CANAAN
[Lupain ng Mangangalakal; Lupain ng Negosyante], Canaanita.
1. Ang ikaapat na nakatalang anak ni Ham at apo ni Noe. (Gen 9:18; 10:6; 1Cr 1:8) Siya ang pinagmulan ng 11 tribo na nang bandang huli ay nanirahan sa rehiyon na nasa kahabaan ng silangang Mediteraneo sa pagitan ng Ehipto at Sirya, kaya naman pinangalanan itong “lupain ng Canaan.”—Gen 10:15-19; 1Cr 16:18; tingnan ang Blg. 2.
Pagkatapos ng insidente may kinalaman sa pagkalasing ni Noe, si Canaan ay tumanggap ng makahulang sumpa mula kay Noe na humuhulang si Canaan ay magiging alipin kapuwa ni Sem at ni Japet. (Gen 9:20-27) Yamang binabanggit lamang sa ulat na “nakita ni Ham na ama ni Canaan ang kahubaran ng kaniyang ama at sinabi iyon sa kaniyang dalawang kapatid na nasa labas,” bumabangon ang tanong kung bakit si Canaan, sa halip na si Ham, ang pinagtuunan ng sumpa. Bilang komento sa Genesis 9:24, na nagsasabing nang magising si Noe mula sa pagkalango niya sa alak ay “nalaman niya ang ginawa sa kaniya ng kaniyang bunsong anak,” isang talababa sa salin ni Rotherham ang nagsasabi: “Tiyak na si Canaan, at hindi si Ham: sina Sem at Japet, dahil sa kanilang paggalang sa magulang, ay pinagpala; si Canaan, dahil sa isang di-binanggit na kahalayan, ay isinumpa; si Ham, dahil sa kaniyang pagpapabaya, ay pinabayaan.” Gayundin, sinasabi ng isang publikasyong Judio, ang The Pentateuch and Haftorahs, na ang maikling salaysay ay “tumutukoy sa isang kasuklam-suklam na gawa na waring kinasangkutan ni Canaan.” (Inedit ni J. H. Hertz, London, 1972, p. 34) At, matapos banggitin na ang salitang Hebreo na isinaling “anak” sa talata 24 ay maaaring mangahulugang “apo,” sinasabi ng publikasyong ito: “Maliwanag na si Canaan ang tinutukoy.” Itinatawag-pansin din ng The Soncino Chumash na naniniwala ang ilan na si Canaan ay “nagbigay-daan sa isang lisyang pagnanasa kay [Noe],” at na ang pananalitang “bunsong anak” ay tumutukoy kay Canaan, na bunsong anak ni Ham.—Inedit ni A. Cohen, London, 1956, p. 47.
Siyempre pa, pala-palagay lamang ang mga pangmalas na ito yamang hindi dinetalye ng ulat ng Bibliya kung paano nasangkot si Canaan sa pagkakasala laban kay Noe. Gayunman, waring may malinaw na indikasyon na nasangkot siya dahil, mismong bago ilahad ang pagkalasing ni Noe, si Canaan ay biglang binanggit sa ulat (Gen 9:18) at, sa paglalarawan sa mga pagkilos ni Ham, tinutukoy siya sa ulat bilang si “Ham na ama ni Canaan.” (Gen 9:22) Makatuwirang ipalagay na ang pananalitang ‘nakita ang kahubaran ng kaniyang ama’ ay nagpapahiwatig ng isang uri ng pag-abuso o kalisyaan na nagsasangkot kay Canaan. Sapagkat, karaniwan na, insesto o iba pang mga kasalanan sa sekso ang tinutukoy kapag binabanggit ng Bibliya ang ‘paghahantad’ o ‘pagkakita sa kahubaran’ ng iba. (Lev 18:6-19; 20:17) Kaya posibleng si Canaan ay nagsagawa o nagtangkang magsagawa ng isang uri ng pag-abuso sa walang-malay na si Noe at na si Ham, bagaman nalaman niya iyon, ay hindi kumilos upang hadlangan iyon o hindi naglapat ng disiplina sa nagkasala, at dinagdagan pa niya ang pagkakasala nang ipabatid niya sa kaniyang mga kapatid ang kadustaan ni Noe.
Dapat ding isaalang-alang ang makahulang aspekto ng sumpa. Walang katibayang nagpapahiwatig na si Canaan mismo ay naging alipin ni Sem o ni Japet noong nabubuhay siya. Ngunit, dahil sa patiunang kaalaman ng Diyos, at yamang kinasihan ng Diyos ang sumpang binigkas ni Noe, at yamang hindi ipinahahayag ang di-pagsang-ayon ng Diyos kung walang makatuwirang dahilan, malamang na kinakitaan na si Canaan ng isang buktot na ugali, marahil ay isang uri ng kahalayan, at na patiunang nakita ng Diyos ang masasamang resulta na ibubunga ng katangiang ito sa mga inapo ni Canaan. Sa kaso ni Cain noon, napansin ni Jehova ang isang maling saloobin ng puso nito at binabalaan niya si Cain na baka mapanaigan ito ng kasalanan (Gen 4:3-7); nakita rin ng Diyos ang di-na-mababagong hilig sa kabalakyutan ng karamihan ng mga taong nabuhay bago ang Baha, anupat nararapat lamang silang puksain. (Gen 6:5) Kaya ang pinakamaliwanag na katibayan ng pagiging makatarungan ng sumpang ipinataw kay Canaan ay makikita sa kasaysayan ng kaniyang mga inapo nang dakong huli, sapagkat isang lubhang nakasusuklam na rekord ng imoralidad at kabuktutan ang ipinakita ng mga ito, na pinatototohanan kapuwa ng Biblikal at sekular na kasaysayan. Natupad ang sumpa kay Canaan mga walong siglo matapos itong bigkasin, nang ang mga inapo ni Canaan ay lupigin ng Semitikong mga Israelita at nang maglaon ay pamunuan ng Japetikong mga kapangyarihan ng Medo-Persia, Gresya, at Roma.
