POSISYON AT KILOS NG KATAWAN
Ang Kasulatan ay bumabanggit ng napakarami at iba’t ibang makahulugang posisyon at kilos ng katawan, anupat ipinakikita ng mga paglalarawan sa Bibliya na ang mga iyon ay halos kapareho ng mga kaugalian ngayon sa Gitnang Silangan. Kung ihahambing sa mga tao sa Kanluran, mas lantarang ipinakikita ng mga taga-Silangan ang kanilang niloloob at hindi sila nangingiming ipahayag ang kanilang mga damdamin. May kalakip mang mga salita o wala, ang mga posisyon at mga kilos ng katawan noon ay tunay na mapuwersa at makahulugan.
Pananalangin at Pagbibigay-galang. Pagtayo. Sa mga Hebreo at sa maraming iba pang bansang binabanggit sa Bibliya, walang itinakdang posisyon para sa pananalangin. Ang lahat ng posisyong ginagamit para rito ay nagpapakita ng matinding paggalang. Karaniwan lamang ang pananalangin nang nakatayo. Binanggit ni Jesus ang posisyong ito para sa pananalangin. (Mar 11:25) Pagkatapos na pagkatapos niyang mabautismuhan, maliwanag na si Jesus ay nakatayo at nananalangin nang mabuksan ang langit at bumaba sa kaniya ang banal na espiritu sa hugis ng katawang tulad ng isang kalapati, at narinig ang mismong tinig ng Diyos mula sa langit.—Luc 3:21, 22.
Ang pagluhod ay isang karaniwang posisyon kapag nananalangin. Si Jesus mismo ay lumuhod sa hardin ng Getsemani. (Luc 22:41) Lumuhod din si Solomon nang katawanin niya ang bansang Israel sa panalangin noong pasinayaan ang templo. (1Ha 8:54) Bagaman maraming beses na ginagamit sa Bibliya ang salitang “tuhod” sa anyong pangmaramihan, may mga pagkakataon na maaaring isang tuhod lamang ang iniluluhod ng isa, gaya ng paminsan-minsa’y ginagawa ng makabagong mga taga-Silangan.—Gaw 9:40; 20:36; 21:5; Efe 3:14.
Pagyukod. Saanman naroroon ang mga Judio noon, inihaharap nila ang kanilang mga mukha sa lunsod ng Jerusalem at sa templo nito kapag sila’y sumasamba. (1Ha 8:42, 44; Dan 6:10) Nakita ni Ezekiel sa pangitain na may 25 lalaking nakatalikod sa templo ni Jehova, anupat nakayukod sila at ang kanilang mga mukha ay nakaharap sa S. (Eze 8:16) Sa mga templo ng mga sumasamba sa araw, ang pasukan ay inilalagay sa K panig, anupat ang mga mananamba ay nakaharap sa S kapag pumapasok dito. Ngunit sa templo ni Jehova, inilagay sa S ang pasukan anupat ang mga mananamba ni Jehova roon ay nakatalikod sa sikatan ng araw.
Pag-uunat ng mga bisig. Habang ang isa ay nakatayo o nakaluhod, kung minsan ay iniuunat niya ang mga palad ng kaniyang mga kamay tungo sa langit, o maaaring itinataas niya o iniuunat sa unahan ang kaniyang mga kamay na parang nagsusumamo. (1Ha 8:22; 2Cr 6:13; Ne 8:6) Kung minsan, maaaring itinitingala rin ng isang tao ang kaniyang mukha (Job 22:26) o itinitingin niya ang kaniyang mga mata sa langit.—Mat 14:19; Mar 7:34; Ju 17:1.
Pag-upo at pagpapatirapa. Ang pag-upo ay isa pang posisyon kapag nananalangin, anupat maliwanag na lumuluhod muna ang nagsusumamo at pagkatapos ay umuupo sa kaniyang mga sakong. (1Cr 17:16) Sa ganitong posisyon, maaari niyang iyuko ang kaniyang ulo o ilapit iyon sa kaniyang dibdib. O, gaya ng ginawa ni Elias, maaari siyang yumukyok sa lupa at ilagay ang kaniyang mukha sa pagitan ng mga tuhod niya. (1Ha 18:42) Kadalasan, ang isang taong nagpapatirapa ay inilalarawan sa Kasulatan bilang ‘nakasubsob’ o ‘nagsubsob ng kaniyang mukha.’ Karaniwan itong ginagawa sa pamamagitan ng pagluluhod ng mga tuhod at pagyukod sa unahan, anupat itinutukod ang mga kamay o mas madalas ay ang mga siko, anupat ang ulo ay nakadikit sa lupa. (Gen 24:26, 48; Ne 8:6; Bil 16:22, 45; Mat 26:39) Kapag matindi ang kalumbayan o lubhang marubdob ang pananalangin, maaaring aktuwal na isubsob ng nagsusumamo ang kaniyang mukha sa lapag habang siya ay nakadapa. Kapag sukdulan ang kapighatian, ang ilan ay nagsusuot ng telang-sako. (1Cr 21:16) Yumuyukod din ang mga huwad na mananamba sa harap ng kanilang mga idolo. (Exo 20:5; Bil 25:2; 2Ha 5:18; Dan 3:5-12) Bukod diyan, kadalasa’y hinahalikan nila ang mga ito.—1Ha 19:18.
