Mga Tampok sa Bibliya Kawikaan 1:1–31:31
Matakot kay Jehova at Ikaw ay Liligaya
“Ang pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng karunungan.” (Kawikaan 9:10) Anong linaw na ipinakikita ito sa Kawikaan! Ang aklat na ito ng Bibliya, na natapos humigit-kumulang noong 716 B.C.E., ay tumutulong sa atin na magpakita ng karunungan, at ikapit sa tamang paraan ang kaalaman. Makinig sa mga kasabihang ito ng karunungan at ikaw ay liligaya.
Makinig sa Karunungan
Basahin ang Kawikaan 1:1–2:22. “Ang pagkatakot kay Jehova” ang mismong diwa ng kaalaman. Kung tayo’y tatanggap ng disiplina, tayo’y hindi makikiisa sa mga makasalanan sa gawang masama. Sa mga natatakot kay Jehova, siya’y nagbibigay ng karunungan na naglalayo sa kanila sa mga manggagawa ng kasamaan.
◆ 1:7—Ano ba “ang pagkatakot kay Jehova”?
Ito ay nasisindak, napakatinding pagpapakundangan, at isang kapaki-pakinabang na pangambang tayo’y hindi makalugod sa kaniya dahilan sa ating pinahahalagahan ang kaniyang maibiging-awa at kabutihan. Ang “pagkatakot kay Jehova” ay nangangahulugan ng pagkilala na siya ang Kataas-taasang Hukom at ang Makapangyarihan-sa-lahat, na may karapatan at kapangyarihan na magdala ng kaparusahan o kamatayan sa mga sumusuway sa kaniya. Nangangahulugan din iyon ng paglilingkod sa Diyos nang may katapatan, na nagtitiwalang lubusan sa kaniya, at napopoot sa masama sa kaniyang paningin.—Awit 2:11; 115:11; Kawikaan 8:13.
◆ 2:7—Ano ba ang integridad?
Ang mga terminong Hebreo na may kinalaman sa integridad ay may ugat na kahulugan na yaong “buo” o “kompleto.” Kadalasan ang mga ito ay tumutukoy sa moral na katatagan at pagkamatuwid. “Yaong mga lumalakad sa integridad” ay di nagbabago ng debosyon kay Jehova. Para sa gayong “mga matuwid” siya ay isang nagliligtas na “kalasag” sapagkat sila’y nagpapakita ng tunay na karunungan at sumusunod sa kaniyang matuwid na mga pamantayan.
Aral para sa Atin: Kung tayo’y natatakot kay Jehova, ating tatanggapin ang disiplina na ibinibigay niya sa pamamagitan ng kaniyang Salita at organisasyon. Ang hindi nating paggawa nito ay maglalagay sa atin sa uri na “mga mangmang,” mga likong makasalanan. Kaya tanggapin natin ang kaniyang maibiging disiplina.—Kawikaan 1:7; Hebreo 12:6.
Pahalagahan ang Karunungan
Basahin ang Kawikaan 3:1–4:27. Upang magkaroon ng mabuting unawa, “magtiwala ka kay Jehova nang buong puso mo.” Ang kaligayahan ay tinatamasa ng mga taong lubhang nagpapahalaga sa karunungan. Ang kanilang landas ay tulad sa isang ilaw na patuloy na lumiliwanag, ngunit kailangang ingatan nila ang puso.
◆ 4:18—Papaanong ‘ang landas ng matuwid’ ay lalong nagliliwanag?
Ang sikat ng araw ay patuloy na nagliliwanag mula bukang-liwayway hanggang sa “malubos ang araw.” Sa katulad na paraan, ang espirituwal na ilaw ay lalong nagliliwanag para sa bayan ni Jehova habang lumalakad ang panahon. Habang tayo’y papalapit sa mga pangyayari, ang ating kaunawaan sa katuparan ng mga layunin ni Jehova ay nagiging lalong malinaw. Ang kinasihang mga hula ay nauunawaan natin samantalang iniilawan ito ng banal na espiritu ng Diyos, at samantalang natutupad sa mga pangyayari sa daigdig o sa karanasan ng bayan ni Jehova. Sa gayon ang kanilang ‘landas ay sumisikat na paliwanag nang paliwanag.’