2. Ang pangalang Canaan ay kumakapit din sa lahi na nagmula sa anak ni Ham at sa lupaing tinahanan nila. Canaan ang mas maaga at katutubong pangalan ng bahaging iyon ng Palestina na nasa K ng Ilog Jordan (Bil 33:51; 35:10, 14), bagaman totoo na nasakop ng mga Amoritang lahing Canaanita ang lupain sa S ng Jordan bago ang pananakop ng mga Israelita.—Bil 21:13, 26.
Mga Hangganan at Sinaunang Kasaysayan. Ipinakikita ng pinakasinaunang paglalarawan sa mga hangganan ng Canaan na sumasaklaw ito mula sa Sidon sa H pababa sa Gerar malapit sa Gaza sa TK at patawid patungo sa Sodoma at sa kalapit na mga lunsod sa TS. (Gen 10:19) Gayunman, noong panahon ni Abraham, waring ang Sodoma at ang iba pang “mga lunsod ng Distrito” ay itinuturing na naiiba sa Canaan. (Gen 13:12) Lumilitaw na ang mga teritoryo ng Edom at Moab nang dakong huli, na tinahanan ng mga inapo ni Abraham at ni Lot, ay itinuring din na nasa labas ng Canaan. (Gen 36:6-8; Exo 15:15) Ang teritoryo ng Canaan na ipinangako sa bansang Israel ay inilalarawan nang mas detalyado sa Bilang 34:2-12. Maliwanag na ang pasimula nito ay sa mas dako pang H kaysa sa Sidon at umabot sa T hanggang sa “agusang libis ng Ehipto” at Kades-barnea. Ang mga Filisteo, na hindi mga Canaanita (Gen 10:13, 14), ay nanirahan sa baybaying rehiyon sa T ng Kapatagan ng Saron, ngunit ito rin ay dating “ibinibilang” na lupaing Canaanita. (Jos 13:3) Ang iba pang mga tribo, gaya ng mga Kenita (na ang isang pamilya ay iniuugnay sa Midian nang maglaon; Bil 10:29; Huk 1:16) at mga Amalekita (nagmula kay Esau; Gen 36:12) ay nanirahan din sa teritoryong ito.—Gen 15:18-21; Bil 14:45.
Hindi sinasabi ng Bibliya kung ang mga inapo ni Canaan ay kaagad na nandayuhan at namayan sa lupaing ito pagkatapos ng pangangalat mula sa Babel (Gen 11:9) o kung sumama muna sila sa karamihan ng mga Hamita patungong Aprika at pagkatapos ay bumalik pataas sa rehiyon ng Palestina. Gayunpaman, pagsapit ng 1943 B.C.E., nang lisanin ni Abraham ang Haran sa Padan-aram at magtungo siya sa lupaing iyon, namamayan na roon ang mga Canaanita, at si Abraham ay nagkaroon ng pakikipag-ugnayan kapuwa sa mga Amorita at mga Hiteo. (Gen 11:31; 12:5, 6; 13:7; 14:13; 23:2-20) Paulit-ulit na nangako ang Diyos na Jehova kay Abraham na ang kaniyang binhi, o mga inapo, ang magmamana ng lupaing iyon, at tinagubilinan siyang ‘libutin ang lupain sa buong haba niyaon at sa buong lapad niyaon.’ (Gen 12:7; 13:14-17; 15:7, 13-21; 17:8) Dahil sa pangakong ito at bilang paggalang sa sumpa ng Diyos, tiniyak ni Abraham na ang kaniyang anak na si Isaac ay hindi mag-aasawa ng isang babaing Canaanita.—Gen 24:1-4.
Hindi pa gaanong marami ang naninirahan noon sa rehiyon kung kaya madaling nakapaglibot sa lupain si Abraham at, nang maglaon, sina Isaac at Jacob dala ang kanilang malalaking bakahan at kawan. (Ihambing ang Gen 34:21.) Ipinakikita rin ng mga arkeolohikal na pagsusuri na kakaunti pa ang mga pamayanan noong panahong iyon, anupat ang karamihan sa mga bayan ay matatagpuan sa baybayin, sa rehiyon ng Dagat na Patay, sa Libis ng Jordan, at sa Kapatagan ng Jezreel. Tungkol sa Palestina noong maagang bahagi ng ikalawang milenyo B.C.E., sinabi ni W. F. Albright na ang maburol na lupain, sa kalakhan, ay hindi pa tinatahanan ng nakapirming populasyon, kaya talagang tama ang sinasabi ng Bibliya na ang mga patriyarka ay nagpagala-gala sa mga burol ng gitnang Palestina at sa mga tuyong lupain sa timog, kung saan napakalawak pa ng lugar. (Archaeology of Palestine and the Bible, 1933, p. 131-133) Lumilitaw na ang Canaan ay nasa ilalim ng impluwensiya at pamumuno ng mga Elamita (samakatuwid ay Semitiko) noong panahong iyon, gaya ng ipinakikita ng ulat ng Bibliya sa Genesis 14:1-7.
Nagkampo sina Abraham, Isaac, at Jacob malapit sa mga bayan ng Sikem (Gen 12:6), Bethel at Ai (Gen 12:8), Hebron (Gen 13:18), Gerar (Gen 20:1), at Beer-sheba (Gen 22:19). Bagaman ang mga Canaanita ay waring hindi naman nagpakita ng matinding poot sa mga patriyarkang Hebreo, proteksiyon pa rin ng Diyos ang pangunahing dahilan kung bakit walang sumalakay sa kanila. (Aw 105:12-15) Sa gayon, pagkatapos daluhungin ng mga anak ni Jacob ang Hivitang lunsod ng Sikem, ang kalapit na mga lunsod ay sinapitan ng “pangingilabot sa Diyos” kung kaya “hindi nila hinabol ang mga anak ni Jacob.”—Gen 33:18; 34:2; 35:5.
