KARUNUNGAN
Ang Biblikal na diwa ng karunungan ay nagdiriin sa matinong pagpapasiya salig sa kaalaman at pagkaunawa; ang kakayahang gamitin nang matagumpay ang kaalaman at pagkaunawa upang lutasin ang mga suliranin, iwasan ang mga panganib, abutin ang mga tunguhin, o payuhan ang iba na gawin ang mga iyon. Kabaligtaran ito ng kamangmangan, kahangalan, at kabaliwan, na madalas na ipinakikitang naiiba sa karunungan.—Deu 32:6; Kaw 11:29; Ec 6:8.
Ang mga pangunahing termino na tumutukoy sa karunungan ay ang Hebreong chokh·mahʹ (pandiwa, cha·khamʹ) at ang Griegong so·phiʹa, kasama ang kaugnay na mga anyo ng mga ito. Nariyan din ang Hebreong tu·shi·yahʹ, na maaaring isalin bilang “mabungang paggawa” o “praktikal na karunungan,” at ang Griegong phroʹni·mos at phroʹne·sis (mula sa phren, ang “pag-iisip”), na nauugnay sa “katinuan,” “pagkamaingat,” o “praktikal na karunungan.”
Ang karunungan ay nagpapahiwatig ng lawak ng kaalaman at lalim ng pagkaunawa, anupat dahil dito ay nagiging matino at malinaw ang pagpapasiya, na isang katangian ng karunungan. Ang taong marunong ay “nag-iingat ng kaalaman,” anupat mayroon siyang mapagkukunan nito. (Kaw 10:14) Bagaman “karunungan ang pangunahing bagay,” sinasabi ng payo na “sa lahat ng iyong matatamo, magtamo ka ng pagkaunawa.” (Kaw 4:5-7) Ang “pagkaunawa” (understanding), na isang malawak na terminong kalimita’y sumasaklaw sa “kaunawaan” (discernment), ay nagpapatibay sa karunungan, anupat nakadaragdag nang malaki sa pagiging maingat at sa malayong pananaw, na kapansin-pansing mga katangian din ng karunungan. Ang pagiging maingat ay nagpapahiwatig ng mabuting pagpapasiya at naipamamalas sa pamamagitan ng pag-iingat, pagpipigil sa sarili, pagiging katamtaman, o pagtitimpi. Ang “taong maingat [anyo ng phroʹni·mos]” ay nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng batong-limpak, palibhasa’y patiuna niyang nakikita ang posibilidad na magkaroon ng isang bagyo; ang taong mangmang naman ay nagtayo ng kaniyang bahay sa buhanginan at dumanas ng kasakunaan.—Mat 7:24-27.
Pinatitibay rin ng pagkaunawa ang karunungan sa iba pang mga paraan. Halimbawa, maaaring sinusunod ng isang tao ang isang partikular na utos ng Diyos dahil alam niyang tama ang gayong pagsunod, at sa gayo’y maituturing siyang marunong. Ngunit kung talagang nauunawaan niya ang dahilan para sa utos na iyon, ang mabuting layunin niyaon, at ang mga pakinabang na makukuha mula roon, lalong tumitibay ang kapasiyahan ng kaniyang puso na magpatuloy sa matalinong landasin na iyon. (Kaw 14:33) Sinasabi ng Kawikaan 21:11 na “sa pagbibigay ng kaunawaan sa taong marunong ay nagtatamo siya ng kaalaman.” Ang taong marunong ay nalulugod na makakuha ng anumang impormasyon na makapagbibigay sa kaniya ng mas malinaw na pangmalas sa mga pangyayari, kalagayan, at mga sanhing nasa likod ng mga suliranin. Sa gayo’y “nagtatamo siya ng kaalaman” sa kung ano ang gagawin niya may kinalaman sa bagay na iyon at nalalaman niya kung anong mga konklusyon ang kaniyang bubuuin, kung ano ang kailangan upang malutas ang suliranin.—Ihambing ang Kaw 9:9; Ec 7:25; 8:1; Eze 28:3; tingnan ang KAUNAWAAN.
Karunungan Mula sa Diyos. Ang karunungan sa ganap na diwa nito ay matatagpuan sa Diyos na Jehova, na “tanging marunong.” (Ro 16:27; Apo 7:12) Ang kaalaman ay ang kabatiran sa mga bagay-bagay, at yamang si Jehova ang Maylalang, na “mula pa sa panahong walang takda hanggang sa panahong walang takda” (Aw 90:1, 2), alam niya ang lahat ng bagay tungkol sa uniberso, ang kayarian at ang lahat ng naririto, pati ang kasaysayan nito magpahanggang sa ngayon. Siya ang gumawa ng lahat ng pisikal na batas, siklo, at mga pamantayan na pinagbabatayan ng mga tao sa kanilang pananaliksik at pag-iimbento, anupat kung wala ang mga pamantayang ito ay mahihirapan sila at wala silang magagamit na matatag na saligan. (Job 38:34-38; Aw 104:24; Kaw 3:19; Jer 10:12, 13) Makatuwiran lamang na ang kaniyang moral na mga pamantayan ay lalong mahalaga para sa katatagan, matinong pagpapasiya, at matagumpay na pamumuhay ng mga tao. (Deu 32:4-6; tingnan ang JEHOVA [Isang Diyos ng moral na mga pamantayan].) Lahat ng bagay ay kaya niyang maunawaan. (Isa 40:13, 14) Bagaman maaaring pahintulutan niyang mangyari, at umunlad pa nga pansamantala, ang mga bagay na salungat sa kaniyang matuwid na mga pamantayan, ang kinabukasan ay nakasalalay pa rin sa kaniya at tiyak na magiging kaayon iyon ng kaniyang kalooban, at “tiyak na magtatagumpay” ang mga bagay na sinalita niya.—Isa 55:8-11; 46:9-11.