Aral para sa Atin: Ang pagpapakita ng tunay na karunungan at pagsunod sa mga utos ng Diyos ang mag-iingat sa atin laban sa pagsunod sa isang landas ng kamangmangan na maaaring umakay sa atin sa maagang kamatayan. Halimbawa, silang mga nagwawalang-bahala sa mga utos ni Jehova laban sa imoralidad sa sekso ay maaaring mahawa sa mga sakit na naililipat sa pamamagitan ng seksuwal na pakikipagtalik at ito’y magbubunga ng maagang kamatayan. Kaya kumilos tayo na kasuwato ng mga kahilingan ng Diyos, sapagkat kung magkagayon ay magiging “isang punungkahoy ng buhay” ang karunungan sa ganang atin.—Kawikaan 3:18.
Mga Paraan Upang Makapagpakita ng Karunungan
Basahin ang Kawikaan 5:1–9:18. Isang pagpapakita ng karunungan ang pag-iwas sa imoralidad at “pakikigalak sa asawa ng iyong kabataan.” Pitong bagay na kasuklam-suklam kay Jehova ang binabanggit, at nagbibigay ng babala laban sa mga panghihikayat ng isang patutot. Ang karunungan na kinakatawan ng isang persona ay ang “dalubhasang manggagawa” ng Diyos. At ang “pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng karunungan.”
◆ 6:1-5—Ang payo bang ito ay laban sa espiritu ng pagkabukas-palad?
Ang kawikaang ito ay hindi sumisira ng loob laban sa pagkabukas-palad, bagama’t nagpapayo laban sa pagkasangkot sa pakikipagkalakalan sa iba, lalo na sa mga taong di mo kilala. Sa mga Israelita ay iniutos na tulungan nila ang kanilang kapatid na ‘naging dukha.’ (Levitico 25:35-38) Subalit ang iba ay napasangkot sa mapagbaka-sakaling pangangalakal at nakakuha ng mamumuhunan sa kanila sa pamamagitan ng pagkumbinsi sa mga iba na ‘maging pagador’ para sa kanila, na nangangakong babayaran ang kanilang mga pinagkautangan kung kinakailangan. Kung ang isang tao’y napalagay sa ganiyang katayuan, marahil sa pamamagitan ng pagmamayabang, ang matalinong payo ay lumabas siya roon nang walang pagpapaliban.—Kawikaan 11:15.
◆ 8:22-31—Ito ba ay isa lamang paglalarawan sa karunungan?
Hindi, sapagkat ang karunungan sa tuwina ay isang katangian ng walang-hanggang Diyos. (Job 12:13) Subalit, dito ay sinasabi na ang karununga’y ‘ginawa’ at “nasa tabi [ni Jehova] na gaya ng isang dalubhasang manggagawa” sa panahon ng paglalang sa lupa. Ang pagpapakilala sa karunungan bilang sumasagisag sa Anak ng Diyos ay katugma ng katotohanan na “maingat na nakatago sa kaniya ang lahat ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman.”—Colosas 1:15, 16; 2:3.
Aral para sa Atin: Sa pagbanggit ng kaniyang “hain sa kapayapaan” at “mga panata,” ang babaing imoral sa Kawikaan kabanata 7 ay baka nagpapahiwatig na siya ay hindi nagkukulang sa espirituwalidad. Ang mga hain sa kapayapaan ay karne, arina, langis, at alak. (Levitico 19:5, 6; 22:21; Bilang 15:8-10) Kaya’t kaniyang ipinakikita na maraming makakain at maiinom sa kaniyang bahay, at ang “binatang walang bait” ay makapagsasaya roon. Karaniwan nang ipinakikita nito kung paanong ang isang taong may maling motibo ay naaakay sa imoralidad. Anong pagkahala-halaga nga na pakinggan ang babalang ito at iwasan ang gayong mga pagkakasala laban sa Diyos!—Genesis 39:7-12.
