EDOM
[Pula], Mga Edomita.
Edom ang isa pang pangalan na ibinigay kay Esau na kakambal ni Jacob. (Gen 36:1) Tinawag siyang Edom dahil ipinagbili niya ang kaniyang pagkapanganay kapalit ng mapulang nilaga. (Gen 25:30-34) Nagkataon din na mapulang-mapula si Esau nang ipanganak siya (Gen 25:25), at gayunding kulay ang kadalasang makikita sa ilang bahagi ng lupaing tinahanan niya at ng kaniyang mga inapo.
Seir at Edom. Noong panahong manirahan si Jacob sa Haran sa loob ng 20 taon, si Esau (Edom) ay nagsimula namang manahanan sa lupain ng Seir, ang “parang ng Edom.” (Gen 32:3) Kaya bago pa man mamatay ang kaniyang ama (Gen 35:29), lumilitaw na sinisimulan nang tuparin ni Esau ang makahulang pagpapala ni Isaac, anupat lumalayo na siya sa matatabang lupain sa palibot ng Hebron at walang alinlangang nagsisimula nang ‘mamuhay sa pamamagitan ng kaniyang tabak,’ kasama ang 400 lalaki na pinangungunahan niya. (Gen 27:39, 40; 32:6, 8) Gayunman, ipinahihiwatig ng ulat na mayroon pa rin siyang tirahan o kampo sa lugar ng Hebron, anupat hindi siya lubusang lumipat sa bulubunduking pook ng Seir hanggang noong mamatay ang kaniyang ama (1738 B.C.E.). Noon ay malaki na ang kaniyang pamilya at marami na siyang pag-aari.—Gen 36:6-8.
Ang lupain ng Seir ay dating teritoryo ng mga Horita (Gen 14:6; 36:20-30), ngunit itinaboy ng mga anak ni Esau ang mga shik na Horita at sinakop ang pook na iyon. (Deu 2:12) Mula noon, iyon ay tinawag na lupain ng Edom, bagaman patuloy pa ring ginamit ang dating pangalang Seir.—Bil 24:18.
Heograpiya. Ang teritoryo ng Edom ay sumasaklaw nang mga 160 km (100 mi) mula sa agusang libis ng Zered na siyang hanggahan nito sa Moab sa H, hanggang sa Elat (Elot) sa Gulpo ng ʽAqaba sa T. (Deu 2:1-8, 13, 14; 1Ha 9:26) Sa dakong S, lumilitaw na ang nasasakupan ng Edom ay umabot hanggang sa gilid ng Disyerto ng Arabia, samantalang sa dakong K naman ay umabot ito sa Araba hanggang sa Ilang ng Zin at sumaklaw sa bulubunduking rehiyon ng Negeb mula sa TK sulok ng Dagat Asin pababa hanggang sa Kades-barnea. Kaya naman ang kanlurang bahagi ng Edom ang naging TS hangganan ng teritoryo ng Juda.—Jos 15:1; ihambing ang Bil 34:3.
Gayunman, ang pinakasentro ng teritoryo ng Edom ay maliwanag na nasa S ng Araba, sapagkat sa matataas na kabundukan nito, na ang ilang taluktok ay umaabot nang 1,700 m (5,600 piye), ay umuulan sa pana-panahon. Ito ay dahil ang lupain sa K ng Araba, ang Negeb, ay mas mababa, anupat ang natitirang mga ulap-bagyo ng Mediteraneo ay nakalalampas at nakaaabot sa mas matataas na bundok ng Edom, kung saan ito bumubuhos bilang ulan. Kaya naman isinisiwalat ng mga arkeolohikal na pagsusuri na nagkaroon ng sunud-sunod na sinaunang mga pamayanan at mga tanggulan sa kahabaan ng isang makitid na sakahang lupain sa pinakamataas na bahagi ng mahabang bulubunduking talampas, ngunit dumadalang ang mga ito patungo sa T hanggang sa Gulpo ng ʽAqaba. Ang makabagong Tafileh, na mga 30 km (19 na mi) sa T ng Dagat na Patay (Dagat Asin), ay may malalawak na taniman ng olibo, bagaman ito’y pangunahin nang dahil sa tubig na umaagos mula sa walong bukal, yamang mga 28 sentimetro (11 pulgada) lamang ng ulan ang bumubuhos doon bawat taon.