Salig sa mga kadahilanang ito, maliwanag na “ang pagkatakot kay Jehova ang siyang pasimula ng karunungan.” (Kaw 9:10) “Sino ang hindi matatakot sa iyo, O Hari ng mga bansa, sapagkat sa iyo nga nararapat; sapagkat sa gitna ng lahat ng marurunong sa mga bansa at sa gitna ng lahat ng kanilang mga pagkahari ay talagang walang sinumang katulad mo.” (Jer 10:7) “Siya ay marunong sa puso at malakas sa kapangyarihan. Sino ang makapagpapakita ng pagkasutil sa kaniya at makaaalpas nang walang pinsala?” (Job 9:4; Kaw 14:16) Dahil sa kaniyang kalakasan, maaari siyang mamagitan sa mga pangyayari sa buhay ng mga tao kailanman niya naisin, anupat minamaniobra ang mga tagapamahala o inaalis sila, at sa gayo’y pinatutunayan niyang hindi nagmimintis ang kaniyang makahulang mga pagsisiwalat. (Dan 2:20-23) Inilalahad ng kasaysayan ng Bibliya ang walang-saysay na mga pagsisikap ng makapangyarihang mga hari at ng kanilang tusong mga tagapayo na makipagtagisan ng karunungan sa Diyos, at itinatampok nito kung paano niya matagumpay na ipinagbangong-puri ang kaniyang mga lingkod na matapat na naghayag ng kaniyang mensahe.—Isa 31:2; 44:25-28; ihambing ang Job 12:12, 13.
“Karunungan ng Diyos sa isang sagradong lihim.” Naging isang hamon sa karunungan ng Diyos ang paghihimagsik na bumangon sa Eden. Ang kaniyang matalinong paraan upang wakasan ang paghihimagsik na iyon—anupat pinapawi ang mga epekto niyaon at isinasauli ang kapayapaan, pagkakasuwato, at kaayusan sa kaniyang pansansinukob na pamilya—ay naging “isang sagradong lihim, ang nakatagong karunungan, na patiunang itinalaga ng Diyos bago pa ang mga sistema ng mga bagay,” samakatuwid nga, ang mga sistemang nabuo noong panahon ng kasaysayan ng tao sa labas ng Eden. (1Co 2:7) Ang mga balangkas ng sagradong lihim na iyon ay makikita sa mga pakikitungo at mga pangako ng Diyos sa kaniyang tapat na mga lingkod sa loob ng maraming siglo. Inilarawan at isinagisag iyon sa tipang Kautusan sa Israel, pati sa pagkasaserdote at mga hain nito, at tinukoy iyon sa di-mabilang na mga hula at mga pangitain.
Sa wakas, pagkatapos ng mahigit na 4,000 taon, ang karunungan ng sagradong lihim na iyon ay isiniwalat sa katauhan ni Jesu-Kristo (Col 1:26-28), na sa pamamagitan niya ay nilayon ng Diyos ang “isang pangangasiwa sa hustong hangganan ng mga takdang panahon, samakatuwid nga, upang muling tipunin ang lahat ng mga bagay kay Kristo, ang mga bagay na nasa langit at ang mga bagay na nasa lupa.” (Efe 1:8-11) Ang paglalaan ng Diyos ng pantubos para sa kaligtasan ng masunuring sangkatauhan at ang kaniyang layunin na magtatag ng isang pamahalaan ng Kaharian, na pinamumunuan ng kaniyang Anak at may kakayahang wakasan ang lahat ng kabalakyutan, ay isiniwalat. Yamang ang dakilang layunin ng Diyos ay itinatag at nakasentro sa kaniyang Anak, “sa atin [na mga Kristiyano],” si Kristo Jesus “ay naging karunungan mula sa Diyos.” (1Co 1:30) “Maingat na nakakubli sa kaniya ang lahat ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman.” (Col 2:3) Tanging sa pamamagitan niya at sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniya, na “Punong Ahente ng [Diyos ukol sa] buhay,” maaaring matamo ang kaligtasan at buhay. (Gaw 3:15; Ju 14:6; 2Ti 3:15) Samakatuwid, hindi magtatamo ng tunay na karunungan ang isa kung hindi niya isasaalang-alang si Jesu-Kristo at kung hindi niya matibay na isasalig ang kaniyang mga pagpapasiya sa layunin ng Diyos ayon sa pagkakasiwalat nito sa katauhan niya.—Tingnan ang JESU-KRISTO (Ang Kaniyang Mahalagang Dako sa Layunin ng Diyos).
Karunungan ng Tao. Sa aklat ng Mga Kawikaan, ang karunungan ay binibigyang-katauhan bilang isang babaing nag-aanyaya sa mga tao na tanggapin ang kaniyang iniaalok. Ipinakikita ng mga ulat na ito at ng kaugnay na mga teksto na ang karunungan ay isang kombinasyon ng maraming bagay: kaalaman, pagkaunawa (understanding, na dito’y kabilang ang kaunawaan [discernment]), kakayahang mag-isip, karanasan, kasipagan, katalinuhan (sa Ingles, shrewdness; ang kabaligtaran ng pagiging labis na mapaniwalain o walang muwang [Kaw 14:15, 18]), at tamang pagpapasiya. Ngunit yamang ang tunay na karunungan ay nagsisimula sa pagkatakot sa Diyos na Jehova (Aw 111:10; Kaw 9:10), higit pa sa ordinaryong karunungan ang nasasangkot sa nakahihigit na karunungang ito, at kasama dito ang pagsunod sa matataas na pamantayan, pagpapakita ng katuwiran at katapatan, at panghahawakan sa katotohanan. (Kaw 1:2, 3, 20-22; 2:2-11; 6:6; 8:1, 5-12) Hindi lahat ng karunungan ay nakaaabot sa nakahihigit na karunungang ito.