Nakapupukaw-Isip na mga Pagkakasalungatan
Basahin ang Kawikaan 10:1–15:33. Ang mga Kawikaan ni Solomon ay nagsisimula ang karamihan sa mga kasabihang nagkakasalungatan. “Ang pagkatakot kay Jehova” ang idiniriin.—10:27; 14:26, 27; 15:16, 33.
◆ 10:25—Bakit binabanggit ang isang “ipuipo”?
Palibhasa’y walang pundasyon ng matuwid na mga prinsipyo, ang mga balakyot ay tulad ng mabuway na mga gusali na gumuguho sa malalakas na bagyo. Subalit ang mga matuwid ay matatatag sapagkat ang kanilang pag-iisip ay matibay na nakatayo sa maka-Diyos na mga prinsipyo. Gaya ng isang bahay na may matatag na pundasyon, sila’y hindi gumuguho kahit mapalagay sa panggigipit.—Mateo 7:24-27.
◆ 11:22—Paano ngang isang babae ay magiging gaya ng isang hiyas na ginto sa nguso ng baboy?
Ang isang hiyas na ginto na isinusukbit sa isang tabi ng ilong o sa partisyon na nasa pagitan ng mga butas ng ilong ay nagpapahiwatig na ang may suot nito ay isang taong talisik sa kultura. Subalit ang mga Israelita ay naniniwala na karumal-dumal ang baboy at nakapandidiri. Kaya’t ang isang maganda ngunit walang-bait na babae ay gaya ng isang gintong hiyas na nakalagay sa di-angkop paglagyan, ang nguso ng baboy.
◆ 14:14—Paano nabubusog ang isang taong taksil?
“Ang taong taksil” ay nabubusog sa kanilang materyalistikong istilo ng pamumuhay. (Awit 144:11-15a) Walang kabuluhan sa kaniya na gawin kung ano ang matuwid sa mga mata ng Diyos, at hindi niya pinag-iisipan ang tungkol sa anumang pagsusulit kay Jehova. (1 Pedro 4:3-5) Ngunit “ang mabuting tao” ay lumalayo sa mga gawa ng mga taong taksil at nabubusog “sa bunga ng kaniyang mga pakikitungo.” Ang inuuna niya’y mga kapakanang espirituwal, siya’y kumakapit nang mahigpit sa mga pamantayan ng Diyos, taglay ang pinakamalaking kagalakan na paglilingkod sa Kaniya, at nasisiyahan sa mga pagpapala ng Diyos.—Awit 144:15b.
◆ 15:23—Paano tayo ‘magagalak sa sagot ng ating bibig’?
Ito’y maaaring mangyari kung ang ating payo ay pinakinggan at nagbunga ng mabuti. Subalit upang matulungan ang sinuman, kailangang makinig tayong maingat, pagtimbang-timbangin natin ang mga bagay-bagay na may kaugnayan sa kaniyang problema, at sa Bibliya isalig ang ating payo. Ang gayong “salita sa tamang panahon ay Oh anong buti!”
Aral para sa Atin: Ang “taong mangmang” ay agad nagagalit pagka siya’y ininsulto o “siniraang-puri,” “sa araw ding iyon.” Subalit “ang taong mabait”—na isang taong pantas—ay nananalangin para magtamo ng espiritu ng Diyos upang siya’y makapagpigil sa sarili at makasunod sa Kaniyang Salita. (Kawikaan 12:16) Sa paggawa nito, maiiwasan natin ang mahulog sa higit pang pakikipag-alitan na ang bunga’y emosyonal o pisikal na pinsala sa ating sarili o sa iba.
Mga Kawikaan na May mga Kahawig
Basahin ang Kawikaan 16:1–24:34. Ang mga pantas na kasabihang ito ni Solomon ay nagsisilbing giya sa pamamagitan ng nagkakahawig na mga diwa. Idiniriin na naman ang “pagkatakot kay Jehova.”—16:6; 19:23; 22:4; 23:17; 24:21.
◆ 17:19—Ano ang masama sa isang mataas na pasukang pintuan?