Bagaman kaunti lamang ang matatabang lupain doon, ang bulubunduking pook na ito ay may maraming deposito ng tanso at bakal; ang pagmimina at pagtutunaw ng metal ay isinagawa sa paligid ng makabagong Feinan, mga 48 km (30 mi) sa T ng Dagat na Patay. May katibayan din na noong sinaunang panahon ay may malalawak na kagubatan ng pino roon.
Kaayon ng mga nabanggit, nang magsugo si Moises ng mga mensahero sa hari ng Edom, sinabi niya na ang posisyon ng mga Israelita sa Kades-barnea ay nasa “dulo ng iyong teritoryo,” at nang humingi siya ng pahintulot na dumaan nang payapa sa teritoryo ng Edom, binanggit ni Moises ang kanilang mga bukid, mga ubasan, at mga balon.—Bil 20:14-17.
Estratehikong Posisyon. Humiling si Moises ng pahintulot na makapaglakbay ang Israel sa “daan ng hari” upang makaraan sa Edom. (Bil 20:17) Ang daang ito, karaniwang tinatawag na Lansangang-Bayan ng Hari, ay maaaring bumabagtas mula sa Gulpo ng ʽAqaba hanggang sa Damasco sa Sirya, anupat bumabaybay sa gilid ng matataas na talampas na nakahilera sa S panig ng Araba kapag dumaraan sa Edom. Masusumpungan sa kahabaan nito ang pangunahing mga lunsod ng Edom. (Gen 36:33; 2Ha 14:7) Mayroon ding isang ruta na patungong S mula sa Negeb na dumaraan sa Maʽan sa gilid ng Disyerto ng Arabia at ito’y konektado sa isa pang ruta na bumabagtas nang mula H patungong T. Dumaraan sa mga lansangang ito ang mahahalagang kargamento mula sa Ehipto, Arabia, Sirya, at Mesopotamia. Malamang na ang bayad na nasisingil sa mga pulutong na dumaraan sa mga ito sakay ng mga kamelyo o mga buriko ay nakaragdag nang malaki sa kayamanan ng Edom. Gayundin, ang pagód na mga manlalakbay sa disyerto ay maaaring nagbabayad para sa pagkain at tuluyan pagdating nila sa Edom.
Ang matarik na dalisdis o gilid ng talampas na nakaharap sa Araba ay naging napakahusay na proteksiyon para sa pangunahing moog ng Edom sa direksiyong iyon. Nahadlangan naman ng malalim na lambak ng agusang libis ng Zered ang pagsalakay mula sa Moab. (Ngunit pansinin ang Am 2:1.) Sunud-sunod na mga tanggulan ang nakaharap sa disyerto sa dakong S na mas madaling mapasok, anupat naging depensa ito laban sa mga Midianita at iba pang pagala-galang mga tribo. Karagdagan pa, ang mga guwang sa mga bundok at mga talampas ay karaniwan nang may di-maakyat at mapanganib na mga bangin ng pulang batong-buhangin. Kaya naman binabanggit ng hula ni Jehova sa pamamagitan ni Jeremias na ang mga Edomita ay panatag na “tumatahan sa mga puwang ng malaking bato, na humahawak sa kaitaasan ng burol,” at tulad ng isang agila na nasa pugad nito.—Jer 49:7, 16.
Ang mga Tao sa Edom. Bilang mga inapo ni Esau, ang mga Edomita ay pangunahin nang lahing Semitiko, ngunit mayroon din silang malakas na dugong Hamitiko. Ito ay dahil dalawa sa mga asawa ni Esau ang nagmula sa angkang Hamitikong Canaanita (Hiteo at Hivita); isang asawa lamang niya ang may lahing Semitiko, sa pamamagitan ng anak ni Abraham na si Ismael. (Gen 36:2, 3) Kung ang pangalang Horita ay nangangahulugan lamang na “tumatahan sa yungib,” gaya ng sinasabi ng ilang iskolar, ang Hivitang asawa ni Esau na si Oholibama, na anak ni Anah, ay maaaring nagmula sa mga Horitang naninirahan sa Seir. (Ihambing ang Gen 36:2, 20, 24, 25.) Gayunpaman, ang mga Edomita, tulad ng mga inapo ni Lot na mga Moabita at mga Ammonita (pansinin ang Dan 11:41), ay kamag-anak ng mga Israelita, at kaugalian din nila noon ang pagtutuli. (Jer 9:25, 26; ihambing ang Eze 32:29.) Tinukoy sila ni Jehova bilang “mga kapatid” ng Israel, at ang karapatan ng mga Edomita sa lupain ay hindi dapat labagin ng mga Israelitang naglalakbay sa ilang, yamang ibinigay ni Jehova sa mga inapo ni Edom ang Bundok Seir bilang ari-arian.—Deu 2:1-8.
