iyong bibig, at babasahin mo ito nang pabulong.” (Jos. 1:8) Ang pagsasalita nang pabulong ay kadalasang ginagawa kapag ang isang tao ay nagmumuni-muni. Kaya, ang Hebreong termino na isinaling “babasahin . . . nang pabulong” ay isinalin ding “bubulay-bulayin.” (Awit 63:6; 77:12; 143:5) Kapag nagbubulay-bulay, ang isang tao ay nag-iisip nang malalim; hindi siya nagmamadali. Ang pagbabasa sa paraang nagbubulay-bulay ay nagpapahintulot sa Salita ng Diyos na magkaroon ng mas matinding epekto sa isip at puso. Ang Bibliya ay naglalaman ng hula, payo, mga kawikaan, tula, mga kapahayagan ng kahatulan ng Diyos, mga detalye hinggil sa layunin ni Jehova, at saganang totoong-buhay na mga halimbawa—lahat ay mahalaga para sa mga nagnanais na lumakad sa mga daan ni Jehova. Tunay ngang kapaki-pakinabang na basahin ang Bibliya sa paraang maikikintal ito nang malalim sa iyong isip at puso!
Matutong Magtuon ng Pansin
Samantalang ikaw ay nagbabasa, ilagay ang iyong sarili sa bawat eksenang inilalarawan. Pagsikapang makita sa iyong isip ang mga tauhan, at gunigunihin ang nasasangkot na mga damdamin sa mga karanasang nagaganap sa kanilang buhay. Ito ay medyo madali kapag binabasa ang pangyayari tulad niyaong kina David at Goliat, na nakaulat sa 1 Samuel kabanata 17. Subalit maging ang mga detalye sa Exodo at Levitico tungkol sa pagtatayo ng tabernakulo o sa pagtatalaga ng pagkasaserdote ay magiging buháy kapag inilalarawan mo sa isip ang mga sukat at mga materyales o ginuguniguni ang halimuyak ng insenso, ng inihaw na butil, at ng mga hayop na inihaharap bilang mga handog na sinusunog. Isipin kung gaano ngang kagila-gilalas ang pagsasagawa ng paglilingkuran bilang saserdote! (Luc. 1:8-10) Ang paggamit ng iyong pandamdam at ng iyong emosyon sa ganitong paraan ay tutulong sa iyo na maunawaan ang kahalagahan ng iyong binabasa at magsisilbing isang pantulong sa memorya.
Gayunman, kung hindi ka mag-iingat, ang iyong isip ay maaaring magpagala-gala kapag sinisikap mong magbasa. Ang iyong mga mata ay maaaring nakatingin sa pahina, subalit ang iyong kaisipan ay maaaring nasa iba namang dako. May tumutugtog bang musika? Nakabukas ba ang telebisyon? Nag-uusap ba ang mga miyembro ng pamilya? Hangga’t maaari, pinakamabuting magbasa sa isang tahimik na lugar. Gayunman, ang kaabalahan ay maaaring magmula sa niloloob mo mismo. Marahil ang iyong maghapon ay naging magawain. Nakalulungkot nga na kay dali na muling sumilid sa iyong isip ang mga naging aktibidad sa maghapon! Mangyari pa, makabubuting repasuhin ang mga nangyari sa maghapon—subalit hindi sa panahon ng iyong pagbabasa. Marahil ay nagsimula ka na nakapako ang iyong isip, o maaari pa ngang binuksan mo ang sesyon ng iyong pagbabasa sa pamamagitan ng panalangin. Subalit habang nagbabasa ka, ang iyong isip ay magpapasimulang gumala-gala. Subukin mong muli. Disiplinahin ang iyong sarili upang mapanatiling nakapako ang iyong isip sa materyal na iyong binabasa. Unti-unti, may makikita kang pagsulong.
Ano ang ginagawa mo kapag sumapit ka sa isang salita na hindi mo nauunawaan? Ang ilang di-pamilyar na mga salita ay maaaring bigyang-katuturan o talakayin sa paksa. O maaari mong maunawaan ang kahulugan nito mula sa konteksto. Kung hindi, maglaan ng panahon upang tingnan ang salita sa isang diksiyunaryo kung mayroon, o markahan ang salita upang maitanong mo sa iba ang kahulugan nito sa ibang pagkakataon. Ito’y magpapalawak sa iyong bokabularyo at makatutulong sa iyong pag-unawa sa pagbabasa.
Pangmadlang Pagbabasa
Nang sabihin ni apostol Pablo kay Timoteo na patuloy siyang magsikap sa pagbabasa, espesipikong tinutukoy ni Pablo ang pagbabasa sa kapakinabangan ng iba. (1 Tim. 4:13) Ang epektibong pangmadlang pagbabasa ay higit pa ang nasasangkot kaysa sa basta lamang malakas na pagbabasa ng mga salita mula sa isang pahina. Kailangang maunawaan ng bumabasa ang kahulugan ng mga salita at maintindihan ang mga kaisipang ipinahahayag ng mga ito. Tanging sa paggawa niya nito maitatawid niya nang wasto ang mga ideya at maipahahayag nang tumpak ang mga damdamin. Ito, mangyari pa, ay humihiling ng lubusang paghahanda at pag-eensayo. Kaya si Pablo ay nagpayo: “Magsikap ka sa pangmadlang pagbabasa.” Tatanggap ka ng mahalagang pagsasanay sa kakayahang ito sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo.
Maglaan ng Panahon sa Pagbabasa
“Ang mga plano ng masikap ay tiyak na magdudulot ng kapakinabangan, ngunit ang bawat isa na padalus-dalos ay tiyak na patungo sa kakapusan.” (Kaw. 21:5) Totoong-totoo nga ito sa ating pagnanais na magbasa! Upang matamo ang “kapakinabangan,” kailangan tayong magplano nang lubusan upang hindi makahadlang ang ibang mga gawain sa ating pagbabasa.
Kailan ka nagbabasa? Nakikinabang ka ba sa pagbabasa sa madaling araw? O mas alisto ka ba sa dakong hapon? Kung mailalaan mo ang kahit na 15 o 20 minuto bawat araw sa pagbabasa, ikamamangha mo kung gaano kalaki ang maisasagawa mo. Ang susi ay ang pagkapalagian.
Bakit pinili ni Jehova na maisulat sa isang aklat ang kaniyang mga dakilang layunin? Upang ang mga tao ay makasangguni sa kaniyang nasusulat na Salita. Ito’y magpapangyaring maisaalang-alang nila ang kamangha-manghang mga gawa ni Jehova, masabi ang mga ito sa kanilang mga anak, at maikintal sa alaala ang mga gawa ng Diyos. (Awit 78:5-7) Ang ating pagpapahalaga sa kagandahang-loob ni Jehova sa bagay na ito ay maipakikitang mabuti sa paraan ng ating pagsisikap na basahin ang kaniyang nagbibigay-buhay na Salita.