Yaong mga tao na ang mga bahay at mga tahanan ay hindi mabababa ang mga pinto ang nanganganib na pasukin ng mga lalaking nangangabayo at kunin ang kanilang mga ari-arian. Sa kawikaang ito ay maaari ring tinutukoy ang bibig bilang isang pinaka-pintuan na itinaas sa pamamagitan ng aroganteng pagsasalita at paghahambog. Ang gayong pagsasalita ay pinagmumulan ng alitan at sa wakas ay humahantong sa kapahamakan.
◆ 19:17—Bakit ang pagtulong sa dukha ay tulad ng pagpapautang kay Jehova?
Ang mga dukha ay pag-aari ng Diyos, at ating ginagawa sa kanila ay ibinibilang na ginagawa sa kaniya. (Kawikaan 14:31) Kung ang pag-ibig at pagkabukas-palad ang nagtutulak sa atin upang magpakita ng kabaitan sa mga dukha o magbigay ng mga regalo sa mga maralita, na hindi inaasahang gagantihin tayo, ang gayong pagbibigay ay itinuturing ni Jehova na mga pagpapautang sa kaniya at kaniyang babayaran ng biyaya at mga pagpapala.—Lucas 14:12-14.
◆ 20:1—Paanong ang alak ay “manunuya”?
Ang isang nagpapakalabis sa alak ay maaaring kumilos nang katawa-tawa at may kaguluhan. Yamang ang gayong pagpapakalabis ng pag-inom ay maaaring humantong sa gayong kasamaan, kailangang iwasan ito ng mga Kristiyano.—1 Timoteo 3:2, 3, 8; 1 Corinto 6:9, 10; Kawikaan 23:20, 21.
◆ 23:27—Paano ngang ang isang patutot ay isang “hukay” at isang “balon”?
Kung paanong ang mga hayop ay nahuhuli pagka nahulog sa ‘malalalim na hukay’ na hinukay ng mga mangangaso, gayundin na ang mga suki ng isang patutot ay nasisilo sa imoralidad. “Ang babaing di kilala” ay tumutukoy sa isang patutot, walang alinlangan dahil sa ang karamihan ng mga patutot sa Israel ay di-kilalang mga banyaga. Ang pagkuha ng tubig sa “isang makitid na balon” ay isang mahirap na gawain sapagkat ang mga sisidlang luwad ay madaling mabasag ang mga tabi. Sa katulad na paraan, ang mga taong nakikitungo sa mga patutot ay maaaring dumanas ng emosyonal at pisikal na mga kalamidad.—Kawikaan 7:21-27.
Aral para sa Atin: “Ang sinungaling na saksi” ay nagpapakita ng kawalang-galang sa Diyos at maaaring patayin sa ilalim ng Kautusan. Sa ganoon ay maaari siyang “pumanaw” sa mga kamay ng mga tao o ni Jehova. (Kawikaan 21:28; Deuteronomio 5:20; 19:16-21; ihambing ang Gawa 5:1-11.) Subalit ‘ang taong nakikinig’ na mabuti ay nagsasalita tangi lamang kung natitiyak niya kung ano ang kaniyang narinig. Ang kaniyang patotoo ay tumatayo “magpakailanman,” at sa bandang huli ay hindi tinatanggihan bilang kasinungalingan. Isa pa, siya’y hindi pinapatay bilang isang bulaang saksi. Yaong mga tumitestigo sa mga paglilitis ng hukumang komite ng mga Saksi ni Jehova ay dapat sana na nakikinig nang maingat upang makapagbigay sila ng wastong impormasyon, sapagkat ang di-wasto o sinungaling na pagpapatotoo ay maaaring makapinsala sa espirituwalidad.
Mga Paghahambing na Nagsisilbing Tulong
Basahin ang Kawikaan 25:1–29:27. Ang mga kawikaan ni Solomon na kinopya ng mga tauhan ni Haring Hezekias ay nagtuturo sa kalakhang bahagi sa pamamagitan ng mga paghahambing. Bukod sa ibang mga bagay, ang isa ay hinihimok na dumipende kay Jehova.
◆ 26:6—Bakit gumagawa ng paghahambing tungkol sa ‘pagputol ng mga paa ng isang tao’?