Bagaman ang mga tribong Edomita ay dating pinamumunuan ng mga shik, nang maglaon ay inorganisa sila sa isang kaharian. Ipinahihiwatig ng linya ng mga hari ng Edom na sila’y nanggaling sa iba’t ibang mga tribo o mga pamunuan ng shik, sa gayon ay hindi nila namamana ang trono. (Gen 36:15-19, 31-43) Ayon sa ilang kritiko, ang pagtukoy ng Genesis 36:31 sa mga tagapamahalang Edomita bilang “mga hari na naghari sa lupain ng Edom bago maghari ang sinumang hari sa mga anak ni Israel” ay isiningit na lamang nang dakong huli. Gayunman, hindi ganito ang kaso yamang alam ng tagapagtala ng Genesis na si Moises ang malinaw na pangako ng Diyos kay Jacob (Israel) na “mga hari ang lalabas mula sa iyong mga balakang.” (Gen 35:11) Inihula ni Moises mismo na sa kalaunan ay magkakaroon ng hari ang Israel.—Deu 28:36.
May idinagdag ang Griegong Septuagint sa Job 42:17 na nagpapakitang si Job ay si Jobab, ang haring Edomita na binanggit sa Genesis 36:33. Gayunman, si Job ay mula sa lupain ng Uz, isang pangalang ibinigay noong una sa isang tribong Arameano at inulit sa angkan ng Arameanong si Nahor. (Job 1:1; ihambing ang Gen 10:23; 22:20, 21.) Binabanggit sa Panaghoy 4:21 na ang Edom ay ‘tumatahan sa lupain ng Uz,’ ngunit hindi ipinakikita ng tekstong ito, na isinulat maraming siglo pagkaraan ng ipinapalagay na panahon ni Job, na ang Uz at Edom ay iisa, lalo na yamang ipinakikita sa Jeremias 25:20, 21 na ‘ang mga hari sa lupain ng Uz’ ay naiiba sa Edom. Sa halip, maaaring ang tinutukoy ng teksto ay isang lugar na naging bahagi ng Edom sa kalaunan.—Tingnan ang UZ Blg. 4.
Posible na ang isa sa tatlong “kasamahan” na dumalaw at tumuligsa kay Job noong may sakit ito ay isang Edomita, samakatuwid nga, si Elipaz na Temanita. (Job 2:11; ihambing ang Gen 36:11, 34.) Ipinahihiwatig sa Jeremias 49:7 na ang Teman ay isang sentro ng karunungan ng Edom, anupat maaaring ang madalas na pakikipag-ugnayan at komunikasyon ng mga Edomita sa mga manlalakbay mula sa Silangan ay nakaragdag sa kanilang reputasyon bilang mga taong marurunong.