Kailanman, ang karunungan ng tao ay hindi ganap, kundi may pasubali. Sa pamamagitan ng kaniyang sariling pagsisikap, maaaring magtamo ang tao ng limitadong karunungan, bagaman sa paanuman ay dapat niyang gamitin ang katalinuhang ipinagkaloob ng Diyos sa tao noong pasimula (binigyan din Niya ng ilang likas na karunungan kahit ang mga hayop [Job 35:11; Kaw 30:24-28]). Ang tao ay natututo mula sa pagmamasid at paggamit sa mga materyales ng paglalang ng Diyos. Ang karunungang iyon ay maaaring nagkakaiba-iba sa uri at lawak. Ang salitang Griego na so·phiʹa ay kadalasang ikinakapit sa kasanayan sa isang partikular na hanapbuhay o trabaho, sa kadalubhasaan at mahusay na pangangasiwa at pagpapasiya sa mga larangan ng pamahalaan at negosyo, o sa malawak na kaalaman sa isang partikular na larangan ng siyensiya o pananaliksik ng tao. Sa katulad na paraan, ang Hebreong chokh·mahʹ at cha·khamʹ ay ginagamit upang ilarawan ang ‘kadalubhasaan’ ng mga magdaragat at mga tagatapal ng barko (Eze 27:8, 9; ihambing ang Aw 107:23, 27) at ng mga manggagawa sa bato at sa kahoy (1Cr 22:15), gayundin ang karunungan at kadalubhasaan ng iba pang mga bihasang manggagawa, na ang ilan ay may mahusay na talento sa iba’t ibang uri ng kasanayan. (1Ha 7:14; 2Cr 2:7, 13, 14) Maging ang dalubhasang mang-uukit ng imahen o manggagawa ng idolo ay inilalarawan sa pamamagitan ng gayong mga termino. (Isa 40:20; Jer 10:3-9) Ang tusong gawain sa pagnenegosyo ay isa ring anyo ng karunungan.—Eze 28:4, 5.
Maaaring makamit ng isa ang gayong uri ng karunungan kahit na siya ay walang espirituwal na karunungan na partikular na inirerekomenda ng Kasulatan. Gayunpaman, maaaring paghusayin ng espiritu ng Diyos ang ilan sa mga uring ito ng karunungan kapag ang mga ito ay mapakikinabangan sa pagsasakatuparan ng kaniyang layunin. Pinakilos ng kaniyang espiritu yaong mga nagtayo ng tabernakulo at gumawa ng mga kasangkapan nito pati na yaong mga naghabi ng makasaserdoteng mga kasuutan, mga lalaki’t babae, anupat napuspos sila kapuwa ng ‘karunungan at unawa.’ Sa gayo’y hindi lamang nila naunawaan kung ano ang ninanais ipagawa at ang pamamaraan upang matapos ang gawain kundi naipamalas din nila ang talento, sining, imahinasyon, at pagpapasiya na kailangan upang makapagdisenyo at makalikha ng napakahusay na mga gawa.—Exo 28:3; 31:3-6; 35:10, 25, 26, 31, 35; 36:1, 2, 4, 8.
Sinaunang mga taong marurunong. Noong sinaunang panahon, ang mga lalaking kilala sa kanilang karunungan at payo ay lubhang pinahahalagahan ng mga hari at ng iba pa, gaya rin sa ngayon. Ang Ehipto, Persia, Caldea, Edom, at iba pang mga bansa ay nagkaroon ng mga lupon ng “taong marurunong.” (Exo 7:11; Es 1:13; Jer 10:7; 50:35; Ob 8) Maliwanag na kabilang sa mga lupong iyon ang mga saserdote at mga opisyal ng pamahalaan, ngunit hindi lamang sila. Malamang na kabilang din sa mga iyon ang lahat ng ‘matatanda’ ng mga bansa na partikular na napabantog dahil sa kanilang karunungan at nakatira malapit sa kabisera anupat madali silang mahihingan ng payo. (Ihambing ang Gen 41:8; Aw 105:17-22; Isa 19:11, 12; Jer 51:57.) Ang mga monarka ng Persia ay may pribadong sanggunian ng pitong marurunong na tao para sa mabilisang konsultasyon (Es 1:13-15), at ang mga nakabababang opisyal ng Persia ay maaaring mayroon ding sariling kawanihan ng taong marurunong.—Es 6:13.
Sa tulong ng espiritu ng Diyos, si Jose ay nagpamalas ng gayong pagkamaingat at karunungan anupat inatasan siya ng namamahalang Paraon ng Ehipto bilang kaniyang punong ministro. (Gen 41:38-41; Gaw 7:9, 10) Si Moises ay ‘tinuruan sa lahat ng karunungan ng mga Ehipsiyo’ at naging “makapangyarihan sa kaniyang mga salita at mga gawa” bago pa man siya atasan ng Diyos bilang kaniyang tagapagsalita. Ngunit hindi ang karunungan at kakayahang ito bilang tao ang nagpaging-kuwalipikado kay Moises para sa layunin ng Diyos. Pagkatapos ng kaniyang unang pagtatangka (sa edad na mga 40) na tulungan ang kaniyang mga kapatid na Israelita, kinailangan pang maghintay ni Moises nang 40 taon bago siya isugo ng Diyos upang akayin ang Israel palabas ng Ehipto, noong siya’y isa nang taong marunong sa espirituwal na paraan.—Gaw 7:22-36; ihambing ang Deu 34:9.
Marunong na si Solomon bago pa siya lubusang maghari (1Ha 2:1, 6, 9), ngunit mapagpakumbaba niyang kinilala na siya ay “isang munting bata lamang” nang manalangin siya kay Jehova at humingi ng kaniyang tulong sa paghatol sa bayan ng Diyos. Ginantimpalaan siya ng “isang marunong at may-unawang puso” na hindi napantayan ng sinuman sa mga hari ng Juda. (1Ha 3:7-12) Nahigitan ng kaniyang karunungan ang bantog na karunungan ng mga taga-Silangan at ng Ehipto, anupat ang Jerusalem ay madalas puntahan noon ng mga monarka o ng kanilang mga kinatawan upang matuto sila mula sa Judeanong hari. (1Ha 4:29-34; 10:1-9, 23-25) May mga babae rin noong sinaunang mga panahon na nakilala sa kanilang karunungan.—2Sa 14:1-20; 20:16-22; ihambing ang Huk 5:28, 29.
