Ang Salita ni Jehova ay Buháy
Mga Tampok na Bahagi Mula sa Aklat ng Ikalawang Cronica
SA PAGSISIMULA ng aklat ng Bibliya na Ikalawang Cronica, si Solomon ay namamahala bilang hari sa Israel. Ang aklat ay nagtatapos sa mga salitang ito na sinabi ni Haring Ciro ng Persia sa mga tapong Judio sa Babilonia: “[Si Jehova] ang nag-atas sa akin na magtayo para sa kaniya ng isang bahay sa Jerusalem, na nasa Juda. Sinuman sa inyo na mula sa kaniyang buong bayan, sumakaniya nawa si Jehova na kaniyang Diyos. Kaya paahunin siya [sa Jerusalem].” (2 Cronica 36:23) Ang aklat na ito na tinapos ng saserdoteng si Ezra noong 460 B.C.E. ay sumasaklaw ng 500 taon—mula 1037 B.C.E. hanggang 537 B.C.E.
Dahil sa batas ni Ciro, nakauwi ang mga Judio sa Jerusalem at muling naitatag doon ang pagsamba kay Jehova. Gayunman, nagkaroon na ng masamang epekto sa kanila ang maraming taóng pagkabihag sa Babilonya. Ang umuwing mga tapon ay halos wala nang nalalaman sa kasaysayan ng kanilang bansa. Ang Ikalawang Cronica ay nagbigay sa kanila ng malinaw na sumaryo ng mga pangyayaring naganap sa ilalim ng mga hari mula sa maharlikang angkan ni David. Nanaisin din nating malaman ang kasaysayang ito sapagkat itinatampok nito ang mga pagpapalang idinudulot ng pagsunod sa tunay na Diyos at ang mga ibinubunga ng pagsuway sa kaniya.
ISANG HARI ANG NAGTAYO NG BAHAY PARA KAY JEHOVA
Ipinagkaloob ni Jehova kay Haring Solomon ang kahilingan ng kaniyang puso—karunungan at kaalaman—lakip na ang kayamanan at karangalan. Nagtayo ang hari ng isang maringal na bahay para kay Jehova sa Jerusalem, at ‘nagalak at nasayahan ang puso’ ng mga tao. (2 Cronica 7:10) Si Solomon ay naging “mas dakila kaysa sa lahat ng iba pang hari sa lupa sa kayamanan at karunungan.”—2 Cronica 9:22.
Matapos ang 40 taóng pamamahala sa Israel, si Solomon ay ‘humigang kasama ng kaniyang mga ninuno, at si Rehoboam na kaniyang anak ay nagsimulang maghari bilang kahalili niya.’ (2 Cronica 9:31) Hindi iniulat ni Ezra ang paglihis ni Solomon mula sa tunay na pagsamba. Ang tanging negatibong bagay na binanggit tungkol sa haring ito ay ang kaniyang di-matalinong hakbang na pagbili ng maraming kabayo mula sa Ehipto at ang kaniyang pagpapakasal sa anak ni Paraon. Samakatuwid, iniharap ng mananalaysay ang ulat sa positibong paraan.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
2:14—Bakit ang angkan ng bihasang manggagawa na inilalarawan dito ay iba sa binabanggit sa 1 Hari 7:14? Ang ina ng bihasang manggagawa ay tinutukoy sa Unang Hari bilang “isang babaing nabalo mula sa tribo ni Neptali” dahil napangasawa niya ang isang lalaki mula sa tribong iyon. Pero siya mismo ay mula sa tribo ni Dan. Pagkamatay ng kaniyang asawa, napangasawa naman niya ang isang lalaki mula sa Tiro, at naging bunga ng pag-aasawang iyon ang artisano.
2:18; 8:10—Binabanggit ng mga talatang ito na ang bilang ng mga kinatawang naglilingkod bilang mga tagapangasiwa at bilang mga kapatas sa mga manggagawa ay 3,600 bukod pa sa 250, samantalang ayon naman sa 1 Hari 5:16; 9:23, ang bilang nila ay 3,300 bukod pa sa 550. Bakit magkaiba ang mga bilang? Ang pagkakaiba ay waring dahil sa paraan ng pag-uri sa mga kinatawan. Maaaring ipinakikita ng Ikalawang Cronica ang pagkakaiba ng 3,600 kinatawang di-Israelita at 250 kinatawang Israelita, samantalang ipinakikita naman ng Unang Hari ang pagkakaiba ng 3,300 kapatas sa 550 pinunong tagapangasiwa na mas nakatataas. Sa paanuman, ang kabuuang bilang ng naglilingkod bilang mga kinatawan ay 3,850.