Mula sa Pag-alis Hanggang sa Pagtatapos ng Kasaysayan ng Juda. Ang pagkalipol ng mga hukbo ni Paraon at ang makahimalang pagliligtas sa Israel sa Dagat na Pula ay nakaapekto sa Edom, gayundin sa buong rehiyon sa loob at sa palibot ng Canaan. (Exo 15:14, 15) Sa ilang ng Peninsula ng Sinai, ang unang nasasandatahang pagsalansang sa Israel ay nagmula sa isang tribong Edomita na may malawak na teritoryo, ang mga Amalekita, na nanligalig sa Israel sa buong kasaysayan nila. (Exo 17:8-16; ihambing ang Gen 36:12, 16; tingnan ang AMALEK, MGA AMALEKITA.) Sa pagtatapos ng yugto ng pagpapagala-gala ng Israel, ang magalang na kahilingan ni Moises na ligtas silang makaraan sa Lansangang-Bayan ng Hari sa Edom ay tinanggihan, at ang di-ipinakilalang haring Edomita ay nagtipon ng malakas na hukbo upang harangan sila. (Bil 20:14-21) Kaya pagkamatay ni Aaron sa Bundok Hor malapit sa hanggahan ng Edom (Bil 20:22-29), ang Israel ay lumigid sa pinakasentro ng Edom, nagkampo sa tabi ng agusang libis ng Zered, at pagkatapos ay naglakbay patungong H na nilalampasan ang silanganing hanggahan ng Moab.—Bil 21:4, 10-13; Huk 11:18; ihambing ang Deu 2:26-29.
Sa patulang pagpapala na binigkas ni Moises para sa Israel bago siya mamatay, inilarawan niya ang Diyos na Jehova bilang ‘nanggaling sa Sinai,’ ‘suminag mula sa Seir [Edom],’ at ‘lumiwanag mula sa mga bundok ng Paran.’ Isang katulad na paglalarawan ang makikita sa awit nina Barak at Debora at sa hula ni Habakuk. (Deu 33:2; Huk 5:4, 5; Hab 3:3, 4) Maliwanag na inihaharap ng makahulang paglalarawang ito ang tagpo kung saan inihayag ni Jehova ang kaniyang sarili sa kaniyang bagong-tatag na bansa, anupat nililiwanagan sila gaya ng mga kislap ng liwanag sa mga taluktok ng bundok.
Pinag-utusan ang Israel na huwag kasusuklaman ang isang Edomita, “sapagkat siya ay iyong kapatid.” (Deu 23:7, 8) Gayunman, hindi lamang ang agresibong tribong Amalekita ang sumalansang sa Israel kundi mismong ang Edom sa pangkalahatan. Nagtagumpay si Saul sa pakikipagdigma sa kanila. (1Sa 14:47, 48) Ngunit ang pinuno ng mga pastol ni Saul ay isang Edomita, si Doeg, at ang lalaking ito ay nagsilbing impormante ni Saul may kinalaman kay David. Nang tanggihan ng mga tauhan ni Saul na daluhungin ang mga saserdote ng Nob, si Doeg ang inutusan ni Saul na lansakang pumatay sa kanila.—1Sa 21:7; 22:9-18.
Bilang hari, nagtamo si David ng isang malaking tagumpay laban sa mga Edomita sa Libis ng Asin. (2Sa 8:13; tingnan ang ASIN, LIBIS NG.) Bagaman hindi binanggit kung paano nagsimula ang pagbabakang iyon, walang alinlangan na iyon ay dahil sa pagsalakay ng mga Edomita, maaaring dahil inakala nila na walang kalaban-laban ang timugang bahagi ng kaharian ni David dahil sa kaniyang mga kampanya sa Sirya. Sa 1 Cronica 18:12 ay sinasabing si Abisai ang nanlupig sa mga Edomita, samantalang sa superskripsiyon naman ng Awit 60 ay binabanggit na si Joab ang nagsagawa nito. Yamang si David ang punong kumandante at si Joab ang kaniyang pangunahing heneral, at si Abisai naman ay kumandante ng isang pangkat sa ilalim ni Joab, mauunawaan natin kung bakit magkaiba ang sinasabi ng mga ulat hinggil sa kung sino ang dahilan ng tagumpay, depende sa punto de vista ng isa, gaya rin ng nangyayari sa ngayon. Sa katulad na paraan, ang pagkakaiba ng mga bilang sa mga tekstong iyon ay malamang na dahil sa sariling pangmalas ng manunulat sa iba’t ibang aspekto o kampanya ng digmaan. (Ihambing ang 1Ha 11:15, 16.) Gayunpaman, naglagay si David ng mga garison ng mga hukbong Israelita sa buong Edom, at ang nalalabing populasyon ng Edom ay naging sakop ng Israel. (2Sa 8:14; 1Cr 18:13) Ang “pamatok” ni Jacob ay naging mabigat na pasanin sa leeg ni Edom (Esau).—Gen 27:40; ihambing ang Bil 24:18.
