KAWIKAAN, AKLAT NG MGA
Isang aklat na binubuo ng mga kawikaan o pantas na mga kasabihan na tinipon mula sa maraming iba pang koleksiyon. Isinasaad sa mismong aklat kung ano ang layunin nito: “Upang ang isa ay makaalam ng karunungan at disiplina, upang makakilala ng mga pananalita ng pagkaunawa, upang tumanggap ng disiplinang nagbibigay ng kaunawaan, katuwiran at kahatulan at katapatan, upang magbigay ng katalinuhan sa mga walang-karanasan, ng kaalaman at kakayahang mag-isip sa kabataan.” (Kaw 1:2-4) “Ang layunin ay upang makalakad ka sa daan ng mabubuting tao at upang maingatan mo ang mga landas ng mga matuwid.”—2:20.
Ipinakikita sa mga introduksiyon ng tatlo sa mga seksiyon ng aklat na ang mga kawikaang masusumpungan sa mga iyon ay kay Solomon. (Kaw 1:1; 10:1; 25:1) Makatuwiran namang magkagayon sapagkat si Solomon ay “nakapagsasalita ng tatlong libong kawikaan.” (1Ha 4:32) Walang alinlangan na ang marami sa mga kawikaan sa mga seksiyong iyon, kung hindi man lahat, ay itinala noong panahon ng paghahari ni Solomon. Sinabi ni Solomon tungkol sa kaniyang sarili: “Bukod pa sa pagiging marunong ng tagapagtipon, patuluyan din niyang tinuruan ng kaalaman ang mga tao, at siya ay nagmuni-muni at lubusang nagsaliksik, upang makapagsaayos siya ng maraming kawikaan. Ang tagapagtipon ay nagsikap na makasumpong ng nakalulugod na mga salita at makasulat ng wastong mga salita ng katotohanan.”—Ec 12:9, 10.
Gayunman, may iba’t ibang argumento na inihaharap upang ipakita na hindi kay Solomon ang karamihan sa mga kawikaan. Ang ilang kawikaan (Kaw 16:14; 19:12; 20:2; 25:3) ay sinasabing mapanghamak sa mga monarka at samakatuwid ay hindi kinatha noong panahon ni Solomon. Gayunman, kung susuriing mabuti, matutuklasan na sa halip na maging mapanghamak, dinadakila ng mga kawikaang ito ang mga hari at ipinakikita na dapat silang pag-ukulan ng angkop na pagkatakot dahil sa kanilang kapangyarihan. (Ihambing ang 24:21.) Inaangkin ng ilan na hindi tutukuyin ng isang poligamong tulad ni Solomon ang ugnayang pangmag-asawa sa paraang magpapahiwatig ng monogamya (5:15-19; 18:22; 19:13, 14); gayunman, nakakaligtaan nila na ang poligamya ay hindi itinaguyod ng Kautusan kundi pinahintulutan at inugitan lamang nito. At malamang na monogamya ang karaniwang kaugalian noon ng mga Judio. Nakakalimutan din ng gayong mga kritiko na ang Mga Kawikaan ay kinasihan ng Diyos at hindi basta mga opinyon ni Solomon. Gayunpaman, batay sa kaniyang mga obserbasyon at sariling mga karanasan, malamang na natanto ni Solomon ang karunungan ng pagsunod sa orihinal na pamantayan ng Diyos para sa pag-aasawa, ang monogamya.—Ihambing ang Ec 2:8; 7:27-29.
Ang mga kawikaang hindi iniuugnay kay Solomon ay nagmula sa mga kasabihan ng iba pang marurunong na tao at ng isang babae. (Kaw 22:17; 30:1; 31:1; tingnan ang AGUR; LEMUEL.) Hindi alam ang eksaktong panahon kung kailan tinipon ang lahat ng mga kawikaan. Ang huling ipinahiwatig na panahon na lumitaw sa mismong aklat ay yaong paghahari ni Hezekias. (25:1) Kaya may saligan upang maniwala na ang mga kawikaan ay natipon na sa anyong aklat nang mamatay ang tagapamahalang iyon noong mga 717 B.C.E. Ipinahihiwatig ng pag-uulit ng ilang kawikaan na ang aklat ay tinipon mula sa iba’t ibang magkakahiwalay na koleksiyon.—Paghambingin ang 10:1 at 15:20; 10:2 at 11:4; 14:20 at 19:4; 16:2 at 21:2.