Hindi laging ginagamit para sa kabutihan. Ang karunungan ng tao ay maaaring gamitin para sa kabutihan o sa kasamaan. Sa huling nabanggit na kaso, maliwanag na nahahayag ito bilang karunungan na makalaman, hindi espirituwal, hindi mula sa Diyos. Si Jehonadab ay “isang taong napakarunong,” ngunit ang kaniyang payo sa anak ni David na si Amnon ay salig sa tusong estratehiya at manipulasyon ng mga tao sa pamamagitan ng panlilinlang, anupat nagdulot ng kahina-hinalang tagumpay at kapaha-pahamak na mga resulta. (2Sa 13:1-31) May-katusuhang nangampanya si Absalom upang alisin sa trono ang kaniyang amang hari na si David (2Sa 14:28-33; 15:1-6) at nang masakop niya ang Jerusalem, hiningan niya ng payo ang dalawa sa mga tagapayo ng kaniyang ama, sina Ahitopel at Husai, may kinalaman sa iba pang mga hakbang na maaari niyang may-katusuhang gawin. Palaging tumpak ang matalinong payo ni Ahitopel anupat waring ito’y nagmumula sa Diyos. Gayunpaman, siya’y naging isang traidor sa pinahiran ng Diyos, at pinangyari ni Jehova na tanggihan ang kaniyang matalinong plano sa pagbabaka at mapili yaong plano ng tapat na si Husai, na may-kahusayang nagsamantala sa kapalaluan at mga kahinaan ni Absalom upang mapabagsak ito. (2Sa 16:15-23; 17:1-14) Gaya ng isinulat ni Pablo tungkol sa Diyos: “‘Hinuhuli niya ang marurunong sa kanilang sariling katusuhan.’ At muli: ‘Alam ni Jehova na ang mga pangangatuwiran ng mga taong marurunong ay walang saysay.’”—1Co 3:19, 20; ihambing ang Exo 1:9, 10, 20, 21; Luc 20:19-26.
Sa kalaunan, inakay ng apostatang mga saserdote, mga propeta, at marurunong na tao ng bansang Israel ang taong-bayan upang salansangin ang payo at mga utos ng Diyos na sinalita ng kaniyang matapat na mga lingkod. (Jer 18:18) Dahil dito, pinangyari ni Jehova na ‘ang karunungan ng kanilang mga taong marurunong ay maglaho, at ang pagkaunawa ng kanilang mga taong maiingat ay magkubli’ (Isa 29:13, 14; Jer 8:8, 9), anupat winasak niya ang 500-taóng-gulang na kaharian (gaya ng ginawa niya nang maglaon sa mapagmapuring tagawasak ng Jerusalem, ang Babilonya, at sa mapaghambog na dinastiya ng Tiro). (Isa 47:10-15; Eze 28:2-17) Tinanggihan ng mga ito ang espirituwal na karunungan at pinili ang makalamang karunungan.
Ang kawalang-kabuluhan ng karamihan sa karunungan ng tao. Nang siyasatin niya “ang kapaha-pahamak na kaabalahan” na idinulot sa sangkatauhan ng kasalanan at di-kasakdalan, tinimbang ni Haring Solomon ang halaga ng karunungang pinauunlad ng mga tao sa pangkalahatan at nasumpungan niyang iyon ay “paghahabol sa hangin.” Ang kaguluhan, katiwalian, at mga kakulangan sa di-sakdal na lipunan ng tao ay labis-labis kaysa sa kayang ituwid o pagtakpan ng tao, anupat yaong ‘nagtatamo ng saganang karunungan’ ay dumaranas ng higit na pagkabigo at pagkainis, maliwanag na dahil lubusan nilang natatanto na wala silang gaanong magagawa upang mapabuti ang mga kalagayan.—Ec 1:13-18; 7:29; ihambing ang Ro 8:19-22, kung saan ipinakikita ng apostol ang paglalaan ng Diyos upang wakasan ang pagkaalipin ng sangkatauhan sa kasiraan at ang pagpapasakop nito sa kawalang-saysay.
Nasumpungan din ni Solomon na bagaman ang gayong karunungan ng tao ay nakalilikha ng iba’t ibang kaluguran at kahusayan na nagdudulot ng materyal na kayamanan, hindi ito makapagdudulot ng tunay na kaligayahan o namamalaging kasiyahan. Ang taong marunong ay namamatay kasama ng hangal, anupat hindi nalalaman kung ano ang mangyayari sa kaniyang mga pag-aari, at ang kaniyang karunungan bilang tao ay naglalaho sa libingan. (Ec 2:3-11, 16, 18-21; 4:4; 9:10; ihambing ang Aw 49:10.) Kahit habang siya’y nabubuhay, “ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari” ay maaaring magdulot ng biglang kapahamakan, anupat ang marunong ay naiiwang wala kahit ng mga pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain. (Ec 9:11, 12) Sa pamamagitan ng kaniyang sariling karunungan, kailanman ay hindi matutuklasan ng tao ang “gawa ng tunay na Diyos,” anupat hindi siya kailanman magtatamo ng mapananaligang kaalaman kung paano lulutasin ang pinakamalulubhang suliranin ng tao.—Ec 8:16, 17; ihambing ang Job kab 28.
Hindi naman sinasabi ni Solomon na lubusang walang kabuluhan ang karunungan ng tao. Kung ihahambing sa kamangmangan, na kaniya ring siniyasat, ang kapakinabangan ng karunungan kaysa sa kahibangan ay gaya niyaong kapakinabangan ng “liwanag kaysa sa kadiliman.” Ito’y sapagkat ang mga mata ng taong marunong “ay nasa kaniyang ulo,” anupat nakatutulong sa kaniyang pag-iisip, samantalang ang mga mata ng taong hangal ay hindi nakakakita taglay ang kaunawaan. (Ec 2:12-14; ihambing ang Kaw 17:24; Mat 6:22, 23.) Ang karunungan ay pananggalang na mas nakahihigit ang halaga kaysa sa salapi. (Ec 7:11, 12) Ngunit ipinakita ni Solomon na may pasubali ang halaga nito, anupat lubusang nakadepende sa kung ito’y nakaayon sa karunungan at layunin ng Diyos. (Ec 2:24; 3:11-15, 17; 8:12, 13; 9:1) Baka ang isang tao ay magpakalabis sa pagsisikap na magpakita ng karunungan, anupat gumagawi na siya nang lampas sa kaniyang di-sakdal na kakayahan sa isang landasing makasasama sa kaniyang sarili. (Ec 7:16; ihambing ang 12:12.) Ngunit sa pamamagitan ng masunuring paglilingkod sa kaniyang Maylalang at pagiging kontento sa pagkain, inumin, at sa kabutihang dulot sa kaniya ng kaniyang pagpapagal, bibigyan siya ng Diyos ng kinakailangang “karunungan at kaalaman at kasayahan.”—Ec 2:24-26; 12:13.