Ang isang taong pumuputol ng kaniyang mga paa ay malulumpo, gaya kung paanong ang isang taong kumukuha ng isang manggagawang “estupido” ay gumagawa ng karahasan na lulumpo sa kaniyang sariling mga kapakanan. Ang isang proyekto na ipinagkatiwala sa isang taong estupido ay mabibigo. Anong laking kapantasan, kung gayon, ang ‘subukin ang mga tao kung karapat-dapat’ bago sila irekomenda sa anumang pananagutan sa kongregasyon!—1 Timoteo 3:10.
◆ 27:17—Paanong ‘napatatalas’ ang mukha?
Kung paanong ang kapirasong bakal ay magagamit upang magpatalas sa isang talim na may kaparehong metal, ang isang tao ay maaari ring magtagumpay sa pagpapatalas ng isip at espirituwal na kalagayan ng iba. Kung dahil sa mga pagkabigo at pakikitungo sa mga taong di-kalugud-lugod ay dinadalaw tayo ng kalungkutan, ang isang kapananampalataya na nakikiramay at nagbibigay sa atin ng pampatibay-loob buhat sa Kasulatan ay maaaring makapagpatibay-loob sa atin nang husto. Ang ating malungkot na mukha ay maaaring magbago at sumaya, at tayo ay sumisigla dahilan sa panibagong pag-asa para muling kumilos.—Kawikaan 13:12.
◆ 28:5—Ano ba ang saklaw ng “lahat ng mga bagay”?
Ang mga taong gumagawa ng masama ay bulag sa espirituwal. (Kawikaan 4:14-17; 2 Corinto 4:4) Sila’y hindi “nakakaunawa ng kahatulan,” o ng matuwid ayon sa mga pamantayan ng Diyos. Kaya naman sila’y hindi makahatol nang tama sa mga bagay-bagay at makagawa ng tumpak na mga desisyon. Subalit silang “humahanap kay Jehova” sa pamamagitan ng panalangin at pag-aaral ng kaniyang Salita ay “nakakaunawa sa lahat ng mga bagay” na kinakailangan upang makapaglingkod sa kaniya nang kalugud-lugod.—Efeso 5:15-17.
◆ 29:8—Paanong ang mga nagsasalita ng kahambugan ay “nagpapasiklab sa isang bayan”?
Ang mga mapaghambog na walang-galang sa awtoridad ay padalus-dalos kung magsalita. Sa gayo’y kanilang pinapag-aalab ang apoy ng pag-aalitan at pinapaypayan nang husto ang mga siklab na anupa’t ang mga naninirahan sa isang buong bayan ay nagsisiklab ang galit. Subalit ang mga taong pantas ay “nagpapaurong ng galit,” nagsasalita nang mahinahon at nang may unawa, sinasabuyan ng tubig ang nagsisiklab na galit at umiiral ang kapayapaan.—Kawikaan 15:1.
Aral para sa Atin: Kung tayo ay mapagmataas, ang ibubunga ng kapalaluan ay ang tayo’y mapababa. (Kawikaan 29:23) Ang isang taong palalo ay malamang na maging pangahas, at ito’y maaaring humantong sa kasiraang-puri, pagkatisod, at pagbagsak. (Kawikaan 11:2; 16:18; 18:12) Maaaring pangyarihin ng Diyos na ang isang mapagmataas ay mapababa, mapalagay sa mababa sa anumang paraan, marahil hanggang sa sukdulan na mapahamak. Ang gayong tao ay naghahangad ng karangalan, subalit nakikita ng mga tao na ang kaniyang mga lakad ay nakapopoot. Subalit, ang isang taong “mapagpakumbaba sa espiritu ay [sa bandang huli] magtatamo ng karangalan.”