Istilo at Pagkakaayos. Ang aklat ng Mga Kawikaan ay isinulat sa Hebreong istilong patula, na binubuo ng mga ritmo ng kaisipan at gumagamit ng mga paralelismo, kung saan ang mga ideya ay alinman sa magkatulad (Kaw 11:25; 16:18; 18:15) o magkasalungat. (10:7, 30; 12:25; 13:25; 15:8) Ang unang seksiyon nito (1:1–9:18) ay binubuo ng maiikling diskurso ng isang ama para sa isang anak o mga anak. Nagsisilbi itong introduksiyon sa maikli at makahulugang mga kasabihan na masusumpungan sa sumunod na mga seksiyon ng aklat. Ang huling 22 talata ng aklat ay isinulat sa istilong akrostik, o alpabetiko, isang anyo ng komposisyon na ginamit din ni David sa ilan sa kaniyang mga awit.—Aw 9, 10, 25, 34, 37, 145.
Kinasihan ng Diyos. Pinatototohanan ng mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na ang aklat ng Mga Kawikaan ay bahagi ng kinasihang Salita ng Diyos. Ang apostol na si Pedro (1Pe 4:18; 2Pe 2:22; Kaw 11:31 [LXX]; 26:11) at ang alagad na si Santiago (San 4:6; Kaw 3:34, LXX) ay humalaw mula rito, gaya rin ng apostol na si Pablo nang sumulat siya sa mga taga-Corinto (2Co 8:21; Kaw 3:4, LXX), sa mga taga-Roma (Ro 12:16, 20; Kaw 3:7; 25:21, 22), at sa mga Hebreo (Heb 12:5, 6; Kaw 3:11, 12). Karagdagan pa, masusumpungan sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang maraming kaisipan na katulad ng nasa Mga Kawikaan.—Ihambing ang Kaw 3:7 sa Ro 12:16; Kaw 3:12 sa Apo 3:19; Kaw 24:21 sa 1Pe 2:17; Kaw 25:6, 7 sa Luc 14:7-11.
Ang Kaalaman kay Jehova ang Daan ng Buhay. Madalas na iniuugnay ng aklat ng Mga Kawikaan ang kaalaman sa kaunawaan, karunungan, pagkaunawa, at kakayahang mag-isip. Samakatuwid, ang kaalaman na sinisikap nitong ituro at itaguyod ay higit pa sa basta pagkaalam ng iba’t ibang impormasyon. Itinatawag-pansin ng Mga Kawikaan na ang anumang tunay na kaalaman ay nagsisimula sa pagpapahalaga ng isa sa kaniyang kaugnayan kay Jehova. Sa katunayan, isinasaad sa kabanata 1, talata 7, ang tema ng aklat: “Ang pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng kaalaman.”
Sabihin pa, ang pinakamahalagang kaalaman na maaaring matamo ng isa ay tungkol sa Diyos mismo. Sinabi ng Kawikaan 9:10: “Ang kaalaman sa Kabanal-banalan ay siyang pagkaunawa.” Ang kaalamang ito ay higit pa sa basta pagkabatid na umiiral ang Diyos at na siya ang Maylalang, higit pa nga sa pagkabatid sa maraming bagay tungkol sa kaniyang mga pakikitungo. Ang “kaalaman” sa kaniya ay tumutukoy sa isang masidhing pagpapahalaga sa kaniyang maiinam na katangian at dakilang pangalan, at sa isang malapít na kaugnayan sa kaniya.
Sinabi ni Jesu-Kristo sa mga Judio na mayroon nang kaalaman tungkol sa Diyos: “Walang sinuman ang lubos na nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, ni may sinumang lubos na nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang sinuman na sa kaniya ay nais ng Anak na isiwalat siya.” (Mat 11:27) Ang pagkakilala o pagkaalam ng isa hinggil sa mga katangian ni Jehova ay magpapasidhi sa kaniyang wastong pagkatakot sa Diyos, at tutulong ito sa kaniya na matanto na si Jehova ay karapat-dapat sa buong pagsamba at paglilingkod at na ang kaalaman sa Diyos at ang pagsunod sa Kaniya ang siyang daan ng buhay. “Ang pagkatakot kay Jehova ay balon ng buhay, upang maglayo mula sa mga silo ng kamatayan,” at, “Ang pagkatakot kay Jehova ay umaakay patungo sa buhay.”—Kaw 14:27; 19:23.