Salungat sa sagradong lihim ng Diyos. Sa paglipas ng mga siglo, ang sangkatauhan ay nakapagtipon ng karunungan. Ang karamihan nito ay itinuturo sa mga paaralan at sa pamamagitan ng iba pang mga paraan ng pagtuturo, samantalang ang ilan ay natatamo ng mga indibiduwal sa pamamagitan ng personal na pakikisama sa iba o karanasan. Mahalagang malaman ng isang Kristiyano kung ano ang tamang saloobin na dapat niyang taglayin pagdating sa gayong uri ng karunungan. Sa isang ilustrasyon tungkol sa isang di-matuwid na katiwalang nagmanipula sa mga pautang ng kaniyang panginoon sa ilang tao upang magkaroon siya ng tiwasay na kinabukasan, inilarawan ni Jesus ang katiwala bilang ‘kumikilos nang may praktikal na karunungan [phro·niʹmos, “nang may kapantasan”].’ Gayunman, ang katalinuhan at malayong pananaw na ito ay ang praktikal na karunungan ng “mga anak ng sistemang ito ng mga bagay,” hindi niyaong sa “mga anak ng liwanag.” (Luc 16:1-8, Int) Bago nito, pinuri ni Jesus ang kaniyang makalangit na Ama dahil ikinubli Niya ang ilang katotohanan mula sa “marurunong at matatalino” samantalang isiniwalat niya ang mga ito sa kaniyang mga alagad, na kung ihahambing ay gaya ng “mga sanggol.” (Luc 10:21-24) Ang mga eskriba at mga Pariseo, na nag-aral sa mga paaralang rabiniko, ay kabilang sa marurunong at matatalino na iyon.—Ihambing ang Mat 13:54-57; Ju 7:15.
Noong unang siglong iyon, pantanging napabantog ang mga Griego dahil sa kanilang kultura at natipong kaalaman, sa kanilang mga paaralan at mga grupo ng mga pilosopo. Malamang na ito ang dahilan kung kaya iniugnay ni Pablo ang ‘mga Griego at mga Barbaro’ sa ‘marurunong at mga hangal.’ (Ro 1:14) Ipinakadiin ni Pablo sa mga Kristiyanong nasa Corinto, Gresya, na ang Kristiyanismo ay hindi umaasa sa “karunungan [so·phiʹan] ng sanlibutan,” samakatuwid nga, ang sanlibutan ng sangkatauhang hiwalay sa Diyos, ni nakikilala man sa pamamagitan niyaon. (1Co 1:20; tingnan ang SANLIBUTAN [Ang sanlibutang hiwalay sa Diyos].) Hindi naman ibig sabihin na walang kapaki-pakinabang o mabuti sa napakaraming aspekto ng karunungan ng sanlibutan, sapagkat kung minsan ay ginagamit ni Pablo ang kasanayang natutuhan niya sa hanapbuhay na paggawa ng tolda at may mga panahon na sumisipi rin siya mula sa mga akdang pampanitikan ng makasanlibutang mga awtor upang ilarawan ang partikular na mga punto ng katotohanan. (Gaw 18:2, 3; 17:28, 29; Tit 1:12) Ngunit ang pangmalas, mga pamamaraan, mga pamantayan, at mga tunguhin ng sanlibutan sa pangkalahatan—ang pilosopiya nito—ay hindi kasuwato ng katotohanan, anupat salungat sa ‘karunungan ng Diyos sa sagradong lihim.’
Dahil sa karunungan nito, tinanggihan ng sanlibutan ang paglalaan ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo at itinuring itong kamangmangan. Ang mga tagapamahala nito, bagaman marahil ay mahuhusay at matatalinong administrador, ang ‘nagpabayubay sa maluwalhating Panginoon.’ (1Co 1:18; 2:7, 8) Ngunit ngayon ay pinatutunayan ng Diyos na ang karunungan ng marurunong sa sanlibutan ay kamangmangan, anupat hinihiya ang kanilang marurunong sa pamamagitan ng paggamit Niya sa itinuturing nilang “isang mangmang na bagay ng Diyos,” gayundin sa mga taong itinuturing nilang ‘mangmang, mahihina, at mabababa,’ upang matupad ang Kaniyang di-mahahadlangang layunin. (1Co 1:19-28) Ipinaalaala ni Pablo sa mga Kristiyanong taga-Corinto na “ang karunungan ng sistemang ito ng mga bagay [at] yaong sa mga tagapamahala ng sistemang ito ng mga bagay” ay mawawalang-kabuluhan; samakatuwid, ang gayong karunungan ay hindi bahagi ng espirituwal na mensahe ng apostol. (1Co 2:6, 13) Nagbabala siya sa mga Kristiyano sa Colosas laban sa pagiging nasilo ng “pilosopiya [phi·lo·so·phiʹas, sa literal, pag-ibig sa karunungan] at walang-katuturang panlilinlang ayon sa tradisyon ng mga tao.”—Col 2:8; ihambing ang tal 20-23.
