BALBAS
Ang buhok na tumutubo sa baba at mga pisngi ng isang lalaki, at kung minsan, pati yaong tumutubo sa nguso. Sa Hebreong Kasulatan, za·qanʹ ang salitang ginagamit para sa “balbas,” samantalang ang sa·phamʹ, na nauugnay sa labi, ay isinasalin ng mga tagapagsalin sa iba’t ibang paraan bilang “balbas,” “bigote,” at “nguso.” Sa ilang pagkakataon, ang salitang za·qanʹ ay tumutukoy sa “baba,” hindi sa balbas.—Lev 13:29, 30; 14:9.
Sa maraming sinaunang mga tao sa Silangan, pati na sa mga Israelita, ang balbas ay pinahahalagahan bilang isang tanda ng dignidad ng lalaki. Ipinagbawal ng kautusan ng Diyos sa Israel ang paggupit sa ‘buhok sa gilid ng mukha’ o ang buhok sa pagitan ng tainga at ng mata, at pati na rin ang pag-ahit sa dulo ng balbas. (Lev 19:27; 21:5) Walang alinlangang ipinagbawal ito dahil isa itong relihiyosong kaugalian noon ng ilang pagano.
Sa panahon ng labis na pamimighati, kahihiyan, o pagkaaba, kung minsan ay binubunot ng isang lalaki ang mga buhok sa kaniyang balbas, o pinababayaan niya ang kaniyang balbas o bigote. (Ezr 9:3) Posibleng dahil sa napabayaang balbas ni Mepiboset na anak ni Jonatan kung kaya nahinuha ni David na maaaring totoo nga ang sinasabi ni Mepiboset na siniraang-puri ito ng lingkod nitong si Ziba, at na si Mepiboset ay talagang nagdadalamhati noong panahong tumakas si David mula kay Absalom, na kabaligtaran ng iniulat ni Ziba. (2Sa 16:3; 19:24-30) Ang pag-aalis naman ng balbas ay lumalarawan sa kapahamakan o matinding pagdadalamhati dahil sa kapahamakan.—Isa 7:20; 15:2; Jer 48:37; Eze 5:1.
Pagkatapos ng pagkawasak ng Jerusalem noong 607 B.C.E., ipinamalas ng mga lalaki mula sa Sikem, Shilo, at Samaria ang kanilang kapighatian sa pamamagitan ng pag-ahit ng kanilang balbas, paghapak ng kanilang kasuutan, at paghiwa sa kanilang sarili. Bagaman nagdala sila ng mga handog para sa bahay ni Jehova, ang mga iyon ay mga handog na walang dugo, na maliwanag na ihahandog sana nila sa dating kinalalagyan ng templo. (Jer 41:5) Hindi lubusang kasuwato ng kautusan ng Diyos ang ginawa ng mga lalaking ito sapagkat naghiwa sila sa kanilang sarili, isang gawain na mahigpit na ipinagbabawal sa Kautusan.—Lev 19:28; 21:5.
Dahil itinuturing noon na mahalaga ang pag-aasikaso ng balbas, nagbago ang saloobin ni Akis na hari ng Gat kay David nang magkunwari itong baliw at kusa nitong patuluin ang kaniyang laway sa kaniyang balbas. Kaya naman nakumbinsi si Haring Akis na si David ay baliw. (1Sa 21:13) Noong isang pagkakataon naman, nang lubhang insultuhin ni Hanun na hari ng Ammon ang mga sugo ni David sa pamamagitan ng pagputol sa kalahati ng kanilang balbas, may-kabaitang sinabihan ni David ang mga tauhan niyang ito na manatili muna sa Jerico hanggang sa lumago ang kanilang mga balbas. Alam ng mga Ammonita na ang nangyari ay isang lantarang pag-insulto kay David at dahil dito ay naging mabaho sila sa harap niya kung kaya naghanda sila sa pakikipagdigma.—2Sa 10:4-6; 1Cr 19:1-6.
Bago pa man itatag ang tipang Kautusan, kaugalian na noon ng mga lalaki na magpahaba ng balbas. Bagaman ang mga Hebreo ay hindi gumawa ng mga bantayog na may mga larawan nila, maraming bantayog at inskripsiyon ang natagpuan sa Ehipto, Mesopotamia, at iba pang mga lupain sa Gitnang Silangan, at doo’y nakalarawan ang mga Asiryano, mga Babilonyo, at mga Canaanita na may balbas. Maging sa ilang larawan na mula pa noong ikatlong milenyo B.C.E. ay may makikita nang iba’t ibang istilo ng balbas. Sa mga taong nabanggit, mga bating ang pangunahin nang inilalarawan na walang balbas. Gayunman, sa Israel ay walang ginagawang bating, dahil hindi tinatanggap ng Kautusan ang mga bating sa kongregasyon ng Israel.—Deu 23:1.
Yamang ang karamihan sa mga Semita ay inilalarawang may balbas bago pa man ang panahon ng Kautusan, makatuwirang sabihin na may balbas din ang tapat na mga lalaking nagmula sa linya ni Sem, na patuloy na gumamit ng wika sa Eden at tiyak na mas maingat na sumunod sa orihinal na mga kaugaliang nagmula pa sa panahon ng kanilang ninunong si Sem. Kaayon nito, may sapat na dahilan upang maniwala na sina Noe, Enoc, Set, at Adan ay may balbas.
Sinabi ni Herodotus (II, 36) na inaahit ng mga Ehipsiyo ang kanilang buhok sa mukha at sa ulo. Para sa mga lalaki, isang tanda ng pagdadalamhati o ng pagkaburara ang pagpapahaba ng buhok at balbas. Kaya naman nang ilabas si Jose sa bilangguan, nag-ahit muna siya bago siya dinala sa harap ni Paraon. (Gen 41:14) Gayunman, ang mga Ehipsiyo ay nagsusuot ng artipisyal na balbas at peluka.
May balbas ba si Jesus noong narito siya sa lupa? Tiyak na isa itong kaugalian na mahigpit na sinusunod noon ng mga Judio. Yamang ipinanganak na Judio si Jesus, siya ay “napasailalim ng kautusan” at tinupad niya ang Kautusan. (Gal 4:4; Mat 5:17) Gaya ng lahat ng iba pang Judio, dahil sa tipang Kautusan, si Jesus ay naaalay na sa Diyos na Jehova mula pa sa kaniyang kapanganakan, at obligado siyang tuparin ang buong Kautusan, lakip na ang pagbabawal sa pag-ahit sa dulo ng balbas. Gayundin, noong panahong nasa lupa si Jesus, isang kaugaliang Romano ang hindi pagkakaroon ng balbas. Kaya nga, kung walang balbas si Jesus noon, mapararatangan siyang isang bating o kaya ay isang Romano. Kapansin-pansin naman, sinasabi ng isang hula may kinalaman sa pagdurusa ni Jesus: “Ang aking likod ay iniharap ko sa mga nananakit, at ang aking mga pisngi doon sa mga bumubunot ng balbas.”—Isa 50:6.