Mga kilos na nagpapahiwatig ng pagsamba sa isang bagay. Itinawag-pansin ni Job ang panganib kung pahihintulutan ng isang tao na maakit ang kaniyang puso sa isang bagay na pinagpipitaganan gaya ng araw o buwan, anupat gagawa siya ng isang kilos na magpapahiwatig ng pagsamba sa bagay na iyon, tulad marahil ng paglalagay ng kamay niya sa kaniyang bibig bilang paghalik gaya ng ginagawa ng mga paganong sumasamba sa buwan o niyaong mga nagbibigay-galang sa mga idolo. Natanto ni Job na isa itong pagkakaila sa tunay na Diyos at na pagsusulitin ang isa para sa gayong kamalian.—Job 31:26-28.
Posisyon ng mga Kristiyano kapag nananalangin. Nanalangin si Jesus nang hayagan, at nang taimtim, gaya ng ginawa ni Pablo at ng iba pa. Iminungkahi rin niya ang pribadong pananalangin. (Mat 6:5, 6) Ngunit hinatulan ni Jesus ang pagpaparangya sa pamamagitan ng mahahabang panalangin bilang pagpapakitang-tao, na isang gawaing nakaugalian ng ilan sa mga eskriba. (Mar 12:40; Luc 20:47) Gayunman, tinularan ng mga Kristiyano ang marami sa mga kaugalian at mga gawain sa sinagogang Judio—yaong mga hindi naman hinahatulan ng Diyos—at ang gayunding mga kilos at posisyon kapag nananalangin ay binabanggit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Wala silang inirekomendang kaanyuan ng mukha o posisyon ng katawan upang magpahiwatig ng pagiging relihiyoso at banal. Hindi nila sinabi na kailangan ang isang partikular na posisyon, gaya ng paglalapat ng mga palad o pagdadaop ng mga kamay kapag nananalangin. Sa katunayan, ang isa ay maaaring manalangin nang tahimik at walang anumang panlabas na palatandaan, halimbawa, kapag gumaganap siya ng isang iniatas na tungkulin o kaya’y napapaharap sa kagipitan. (Ihambing ang Ne 2:4.) Tinatagubilinan ang mga Kristiyano na magpatuloy sa pananalangin “sa bawat uri ng panalangin at pagsusumamo.”—Efe 6:18.
Paggalang, Pagpapakumbaba. Pagluhod. Ang mga kilos at posisyon ng mga taga-Silangan bilang pagpapakita ng paggalang sa isa’t isa at lalo na kapag nagsusumamo sa mga nakatataas sa kanila ay halos kapareho ng mga kilos nila kapag nananalangin. May mababasa tayong mga halimbawa ng pagluhod sa harap ng iba bilang pagsusumamo. Hindi ito pagsamba sa taong iyon kundi pagkilala lamang sa kaniyang posisyon o katungkulan, taglay ang matinding paggalang.—Mat 17:14; Mar 1:40; 10:17; 2Ha 1:13.
Mas malimit namang gawin ang pagyukod kapag bumabati sa iba, kapag lumalapit sa kanila may kaugnayan sa negosyo, o kapag nagpapamalas ng matinding paggalang. Halimbawa, yumukod si Jacob nang pitong ulit noong salubungin niya si Esau. (Gen 33:3) Bagaman si Solomon ay hari, nagpakita siya ng paggalang sa kaniyang ina sa pamamagitan ng pagyukod dito.—1Ha 2:19.
Ang pagyukod ay maaari ring sumagisag sa pagtanggap ng pagkatalo. (Isa 60:14) Posibleng ang mga taong natalo ay humarap sa nanlupig sa kanila suot ang telang-sako at may mga lubid pa nga sa kanilang mga ulo bilang pagmamakaawa. (1Ha 20:31, 32) Ipinapalagay ng ilan na ang mga lubid na ito ay ipinupulupot ng mga natalo sa leeg nila bilang sagisag ng kanilang pagkabihag at pagpapasakop.
Bagaman pangkaraniwan sa mga Judio ang pagyukod sa harap ng may awtoridad bilang paggalang, tumangging yumukod si Mardokeo sa harap ni Haman. Ito ay sa dahilang si Haman, bilang isang Agagita, ay malamang na isa ring Amalekita, na tungkol sa mga ito ay sinabi ni Jehova na lubusan niyang papawiin ang pag-alaala sa kanila mula sa silong ng langit at na makikipagdigma siya sa Amalek sa sali’t salinlahi. (Exo 17:14-16) Yamang ang pagyukod o pagpapatirapa ay magpapahiwatig ng pakikipagpayapaan kay Haman, tumanggi si Mardokeo na isagawa iyon, sapagkat ang paggawa niyaon ay lalabag sa utos ng Diyos.—Es 3:5.
Pagpapatirapa. Nagpatirapa si Josue sa harap ng isang anghel, na “prinsipe ng hukbo ni Jehova,” hindi upang sambahin ito, kundi bilang pagkilala sa nakatataas na katayuan ng anghel at dahil maliwanag na isinugo ni Jehova ang anghel taglay ang isang utos para sa kaniya.—Jos 5:14.
