Unang Liham sa mga Taga-Corinto
13 Kung nakapagsasalita ako ng mga wika ng tao at ng anghel pero wala akong pag-ibig, gaya lang ako ng isang umaalingawngaw na gong o maingay na simbalo.* 2 At kung may kaloob ako na humula at nauunawaan ko ang lahat ng sagradong lihim at ibinigay sa akin ang lahat ng kaalaman,+ at sa laki ng pananampalataya ko ay makapaglilipat ako ng mga bundok,+ pero wala akong pag-ibig, wala pa rin akong kabuluhan.+ 3 At kahit ibigay ko ang lahat ng pag-aari ko para pakainin ang iba,+ at kahit ibigay ko ang buhay ko para may maipagmalaki ako, pero wala naman akong pag-ibig,+ wala pa rin akong pakinabang sa mga ito.
4 Ang pag-ibig+ ay matiisin+ at mabait.+ Ang pag-ibig ay hindi naiinggit.+ Hindi ito nagyayabang, hindi nagmamalaki,+ 5 hindi gumagawi nang hindi disente,+ hindi inuuna ang sariling kapakanan,+ at hindi nagagalit.+ Hindi ito nagkikimkim ng sama ng loob.+ 6 Hindi ito natutuwa sa kasamaan+ kundi nagsasaya sa katotohanan. 7 Pinagpapasensiyahan nito ang lahat ng bagay,+ pinaniniwalaan ang lahat ng bagay,+ inaasahan ang lahat ng bagay,+ at tinitiis ang lahat ng bagay.+
8 Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo. Ang kaloob na humula ay aalisin; ang pagsasalita ng iba’t ibang wika ay matatapos din; ang kaalaman ay maglalaho. 9 Kulang pa tayo sa kaalaman+ at hindi kumpleto ang mga hula natin, 10 pero kapag lubos na natin itong naunawaan, ang kakulangan sa kaalaman at sa kakayahang manghula ay matatapos din. 11 Noong bata pa ako, nagsasalita ako, nag-iisip, at nangangatuwiran na gaya ng bata; pero ngayong malaki na ako, iniwan ko na ang mga ugali ng isang bata. 12 Sa ngayon, malabo pa ang nakikita natin na para bang tumitingin tayo sa isang salaming metal, pero makakakita rin tayo nang malinaw, na para bang nakikita natin nang mukhaan ang isang tao. Sa ngayon, kaunti pa lang ang alam ko tungkol sa Diyos, pero makikilala ko rin siya nang lubos* kung paanong lubos* niya akong nakikilala. 13 Gayunman, mananatili ang tatlong ito: pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig; pero ang pinakadakila sa mga ito ay pag-ibig.+