Ipinakikita ng sekular na kasaysayan na pinamunuan ng Ehipto ang Canaan sa loob ng mga dalawang siglo bago ang pananakop ng mga Israelita. Sa loob ng yugtong iyon, ang mga mensahe (tinatawag na Amarna Tablets) na ipinadala ng mga basalyong tagapamahala sa Sirya at Palestina sa mga paraon na sina Amenhotep III at Akhenaton ay nagpapahiwatig ng maraming hidwaan sa pagitan ng mga lunsod at ng pulitikal na intriga sa rehiyon. Noong panahong dumating ang Israel sa hanggahan nito (1473 B.C.E.), ang Canaan ay isang lupaing binubuo ng maraming estadong-lunsod o maliliit na kaharian, bagaman sa paanuman ay nagkakaisa pa rin pagdating sa ugnayan ng mga tribo. Halos 40 taon ang kaagahan, nakita ng mga tiktik na nagsiyasat sa lupain na ito ay isang mabungang lupain at na ang mga lunsod nito ay matibay na nakukutaan.—Bil 13:21-29; ihambing ang Deu 9:1; Ne 9:25.
Ang Teritoryo ng mga Tribo ng Canaan. Sa 11 tribong Canaanita (Gen 10:15-19), waring ang mga Amorita ang pangunahing tribo sa lupain. (Tingnan ang AMORITA.) Bukod pa sa lupaing sinakop nila sa S ng Jordan sa Basan at Gilead, ipinakikita ng ulat na maraming Amorita sa bulubunduking lupain ng mismong Canaan, kapuwa sa H at sa T. (Jos 10:5; 11:3; 13:4) Maaaring ang pumapangalawa sa kanila sa lakas ay ang mga Hiteo, na bagaman matatagpuan hanggang sa Hebron sa T noong panahon ni Abraham (Gen 23:19, 20), waring nang maglaon ay pangunahin na silang masusumpungan sa dakong H, sa direksiyon ng Sirya.—Jos 1:4; Huk 1:23-26; 1Ha 10:29.
Sa iba pang mga tribo, ang mga Jebusita, mga Hivita, at mga Girgasita ang sumunod na pinakamadalas mabanggit noong panahon ng pananakop. Maliwanag na ang sentro ng mga Jebusita ay ang bulubunduking rehiyon sa palibot ng Jerusalem. (Bil 13:29; Jos 18:16, 28) Ang mga Hivita naman ay nakapangalat mula sa Gibeon sa T (Jos 9:3, 7) pataas hanggang sa paanan ng Bundok Hermon sa H. (Jos 11:3) Hindi sinasabi kung saan ang teritoryo ng mga Girgasita.
Ang natitirang anim na tribo, ang mga Sidonio, mga Arvadita, mga Hamateo, mga Arkeo, mga Sinita, at mga Zemarita, ay maaaring kabilang sa malawak na terminong “Canaanita” na madalas gamitin kaugnay ng espesipikong mga pangalan ng iba pang mga tribo, maliban kung ginagamit lamang ang pananalitang ito upang tumukoy sa mga lunsod o mga grupo na binubuo ng halu-halong populasyong Canaanita. (Exo 23:23; 34:11; Deu 7:1; Bil 13:29) Ang anim na tribong ito ay waring pangunahin nang nasa H ng rehiyon na unang sinakop ng mga Israelita at hindi espesipikong binabanggit sa ulat ng pananakop.
Pananakop ng Israel sa Canaan. (MGA MAPA, Tomo 1, p. 737, 738) Noong ikalawang taon pagkatapos ng Pag-alis, tinangkang pasukin ng mga Israelita sa unang pagkakataon ang timugang mga hanggahan ng Canaan, ngunit wala sa kanila noon ang tulong ng Diyos, at natalo sila ng mga Canaanita at ng kaalyadong mga Amalekita. (Bil 14:42-45) Sa pagtatapos ng 40-taóng yugto ng pagpapagala-gala, muling umabante ang Israel papalapit sa mga Canaanita at sinalakay sila ng hari ng Arad sa Negeb, ngunit sa pagkakataong ito ay natalo ang mga hukbong Canaanita, at ang kanilang mga lunsod ay winasak. (Bil 21:1-3) Ngunit pagkatapos ng tagumpay na ito, hindi sumalakay ang mga Israelita mula sa T kundi lumigid sila upang makalapit mula sa S. Dahil dito, nakalaban nila ang Amoritang mga kaharian nina Sihon at Og, at dahil sa pagkatalo ng mga haring ito, napasailalim ng kontrol ng Israel ang buong Basan at Gilead, kasama ang 60 lunsod na may “mataas na pader, mga pinto at halang” sa Basan pa lamang. (Bil 21:21-35; Deu 2:26–3:10) Ang pagkatalo ng makapangyarihang mga haring ito ay nakapagpahina sa mga kahariang Canaanita sa K ng Jordan, at ang sumunod na makahimalang pagtawid ng bansang Israel sa natuyong Ilog Jordan ay naging dahilan upang ‘magsimulang matunaw’ ang mga puso ng mga Canaanita. Dahil dito, hindi sinalakay ng mga Canaanita ang kampo ng mga Israelita sa Gilgal noong panahong nagpapagaling ang marami sa mga lalaking Israelita matapos silang tuliin at noong sumunod na pagdiriwang ng Paskuwa.—Jos 2:9-11; 5:1-11.