Noong naririto si Jesus sa lupa, nagpapatirapa sa harap niya ang mga tao upang magsumamo at mangayupapa sa kaniya, at hindi niya sila sinaway. (Luc 5:12; Ju 9:38) Ito ay sa dahilang siya ang inatasang Hari, ang Haring Itinalaga, gaya ng sinabi niya mismo: “Ang maharlikang kamahalan ng Diyos ay dumating na” (ED); “Ang kaharian ng Diyos ay malapit na.” (NW, Mar 1:15) Si Jesus ang tagapagmana ng trono ni David at samakatuwid ay nararapat parangalan bilang hari.—Mat 21:9; Ju 12:13-15.
Gayunman, hindi pinahintulutan ng mga apostol ni Jesu-Kristo na magpatirapa ang iba sa harap nila. Ito ay sa dahilang, sa mga pangyayaring inilarawan, ang pagpapatirapa ay ginawa bilang pagsamba, na para bang sa mga apostol nanggaling ang kapangyarihan ng banal na espiritu, na siyang pinagmulan ng pagpapagaling at ng iba pang makapangyarihang mga gawa. Alam ng mga apostol na sa Diyos nagmula ang kapangyarihang iyon at na sa Kaniya dapat ibigay ang kapurihan para sa mga bagay na ito at na lahat ng pagsamba ay dapat iukol kay Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, anupat mga kinatawan lamang sila ni Jesus.—Gaw 10:25, 26.
May kaugnayan sa paggalang na iniukol kay Jesus, ang salitang madalas gamitin ay pro·sky·neʹo, isang salita na may pangunahing kahulugan na “mangayupapa,” ngunit isinasalin din bilang “sumamba.” (Mat 2:11; Luc 4:8) Hindi pagsamba ang tinanggap ni Jesus, yamang nauukol lamang iyon sa Diyos (Mat 4:10), kundi batid niya na ang pangangayupapa sa kaniya ay pagkilala sa awtoridad na ibinigay sa kaniya ng Diyos. Ipinahayag ng anghel, na isinugo ni Jesu-Kristo upang maghatid ng Apocalipsis kay Juan, ang simulain na ang pagsamba ng tao ay nauukol lamang sa Diyos nang tanggihan niya ang pagsamba ni Juan.—Apo 19:10; tingnan ang PAGSAMBA; PANGANGAYUPAPA.
Ang paglalagay ng talukbong sa ulo ay isang tanda ng paggalang ng mga babae. Sinunod ang kaugaliang ito sa kongregasyong Kristiyano. Noong tinatalakay niya ang simulain ng Kristiyanong pagkaulo, sinabi ng apostol na si Pablo: “Ang bawat babae na nananalangin o nanghuhula nang di-nalalambungan ang kaniyang ulo ay humihiya sa kaniyang ulo . . . Iyan ang dahilan kung bakit ang babae ay dapat magkaroon ng tanda ng awtoridad sa kaniyang ulo dahil sa mga anghel.”—1Co 11:3-10; tingnan ang PAGKAULO.
Ang pag-aalis ng mga sandalyas ay tanda ng paggalang o pagpipitagan. Inutusan si Moises na gawin ito nang siyasatin niya ang nagniningas na palumpong, gayundin si Josue sa harap naman ng isang anghel. (Exo 3:5; Jos 5:15) Yamang ang tabernakulo at ang templo ay mga dakong banal, sinasabing nakatapak ang mga saserdote habang isinasagawa ang kanilang mga tungkulin sa santuwaryo. Sa katulad na paraan, ang pagkakalag ng mga sintas ng mga sandalyas ng ibang tao o ang pagdadala ng kaniyang mga sandalyas para sa kaniya ay itinuring na isang mababang gawain at pagpapakita ng pagpapakumbaba ng isa o ng kabatiran niya na siya’y walang-halaga kung ihahambing sa kaniyang panginoon. Kaugalian pa rin sa Gitnang Silangan ang paghuhubad ng mga sandalyas kapag pumapasok sa isang bahay, anupat kung minsan ay isang lingkod ang naghuhubad ng mga ito.—Mat 3:11; Ju 1:27; tingnan ang SANDALYAS.
Pagbubuhos ng tubig sa mga kamay ng ibang tao. Nakilala si Eliseo bilang lingkod ni Elias dahil sa pananalitang “nagbuhos [siya] ng tubig sa mga kamay ni Elias.” Partikular na ginagawa ang paglilingkod na ito pagkatapos kumain. Sa Gitnang Silangan, hindi kaugaliang gumamit ng kubyertos habang kumakain dahil nagkakamay lamang sila, at pagkatapos ay pinagsisilbihan ng lingkod ang kaniyang panginoon sa pamamagitan ng pagbubuhos ng tubig na panghugas sa mga kamay nito. (2Ha 3:11) Kahawig ng kaugaliang ito ang paghuhugas sa mga paa ng ibang tao, na ginagawa bilang tanda ng pagkamapagpatuloy, ng paggalang at, sa ilang kalagayan, ng pagpapakumbaba.—Ju 13:5; Gen 24:32; 43:24; 1Ti 5:10.
Pakikipagkasundo, Pakikipagsamahan. Ang pakikipagkamay at pakikipaghampasan ng mga palad ay mga kilos na nagpapahiwatig ng pakikipagkasundo, pagtitibay o pagpapatunay sa isang kontrata o kasunduan. (Ezr 10:19) Nagbababala ang Kasulatan na huwag itong gawin upang garantiyahan ng panagot ang isang pautang para sa ibang tao. (Kaw 6:1-3; 17:18; 22:26) Ang pagtutulungan, o pakikipagsamahan, ay ipinahiwatig din ng pakikipagkamay o paghawak sa kamay ng isang tao.—2Ha 10:15; Gal 2:9.