Si Jehova na Maylalang. Taglay ang walang-kapantay na karunungan, si Jehova ang Maylalang ng lahat ng bagay at Tagapagtakda ng mga batas na umuugit sa mga bagay na ito; kaya nararapat siyang sambahin ng lahat ng nilalang. (Kaw 3:19, 20) Ginawa niya ang taingang nakaririnig at ang matang nakakakita, kapuwa sa literal at moral na paraan. Dahil dito, ang isa ay dapat umasa sa Kaniya upang makakita at makarinig nang may tunay na pagkaunawa. At dapat matanto ng isang tao na magsusulit siya sa Isa na nakakakita at nakaririnig sa lahat ng bagay.—20:12.
Katuwiran. Dinadakila ng aklat na ito si Jehova bilang ang sentro ng lahat ng bagay at ang Isa na pinagmumulan ng lahat ng matuwid na simulain. Halimbawa: “Ang tapat na panukat at timbangan ay kay Jehova; ang lahat ng mga batong panimbang ng supot ay kaniyang gawa.” (Kaw 16:11) Bilang ang Tagapagbigay-Kautusan, kalooban niya na maugitan ng pagkamatapat at katarungan ang lahat ng transaksiyon. (11:1; 20:10) Sa pagkatakot sa Kaniya, natututuhan ng isang tao na ibigin ang Kaniyang iniibig at kapootan ang Kaniyang kinapopootan at sa gayo’y naitutuwid ang kaniyang paraan ng pamumuhay, sapagkat “ang pagkatakot kay Jehova ay nangangahulugan ng pagkapoot sa masama.” (8:13) Isinisiwalat ng Mga Kawikaan na partikular na kinapopootan ni Jehova ang matayog na mga mata, ang bulaang dila, ang mga kamay na nagbububo ng dugong walang-sala, ang pusong kumakatha ng mga nakasasakit na pakana, ang mga paang nagmamadali sa pagtakbo sa kasamaan, ang bulaan at sinungaling na saksi, at ang isa na naghahasik ng mga pagtatalo sa gitna ng magkakapatid. (6:16-19; 12:22; 16:5) Ang isa na tunay na napopoot sa mga bagay na ito ay patungo na sa buhay.
Karagdagan pa, tinatanglawan ng aklat ng Mga Kawikaan ang daan ng matuwid sa pamamagitan ng pagpapakita kung ano ang sinasang-ayunan ni Jehova. “Ang mga walang kapintasan sa kanilang lakad ay kalugud-lugod sa kaniya,” gayundin ang kanilang mga panalangin. (Kaw 11:20; 15:8, 29) “Ang isa na mabuti ay nagtatamo ng pagsang-ayon ni Jehova.” (12:2) “Ang nagtataguyod ng katuwiran ay iniibig niya.”—15:9.
Kahatulan at patnubay. Sa pamamagitan ng kaalaman at karanasan, natatanto ng isa na nakakakilala kay Jehova na, gaya nga ng sinasabi sa Kawikaan 21:30, “walang karunungan, ni anumang kaunawaan, ni anumang payo kapag salansang kay Jehova.” Dahil dito, makarinig man siya ng ibang plano o mayroon man siya nito sa kaniyang sariling puso, ang taong makatuwiran ay mamumuhay kasuwato ng payo ni Jehova, yamang alam niya na ang kasalungat na payo, kahit waring matalino o kapani-paniwala, ay hindi makatatayo laban sa salita ni Jehova.—Kaw 19:21; ihambing ang Jos 23:14; Mat 5:18.
Sinabi ng kinasihang si Haring Solomon: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso . . . Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” (Kaw 3:5, 6) Pinipili ng puso ng isang tao ang daan na nais niyang lakaran, ngunit piliin man niya ang tamang daan, dapat pa rin siyang umasa sa patnubay ni Jehova sa kaniyang mga hakbang upang magtagumpay.—16:3, 9; 20:24; Jer 10:23.
Matapos piliin ng indibiduwal ang landas ng buhay, dapat niyang kilalanin na lubhang interesado sa kaniya si Jehova. Ipinaaalaala sa atin ng Mga Kawikaan na ang mga mata ni Jehova “ay nasa lahat ng dako, nagbabantay sa masasama at sa mabubuti.” (Kaw 15:3) “Sapagkat ang mga lakad ng tao ay nasa harap ng mga mata ni Jehova, at dinidili-dili niya ang lahat ng kaniyang landas.” (5:21) Sinusuri ni Jehova, hindi lamang ang kaniyang panlabas na pagkatao, kundi pati ang kaniyang puso. (17:3) “Sinusukat ni Jehova ang mga puso” (21:2), at tinitimbang Niya ang tunay na halaga ng pag-iisip, motibo, at kaloob-loobang mga pagnanasa ng taong iyon.