Yamang nakontrol ng Israel ang mga baybaying lunsod ng Edom sa Dagat na Pula, ang Elot (Elat) at Ezion-geber, sinamantala iyon ni Solomon, na nag-asawa rin ng mga babaing Edomita (1Ha 11:1), upang makapagtayo ng negosyong pagbabarko. (1Ha 9:26; 2Cr 8:17, 18) Hindi naalis ng kumaunting kalalakihan ng Edom ang pamatok ng Israel, bagaman isang takas na may dugong maharlika, si Hadad, ang nanguna sa isang kilusan laban sa Israel.—1Ha 11:14-22.
Hindi matiyak kung ang situwasyong ito ay nagpatuloy sa loob ng isang buong siglo pagkatapos ng unang pananakop ni David. Ang pagsalakay ng “mga anak ni Ammon, at ni Moab at ng bulubunduking pook ng Seir [Edom]” (2Cr 20:1, 2, 10, 22) ay maaaring naganap bago sinalakay ang Moab ng nagsanib-sanib na mga hukbo ng Juda, Israel, at Edom. (2Ha 3:5-9; tingnan ang MOAB, MGA MOABITA.) Lumilitaw na ang Edom ay naging bahagi ng bawat isa sa tatluhang alyansang iyon, anupat nakipaglaban muna para sa isang panig at pagkatapos ay para naman sa kabila. Binabanggit din na may panahong walang hari sa Edom noong naghahari si Jehosapat; ang lupain ay pinamamahalaan noon ng isang kinatawan, na maliwanag na nananagot sa hari ng Juda, kaya ang mga Judeano ay madaling nakapagparoo’t parito sa Gulpo ng ʽAqaba at sa daungan o mga daungan nito. (1Ha 22:47, 48) Hinggil naman sa kampanya laban sa Moab, ang inihulang pagbaha ng dating tuyong agusang libis kung saan nagkampo ang magkakaalyadong mga hukbo ay maaaring dahil sa isang makulog na bagyo sa disyerto na tumama sa mas mataas na talampas. Sa makabagong panahong ito, ang gayong mga bagyo ay nagiging dahilan ng napakalakas na pag-agos ng tubig sa mga wadi patungo sa Araba. Posible ring humugos noon ang tubig dahil sa isang himala.—2Ha 3:16-23.
Naghimagsik ang Edom at inalis nito ang pamatok ng Juda noong naghahari ang anak ni Jehosapat na si Jehoram at muli itong nagtatag ng isang independiyenteng monarkiya. Bagaman nagtagumpay si Jehoram sa isang pakikipagbaka sa kanila, patuloy pa ring naghimagsik ang mga Edomita. (2Ha 8:20-22; 2Cr 21:8-10) Noong unang kalahatian ng paghahari ni Amazias (858-830 B.C.E.), muli na namang dumanas ng pagkatalo ang Edom sa Libis ng Asin, at inagaw ni Amazias ang pangunahing Edomitang lunsod ng Sela, bagaman nasilo siya sa pagsamba sa walang-kabuluhang huwad na mga diyos ng Edom. (2Ha 14:7; 2Cr 25:11-20) Isinauli ng kaniyang anak na si Uzias (Azarias) ang Elat sa ilalim ng kontrol ng Juda.—2Ha 14:21, 22.
Matapos salakayin ng Sirya ang Juda noong panahon ng paghahari ni Ahaz (761-746 B.C.E.), ibinalik nito sa Edom ang daungan ng Elat sa Dagat na Pula. (2Ha 16:5, 6) Ang mga Edomita, na maliwanag na malaya na noon mula sa pamumuno ng Juda, ay sumama sa ibang mga bansa, kabilang na rito ang Asirya, sa mga paglusob laban sa Juda.—2Cr 28:16-20; ihambing ang Aw 83:4-8.