Sa kabila ng pansamantalang mga pakinabang at mga tagumpay nito, ang karunungan ng sanlibutan ay nakatalagang magbunga ng kabiguan. Ngunit ang Kristiyanong kongregasyon ng mga pinahiran ng Diyos ay may espirituwal na karunungang aakay sa “di-maarok na kayamanan ng Kristo.” Yamang ang kongregasyong iyan ay bahagi ng sagradong lihim ng Diyos, sa pamamagitan ng pakikitungo niya rito at ng kaniyang mga layuning natupad dito ay kaniyang ipinaalam o isiniwalat “ang malawak na pagkakasari-sari ng karunungan ng Diyos” sa pamamagitan ng kongregasyon, maging sa “mga pamahalaan at sa mga awtoridad sa makalangit na mga dako.” (Efe 3:8-11; 1:17, 18; ihambing ang 1Pe 1:12.) Palibhasa’y taglay ng mga miyembro nito “ang pag-iisip ni Kristo” (ihambing ang Fil 2:5-8), sila ay may kaalaman at unawa na lubhang nakahihigit kaysa sa taglay ng sanlibutan, kaya naman makapagsasalita sila, “hindi sa pamamagitan ng mga salitang itinuro ng karunungan ng tao, kundi sa pamamagitan niyaong itinuro ng espiritu,” na may “bibig at karunungan” na hindi mapasisinungalingan ng mga sumasalansang, bagaman ang mga Kristiyanong iyon ay maaaring hinahamak bilang mga “walang pinag-aralan at pangkaraniwan” ayon sa pamantayan ng sanlibutan.—1Co 2:11-16; Luc 21:15; Gaw 4:13; 6:9, 10.
Pakikipagdigma sa espirituwal. Sa kaniyang espirituwal na pakikipagdigma laban sa sinumang nagbabantang pasamain ang mga kongregasyong Kristiyano, gaya niyaong nasa Corinto, nanalig ang apostol na si Pablo sa makadiyos na karunungan. (1Co 5:6, 7, 13; 2Co 10:3-6; ihambing ang 2Co 6:7.) Batid niya na “ang karunungan ay mas mabuti kaysa sa mga kagamitan sa labanan, at kahit isa lamang makasalanan ay makasisira ng maraming kabutihan.” (Ec 9:18; 7:19) Ang nabanggit niyang “pagtitiwarik ng mga bagay na matibay ang pagkakatatag” (2Co 10:4) ay katugma ng ideya ng pagkakasalin ng Griegong Septuagint sa isang bahagi ng Kawikaan 21:22. Batid ni Pablo ang hilig ng tao na bigyan ng pangunahing atensiyon yaong mga may kahanga-hangang paggawi, talento, o malakas na personalidad at mapuwersang pananalita. Batid niya na ang ‘tahimik na pananalita ng taong marunong na may kakaunting materyal na kayamanan’ ay madalas ipagwalang-bahala kaysa roon sa mga nagtitinging nakahihigit sa kapangyarihan. (Ihambing ang Ec 9:13-17.) Maging si Jesus, na hindi nagkaroon ng makalupang yaman at posisyon na tinaglay ni Solomon ngunit nagtaglay ng lubhang nakahihigit na karunungan, ay hindi gaanong iginalang at pinansin ng mga tagapamahala at ng taong-bayan.—Ihambing ang Mat 12:42; 13:54-58; Isa 52:13-15; 53:1-3.
Para sa mga naghahambog sa makalamang mga kakayahan (ihambing ang pagkakaiba ng Jer 9:23, 24) sa halip na sa puso, ang personal na hitsura ni Pablo ay “mahina at ang kaniyang pananalita ay kahamak-hamak.” (2Co 5:12; 10:10) Ngunit iniwasan niya ang anumang karangyaan ng pananalita o ang pagtatanghal ng karunungan ng tao at ng kapangyarihan nitong manghikayat, upang ang pananampalataya ng kaniyang mga tagapakinig ay mapatibay sa pamamagitan ng espiritu at kapangyarihan ng Diyos at masalig kay Kristo sa halip na sa “karunungan ng tao.” (1Co 1:17; 2:1-5; 2Co 5:12) Dahil sa taglay niyang malayong pananaw sa espirituwal, si Pablo ay “isang marunong na tagapangasiwa ng mga gawain,” hindi sa pagtatayo ng materyal na mga bagay kundi sa pagtatayo sa espirituwal, anupat gumagawang kasama ng Diyos upang makagawa ng mga alagad na nagpapamalas ng tunay na mga katangiang Kristiyano.—1Co 3:9-16.
Kaya nga, gaanuman kalaking karunungan ng sanlibutan ang taglay ng isa dahil sa kaniyang kasanayan sa mga hanapbuhay, talino sa komersiyo, kakayahan sa pangangasiwa, o pinag-aralan sa siyensiya o pilosopiya, ang alituntunin ay: “Kung iniisip ng sinuman sa inyo na siya ay marunong sa sistemang ito ng mga bagay, magpakamangmang siya, upang siya ay maging marunong.” (1Co 3:18) Ang tanging dapat niyang ipagmalaki ay ang ‘pagkakaroon ng kaunawaan at kaalaman tungkol kay Jehova, ang Isa na nagpapakita ng maibiging-kabaitan, katarungan at katuwiran sa lupa,’ sapagkat dito nalulugod si Jehova.—Jer 9:23, 24; 1Co 1:31; 3:19-23.
May-karunungang pangangasiwa. Gaya ng sabi ng karunungan na binigyang-katauhan: “Ako ay may payo at praktikal na karunungan. Ako—ang pagkaunawa; ako ay may kapangyarihan. Sa pamamagitan ko ay naghahari ang mga hari, at ang matataas na opisyal ay nagtatalaga ng katuwiran. Sa pamamagitan ko ay namamahala ang mga prinsipe bilang mga prinsipe, at ang lahat ng mga taong mahal ay humahatol sa katuwiran. Yaong mga umiibig sa akin ay iniibig ko, at yaong mga humahanap sa akin ang siyang nakasusumpong sa akin.” (Kaw 8:12, 14-17) Nagpapamalas ang Mesiyanikong Hari ng gayong nakahihigit na karunungang mula sa Diyos. (Isa 11:1-5; ihambing ang Apo 5:12.) Nakahihigit ito sa kakayahan na maaaring likas na tinataglay o nalilinang ng mga tao, anupat ang isa ay nagiging marunong sa mga simulain ng kautusan ng Diyos at, sa tulong ng kaniyang espiritu, nakapaglalapat siya ng mga hudisyal na pasiya na tama at walang pagtatangi. (Ezr 7:25; 1Ha 3:28; Kaw 24:23; ihambing ang Deu 16:18, 19; San 2:1-9.) Hindi ipinagwawalang-bahala ng gayong karunungan ang kabalakyutan kundi nakikipagdigma ito laban doon.—Kaw 20:26.