Ipinakikita sa aklat na ang mga kahatulan ni Jehova ay lubus-lubusang matuwid at sa ikabubuti niyaong mga humahanap sa katapatan. Sa takdang panahon, lilipulin ng Diyos ang mga balakyot mula sa lupain, anupat ang kanilang kamatayan ang magiging kabayaran para sa kalayaan ng mga matuwid. Kaya naman sinasabi ng isang kawikaan: “Ang balakyot ay pantubos para sa matuwid; at ang nakikitungo nang may kataksilan ay kapalit ng mga matapat.” (Kaw 21:18) Kabilang sa gayong mga balakyot ang mga mapagmapuri, na karima-rimarim kay Jehova. ‘Hindi sila magiging ligtas sa kaparusahan.’ (16:5) “Ang bahay ng mga palalo ay gigibain ni Jehova.” (15:25) “Pagnanakawan niya ng kaluluwa” yaong mga nagnanakaw sa mga maralita.—22:22, 23.
Sa pamamagitan ng pagmamasid sa mga pakikitungong ito ni Jehova, maitutuwid ng taong may wastong kaisipan ang kaniyang mga landas. (Ihambing ang Kaw 4:26.) Nakikita niya na ang pagbibigay-daan sa pagtatangi sa pamamagitan ng panunuhol (17:23) o dahil sa impluwensiya ng ibang tao (18:5) ay nagiging dahilan upang baluktutin ng isa ang kahatulan. Kung ‘aariin niyang matuwid ang balakyot at balakyot ang matuwid,’ magiging karima-rimarim siya sa paningin ni Jehova. (17:15) Natututuhan din niya na huwag magkaroon ng kinikilingan kundi pakinggan munang mabuti ang magkabilang panig ng isang usapin bago siya humatol.—18:13.
Katiwasayan na may kaligayahan. Sa isa na nag-iingat ng praktikal na karunungan at kakayahang mag-isip na tinanggap niya mula kay Jehova, ang aklat ng Mga Kawikaan ay nagsasabi: “Si Jehova ang magiging iyo mismong pagtitiwala, at kaniya ngang iingatan ang iyong paa laban sa pagkabihag.” (Kaw 3:21, 26; 10:29; 14:26) Kapag ang isa ay natatakot kay Jehova, “kung magkagayon ay magkakaroon ng kinabukasan.” (23:17, 18) Karagdagan pa, bukod sa pag-asa sa hinaharap, mayroon din siyang kaligayahan at katiwasayan sa kasalukuyang panahon. (3:25, 26) “Kapag nalulugod si Jehova sa mga lakad ng isang tao ay pinangyayari niya na maging ang kaniyang mga kaaway ay makipagpayapaan sa kaniya.” (16:7) Hindi pahihintulutan ng Diyos na magutom ang matuwid. (10:3) Kung pararangalan ng isang tao ang Diyos sa pamamagitan ng kaniyang mahahalagang pag-aari, “mapupuno nang sagana ang [kaniyang] mga imbakan ng panustos.” (3:9, 10) Daragdagan Niya ang mga araw ng buhay ng taong iyon.—10:27.
Kung ang isa ay ‘manganganlong’ sa pangalan ni Jehova (na inuunawa at kinikilala ang pangalang iyon ayon sa lahat ng kinakatawanan nito), masusumpungan niya na tulad iyon ng isang matibay na tore, isang dako na noong sinaunang mga panahon ay tinatakbuhan ng mga tao upang makaligtas sa kaaway.—Kaw 18:10; 29:25.
Ang kapakumbabaan sa harap ni Jehova ay nagdudulot ng “kayamanan at kaluwalhatian at buhay.” (Kaw 22:4) Awa at katotohanan ang nais niya; mas mahalaga ang mga ito kaysa sa hain. Yaong mga lumalayo sa kasamaan, natatakot kay Jehova, at naglilingkod sa kaniya sa ganitong paraan ay hindi tatanggap ng kaniyang di-kaayaayang hatol. (Kaw 16:6; ihambing ang 1Sa 15:22.) Sa pamamagitan ng pagkaalam sa mga daan ni Jehova, ang isa ay makasusunod sa “buong landasin ng kabutihan.”—Kaw 2:9.