Paggagawad ng Pagpapala. Pagpapatong ng mga kamay sa ulo; pagtataas ng mga kamay. Yamang ang salitang Hebreo na ba·rakhʹ ay may kaugnayan sa pagluluhod ng mga tuhod at paggagawad ng pagpapala, malamang na ang mga taong tumatanggap ng pagpapala ay lumuluhod at yumuyukod sa isa na nagpapala. Pagkatapos, ipinapatong ng taong nagpapala ang kaniyang mga kamay sa ulo ng isa na pinagpapala. (Gen 48:13, 14; Mar 10:16) Kapag naggagawad ng pagpapala sa isang grupo ng mga tao, karaniwan nang itinataas ng nagpapala ang kaniyang mga kamay tungo sa kanila habang binibigkas ang pagpapala.—Lev 9:22; Luc 24:50.
Panunumpa. Pagtataas ng kamay; paglalagay ng kamay sa ilalim ng hita. Sa panunumpa, kaugalian noon na itaas ang kanang kamay. Sinasabi ng Diyos na ginagawa niya ito, bagaman sa makasagisag na paraan. (Deu 32:40; Isa 62:8) Sa pangitain ni Daniel, itinaas ng anghel tungo sa langit kapuwa ang kaniyang kanan at kaliwang kamay habang bumibigkas ng sumpa. (Dan 12:7) Ang isa pang paraan upang pagtibayin ang isang sumpa ay ang paglalagay ng kamay ng isang tao sa ilalim ng hita (balakang) ng kaniyang kapuwa, gaya ng ginawa ng katiwala ni Abraham nang manumpa ito na ikukuha niya si Isaac ng asawa mula sa mga kamag-anak ni Abraham (Gen 24:2, 9), at gaya rin ng ginawa ni Jose para kay Jacob nang manumpa siya na hindi niya ililibing si Jacob sa Ehipto. (Gen 47:29-31) Ang salitang “hita” ay tumutukoy sa bandang itaas ng binti mula sa balakang hanggang sa tuhod, na kinaroroonan ng femur. Ayon sa Judiong rabbi na si Rashbam, ang paraang ito ng panunumpa ay ginagamit kapag nag-uutos ang isang nakatataas sa isang nakabababa sa kaniya, gaya ng pag-uutos ng panginoon sa kaniyang lingkod o ng ama sa kaniyang anak, na dapat ding maging masunurin sa kaniya. At ayon sa isa pang Judiong iskolar, si Abraham Ibn Ezra, isang kaugalian noong mga araw na iyon na manumpa ang isang lingkod sa ganitong paraan, anupat inilalagay niya ang kaniyang kamay sa ilalim ng hita ng kaniyang panginoon at inuupuan naman niyaon ang kamay niya. Ipinahihiwatig nito na ang lingkod na iyon ay nasa ilalim ng awtoridad ng kaniyang panginoon.—The Soncino Chumash, inedit ni A. Cohen, London, 1956, p. 122.
Pamimighati, Kahihiyan. Pagsasaboy ng alabok sa ulo; paghapak sa mga kasuutan; pagsusuot ng telang-sako. Ang pamimighati ay karaniwan nang nilalakipan ng pagtangis (Gen 50:1-3; Ju 11:35), kadalasa’y kasabay ng pagyuyukod ng ulo dahil sa kalungkutan (Isa 58:5), ng pagsasaboy ng alabok sa ulo (Jos 7:6), o ng pag-upo sa lupa (Job 2:13; Isa 3:26). Kadalasan, ipinakikita ang pamimighati sa pamamagitan ng paghapak sa mga kasuutan (1Sa 4:12; Job 2:12; tingnan ang PAGHAPAK SA MGA KASUUTAN) at kung minsa’y sa pamamagitan ng paglalagay ng abo sa ulo. (2Sa 13:19) Nang ang mga Judio ay hatulan ng pagkapuksa sa mga kamay ng kanilang mga kaaway ayon sa utos ni Haring Ahasuero, “telang-sako at abo ang inilatag bilang higaan ng marami.” (Es 4:3) Tinagubilinan ni Jehova ang Jerusalem na magbigkis ng telang-sako at gumumon sa abo dahil sa kabagabagang sasapit sa lunsod. (Jer 6:26) Sinabihan naman ni Mikas ang mga nakatira sa Filisteong lunsod ng Apra na ‘gumumon sa mismong alabok.’—Mik 1:10.