Palibhasa’y nakasasalok na ng saganang tubig sa Jordan at nakakukuha na ng panustos na pagkain mula sa nasakop na rehiyon sa S ng Jordan, ang mga Israelita sa Gilgal ay mayroon nang angkop na sentro na mula roon ay masasakop nila ang lupain. Una nilang pinuntirya ang kalapit at nakabungad na lunsod ng Jerico, na mahigpit na nakasara noon, at ang matitibay na pader nito ay bumagsak dahil sa kapangyarihan ni Jehova. (Jos 6:1-21) Pagkatapos ay umahon ang sumasalakay na mga hukbo sa taas na mga 1,000 m (3,300 piye) patungo sa bulubunduking rehiyon sa H ng Jerusalem at, matapos dumanas muna ng pagkatalo, binihag nila ang Ai at sinunog ito. (Jos 7:1-5; 8:18-28) Samantalang ang mga kahariang Canaanita sa buong lupain ay bumubuo ng isang malaking koalisyon upang palayasin ang mga Israelita, sinikap naman ng ilang Hivitang lunsod na makipagpayapaan sa Israel sa pamamagitan ng isang mapanlinlang na pakana. Maliwanag na ang paghiwalay na ito ng Gibeon at ng tatlo pang kalapit na lunsod ay itinuring ng iba pang mga kahariang Canaanita bilang pagtataksil na nagsasapanganib sa pagkakaisa ng buong ‘ligang Canaanita.’ Dahil dito, limang haring Canaanita ang nagkaisang makipaglaban, hindi sa Israel, kundi sa Gibeon, ngunit magdamag na humayo ang mga hukbong Israelita sa pangunguna ni Josue upang iligtas ang kinukubkob na lunsod. Upang matalo ni Josue ang limang sumasalakay na hari, makahimalang nagpaulan ang Diyos ng malalaking batong graniso at pinangyari rin niyang maantala ang paglubog ng araw.—Jos 9:17, 24, 25; 10:1-27.
Pagkatapos ay dumaluhong ang matagumpay na mga hukbong Israelita sa buong timugang kalahatian ng Canaan (maliban sa Kapatagan ng Filistia), anupat nilupig ang mga lunsod ng Sepela, ng bulubunduking pook, at ng Negeb, pagkatapos ay bumalik sila sa kanilang kampo sa Gilgal sa tabi ng Jordan. (Jos 10:28-43) Sinimulan namang pisanin ng mga Canaanitang mula sa hilaga sa ilalim ng pangunguna ng hari ng Hazor ang kanilang mga kawal at mga karong pandigma, anupat pinagsama-sama ang kanilang mga hukbo sa tabi ng tubig ng Merom, sa H ng Dagat ng Galilea. Ngunit biglaang sumalakay sa kompederasyong Canaanita ang hukbo ni Josue at itinaboy ang mga ito, pagkatapos ay binihag nila ang mga lunsod ng mga ito hanggang sa Baal-gad sa H sa paanan ng Bundok Hermon. (Jos 11:1-20) Maliwanag na ang kampanya ay sumaklaw ng mahaba-habang yugto ng panahon at sinundan ng isa pang paglusob sa bulubunduking pook sa T, anupat pinuntirya ng pagsalakay na ito ang malahiganteng mga Anakim at ang kanilang mga lunsod.—Jos 11:21, 22; tingnan ang ANAKIM, MGA.
Noon ay mga anim na taon na ang nakararaan buhat nang magsimula ang labanan. Naisagawa na ang kalakhang bahagi ng pananakop sa Canaan, at naigupo na ang lakas ng mga tribong Canaanita, sa gayon ay maaari nang simulan ang pamamahagi ng lupain sa mga tribo ng Israel. (Tingnan ang HANGGANAN.) Gayunman, hindi pa nasusupil ang ilang rehiyon, kabilang na ang malalaking bahagi gaya ng teritoryo ng mga Filisteo, na bagaman hindi mga Canaanita ay mga nang-agaw rin ng lupaing ipinangako sa mga Israelita; ang teritoryo ng mga Gesurita (ihambing ang 1Sa 27:8); ang teritoryo mula sa lupain sa palibot ng Sidon pataas sa Gebal (Byblos); at ang buong rehiyon ng Lebanon (Jos 13:2-6). Bukod sa mga ito, may maliliit na grupo ng kalaban na nakapangalat sa buong lupain, na ang ilan ay nabihag nang maglaon ng nakasasakop na mga tribo ng Israel, samantalang ang iba ay nanatiling di-nasasakop o pinahintulutang manatili at puwersahang pinagtrabaho ng mga Israelita.—Jos 15:13-17; 16:10; 17:11-13, 16-18; Huk 1:17-21, 27-36.
Bagaman napakarami sa mga Canaanita ang nakaligtas sa kalakhang bahagi ng pananakop at tumangging magpasupil, masasabi pa rin na “ibinigay ni Jehova sa Israel ang buong lupain na isinumpa niyang ibibigay sa kanilang mga ninuno,” na binigyan niya sila ng “kapahingahan sa buong palibot,” at na “walang isa mang pangako ang nabigo sa lahat ng mabuting pangako na binitiwan ni Jehova sa sambahayan ng Israel; ang lahat ay nagkatotoo.” (Jos 21:43-45) Sa buong palibot ng mga Israelita, ang mga kaaway na bayan ay pinanghinaan ng loob at hindi na naging malubhang banta sa kanilang katiwasayan. Sinabi ng Diyos noong una na “unti-unti” niyang palalayasin ang mga Canaanita upang hindi dumami ang mababangis na hayop kapag biglang natiwangwang ang lupain. (Exo 23:29, 30; Deu 7:22) Sa kabila ng mas mahuhusay na kasangkapang pandigma ng mga Canaanita, kasama na ang mga karong pandigma na may mga lingkaw na bakal, ang anumang pagkabigo ng mga Israelita nang dakong huli na makuha ang ilang lugar ay hindi maisisisi kay Jehova dahil sa anumang pagkabigo niya na tuparin ang kaniyang pangako. (Jos 17:16-18; Huk 4:13) Sa halip, ipinakikita ng ulat na ang iilang pagkatalo ng mga Israelita ay dahil sa kanilang kawalang-katapatan.—Bil 14:44, 45; Jos 7:1-12.
