LANGAW NA NANGANGAGAT
[sa Heb., ʽa·rovʹ; sa Ingles, gadfly].
Hindi matiyak kung aling insekto ang tinutukoy ng orihinal na salitang Hebreo na binanggit ng Kasulatan may kinalaman sa ikaapat na salot sa Ehipto. Sa salot na ito unang pinaligtas ang mga Israelita sa Gosen. (Exo 8:21, 22, 24, 29, 31; Aw 78:45; 105:31) Ang ʽa·rovʹ ay isinalin sa iba’t ibang paraan bilang “langaw na nangangagat” (JB, NW, Ro), “uwang” (Yg ), “mga langaw” (AS, KJ, RS), “mga niknik” (AT), at “dog fly” (LXX).
Kasama sa katawagang Ingles na “gadfly” ang iba’t ibang uri ng mga horsefly at botfly. Tinutusok ng mga babaing horsefly ang balat ng mga hayop at ng tao at pagkatapos ay sinisipsip nila ang dugo ng mga iyon. Habang nasa yugtong larva, ang mga botfly ay tumitira bilang mga parasito sa mga katawan ng hayop at ng tao. Yaong mga namumugad sa mga tao ay matatagpuan sa mga tropiko. Kaya naman, nagdulot ng matinding paghihirap sa mga Ehipsiyo at sa kanilang mga alagang hayop ang salot ng mga langaw na nangangagat, at sa ilang mga kaso ay ikinamatay pa nga nila ito.