Walang natuklasang nakasulat na mga rekord mula sa mga Edomita. Gayunman, binabanggit sila sa sekular na mga rekord ng ibang mga bansa. Binabanggit sa isang papirong Ehipsiyo, ipinapalagay na mula pa noong ikalawang milenyo B.C.E., na may mga tribong Bedouin mula sa Edom na pumasok sa rehiyon ng Delta sa paghahanap ng pastulan para sa kanilang mga baka. Inangkin ng mga paraong sina Merneptah at Ramses III na pinamunuan nila ang Edom, gaya rin ng Asiryanong monarka na si Adad-nirari III. Ilang panahon pagkamatay ng huling nabanggit na hari, ipinaghambog ni Tiglat-pileser III (kapanahon ni Ahaz) na tumanggap siya ng tributo mula kay “Kaushmalaku ng Edom,” samantalang itinala naman ni Esar-hadon, na kahalili ni Senakerib, si “Qaushgabri” bilang isang basalyong hari ng Edom.—Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 282, 291.
Ang Edom sa Hula. Noon pa mang panahon ng pamamahala ni Haring Uzias, ipinahayag na ng mga propetang sina Joel at Amos ang malinaw na hatol ni Jehova laban sa Edom dahil sa matagal nang pagkapoot nito sa Israel na ipinakita sa pamamagitan ng malupit na paggamit ng tabak. (Am 1:6, 11, 12) Dahil sa mabangis na pagsalansang nito sa katipang bayan ni Jehova, naiwala ng Edom ang karapatan nito sa lupaing ipinagkaloob dito ng Diyos. (Joe 3:19; Am 9:11, 12) Naging tiyak ang kapahamakan ng mga Edomita nang lupigin ng mga Babilonyo ang Juda at Jerusalem noong 607 B.C.E. Malinaw na nahayag ang pagkapoot ng mga Edomita nang sulsulan nila ang mga nagwawasak sa Jerusalem (Aw 137:7), anupat nagsaya sila sa kapahamakan ng Juda, at dahil sa kanilang pagkapoot at pagnanais na maghiganti, ibinigay pa nila sa mga Babilonyo ang nakatakas na mga Judeano upang mapatay ang mga ito. Nakisali sila sa karatig na mga bayan sa pandarambong sa lupain, binalak nilang sakupin ang natiwangwang na lupain ng Juda at Israel, at nagsalita sila nang may paghahambog laban kay Jehova. Dahil dito, inutusan ni Jehova ang kaniyang mga propetang sina Jeremias, Ezekiel, at Obadias upang tiyakin sa Edom na ang pagsasaya nito ay panandalian lamang at ang pakikitungong ginawa sa Juda ay gagawin din sa Edom. (Pan 4:21, 22; Eze 25:12-14; 35:1-15; 36:3-5; Ob 1-16) Gaya ng inihula ng propetang si Isaias, ang mga Edomitang nagwawasiwas ng tabak ay mapapasailalim sa mismong tabak ni Jehova ukol sa katarungan at kahatulan, anupat lahat ng uri ng tao, malaki at maliit, ay magiging tulad ng mga haing hayop na itinalaga sa pagkapuksa.—Isa 34:5-8.
Ang Edom ay magiging tulad ng Sodoma at Gomorra, na hindi tatahanan habang panahon. (Jer 49:7-22; ihambing ang Isa 34:9-15.) Palibhasa’y karapat-dapat sa pagkapoot ni Jehova, ang Edom ay tatawaging “ang teritoryo ng kabalakyutan” at “ang bayan na tinuligsa ni Jehova hanggang sa panahong walang takda.” (Mal 1:1-5) Dahil dito, maliwanag na ang Edom ay sumasagisag sa mortal na mga kaaway ng katipang bayan ng Diyos sa Isaias 63:1-6, kung saan ang Diyos na Mandirigma na may kasuutang nababahiran ng dugo at yumuyurak sa pisaan ng ubas ng paghihiganti ng Diyos ay angkop na inilalarawan bilang dumarating mula sa Edom (nangangahulugang “Pula”) at mula sa pinakaprominenteng lunsod ng Edom, ang Bozra (na posibleng ginamit dito dahil katunog ito ng salitang Hebreo na ba·tsirʹ, nangangahulugang “pamimitas ng ubas”).—Ihambing ang Apo 14:14-20; 19:11-16.