Bakit itinalaga ni Jehova sa pagkalipol ang mga Canaanita?
Ipinakikita ng ulat ng kasaysayan na ang mga populasyon ng mga Canaanitang lunsod na nilupig ng mga Israelita ay lubusang nilipol. (Bil 21:1-3, 34, 35; Jos 6:20, 21; 8:21-27; 10:26-40; 11:10-14) Dahil dito, sinasabi ng ilang kritiko na ang Hebreong Kasulatan, o “Matandang Tipan,” ay lipos ng espiritu ng kalupitan at walang-taros na pagpatay. Gayunman, maliwanag na ang usaping nasasangkot ay ang pagkilala o hindi pagkilala sa soberanya ng Diyos sa lupa at sa mga tumatahan dito. Ibinigay niya sa ‘binhi ni Abraham’ ang karapatang manirahan sa lupain ng Canaan, anupat ginawa iyon sa pamamagitan ng isang pinanumpaang tipan. (Gen 12:5-7; 15:17-21; ihambing ang Deu 32:8; Gaw 17:26.) Ngunit higit pa sa basta pagpapalayas o pagtataboy sa mga naninirahan noon sa lupaing iyon ang nilayon ng Diyos. Nasasangkot din ang kaniyang karapatang gumanap bilang “Hukom ng buong lupa” (Gen 18:25) at magtalaga ng sentensiyang kamatayan sa mga masusumpungang karapat-dapat dito, gayundin ang kaniyang karapatang ipatupad ang gayong utos.
Ang pagiging makatarungan ng makahulang sumpa ng Diyos kay Canaan ay lubusang pinatunayan ng mga kalagayang umiral sa Canaan noong panahon ng pananakop ng Israel. Pinahintulutan ni Jehova na lumipas ang 400 taon mula noong panahon ni Abraham upang ‘ang kamalian ng mga Amorita ay malubos.’ (Gen 15:16) Ang isang malinaw na pahiwatig ng kasamaang nakikita na noon sa mga Canaanita ay ang mga Hiteong asawa ni Esau, na “naging sanhi ng kapaitan ng espiritu para kay Isaac at kay Rebeka” anupat si Rebeka ay ‘namuhi sa kaniyang buhay dahil sa kanila.’ (Gen 26:34, 35; 27:46) Noong sumunod na mga siglo, ang Canaan ay natigmak ng karima-rimarim na idolatriya, imoralidad, at pagbububo ng dugo. Labis-labis ang kabuktutan ng relihiyong Canaanita, anupat maliwanag na ang kanilang “mga sagradong poste” at “mga sagradong haligi” ay mga sagisag ng ari ng lalaki, at marami sa mga ritwal sa kanilang “matataas na dako” ay nagsasangkot ng labis-labis na pagpapakasasa sa sekso at kahalayan. (Exo 23:24; 34:12, 13; Bil 33:52; Deu 7:5) Ang insesto, sodomiya, at bestiyalidad ay bahagi ng ‘ginagawa sa lupain ng Canaan’ na nagparumi sa lupain at dahil sa kamaliang iyon ay “isusuka ng lupain ang mga tumatahan sa kaniya.” (Lev 18:2-25) Kasama rin sa karima-rimarim na mga gawain ng mga Canaanita ang mahika, panggagayuma sa pamamagitan ng engkanto, espiritismo, at paghahain ng kanilang mga anak sa apoy.—Deu 18:9-12.
Si Baal ang pinakaprominente sa mga bathalang sinasamba ng mga Canaanita. (Huk 2:12, 13; ihambing ang Huk 6:25-32; 1Ha 16:30-32.) Ang mga diyosa ng Canaan na sina Astoret (Huk 2:13; 10:6; 1Sa 7:3, 4), Asera, at Anat ay inilalarawan sa isang tekstong Ehipsiyo bilang mga inang-diyosa at mga sagradong patutot na nananatiling birhen (sa literal, “ang mga dakilang diyosa na naglilihi ngunit hindi nagsisilang”). Lumilitaw na ang pagsamba sa kanila ay laging nauugnay sa paglilingkod ng mga patutot sa templo. Ang mga diyosang ito ay sumagisag, hindi lamang sa matinding seksuwal na pagnanasa, kundi pati sa sadistikong karahasan at pakikipagdigma. Kaya naman ang diyosang si Anat ay inilalarawan sa Epiko ni Baal mula sa Ugarit bilang nagpapangyari ng lansakang pagpatay sa mga lalaki at pagkatapos ay ipinapalamuti sa kaniyang sarili ang nakabiting mga ulo at ikinakabit sa kaniyang paha ang mga kamay ng mga lalaki habang tuwang-tuwa siyang nagtatampisaw sa kanilang dugo. Ang mga pigurin ng diyosang si Astoret na natuklasan sa Palestina ay wangis ng isang babaing hubad na labis na pinalaki ang mga sangkap sa sekso. Tungkol sa kanilang pagsamba sa ari ng lalaki, ang arkeologong si W. F. Albright ay nagsabi: “Sa kasukdulan nito, . . . ang erotikong aspekto ng kanilang kulto ay nakalubog na sa napakaruming kalagayang panlipunan.”—Archaeology and the Religion of Israel, 1968, p. 76, 77; tingnan ang ASTORET; BAAL Blg. 4.