Pagputol, paggupit, o pagbunot ng buhok; pagdagok sa dibdib. Ang paggupit ng buhok (Job 1:20), pagbunot ng isa sa buhok ng kaniyang sariling balbas (Ezr 9:3), pagtatakip ng ulo (2Sa 15:30; Es 6:12), pagtatakip ng bigote (Eze 24:17; Mik 3:7), at pagpapatong ng mga kamay sa ulo ay nagpapakita ng pamimighati o kahihiyan ng isang tao, anupat maaari pa nga siyang matulala. (2Sa 13:19; Jer 2:37) Ipinapalagay ng ilan na ipinahihiwatig ng huling nabanggit na kilos na ang mabigat na kamay ng kapighatian mula sa Diyos ay nakapatong sa nagdadalamhati. Si Isaias naman ay lumakad nang hubad at nakatapak bilang tanda ng kahihiyang sasapit sa Ehipto at Etiopia. (Isa 20:2-5) Kapag nakadarama ng labis-labis na pamimighati o pagsisisi, maaaring dagukan ng isang tao ang kaniyang dibdib dahil sa pamimighati (Mat 11:17; Luc 23:27), o tampalin ang kaniyang hita dahil sa pagsisisi, kahihiyan, at pagkaaba o pagdadalamhati.—Jer 31:19; Eze 21:12.
Galit, Panunuya, Pang-iinsulto, Pagsumpa. Pag-iling ng ulo; pagsampal sa mukha ng iba. May iba’t ibang kilos, karaniwan nang may kasamang mga salita, na nagpapakita ng matinding galit, poot, pag-alipusta, pagdusta, paghamak, at iba pa, laban sa ibang tao. Kabilang sa mga ito ang mga galaw ng bibig at pag-iiling ng ulo o pagwawagwag ng kamay (2Ha 19:21; Aw 22:7; 44:14; 109:25; Zef 2:15), pagsampal sa mukha (Job 16:10; Mat 5:39; Ju 18:22), at pagbunot sa balbas ng iba (Isa 50:6). Naranasan ni Jesus ang pinakamatitinding kapahayagan ng paghamak sa harap ng mataas na hukumang Judio nang siya’y duraan, sampalin, at takpan sa mukha, pagkatapos ay sinuntok siya at tinuya sa pamamagitan ng mga salitang: “Manghula ka sa amin, ikaw na Kristo. Sino ang humampas sa iyo?” (Mat 26:67, 68; Mar 14:65) Nang maglaon, ganitong pagtrato rin ang ipinakita sa kaniya ng mga kawal.—Mat 27:30; Mar 15:19; Ju 19:3.
Ang pagsasaboy ng alabok ay isa ring kapahayagan ng paghamak. Ginawa ito ni Simei kay David bukod pa sa kaniyang pagsumpa at paghahagis ng bato kay David. (2Sa 16:13) Upang ipakita ng mga mang-uumog ang pagkapoot nila kay Pablo noong ipinagtatanggol niya ang kaniyang sarili sa harap nila sa Jerusalem, inilakas nila ang kanilang mga tinig, anupat sumigaw sila at ipinaghagisan ang kanilang mga panlabas na kasuutan at nagsaboy ng alabok sa hangin.—Gaw 22:22, 23.
Ang pagpalakpak ng mga kamay ay maaaring ginagawa upang tumawag ng pansin, gaya sa Josue 15:18. Ngunit mas madalas, palatandaan ito ng galit (Bil 24:10), paghamak o pagtuya (Job 27:23; Pan 2:15), kalumbayan (Eze 6:11), o matinding poot, anupat nagsasaya dahil sa masamang bagay na sumapit sa isang karibal, isang kinapopootang kaaway, o isang maniniil; kung minsan ay may kasabay itong pagpadyak ng mga paa.—Eze 25:6; Na 3:19.
Pag-aatas, Paghirang. Pagpapahid. May ilang kilos na ginagawa upang mangahulugan ng pag-aatas o paghirang sa katungkulan o awtoridad. Noong pasinayaan ang pagkasaserdote, pinahiran si Aaron ng banal na langis na pamahid. (Lev 8:12) Pinapahiran din ang mga hari. (1Sa 16:13; 1Ha 1:39) Si Haring Ciro ng Persia ay hindi naman literal na pinahiran ng isang kinatawan ng Diyos ngunit tinukoy siya sa makasagisag na paraan bilang ang pinahiran ni Jehova dahil sa kaniyang atas na lupigin ang Babilonya at palayain ang bayan ng Diyos. (Isa 45:1) ‘Pinahiran’ din si Eliseo sa pamamagitan ng pag-aatas sa kaniya bagaman hindi siya kailanman literal na pinahiran ng langis. (1Ha 19:16, 19) Pinahiran si Jesus ng kaniyang Ama na si Jehova, hindi ng langis, kundi ng banal na espiritu. (Isa 61:1; Luc 4:18, 21) Sa pamamagitan naman niya, pinapahiran din ang kaniyang inianak-sa-espiritung mga kapatid na bumubuo sa kongregasyong Kristiyano. (2Co 1:21; Gaw 2:33) Ang pagpapahid na ito ay humihirang at nag-aatas sa kanila bilang mga ministro ng Diyos, at nagpapangyari na maging kuwalipikado sila sa atas na iyon.—1Ju 2:20; 2Co 3:5, 6; tingnan ang PINAHIRAN, PAGPAPAHID.
Ang pagpapatong ng mga kamay ay isang paraan ng pag-aatas sa isang tao sa isang katungkulan o tungkulin, gaya sa kaso ng pitong lalaki na inatasan ng mga apostol na mag-asikaso sa pamamahagi ng pagkain sa kongregasyon na nasa Jerusalem. (Gaw 6:6) Inatasan si Timoteo ng lupon ng matatandang lalaki sa kongregasyon upang gawin ang isang partikular na paglilingkod. (1Ti 4:14) Nang maglaon, ipinagkatiwala naman sa kaniya ng apostol na si Pablo ang pag-aatas sa iba, anupat pinaalalahanan siyang gawin lamang ito pagkatapos ng maingat na pagsasaalang-alang.—1Ti 5:22.
