Ayon kay Lucas
14 Sa isa pang pagkakataon, noong araw ng Sabbath, pumunta siya sa bahay ng isa sa mga pinuno ng mga Pariseo para kumain,+ at binabantayan nila siyang mabuti. 2 Naroon sa harap niya ang isang taong minamanas. 3 Kaya tinanong ni Jesus ang mga eksperto sa Kautusan at mga Pariseo: “Puwede bang magpagaling kapag Sabbath o hindi?”+ 4 Pero hindi sila sumagot. Kaya hinawakan niya ang lalaki, pinagaling ito, at pinauwi. 5 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila: “Kung mahulog sa balon ang inyong anak o toro+ sa araw ng Sabbath, sino sa inyo ang hindi kikilos agad para iahon ito?”+ 6 Hindi sila nakasagot.
7 Napansin niya na pinipili ng mga inimbitahan ang mga upuan para sa importanteng mga bisita,+ kaya nagbigay siya ng isang ilustrasyon: 8 “Kapag may nag-imbita sa iyo sa isang handaan sa kasal, huwag mong piliin ang mga upuan para sa importanteng mga bisita.+ Baka may inimbitahan siya na mas prominente kaysa sa iyo. 9 Kaya lalapitan ka ng nag-imbita sa iyo at sasabihin niya, ‘Ibigay mo sa taong ito ang upuan mo.’ At mapapahiya ka at lilipat sa pinakapangit na puwesto.* 10 Kaya kapag inimbitahan ka, umupo ka sa pinakapangit na puwesto. At lalapitan ka ng nag-imbita sa iyo at sasabihin niya, ‘Kaibigan, pumunta ka sa mas magandang puwesto.’ Sa gayon, mapararangalan ka sa harap ng lahat ng bisita.*+ 11 Dahil ang bawat isa na nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa, at sinumang nagbababa ng kaniyang sarili ay itataas.”+
12 Pagkatapos, sinabi rin niya sa nag-imbita sa kaniya: “Kapag naghanda ka ng tanghalian o hapunan, huwag mong tawagin ang iyong mga kaibigan, kapatid, kamag-anak, o mayayamang kapitbahay. Dahil baka imbitahan ka rin nila, at masusuklian na ang ginawa mo.+ 13 Sa halip, kapag naghanda ka, imbitahan mo ang mahihirap, mga pilay, mga bulag, at iba pang may kapansanan;+ 14 at magiging maligaya ka, dahil wala silang maisusukli sa iyo.+ Susuklian ka sa pagkabuhay-muli+ ng mga matuwid.”
15 Nang marinig ito ng isa sa mga bisita, sinabi niya kay Jesus: “Maligaya siya na kumakain sa Kaharian ng Diyos.”
16 Sinabi ni Jesus sa kaniya: “May isang tao na naghanda ng isang engrandeng hapunan,+ at marami siyang inimbitahan. 17 Nang oras na ng hapunan, isinugo niya ang kaniyang alipin para sabihin sa mga inimbitahan, ‘Halikayo, dahil nakahanda na ang lahat.’ 18 Pero nagdahilan silang lahat.+ Sinabi ng isa, ‘Bumili ako ng bukid at kailangan kong puntahan iyon para tingnan; pasensiya ka na, hindi ako makakapunta.’ 19 At sinabi ng isa pa, ‘Bumili ako ng limang pares ng baka* at kailangan kong tingnan* ang mga iyon; pasensiya ka na, hindi ako makakapunta.’+ 20 Sinabi naman ng isa, ‘Bagong kasal ako kaya hindi ako makakapunta.’ 21 Kaya bumalik ang alipin at sinabi ang mga ito sa panginoon niya. Nagalit ang panginoon at sinabi sa alipin, ‘Dali, pumunta ka sa malalapad na daan at mga kalye ng lunsod, at isama mo rito ang mahihirap, mga bulag, mga pilay, at iba pang may kapansanan.’ 22 Pagkabalik ng alipin, sinabi niya, ‘Panginoon, nagawa na ang iniutos mo, pero may lugar pa.’ 23 Kaya sinabi ng panginoon sa alipin, ‘Pumunta ka sa mga lansangan at mga daan, at pilitin mo silang pumasok sa bahay ko para mapuno ito.+ 24 Dahil sinasabi ko sa inyo, walang isa man sa mga inimbitahan ko ang makakatikim ng inihanda kong hapunan.’”+
25 At marami ang naglalakbay kasama niya, at lumingon siya sa kanila at sinabi niya: 26 “Kung ang sinuman ay lumalapit sa akin at hindi napopoot sa kaniyang ama, ina, asawang babae, mga anak, mga kapatid na lalaki at babae, oo, kahit sa sarili niyang buhay,+ hindi siya puwedeng maging alagad ko.+ 27 Ang sinumang hindi nagpapasan sa kaniyang pahirapang tulos at hindi sumusunod sa akin ay hindi puwedeng maging alagad ko.+ 28 Halimbawa, sino sa inyo na gustong magtayo ng bahay* ang hindi muna uupo at kukuwentahin ang gastusin para malaman kung sapat ang pera niya para matapos iyon? 29 Dahil baka mailagay niya ang pundasyon nito pero hindi niya matapos ang pagtatayo, at pagtatawanan siya ng lahat ng nakakakita, 30 at sasabihin nila: ‘Nagsimulang magtayo ang taong ito pero hindi naman pala kayang tapusin.’ 31 O sinong hari na makikipagdigma sa isa pang hari ang hindi muna uupo at hihingi ng payo kung matatalo ng kaniyang 10,000 sundalo ang 20,000 sundalo ng kalaban?+ 32 At kung hindi nga niya kaya, magsusugo siya ng isang grupo ng mga embahador at makikipagpayapaan habang malayo pa ang kalaban. 33 Sa katulad na paraan, walang isa man sa inyo ang puwede kong maging alagad kung hindi ninyo iiwan ang* lahat ng pag-aari ninyo.+
34 “Kapaki-pakinabang ang asin. Pero kung mawala ang alat nito, paano maibabalik ang lasa nito?+ 35 Hindi na ito magagamit sa lupa o maihahalo sa pataba. Itinatapon na lang ito ng mga tao. Ang may tainga ay makinig.”+