Ang isa pa sa kanilang kasuklam-suklam na mga gawain ay ang paghahain ng kanilang mga anak. Ayon kay Merrill F. Unger: “Natuklasan sa mga paghuhukay sa Palestina ang mga bunton ng abo at labí ng mga kalansay ng mga sanggol sa mga sementeryo sa palibot ng mga altar ng mga pagano, na nagpapahiwatig na laganap noon ang malupit at kasuklam-suklam na gawaing ito.” (Archaeology and the Old Testament, 1964, p. 279) Ang Halley’s Bible Handbook (1964, p. 161) ay nagsabi: “Ang mga Canaanita ay sumamba, sa pamamagitan ng imoral na pagpapakasasa, bilang isang relihiyosong ritwal, sa harap ng kanilang mga diyos; at pagkatapos, sa pamamagitan ng pagpaslang sa kanilang mga panganay na anak, bilang hain sa mga diyos ding ito. Sa kalakhang bahagi, waring ang lupain ng Canaan ay naging parang Sodoma at Gomorra sa pambansang lawak. . . . May karapatan pa bang umiral ang isang sibilisasyon na gayon katindi ang karumihan at kalupitan? . . . Pinagtatakhan ng mga arkeologong naghuhukay sa mga guho ng mga Canaanitang lunsod kung bakit hindi sila pinuksa ng Diyos nang mas maaga.”—LARAWAN, Tomo 1, p. 739.
Ginamit ni Jehova ang kaniyang karapatan bilang soberano upang maglapat ng hatol na kamatayan sa balakyot na mga tao ng buong lupa noong panahon ng pangglobong Baha; ginawa rin niya iyon may kinalaman sa buong Distrito ng mga lunsod ng Sodoma at Gomorra dahil sa ‘malakas na sigaw ng pagdaing tungkol sa kanila at sa kanilang napakabigat na kasalanan’ (Gen 18:20; 19:13); inilapat niya ang hatol na pagkapuksa sa mga hukbong militar ni Paraon sa Dagat na Pula; nilipol din niya ang mga sambahayan ni Kora at ng iba pang mga rebelde sa gitna ng mga Israelita mismo. Sa nabanggit na mga kaso, likas na mga puwersa ang ginamit ng Diyos upang isagawa ang pagpuksa. Sa kabilang panig, ang mga Israelita naman ang binigyan ni Jehova ng sagradong tungkulin na maging pangunahing mga tagapaglapat ng kaniyang hatol, sa patnubay ng kaniyang anghelikong mensahero at sa tulong ng walang-kapantay na kapangyarihan ng Diyos. (Exo 23:20-23, 27, 28; Deu 9:3, 4; 20:15-18; Jos 10:42) Gayunpaman, ang naging resulta nito sa mga Canaanita ay walang ipinagkaiba sa magiging resulta kung pinili ng Diyos na puksain sila sa pamamagitan ng baha, maapoy na pagsabog, o lindol, at bagaman mga tao ang ginamit upang patayin ang mga taong hinatulan, kahit waring di-kaayaaya ang kanilang atas, walang alinlangang tama pa rin ang paglipol na itinalaga ng Diyos. (Jer 48:10) Sa pamamagitan ng paggamit sa mga taong iyon, na nakipaglaban sa “pitong bansa na higit na matao at makapangyarihan” kaysa sa kanila, ang kapangyarihan ni Jehova ay napadakila at ang kaniyang pagka-Diyos ay napatunayan.—Deu 7:1; Lev 25:38.
Salig sa napakatibay na ebidensiya, alam ng mga Canaanita na ang Israel ang piling bayan at kasangkapan ng Diyos. (Jos 2:9-21, 24; 9:24-27) Gayunman, maliban kay Rahab at sa kaniyang pamilya at sa mga lunsod ng mga Gibeonita, yaong mga itinalaga sa pagkapuksa ay hindi humiling na kaawaan sila ni sinamantala man nila ang pagkakataong tumakas, kundi sa halip ay pinili nilang magmatigas at maghimagsik laban kay Jehova. Hindi niya sila pinilit na magpasakop sa kaniyang ipinahayag na kalooban kundi, sa halip, ‘hinayaan niyang magpakasutil ang kanilang mga puso anupat nagdeklara sila ng digmaan laban sa Israel, nang sa gayon ay maitalaga niya sila sa pagkapuksa, upang hindi sila tumanggap ng anumang paglingap, kundi malipol nga niya sila’ bilang paglalapat ng kaniyang kahatulan laban sa kanila.—Jos 11:19, 20.
May-katalinuhang ‘hindi inalis ni Josue ang isa mang salita sa lahat ng iniutos ni Jehova kay Moises’ may kinalaman sa pagpuksa sa mga Canaanita. (Jos 11:15) Ngunit hindi lubusang sumunod ang bansang Israel sa kaniyang mahusay na pangunguna. Hindi nila lubusang inalis ang pinagmumulan ng karumihan ng lupain. Dahil may mga Canaanita pa rin sa gitna nila, nahawahan ang Israel ng kanilang mga gawain, anupat tiyak na naging sanhi ito ng mas maraming kamatayan (bukod pa sa krimen, imoralidad, at idolatriya) kaysa sa bilang ng mamamatay kung may-katapatan sanang sinunod ang itinalagang paglipol sa lahat ng Canaanita. (Bil 33:55, 56; Huk 2:1-3, 11-23; Aw 106:34-43) Binabalaan ni Jehova ang mga Israelita na ang kaniyang katarungan at mga kahatulan ay walang itatangi at na kung ang mga Israelita ay magkakaroon ng kaugnayan sa mga Canaanita, makikipag-asawa sa mga ito, makikibahagi sa relihiyon ng mga ito, at susunod sa relihiyosong mga kaugalian at buktot na mga gawain ng mga ito, tiyak na itatalaga rin sila sa pagkalipol at sila rin ay ‘isusuka mula sa lupain.’—Exo 23:32, 33; 34:12-17; Lev 18:26-30; Deu 7:2-5, 25, 26.