Pinupuntirya ang Puso. Upang matupad ang layunin nito, pinupuntirya ng aklat ng Mga Kawikaan ang puso. Binabanggit nito nang mahigit sa 75 beses na ang puso ay tumatanggap ng kaalaman, pagkaunawa, karunungan, at kaunawaan; pinagmumulan ng mga salita at mga pagkilos; o naaapektuhan ng iba’t ibang pangyayari at kalagayan. Ang puso ay dapat ituon sa kaunawaan (Kaw 2:2); ang puso ay dapat mag-ingat ng matuwid na mga utos (3:1); dapat isulat ang mga ito ‘sa tapyas ng puso.’ (3:3) Ang puso ay dapat ingatan nang “higit sa lahat.” (4:23) Dapat na buong puso ang pagtitiwala ng isa kay Jehova.—3:5; tingnan ang PUSO.
Disiplina at ang puso. Ipinakikita ng Mga Kawikaan na napakahalaga ng iba’t ibang anyo ng disiplina. (Kaw 3:11, 12) Sinasabi nito: “Ang sinumang umiiwas sa disiplina ay nagtatakwil ng sarili niyang kaluluwa, ngunit ang nakikinig sa saway ay nagtatamo ng puso.” (15:32) Samakatuwid, inaabot ng saway ang puso at binabago ito, anupat tinutulungan ang isa na magtamo ng katinuan o kaunawaan. “Dahil sa kakapusan ng puso [kawalan ng kaunawaan] ay namamatay ang mga mangmang.” (10:21) Sa dahilang ang puso ang dapat maabot sa pagsasanay sa mga anak, sinasabi sa atin: “Ang kamangmangan ay nakatali sa puso ng bata; ang pamalong pandisiplina ang maglalayo nito sa kaniya.”—22:15.
Ang Espiritu at ang Kaluluwa. Ang Mga Kawikaan ay hindi isang aklat na nagsasaad ng karunungan ng hamak na mga tao, kung paano palulugdan o iimpluwensiyahan ang mga tao. Sa halip, inaarok ng Mga Kawikaan ang puso na nakaaapekto sa pag-iisip at motibo, ang espiritu o hilig ng kaisipan, at ang kaluluwa na binubuo ng bawat himaymay ng pagkatao at personalidad ng isa. (Heb 4:12) Bagaman maaaring isipin ng isang tao na tama siya, o maaaring ipagmatuwid niya ang kaniyang mga pagkilos, yamang “ang lahat ng mga lakad ng tao ay dalisay sa kaniyang sariling paningin,” ipinaaalaala sa atin ng Kawikaan 16:2 na “sinusukat ni Jehova ang mga espiritu” at sa gayo’y alam niya kung ano ang saloobin ng isang tao. Ang kalakasan o kapangyarihan ay lubhang pinahahalagahan sa daigdig, ngunit “siyang mabagal sa pagkagalit ay mas mabuti kaysa sa makapangyarihang lalaki, at siyang sumusupil sa kaniyang espiritu kaysa sa bumibihag ng lunsod.”—Kaw 16:32.
Kung kukunin ng isa ang kaalaman at karunungan na nasa aklat na ito na inilaan ng Diyos, malaki ang maitutulong nito sa kaniya upang maging maligaya siya sa buhay sa kasalukuyan at ilalagay siya nito sa daang patungo sa buhay na walang hanggan. Yamang “siyang nagtatamo ng puso ay umiibig sa kaniyang sariling kaluluwa,” ang kinasihang payo at disiplina na nasa aklat, kung susundin, ay magdaragdag ng “kahabaan ng mga araw at mga taon ng buhay” at “magiging buhay sa iyong kaluluwa.” (Kaw 19:8; 3:2, 13-18, 21-26) “Hindi pababayaan ni Jehova na magutom ang kaluluwa ng matuwid.” (10:3) Ipinaalaala ni Solomon: “Siyang tumutupad ng utos ay nag-iingat ng kaniyang kaluluwa.”—19:16.