4:2-4—Bakit larawan ng mga toro ang ginawang pinakapaa ng binubong dagat? Sa Kasulatan, ang mga toro ay sagisag ng lakas. (Ezekiel 1:10; Apocalipsis 4:6, 7) Angkop lamang ang pagpili sa mga toro bilang larawan dahil ang 12 tansong toro ang umaalalay sa napakalaking “dagat,” na tumitimbang nang mga 30 tonelada. Sa paanuman, ang paggamit ng mga toro sa layuning ito ay hindi lumalabag sa ikalawang utos, na nagbabawal sa paggawa ng mga bagay para sa pagsamba.—Exodo 20:4, 5.
4:5—Ano ang kabuuang kapasidad ng binubong dagat? Kapag pinunô ang dagat, ito ay makapaglalaman ng tatlong libong takal na bat, o mga 66,000 litro. Gayunman, ang karaniwang mailalaman ay malamang na mga dalawang-katlo ng kapasidad nito. Ang 1 Hari 7:26 ay nagsasabi: “Dalawang libong takal na bat [44,000 litro] ang mailalaman [sa dagat].”
5:4, 5, 10—Anong kagamitan mula sa orihinal na tabernakulo ang naging bahagi ng templo ni Solomon? Ang Kaban ang tanging bagay mula sa orihinal na tolda ng kapisanan na itinago sa templo ni Solomon. Matapos itayo ang templo, ang tabernakulo ay dinala mula sa Gibeon patungong Jerusalem at malamang na itinago roon.—2 Cronica 1:3, 4.
Mga Aral Para sa Atin:
1:11, 12. Ang kahilingan ni Solomon ay nagpapakita kay Jehova na ang pagkakaroon ng karunungan at kaalaman ang hangarin ng puso ng hari. Tunay ngang isinisiwalat ng ating mga panalangin kung ano ang hangarin ng ating puso. Isang katalinuhan na suriin natin kung ano ang ating ipinapanalangin.
6:4. Ang taos-pusong pagpapahalaga sa maibiging-kabaitan at kabutihan ni Jehova ay dapat magpakilos sa atin na pagpalain si Jehova—samakatuwid nga, purihin siya nang buong pagmamahal at pagpapahalaga.
6:18-21. Bagaman hindi maaaring magkasya ang Diyos sa alinmang gusali, ang templo ang magsisilbing sentro ng pagsamba kay Jehova. Sa ngayon, ang mga Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova ang sentro ng tunay na pagsamba sa komunidad.
6:19, 22, 32. Si Jehova ay malapit sa lahat—mula sa hari hanggang sa pinakamababa sa bansa—maging sa isang banyaga na taimtim na lumalapit sa kaniya.a—Awit 65:2.
SUNUD-SUNOD NA HARI MULA SA ANGKAN NI DAVID
Ang nagkakaisang kaharian ng Israel ay nahati sa dalawa—ang sampung-tribong kaharian sa hilaga at ang dalawang-tribong kaharian ng Juda at Benjamin sa timog. Ang mga saserdote at Levita sa buong Israel ay pumanig sa tipan ukol sa Kaharian sa halip na sa nasyonalismo at sumuporta ang mga ito sa anak ni Solomon na si Rehoboam. Mahigit lamang nang kaunti sa 30 taon pagkayari nito, ninakaw ang kabang-yaman ng templo.
Sa 19 na haring sumunod kay Rehoboam, 5 ang naging tapat, 3 ang naging tapat sa simula ngunit nagtaksil nang dakong huli, at isa ang tumalikod mula sa kaniyang maling landasin. Ang iba pang mga tagapamahala ay gumawa ng masama sa paningin ni Jehova.b Itinampok ang mga gawain ng limang hari na nagtiwala kay Jehova. Ang mga ulat tungkol sa pagsasauli ni Hezekias sa mga paglilingkod sa templo at ang pagsasaayos ni Josias para sa dakilang Paskuwa ay tiyak na nagdulot ng malaking pampatibay-loob sa mga Judiong interesado sa pagsasauli ng pagsamba kay Jehova sa Jerusalem.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
13:5—Ano ang kahulugan ng pananalitang “isang tipan ng asin”? Dahil sa kakayahan ng asin na magpreserba, ito ay naging sagisag ng pagiging permanente at di-nababago. Kung gayon, ang “isang tipan ng asin” ay nangangahulugan ng namamalaging kasunduan.