Sinasabi sa Hukom 3:1, 2 na hinayaan ni Jehova na manatili ang ilan sa mga bansang Canaanita “upang sa pamamagitan nila ay masubok ang Israel, samakatuwid ay lahat niyaong mga hindi pa nakaranas ng alinman sa mga digmaan sa Canaan; iyon ay upang magkaroon lamang ng karanasan ang mga salinlahi ng mga anak ni Israel, anupat maturuan sila ng pakikipagdigma, samakatuwid ay yaon lamang mga hindi pa nakaranas ng gayong mga bagay noong una.” Hindi ito salungat sa mas naunang pananalita (Huk 2:20-22) na pinahintulutan ni Jehova na manatili ang mga bansang ito dahil sa kawalang-katapatan ng Israel at upang “masubok ang Israel, kung sila ba ay magiging mga tagapag-ingat ng daan ni Jehova.” Sa halip, kaayon ito ng dahilang iyon at ipinakikita nito na sa gayong paraan, ang darating na mga salinlahi ng mga Israelita ay magkakaroon ng pagkakataong magpamalas ng kanilang pagsunod sa mga utos ng Diyos may kinalaman sa mga Canaanita, anupat inilalagay sa pagsubok ang kanilang pananampalataya manganib man ang kanilang buhay sa digmaan upang patunayang masunurin sila.
Dahil sa lahat ng nabanggit, maliwanag na hindi makatuwiran ang opinyon ng ilang kritiko ng Bibliya na ang pagpuksa ng Israel sa mga Canaanita ay hindi kaayon ng diwa ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, gaya ng makikita kung paghahambingin ang Mateo 3:7-12; 22:1-7; 23:33; 25:41-46; Marcos 12:1-9; Lucas 19:14, 27; Roma 1:18-32; 2 Tesalonica 1:6-9; 2:3; at Apocalipsis 19:11-21.
Kasaysayan Nang Dakong Huli. Pagkatapos ng pananakop sa Canaan, ang kalagayan sa pagitan ng mga Canaanita at mga Israelita ay unti-unting naging mapayapa, bagaman ikinapinsala ito ng Israel. (Huk 3:5, 6; ihambing ang Huk 19:11-14.) Pansamantalang pinamunuan ang mga Israelita ng sunud-sunod na mga tagapamahalang Siryano, Moabita, at Filisteo, ngunit noong panahon ni Jabin, tinatawag na “hari ng Canaan,” muling nagkaroon ng sapat na lakas ang mga Canaanita upang masupil ang Israel sa loob ng 20 taon. (Huk 4:2, 3) Pagkatapos ng lubos na pagkatalo ni Jabin sa kamay ni Barak, ang mga suliranin ng Israel bago sila maging isang kaharian ay pangunahin nang nanggaling sa mga di-Canaanita—mga Midianita, mga Ammonita, at mga Filisteo. Gayundin noong panahon ni Samuel, sa mga tribong Canaanita, tanging ang mga Amorita ang binanggit. (1Sa 7:14) Pinalayas ni Haring David ang mga Jebusita mula sa Jerusalem (2Sa 5:6-9), ngunit ang kaniyang malalaking kampanya ay laban sa mga Filisteo, mga Ammonita, mga Moabita, mga Edomita, mga Amalekita, at mga Siryano. Kaya ang mga Canaanita, bagaman mayroon pang mga lunsod at lupain sa teritoryo ng Israel (2Sa 24:7, 16-18), ay maliwanag na hindi na banta sa pakikipagdigma. Dalawang Hiteong mandirigma ang binabanggit na kabilang sa hukbong pandigma ni David.—1Sa 26:6; 2Sa 23:39.
Noong panahon ng pamamahala ni Solomon, puwersahan niyang pinagtrabaho ang mga nalabi ng mga tribong Canaanita sa kaniyang maraming proyekto (1Ha 9:20, 21), anupat ang kaniyang gawaing pagtatayo ay umabot hanggang sa Canaanitang lunsod ng Hamat sa malayong hilaga. (2Cr 8:4) Ngunit nang maglaon, ang kaniyang mga asawang Canaanita ang naging isang dahilan ng pagbagsak ni Solomon, ng pagkawala ng kalakhang bahagi ng kaharian para sa kaniyang tagapagmana, at ng pagsamâ ng relihiyon ng bansa. (1Ha 11:1, 13, 31-33) Mula noong paghahari ni Solomon (1037-998 B.C.E.) hanggang sa pamamahala ni Jehoram ng Israel (mga 917-905 B.C.E.), waring tanging ang mga Hiteo ang nanatiling prominente at malakas bilang isang tribo, bagaman maliwanag na sila’y nasa dakong H ng teritoryo ng Israel at karatig ng Sirya o nasa loob nito.—1Ha 10:29; 2Ha 7:6.
Ang pakikipag-asawa sa mga Canaanita ay isang suliranin pa rin sa pinabalik na mga Israelita pagkatapos ng pagkatapon sa Babilonya (Ezr 9:1, 2), ngunit ang mga kahariang Canaanita, kabilang na yaong sa mga Hiteo, ay maliwanag na naglaho dahil sa pananalakay ng Sirya, Asirya, at Babilonya. Nang maglaon, ang terminong “Canaan” ay pangunahin nang tumukoy sa Fenicia, gaya sa hula ni Isaias may kinalaman sa Tiro (Isa 23:1, 11, tlb sa Rbi8) at sa kaso ng babaing “taga-Fenicia” (sa literal, “Canaanita” [sa Gr., Kha·na·naiʹa]) mula sa rehiyon ng Tiro at Sidon na lumapit kay Jesus.—Mat 15:22, tlb sa Rbi8; ihambing ang Mar 7:26.