Ang mga lalaking pinili ukol sa mga pananagutan sa loob ng kongregasyong Kristiyano ay nagiging kuwalipikado, hindi dahil sa makasanlibutang tagumpay, makalamang karunungan, o likas na mga kakayahan, kundi dahil sa sila’y “puspos ng espiritu at [makadiyos na] karunungan.” (Gaw 6:1-5; ihambing ang 1Ti 3:1-13; Tit 1:5-9.) Ang mga lalaking iyon ay kabilang sa “mga propeta at mga taong marurunong at mga pangmadlang tagapagturo” na ipinangako ni Jesus na isusugo niya, at maaari rin silang maglingkod bilang mga hukom at mga tagapayo sa loob ng kongregasyon, kung paanong ang Israel sa laman ay nagkaroon ng mga taong marurunong na naglingkod sa katulad na mga paraan. (Mat 23:34; 1Co 6:5) Nababatid nila ang kahalagahan ng pagsasanggunian.—Kaw 13:10; 24:5, 6; ihambing ang Gaw 15:1-22.
Pagtatamo ng Tunay na Karunungan. Nagpapayo ang kawikaan: “Bilhin mo ang katotohanan at huwag mong ipagbili iyon—karunungan at disiplina at pagkaunawa.” (Kaw 23:23) Si Jehova, ang Bukal ng tunay na karunungan, ay bukas-palad na nagbibigay niyaon sa mga taimtim na humahanap at humihingi niyaon nang may pananampalataya, na nagpapakita ng kapaki-pakinabang at mapitagang pagkatakot sa kaniya. (Kaw 2:1-7; San 1:5-8) Ngunit ang naghahanap ay dapat gumugol ng panahon sa pag-aaral ng Salita ng Diyos; dapat niyang matutuhan ang Kaniyang mga utos, mga kautusan, mga paalaala, at payo; dapat niyang isaalang-alang ang kasaysayan ng mga pagkilos at mga gawa ng Diyos; at pagkatapos ay kailangan niyang ikapit ang mga ito sa kaniyang buhay. (Deu 4:5, 6; Aw 19:7; 107:43; 119:98-101; Kaw 10:8; ihambing ang 2Ti 3:15-17.) May-karunungan niyang binibili ang naaangkop na panahon, anupat hindi kumikilos nang di-makatuwiran sa isang balakyot na panahon, kundi ‘inuunawa kung ano ang kalooban ni Jehova.’ (Efe 5:15-20; Col 4:5, 6) Dapat din niyang linangin ang isang matibay na pananampalataya at di-natitinag na pananalig na ang kapangyarihan ng Diyos ay hindi magagapi, na siguradong magtatagumpay ang Kaniyang kalooban, at na tiyak ang Kaniyang pangako na gagantimpalaan niya ang matapat at na may kakayahan siyang gawin iyon.—Heb 11:1, 6; 1Co 15:13, 14, 19.
Sa ganitong paraan lamang makagagawa ng tamang mga pasiya ang isang tao hinggil sa kaniyang landasin sa buhay at hindi maiimpluwensiyahan ng takot, kasakiman, imoral na pagnanasa, at iba pang nakapipinsalang emosyon. (Kaw 2:6-16; 3:21-26; Isa 33:2, 6) Gaya ng sabi ng karunungan na binigyang-katauhan: “Maligaya ang taong nakikinig sa akin sa pamamagitan ng pananatiling gising sa aking mga pintuan araw-araw, sa pamamagitan ng pagbabantay sa mga poste ng aking mga pasukan. Sapagkat yaong nakasusumpong sa akin ay tiyak na makasusumpong ng buhay, at nagtatamo ng kabutihang-loob mula kay Jehova. Ngunit ang sumasala sa akin ay gumagawa ng karahasan sa kaniyang kaluluwa; ang lahat niyaong masidhing napopoot sa akin ang siyang umiibig sa kamatayan.”—Kaw 8:34-36; 13:14; 24:13, 14.
Ang karunungan at ang puso. Maliwanag na ang talino ay isang pangunahing salik sa karunungan, subalit ang puso, na may kaugnayan hindi lamang sa pag-iisip kundi maging sa motibo at damdamin, ay maliwanag na isang mas mahalagang salik sa pagtatamo ng tunay na karunungan. (Aw 49:3, 4; Kaw 14:33; tingnan ang PUSO.) Ang lingkod ng Diyos ay nagnanais na magtamo ng “tunay na karunungan” sa kaniyang “lihim na pagkatao,” anupat nagkakaroon ng matalinong motibo sa pagpaplano ng kaniyang landasin sa buhay. (Ihambing ang Aw 51:6, 10; 90:12.) “Ang puso ng marunong ay nasa kaniyang kanang kamay [samakatuwid nga, handang tumulong sa kaniya at ipagsanggalang siya sa kritikal na mga sandali (ihambing ang Aw 16:8; 109:31)], ngunit ang puso ng hangal ay nasa kaniyang kaliwang kamay [anupat hindi siya pinapatnubayan sa landasin ng karunungan].” (Ec 10:2, 3; ihambing ang Kaw 17:16; Ro 1:21, 22.) Sinasanay at dinidisiplina ng taong tunay na marunong ang kaniyang puso sa daan ng karunungan (Kaw 23:15, 16, 19; 28:26); para bang isinulat niya ang matuwid na mga utos at kautusan ‘sa tapyas ng kaniyang puso.’—Kaw 7:1-3; 2:2, 10.