Kaugnayan sa Iba. Inilalarawan ng Mga Kawikaan ang tunay na lingkod ng Diyos bilang isa na gumagamit ng kaniyang dila sa ikabubuti (Kaw 10:20, 21, 31, 32), na hindi nagsasalita nang may kabulaanan ni nananakit man ng iba sa pamamagitan ng di-pinag-isipang mga salita. (12:6, 8, 17-19; 18:6-8, 21) Kapag pinukaw sa galit, pinapawi niya ang pagngangalit ng kaniyang kalaban sa pamamagitan ng mahinahong sagot. (15:1; 25:15) Hindi siya nasisiyahan sa pakikipagtalo o pakikipag-away, at nagpipigil siya laban sa pagsilakbo sa galit, yamang batid niya na dahil dito ay maaari siyang makagawa ng kamangmangan na hindi na malulunasan. (Kaw 14:17, 29; 15:18; ihambing ang Col 3:8.) Sa katunayan, iniiwasan niya ang pakikisama sa mga hindi nagpipigil ng galit at sa mga magagalitin, sapagkat alam niya na dadalhin siya ng mga ito sa silo.—Kaw 22:24, 25; ihambing ang 13:20; 14:7; 1Co 15:33.
Gumawa ng mabuti, hindi ng masama. Hinihimok ng kinasihang Mga Kawikaan ang isa na magkusang gumawa ng mabuti sa iba. Hindi lamang siya dapat gumawa ng kabutihan sa mga ‘tumatahang may katiwasayan’ kasama niya, sa mga hindi gumagawa ng masama sa kaniya (Kaw 3:27-30), kundi hinihimok din siyang gantihan ng mabuti ang masama. (25:21, 22) Dapat niyang maingat na bantayan ang kaniyang puso, na hindi niya lihim na ikagalak ang kapahamakang sumapit sa isa na kinayayamutan niya o sa isa na napopoot sa kaniya.—17:5; 24:17, 18.
Tsismis at paninirang-puri. Maraming sinasabi sa aklat ng Mga Kawikaan tungkol sa suliranin, pighati, at pinsala na dulot ng tsismis, gayundin sa kalubhaan ng pagkakasala ng isa na nagkakalat nito. Ang ‘piling piraso ng pagkain’ mula sa maninirang-puri ay “nilululon nang may kasibaan” ng nakikinig at hindi binabale-wala kundi tumitimo sa isip, anupat bumababa “sa mga kaloob-loobang bahagi ng tiyan.” Kaya naman nagiging sanhi ito ng suliranin, at ang nagkuwento ay hindi ‘makapaghuhugas ng kaniyang kamay’ mula sa pagkakasala. Bagaman waring nagmamagandang-loob ang gayong tao at maaaring maikubli niya ang tunay na kalagayan ng kaniyang puso, titiyakin ng Diyos na ang poot at kasamaan na aktuwal na nasa loob niya ay “malalantad sa kongregasyon.” Mahuhulog siya sa hukay na dinukal niya para sa iba.—Kaw 26:22-28.
Mga ugnayang pampamilya. Mahigpit na ipinapayo ng Mga Kawikaan ang pagiging tapat sa asawa. Ang isa ay dapat makasumpong ng kaluguran sa ‘asawa ng kaniyang kabataan’ at hindi dapat humanap ng kasiyahan sa iba. (Kaw 5:15-23) Ang pangangalunya ay magdudulot ng kapahamakan at kamatayan sa mga gumagawa nito. (5:3-14; 6:23-35) Ang mabuting asawang babae ay isang “korona” at pagpapala sa kaniyang asawa. Ngunit kapag gumagawi nang kahiya-hiya ang babae, siya’y ‘parang kabulukan sa mga buto ng kaniyang asawa.’ (12:4) At kahit ang manirahang kasama ng asawang babae na mahilig makipagtalo ay nakasisiphayo sa isang lalaki. (25:24; 19:13; 21:19; 27:15, 16) Maganda man at kahali-halina ang kaniyang panlabas na kaanyuan, siya’y tulad ng “gintong singsing na pang-ilong na nasa nguso ng baboy.” (11:22; 31:30) Sa katunayan, ginigiba ng babaing mangmang ang kaniyang sariling bahay. (14:1) Malinaw na inilalarawan sa Kawikaan kabanata 31 ang natatanging halaga ng mabuting asawang babae—ang kaniyang kasipagan, pagiging mapagkakatiwalaan, at pangangasiwa sa sambahayan taglay ang katapatan at pagpapasakop sa kaniyang asawa.
Ipinakikita sa aklat na ang mga magulang ang lubos na may pananagutan sa kanilang mga anak, at idiniriin ang kahalagahan ng disiplina. (Kaw 19:18; 22:6, 15; 23:13, 14; 29:15, 17) Itinatampok ang pananagutan ng ama, ngunit dapat igalang ng anak kapuwa ang kaniyang ama at ina kung nais niya ng buhay mula kay Jehova.—19:26; 20:20; 23:22; 30:17.