Kasaysayan Nang Dakong Huli at ang Paglalaho Nito. Sa pamamagitan ng propeta ni Jehova na si Jeremias, sinabihan ang hari ng Edom na ipasailalim nito ang kaniyang leeg sa pamatok ni Nabucodonosor, ang hari ng Babilonya. (Jer 27:1-7) Hindi iniulat kung ano ang aktuwal na ginawa ng mga Edomita may kinalaman dito. Gayunman, pagkatapos na mawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E., pansamantalang nanganlong sa Edom ang ilang Judeanong tapon. Pagkaalis ng mga hukbong Babilonyo, ang mga nagsilikas na ito ay bumalik sa kanilang lupain at nang dakong huli ay tumakas patungong Ehipto. (Jer 40:11, 12; 43:5-7) Di-nagtagal, dumating ang panahon upang uminom ang Edom mula sa kopa ng poot ni Jehova. (Jer 25:15-17, 21) Naganap ito noong kalagitnaan ng ikaanim na siglo B.C.E. sa pangunguna ng Babilonyong hari na si Nabonido. Ayon kay C. J. Gadd, isang iskolar ng kasaysayan at panitikan ng Babilonya, may mga kawal na Judio sa mga hukbo ni Nabonido na lumupig sa Edom at Tema. Bilang komento sa bagay na ito, si John Lindsay ay sumulat: “Kaya, sa paanuman, natupad ang mga salita ng propeta nang isulat niya ang sinabi ni Yahweh na ‘ilalapat ko sa Edom ang aking paghihiganti sa pamamagitan ng kamay ng aking bayang Israel’ (Ezek. 25.14). Nagkaroon din ng bahagyang katuparan ang mga salita ni Obadias na nagsabing ang ‘mga kaalyado’, ‘mga kakampi’, ‘mga pinagkakatiwalaang kaibigan’ ng Edom ay ‘manlilinlang’, ‘mananaig laban’ sa kanila at ‘mag-uumang ng bitag sa ilalim’ nila. Dito ay maaari nating makita ang pagtukoy sa mga Babilonyo, na bagaman noong mga araw ni Nabucodorosor ay handang magbigay sa kanila ang mga ito mula sa mga nakuha sa Juda, sa ilalim naman ni Nabonido ay lubusang sinupil ng mga ito ang mga ambisyon ng Edom sa komersiyo at pangangalakal (ihambing ang Obad. 1 at 7).”—Palestine Exploration Quarterly, London, 1976, p. 39.
Iniulat ng aklat ng Malakias, isinulat mga 100 taon pagkaraan ng kampanya ni Nabonido laban sa Edom, na ginawa na ng Diyos na ‘isang nakatiwangwang na kaguhuan ang mga bundok ng Edom at iniukol niya sa mga chakal sa ilang ang mana nito.’ (Mal 1:3) Umaasa noon ang mga Edomita na makababalik sila at maitatayong muli ang kanilang mga wasak na dako, ngunit hindi sila magtatagumpay.—Mal 1:4.
Pagsapit ng ikaapat na siglo B.C.E., pinanirahan ng mga Nabateano ang teritoryo ng Edom, at ang mga Edomita ay hindi na muling nakabalik pa. Sa halip, nanirahan sila sa Negeb sa dakong T ng Juda. Lumipat ang mga Edomita sa H hanggang sa Hebron, at nang dakong huli, ang timugang bahagi ng Juda ay nakilala bilang Idumea. Ayon kay Josephus, sinupil sila ni John Hyrcanus I sa pagitan ng 130 at 120 B.C.E. at pinilit sila na tanggapin ang Judaismo. (Jewish Antiquities, XIII, 257, 258 [ix, 1]; XV, 253, 254 [vii, 9]) Nang maglaon ay unti-unti silang napahalo sa mga Judio, at pagkatapos na wasakin ng mga Romano ang Jerusalem noong 70 C.E., naglaho na sila bilang isang bayan.—Ob 10, 18; tingnan ang IDUMEA.
[Mapa sa pahina 637]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Lupain ng EDOM
Pangunahing Lansangan
Lokal na Lansangan
EDOM
ILANG NG ZIN
MOAB
Dagat Asin
A.L. ng Zered
Sela
Bozra
Bdk. Hor
Kades-barnea
Teman
Daan ng Hari
Ezion-geber
Elat
Gulpo ng ʽAqaba
DISYERTO NG ARABIA