14:2-5; 15:17—Inalis ba ni Haring Asa ang lahat ng “matataas na dako”? Lumilitaw na hindi. Maaaring ang inalis lamang ni Asa ay ang matataas na dako na may kaugnayan sa pagsamba sa huwad na mga diyos ngunit hindi ang mga dako kung saan sinasamba ng mga tao si Jehova. Posible rin na itinayong-muli ang matataas na dako sa huling bahagi ng paghahari ni Asa. Ang mga ito ang inalis ng kaniyang anak na si Jehosapat. Ang totoo, hindi naman lubusang nawala ang matataas na dako, kahit noong si Jehosapat ang naghahari.—2 Cronica 17:5, 6; 20:31-33.
15:9; 34:6—Ano ang katayuan ng tribo ni Simeon kung tungkol sa pagkakahati ng kaharian ng Israel? Dahil sa minanang iba’t ibang lugar na sakop ng Juda, ang tribo ni Simeon ay nasa loob ng kaharian ng Juda at Benjamin ayon sa heograpiya. (Josue 19:1) Gayunman, pagdating sa relihiyon at pulitika, ang tribo ay panig sa kaharian sa hilaga. (1 Hari 11:30-33; 12:20-24) Dahil dito, ang tribo ni Simeon ay ibinilang sa sampung-tribong kaharian.
16:13, 14—Sinunog ba ang mga labí ni Asa? Hindi, ang “pagkalaki-laking panlibing na pagsunog” ay tumutukoy, hindi sa pagsunog sa mga labí ni Asa, kundi sa pagsunog sa mga espesya.—Talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References.
35:3—Mula saan ipinakuha ni Josias ang banal na Kaban upang dalhin sa loob ng templo? Hindi sinasabi ng Bibliya kung ang Kaban ay inalis na, noon pa man, ng isa sa mga balakyot na hari o itinago ni Josias sa ibang lugar noong ginagawa ang malakihang pagkukumpuni sa templo. Ang tanging makasaysayang pagtukoy sa Kaban pagkatapos ng panahon ni Solomon ay noong dalhin ito ni Josias sa loob ng templo.
Mga Aral Para sa Atin:
13:13-18; 14:11, 12; 32:9-23. Napakagandang aral ang matututuhan natin sa kahalagahan ng pagsandig kay Jehova!
16:1-5, 7; 18:1-3, 28-32; 21:4-6; 22:10-12; 28:16-22. Ang pakikipag-alyansa sa mga banyaga o di-mananampalataya ay may kalunus-lunos na kapalit. Isang katalinuhan para sa atin na umiwas sa anumang di-kinakailangang pakikisangkot sa sanlibutan.—Juan 17:14, 16; Santiago 4:4.
16:7-12; 26:16-21; 32:25, 26. Kapalaluan ang naging dahilan ng masamang paggawi ni Haring Asa noong huling mga taon ng kaniyang buhay. Bumagsak si Uzias dahil sa palalong espiritu. Kumilos si Hezekias nang may kamangmangan, at marahil nang may pagmamapuri, nang ipakita niya sa mga sugo ng Babilonya ang kaniyang imbakang-yaman. (Isaias 39:1-7) “Ang pagmamapuri ay nauuna sa pagbagsak,” ang babala ng Bibliya, “at ang palalong espiritu bago ang pagkatisod.”—Kawikaan 16:18.
16:9. Tinutulungan ni Jehova ang mga may pusong sakdal sa kaniya, at gustung-gusto niyang gamitin ang kaniyang kapangyarihan alang-alang sa kanila.
18:12, 13, 23, 24, 27. Gaya ni Micaias, dapat na maging malakas ang ating loob at matapang sa pagsasalita tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga layunin.
19:1-3. Humahanap si Jehova ng mabuting bagay sa atin kahit na kung minsan ay binibigyan natin siya ng dahilan para magalit sa atin.
20:1-28. Makaaasa tayong hahayaan ni Jehova na masumpungan natin siya kung mapagpakumbaba tayong hihingi ng patnubay niya.—Kawikaan 15:29.