Pangangalaga sa mga hayop. Maging ang pagmamalasakit sa mga alagang hayop ay binibigyang-pansin sa Mga Kawikaan. “Pinangangalagaan ng matuwid ang kaluluwa ng kaniyang alagang hayop.” (Kaw 12:10) “Dapat mo ngang alamin ang kaanyuan ng iyong kawan.”—27:23.
Katatagan at pagkamapananaligan ng pamahalaan. Ang Mga Kawikaan ay naglalahad ng mga simulain ng mabuting pamamahala. Dapat na lubusang siyasatin ng mga taong may mataas na katayuan, gaya ng mga hari, ang mga bagay-bagay (Kaw 25:2), dapat silang magpakita ng maibiging-kabaitan at katapatan (20:28), at dapat silang maging makatarungan sa kanilang mga sakop (29:4; 31:9), kasama na rito ang mga maralita (29:14). Hindi sila dapat gumamit ng mga taong balakyot bilang mga tagapayo kung nais nilang ang pamamahala ay matibay na maitatag sa pamamagitan ng katuwiran. (25:4, 5) Ang isang lider ay dapat na may kaunawaan at napopoot sa di-tapat na pakinabang.—28:16.
Samantalang “katuwiran ang nagtatanyag sa isang bansa” (Kaw 14:34), nagbubunga naman ng mabuway na pamahalaan ang pagsalansang. (28:2) Lubha ring nakasisira sa katatagan ang paghihimagsik, at sa Kawikaan 24:21, 22 ay ipinapayo ang hindi pakikisangkot dito: “Anak ko, matakot ka kay Jehova at sa hari. Sa kanila na pabor sa pagbabago ay huwag kang manghihimasok. Sapagkat ang kanilang kasakunaan ay darating nang biglang-bigla, anupat sino ang makababatid sa pagkalipol ng mga pabor sa pagbabago?”
Kapaki-pakinabang sa Pagpapayo. Yamang ang Mga Kawikaan ay sumasaklaw sa maraming pitak ng pamumuhay ng tao, maaaring gamitin ang mga ito bilang saligan sa pagbibigay ng saganang praktikal na payo at paalaala, kung paanong gayundin ang ginawa ng mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. “Ang puso ng matuwid ay nagbubulay-bulay upang makasagot.” (Kaw 15:28) Gayunman, hindi katalinuhan na magpayo sa mga manunuya. “Siyang nagtutuwid sa manunuya ay nagdudulot ng kasiraang-puri sa kaniyang sarili, at siyang sumasaway sa balakyot—isang kapintasan sa kaniya. Huwag mong sawayin ang manunuya, upang hindi ka niya kapootan. Sawayin mo ang taong marunong at iibigin ka niya.” (Kaw 9:7, 8; 15:12; ihambing ang Mat 7:6.) Hindi lahat ng tao ay manunuya, kaya naman kung ang isa ay nasa kalagayang magpayo sa iba, dapat niyang gawin iyon, gaya ng itinatawag-pansin ng mga salitang: “Ang mga labi ng matuwid ay nagpapastol sa marami.”—Kaw 10:21.