Karanasan at tamang pakikipagsamahan. Malaki ang naidaragdag ng karanasan sa karunungan. Maging si Jesus ay sumulong sa karunungan habang siya’y nagdaraan sa pagkabata. (Luc 2:52) Inatasan ni Moises bilang mga pinuno ang “marurunong at maiingat at makaranasang” mga lalaki. (Deu 1:13-15) Bagaman ang isang tao ay natututo ng kaunting karunungan kapag dumaranas siya ng kaparusahan o kapag naoobserbahan niya ang iba na tumatanggap niyaon (Kaw 21:11), isang nakahihigit at mas madaling paraan ang pagkatuto mula sa karanasan niyaong marurunong na, anupat pinipili silang makasama kaysa roon sa “mga walang-karanasan.” (Kaw 9:1-6; 13:20; 22:17, 18; ihambing ang 2Cr 9:7.) Mas malamang na mayroon nang gayong karunungan ang mga nakatatanda, partikular na yaong mga kakikitaan ng katibayan na taglay nila ang espiritu ng Diyos. (Job 32:7-9) Isang kapansin-pansing halimbawa nito ay ang nangyari noong panahong naghahari si Rehoboam. (1Ha 12:5-16) Gayunman, “mas mabuti ang batang nagdarahop ngunit marunong [para sa kaniyang edad] kaysa sa haring matanda na ngunit hangal, na walang sapat na nalalaman upang tumanggap pa ng babala.”—Ec 4:13-15.
Sa mga pintuang-daan ng mga lunsod (na kadalasa’y may karatig na mga liwasan) nagbibigay ng matalinong payo at mga hudisyal na pasiya ang matatandang lalaki. (Ihambing ang Kaw 1:20, 21; 8:1-3.) Kadalasan, ang tinig ng mga mangmang ay hindi naririnig sa gayong mga lugar (alinman sa humihingi ng karunungan o nag-aalok niyaon), palibhasa’y sa ibang dako sila dumadaldal. (Kaw 24:7) Bagaman ang pakikipagsamahan sa marurunong ay nagdudulot ng disiplina at manaka-nakang pagsaway, malayong mas mabuti ito kaysa sa awit at tawa ng hangal. (Ec 7:5, 6) Sa dakong huli, ang taong nagbubukod ng kaniyang sarili, anupat sinusunod ang kaniyang makitid na pangmalas sa buhay at ang kaniyang sakim na mga pagnanasa, ay lumilihis at sumasalansang sa lahat ng praktikal na karunungan.—Kaw 18:1.
Nahahayag sa personal na paggawi at pananalita. Sinasabi ng Kawikaan 11:2 na “ang karunungan ay nasa mga mahinhin”; binabanggit naman ni Santiago ang “kahinahunan na nauukol sa karunungan.” (San 3:13) Kapag ang isang tao ay may paninibugho, pakikipagtalo, pagyayabang, o pagkasutil, ipinahihiwatig nito na siya ay walang tunay na karunungan at sa halip ay nagpapadala sa karunungan na “makalupa, makahayop, makademonyo.” Ang tunay na karunungan ay “mapayapa, makatuwiran, handang sumunod.” (San 3:13-18) “Ang tungkod ng kapalaluan ay nasa bibig ng mangmang, ngunit ang mga labi ng marurunong ang magbabantay sa kanila.” Buong-karunungan silang nagpipigil mula sa pangahas, malupit, o padalus-dalos na pananalita. (Kaw 14:3; 17:27, 28; Ec 10:12-14) Sa dila at mga labi ng marurunong nagmumula ang pananalitang pinag-isipan nang mabuti, nakagagaling, kaayaaya, kapaki-pakinabang (Kaw 12:18; 16:21; Ec 12:9-11; Col 3:15, 16), at sa halip na magsulsol ng kaguluhan, sinisikap nilang magdulot ng katahimikan at ‘magwagi ng mga kaluluwa’ sa pamamagitan ng matalinong panghihikayat.—Kaw 11:30; 15:1-7; 16:21-23; 29:8.
Yaong mga ‘marurunong sa kanilang sariling paningin,’ anupat nagtataas ng kanilang sarili sa iba (kahit sa Diyos), ay mas malala kaysa sa taong hangal ngunit hindi nagpapanggap na marunong. (Kaw 26:5, 12; 12:15) Ang gayong mga taong mapagmapuri ay masyadong palalo para tumanggap ng pagtutuwid. (Kaw 3:7; 15:12; Isa 5:20, 21) Kapuwa ang taong tamad at ang taong mayaman ay nakahilig na magkaroon ng ganitong saloobin. (Kaw 26:16; 28:11; ihambing ang 1Ti 6:17.) Ngunit “ang hikaw na ginto, at ang palamuting yari sa pambihirang ginto, ay marunong na tagasaway sa taingang nakikinig” (Kaw 25:12); oo, “sawayin mo ang taong marunong at iibigin ka niya.”—Kaw 9:8; 15:31-33.
Karunungan sa pamilya. Ang karunungan ay nagpapatibay sa isang sambahayan, hindi lamang sa isang gusali, kundi sa pamilya at sa matagumpay na buhay nito bilang isang yunit. (Kaw 24:3, 4; ihambing ang Kaw 3:19, 20; Aw 104:5-24.) Hindi ipinagkakait ng marurunong na magulang ang pamalo at ang saway, kundi sa pamamagitan ng disiplina at payo ay ipinagsasanggalang nila ang kanilang mga anak mula sa pagkadelingkuwente. (Kaw 29:15) Malaki ang naitutulong ng marunong na asawang babae ukol sa ikatatagumpay at ikaliligaya ng kaniyang pamilya. (Kaw 14:1; 31:26) Ang mga anak na buong-karunungang nagpapasakop sa disiplina ng kanilang mga magulang ay nagdudulot ng kagalakan at karangalan sa kanilang pamilya, anupat iniingatan ang reputasyon nito laban sa paninirang-puri o akusasyon, at nagbibigay ng patotoo sa iba hinggil sa karunungan ng kanilang ama at sa pagsasanay nito sa kanila.—Kaw 10:1; 13:1; 15:20; 23:24, 25; 27:11.