‘Mahalagang mga Mensahe’
Basahin ang Kawikaan 30:1–31:31. Ang “mahalagang mensahe” ni Agur ay nagsasabi na “bawat salita ng Diyos ay subok.” Binanggit din ang mga bagay na totoong kagila-gilalas upang maunawaan, at iba pa. (30:1-33) “Ang mahalagang mensahe” na tinanggap ni Lemuel sa kaniyang ina ay nagbibigay ng babala na ang pag-inom ng mga inuming nakalalasing ay maaaring magliko ng paghatol, nagpapayo na ang isa’y humatol nang matuwid, at inilalarawan nito ang isang mabuting asawang babae.—31:1-31.
◆ 30:15, 16—Ano ba ang punto sa mga halimbawang ito?
Ipinaghahalimbawa nito na ang kasakiman ay walang kabusugan. Ang mga linta ay nagpapakabundat sa dugo, gaya rin ng mga taong sakim na laging nagnanasa ng higit pang salapi o kapangyarihan. Gayundin, ang Sheol ay hindi kailanman nasisiyahan kundi palaging bukás upang tumanggap ng higit pang mga biktima ng kamatayan. Ang isang baog na bahay-bata ay ‘humihiyaw’ ng paghingi ng mga anak. (Genesis 30:1) Ang lupa kung tagtuyot ay mabilis sumipsip ng tubig-ulan at hindi nagtatagal ito ay tuyot na naman kung pagmamasdan. At ang apoy na sumunog sa mga bagay na inihahagis doon ay naglalabas ng mga liyab na sumusunog sa anumang maabot nito. Ganiyan din ang mga taong masasakim. Subalit silang pinapatnubayan ng maka-Diyos na karunungan ay hindi roon lumalakad sa landas ng walang-hanggang kaimbutan.
◆ 31:6, 7—Bakit kailangang bigyan ng alak yaong mga may “mapanglaw na kaluluwa”?
Ang nakalalasing na inumin at alak ay pampatulog. Kaya’t ito’y ibinibigay sa “isang papanaw na,” o mamamatay, o sa mga ‘namamanglaw ang kaluluwa’ upang hindi nila gaanong maramdaman ang dinaranas nilang kirot at kahirapan. Ang sinaunang kaugalian na pagbibigay sa mga kriminal ng hinaluan ng gamot na alak upang huwag nilang gaanong maramdaman ang sakit ng kamatayan ay maaaring nagpapaliwanag kung bakit inihandog ito ng mga sundalong Romano kay Jesu-Kristo noong siya’y ibayubay. Kaniyang tinanggihan ang gayong alak sapagkat hindi niya ibig na pumurol bahagya man ang kaniyang mga pakiramdam sa panahong iyon ng pagsubok at sa gayo’y manatiling tapat sa Diyos.—Marcos 15:22-24.
◆ 31:15—Sino itong “mga kabataang babae”?
Mga alilang babae sa sambahayan ang tinutukoy rito. Wala silang dahilan na magreklamo dahilan sa kakulangan ng pagkain o atas na gawain. Ang masipag na asawang babae ay nagbibigay ng pagkain sa kaniyang sambahayan at siya rin ang nag-aasikaso upang ang mga babaing ito ay magkaroon ng makakain at ng gawain.
Aral para sa Atin: Yamang tayo’y di-sakdal, kung minsan baka tayo’y parang walang-isip na ‘nagtataas ng ating sarili,’ nagsisikap na mapataas ang sarili. Kung ating gagawin ito o tayo’y magsasalita nang may galit, dapat na ating “ilagay ang kamay sa bibig,” umiwas ng pagsasalita pa rin na lalong magpapagalit sa isa na nagdamdam sa atin. Kung paanong ang gatas ay binabati upang makagawa ng mantikilya at ang isang nagdurugong ilong ay kadalasang nangangailangang pisilin ang ilong, nagkakaroon ng pag-aaway pagka ang mga tao’y nagbigay-daan sa galit. (Kawikaan 30:32, 33) Sa ganiyang mga kaso, anong laking kapantasan ang tumahimik at umiwas sa paglaki ng suliranin!
Anong daming pakinabang ang makukuha natin sa aklat ng Kawikaan! Pakamahalin natin ang mga kawikaang ito ng kapantasan na umaakay sa mapitagang pagkatakot kay Jehova. Ang pagkakapit nito ay tiyak na magpapaligaya sa atin.