[Kahon sa pahina 69]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG MGA KAWIKAAN
Isang aklat na binubuo ng mga seksiyon na nasa anyong diskurso at ng mga koleksiyon ng pantas na mga kasabihan may kinalaman sa praktikal na mga situwasyon sa buhay
Bagaman si Haring Solomon ang kinikilalang kumatha ng kalakhang bahagi ng Mga Kawikaan, noon lamang panahon ng paghahari ni Hezekias natipon ang kabuuan nito
Nakahihigit na halaga ng karunungan
Karunungan, lakip ang pagkaunawa, ang siyang pangunahing bagay (4:5-8; 16:16)
Mga bagay na kailangan upang magtamo ng karunungan (2:1-9; 13:20)
Mga kapakinabangang dulot ng karunungan, gaya ng katiwasayan, proteksiyon, karangalan, at isang mas mahaba at mas maligayang buhay (2:10-21; 3:13-26, 35; 9:10-12; 24:3-6, 13, 14)
Ang personipikasyon ng karunungan ang naging kamanggagawa ni Jehova (8:22-31)
Ang masasaklap na kahihinatnan ng hindi pagkilos nang may karunungan (1:24-32; 2:22; 6:12-15)
Wastong saloobin tungkol kay Jehova
Magtiwala kay Jehova (3:5, 6; 16:20; 18:10; 29:25)
Matakot sa kaniya at iwasan ang kasamaan (3:7; 10:27; 14:26, 27; 16:6; 19:23)
Parangalan siya, suportahan ang tunay na pagsamba (3:9, 10)
Tanggapin ang kaniyang disiplina bilang kapahayagan ng kaniyang pag-ibig (3:11, 12)
Pahalagahan ang kaniyang salita (3:1-4; 30:5, 6)
Alamin kung ano ang kinapopootan ni Jehova at kumilos kasuwato ng kaalamang ito (6:16-19; 11:20; 12:22; 16:5; 17:15; 28:9)
Kung palulugdan natin si Jehova, pangangalagaan at ipagsasanggalang niya tayo, at diringgin niya ang ating mga panalangin (10:3, 9, 30; 15:29; 16:3)
Maiinam na payo na umuugit sa buhay pampamilya
Ang asawang babaing may kakayahan ay isang pagpapala mula kay Jehova (12:4; 14:1; 18:22; 31:10-31)
Dapat sanayin at disiplinahin ng mga magulang ang kanilang mga anak (13:1, 24; 22:6, 15; 23:13, 14; 29:15, 17)
Ang mga anak ay dapat magpakita ng matinding paggalang sa kanilang mga magulang (1:8, 9; 4:1-4; 6:20-22; 10:1; 23:22-26; 30:17)
Ang pag-ibig at kapayapaan ay lubhang kanais-nais na mamalas sa tahanan (15:16, 17; 17:1; 19:13; 21:9, 19)
Paglabanan ang imoralidad upang maiwasan ang maraming kirot at pagdurusa (5:3-23; 6:23-35; 7:4-27; 9:13-18)
Mga katangiang dapat linangin at mga katangiang dapat iwasan
Linangin ang maibiging konsiderasyon sa dukha at napipighati (3:27, 28; 14:21, 31; 19:17; 21:13; 28:27)
Maging bukas-palad, iwasan ang kasakiman (11:24-26)
Linangin ang pagiging masikap; huwag maging tamad (6:6-11; 10:26; 13:4; 20:4; 24:30-34; 26:13-16)
Ang kahinhinan at kapakumbabaan ay nagdudulot ng karangalan; ang kapangahasan at pagmamapuri ay humahantong sa kahihiyan (11:2; 16:18, 19; 25:6, 7; 29:23)
Magpigil ng sarili may kaugnayan sa pagkagalit (14:29; 16:32; 25:28; 29:11)
Iwasan ang mapaminsalang saloobin o ang pagnanais na maghiganti (20:22; 24:17, 18, 28, 29; 25:21, 22)
Magsagawa ng katuwiran sa lahat ng bagay (10:2; 11:18, 19; 14:32; 21:3, 21)
Praktikal na mga panuntunan para sa pang-araw-araw na pamumuhay
Tumugon sa disiplina, saway, payo (13:18; 15:10; 19:20; 27:5, 6)
Maging isang tunay na kaibigan (17:17; 18:24; 19:4; 27:9, 10)
Maging maingat sa pagpapaunlak sa pagkamapagpatuloy ng iba (23:1-3, 6-8; 25:17)
Walang kabuluhan ang materyalismo (11:28; 23:4, 5; 28:20, 22)
Nagdudulot ng mga pagpapala ang pagpapagal (12:11; 28:19)
Linangin ang katapatan sa negosyo (11:1; 16:11; 20:10, 23)
Mag-ingat sa pagiging tagapanagot para sa iba, lalo na para sa mga taong di-kilala (6:1-5; 11:15; 22:26, 27)
Iwasan ang di-kaayaayang pananalita; tiyaking nakapagpapatibay ang iyong pananalita (10:18-21, 31, 32; 11:13; 12:17-19; 15:1, 2, 4, 28; 16:24; 18:8)
Mapandaya ang labis na pagpuri (28:23; 29:5)
Iwasan ang mga away (3:30; 17:14; 20:3; 26:17)
Umiwas sa masasamang kasama (1:10-19; 4:14-19; 22:24, 25)
Matutong makitungo nang may karunungan sa mga manunuya at gayundin sa mga mangmang (9:7, 8; 19:25; 22:10; 26:4, 5)
Iwasan ang mga silo ng matapang na inumin (20:1; 23:29-35; 31:4-7)
Huwag kainggitan ang balakyot (3:31-34; 23:17, 18; 24:19, 20)