20:17. Upang ‘makita ang pagliligtas ni Jehova,’ kailangang ‘lumagay tayo sa ating dako’ sa masigasig na pagsuporta sa Kaharian ng Diyos. Sa halip na tayo mismo ang makipaglaban, dapat tayong ‘manatiling nakatayo,’ anupat inilalagak ang ating lubos na pagtitiwala kay Jehova.
24:17-19; 25:14. Napatunayang isang silo ang idolatriya para kay Jehoas at sa kaniyang anak na si Amazias. Sa ngayon, ang idolatriya ay maaari ring maging kaakit-akit, lalo na kung ito’y nakatago sa anyo ng kaimbutan at nasyonalismo.—Colosas 3:5; Apocalipsis 13:4.
32:6, 7. Dapat ding maging malakas at matatag ang ating loob habang ‘suot natin ang kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos’ at patuloy na nakikipagdigma sa espirituwal na paraan.—Efeso 6:11-18.
33:2-9, 12, 13, 15, 16. Ipinakikita ng isang tao na siya’y talagang nagsisisi kung iiwan niya ang maling landasin at sisikaping gawin ang tama. Dahil sa tunay na pagsisisi, kahit ang isang taong gumawa nang napakasama gaya ng ginawa ni Haring Manases ay makatatanggap ng awa ni Jehova.
34:1-3. Ang anumang negatibong kalagayan noong panahon ng pagkabata ay hindi laging dahilan upang hindi makilala ang Diyos at makapaglingkod sa kaniya. Ang positibong impluwensiya na maaaring nakaapekto kay Josias noong kaniyang kabataan ay malamang na nanggaling sa kaniyang nagsising lolo na si Manases. Anuman ang positibong mga impluwensiya na nakaapekto kay Josias, nagbunga ito ng magagandang resulta sa bandang huli. Posible rin itong mangyari sa atin.
36:15-17. Si Jehova ay mahabagin at matiisin. Gayunman, may hangganan ang kaniyang habag at pagtitiis. Dapat na positibong tumugon ang mga tao sa pangangaral ng Kaharian kung nais nilang makaligtas kapag winakasan na ni Jehova ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay.
36:17, 22, 23. Palaging nagkakatotoo ang salita ni Jehova.—1 Hari 9:7, 8; Jeremias 25:9-11.
Pinakilos ng Isang Aklat
“Inalis ni Josias ang lahat ng karima-rimarim na bagay mula sa lahat ng lupaing pag-aari ng mga anak ni Israel,” ang sabi ng 2 Cronica 34:33, “at pinaglingkod niya ang lahat ng masusumpungan sa Israel, upang maglingkod kay Jehova na kanilang Diyos.” Ano ang nagpakilos kay Josias na gawin ito? Nang dalhin ni Sapan na kalihim kay Haring Josias ang kasusumpong na aklat ng Kautusan ni Jehova, malakas na ipinabasa ito ng hari. Gayon na lamang ang naging epekto kay Josias ng kaniyang narinig anupat buong-sigasig niyang itinaguyod ang dalisay na pagsamba sa buong buhay niya.
Ang pagbabasa ng Salita ng Diyos at pagbubulay-bulay sa ating nabasa ay makapagdudulot ng malaking epekto sa atin. Hindi ba’t napasisigla tayo ng pagbubulay-bulay sa ulat ng mga hari mula sa angkan ni David na tularan ang mga halimbawa niyaong mga nagtiwala kay Jehova at iwasan namang gumawi katulad niyaong mga hindi nagtiwala sa Kaniya? Pinasisigla tayo ng Ikalawang Cronica na ibigay ang ating bukod-tanging debosyon sa tunay na Diyos at manatiling tapat sa kaniya. Ang mensahe nito ay talagang buháy at may lakas.—Hebreo 4:12.
[Mga talababa]
a Para sa mga tanong tungkol sa pagpapasinaya ng templo at iba pang mga aral mula sa panalangin ni Solomon noong okasyong iyon, tingnan Ang Bantayan, Hulyo 1, 2005, pahina 28-31.
b Para sa talaan ng mga hari sa Juda ayon sa kronolohiya, tingnan Ang Bantayan, Agosto 1, 2005, pahina 12.
[Larawan sa pahina 18]
Alam mo ba kung bakit ang mga toro ay angkop na larawan bilang pinakapaa ng binubong dagat?
[Mga larawan sa pahina 21]
Bagaman limitado ang tulong na tinanggap ni Josias noong siya ay bata, lumaki siyang tapat kay Jehova