Komersiyal at Heopulitikal na Kahalagahan. Ang Canaan ay nagsilbing isang tulay na lupa, yamang ang Ehipto ay ikinonekta nito sa Asia at, partikular na, sa Mesopotamia. Bagaman ang ekonomiya ng bansa ay pangunahin nang agrikultural, nakipagkalakalan din ang mga tao roon. Ang mga daungang lunsod ng Tiro at Sidon ay naging mahahalagang sentro ng kalakalan na may mga pangkat ng mga barko na bantog sa lahat ng dako ng daigdig noon. (Ihambing ang Eze 27.) Kaya noon pa mang panahon ni Job, ang salitang “Canaanita” ay singkahulugan na ng “negosyante” at isinasalin nang gayon. (Job 41:6; Zef 1:11; pansinin din ang pagtukoy sa Babilonya bilang “lupain ng Canaan,” Eze 17:4, 12.) Ang Canaan ay nasa isang lubhang estratehikong dako sa Fertile Crescent at naging puntirya ng malalaking imperyo ng Mesopotamia, Asia Minor, at Aprika na naghangad na kumontrol sa daanang militar at sa daloy ng mga kalakal na dumaraan sa Canaan. Samakatuwid, nang ilagay ng Diyos ang kaniyang piling bayan sa lupaing ito, tiyak na nakatawag iyon ng pansin ng mga bansa at nagkaroon ng malawakang mga epekto; sa diwang heograpiko, at lalong mahalaga sa diwang relihiyoso, ang mga Israelita ay masasabing nananahanan “sa gitna ng lupa.”—Eze 38:12.
Wika. Bagaman maliwanag na ipinakikita ng rekord ng Bibliya na ang mga Canaanita ay Hamitiko, sinasabi ng karamihan sa mga reperensiyang akda na sila ay lahing Semitiko. Ang klasipikasyong ito ay batay sa katibayan na nagsasalita ng isang wikang Semitiko ang mga Canaanita. Ang katibayang pinakamadalas gamitin ay ang maraming teksto na natagpuan sa Ras Shamra (Ugarit) na nakasulat sa isang Semitikong wika o diyalekto at itinuturing na mula pa noong ika-14 na siglo B.C.E. Gayunman, lumilitaw na ang Ugarit ay nasa labas ng mga hangganan ng Canaan na binabanggit sa Bibliya. Isang artikulo ni A. F. Rainey sa The Biblical Archaeologist (1965, p. 105) ang nagsabi na sa mga saligang etniko, pulitikal, at, malamang, lingguwistika “maliwanag na ngayon na ang Ugarit ay maling tawaging isang ‘Canaanitang’ lunsod.” Nagbigay siya ng higit pang katibayan upang ipakitang “ang Ugarit at ang lupain ng Canaan ay magkahiwalay at magkaibang pulitikal na pamahalaan.” Samakatuwid, ang mga tapyas na iyon ay hindi mapagbabatayan upang matukoy ang wika ng mga Canaanita.
Marami sa Amarna Tablets na natagpuan sa Ehipto ang talagang nanggaling sa mga lunsod na nasa loob mismo ng Canaan, at ang mga tapyas na ito, na nauna pa sa pananakop ng Israel, ay pangunahin nang nakasulat sa cuneiform na Babilonyo, isang wikang Semitiko. Gayunman, ito ang wikang diplomatiko ng buong Gitnang Silangan noong panahong iyon, anupat ginamit iyon maging sa pagliham sa korte ng Ehipto. Kaya naman dapat pansinin ang sinabi sa The Interpreter’s Dictionary of the Bible (inedit ni G. A. Buttrick, 1962, Tomo 1, p. 495) na “ang Amarna Letters ay naglalaman ng katibayang sumusuhay sa opinyon na may di-Semitikong mga etnikong grupo na namayan sa Palestina at Sirya sa isang maagang panahon, sapagkat marami sa mga liham na ito ang kakikitaan ng malinaw na impluwensiya ng mga wikang di-Semitiko.” (Amin ang italiko.) Ang totoo ay hindi pa rin tiyak kung ano ang orihinal na wika na ginamit ng mga unang tumahan sa Canaan.
Gayunman, totoo na waring ipinakikita ng mismong ulat ng Bibliya na si Abraham at ang kaniyang mga inapo ay nakipag-usap sa mga tao ng Canaan at hindi nangailangan ng tagapagsalin, at mapapansin din na, bagaman ginamit sa ulat ang ilang di-Semitikong pangalan ng mga lugar, ang karamihan ng mga bayan at lunsod na nabihag ng mga Israelita ay mayroon nang pangalang Semitiko. Gayunman, ang mga haring Filisteo noong panahon ni Abraham, at maliwanag na noon ding panahon ni David, ay tinawag na “Abimelec” (Gen 20:2; 21:32; Aw 34:Sup), isang pangalan (o titulo) na tunay na Semitiko, samantalang hindi iginigiit ninuman na ang mga Filisteo ay lahing Semitiko. Kaya lumilitaw na ang wika ng mga tribong Canaanita, sa paglipas ng maraming siglo mula noong guluhin ang mga wika sa Babel (Gen 11:8, 9), ay waring nagbago mula sa kanilang orihinal na wikang Hamitiko tungo sa isang wikang Semitiko. Maaaring ito ay dahil sa kanilang malapít na pakikipagsamahan sa mga tao ng Sirya na nagsasalita ng Aramaiko, resulta ng pamumuno ng Mesopotamia sa loob ng ilang panahon, o dulot ng iba pang kadahilanan na hindi alam sa ngayon. Ang gayong pagbabago ay katulad ng nangyari sa ibang mga sinaunang bansa. Halimbawa, bagaman ang sinaunang mga Persiano ay nagmula sa angkang Indo-Europeo (Japetiko), nang maglaon ay gumamit sila ng wika at sulat na Semitikong Arameano.
Ang “wika ng Canaan” na tinutukoy sa Isaias 19:18 ay Hebreo, ang pangunahing wika sa lupain noong panahong iyon (ikawalong siglo B.C.E.).
[Larawan sa pahina 476]
Mga sagradong haligi (stela) at isang mesa para sa paghahandog na natagpuan sa Hazor. Ang inskripsiyon sa stela sa gitna ay maaaring sumasagisag sa isang pakiusap sa diyos-buwan