May iba pang mga kahulugan ang pagpapatong ng mga kamay, isa na rito ang pagkilala sa isang bagay, gaya sa Exodo 29:10, 15, kung saan kinilala ni Aaron at ng kaniyang mga anak na ang mga hain ay inihahandog para sa kanila. Gayundin ang kahulugan ng ganitong kilos na binanggit sa Levitico 4:15.
Isinagawa rin ang pagpapatong ng mga kamay upang ipakita na ang partikular na mga indibiduwal ay tatanggap ng mga kapakinabangan o kapangyarihan, gaya noong nagpapagaling si Jesus (Luc 4:40) at noong bumaba ang banal na espiritu doon sa mga pinatungan ni Pablo ng kaniyang mga kamay. (Gaw 19:6) Hindi ito nangangahulugan na dumaan ang espiritu sa mga kamay ni Pablo, kundi, bilang kinatawan ni Kristo, binigyan siya ng awtoridad na magtalaga, kasuwato ng itinakdang mga kahilingan, kung sinu-sino ang tatanggap ng mga kaloob ng espiritu. (Tingnan din ang Gaw 8:14-19.) Hindi naman kailangang ipatong ang mga kamay upang maibahagi ang mga kaloob ng espiritu, gaya ng makikita sa kaso ni Cornelio at ng kaniyang sambahayan anupat sa pamamagitan lamang ng pagkanaroroon ng apostol na si Pedro ay nabigyan sila ng banal na espiritu at ng kaloob na mga wika.—Gaw 10:44-46.
Pabor o Lingap. Pagtayo sa harap ng isang nakatataas. Ang pagtayo sa harap ng isang may awtoridad ay nangangahulugan ng pagkakamit ng pabor at pagkilala, yamang kailangan ang pahintulot upang makalapit sa isang hari. (Kaw 22:29; Luc 1:19; 21:36) Sa Apocalipsis 7:9, 15, isang malaking pulutong ang ipinakikitang nakatayo sa harap ng trono, na nagpapahiwatig na natamo nila ang pabor at pagkilala ng Diyos.
Kung minsan, ang pagsasabing iaangat ng isa ang ulo ng kaniyang kapuwa ay isang makasagisag na paraan upang ipahiwatig na ito’y itataas o muling magtatamo ng pagsang-ayon.—Gen 40:13, 21; Jer 52:31.
Pagpuspos ng Kapangyarihan sa mga Kamay. Ang pagpuspos sa mga kamay ng mga saserdote ng kapangyarihan para sa makasaserdoteng katungkulan ay ipinahiwatig ni Moises nang bilang tagapamagitan ay inilagay niya sa mga kamay ni Aaron at ng mga anak nito ang iba’t ibang bagay na ihahain at ikinaway niya ang handog sa harap ni Jehova. Ang pagkakaway ng handog ay sumasagisag sa palagiang paghahandog sa harap ni Jehova.—Lev 8:25-27.
Pakikipagkaibigan. Paghalik; paghuhugas ng mga paa; pagpapahid ng langis sa ulo. Ipinakikita ang pakikipagkaibigan sa pamamagitan ng paghalik (Gen 27:26; 2Sa 19:39), at kapag mas masidhi ang emosyon ng isa, posibleng sumubsob siya sa leeg ng kaniyang kapuwa na hinahalikan ito at lumuluha. (Gen 33:4; 45:14, 15; 46:29; Luc 15:20; Gaw 20:37) May tatlong kilos na itinuturing na laging kailangan bilang mga tanda ng pagkamapagpatuloy sa isang panauhin: paghalik sa kaniya bilang pagbati, paghuhugas ng kaniyang mga paa, at pagpapahid ng langis sa kaniyang ulo.—Luc 7:44-46.
Noong mga araw na naririto si Jesus sa lupa, kaugalian ang paghilig sa panahon ng kainan. Kapag ang indibiduwal ay nakahilig sa dibdib ng isang tao, ipinahihiwatig nito na siya ay matalik na kaibigan ng taong iyon o na taglay niya ang pabor nito, at ang posisyong iyon ay tinatawag na dakong dibdib. (Ju 13:23, 25) Ang kaugaliang ito ang saligan ng mga ilustrasyon sa Lucas 16:22, 23 at Juan 1:18.
Ang pagkain sa tinapay ng isang tao nang kasama siya ay sumasagisag sa pakikipagkaibigan at pakikipagpayapaan sa kaniya. (Gen 31:54; Exo 2:20; 18:12) Kaya naman ang pagbaling sa kaniya pagkatapos nito upang gawan siya ng pinsala ay itinuturing na napakatinding kataksilan. Ito ang pagkakasala ng traidor na si Hudas.—Aw 41:9; Ju 13:18.
Kawalang-sala, at Pagtanggi sa Pananagutan. Paghuhugas ng mga kamay. Ang kawalang-sala ng isang tao sa isang bagay o ang pagtanggi niya sa pananagutan sa pagkakasala ay ipinakikita sa makasagisag na paraan sa pamamagitan ng paghuhugas ng mga kamay. (Deu 21:6) Sa Awit 73:13, ipinakita ng salmista sa ganitong paraan ang kaniyang kawalang-sala; tingnan din ang Awit 26:6. Tinangkang iwasan ni Pilato ang pananagutan niya sa kamatayan ni Jesus sa pamamagitan ng paghuhugas ng kaniyang mga kamay sa harap ng pulutong, anupat sinabi niya: “Ako ay walang-sala sa dugo ng taong ito. Kayo mismo ang bahala riyan.”—Mat 27:24.
Pagpapagpag ng mga kasuutan. Ipinakita ni Pablo na wala na siyang anumang pananagutan sa mga Judio sa Corinto, na pinangaralan niya ngunit sumalansang sa kaniya, sa pamamagitan ng pagpapagpag ng kaniyang mga kasuutan sa harap nila, at pagkatapos ay sinabi niya: “Ang inyong dugo ay mapasainyong sariling mga ulo. Ako ay malinis. Mula ngayon ay paroroon ako sa mga tao ng mga bansa.” (Gaw 18:6) Nang pagpagan ni Nehemias ang kaniyang “dibdib,” na tumutukoy sa bandang dibdib ng kaniyang kasuutan, ipinahihiwatig niya ang lubusang pagtatakwil ng Diyos.—Ne 5:13.
Pagpapagpag ng alabok mula sa mga paa. Ang pagpapagpag ng alikabok o alabok mula sa mga paa ay nagpapahiwatig din ng pagtanggi sa pananagutan. Tinagubilinan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na gawin ito laban sa isang lugar o lunsod na ayaw tumanggap o makinig sa kanila.—Mat 10:14; Luc 10:10, 11; Gaw 13:51.
Kagalakan. Pagpalakpak ng mga kamay. Ang kagalakan ay ipinakikita sa pamamagitan ng pagpalakpak ng mga kamay (2Ha 11:12; Aw 47:1) at pagsasayaw, na kadalasan ay sinasaliwan ng musika. (Huk 11:34; 2Sa 6:14) Ang hiyawan at awitan habang nagtatrabaho, lalo na sa panahon ng pag-aani ng ubas, ay mga kapahayagan ng kaligayahan o ng kagalakan taglay ang pasasalamat.—Isa 16:10; Jer 48:33.
Pagsalansang. Ang pagkaway ng kamay (nang may pagbabanta) laban sa isa ay nagpapahiwatig ng pagsalansang.—Isa 10:32; 19:16.
Ang pagtataas ng isa ng kaniyang ulo ay isang makasagisag na pananalita na nangangahulugan ng pagkilos, kadalasa’y upang sumalansang, lumaban, o maniil.—Huk 8:28; Aw 83:2.
Ang pagtataas ng kamay laban sa isa na may awtoridad ay nagpapahiwatig ng paghihimagsik laban sa kaniya.—2Sa 18:28; 20:21.
Ang paghimod sa alabok ay sumasagisag sa pagkatalo at pagkapuksa.—Aw 72:9; Isa 49:23.
Ang paglalagay ng isa ng kaniyang kamay o paa sa batok ng mga kaaway niya ay isang makasagisag na paglalarawan sa pagkatalo ng kaaway, sa pangangalat at pagtakas nito, at sa pagtugis at paghuli rito.—Gen 49:8; Jos 10:24; 2Sa 22:41; Aw 18:40.
Paghawak ng Awtoridad o Paggawa ng Hakbang. Ang pagtayo o pagbangon ay nangangahulugan ng paghawak ng awtoridad, paggamit ng kapangyarihan, o paggawa ng hakbang. Ang mga hari ay sinasabing tumatayo kapag hinahawakan nila ang kanilang makaharing awtoridad o ginagamit nila iyon sa isang natatanging paraan. (Dan 8:22, 23; 11:2, 3, 7, 21; 12:1) Sinasabing si Jehova ay bumabangon upang ilapat ang kahatulan para sa bayan. (Aw 76:9; 82:8) Binabanggit naman na si Satanas ay tumindig laban sa Israel noong udyukan niya si David na kunan ng sensus ang mga ito.—1Cr 21:1.
Ang pagbibigkis sa mga balakang ay nangangahulugan ng paghahanda para sa pagkilos. Ipinahihiwatig nito ang kaugalian noong panahon ng Bibliya na talian ng isang tao ang kaniyang mahabang kasuutan sa pamamagitan ng sinturon o pamigkis upang hindi ito makasagabal sa pagtatrabaho, pagtakbo, at iba pang gawain.—Job 40:7; Jer 1:17; Luc 12:37; 1Pe 1:13, tlb sa Rbi8.
Iba Pang mga Kilos. Paghiga sa paanan ng ibang tao. Upang maipaalaala ni Ruth kay Boaz ang tungkulin nito bilang manunubos, pinaroonan niya ito sa gabi, inalisan niya ng takip ang mga paa nito at humiga siya sa paanan nito. Nang magising si Boaz, sinabi niya rito: “Ako ay si Ruth na iyong aliping babae, at ilukob mo ang iyong laylayan sa iyong aliping babae, sapagkat ikaw ay isang manunubos.” Sa gayon ay ipinabatid ni Ruth na handa siyang magpakasal kay Boaz sa ilalim ng kaayusang pag-aasawa bilang bayaw.—Ru 3:6-9.
Hitsura kapag nag-aayuno. Malamang na ang ‘pagpighati sa kaluluwa ng isa’ ay tumutukoy sa pag-aayuno at maaaring sumasagisag ito sa pagdadalamhati, pagkilala sa mga pagkakasala, o pagsisisi. (Lev 16:29, 31; 2Sa 1:12; Aw 35:13; Joe 1:13, 14) Noong naririto si Jesus sa lupa, ang mga taong mapagpaimbabaw ay nagkukunwaring malungkot, anupat sa pamamagitan ng pag-aayuno ay pinasasamâ nila ang anyo ng kanilang mga mukha upang magtingin silang “banal.” Gayunman, sinabihan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na kapag nag-aayuno sila, dapat nilang langisan ang kanilang ulo at hilamusan ang kanilang mukha upang hindi ito mahalata ng mga tao, yamang alam nila na sa puso tumitingin ang Ama. (Mat 6:16-18) Noon, may mga panahong nag-aayuno ang mga Kristiyano upang makapagtuon sila ng pansin sa espirituwal na mga bagay.—Gaw 13:2, 3; tingnan ang PAG-AAYUNO.
Pagpapatong ng kamay sa mga mata ng taong namatay. Nang sabihin ni Jehova kay Jacob na “ipapatong ni Jose ang kaniyang kamay sa iyong mga mata” (Gen 46:4), isang paraan ito ng pagsasabi na si Jose ang magpipikit sa mga mata ni Jacob pagkamatay niya, na karaniwan nang tungkulin ng panganay na anak. Kaya waring ipinahihiwatig ni Jehova kay Jacob na ang karapatan sa pagkapanganay ay dapat mapunta kay Jose.—1Cr 5:2.
Pagsipol. Ang ‘pagsipol’ sa isang bagay ay nangangahulugan ng panggigilalas o pagkamangha. Gayon ang ginawa niyaong mga nakakita sa kasindak-sindak na pagkawasak ng Juda, at nang maglaon pa, sa kakila-kilabot na pagkagiba ng Babilonya.—Jer 25:9; 50:13; 51:37.
Kaugalian noon ng mga hari o mga lalaking may awtoridad ang sumandig sa bisig ng isang lingkod o ng isa na nakabababa sa kanila, gaya ng ginawa ni Haring Jehoram ng Israel. (2Ha 7:2, 17) Si Haring Ben-hadad II naman ay sumasandig sa kamay ng kaniyang lingkod na si Naaman kapag yumuyukod siya sa bahay ng kaniyang diyos na si Rimon.—2Ha 5:18.
Ginamit sa mga Ilustrasyon. Paghuhugas sa mga paa ng ibang tao. Ginamit ni Jesus bilang ilustrasyon ang isa sa mga kaugalian sa Silangan nang hugasan niya ang mga paa ng kaniyang mga alagad upang bigyan sila ng aral sa kapakumbabaan at paglilingkod sa isa’t isa. Nagsalita si Pedro, anupat hiniling niya kay Jesus na hugasan hindi lamang ang kaniyang mga paa kundi pati ang kaniyang mga kamay at ulo. Ngunit tumugon si Jesus: “Siya na nakapaligo na ay hindi na kailangang mahugasan maliban sa kaniyang mga paa, kundi lubusan na siyang malinis.” (Ju 13:3-10) Dito, ipinahihiwatig ni Jesus na kapag ang isa ay nanggaling na sa paliguan at nakauwi na sa kaniyang bahay, ang kailangan lamang niyang hugasan ay ang alabok na nasagap sa daan ng kaniyang nakasandalyas na mga paa. Ginamit niya ang kalinisang ito bilang sagisag ng espirituwal na kalinisan.
Paglakad. Ang isa pang makatalinghagang pananalita ay ang “paglakad,” na nangangahulugan ng pagsunod sa isang partikular na landasin ng pagkilos, gaya ng ‘paglakad ni Noe kasama ng tunay na Diyos.’ (Gen 6:9; 5:22) Yaong mga lumalakad na kasama ng Diyos ay sumusunod sa landasin ng pamumuhay na binalangkas ng Diyos at nakasusumpong ng kaniyang pagsang-ayon. Ganitong pananalita rin ang ginamit ng Kristiyanong Griegong Kasulatan upang ilarawan ang dalawang magkasalungat na landasin ng pagkilos na itinataguyod ng isa bago at pagkatapos na maging lingkod siya ng Diyos. (Efe 2:2, 10; 4:17; 5:2) Sa katulad na paraan, ang ‘pagtakbo’ ay ginagamit upang sumagisag sa isang landasin ng pagkilos. (1Pe 4:4) Sinabi ng Diyos na ang mga propeta sa Juda ay “tumakbo” bagaman hindi niya sila isinugo, na nangangahulugang may-kabulaanan silang nagsagawa ng panghuhula, anupat wala silang awtorisasyon. (Jer 23:21) Inilarawan naman ni Pablo ang landasing Kristiyano may kaugnayan sa ‘pagtakbo.’ Inihalintulad niya ito sa isang takbuhan na dapat takbuhin ng isang indibiduwal ayon sa mga alituntunin upang makamit niya ang gantimpala.—1Co 9:24; Gal 2:2; 5:7.